Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25

ARKHE

"KUMUSTA NA ANG pakiramdam mo?" tanong sa 'kin ni Patrice pagkapasok namin sa bahay. Hinaplos niya pa ako sa pisngi para tingnan kung mainit pa ako.

"Ayos na," sagot ko sa kanya. "Nakatulog na ako kanina pagkatapos kitang tawagan."

"That's good. Did you take your sleeping pills?"

"Hindi. Nakatulong naman 'yung gamot sa lagnat para antukin ako."

"Okay. Let's eat? Nag-takeout ako ng food para sa 'yo, galing sa restaurant na kinainan namin ni Rose." Dumiretso na siya sa kusina para ihanda ang dala niya.

Sumunod lang ako. "Ano 'yan?"

"Japanese food. Iinitin ko lang saglit. Umupo ka na muna riyan."

"Ako na lang ang mag-iinit."

"Ako na, okay lang. Kagagaling mo lang sa lagnat, eh." Nginitian niya ako bago siya tumalikod.

Umupo na lang din ako at pinanood siya.

Ilang buwan na kaming nagsasama ni Patrice, pero kahit isang beses hindi ko naramdaman na nagsawa o napagod siya sa pag-aasikaso sa 'kin. Minsan nga pakiramdam ko, sobra-sobra na ang ginagawa niya.

Si Patrice ang nag-ahon sa 'kin mula sa pinaka-lugmok na parte ng buhay ko.

Matagal na sana akong wala ngayon kung hindi niya ako niligtas at pinagsikapan na pagalingin. Dahil sa kanya, nalampasan ko 'yung mga araw na akala ko hindi ko malalampasan.

Naaalala ko pa nung nagkamalay ako sa ospital pagkatapos ng aksidente, ang sama ng loob ko kasi nabuhay pa ako. Kulang yata ang bilis ng pagmamaneho ko kaya hindi ako natuluyan. Galit na galit ako kasi gusto ko na talagang mawala. Kaya kahit hindi ko pa kilala si Patrice no'n, nakiusap ako sa kanya na ilayo na lang ako, para kahit papaano, magkaroon ako ng ibang buhay.

Ang gaan agad ng loob ko kay Patrice at naramdaman kong mabuti siyang tao. Hindi niya nga ako sinukuan kahit mukhang wala na talaga akong pag-asa. Hindi kasi ako nakalakad pagkatapos ng aksidente. Ang dami kong naramdamang sakit no'n na tipong akala ko hindi na ako magtatagal. Nag-tyaga lang talaga siya sa 'kin. Siya ang naging katuwang ko sa lahat.

Hindi ko masasabi na magaling na ako ngayon. Madalas pa rin akong magkasakit at binabangungot dahil sa mga nangyari. Kaya nga kung anu-ano pang gamot ang kailangan kong inumin para lang makaraos sa araw-araw. Gusto kong bumalik sa normal, pero hindi ko na alam kung paano ulit mag-uumpisa. Ang daming nagbago sa 'kin. Lahat ng hilig ko, pangarap ko, at 'yong totoong Arkhe—nawala. Para bang namatay na sila ro'n sa aksidente.

Iba na ako ngayon. Kahit ako mismo, hindi ko na kilala ang sarili ko. Hindi ko pa ulit nakikita ang pamilya ko at mga kaibigan ko. Wala na rin akong trabaho o kahit na anong pinagkakakitaan kasi wala na akong ganang kumilos. Nawalan ako ng direksyon sa buhay. 'Yung natitirang ipon ko na lang ang ginagamit ko pantulong kay Patrice dito sa bahay kasi ayoko namang magmukhang nakikitira lang.

Napaka-espesyal sa 'kin ni Patrice. Sa totoo lang, siya na lang ang dahilan kung bakit ako gumigising.

Kahit kailan hindi niya pinaramdam sa 'kin na pabigat ako. Simula noong nakasama ko siya, naging tahimik lahat. Simple lang kami, pero masaya. Payapa. Basta nasa tabi ko siya, maayos ako.

"Oo nga pala," biglang nagsalita si Patrice kaya napabalik ulit ako ng atensyon sa kanya. "May ipatitikim ako sa 'yo. Tingnan mo diyan sa isang paper bag."

Sinilip ko naman 'yung paper bag na tinutukoy niya. "Ano 'to?"

"Cookies. Tikman mo dali, sobrang sarap niyan."

Nilabas ko ang kahon mula sa paper bag at binuksan para kumuha ng isang biskwit. Pero pagka-kagat na pagka-kagat ko pa lang, natigilan agad ako. May naramdaman akong kakaiba.

Tinitigan ko tuloy 'tong kapit kong biskwit. "Saan mo 'to nabili?"

"Hindi ko 'yan binili. Bigay 'yan sa 'kin ni Rose. 'Di ba ang sarap?"

Kumagat ulit ako para masiguro kung ito nga ba talaga 'yung lasa na naiisip ko. "Siya ang gumawa nito?"

"Mm-hmm. Ang galing niyang mag-bake, 'di ba? Nagustuhan mo rin?"

Saglit akong natahimik bago sumagot. "Masarap. May ka-lasa siya na paborito ko dati."

"Talaga?" Napalingon siya sa 'kin. "I will tell Rose about it. Matutuwa 'yon. Parang ayaw niya kasing maniwala na masarap ang binake niya. You know what, you should meet Rose. Sobrang bait niya at ang ganda-ganda pa. I really like her."

Hindi ko na masyadong narinig ang iba niya pang sinabi. Nakatutok na lang kasi ako sa pag kain nitong biskwit. Hindi ko na nga namalayan na nakaka-tatlo na ako.

"Nasarapan ka talaga," bigla namang sabi ni Patrice. Nandito na pala ulit siya sa tapat ko at naihanda na ang mga pagkain sa mesa. "Ngayon lang kita nakitang nasarapan ng ganyan. I'm glad you liked it. Sige na, sa 'yo na 'yan lahat."

Umiling ako. "Sa 'yo 'yan binigay. Tinikman ko lang."

"Tikim pa ba 'yon? Eh ang dami mo na ngang nakain." Natawa siya, tapos hinaplos ang buhok ko. "You're always like this. Hindi mo inaamin sa akin kapag may nagugustuhan ka. Buti na lang mabilis akong maka-intindi."

Nginitian ko na lang siya. "Kain ka ulit. Sabayan mo ako."

"Okay. I'll just change my clothes first." Umalis muna siya para umakyat sa kwarto.

Ako naman, tiningnan ulit 'tong kahon ng cookies.

Hindi ko alam kung naaalala ko lang ba ulit siya o sadyang ka-lasa lang talaga ng gawa niya 'tong mga biskwit.

Si Isabela ang tinutukoy ko.

Ganitong-ganito rin kasi ang mga cookies na bine-bake niya dati para sa 'kin.

Wala na akong balita sa kanya matapos ang aksidente. Pinipilit ko siyang kalimutan para tuluyang nang matahimik ang buhay ko. Kaso bigla-bigla ko pa rin talaga siyang naaalala kahit na sa mga maliliit na bagay—katulad nitong biskwit. Madalas ko rin siyang napapanaginipan kaya tuloy palagi akong hindi makatulog nang maayos.

Hindi pa alam ni Patrice ang tungkol kay Sab. Hindi niya rin alam na isang babae ang naging dahilan kung bakit ko tinangkang magpakamatay. Ayoko na lang munang sabihin kasi gusto ko na talagang ibaon sa limot ang parte ng buhay kong 'yon.

Aminado akong hindi madaling kalimutan si Sab. May mga pagkakataon na iniiyakan ko pa rin siya. Mahirap talagang kalimutan ang isang tao na naging malaking parte ng buhay mo. Kahit ilang beses niya pa akong masaktan, hindi ko pa rin maitatanggi na sobrang minahal ko siya at minsan sa buhay ko e napasaya niya ako.

Hindi na ako galit sa kanya, 'di tulad noong unang beses kaming naghiwalay na ilang taon talagang masama ang loob ko. Naiintindihan ko na rin lahat ng nangyari sa 'min.

Pero mas ayos na 'tong ganito na wala na kaming koneksyon sa isa't isa para parehas na kaming makausad sa buhay. Siguro hanggang doon na lang talaga ang kwento namin. Kung nasaan may siya ngayon; kung nagkatuluyan man sila ni Morris, sana masaya siya. 'Yon naman kasi talaga ang hiling ko umpisa pa lang—na maging masaya siya.

"OH MY GOD! Arkhe?"

Nabigla ako sa pagtawag ni Patrice.

"C-could you come here for a second?" Natataranta ang boses niya kaya nataranta rin tuloy ako at inakyat agad siya sa itaas.

Naabutan ko siya na nasa tapat ng nakabukas kong cabinet.

"Bakit?" tanong ko.

"I just fixed your things for a bit. Bakit nasa iyo 'to?" May pinakita siyang puting pitaka.

Napabagsak ako ng mga balikat. Ah. Iyon 'yong pitaka na napulot ni Theo dati sa kasal ni Baron. Hindi ko napansin na nadala ko pala rito no'ng huling beses na kumuha kami ni Patrice ng mga gamit sa dati kong bahay.

"Why is this here?" tanong niya ulit sa 'kin.

"Nasama lang sa mga gamit ko. Hindi akin 'yan."

"I know! Because this is mine! Bakit nasa iyo?

Napakunot agad ako ng noo at nilapitan siya para kunin 'yung wallet. "Paano 'to naging sa 'yo? Napulot 'to ng kapatid ko sa pinuntahan naming kasal dati sa Tagaytay. Nadala niya lang."

"Sa kasal nina Mr. at Mrs. Medel?"

Lalo akong napakunot ng noo. "Bakit mo sila kilala?"

"They're my clients! Ako ang florist nila sa kasal nila sa Tagaytay. Doon ko nga nawala 'tong wallet. Look!" Binuksan niya ang pitaka at may nilabas na picture mula roon. "This was Jasmine when she was only three years old. See?"

Napangiti na lang ako ng tipid. 'Yung anak niya nga 'yon. Hindi ko kasi binuksan 'tong wallet kaya wala talaga akong ideya kung sinong may-ari.

"Oh my God, ang galing!" Nanlalaki ang mga mata niya kasi hindi talaga siya makapaniwala sa nangyari. "Sa dami ng tao, sa 'yo pa talaga 'to napunta?"

"Sa akin nga pinababalik ng kapatid ko 'yan. Hindi ko lang ginawa kasi siya naman ang nakapulot. Tsaka hindi ko kilala kung sinong may-ari."

"I can't believe this! So does this mean we're really meant to meet each other?"

Napangiti na lang ulit ako. "Nagkaroon tayo ng koneskyon dahil sa pitakang 'yan."

"I know! Kahit pala hindi kita niligtas sa aksidente, magkikita't magkikita pa rin talaga tayo dahil sa wallet na 'to. I was looking for this. Ang tagal ko nang iniisip kung sinong nakapulot, kasi espesyal 'to sa 'kin. My lola gave this to me, this is vintage! Sabi ko pa sa sarili ko, willing akong bayaran kung sinong magbabalik nito sa 'kin kahit na alam kong imposible nang mabalik kasi ang tagal na. Ang sarap sa pakiramdam na nasa iyo lang pala ito."

Kitang-kita ko ang tuwa sa mukha niya habang nagki-kwento siya. Isa ito sa mga nagustuhan ko kay Patrice. Kapag masaya siya, pati ikaw mahahawa sa kasiyahan niya.

Niyakap ko na lang siya at hinalikan sa ulo. "Itago mo na 'yan para hindi na mawala ulit. Mas lalo pa pala tuloy naging espesyal 'yang pitaka."

"It's unbelievable, right? Parang eksena sa libro. Naku, iki-kwento ko nga ito kay Rose kapag nagkita ulit kami. Affected 'yon sa mga ganitong kwento kasi mahilig siyang magbasa ng romance novels."

"Palagi mo na lang binabanggit 'yang Rose. Parang nagseselos na ako."

Natawa siya, tapos binalik na muna ang pitaka ro'n sa cabinet. "I just really love her, she's like a bestfriend. Dapat talaga makilala mo siya. Maybe we can have coffee with her sometimes? Para makalabas ka naman."

"Bakit, ayaw mo bang nandito lang ako?"

"That's not what I meant." Malambing niya akong hinaplos sa pisngi. "Syempre gusto ko rin 'yong madalas kang nakakagala at nakakakita ng ibang tao. It's been months since the accident, pero bilang na bilang ko kung ilang beses ka pa lang lumalabas. I'm just concerned."

Tipid akong ngumiti. "Ayos lang naman ako dito sa bahay. Basta kasama lang kita, kayo ni Jasmine."

Napangiti rin siya. "Ang bait mo talaga sa 'min ng anak ko. O sige na, baba ka na ulit. Susunod na ako ro'n."

"Sige. Bilisan mo, baka lumamig na ulit 'yong ininit mong pagkain." Tumalikod na ako pagkatapos at bumaba sa kusina.

Hindi naman kalakihan 'tong bahay na inuupahan ni Patrice. Sakto lang sa 'min nila Jasmine.

Malapit ako sa anak ni Patrice. Kapag nandito 'yon sa Maynila, inaalagaan ko para makapagtrabaho nang maayos si Patrice sa flower shop. Unang beses kong pumasok sa ganitong relasyon, at kuntento naman ako.

Magaling at responsableng nanay si Patrice. Sa totoo lang, wala akong maipipintas sa kanya. Pinalalaki niya nang maayos si Jasmine. Kahit isang beses hindi niya ako inobliga na alagaan ang anak niya kasi kayang-kaya niya naman, pero napalapit na rin talaga ang loob ko ro'n sa bata. Tinuturing ko na nga rin na parang sarili kong anak. Kaya nasasabi kong wala na akong iba pang mahihiling kasi naibibigay na talaga ni Patrice lahat ng kailangan ko.

Nakabalik na ako sa kusina, at ilang saglit lang bumaba na rin si Patrice.

Tinabihan niya ako sa mesa. "Let's eat. Bigla na rin akong nagutom dahil sa tuwa ko ro'n sa wallet." Nilagyan na niya ako ng pagkain sa plato. Ako na naman ang inuna niya kaysa sa sarili niya.

"Anong kinain mo kanina sa restaurant?" tanong ko. "Nag-enjoy ka ro'n?"

"Mm-hmm. Nag-order ako ng sashimi. 'Di ba ilang araw na akong nagce-crave?"

Tumango ako sabay sumubo na ng pagkain. "Sa kaiisip mo siguro sa sashimi kaya mo ako nakalimutang i-text na nasa mall ka na."

Bigla siyang natawa kaya hindi siya natuloy sa pagsubo. "I'm so sorry! Napasarap kasi agad ang kwentuhan namin ni Rose kaya nawala sa isip ko. Nag-alala ka ba talaga sa 'kin?"

"Anong klaseng tanong 'yan? Ikaw na lang ang kasama ko sa buhay, hindi ba ako mag-aalala? Baka may biglang mangyari sa 'yo na wala akong kaalam-alam."

Napangiti siya. "I'm sorry, it won't happen again. I'll make sure na kahit saan ako magpunta, ikaw palagi ang una kong ite-text." Kumain na ulit siya pagkatapos.

"Kumusta pala si Jasmine?" sumunod kong tanong. "Kailan siya babalik dito?"

Natawa na naman siya. "Parang kahahatid ko lang sa kanya sa Tagaytay, tapos tinatanong mo na agad kung kailan siya babalik?"

"Nami-miss ko na si Jasmine. Wala akong kalaro dito sa bahay."

Hinaplos niya ang gilid ng buhok ko. "You're so sweet. Kaya gustong-gusto ka rin tuloy ng anak ko, eh. Susunduin ko na siya sa weekend. Do you want to come with me again to Tagaytay? 'Di ba may pinupuntahan kang bahay ro'n?"

Natahimik ako saglit. Alam niya 'yung hideout, pero hindi ko pa nasasabi sa kanya kung gaano 'yon ka-importante sa 'kin at kung bakit ako pumupunta ro'n. Titigil din naman kasi siguro ako. Balang-araw, mapapakawalan ko rin lahat ng alaala na meron ako sa bahay na 'yon.

"So, you'll come with me?" tanong niya ulit.

Tumango ako. "Sige. Idaan mo na lang ulit ako ro'n sa bahay."

"Okay! I'm sure matutuwa si Jasmine kapag nakita na kasama kitang sumundo sa kanya. Oh, by the way. Nasabi ko na ba sa 'yo 'yung update tungkol sa Third Base?"

Natigilan ako sabay muli siyang tiningnan. "Alin? 'Yong sa sinasabi mong bibili?"

"Oo. Tuloy na sila sa pagbili sa club. Sila lang ang kaisa-isang nakausap ko na pumayag sa gusto mong presyo."

Tipid lang akong ngumiti. "Mabuti naman."

"I'll just meet with the buyer again. Mukhang mayamang negosyante ang buyer, eh. Secretary lang kasi ang nakakausap ko. Ako na lang ulit ang haharap kapag nag-pirmahan na ng kontrata, ha? I know you're still not ready, and that's okay. I can take care of everything."

Bumuntong-hininga ako. "Salamat. Sobrang dami na ng naitutulong mo sa 'kin."

"Don't worry about it. Maliit na bagay lang 'yon kumpara sa pagmamahal na binibigay mo sa 'min ni Jasmine. O, kain ka pa." Nilagyan niya ulit ako ng pagkain sa plato.

Nahihiya na talaga ako sa kanya na pati 'yong Third Base, siya ang nag-aasikaso. Kaso sadyang ayoko na talagang pumunta ro'n. Malulungkot lang ulit ako kapag nakita kong may iba ng magmamay-ari sa negosyong pinaghirapan kong itayo.

Binenta ko na 'yung Third Base. Masakit sa 'kin. Sa tuwing binabalitaan nga ako ni Patrice tungkol sa mga gustong bumili, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot.

Matutuwa, kasi kailangan ko ng pera. 'Yon na lang ang pag-asa ko. Malulungkot, kasi labag talaga sa loob kong ibenta 'yon. Parang anak ko na 'yon na pinalaki ko at inalagaan. Pero wala, eh. Kailangang bitiwan. Hindi ko na rin kasi maaasikaso kasi nga nawalan na ako ng gana sa lahat ng bagay simula noong naaksidente ako.

"Nabasa mo na ba 'yung sulat na inuwi ko rito noong isang araw?" bigla niyang tanong sa 'kin kaya napabalik ulit ako ng atensyon sa kanya.

"Sulat? Kanino galing?"

Napabagsak siya ng mga balikat. "I knew it. Hindi ka nakikinig sa 'kin nung kinakausap kita no'n. Lumipad na naman siguro ang isip mo."

Umiwas ako ng tingin. "Pasensya na."

"It's okay. 'Yong sulat. 'Di ba noong isang araw, pumunta ako sa dati mong bahay para i-check lang saglit? May sulat ka sa mail box. Inuwi ko rito 'yon."

"Ah. Oo, naalala ko na. Pero nakalimutan kong basahin. Nasaan na ba 'yon?"

"Wala ba sa tabi ng ref? Teka lang." Tumayo muna siya at hinanap do'n sa mga papel na nakalagay sa gilid ng ref. "Matagal-tagal na 'tong sulat do'n sa mail box kasi may nakalagay na date. Pero mukhang importante, eh. Oh, here it is." Kinuha niya at binuksan kaagad.

"Anong nakasulat?" tanong ko.

"Maiksi lang. Kinukumusta ka tsaka tinatanong kung pwede kayong magkita. May nilagay siyang number tsaka address."

"Kanino galing 'yang sulat?"

"Hmm...it's from Amanda. May kilala ka bang gano'n?"

Natigilan agad ako. Ngayon ko na lang ulit narinig ang pangalan ni Amanda. Hindi ko inasahan na gusto niya pa ring makipagkita sa 'kin pagkatapos ng lahat ng nangyari.

Bumalik na si Patrice sa mesa at inabot sa 'kin ang sulat. "Do you want to meet with this person? Pwede kitang ihatid kung gusto mo."

Ang tagal kong natahimik bago huminga nang malalim. "Pag-iisipan ko muna."

Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro