Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

ARKHE ALVAREZ

Batangas, Philippines

"ARKHE, BAKIT HINDI ka pa nakabihis?" tanong agad sa 'kin ng kapatid kong si Theo pagkapasok niya rito sa kwarto ko sa bahay. "Baka ma-late ka sa kasal."

Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa kama sabay umupo sa gilid bago ko siya sinagot. "Anong oras ba ako kailangan do'n sa simbahan?"

"Tangina, malay ko sa 'yo. Ikaw 'tong abay nila Baron. Tsaka 'di ba sa hotel ka pa muna nila dederetso?" Lumapit siya sa 'kin. "Ano ba, ayaw mo bang pumunta?"

Hindi ako sumagot.

"Tinawagan na ako kanina ni Baron," dagdag niya. "Tinatanong niya kung papunta na raw ba tayo. Hindi ka raw kasi sumasagot sa mga tawag niya. Ba't ba hindi ka sumasagot?"

"Hindi ko naririnig. Naka-silent ang cellphone ko tas naka-charge."

"Mag-ayos ka na. Baka ma-trafik pa tayo papuntang Tagaytay." Tinapik niya ako sa balikat, tapos naglakad na ulit siya palabas. "Hihintayin na lang kita sa kotse."

Pagkasara niya ng pinto, napasabunot na lang ako sa buhok ko na hindi ko pa rin napapa-gupitan.

Ngayong araw ang kasal nila Desa at Baron sa Tagaytay.

Nakaabot ako. Hinintay muna kasi nilang manganak si Desa bago sila magpa-kasal. Tsaka gusto rin daw talaga nilang makarating ako.

Ako lang 'tong hindi buo ang loob sa pagpunta. Hindi naman sa ayoko talagang dumalo ro'n. Syempre gusto ko silang suportahan at makitang kinakasal. Kaso hindi ko pa rin kasi talaga kaya. Ang hirap-hirap pa ring umarte at magpanggap sa lahat na ayos lang ako.

Apat na buwan na mula nung umuwi ako rito sa Pinas galing New York. Pero hanggang ngayon, sariwa pa rin ang sakit na naranasan ko ro'n. Parang kahapon lang nangyari lahat.

Hindi pa nga ako nakakabangon. Hindi pa ako nakakabalik sa trabaho. 'Yong utol ko pa rin ang namamahala sa Third Base. Wala e. Wala na akong gana sa lahat ng bagay. Ngayong kasal nila Baron na nga lang ulit ako haharap sa ibang tao.

Tuluyan na 'kong tumayo mula rito sa kama para mag-umpisa nang magbihis.

Kinuha akong abay nila Baron. Hindi sana ako papayag dahil nga sa sitwasyon ko, pero gusto ni Medel. Minsan lang humiling ng gano'n sa 'kin 'yon.

Hindi niya pa alam ang buong nangyari sa 'kin sa New York. Hindi ko pa sinasabi sa kanya. Hindi pa nga kami nagkikita mula nung nakabalik ako. Si Theo lang ang pinapaharap ko sa kanya. Sa telepono pa lang kami nagka-usap, tapos ang sinabi ko lang sa kanya, mag-isa na lang ako ngayon. Hindi ko kinwento na nawalan ng alaala si Isabela at nakalimutan ako.

Hindi niya na rin naman ako tinanong. Siguro nakaramdam din siya na ayoko munang magkwento. Ang hirap kasi. Kada may magtatanong sa 'kin kung nasaan si Isabela at kada magki-kwento ako, mas nalulungkot ako. Kaya nga nandito lang muna ako sa pamilya ko sa Batangas.

Si Isabela, wala na 'kong balita sa kanya simula nung umalis ako sa New York.

Hindi ko alam kung ano nang nangyari sa kanya ro'n sa Amerika—kung tuluyan na ba siyang gumaling o kung naaalala niya na ba ako. Hindi ako nakikibalita kay Amanda. Ayoko na kasing mas lalo pang malugmok kapag may nalaman na naman akong hindi ko magugustuhan. Durog na durog na 'ko ngayon, hindi ko na kaya ng dagdag pang sakit. Ayos na 'tong wala na lang akong alam tungkol sa kanya.

Pagkatapos kong magbihis, tinali ko lang 'tong kalahati ng humaba ko ng buhok tas kinuha ko na ang naka-hanger kong amerikana. Lumabas ako ng kwarto at bumaba pagkatapos.

Nagpaalam ako kila ermat bago dumiretso sa labas. Nasa loob na ng kotse si Theo, naghihintay.

"O, ayos ka na?" tanong niya agad sa 'kin pagkabukas ko ng pinto sa likod para isabit 'tong amerikana.

Tumango lang ako, tapos sumakay na sa harapan. Nagkabit ako ng seatbelt. "Ite-text ko na lang si Medel na papunta na tayo."

"Oo, i-text mo. Kanina ka pa no'n hinahanap, hindi ka raw pwedeng mawala. Tangina ikaw yata ang pakakasalan nun, e."

Napangisi na lang ako sabay naglabas na ng cellphone para i-text si Baron.

"Nga pala," dagdag nitong si Theo. "May isa pang regalo ro'n sa likod. Pinabibigay ni Koko kila Desa."

Napatigil ako sa pagte-text. "Alam niyang ikakasal na sila Desa?"

"Sinabi ko. Niyayaya ko ngang pumunta ngayon e. Ayaw naman. Nahihiya raw siya, hindi naman daw siya imbitado."

Tumuloy na ulit ako sa pagte-text. "Hindi pupunta 'yon. Alam mo naman kung anong nangyari sa kanila nila Desa dati."

"Oo nga e. Nagpabigay na lang siya ng regalo tas congrats daw. Hiyang-hiya 'yon. Pati nga sa 'kin nahiya dati. Nilayuan kaya ako non nung nalaman niyang magkapatid tayo. Sinuyo ko lang ulit."

Napangisi ako. "Kayo na ba?"

"Hindi pa. Lumalabas-labas lang."

Hindi na 'ko nagsalita ulit. Pagkatapos kong magtext kay Baron, binulsa ko na 'tong cellphone ko tapos tumingin na lang ako sa bintana.

Mukhang nagkakamabutihan na sila ni Koko. Matagal ko nang alam ang tungkol sa kanila. Nasa New York pa lang ako, nabalitaan ko ng madalas nga silang lumalabas. Ayos lang naman sa 'kin. Walang kaso kung maging sila pa.

• • •

SAKTONG ALA-UNA ng tanghali kami nakarating ni Theo sa Tagaytay.

Mamayang alas-tres pa ang kasal. Dito muna kami dumiretso sa hotel kung saan naghahanda sila Baron. Ang alam ko, simpleng kasal lang ang magaganap. Ayaw yata ni Desa ng malaking kasalan kasi mas iniisip niya ang gastos sa anak nila.

"Kita na lang tayo mamaya," sabi na sa 'kin ni Theo pagkababa ko ng kotse. "Paki-congrats na lang ako sa kanila."

"Sige." Sinara ko na 'tong pinto at hinintay lang siyang makaalis.

Hindi siya dadalo sa seremonya sa simbahan. Siya kasi ang magdi-DJ sa reception mamaya kaya mauuna na siya ro'n sa venue.

Pagkalayo niya, tsaka lang ako pumasok sa hotel. Umakyat ako sa palapag kung nasaan ang kwarto ni Baron.

May naabutan nga akong babaeng naka-gown sa tapat ng pinto niya. Ito yata ang kapatid niya na mag-aabay.

Ang alam ko kasi, inimbitahan ni Medel ang tatay niya pati ang dalawa niyang kapatid sa labas, tsaka ang bagong pamilya ng nanay niya. Gusto niyang kumpleto ang pamilya niya ngayong kasal.

Nilapitan ko 'tong babae na mukhang bata pa. Nag-aaral pa yata.

"Si Baron?" tanong ko.

Napatigil siya sa pagce-cellphone sabay tingin sa 'kin. "Kuya ko? Nasa loob. Pasok ka." Pinabuksan niya ako ng pinto.

Tama nga, siya nga ang isang kapatid ni Baron.

Pagkapasok ko rito sa kwarto, nakita ko na agad si Medel na nakaupo sa paanan ng kama at parang hindi mapakali. Natauhan lang siya nung makita ako.

Ang bilis niyang tumayo tapos sumalubong sa 'kin. "Tangina ka! Akala ko hindi ka na darating."

Tipid lang akong ngumiti sabay nakipag-apir sa kanya. "Sorry. Nagtext na 'ko sa 'yo, ah?"

"Hindi ko nabasa. Hindi ko na hawak telepono ko. Tangina ka brad, ngayon na lang ulit kita nakita, ang haba na ulit ng buhok mo."

"Oo nga e. Ikaw, ayos pormahan mo ngayon, ah?" Tiningnan ko ang suot niyang long sleeved polo na may necktie. "Ang linis mong tingnan, p're. Mukha kang naligo."

"Gago, naligo talaga 'ko ngayon."

"Buti naman. Nasaan na ang inaanak ko?" Nilibot ko ng tingin 'tong kwarto nila.

"Wala rito, na kay Desa sa taas. Mamaya puntahan mo para makita mo." Tapos bigla nang nag-alala ang itsura niya. "Ano palang nangyari sa 'yo? Sa inyo sa New York?"

Ngumisi lang ako. Hindi ako nagpakita ng panghihina. "Tsaka ko na iki-kwento. Kasal mo ngayon e. Baka pati ikaw malungkot."

"Ayos ka lang?"

"Ayos naman." Tinapik ko siya sa balikat pagkatapos sabay ngiti ko. "Congrats pala. Kasalan na."

Napangiti na rin ulit siya. "Oo nga, tangina kinakabahan nga ako! Hindi ako nakatulog kagabi, brad!"

Natawa 'ko. "Excited ka?"

"Halu-halo na nararamdaman ko. Ganito pala kapag ikakasal. Parang kinikilig ako."

"Baka umiyak ka niyan mamaya, ah?"

"Tangina, ganyang-ganyan din ang sinabi sa 'kin ni Desa kagabi. Pipigilan kong umiyak mamaya. Nakakahiya 'langya, nandito pa naman erpat ko. Tara pala." Bigla niya akong pinasunod sa kanya. "Ipakikilala kita sa utol ko."

Nilapitan namin ang isang lalaki na nandito sa sulok ng kwarto at nag-aayos ng suot na amerikana.

"Si Aloy," pagpapakilala ni Baron. "Kapatid ko sa tatay. Aloy, si Arkhe. Kaibigan ko."

Tinanguan ko lang tapos nakipag-apir saglit.

"'Yong babae sa labas, kapatid mo rin 'yon?" tanong ko rito kay Baron.

"Oo. Si Rocky. Tara, ipapakilala rin kita. Tas dadalhin kita kay ermat. Nando'n siya sa kwarto sa kabila, kasama ang bago niyang kinakasama sa Baguio."

Sumunod lang ako sa kanya.

Pagkalabas namin nitong kwarto, nandito pa rin ang babae na nagce-cellphone.

"Rocky," tawag ni Baron. "Si Arkhe, kaibigan ko."

Tumango lang naman agad nang maangas 'tong babae sa 'kin. "Oy."

Napangisi ako. Parang lalaki lang.

Tumalikod na agad kami ni Baron pagkatapos para pumunta naman sa kwarto sa kabila.

"Ang ganda nong kapatid mo ah," sabi ko sa kanya. "Kaso parang siga."

"Syempre, kapatid ko 'yon e. Mana-mana lang 'yan."

Napangisi na lang ulit ako. Gago talaga.

Pinakilala na 'ko ni Baron sa nanay niya pagkatapos. Matagal na kaming magkaibigan ni Medel, pero ngayon ko lang talaga nakilala ang ermat niya. Pinakilala niya rin ang bagong kinakasama ng nanay niya pati ang anak no'n na lalaki. Si Altiago. Abay din nila sa kasal.

"Nasaan kwarto ni Desa?" tanong ko na kay Baron matapos niya akong ipakilala sa buong pamilya niya.

"Sa taas. Ikaw na lang pumunta ro'n. Hindi raw kami pwedeng magkita tangina ewan ko nga kung bakit."

"Bawal talaga 'yon, brad. 'Di bale, magkikita na rin naman kayo mamaya sa simbahan. Akyatin ko muna siya."

"Sige. Sabihin mo miss ko na siya."

Tinawanan ko na lang, tapos sumakay na 'ko ng elevator.

May mga tao sa labas ng kwarto ni Desa kaya nakasiguro na agad akong dito nga siya nag-aayos.

Pagkatapat ko sa pinto, kumatok na 'ko agad. Si Gwen ang nagbukas sa 'kin. Naka-gown siya.

"Uy!" Nanlaki ang mga mata pagkakita sa 'kin. "Kanina ka pa hinahanap nila Desa."

"Oo nga e. Nandyan siya sa loob?"

"Oo. Minemakeup-an pa. Pasok ka." Nilakihan niya 'tong pagkakabukas sa pinto.

Nandito rin sa loob ang Mama nila. Nagbabantay sa may crib. Ngumiti lang ako, tapos nilapitan na si Desa na nakaupo sa tapat ng salamin. Nakapikit siya kasi inaayusan kaya hindi niya pa 'ko nakikita.

"Lalong maiinlove sa 'yo ang kaibigan ko niyan," sabi ko.

Bigla siyang napadilat sabay gulat na lumingon sa 'kin sa likod. "Arkhe!"

Ngumiti ako. "Kamusta?"

"Okay lang! Akala ko hindi ka na makakarating. Ang haba na ng buhok mo!"

Natawa 'ko kasi buhok ko rin ang napansin niya. "Pupunta naman ako," sabi ko. "Hindi lang ako nakapagtext agad kay Baron. Congrats sa inyo."

"Thank you! Nagkita na kayo ni Baron?"

"Oo. Do'n ako galing."

"Buti naman. Sinong kasama mo ngayon?"

Napaiwas ako ng tingin. "Wala. Ako lang mag-isa. 'Yong kapatid ko na magdi-DJ sa inyo, nauna na sa reception venue."

"A-ah. Uy ang saya ko kasi nandito ka!"

Tipid lang akong ngumiti. Akala ko magtatanong pa siya kung bakit mag-isa lang ako, pero buti na lang hindi na. Siguro nasabihan na siya ni Baron.

"'Yon ba ang inaanak ko?" Tinuro ko ang crib para maiba ang usapan.

"Ay, oo! Si baby Sky. Tingnan mo siya, dali. Sobrang cute!"

Pinuntahan ko agad. Sumilip ako rito sa crib. Ang sarap ng tulog ng anak nila. Natuwa ako kasi ngayon na lang ulit ako nakakita ng ganito. Parang ang sarap buhatin.

"Hawig ni Baron ah," sabi ko.

"Oo nga e! Nakakainis kasi ako ang nagdala niyan ng nine months, tapos paglabas biglang kamukha ni Baron."

Natawa 'ko. "Masama ba loob mo?"

"Hindi naman. Cute naman siya e. Ang sarap panggigilan."

"Ano nga uling pangalan niya?"

"Stefano Kyle. Sky ang nickname niya."

"Ah, kaya pala Sky." Ngumiti ako sabay inayos 'tong unan sa tabi ng bata. "Nga pala, sabi ni Medel miss ka na raw niya. Mukhang iiyak pa 'yon mamaya sa kasal niyo."

"Oo nga e. Niloko ko nga 'yon. Pero sabi niya hindi naman daw siya iiyak."

Ngumisi ako. "Tingnan na lang natin mamaya." Nagpaalam na 'ko sa kanya pagkatapos. "Sige na. Sinilip lang kita saglit. Babalik na 'ko kay Baron. Baka kailangan ako no'n sa baba."

"Ah, sige sige. Thank you, Arkhe!"

Ngumiti lang ako. "Congrats ulit." Tapos lumabas na 'ko nitong kwarto niya.

Kahit malungkot ako ngayon, natutuwa ako na makita silang dalawa ni Baron na masaya. Nalagpasan na nila lahat ng sakit at hirap. Sana gano'n din ako.

• • •

"By the power vested in me, I now pronounce you husband and wife. You may now kiss the bride."

Nag-palakpakan lahat ng mga tao rito sa simbahan nang halikan na ni Baron si Desa.

Pati ako pumalakpak. Ang lapad-lapad pa ng ngiti ko. Sabi ni Baron hindi raw siya iiyak. Pero kanina pagkapwesto pa lang ni Desa sa pintuan nitong simbahan, lumuha na agad ang hayop. Tapos buong seremonya, naninigas lang siya. Kabadong-kabado. Unang beses ko siyang nakitang gano'n.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon na sa wakas kinasal na rin 'tong dalawang taong malapit sa 'kin.

Masaya ako, pero may konting inggit. Sa kasalan din kasi sana ang bagsak ko kung hindi lang ako nakalimutan ni Isabela.

Pero natutuwa talaga ako ngayon para kila Medel. Buti na lang din tumuloy ako sa pagdalo sa kasal nila. Kahit papaano, nawala ang lungkot ko kasi nakita ko sila pati ang mga taong nagmamahal sa kanila na masaya.

Pagkatapos ng seremonya dito sa simbahan, tumambay muna ako sa labas. Magpapa-hangin lang saglit bago ako pumunta sa pag-gaganapan ng reception.

Mayamaya lang, biglang nag-vibrate ang telepono ko. Kinuha ko agad sa bulsa. Ibang number ang tumatawag. Parang galing sa ibang bansa.

Napahinga ako nang malalim. Mukhang kilala ko na 'to.

Pinag-isipan ko muna kung sasagutin ko ba o hindi. Pero sa bandang huli, sinagot ko na lang din. Huminga ulit ako nang malalim bago nagsalita. "Hello?"

"Hello, Arkhe? It's Amanda."

Napapikit ako. Sabi ko na. Ngayon niya na lang ulit ako tinawagan mula noong umalis ako ng New York.

"Oy. Kumusta?" tipid na tanong ko lang.

"Quite fine. I have what might be good news for you . . .

. . . babalik na kami diyan sa Pilipinas. Kasama ko si Isabela."

Pagkarinig na pagkarinig ko pa lang sa pangalan niya, bigla nang namanhid 'tong mga kamay ko.

Napaupo agad ako sa katabing upuan para kumalma. "Bakit kayo babalik?"

"Business related. Diyan na kami magbe-base sa Manila."

Napapikit ako nang madiin. Ang lakas na rin ng kabog ng dibdib ko ngayon. "Kamusta si Sab? Naaalala niya na ba 'ko?"

"Arkhe, ang importante naman ay diyan na kami titira, 'di ba? Makikita mo na ulit siya."

"Hindi 'yan ang tinatanong ko. Ang gusto kong malaman, kung naaalala niya na ba 'ko ulit?"

Hindi agad siya nakasagot. Bumuntong-hininga muna siya. "I-I'm sorry, but she still can't remember you."

Napayuko ako sabay pikit ulit ng mga mata.

Hindi ko na siya sinagot. Bigla na akong nanghina. Ito na nga ba'ng sinasabi ko. Kaya mas gusto ko sana na wala na lang akong alam.

"I'm sorry Arkhe," sabi niya naman ulit. "Babalitaan kita kapag malapit na ang flight namin pabalik diyan. Let's meet?"

Huminga ako nang malalim tapos nagsinungaling na lang. "Busy ako e. Hindi ko pa alam kung kelan ako pwede."

"Oh. O-okay. Just text me then. Sasabihan din kita kapag nandyan na kami. Sige na, baka nakakaistorbo ako." Nagpaalam na siya, tapos binaba na ang tawag.

Ako, nanlumo na lang ulit dito sa kinauupuan ko.

Tangina hindi ko na naman alam kung anong dapat kong maramdaman. Gusto kong matuwa dahil babalik na siya rito. Pero mas nangingibabaw na naman ang lungkot ko kasi hindi ko alam kung kaya ko na ulit siyang harapin gayong hindi niya pa rin ako naaalala. Baka ipagtabuyan niya lang ulit ako.

Tsk. Siguro hindi na lang talaga ako magpapakita sa kanila. Mas ayos na ang ganito. Kaysa naman mas lalo lang akong masaktan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro