Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6

ARKHE ALVAREZ

NAGSUNOD-SUNOD ANG paglabas namin ni Sab. Halos araw-araw yata, nagkikita kami.

Kahit na hindi niya pa rin ako naaalala, masaya ako na nagiging kumportable na siya sa 'kin. Kahit si Amanda, napapansin 'yon. Madalas na nga raw akong tinatanong sa kanya ni Sab. Interisado na raw talaga ito sa relasyon namin.

Hindi ko inaasahan na magiging ganito kadali lahat. Ang bilis. Parang hindi na nga totoo 'tong mga nangyayari. Akala ko sobrang mahihirapan ako na mapa-amo ulit si Sab kasi ibang-iba na siya nung nasa New York kami. Akala ko wala na kaming pag-asa. Pero ito ako ngayon—masaya na ulit kasi nakakasama ko na siya. Buti na lang hindi ako tuluyang sumuko. Nakampante na rin si Amanda na kaya ko na talagang alagaan ang kapatid niya, kaya nung isang araw lang, may inalok siya sa 'kin na hindi ko tinanggihan.

Sa bahay na lang daw nila ako tumira para makasama ko na si Sab at maalagaan ito nang mas maayos.

Hindi talaga ako humindi. Pagkakataon ko na 'yon para mabantayan si Sab. Medyo nasanay na rin naman ako na kasama sila Amanda dahil sa bahay rin nila ako tumira nung nasa Amerika kami. Mabait silang lahat. Nangako na lang ako sa kanya na aalagaan ko talaga ang kapatid niya. Ang dami ko ng pinlano na gagawin. Ako na rin ang maghahatid-sundo kay Sab kapag may therapy ito o kapag kailangang mag-aral sa opisina. Pabor na pabor naman kay Amanda kasi abala talaga silang mag-asawa ngayon dahil nga ro'n sa problema sa isa nilang negosyo. Sabi ko, tumutok na lang sila sa trabaho. Ipaubaya na niya sa 'kin si Sab, ako na'ng bahala. Maayos ang naging kasunduan namin. Alam na rin ni Sab ang tungkol sa paglipat ko, at wala naman daw naging problema.

Ngayong araw na nga ako lilipat. Nakapag-ayos na ako ng mga gamit. Tinatapos ko na lang 'tong paglilinis ko ng kwarto kasi si Theo na ang titira mag-isa rito sa bahay. Hindi ko na talaga siya pinabalik ng Batangas. Sabi ko pagbigyan niya muna ako, kailangan ko lang talaga 'tong gawin para sa 'min ni Sab.

Naintindihan niya naman agad. Wala pa rin naman daw talaga siyang balak bumalik sa Batangas kasi nandito si Koko. Siniguro ko na lang sa kanya na magtatrabaho na ulit ako sa Third Base paunti-unti. Ayoko namang ipasa sa kanya lahat. Basta pag may libreng oras ako at walang therapy si Sab, magtatrabaho ako.

Natapos na ako sa paglilinis at saktong nakaligo na rin ako, may biglang pumarada na kotse sa tapat ng bahay.

Kotse ni Medel. Anong ginagawa ng tukmol na 'to dito? Ang alam ko na kila Desa pa 'to sa Nasugbu.

Pinagbuksan ko na lang ng gate. "Oy! Naligaw ka yata?" banat ko agad pagkababang-pagkababa niya ng kotse. Naka-shades pa ang gago.

"Dinalaw lang kita, brad. Na-miss kita e."

"Ulol. Ba't ka nandito? Akala ko nasa Batangas ka?"

"Kinailangan lang ako saglit sa shop." Nakipag-apir siya sa 'kin sabay puna sa buhok ko. "Bagong tabas na pala tayo, ah."

Ngumisi lang ako.

"Anong balita sa'yo?" dagdag niya. "Galing ako sa inyo. Sabi sa 'kin ng Mama mo, nandito na raw kayo ni Theo nakatira."

"Oo, dito na muna kami. Walang mag-aasikaso sa Third Base. Gumagala ka na agad, 'di ba dapat nasa honeymoon ka pa?"

"Honeymoon. Tangina nauna na nga ang honeymoon. May anak na 'ko."

Natawa na lang din ako, tas pinapasok na siya sa loob. Umupo siya sa sala. Nagulat nga siya nung nakita niyang nakahanda ang mga gamit ko sa labas.

"May lakad ka?" tanong niya sa 'kin.

"Oo." Umupo ako malapit sa kanya. "Lilipat ako kila Sab. Do'n na 'ko titira."

Napakunot siya ng noo. Halatang nagtaka kasi ang huling binalita ko sa kanya, mag-isa na lang ako.

"Ano bang nangyari sa inyo sa New York?" tanong na niya. "Hindi ka pa nagki-kwento sa 'kin. Tinatanong ko si Theo, ayaw rin namang magsabi."

Huminga ako nang malalim. "Hindi ko pa kasi alam no'n kung paano ko iki-kwento."

"Anong resulta ng operasyon ni Sab?"

Umiwas ako ng tingin. "Nakalimot siya. Hindi na niya ako maalala."

Hindi nakapagsalita 'tong si Baron. Nakatingin lang siya sa 'kin. Unang beses ko siyang nakita na wala talagang nasabi.

Napangiti na lang ako nang mapait. Tapos kinwento ko na sa kanya lahat ng nangyari sa 'min sa New York pati ang mga kasunduan namin ni Amanda. Dati hindi ko 'to magawa-gawa, pero ngayon nakakaya ko nang mag-kwento kahit papaano. Siguro dahil natanggap ko na rin. Kumbaga, nakalagpas na 'ko sa puntong 'yon. Nasa parte na 'ko na gusto ko na lang ulit gumawa ng mga bagong alaala kasama si Sab at ipagpatuloy ang buhay ko kasama siya. Kapag hindi pa kasi ako gumalaw, kapag hinayaan ko lang na lamunin ako ng lungkot, walang mangyayari sa 'kin.

Pagkatapos kong magkwento, natulala ulit si Medel. Ang seryoso niya sa buong pag-uusap namin. Himala na nakausap ko siya nang matino ngayon kasi kapag magkasama kami nitong taong 'to, puro kalokohan lang kami. Wala kaming matinong napag-uusapan.

Natatawa na lang tuloy ako. "Alam mo, ganyan na ganyan din itsura ko dati. Tulala."

Bigla siyang napa-pikit sabay napahilot sa noo niya. "Tangina, ba't hindi ka nagkikwento sa 'min? Ang tindi ng pinagdaanan mo."

Napabuntong-hininga na lang ulit ako, tapos tumayo. Pinuntahan ko ang mga gamit ko at sinara ang isang bag na naiwan ko palang nakabukas. "Mas malulungkot lang kasi ako kapag nagkwento ako. Pero ayos na 'yon. Ayos na 'ko. Nakakasama ko naman na ulit si Sab."

"Wag mo nang uulitin 'yon. Masyado mo namang kinimkim lahat."

Ngumisi ako. "Nag-alala ka ba, brad?"

"Malamang. Kaya nga rin kita dinaanan dito, ang lungkot mo kasi nung kasal. Kahit si Kael, napansin. Mukha ka raw problemado."

Oo nga pala, nagkita rin kami nung isa naming kaibigan na si Kael nung kasal ni Baron. Nandito pala sa Maynila ang ungas. Sa reception na lang siya dumiretso.

"Wag mo nang isipin ang mga nangyari," sabi ko na lang dito kay Medel. "Tapos na 'yon. Gusto ko na lang din makalimutan at makapag-umpisa ulit."

Huminga rin siya nang malalim. "Kila Sab ka na titira ngayon?"

Tumango ako. "Kaya nga masaya na 'ko ulit."

"Halata nga. Nakakangiti ka na ngayon. Hanggang kelan ka naman sa kanila?"

"'Yan ang hindi ko pa alam. Hindi naman na ako masyadong umaasa na maaalala niya pa ako. Gusto ko lang na tuluyan siyang gumaling. Hindi pa kasi siya bumabalik sa dati. Kapag ayos na siya at natapos na sa therapy, magpapakasal na kami. Gusto ko na ring lumagay sa tahimik, brad."

"Ayos 'yan. Sana magtuloy-tuloy na. Basta sa susunod tangina mo, magkwento ka. Kahit may asawa na ako, pag kailangan mo ng tulong, pupuntahan kita agad."

Natawa 'ko sabay humarap na ulit sa kanya. "Ang sweet mo, p're. Baka dapat ako ang pinakasalan mo."

"Gago! Kilabutan ka nga."

Ang sarap na lang ulit ng tawa ko. Ngayon na lang ulit ako nakakapagbiro nang ganito. Iba talaga kapag bumalik na ang nagpapasaya sa 'kin.

"Kamusta pala ang buhay may asawa?" tanong ko na lang kay Medel. Iniba ko na ang usapan. Ayoko na muna uling maalala lahat ng pinagdaanan ko.

"Sobrang saya," sagot niya naman sabay relaks na relaks nang sumandal sa sopa. "Akala ko masaya na 'ko nung naging kami ni Desa. Pero mas masaya pa pala nung naging mag-asawa na kami. Kumpletong-kumpleto na 'ko. Sakto, dumating pa si Sky sa buhay namin. Wala na 'kong ibang mahihiling, brad. Ay meron pa pala. May gusto pa 'ko."

"Ano?"

"Isa pang anak."

"Tangina. Tsaka na 'yan. Palakihin mo muna nang konti si Sky."

"Oo nga. Wala naman akong sinabing mamaya na agad."

Natawa na lang ako. "Alam ba ni Desa na pupunta ka sa 'kin ngayon?"

"Oo, nagpaalam ako kanina. Sabi ko dadaanan ko ang kabit ko."

"Gago ka talaga. Baka maniwala 'yon."

"Alam niya na nga agad na ikaw tinutukoy ko. Nung sinabi kong kabit, tanong niya agad, 'si Arkhe?' Tangina tawang-tawa ako e."

Napailing-iling na lang ako. Tarantado talaga 'tong animal na 'to kahit kelan. "Hanggang kelan pala kayo sa Batangas? Hindi na ba kayo babalik dito?"

"Babalik. Gusto lang kasi ni Desa na makasama muna ng pamilya niya si Sky." Bigla siyang tumingin sa paligid. "Nasa'n pala si Theo? Hindi ko pa nakikita. Wala ba dito?"

"Wala, nasa galaan. Oo nga pala, nabalitaan mo na ba kung sinong girlfriend niya ngayon?"

"Hindi pa. Sino? Artista?"

"Hindi. Si Koko."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Koko?"

"Koko na kaibigan ni Desa."

Napangisi siya sabay umiwas ng tingin. "Bakit, pinakilala mo siya kay Theo?"

"Hindi. Nagkakilala lang sila, nagulat nga ako. Pero hindi na ako nangialam sa kanila. Hindi rin naman ako pinapakialaman ni Theo pagdating sa babae."

"Ang liit talaga ng mundo."

"Kaya nga. Ikaw nang bahala kung iki-kwento mo kay Desa."

"Wala naman na kay Desa 'yon."

"Bakit, nagkaayos na ba ulit sila?"

"Hindi pa naman, pero nakapag-patawad na si Desa kahit papaano. Napag-usapan nga namin 'yon si Koko bago ang kasal. Naisip kasing imbitahan ni Desa, pero hindi na lang niya tinuloy. Balang-araw raw, magkikita rin ulit sila. Sobrang bait kasi no'n ni kuting. Hindi 'yon nagtatanim ng galit nang matagal."

Napangiti ako. "Ang swerte mo talaga diyan kay Desa."

"Oo nga. Kaya nga nagpapakabait na rin ako."

"Sana lang kayanin mo, brad."

"Tangina mo. Kaya ko 'yon. Ayoko ring lumaki ang anak ko na may tarantadong tatay."

"Naks. Ikaw ba talaga 'yan?" Lumapit ako sa kanya para makipag-apir. Natawa naman siya tas nakipag-apir din sa 'kin. Tuwang-tuwa ang gunggong.

Matagal-tagal pa kaming nagkwentuhan ni Medel, tapos nagpaalam na rin siya para umalis. Baka raw kasi ma-traffic siya pabalik ng Batangas.

Hinatid ko na lang siya palabas ng bahay. "Ingat ka sa byahe."

"Syempre naman. Naghihintay mag-ina ko sa 'kin." Nakipag-apir na siya. "Inom tayo minsan. Tawagan natin si Kael."

"Sige. Sabihan niyo lang ako."

Sumakay na siya sa kotse niya pagkatapos.

Pagkaalis ni Baron, nag-ayos na ulit ako. Hihintayin ko lang makauwi si Theo, tapos pupunta na ako kila Sab.

• • •

HAPON NA AKO nakaalis ng bahay. Kanina pa nga ako tinatawagan ni Amanda. Ang usapan kasi namin, pagkatapos ng tanghalian ako makakarating. Kaso si Theo kasi tangina, nag-enjoy sa galaan. Anong oras na umuwi. Sabi ni Amanda hinahanap na raw ako ni Sab. Lalo lang tuloy akong na-excite.

Binilisan kong magmaneho para makasama ko na agad si Sab. Pagkarating ko sa kanila, sinalubong agad ako ng ibang mga kasambahay. Dinala sa loob ang mga gamit ko. Sabi ko nga sa kanila ako na lang. Pero inutusan daw kasi sila ni Amanda.

"Finally, you're here." Sinalubong ako ni Amanda. Galing siya sa malaki nilang garden sa labas.

Ngumiti ako. "Sorry. Inantay ko pa kasing makauwi ang utol ko. May lakad ka ba?" Nakabihis kasi siya nang pormal.

"Yes. Arthur and I will have a dinner meeting with a business friend."

"Ah. Inaantay mo lang din ba akong makarating bago kayo umalis? Sorry."

"No, it's okay. Maaga pa naman. Our dinner is at 7. Alam na pala ng mga helpers kung saan ang magiging kwarto mo. Ihahatid ka na lang nila ro'n."

"Salamat." Tiningnan ko ang kabuuan ng bahay nila mula sa labas. "Sigurado kang ayos lang talaga na dito ako tumira?"

"Of course! I told you this house is huge, kami lang ang nandito. Welcome na welcome ka."

Ngumiti ako nang matamis. "Nasa'n pala si Sab?"

"She's at the dining area, eating some snacks. Sabayan mo na siya ro'n. Kanina ka pa niya tinatanong sa 'kin."

"Sige, salamat."

Pinahatid na niya ako sa isa nilang kasambahay pagkatapos. Pero bago pa ako tuluyang makapasok sa loob ng bahay, tinawag ulit ako ni Amanda.

"Arkhe." Lumapit siya sa 'kin. "Morris doesn't know yet that you're going to live here. Malamang pagbalik niya, magtataka siya kung bakit ka nandito."

"Pagbalik niya? Bakit, nasa'n ba siya?"

"Business trip in Japan. He'll be there for two weeks."

"Ah, buti naman pala wala siya rito." Kaya pala parang hindi ko nararamdaman ang taong 'yon. "Kapag nagtanong siya, sabihin mo na lang ang totoo. Wala namang kaso kung malaman niya. Ako pa rin naman ang boyfriend ni Sab."

Ngumiti siya. "Okay. I just wanted to let you know. We're leaving now. Ikaw nang bahala sa kapatid ko. Feel at home, hmm? If you need anything, don't hesitate to ask the helpers. Baka late na kami makauwi ni Arthur."

"Sige, salamat. Ingat kayo." Tumuloy na ako sa pagpasok sa loob.

Pagkahatid sa 'kin sa dining area nila, naabutan ko si Sab na kumakain ng sandwich. Natigilan nga agad siya at nanlaki ang mga mata pagkakita sa 'kin. Hindi siya nagsalita, pero ramdam kong masaya siya na nandito na ako. Ang ganda-ganda niya. Kada araw na nagkikita kami, lalo siyang gumaganda sa paningin ko.

"Hi," bati ko tapos nilapitan siya para tabihan.

Do'n lang din siya ngumiti at nagsalita. "Hello. Ang tagal mong dumating."

Hindi ko napigilang hindi mapangiti nang malapad. "Sorry. Inantay ko pa kasi muna ang kapatid ko na makauwi sa bahay. Hinihintay mo ba ako?"

Tumango siya, tapos binigyan ako ng sandwich. "Kain ka."

"Salamat."

Sabay na kaming kumain. Pasimple kong tiningnan ang daliri niya kung suot niya ba ang binigay kong singsing nong unang date namin. Natutuwa naman ako kasi suot niya pa rin talaga. Palagi ko ang tiningnan kapag magkasama kami. Hindi niya talaga hinuhubad.

"Anong ginawa mo kanina nung wala pa ako?" tanong ko sa kanya.

"Nothing. Just trying to read some books."

"Anong libro?"

"About business. Nakita ko sa kwarto ni Amanda. Kinuha ko."

"Kaya mo na ba? Baka nahihirapan ka pa."

Yumuko siya. "I'm still struggling."

Hinaplos ko ang buhok niya at inipit sa likod ng tenga niya. "Wag mo masyadong pilitin. Nandito naman na ako. Tutulungan kita kung saan ka nahihirapan."

Tiningnan niya ako. "Are you really going to live here? Hindi ka aalis?"

"Hindi. Magkakasama na tayo araw-araw."

Ngumiti siya, tapos bumalik na sa pag kain ng sandwich.

Pagkatapos naming kumain, hinatid na ako ng ibang mga kasambahay papunta sa magiging kwarto ko. Hiwalay ako ng kwarto kasi marami naman daw bakante sabi ni Amanda. Mansion ba naman kasi 'tong bahay. Tsaka baka rin kasi hindi pa kumportable si Sab na may kasama sa kwarto, pero katapat lang naman ako ng kanya kaya madali ko siyang mapupuntahan.

Kasama ko pa rin si Sab ngayon. Ang cute niya nga. Parang hindi sa kanila 'tong bahay at unang beses niyang nakapasok dito sa kwarto kasi siya 'tong todo ang pakikinig sa mga katulong habang nililibot ako at tinuturo kung nasaan ang mga gamit. Nakiki-usisa din siya.

Pagkaalis ng mga kasambahay, umupo na muna ako sa gilid ng kama katabi si Sab. Nilibot ko ulit ng tingin 'tong buong kwarto.

Masyado 'tong malaki para sa 'kin, sa totoo lang. Parang kasing laki na 'to ng bahay namin. May sariling banyo at sala. 'Tong kama, parang pwede nang higaan ng limang na tao. Napapaisip tuloy ako kung tama ba na tinanggap ko ang alok ni Amanda. Nakakahiya lang kasi na ganito kalaki ang binigay nila sa 'kin. Tapos sinabihan niya pa ang mga kasambahay nila na ibigay lahat ng gusto at kailangan ko. Gusto pa nga akong bigyan ng bodyguards. Sabi ko wag na, sobra na masyado. Hindi naman kasi ako gano'n; hindi ako sanay sa buhay mayaman. Ayoko ring manamantala. Nandito lang talaga ako para kay Sab.

"Oo nga pala," sabi ko kay Sab na katabi ko lang. "May ibibigay ako sa 'yo." Tumayo muna ako tas kinuha sa isa kong bag ang binili ko para sa kanya.

Binilhan ko siya ng mga clip sa buhok. Pansin ko kasi na hilig na niya ang mga ganito ngayon. Kapag nagkikita kami, iba-iba yung gamit niyang clip, kaya naisip ko siyang bilhan nang mas marami.

Nung pinakita ko na sa kanya rito sa kama, nanlaki na naman ang mga mata niya. Wala siyang sinabi pero nagni-ningning ang mga mata niya dahil sa binigay ko.

"Nagustuhan mo ba?"

Tumango-tango siya habang tinitingnan na isa-isa ang mga clip. "They're all pretty."

"Subukan mo." Kinuha ko yung isa, tapos inipit ko sa gilid ng buhok niya. Napangiti ako kasi bagay na bagay.

"How do I look?" tanong niya sa 'kin.

"Gumanda ka lalo. Tingnan mo." Tumayo kami tas pinaharap ko siya sa malaking salamin sa gilid.

Nag-ningning na naman ang mga mata niya. "I like this one."

"Talaga?"

Tinanguan niya ako. "I'll try the others, too." Bumalik siya sa kama para kunin ang ibang ipit. Sinubukan niya isa-isa sa tapat ng salamin.

Pinanonood ko lang siya. Para siyang 10 years old na tuwang-tuwa sa simpleng ipit lang. Pero masaya ako na nagustuhan niya ang mga binili ko.

Unang araw ko pa lang sa kanila pero ganito na ako kasaya. Mas lalo tuloy akong nasasabik sa magiging buhay ko rito kasama si Sab. Ang dami ko pa namang planong gawin. Susulitin ko talaga 'to. Hindi ako aalis dito hangga't hindi bumabalik sa dati si Isabela; hangga't hindi kami bumabalik sa dati.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro