Chapter 2
ARKHE
***FLASHBACK***
New York, USA
"Arkhe! She's awake!"
Nataranta ako, tinawag na ako ni Amanda rito sa labas ng kwarto ni Sab sa ospital.
Tumayo agad ako para pumasok sa loob. Kasunod ko si Morris pati ang asawa ni Amanda. Nagka-malay na nga si Sab mula sa operasyon. Pero halatang wala pa siya sa sarili. Palinga-linga siya sa paligid, parang hindi pa pumapasok sa isip niya kung nasaan siya.
Napangiti naman ako nang malapad, tapos lumapit. Ang saya ko na nagising na rin siya sa wakas. Kinabahan kasi ako nung una na baka hindi niya kayanin ang operasyon.
"Sab . . ." Dapat hahawakan ko siya sa kamay, kaso bigla niya akong tiningnan na parang natakot siya sa 'kin.
Hindi ko na lang tinuloy ang paghawak. Nginitian ko na lang siya. Baka nabibigla pa siya kasi kagigising niya lang.
"Anong nararamdaman mo? May masakit ba sa 'yo?" magkasunod kong tanong sabay tingin sa nakabendang ulo niya.
Pero hindi niya ako sinagot. Nakakunot ang noo niya sa 'kin. Parang takang-taka siya kung bakit ako nakikipag-usap.
Tapos bigla siyang naglipat ng tingin kay Amanda na nasa tabi ko. "S-sino siya? Hindi ko siya kilala."
Ako naman ang napakunot ng noo. Tinitigan ko siya nang matagal kasi baka nagbibiro lang siya, pero hindi nagbago ang reaksyon ng mukha niya sa 'kin.
Napatingin na rin ako kay Amanda pagkatapos. "Anong nangyari?" Nagawa ko pang magtanong kahit na pakiramdam ko bibigay na lang basta 'tong mga tuhod ko kasi bigla na lang akong nanginig.
Namutla naman ang itsura niya. Hindi niya ako nasagot at naglipat lang din siya ng tingin sa doktor na nakatayo sa kabilang gilid ng kama ni Sab.
Ang bilis kumilos ng doktor kahit wala pang tinatanong si Amanda. Tiningnan agad nito si Sab at nagtanong-tanong, pero walang maisagot si Sab. Parang naiiyak na nga siya kasi nahihirapan siyang sumagot kahit simple lang naman ang mga tanong.
Lumakas na ang kabog ng dibdib ko. Ayokong manguna, pero mukhang nangyari na ang bagay na ilang buwan ko nang kinatatakutan.
"I'm sorry. It seems like she suffered memory loss . . ." sabi na sa 'min ng doktor.
. . . as I've said before, brain surgery can possibly cause her to lose some or all of her memories. It can also affect her behavior and ability to think. We will keep monitoring her for now."
Unang linya pa lang ng doktor na-blangko na ako. Hindi ko na narinig ang iba niyang mga sinabi. Para akong biglang nabingi ngayon na wala ng ibang marinig kung 'di 'tong kabog ng dibdib ko at malalalim na paghinga ko.
Hinang-hina akong napahakbang paatras hanggang sa tumama ang likod ko sa pader. Naluha ako nang tahimik pagkatapos. Hindi ko pinunasan. Hinayaan ko lang na tumulo habang nakatulala pa rin ako sa hangin. Kung isa lang 'tong malaking biro, sana bawiin na nila kasi hindi nakakatuwa.
Hindi ko matatanggap. Kahit na binalaan na ako na posible talaga 'tong mangyari, hindi ko pa rin matatanggap. Masaya pa kami bago siya operahan. Bakit biglang naging ganito? Bakit biglang hindi niya na ako kilala? Baka naman niloloko lang talaga nila ako kasi alam nilang sobrang masasaktan ako.
"Arkhe? Arkhe." Sunod-sunod akong tinapik ni Amanda na nasa tapat ko na pala ngayon.
Nawala ako sa sarili na hindi ko na namalayang lumabas na pala ang doktor at mga nurse, at kami na lang ulit nila Morris ang nandito sa loob.
"Don't worry yet, okay?" sabi sa 'kin ni Amanda. "Hayaan muna nating makarecover si Isabela nang tuluyan mula sa surgery. Tapos baka maalala ka na niya."
Tiningnan ko siya nang may luha sa gilid ng mga mata ko. "'Baka'?"
Napaiwas siya ng tingin. "I-I'm sorry. I didn't want this to happen. None of us did."
Hindi na ako sumagot. Parang sasabog na lang sa sakit 'tong dibdib ko. Pinipilit ko na nga lang magpakatatag, pero ang totoo kanina ko pa gustong bumigay nung tinanong pa lang ni Isabela kung sino ako.
Tiningnan ko ulit siya kama. Wala man lang sa 'kin ang atensyon niya—kay Morris lang siya nakatingin ngayon.
Pumikit ako nang madiin. Pinunasan ko gamit ang leegan ng sweater ko 'tong mga luha ko, tapos hinang-hina na muna akong lumabas ng kwarto ni Sab.
Imposible 'tong nangyayari. Mamaya babalikan ko siya at sigurado akong maaalala na niya ako. Mahal ako ni Isabela. Sobrang mahal niya ako at alam kong hindi niya ako magagawang kalimutan.
***END OF FLASHBACK***
Mali ako ng akala. Nagawa nga talaga akong kalimutan ni Sab.
Tangina, ilang buwan na ang lumipas pero hindi pa rin ako makausad. Naikasal na sila Baron at lahat-lahat, ako, ito, inaalala pa rin ang araw na nagising si Sab at hindi na ako kilala. 'Yon na yata ang pinakamasakit na naramdaman ko sa buong buhay ko. Parang bangungot na ayaw matapos eh. Pinipilit kong kalimutan, kaso bumabalik na naman lalo na nung nalaman kong nandito na ulit sa Pinas sila Isabela.
Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako magpapakita sa kanila para hindi na ako masaktan. Pero nong tinawagan ulit ako ni Amanda nung nakaraang linggo at sinabi niyang nandito na sila, ang bilis kong napabalik ng Maynila galing Batangas. Pagdating talaga kay Sab tangina rumurupok ako. Wala naman akong inaasahan. Sa totoo lang, hinanda ko na nga rin ang sarili ko kung sakaling ipagtabuyan niya ulit ako katulad ng ginawa niya sa 'kin sa Amerika. Gusto ko lang talaga siyang makita ngayon, kung kumusta na siya. Ang tagal na rin kasi mula nung umalis ako sa New York. Wala na akong balita sa mga nangyari.
Ngayon, nandito ako sa isa sa mga kumpanya nila Sab.
Dito ako pinapunta ni Amanda para mag-usap. Para nga akong i-interview-hin dito. Nasa loob ako ng parang meeting room tas may mahabang mesa at maraming upuan.
Ilang saglit lang dumating na rin si Amanda. Napatuwid agad ako ng upo.
Ang tamis ng ngiti niya habang palapit sa 'kin. "Hi! I'm sorry ang tagal namin."
"Ayos lang. Medyo kararating ko pa lang din naman." Tumayo ako para makipag-kamay kasi nasanay ako na ganito kami kapag nagkakaharap. Pero nalipat agad ang tingin ko sa kasunod niyang pumasok.
Si Isabela. Kasama nito si Morris.
Napabagsak ako ng mga balikat at napatulala lang kay Sab. Tumingin din siya saglit sa 'kin. Namukhaan niya siguro ako. Ang ganda-ganda niya pa rin. Bigla tuloy akong nabuhayan kahit na dapat malungkot pa rin ako ngayon. Iba pa rin talaga ang epekto niya sa 'kin.
Dumiretso sila ni Morris ng upo sa kabilang dulo ng mesa. Malayo sa 'kin, pero ayos lang. Makita ko lang ulit ang mala-anghel na mukha niya, ayos na sa 'kin. Ang korni pakinggan pero kulang na lang talaga tumalon ang puso ko ngayon sa saya kasi nakita ko na siya ulit. Hindi ko na nga maalis ang tingin ko sa kanya. Medyo nangangayayat pa rin siya, hindi pa yata siya nakakabawi. Maiksi pa rin ang buhok niya ngayon. Parang magkapantay na nga yata kami ng buhok kasi hindi pa rin ako nagpapagupit. Nakatali lang 'tong buhok ko.
"How are you, Arkhe?" tanong ni Amanda kaya napabalik na ulit ako ng atensyon sa kanya. Nakaupo na siya sa tapat ko.
Umupo na rin ulit ako bago sumagot. "Ito, buhay pa naman. Ikaw, kamusta ka?"
"Super stressed out. Sorry pala, dito pa kita sa opisina pinapunta. I really wanted to invite you for lunch outside, but I got too busy. Hindi ako makalabas. By the way, do you want anything? Coffee? Magpapatimpla ako para sa 'yo."
"Hindi na, saglit lang din naman ako. Gusto lang din kitang makita, at tsaka siya." Tiningnan ko ulit si Sab. Tutok siya sa pagsusulat sa dala niyang notebook. Si Morris, nakatayo na sa kanto kasi may kausap na sa cellphone.
Tumingin din si Amanda sa kapatid niya. "Did you miss her?"
Ngumisi ako. "Tinatanong pa ba 'yan?"
Napangiti siya nang mapait. "My sister has become a different person, but I think she's getting better little by little. She's a bit calmed now unlike before."
"Halata nga. Medyo maaliwalas na ulit ang mukha niya ngayon. Pero hindi niya pa rin naman ako naaalala."
"We're still hoping and praying that all her memories will return. At nakiki-cooperate na rin naman siya, hindi katulad dati na hindi talaga siya nag-eeffort."
"Anong sabi ng doktor?"
"Ayun, tuloy lang sa therapy at sa pag-guide sa kanya. What she needs is a strong support system. May nagbago kasi talaga sa personality at behavior niya. Ang tagal ng recovery niya honestly, pero nakakakita kami ng improvements kahit papaano kaya hindi kami bumibitiw. Lagi na siyang may dalang notebook ngayon kasi sinusulat niya ang mga natututunan at naaalala niya para hindi na niya ulit makalimutan. We could see that she's really trying."
Napangiti ako. "Kaya pala kanina pa siya tutok sa notebook."
"Yes. Pinagpapahinga ko lang muna siya saglit ngayon kasi kababalik lang namin, pero sa mga susunod na linggo, magsisimula na ulit siya ng therapy niya rito sa Pilipinas. We've already found her a specialist here."
Binalik ko na ang tingin ko kay Amanda. "Bakit nga pala dito na ulit kayo titira?"
Huminga siya nang malalim. "Nagkaroon ng malaking problema sa isa sa mga negosyo namin. This one," tiningnan niya 'tong kabuuan ng kwarto, "this company is an insurance firm. It's close to bankruptcy. . .
. . . Hindi ko pwedeng balewalain kasi ito ang pinaka-unang negosyo na napalago ng parents namin. Mahalaga ito. Kaya wala kaming choice kung 'di mag-base na ulit dito sa Pilipinas para mas mabantayan namin. My husband and son are also here."
"E siya?" Pasimple kong tinuro si Morris. "Bakit kasama niyo siya?"
"We need his help. Sa dami ng negosyo namin dito sa Pilipinas, hindi na talaga namin kayang mag-asawa na i-handle lahat. And also, I don't want to say this, pero ayaw ni Isabela na hindi kasama si Morris."
Umiwas ako ng tingin. "Ano na namang meron sa kanila?"
"Nothing. I can assure you that."
Tumahimik na muna ako. Inaamin kong hindi ko gusto na nandito rin 'tong si Morris, kasi tangina ako nga dapat ang kasama ni Sab ngayon at hindi ang demonyo na naging dahilan kung bakit kami nagkahiwalay dati. Nakakasama ko si Morris nang kaswal sa New York nung ginagamot pa si Sab pero hindi talaga kami nagkaayos. Wala akong balak.
"Ikaw pala, how's your club?" tanong ni Amanda. "Nagpapunta ako ng tao ro'n para sana i-meet ka kasi hindi mo sinasagot ang mga tawag ko noong time na nandito na kami. Pero wala ka raw ro'n."
"Nasa Batangas ako kasama pamilya ko. 'Yung kapatid ko lang ang namamahala sa Third Base. Hindi ko pa kasi kayang bumalik sa trabaho."
"I see. Buti bumyahe ka papunta rito. Akala ko nga hindi ka tutuloy sa pakikipagkita ngayon. Ang hirap mo kasing kontakin."
"Sorry. Umiiwas ako sa inyo sa totoo lang."
Ngumiti na naman siya nang mapait. "I know, I expected that. Don't worry, hindi ko sasayangin ang effort mo sa pagpunta rito." Bumuntong-hininga siya, tapos tumingin ulit sa kapatid niya. "Do you want to try to talk to her?"
"Kay Sab?"
"Yes. Do you want to try? Habang kalmado siya at hindi pa ulit naninigaw."
Tumingin muna ulit ako kay Sab, tapos tumango ako. "Sige."
"Okay, we will leave you two here." Tumayo siya sabay tinawag si Morris. "Morris, our 2 P.M meeting with the investors is about to start. Let's go?"
Hindi na sumagot si Morris. Nagpaalam lang ito kay Sab, tapos tumayo na rin. Magkasunod silang lumabas ni Amanda nitong meeting room. Lumingon pa nga sa 'kin si Morris, pero hindi ko kinibo.
Pagkasara ng pintuan, tiningnan ko agad si Isabela.
Sa totoo lang hindi ko alam kung anong sasabihin ko kasi hindi ko naman inaasahan na magkakaroon ako ng pagkakataon na makausap siya. Sabi ko nga kanina, makita ko lang siya ayos na sa 'kin.
Nilakasan ko ang loob ko, tapos tumayo na ako para lumipat ng upo sa silya malapit sa kanya. Hindi naman siya umiwas. Hindi niya rin ako pinagtabuyan katulad dati, pero hindi siya tumitingin sa 'kin.
"Hi," sabi ko lang. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, ngayon na lang ulit ako kinabahan nang ganito katindi.
Tsaka niya lang naman ako tiningnan. Ngumiti pa siya. Halatang pilit pero natuwa pa rin ako na ngumiti siya sa 'kin. Sobrang na-miss ko 'yon.
"Hi," sabi niya rin. "Nakita na kita dati, sa Amerika. Ano uling pangalan mo?"
Lumapad ang ngiti ko sabay napabagsak ng mga balikat. Tama nga si Amanda, kalmado na siyang makipag-usap ngayon. "Arkhe Alvarez."
"Ah, oo, Arkhe." Binuklat niya ulit ang notebook niya at sinulat niya ro'n ang pangalan ko. Tapos tumingin ulit siya sa 'kin. Tinuro niya naman ang sarili niya. "Isabela Rose Santiaguel."
Ewan ko pero gumaan ang pakiramdam ko ro'n. Nagpakilala lang naman siya pero para akong natanggalan ng tinik sa dibdib. Nawala ang bigat na ilang buwan ko nang pinapasan. Pakiramdam ko, bumalik kami sa araw na unang beses ko siyang nakitang mag-isa sa club. Parang bagong magkakilala na naman kami.
Ngumiti ulit ako, tapos nakipag-kamay sa kanya para gawing pormal lahat.
Akala ko suko na ako, pero ito na naman ako ngayon. Bigla akong nagkaroon ng pag-asa para sa 'ming dalawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro