Chapter 4
ARKHE
"Gusto kong makasama nang madalas si Sab. Ako na lang ang mag-aalaga sa kanya."
Iyon ang hiniling ko kay Amanda nung huling beses kaming nag-usap.
Alam kong masyado akong nagmadali. Kahit si Amanda nagulat sa pakiusap ko, pero ayoko na talagang magsayang ng oras.
Sabi rin naman ni Amanda, gagawan niya ng paraan. Uunti-untiin raw muna namin hanggang sa maging kumportable na ulit sa 'kin ang kapatid niya. Kapag nangyari na 'yon, pwedeng ako na talaga ang mag-alaga kay Sab. Inuumpisahan na nga namin. Ngayon, lalabas kami ni Isabela.
Buti na lang napapayag ni Amanda si Sab. Ewan ko kung paano niya nagawa 'yon. Sa sobrang saya ko tuloy tangina hindi ako nakatulog kagabi. Magdamag akong dilat. Todo porma pa ako ngayong araw. Nag-suot ako ng polo. Nagpa-gupit na rin ako ng buhok kaya ang gaan na ng pakiramdam ng ulo ko. Ang linis ko na uling tingnan.
Sobrang importante 'tong araw na 'to sa 'kin, hindi ako pwedeng pumalpak. Dito sa date na 'to ko malalaman kung posible ba na maalala ulit ako ni Isabela, o kung may pag-asa ba na mahulog ulit siya sa 'kin. Ito rin ang isa sa mga iniisip ko kagabi kaya hindi ako nakatulog. Nagbago na si Sab, at hindi ko alam kung ako pa rin ba ang tipo niyang lalaki. Nakilala niya na naman ako, pero gusto ko pa rin na maging maganda ang unang impresyon niya sa 'kin.
Tangina nakakakaba nga. Sanay akong mang-chiks at alam na alam ko kung paano bibigay sa 'kin ang babae, pero ngayon parang hindi na ako marunong.
Ang tagal kong pinag-isapan kung saan ko dadalhin si Sab. Dati, kilalang-kilala ko siya, hindi ako nahihirapan kung saan kami papasyal. Dadalhin ko lang siya sa museum o art exhibit, tuwang-tuwa na 'yon. Ngayon, hindi ko na alam. Sabi sa 'kin ni Theo mag-ice skating na lang daw kami. Ewan ko kung saang lupalop niya napulot ang ideyang 'yon, tangina masyadong pang-bata. Sabi ko na lang baka hindi marunong si Sab. Mas ayos nga raw 'yon. Turuan ko na lang daw para mahahawakan ko pa mga kamay niya, tas kapag nadulas siya, saluhin ko sabay yakap. Gago talaga ang kapatid kong 'yon. Pero gago rin naman ako kasi susundin ko.
Lumabas na ako ng bahay pagkatapos mag-ayos.
Wala si Theo dito. Nasa galaan na naman ang ungas. Buti nga hindi tinakas ang kotse. Sinabihan ko talaga siya na ako muna ang gagamit kasi susunduin ko si Isabela sa bahay.
Nilinis ko muna saglit 'tong loob ng sasakyan para hindi naman nakakahiya kay Sab. Simula nung umuwi ako galing New York, hindi ko na naalagaan 'tong kotse ko. Nawalan kasi talaga ako ng ganang kumilos. Tapos si Theo isa ring tamad maglinis ng sasakyan. Tingnan mo, may naiwan pang pitaka ng babae rito sa loob. Kay Koko siguro 'to kasi sinasakay niya rin dito 'yon.
Tinabi ko muna tas tinawagan ko si Theo pagkapasok ko sa kotse.
Buti sinagot niya agad. "Oy, bakit?"
"'Yung wallet ni Koko, naiwan dito sa sasakyan."
"Wallet? Anong wallet?"
"Itong kulay puti."
"Ah, hindi kay Koko 'yan."
Napakunot agad ako ng noo. "Tangina mo, e kanino 'to? May iba ka pa bang babae na sinasakay dito sa kotse?"
Natawa siya. "Wala, gago. Napulot ko 'yan sa kasal nila Baron. Hindi ko na naibalik."
"Tanginang 'yan! Ba't dinala mo pa 'to rito? Sa Tagaytay kinasal sila Baron, nakarating pa rito 'tong pitaka."
Natawa lang ulit siya sa 'kin. "Itago mo na lang muna diyan. Ibabalik ko na lang sa may-ari kapag sinipag ako. O kung gusto mo ikaw na magbalik."
"Inutusan mo pa 'ko. Ikaw magbalik nito." Binabaan ko na siya ng tawag pagkatapos.
Gago talaga e. Kalat niya, sa 'kin niya ipalilinis.
Nagkabit na ako ng seatbelt at nagmaneho.
Alas-diyes ang sinabi kong oras kay Amanda na susunduin ko ang kapatid niya. Nag-text na siya kanina sa 'kin bago pa ako lumabas ng bahay. Sabi niya nag-aayos na raw si Sab, kaya dumoble tuloy 'tong kaba ko.
PAGKARATING KO SA bahay nila, si Amanda ang sumalubong sa 'kin. Ang ganda nga ng ngiti niya dahil sa bago kong buhok. "Wow. Kung hindi pa mahulog ulit ang kapatid ko sa 'yo niyan, ewan ko na lang."
Napangiti na lang ako sabay haplos sa batok ko. "Nasa'n si Sab?"
"Still upstairs, pero pababa na 'yon. Pinatawag ko na."
"Alam ba ni Morris na lalabas kami?"
"No, he doesn't. Good thing he got busy with the Reverente's businesses. Hindi niya alam ang tungkol sa hiniling mo sa 'kin."
"Buti naman." Nabawasan ako ng iniisip kahit papa'no.
Mayamaya lang, napansin ko na rin na pababa na si Sab kasama ang isa nilang kasambahay. Napatulala ako sa kanya. Parang may bumabang anghel. Hindi siya nagbago ng istilo ng pananamit. Hilig niya pa rin yung mahahabang bistida.
"Take care of my sister," sabi sa 'kin ni Amanda nung makalapit na sa 'min si Sab. "I-uwi mo siya rito agad para hindi siya masyadong mapagod."
"Sige, akong bahala sa kanya. Salamat."
Humarap muna siya sa kapatid niya. Inayos niya ang perlas na ipit sa gilid ng buhok ni Sab. "Enjoy, okay?"
Tumango lang si Sab, tapos umalis na kami. May kasunod kaming mga bodyguards kasi natatakot pa si Amanda para sa kapatid niya. Mas mabuti na raw ang sigurado.
Inalalayan ko si Sab pasakay sa kotse bago ako pumasok sa kabilang pinto. Tangina nanginginig mga kamay ko, parang unang beses akong makikipag-date.
Lumingon muna ako sa likod para tingnan kung nakasakay na rin ba ang mga bodyguards sa mga itim na kotse, tapos tiningin ko na si Sab. "Hi."
"H-hi." Hindi siya lumingon sa 'kin. Hinaplos niya lang ang buhok niya. Naiilang yata siya kasi masyado pang maiksi, kitang-kita ang leeg niya.
Napangiti na lang ako, tapos kinabitan ko siya ng seatbelt. Do'n siya napatingin sa 'kin na parang nagtaka.
"Sorry," sabi ko agad. "Ayaw mo ba ng gano'n?"
"May relasyon ba tayo?"
Natigilan ako.
"Tinanong ko si Amanda kung sino ka. Sabi niya ikaw raw ang boyfriend ko. Boyfriend ba talaga kita?"
Ganitong-ganito rin ang eksena namin dati sa New York. Halos araw-araw tinatanong niya ako kung sino ako at kung may relasyon ba talaga kami. Palagi ko rin naman siyang sinasagot kasi nakakalimutan niya. Akala ko nga hindi niya na ulit itatanong 'yon.
"Oo, boyfriend mo ako." Sinabi ko na lang ang totoo kahit na ang gusto ko sana e umpisahan ulit lahat.
"Sorry ah, hindi kita maalala."
Napabagsak ako ng mga balikat sabay ngiti. Ang kalmado na talaga niyang makipag-usap. Nakakalungkot pa rin naman na hindi niya pa rin ako naaalala, pero mas okay na sa'kin kung paano siya sumagot ngayon. Dati kasi kapag sinasabi kong boyfriend niya ako, nagagalit siya. Ayaw niyang paniwalaan. Nakatulong din talaga ang pagthe-therapy niya sa New York. Ang laki ng inimprove niya simula nung umalis ako ro'n.
"Ayos lang," sagot ko sa kanya. "Naniniwala akong maaalala mo rin ako."
Ngumiti lang siya ng tipid.
Nagmaneho naman na ako pagkatapos.
Buong byahe, hindi masyadong nagsasalita si Sab. Sasagot lang siya ng tipid sa mga tanong ko, tapos bigla na ulit malilipat ang atensyon niya. Titingin ulit siya sa bintana na parang wala siyang ibang kasama rito sa kotse. Pero ayos lang naman sa 'kin. Makasama ko lang siya, masaya na ako. Ang tagal ko rin 'tong inasam na mangyari ulit.
WALA PANG ALAS-DOSE, nakarating na kami sa mall kung saan kami magi-ice skating. Niyaya ko muna si Sab na kumain sa restaurant. Baka kasi gutom na siya, tsaka gusto ko rin siyang maka-kwentuhan nang matagal para hindi siya mailang sa 'kin.
Ngayon, inaantay na lang namin ang mga inorder namin. Pasimple ko siyang pinagmamasdan habang nakaupo siya katapat ko. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala na kasama ko siya ngayon. Akala ko hindi na 'to mangyayari. Tahimik pa rin naman siya. Inaayos niya lang ang buhok niya sa dala niyang maliit na salamin. Kanina pa siya ganyan sa byahe. Parang ayaw niya ng buhok niya.
"Ang ganda ng buhok mo," sabi ko na lang. "Bagay sa 'yo."
Tumingin siya sa 'kin. "Sabi nila Amanda, mahaba raw ang buhok ko dati. Gusto ko ng gano'n."
Napangiti ako nang mapait. Do'n sa envelope na binigay ko sa kanya dati, marami siyang litrato ro'n na mahaba pa ang buhok niya. Ewan ko lang kung nakita niya na ulit ang mga 'yon kasi sa New York, tinatapon niya 'yon kapag pinapakita namin. Hindi ko na nga alam kung buhay pa ang envelope. Tatanungin ko na lang si Amanda.
"Bagay rin naman sa 'yo 'yang maiksing buhok," sabi ko. "Maganda ka pa rin."
Tipid siyang napangiti. Binalik na niya sa bag niya ang salamin, tapos tumingin siya sa paligid. "Palagi ba natin 'tong ginagawa dati?"
"Alin? 'Tong mag-date?"
Tumango siya.
"Oo. Gusto kasi kitang nakikita palagi. Pero minsan pinupuntahan na lang kita sa bahay niyo. Tapos magbe-bake ka ng cookies o kaya cake para sa 'kin."
"Marunong akong mag-bake?"
Ngumiti ako sabay tumango. "Masarap nga ang mga bine-bake mo."
Umiwas siya ng tingin. Siguro inaalala niya, tapos tiningnan niya ulit ako. "Paano tayo nagkakilala?"
"Sa club. Nakita kita ro'n, tapos nilapitan kita."
"C-club? Party girl ba ako?"
Natawa ako. "Hindi. Unang beses mo nga 'yon. Hindi ka nag-eenjoy kaya mag-isa ka lang."
"Ah." Bigla niyang nilabas ang notebook niya galing sa dala niyang bag. Nagsulat siya ro'n. "Anong ginagawa mo sa club? Mahilig ka sa gano'ng lugar?"
"Nagta-trabaho ako ro'n. DJ ako. Pero ngayon may sarili na akong club. Dadalhin kita ro'n minsan para makita mo."
"Ah." Nagsulat ulit siya.
Ang cute niya. Para niya akong ini-interview kasi lahat ng sinasabi ko, sinusulat niya sa notebook. Mabagal lang siyang magsulat kaya dinadahan-dahan ko rin ang pagsagot ko. Gusto ko 'tong ganito kasi pakiramdam ko kinikilala niya ako at interisado na talaga siya sa 'kin.
"E ako," nagsalita siya ulit. "Anong trabaho ko dati?"
Hindi naman ako nakasagot. Akala ko binabanggit ni Amanda ang mga ganitong bagay sa kanya, pero baka nakakalimutan niya lang. Mabilis na talaga siyang makalimot ngayon sabi ni Amanda.
"Wala kang trabaho," inamin ko na lang.
"Wala? Anong ginagawa ko dati?"
"Nagpi-pinta."
"'Yun lang?"
Tumango ako.
Napabagsak naman siya ng mga balikat. Parang nadismaya siya. "Ang boring naman no'n. Gusto ko meron akong trabaho."
Napangiti na lang ako nang mapait. "Dati kasi masaya ka na kapag nagpipinta ka."
"Really? Kilalang-kilala mo siguro ako. Matagal na ba kitang boyfriend?"
Napaiwas ako ng tingin. "Hindi naman. Ilang buwan pa lang tayong nagkakabalikan. Naghiwalay kasi tayo dati."
"Bakit tayo naghiwalay?"
Hindi na naman ako nakasagot. Gusto ko sana uling sabihin sa kanya ang totoo, pero masyado nang ma-detalye 'yon. Baka hindi niya maintindihan kapag pinaliwanag ko. Bilin sa 'kin ni Amanda na wag ko raw bibiglain si Sab ng tungkol sa mga nangyari dati kasi baka hindi niya pa ma-proseso sa utak niya lahat ng sasabihin ko at magalit lang siya. Kailangan kong unti-untiin.
Ngumiti na lang ako. "Nagka-problema lang. Pero nagkabalikan din naman tayo kasi mahal na mahal natin ang isa't isa."
Bigla siyang napapikit, tapos tiningnan niya ang mga nauna niyang sinulat sa notebook. "Sorry, hindi pa rin talaga kita maalala."
"Ayos lang. Wag ka nang mag-sorry nang mag-sorry. Kaya kong maghintay hanggang sa maalala mo na ulit ako."
"Pero kailangan na agad kitang maalala. Hindi ko na pwedeng makalimutan." Nagsulat ulit siya sa notebook.
Napapangiti na lang ako rito. Lalong lumalakas ang loob ko dahil sa ina-akto niya. Mukhang hindi ako madedehado sa laban.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro