Chapter 5
ARKHE ALVAREZ
MARAMI-RAMI KAMING napag-kwentuhan ni Isabela habang kumakain kami.
Ang bagal niya na rin palang kumain ngayon, kaya binabagalan ko rin para magka-sabay kami. Mas gusto ko naman 'tong ganito para mas matagal ko pa siyang makasama. Sakto rin naman kasi panay pa rin ang pagtatanong niya sa 'kin.
Nakakatuwa na ginagawa niya talaga lahat para maalala ako. Dinahan-dahan ko lang naman ang pagki-kwento, pero ang dami niya nang nalalaman tungkol sa 'kin tsaka sa relasyon naming dalawa. Ramdam ko rin na medyo nagiging kumportable na siya na kasama ako, hindi na katulad kanina na tahimik lang siya at nagsasalita lang kapag tinatanong. Mas madalas ko na rin siyang napapangiti. Na-miss ko ang ganito na nakikita ko siyang masaya kapag magkasama kami.
Pagkatapos kumain, nagpahinga lang kami saglit, tapos pumunta na kami sa ice skating rink.
"Kinakabahan ka ba?" tanong ko sa kanya habang sinusuotan siya ng sapatos.
Umiling siya.
Buti pa siya, hindi. Ako kasi tangina kinakabahan na naman ako. Nawala na 'to kanina e. Hindi ko alam kung tama na dito ko siya dinala, pero bahala na. Gusto ko lang talaga na mag-enjoy kami.
Pumasok na kami sa ice rink. Ang higpit ng hawak sa 'kin ni Sab kasi hindi siya marunong. Kung nakikita kami ngayon ni Theo, malamang pinagtatawanan ako ng gagong 'yon kasi tama ang sinabi niya. Syempre sinamantala ko na rin 'tong pagkakataon. Hindi ko binibitiwan si Sab. Ang saya ko na magkahawak kami nang ganito.
"I don't know how to do this," sabi niya naman habang nakatingin sa mga sapatos niya. "How do I glide?"
"Kapit ka lang sa 'kin, tuturuan kita."
Tangina ang lakas ng loob kong mag-alok pero ang totoo hindi rin talaga ako marunong. Nandito nga lang kami sa gilid ng rink, hindi pa kami nakakalayo. Samantalang ang ibang nandito 'langya ang gagaling! Mali yata talaga na nandito kami.
Si Sab tuloy, napapatingin na lang din sa ibang tao. Namamangha siya kapag may nakikita siyang umiikot-ikot sa yelo tas tinataas ang paa. Parang gusto niya na nga lang manood ngayon, ayaw na niyang mag-skating.
Hinawakan ko na ulit siya sa mga kamay. "Halika na. Para ma-enjoy mo rin."
Sinubukan na niyang magpadulas. Ang higpit ng kapit niya sa 'kin, halatang kinakabahan. Ako, inaalalayan ko lang siya. Paunti-unti lang ang galaw namin para hindi siya madulas sa yelo. Hindi naman nagtagal, nakuha niya na rin kung paano mag-skating. Nakakatayo na siya nang tuwid. Ang cute niya nga. Napapangiti siya kapag nagagawa niyang magbalanse at magpa-dulas nang hindi ko siya hinahawakan.
"Look! Marunong na ako," sabi niya pa.
Napapangiti rin tuloy ako. 'Pag nakikita ko siyang ngumingiti, sumasaya ako. Nakakalimutan ko na may problema nga pala akong kinakaharap.
Sinulit ko ang oras. Natuto na si Sab na mag-skating kahit papaano kaya nakakapag-laro na kami. Para nga kaming mga bata. Hindi ko naisip na magagawa pa namin 'to sa edad namin. Lumalayo ako sa kanya, tapos papalapitin ko siya papunta sa 'kin. Sumusunod din naman siya. Minsan nga lang nawawalan siya ng balanse kaya napapakapit ulit siya sa gilid. Pinupuntahan ko na lang ulit siya pag gano'n para hindi siya matakot. Tapos maglalaro ulit kami.
Maraming tao rito sa ice skating rink, pero pakiramdam ko kaming dalawa lang ang nandito. Wala akong pakialam kung napapalakas ang tawa ko o kapag masyado akong nagiging malambing kay Sab. Pasimple ko kasi siyang niyayakap kapag nakakarating na siya sa 'kin. Parang premyo ko na sa kanya 'yon kasi nagawa niyang mag-skating nang hindi ko siya inaalalayan.
Matagal-tagal pa kaming naglaro, tapos nagpahinga na muna kami. Nandito na lang ulit kami sa gilid ng rink. Pinagmamasdan ni Sab ang mga nagse-skating sa gitna. Ako naman, pinagmamasdan ko siya. Ngayon ko na lang ulit siya natitigan nang ganito kalapit. Ang ganda-ganda niya pa rin talaga. Na-miss ko ang mukha niya na maamo at parang hindi nagagalit.
Bigla naman siyang napalingon sa 'kin.
Napaiwas tuloy agad ako at umarte na lang na pinanonood din yung mga nagse-skating.
"Why?" tanong niya.
Umiling ako habang nagpipigil ng ngiti.
Binalik niya naman ulit ang tingin niya sa gitna. "Nagawa na ba natin 'to dati?"
"Mag-skating? Hindi pa. Unang beses natin 'to. Isulat mo sa notebook mo, ah. Para hindi mo makalimutan."
Napangiti siya nang tipid sabay tumango.
"Sab," tawag ko. "'Yung ipit mo nahuhulog na." Pinaharap ko muna siya sa 'kin, tapos inayos ko ang ipit niya na perlas sa gilid ng buhok.
Hinayaan niya lang naman ako, pero titig na titig siya sa 'kin na parang nagtataka na naman siya. "Ano ang tawag mo sa 'kin?"
"Sab. 'Yun ang palayaw ko sa 'yo dati pa kasi nahahabaan ako sa pangalan mo. Ang tawag mo naman sa 'kin, Ark."
"Ark?"
Tumango ako.
Tipid ulit siyang ngumiti. "Isusulat ko 'yan sa notebook."
Napangiti rin ako, tapos hinaplos ko ang buhok niya. "Ayan, maayos na ulit ang ipit mo."
"Thank you."
"Gusto mo na bang lumabas? Baka nilalamig ka na."
Tumango siya.
"Sige, labas na tayo."
Ayos lang naman kasi patapos na rin ang isang oras namin. Bigla nga akong nilamig pagkalabas. Samantalang kanina sa rink, hindi naman ako nakakaramdam ng lamig. Si Sab, halatang nilalamig din talaga kasi yakap-yakap niya ang sarili niya. Partida may pangpatong naman siya na parang jacket.
Marahan ko na lang siyang niyakap, tapos hinaplos-haplos ko ang braso niya para hindi na siya masyadong ginawin. "Ang lamig, 'no? Gusto mo munang mag-kape? Nagka-kape ka pa rin ba o tsaa na ulit ang hilig mo?"
Napaisip siya. "I don't know. Ano bang gusto ko dati?"
Napangiti na lang ako. Ba't nga ba kasi ako nagtatanong ng gano'n, hindi niya nga pala maalala. "Nahilig ka na rin sa kape dahil sa 'kin," sabi ko. "Magkape na lang tayo. Meron ako ritong paboritong coffee shop."
"Okay".
Ito ang gusto ko kay Sab ngayon. Hindi niya na ako hinihindian, 'di katulad nung nasa Amerika kami. Kapag may inaalok ako, pumapayag lang siya kahit hindi niya talaga alam kung saan ang punta namin.
Sinama ko muna siya sa sinasabi kong coffee shop sa labas ng mall. May park doon, pwede muna kaming tumambay saglit bago ko siya ihatid pauwi. Pagkarating namin, natuwa naman siya kasi parang may maliit na festival pala rito ngayon sa park. May mga maliliit na booth na nagbebenta ng kung anu-ano.
"Gusto mo bang tumingin?" tanong ko sa kanya.
Tumango naman siya.
Bumili lang muna kami ng kape, tapos sinamahan ko siya sa isang tindahan na nagbebenta ng mga singsing at kwintas. Tiningnan niya isa-isa ang mga binebenta. Hindi ko alam na magkaka-interes siya sa ganito kasi mumurahin lang naman 'tong mga nandito sa tindahan.
Kinuha niya ang isang singsing na may design na dalawang puso.
"Gusto mo n'yan?" tanong ko.
Tumango ulit siya. "It's pretty."
"Bibilhin ko para sa 'yo." Tinabi ko muna 'tong dala kong kape.
Gusto ko sana totoong singsing talaga ang ibibigay ko sa kanya, pero mukhang nagagandahan talaga siya rito kasi kanina niya pa tinitingnan.
Pagkabili ko, inabot ko ang kamay niya at ako mismo ang nag-suot sa kanya nitong singsing. "Sana sa tuwing makikita mo 'to, maaalala mo ako."
Ngumiti siya nang matamis. "I will try. Thank you, Ark."
Natigilan ako. Hindi ko inaasahan na tatawagin niya ulit ako sa palayaw niya sa 'kin dati. Ang sarap sa tenga. Gusto ko tuloy siyang yakapin nang mahigpit, pero sasarilinin ko na lang muna 'tong saya ko.
Nag-kape lang kami saglit pagkatapos habang nakatambay sa park, tas hinatid ko na siya pauwi. Sobrang saya ko. Ayaw ko na nga 'tong matapos. Gusto ko pa siyang makasama nang mas matagal, kaso nangako ako kay Amanda na iuuwi ko agad ang kapatid niya. Tsaka ayoko rin naman na masyadong mapagod si Sab.
Pagkahatid ko sa kanya sa bahay, hindi na ako nagtagal. Nagpasalamat lang ulit ako kay Amanda, tapos umalis na rin ako.
Hindi ko maitago ang ngiti ko buong byahe. Isang araw pa lang kaming nagkakasama ni Sab pero bawing-bawi. Nabawi ang mga buwan na lugmok na lugmok ako at hindi makaahon. Hanggang ngayon siya lang talaga ang kayang magpasaya sa 'kin nang ganito. Hindi magtatagal, alam kong maaalala niya na rin lahat tungkol sa 'ming dalawa.
PAGKAUWI KO SA bahay, naabutan ko si Theo na nanonood ng T.V.
"O, ba't nandito ka?" tanong ko. "Akala ko didiretso ka na sa Third Base?"
"Umuwi muna ako, pero pupunta na rin ako ro'n. Sasama ka ba?"
"Sige, sama ako. Magpapahinga lang ako saglit." May gana akong mag-trabaho ngayon. Sana tuloy-tuloy na 'tong ganitong pakiramdam.
"Kamusta date?" Bigla niya namang tanong sa 'kin.
Hindi ko siya sinagot. Nagbukas lang ako ng ref para kumuha ng tubig.
"Parang masaya ka ah," dagdag niya. "Nag-ice skating kayo?"
Natawa na ako. "Hindi. Pang-bata naman 'yon."
"Tangina, hindi ka talaga marunong. 'Yun nga ang maganda! Sa gano'n ko napasagot ang una kong girlfriend."
"Gago e nung una kang nagka-girlfriend, onse ka pa lang. Ang tatanda na namin, pinag-ice skating mo pa kami."
Tinawanan niya na lang ako. Hindi niya alam tumalab naman talaga ang naisip niya. Iniwanan ko na muna siya sa sala kasi siguradong gigisahin pa 'ko nitong tarantadong 'to. Dumiretso na ako sa kwarto ko para humiga saglit.
Saktong pagkabagsak ko sa kama, tumunog ang cellphone ko. Si Amanda, tumatawag. Sinagot ko agad. "Hello?"
"Mr. Alvarez, what did you do to my sister?"
Nataranta ako. Napabangon agad ako sa kama. "Bakit? Anong nangyari kay Sab?"
Natawa naman siya sa 'kin. "Nothing. She's just so happy today. She said she wants to see you again."
Napabagsak ako ng mga balikat sabay balik sa pagkakahiga. Tinakpan ko ng braso ko ang mga mata ko habang nagpipigil ng ngiti. "Gusto ko rin siyang makita ulit. Pupuntahan ko ulit siya diyan bukas."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro