CHAPTER 1
Patapos na si Kristina sa pagpapalantsa ng damit na susuotin ng kaniyang asawa nang tumunog ang alarm ng kaniyang selpon. Nakalimutan yata niyang patayin ito kanina.
Pagkatapos niyang ilapag ang mga damit ng kaniyang asawa sa kanilang higaan para magbibihis na lang ito kapagka tapos na itong maligo ay ang siya namang paglabas niya sa kwarto. Nakapagluto na rin siya ng kakainin ng kanyang asawa bago ito umalis papuntang trabaho at ngayon ay ihahanda niya na lamang ang mainit nitong kape.
May ngiting gumuhit sa kaniyang mga labi habang inihahanda niya ang kape ng kanyang asawa. Ngayon kasi ang araw ng kanilang anibersaryo bilang mag-asawa.
Nang maihain na niya ang lahat ay ipinunas niya ang kaniyang mga basang kamay sa suot-suot niyang puting damit na may kaluwagan.
Sa itsura pa lang niya ay kitang-kita kung gaano na niya minsan napapabayaan ang kaniyang sarili dahil sa pagsisilbi sa kaniyang mga minamahal sa buhay. Nakatali ang kaniyang mahabang buhok na may mga iilang hiblang nakalugay at kita rin ang kaniyang mga matang tila kulang sa tulog at pahinga—ibang-iba sa dating Kristina noon.
“Sweetheart! Mahuhuli ka na naman sa meeting ninyo. Halika na rito at kumain ka na!” sigaw ni Kristina upang marinig ni Marco at kasunod noon ay ang pagkarinig niya ng mga yabag ng kaniyang asawa pababa ng hagdan na nagmamadali.
Napakunot-noo naman si Kristina nang makitang hindi man lang maayos ang pagkakurbata nito kaya agad naman siyang lumapit.
Umatras naman si Marco sa paglapit ng kaniyang asawa. “Ako na, madudumihan mo pa ako,” reklamo niya ngunit hindi ito makatingin sa mga mata ni Kristina bagkus nilampasan niya ito at tumungo kung saan nakalagay ang kape.
Tila natigilan at nanigas naman si Kristina sa kaniyang kinatatayuan at hindi malaman ang gagawin. Tiningnan niya ang kaniyang mga kamay at napakagat labi dahil tama nga ang kaniyang asawa hindi pa nga pala siya nakakapaghugas ng kaniyang kamay dahil katatapos niya lang magplantsa kanina.
Pilit siyang ngumiti at hinarap ang kaniyang asawa na ngayon ay kumakain na. Habang kumakain ito ay hindi niya pa rin mapigilang hindi punain ang asal nito sa pagkain dahil pati lamesa ay natatalsikan pa ng ketsap at ang kape naman na inilagay niya mismo sa isang maliit na platito upang hindi ito matapon ay natatapon pa rin pati na rin ang pagnguya nito ng pagkain.
Sa halip na pagsabihan ay ipinagsawalang bahala niya na lamang ito dahil alam niyang susukmahin lamang siya ni Marco at mag-aaway na naman sila. Mahalaga ang araw na ito para sa kaniya at ayaw niyang masira ito. Hinihintay niya lang na batiin siya mismo ng kaniyang asawa ngunit tila wala itong balak o baka susurpresahin siya nito gaya noon.
Naglakad siya kung nasaan ang lababo at ipinagpatuloy ang kaniyang naudlot na huhugasin kanina dahil mas inuna niya ang pagpaplantsa.
“I'm going to make something for dinner, and I'm hoping you'll get home early,” wika niya at rinig niya naman ang pagtikhim nito pagkatapos uminom ng kape.
“I'm not sure if I'll be on time, but one thing is certain: I'll be home, okay?” sagot ni Marco at dali-daling tumayo mula sa pagkakaupo dahilan upang masagi niya ang kape na hindi pa ubos at kumalat ito sa lamesa.
Bago pa man siya makapagsalita ay wala na ito sa kaniyang harapan. Ni hindi man lang ito humalik sa kaniya gaya ng nakagawian nito ngunit marahil ay nakalimutan lang ng kanyang asawa.
Naiwang mag-isa na lang si Kristina sa kanilang malaking bahay. May sarili na rin kasing buhay ang nag-iisa niyang anak na babae, si Celine at kasalukuyan itong nag-aaral sa ibang bansa.
Napabuntong-hininga na lamang siya at sinimulang linisin ang pinagkainan ng kaniyang asawa. Habang pinupunasan niya ang natapong kape ay ganoon din ang pagtulo ng kaniyang maiinit na luha sa kaniyang mga mata. Dali-dali naman niya itong pinunasan gamit ang likod ng kaniyang kamay at suminghot. Hindi niya mapigilang hindi maawa sa kaniyang sitwasyon ngunit winaksi niya iyon sa kaniyang isipan dahil alam niyang kinakawawa lang niya ang kaniyang sarili.
Mas binigyang pansin na lang ni Kristina ang kaniyang ginagawa upang maging okupado ang kaniyang isipan. Pagkatapos ng lahat ng mga gawaing bahay ay napagdesisyonan niyang mamili ng kaniyang iluluto para mamayang gabi.
NANG makarating na siya sa AllMart gamit ang kaniyang sasakyan ay tila nalimutan na niya kung kailan siya huling nakapamasyal.
Namataan niya rin kasi ang samo’t-saring mga teenagers na paroo’t parito na may mga ngiti sa kanilang mga labi at puno ng tawanan. Doon siya nakaramdam na masaya nga talaga ang maging dalaga dahil walang masyadong inaalala.
Mayayaman naman ang kanilang angkan—angkan ng mga Razon ang kaniyang ama na siyang namamahala sa mga iilang container terminal services. Noong una ay nadismaya ang kaniyang mga magulang dahil mataas ang pangarap nila sa kaniya ngunit kalaunan ay tinanggap na lang din nila ito dahil wala na rin naman silang magagawa at malaking iskandalo iyon sa kanilang pamilya.
Nasa loob na siya at namimili ng kaniyang iluluto nang may mabangga siyang isang cart. Agad naman siyang humingi ng paumanhin ngunit sa halip na umalis ang kaniyang nabunggo ay tila tumigil pa ito dahilan upang tingnan niya ito at nagulat.
"Merce?"bulalas niya na hindi makapaniwala at ganoon din ang babaeng tinawag niyang Merce.
"Ina? Ikaw na ba ‘yan?" gulat naman nitong tanong at tumili dahilan upang tingnan sila ng mga tao at agad naman siyang humingi ng dispensa sa mga ito at agad na ibinalik ang kaniyang atensyon kay Kristina.
Si Merce ang isa sa pinakamatalik niyang kaibigan simula pa lang noong highschool sila hanggang sa mag-kolehiyo. Siya rin ang taong sumuporta sa kaniyang mga paglilihi noong nag-aaral sila ngunit nagsikaniya-kaniya na silang landas noong sila ay makapagtapos na.
Ilang taon din ang lumipas noong huli silang nagkita at ngayon ay tila pinagtagpo sila ng tadhana.
Agad namang niyapos ni Merce si Kristina at hindi na rin naman siya nagpumiglas bagkus niyakap niya ito pabalik. Hindi pa rin makapaniwala si Kristina na nakauwi na sa Pilipinas ang kaniyang kaibigan dahil tanging sa mga text o social media lang sila nakakapag-usap.
"Kailan ka pa umuwi?" tanong niya nang magkaharap na sila.
"Kahapon lang, Ina, susurprisahin sana kita kaya nga nandito ako ngayon para makapamili ng mga pagkain kasi nga magmo-movie marathon tayong lukaret ka!” bungisngis ni Merce na may kasabay na tili at hinigpitan pa ang hawak sa mga kamay ni Kristina na animo'y gigil na gigil ito.
Kapansin-pansin ang pagbabago ni Merce na noon ay hindi naman ito ganoon mag-ayos ngunit ngayon ay tila mala-artista pa ang kaniyang pananamit. Kumbaga ay alagang-alaga nito ang sarili dahil hanggang ngayon ay single pa rin ito kahit nobyo ay hindi pa siya nagkaroon kailanman kahit na maraming nanliligaw dito ay ni isa sa mga iyon ay wala siyang natipohan.
Isa iyon sa mga nagustuhan ni Kristina dahil kung nakinig lang siya sa kaniya na lasapin na muna raw nila ang kanilang pagiging dalaga sa halip na magkaroon na ng nobyo ay naging mapusok naman siya. Kahit na ganoon ay masaya pa rin naman siya dahil nagkaroon siya ng anak na tulad ni Celine at wala siyang pinagsisisihan doon.
"Tamang-tama wala akong kasama ngayon sa bahay," bungisngis naman ni Kristina at naghahagikhikan naman silang dalawa habang inililiko ang kanilang cart.
Habang namimili sila ay hindi mapigilang punahin ni Merce ang itsura ngayon ng kaniyang kaibigan na noon ay halos kada minuto ay tinitingnan pa nito ang kaniyang mukha sa salamin o pupunta na naman ito sa powder room para lang mag-retouch.
Ibang Kristina na ngayon ang nasa harapan niya, kung hindi ang anyo ng maybahay at may anak. Nakaramdam siya ng awa para sa kaibigan dahil alam niyang hindi naman iyon ang pinangarap nito noon ngunit wala naman siyang magagawa bagkus suportahan at tulungan na lamang ito.
Masyado siyang nagtagal sa labas dahil na rin sa mga ipinapaasikaso sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Isa lang naman ang rason kung bakit siya umuwi at iyon ay si Kristina.
Sa kabilang dako ay para na ring pinipiga ang ang dibdib ni Merce dahil may alam ito na hindi pa alam ng kaniyang kaibigan tungkol kay Marco—nais kasi niya na ito mismo ang makaalam kaysa sa kaniya ito manggaling.
Ang hindi lang lubos maisip ni Merce ay kung ano ang magiging reaksyon ni Kristina sa huli kapagka nalaman niyang may nalalaman siyang kabulastugan ni Marco. Alam ni Merce na magagalit ito sa kaniya at maiintindihan niya ito ngunit hindi ibig sabihin noon ay tatalikuran na niya ang kanilang pagkakaibigan dahil lamang sa isang lalaki.
Kapagka nalaman na ni Kristina ang lahat ay doon din niya ito tutulungan. Nang malaman ni Merce ang lihim ni Marco ay nagdalawang-isip pa ito kung ipapaalam niya ito agad sa ina ni Marco, si Mrs. Felicita.
Alam din kasi ni Merce na kung sakali mang malalaman ni Kristina ang katotohanan ay baka wala man lang itong gagawin ukol dito bagkus magmumukmok lamang ito sa sulok at sisihin ang sarili nito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro