Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 30.1

ISABELA

"THEO?" TAWAG KO habang tutok siya sa pagda-drive.

Hindi kasi talaga ako makaidlip sa byahe kaya naisip ko na lang makipag-kwentuhan.

Lumingon naman siya sa 'kin. "Hmm?"

"Hindi ko pala naitanong ito sa 'yo kagabi habang kumakain tayo. Naikwento ko na sa 'yo kung bakit kami naghiwalay ni Arkhe at kung anong mga pinagdaanan ko kay Morris, pero ikaw, hindi kita na-kumusta. How have you been in the past months?"

Bumuntong-hininga siya. "Ayos lang. Nasa Batangas lang naman ulit ako. Gumagala paminsan-minsan, pero madalas nasa bahay lang. Lalo na noong nag-umpisa nang magkasakit si Mama."

"Where's your girlfriend? Bigla ko lang naalala. What's her name again? Nikola, right? I know her."

"Wala na kami."

Hindi siya makatingin sa akin nang isagot niya iyon, pero ako nakatitig pa rin sa kanya. "May I know what happened? It's okay if you don't want to tell me."

Hindi siya sumagot.

Akala ko hindi na talaga siya iimik kaya hindi na ulit ako nagtanong. Binalik ko na lang ulit ang tingin ko sa bintana ng kotse.

Pero maya-maya ay muli siyang nagsalita. "Nakipag-hiwalay siya sa 'kin kasi ayaw niya raw makagulo sa 'min ni Arkhe."

Napatingin ulit ako sa kanya. "W-what do you mean na ayaw niyang makagulo? Sa pagkakatanda ko, okay na sila Arkhe at Nikola. Nakapag-usap na sila dati."

Hindi na naman siya sumagot.

"Did something happen, Theo?"

Huminga ulit siya nang malalim. "Ayoko na sana 'tong sabihin sa 'yo. Pero noong gabing naghiwalay kayo ni Arkhe, umuwi siya sa bahay. Nandoon kami ni Nikola. Nahuli ko siya na dapat hahalikan ang girlfriend ko."

My eyes widened. "A-Arkhe tried to kiss her?"

Tumango siya.

Napabagsak ako ng mga balikat.

Parang hindi ko kayang maniwala. Why would Arkhe do that? Dahil ba galit na galit siya sa 'kin noong mga panahong 'yon? Alam kong wala akong karapatan, pero bakit nasaktan ako?

"Nasapak ko si Arkhe no'n," patuloy pa ni Theo. "Nasaktan ko siya dahil sa ginawa niya. Pagkatapos no'n, umalis na ako at bumalik sa Batangas. 'Yon na ang huling beses na nagkita kami."

Napayuko ako. "I'm sorry, Theo. I know it's my fault. Nadamay pa tuloy kayo ni Nikola. Alam kong nagawa lang ni Arkhe 'yon dahil sa sobrang sama ng loob niya sa 'kin."

"Wala kang kasalanan. Kung ano mang ginawa niya, desisyon niya 'yon at ginusto niya."

"But still, I'm so sorry."

Huminga na naman siya nang malalim. "Hindi nga alam nila Mama na nag-away kaming magkapatid. Hindi kasi talaga kami nag-aaway no'n kahit isang beses. Pakiramdam ko tuloy, 'yon ang dahilan kung bakit hindi siya nagpaparamdam. Malamang masama ang loob no'n sa 'kin."

"I don't think so. Ark loves you as his brother. Sigurado akong hindi ikaw ang dahilan kung bakit hindi siya nagpapakita."

"Alam mo bang wala na ang Third Base?"

I didn't answer. Tiningnan ko lang siya kasi ayokong mahalata niya na alam ko.

"Pumunta ako ro'n," patuloy niya sa sinasabi. "Sinara na niya pala ang club at binenta pa. Wala man lang akong kaalam-alam. Sa tuwing may malaki siyang desisyon na kailangang gawin, ako ang kinakausap niya. Lalo na kapag tungkol sa club. Pero ngayon, hindi niya man lang ako sinabihan. Wala na siguro talaga siyang pakialam sa opinyon ko. Hindi rin alam nila Mama ang tungkol do'n. Pinagtatakpan ko na lang lahat para hindi sila mag-alala."

I really don't know what to say anymore. Kahit ako kasi, hindi ko rin alam kung bakit sinara at binenta ni Arkhe ang club. Pero hindi naman na nila kailangang mag-alala ro'n. I already took care of Third Base.

"Don't worry," I just said. "Alam kong magpapakita at magpapakita rin ulit siya sa inyo. You are his family. At kapag nangyari na 'yon, magiging malinaw rin ang lahat. Magkaka-ayos din kayo."

Bigla siyang tumingin sa akin nang saktong huminto ang mga sasakyan. "Ikaw, wala ka bang balak malaman kung nasaan ang kapatid ko? Ayaw mo na ba siyang makita?"

Umiwas agad ako ng tingin. "Hindi naman sa ayaw, pero okay na itong ganito. Kasalanan ko naman, eh. Tsaka malakas ang pakiramdam ko na mas masaya siya kung nasaan siya ngayon."

"Eh ikaw, masaya ka rin ba?"

Yumuko ako. "Kailangan ba 'yon? That doesn't matter to me."

Bumuntong-hininga siya sabay pinaandar na ulit ang kotse. "Dapat maging masaya ka rin. Hindi naman porke't may kasalanan ka, hindi ka na pwedeng maging masaya. Kapag nahanap ko na si Arkhe, sasabihan ko siyang makipag-usap ulit sa 'yo."

Gulat akong napatingin sa kanya. "No! Please don't do that! Hindi ko na siya kayang harapin ulit. Okay na ako na ganito. Please, wag mong gagawin 'yan."

Nginitian niya ako nang mapait. "Okay. Sorry."

Hindi na ulit ako sumagot at tumingin na lang sa bintana.

Kinabahan ako ro'n. Masaya na ako na makitang masaya si Arkhe kasama si Patrice. Hindi na namin kailangang mag-usap pa. At alam ko rin namang hindi siya papayag.

• • •

DIRE-DIRETSO ANG byahe namin ni Theo. Makalipas ang ilang oras, nakarating na rin kami sa Nasugbu.

Hindi talaga ako nakatulog kahit saglit, pero hindi rin naman ako nakaramdam ng pagod dahil mas nangingibabaw na ulit ang kaba ko. My hands were shaking again. Hindi na kami dumaan ni Theo sa bahay nila rito. Tumuloy na agad kami sa ospital kung saan naka-admit ang mama niya.

I bought some fruits and flowers for her. May nadaanan kasi kami kanina kaya bumili ako.

Pagkarating namin sa ospital, mas lalo na akong hindi mapakali. I'm having a panic attack. Parang gusto ko na ngang umatras, kaso sayang naman ang pagpunta ko rito.

"Ayos ka lang?" tanong ni Theo sa 'kin habang nasa elevator kami.

Umiling ako. "I am so nervous. Kung sakaling paalisin ako ng Mama mo sa kwarto, samahan mo ako palabas, ha?"

Natawa siya sa 'kin. "Hindi ganyan si Mama. Relax ka lang."

Napangiti na lang ako.

Ewan ko, pero para siyang si Arkhe kung magsalita. Kagabi ko pa 'yon napapansin noong magkausap kami habang naghahapunan. He talks like Ark. And he acts just like him, too. Magkapatid nga talaga sila.

Nakarating na kami sa kwarto ng Mama niya, pero huminto muna ako sa tapat ng nakasarang pinto.

Sunod-sunod akong huminga nang malalim, tapos ay kinondisyon ang sarili ko. I hope everything will go well.

Binuksan na ni Theo ang pinto at tuluyan na kaming pumasok sa loob.

Nang makita ko na ang kalagayan ng mama niya na nakahiga sa kama, napabagsak na lang agad ako ng mga balikat.

She lost a lot of weight from the last time I saw her. I almost did not recognize her. Bigla tuloy akong nag-alala sa kung ano ba talagang sakit niya. May hindi yata binabanggit sa akin si Theo.

"Ma," sabi naman na ni Theo. "May bisita ka ngayon."

Tsaka lang napatingin sa amin ang Mama niya. And the moment she saw me beside Theo, she sweetly smiled at me.

Hindi ko inasahan na iyon ang magiging unang bungad niya sa akin. She even held out her hand for me to come closer even though I know she doesn't have the strength.

Napangiti na rin ako at lumapit sa kanya.

Gusto kong matuwa na ganito ang reaksyon niya sa muling pagkikita namin, pero hindi talaga mawala sa akin na mag-alala. Honestly, mas nag-aalala na nga ako kaysa kinakabahan. Hindi ko inexpect na ganito na pala ang kalagayan niya ngayon. Parang wrong timing na tuloy ang pakikipagusap ko. She really looks too weak.

"Salamat at dinalaw mo ako," biglang sabi niya sa akin. Halata kong medyo hirap siyang huminga habang nagsasalita. "Kumusta ka na, hija? Magaling ka na?"

Napangiti ako nang mapait. Siya ang nasa ospital, pero ako itong gusto niyang kumustahin.

"Opo, magaling na," I just answered. "Kayo po, kumusta? May dala po pala akong fruits para sa inyo." Nilagay ko ang binili kong prutas sa kalapit na table, tapos ay hinawakan ko ang kamay niya. "Kumusta po?"

"Ito, nakakaraos pa naman, awa ng Diyos."

"Ano pong nararamdaman niyo?"

"Hirap huminga. Nanghihina ako." Tapos ay bahagya siyang sumilip sa likuran ko. "Nasaan si Arkhe?"

Natigilan ako. "P-po?"

"Si Arkhe. Magkasama kayo, 'di ba? Nasaan siya? Nasa kotse pa ba? Paakyat pa lang?"

Hindi ako makasagot.

Hindi niya pa pala alam ang nangyari. Tumingin ako kay Theo para manghingi ng tulong.

Naintindihan niya naman. Lumapit agad siya sa amin. "Ma. Si Isabela lang ang nandito. Hindi niya kasama si Arkhe."

Lalong tumamlay ang mukha ng mama niya. Dahan-dahan na itong bumitiw sa akin, tapos ay tumingin na lang ulit sa malayo. "Nakalimutan na talaga ako ng anak ko."

I felt like something pierced my heart.

Bigla ring uminit ang sulok ng mga mata ko. Nalungkot ako hindi lang dahil sa sinabi niya, kung 'di dahil pakiramdam ko, na-disappoint ko siya.

Akala niya pala kasama ko si Arkhe. Pero ako lang itong nandito at wala pang balak sabihin kung nasaan talaga si Ark.

Tumingin na lang ulit ako kay Theo. Ngumiti naman siya nang tipid sa akin, tapos ay sumenyas na lalabas. Siguro para makapag-usap na kami ng mama niya.

Hinintay ko lang siyang makaalis, tsaka ako humila ng silya at umupo rito sa tabi ng kama.

I caressed tita's arm. "I'm sorry po, hindi ko kasama si Arkhe. Hiwalay na po kasi kami. Si Theo lang po ang nagsabi sa akin ng tungkol sa kalagayan niyo."

She looked at me again. Nakakunot ang noo niya. "Hiwalay na kayo ni Arkhe? Bakit kayo naghiwalay? Mahal na mahal ka ng anak ko."

Napaiwas agad ako ng tingin kasi lalong naluha ang mga mata ko.

I didn't expect that she'd say that. Bigla kong naalala si Arkhe. Naalala ko nga kung gaano niya ako ka-mahal.

"Sorry po," sabi ko na lang ulit. "Matagal na po ang nangyari."

"Sayang naman kayo."

I don't know what to say anymore. Hindi ko ito napaghandaan. Lalo tuloy akong pinanghinaan ng loob, pero hindi naman pwedeng masayang ang pagdalaw ko ngayon sa kanya.

I just calmed myself down, then held her hand again. "Tita, ayoko na pong patagalin. Kaya po pala ako nagpunta rito kasi gusto kong humingi ng tawad."

"Tawad saan?"

"Sa nangyari po noong huling beses akong sinama rito ni Arkhe. Nagwala ako sa harapan ng pamilya niyo. Nabastos ko po kayo at napahiya ko si Ark. I was not myself that time. I'm really sorry, tita. Maling-mali po talaga ako no'n."

Hindi ko na napigilan, napaluha na ako. Pero pinahid ko agad kasi nakakahiya.

Ine-expect ko na sasama na ang loob niya sa akin kasi pinaalala ko pa ang nangyari. Akala ko magagalit na siya at paaalisin ako. Pero hindi. She even smiled at me. Kahit na halata kong hinang-hina siya, ngumiti pa rin siya.

"Wala naman 'yon," sabi niya sa 'kin. "Naiintindihan ko naman. May sakit ka. Naawa lang ako para sa anak ko kasi alalang-alala siya sa 'yo no'n at ayaw ka niyang pabayaan. Pero naiintindihan ko. Hindi naman ako galit."

Nagtuloy-tuloy na ako sa pag-iyak. "Sorry po talaga. Pinagsisihan ko po. Hindi ako matahimik hangga't hindi ko kayo nakakausap at nakakahingi ng tawad."

"Kalimutan mo na 'yon, matagal na 'yon." Pinahid niya pa ang pisngi ko.

Pero mas lalo lang naman akong naiyak. Hinawakan ko agad ang kamay niya kasi baka mas lalo siyang manghina kapag gumalaw. She doesn't have to do that. But I appreciate it so much. She is so sweet. I feel like she is also my mom.

"Wag ka nang umiyak," sabi niya pa. "Hindi ako galit sa 'yo. Kami ng Papa ni Arkhe, hindi kami galit."

Ngumiti na ako kahit na nangingilid pa rin ang luha sa mga mata ko. "Thank you po. This means so much to me. Salamat po talaga."

Lumuwag na ang pakiramdam ko kahit papaano. Para akong nabunutan ng malaking tinik sa dibdib.

Hindi ko inasahan na magiging ganito kadali ang lahat. I feel so thankful because I feel like I can finally move forward after this. Na ito na lang talaga ang hinihintay ko para makapag-umpisa na ulit sa buhay. Masaya ako na okay na kami.

I wiped my cheeks, then held her hand again. Tighter this time. "Tita, magpagaling po kayo, ah? Dapat makalabas na po kayo rito sa ospital. Ano po bang kailangan niyong tulong para mapabilis ang paggaling niyo? Gusto niyo po bang lumipat sa mas malaking ospital? Or sa private room po rito? I will help you."

"Si Arkhe lang ang kailangan ko," agad niyang sagot. "Gusto ko lang makita ang anak ko."

Napabagsak ako ng mga balikat.

Muli na namang nangilid ang luha sa mga mata ko. Kayang-kaya kong ibigay sa kanya ang lahat, pwera lang ang bagay na iyon.

"Nasaan ba talaga si Arkhe?" tanong niya pa sa akin. 'Yong boses niya, ang lungkot-lungkot na parang maiiyak.

Hindi naman ako makasagot.

"Pabalik-balik na si Theo sa Maynila," dagdag niya, "pero kapag umuuwi rito, hindi niya pa rin naman kasama si Arkhe."

I still don't know what to say. Nahihiya na ako na wala akong maisagot sa kanya.

Huminga na lang ulit siya nang malalim. "Mamamatay na lang yata ako nang hindi pa ulit nakikita ang anak ko."

"Tita, no. Don't say that. You are still strong. Gagaling ka po."

"Iyan din ang sinasabi nila sa akin. Pero Isabela, sa kada araw na nagtatagal ako rito sa ospital, parang lalo akong nanghihina. Natatakot ako, sa totoo lang."

Napayuko ako.

Ayoko ng nakakarinig ng ganito kasi mabigat sa akin. Apektadong-apektado ako. I value parents so much because I already lost mine.

"Nawawala ba si Arkhe?" muli niyang tanong.

Hindi pa rin ako makasagot.

"Nanay kasi ako, Isabela. Nararamdaman ko kapag may nangyayaring hindi maganda sa mga anak ko. Masama ang kutob ko kaya gusto kong makita si Arkhe. Nasaan ba siya?"

My hands trembled. "I-I'm sorry po, pero hindi ko rin alam."

"Hindi mo ba siya pwedeng tawagan? Baka makausap mo pa ang anak ko. Pakisabi hinahanap ko siya, umuwi muna siya rito sa amin. Sige na naman." At doon mismo, napaiyak na siya.

Nataranta ako! Pinunasan ko agad ang luha niya sa pisngi. "Tita, calm down. Baka kung mapaano ka po."

Alalang-alala ako kasi nagtuloy-tuloy ang pagluha niya. Baka lalo siyang mahirapang huminga. Gusto ko na ngang tawagin si Theo.

"Pasensya na, ha?" She then said. "Kung ikaw naman ang kinukulit ko. Wala na pala kayo ni Arkhe, pero sana maintindihan mo na gusto ko lang talaga siyang makita."

"Naiintindihan ko po."

"Hindi mo ba talaga alam kung nasaan ang anak ko?"

Bahagya akong umiwas ng tingin. "S-sorry po talaga."

Hindi na siya nagsalita pagkatapos. Tumingin na lang ulit siya sa malayo at lumuha nang tahimik.

Wala na rin naman akong nasabi. Naaawa ako sa kanya. I feel so bad right now because I am lying to her.

Mabuti na lang at may pumasok na ulit dito sa kwarto kasi parehas na talaga kaming natahimik ni tita. May dumating na doktor at nurse, kasunod si Theo.

I just used that chance to leave the room for a while. Binulungan ko si Theo para magpaalam.

Pagkalabas ko ng kwarto, umupo lang ako sa kalapit na bench. Napatulala ako sa hangin. Ang tagal kong ganito rito sa labas na pakiramdam ko pinagtitinginan na ako ng ibang mga taong dumaraan.

My heart is heavy.

Akala ko bubuti na ang pakiramdam ko kapag nakahingi na ako ng tawad, pero mas lalo lang akong nalungkot sa pag-uusap namin ni tita. Nakaka-guilty.

I feel like I have failed today. Kulang ang ginawa ko, eh. Kulang na nag-sorry lang ako kasi hindi naman talaga ako nakatulong. I just cleared my name. And I find that so selfish. Inisip ko lang ang magpapagaan sa loob ko, pero hindi ang magpapagaan sa loob nila.

Pumikit ako nang mariin para hindi ako muling mapaiyak.

Alalang-alala ako sa kalagayan ni tita. Gusto ko nang sabihin sa kanila kung nasaan talaga si Arkhe para bumuti na ang lagay niya kahit papaano. I know Amanda and I have already talked about this, but after seeing tita's condition, I couldn't afford not to help. Lalo na't siya mismo ang nagsabi sa akin na si Arkhe lang ang kailangan niya.

Hindi ako matatahimik. Besides, this is all my fault. Kung hindi ko naman niloko si Arkhe, hindi naman siya lalayo. Ako ang may kasalanan kung bakit lahat kami nahihirapan ngayon kaya dapat akong bumawi.

Tumingala ako sa kisame sabay huminga nang malalim.

Wala na akong pakialam kung sermonan ako ni Amanda at kung mas lalong magalit sa akin si Arkhe dahil sa pangingialam ko, basta gagawin ko kung ano ang sa tingin ko ay nararapat.

I calmed myself down for a while, then finally stood up and pulled my phone from my bag.

Tatawagan ko si Patrice.

Pero pagka-ring na pagka-ring pa lang ng linya niya ay may biglang tumawag sa akin sa likuran.

"Ate Isabela?

. . . Ikaw ba 'yan, ate Sab?"

Nataranta ako at biglang naibaba itong tawag ko kay Patrice.

I quickly turned around to see who called me, and my lips just curved into a smile.

It's Unice, Arkhe's favorite cousin.

Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro