Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

ARKHE

NAWALA NA AKO sa sarili buong araw.

Kanina pa kami nakabalik ni Sab dito sa bahay, pero hanggang ngayon na lumalalim na ang gabi at halos patapos na ang party sa labas, tumatakbo pa rin sa isip ko lahat ng sinabi niya sa 'kin.

Hindi na tuloy ako nakakilos nang maayos. Pinipilit kong tulungan na lang sila Mama sa pag-aasikaso sa mga bisita namin para kahit papaano, malipat naman sa iba ang atensyon ko. Kaso hindi talaga ako makapag-concentrate. Lumulutang 'tong utak ko. Ramdam din nila Mama na wala ako sa sarili kasi panay ang pangungumusta nila ni Theo sa 'kin.

Wala e, hindi ko kayang itago 'tong lungkot ko. Dinadaan ko na nga lang din sa alak. Ilang bote ng beer na ang nauubos ko habang pinapagod ang sarili para mamaya makatulog na lang ako agad at hindi na magisip-isip. Gusto ko na lang talagang mamanhid at wala nang maramdamang lungkot.

Ang tanga ko lang kasi na hindi ko man lang nalaman na ako pala ang mali kaya nagkakagano'n si Sab. Na hindi na pala siya masaya sa mga ginagawa ko. Hindi ko ugali ang nananakal sa relasyon, pero 'yon na pala ang nararamdaman niya.

Hindi pa ulit kami nag-uusap nang maayos. Isang tanong, isang sagot lang siya palagi simula noong makabalik kami dito.

'Yong surprise party ni Unice, tinuloy pa rin. Nakakahiya naman daw kasing hindi ituloy sabi ni Mama dahil may mga bisita na at may dala ng mga pagkain. Pagpahingahin ko na lang daw muna si Sab sa kwarto ko para hindi maingayan. 'Yon na nga rin sana ang balak ko, lalo't wala na talaga siya sa mood.

Kaso kanina, si Sab na rin naman mismo ang kusang lumabas nung nag-umpisa nang mag-videoke ang mga kamag-anak ko. Mag-isa lang siya sa mesa at pinanonood ang mga kumakanta. Siguro naisip niya na i-enjoy na lang din kasi wala na rin naman siyang choice.

Hindi ko siya masyadong sinasamahan nang matagal kasi baka gusto niya muna akong layuan. Pero inaasikaso ko pa rin naman siya. Ngayon nga hinahandaan ko siya ng dessert. Chocolate cake.

"Kuya Arkhe?"

Napatigil ako sa paghihiwa ng cake sabay lingon sa likod. Si Unice, pinuntahan ako rito sa kusina.

Ngayon ko na lang ulit siya nakita kasi ang kwento ni Mama sa 'kin, nahiya raw kanina 'tong si Unice at biglang umuwi nung nalaman ang nangyari kay Sab.

"Oy," sabi ko lang sa kanya at tumuloy na ulit sa ginagawa ko. Medyo tinatamaan na ako ng alak kaya wala na ako masyado sa wisyo na makipag-usap.

"Kuya Arkhe, sorry."

Ngumiti ako. "Ayos lang 'yon. Hindi mo naman sinasadya."

"Galit ka ba sa 'kin?"

"Hindi. Wag ka nang malungkot."

"Pero hindi ko kayang hindi malungkot dahil sa nagawa ko kay ate Sab."

"Hayaan mo na 'yon. Okay naman na siya, nabigla lang."

"Sorry. Gusto ko lang naman pasayahin si ate Isabela kaya ako nag-plano ng surprise. Na-miss ko kasi siya e. Nahihiya tuloy ako sa inyo. Sorry, kuya Arkhe."

"Ayos na nga, wag mo nang isipin. Punta ka na ro'n sa labas, kumanta ka na lang para makarinig naman ako ng magandang boses."

"Galing na nga ako ro'n, eh. Pinuntahan ko si ate Isabela. Kinapalan ko na ang mukha ko at nag-sorry rin ako sa kanya nang personal."

Napatingin ulit ako sa kanya. "Kinausap ka naman niya? Anong sabi?"

"Wala nga, eh. Ngumiti lang. Pero binigyan ko siya ng niluto kong pagkain, tapos kumain naman siya."

Napangiti ako. "Talaga? Kinain niya?"

"Mm-hmm. Baka nasarapan siya sa luto ko."

Napangiti ulit ako, tapos tumuloy na ulit sa paghahanda nitong cake. "Ano bang niluto mo? Patikim nga rin."

"'Yung favorite ko. Buttered shrimps."

Bigla akong natigilan sabay balik ulit ng tingin sa kanya. "Hipon?"

"Opo. Na may maraming butter."

Iniwan ko agad 'tong ginagawa ko at tarantang lumabas para puntahan si Sab. Allergic 'yon sa seafood!

Naabutan ko siyang mag-isa sa mesa at panay ang pag-inom ng juice na halatang natataranta rin.

"Sab." Pinaharap ko agad siya sa 'kin. Balisa na siya at naluluha na ang mga mata niya.

"A-Arkhe, sobrang kati rito." Kung saan-saan siya tumuro sa katawan niya, hindi siya mapakali.

Natakot ako. Inalalayan ko agad siya at pinasok muna sa bahay namin.

Nagpatulong ako kila Mama na bantayan muna si Sab sa may sala kasi kukunin ko ang lalagyan niya ng gamot sa kwarto ko. Tarantang-taranta rin tuloy sila Mama.

Hindi ako mapakali habang kinakalkal 'tong bag ni Sab. Hinanda namin ni Amanda kagabi ang mga gamot na dadalhin sa pag-alis, pero hindi ko alam kung may naisama kami na para sa allergy.

Tangina, hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko kasi alam kung paano siya atakihin ng allergy niya, kung malala ba o ano. Ngayon ko lang siya nakitang nagkaganito kasi dati, iniiwasan niya talaga ang kahit na anong seafood. Nakalimutan niya rin pala na may allergy siya kaya basta na lang siyang kumain. Tsk, mukhang wala pa kaming nadalang gamot.

Bumaba na ulit ako. Lumapit nga agad sa 'kin si Unice at sorry nang sorry habang umiiyak kasi hindi niya raw alam, pero hindi ko muna siya pinansin.

Inutusan ko ang isa kong pinsan na lalaki na bilhan ako ng gamot. Sana lang may bukas pang botika, gabi na kasi.

Binalikan ko si Sab sa sala namin. Nag-uumpisa na siyang mamantal kaya kamot siya nang kamot sa mga braso niya. Sana hanggang ganito lang 'to at hindi na lumala.

Hinaplos-haplos ko ang buhok niya para kumalma muna siya kasi kita kong takot na takot talaga siya. "Sandali lang, Sab. Nagpabili na ako ng gamot mo. Hindi kasi tayo nakapagdala."

Bigla na siyang umiyak. "I want to go home."

"Hintayin na lang muna natin ang gamot mo. Saglit lang 'yon. Kapag nakainom ka na, mawawala na agad 'yang kati."

"NO! I SAID I WANT TO GO HOME NOW!"

Natigilan ako kasi nagwala na siya. Ang lakas ng boses niya kaya nag-alala na rin ang iba kong mga kamag-anak. Pinagtitinginan na kami rito sa sala.

Hinawakan ko na lang ang mga kamay niya para huminahon siya, pero inis siyang bumitiw. "Ayoko na rito sa bahay niyo. Let's go home!" Iyak siya nang iyak.

Umiwas ako ng tingin dahil nahihiya na rin ako sa kanya at sobra-sobra na ang lungkot ko. "Gabi na, Sab. Malayo ang byahe, masyado tayong gagabihin. Paiinumin na muna kita ng gamot, tapos pagpapahingahin na kita. O kung gusto mo, dadalhin kita sa ospital ngayon para umayos agad ang pakiramdam mo."

"Ayokong pumunta sa ospital! Bakit ba hindi mo ako sinusunod? Don't you care about me?"

"Sobrang nag-aalala na nga ako sa 'yo. Bukas nang umaga, uuwi na rin tayo agad. Wag ka nang umiyak." Sinubukan ko siyang haplusin sa pisngi kaso tinaboy niya ang kamay ko.

"No! Ayoko nang magpa-umaga sa lugar na 'to. I want to go home right now!"

"Hindi ko na kayang magmaneho pauwi. Pagod na rin ako at nakainom ako. Bukas na lang, please? Pagagalingin na muna kita rito."

Sumama na ang tingin niya sa 'kin. "Call Amanda then."

"Sab naman . . ."

"I said call her! Tell her to have someone fetch me. I don't want to stay here anymore. Papatayin niyo yata ako rito, eh!"

Natigilan ako sabay napatitig sa kanya.

Alam kong hindi na maganda ang pakiramdam niya ngayon, pero nasaktan ako sa huli niyang sinabi. Rinig na rinig pa ng buong pamilya ko, lalo na ni Mama, at alam kong pati siya nasaktan kasi bigla na siyang umalis ang nag-ayos na lang sa kusina namin.

Pumikit ako nang madiin at pinilit kong kalmahin ang sarili ko. Tapos tumango na lang ako. "Sige, uuwi na tayo. Kukunin ko lang ang mga gamit natin sa taas."

Iniwan ko na muna siya. Sobrang bigat ng katawan ko na parang hindi ko na kayang umakyat.

"Arkhe," bigla namang tawag sa 'kin ni Mama bago ako makarating sa hagdan. "Wag kang magmaneho, nakainom ka."

"Ayos lang, kaya ko."

"Hindi. Magpatulong ka sa kuya mo."

"Wag na." Tumuloy na ako sa pag-akyat.

Inayos ko agad ang mga gamit ni Sab.

Sinundan naman ako ni Theo dito sa kwarto. "Ako na maghahatid sa inyo pauwi," nag-aalalang sabi niya sa 'kin.

"Hindi na, kaya ko na 'to."

"Gabi na, 'tol. Nakainom ka pa. Mag-aalala lang sila Mama sa 'yo."

Hindi na ako sumagot. Sobrang blangko na ng utak ko, hindi na ako makapag-isip nang maayos. Basta ang gusto ko na lang ngayon, maiuwi ko si Sab sa kanila.

Lumapit sa 'kin si Theo at bigla akong hinawakan sa balikat. "Brad. Ayos lang humingi ng tulong kapag hindi mo na kaya."

Tipid lang akong ngumiti. "Kaya ko. Dito ka na lang, ayokong masira ang bakasyon mo."

Bumaba na ako pagkatapos, bitbit ang mga gamit namin ni Sab. Nagpaalam ako sa mga magulang ko, pero si Mama, hindi na niya ako masyadong kinausap. Pinag-ingat niya lang ako. Alam kong hindi niya nagustuhan 'tong nangyari.

Dumating na rin naman ang isa kong pinsan na inutusan kong bumili ng gamot. Pinainom ko lang saglit si Sab, tapos umalis na kami.

Hindi na siya nagsalita ulit hanggang sa makasakay kami sa kotse. Kumalma na siya, pero ako, hindi pa.

Blangko pa rin ang utak ko at nanginginig pa rin 'tong mga kamay ko sa sobrang tensyon, hindi lang ako nagpapahalata. Na-master ko na yata 'tong ganito na kaya kong palabasin na ayos lang ako kahit hindi.

Buong byahe, hindi kami nag-usap ni Sab. Hindi ako galit dahil wala naman akong karapatang magalit. Ako ang nagdala sa kanya sa Batangas, responsibilidad ko siya at kasalanan ko kung may masamang mangyari sa kanya. Sobrang nalulungkot lang talaga ako ngayon.

Sa totoo lang, halo-halo na ang nararamdaman ko. Sumasabay pa ang pagod at antok. Iniintindi ko si Sab. Kahit ang sakit na kinwestyon niya ako kanina kung may pakialam ba ako sa kanya, tinanggap ko at kinaya ko pa rin na maihatid siya kasi ayoko siyang mapahamak. Ayoko siyang nahihirapan. Kung alam niya lang kung gaano ako nag-aalala.

Iniintindi ko lahat at ginagawa ko lahat ng makakaya ko para sa kanya, pero hindi ko talaga naisip na magagawa niyang magsalita ng gano'n sa harap ng pamilya ko. Paano niya kinayang sabihin na pinapatay namin siya sa bahay? Hindi ko siya nakilala kanina. Ibang-iba siya sa Isabela na mahal ko.

• • •

MADALING-ARAW NA kami nakabalik sa Maynila. Ang malas kasi may aksidente pa sa daan kaya ang tagal naming naipit sa trapik.

Pagod na ako at antok na antok na. Mabuti na nga lang walang masamang nangyari sa 'min kahit na bumibigay na talaga ako habang nagmamaneho. Pinilit ko na lang gisingin ang sarili ko para maiuwi ko nang maayos si Sab.

Hindi naman na talaga siya namansin hanggang sa makauwi kami. Dumiretso siya sa kwarto niya at nagkulong na siya ro'n.

Hindi ko na siya naisip na sundan. Wala na talaga akong lakas. Papasok na nga lang din dapat ako sa kwarto ko, pero biglang lumabas si Amanda. Kagigising lang at takang-taka na nandito ako.

"W-what happened, bakit umuwi na kayo agad? Akala ko bukas pa?"

"Inatake ng allergy si Sab. Nakakain siya ng hipon."

"What?" Nanlaki ang mga mata niya sa 'kin. "Where is she now?"

"Nasa kwarto na. Sorry, kasalanan ko. Pero magaling na siya ngayon, napainom ko na ng gamot." Huminga ako nang malalim. "Magpapahinga na 'ko, Amanda. Pagod na ako, hindi ko na kayang makipag-usap nang maayos."

"O-okay, it's okay. I'll just check on Isabela now. Thank you for driving her back. Magpahinga ka na, Arkhe."

Hindi na ako sumagot.

Tumuloy na ako ng pasok sa kwarto at binagsak ang sarili ko sa kama. Tinakpan ko ng braso ko ang mga mata ko at tinulog ko na lang lahat ng lungkot at pagod ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro