SIMULA
Matapos ang hindi naging magandang usapan namin ni Ama, agad akong dumiretso sa aking silid. Ilang hakbang pa bago ako makarating sa pinto, napahagulhol na ako sa iyak.
Hindi ko na napigilan pa na kumawala ang sama ng loob na kanina ko pa kinikimkim.
Sunod-sunod nang umagos sa aking pisngi ang ilang butil ng luha na siya namang patuloy kong pinupunusan. Nakaramdam ako ng panghihina ngunit pinilit kong tatagan upang magawa ang aking binabalak.
Pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa loob, agad ko nang inilabas ang isang malaking tampipi. Ito ay isang sinaunang sisidlan na parihaba, tila pinagtaklob na kahon, at yari sa materyales na masinsing nilala ang tampipi.
Naglabas ako ng mga damit na sa tingin ko ay magagamit ko sa pang-araw-araw at inilagay ang mga 'yon sa inilabas kong tampipi.
"Ang bigay ni Ina!" Napatigil ako nang mahawakan ko ang gintong payneta na bigay sa akin ni Ina noong ikalabing-walong kaarawan ko.
Ikinulong ko ang bagay na iyon sa dalawang palad ko. Pumikit ako at hinagkan ito.
Pagkatapos kong dinama ang pakiramdam ng pangungulila sa aking Inang Reyna, hindi ako nagdalawang-isip na isuot 'yon sa aking buhok.
Marami pa akong pinaglalagay roon na sa tingin ko ay magagamit ko naman. Sa dami ng mga gamit ko, nahirapan talaga akong mamili. Pakiramdam ko kasi ay halos lahat ay kailangan ko.
Itong buong aparador na lang kaya ang dalhin ko?
Natapos ko ang ginagawa ko nang mapuno na ang tampipi. Marami pa akong gamit na naiwan pero wala naman akong pagpipilian kung 'di itabi na muna ang mga ito.
Iniwan ko muna ang nakabukas na tampipi sa ibabaw ng aking kama.
Naglakad ako papunta sa balkonahe ng aking kwarto. Dumungaw ako roon upang tingnan kung tulog na ba ang nagbabantay sa tarangkahan. Nadismaya ako nang makitang gising pa ang dalawang kawal na nagbabantay roon. Ang ibig sabihin nito, hindi ko pa maaaring gawin ang binabalak ko sa mga oras na ito.
Napakahigpit talaga ng seguridad rito sa palasyo!
Padabog akong naglakad pabalik sa loob kasabay ng tatlong katok na aking narinig mula sa pinto ng aking silid.
Dahil sa matinding kaba, isinara at inilagay ko agad ang tampipi sa ilalim ng kama.
Kinakabahan ako na baka may makaalam sa binabalak ko.
Pinakalma ko muna ang aking sarili bago magsalita upang hindi makahalata ang taong iyon na may kakaiba sa aking ikinikilos.
"Sino 'yan?" malumanay kong tanong.
"Ako 'to, Prinsesa Taliyah."
Nakahinga ako nang maluwag nang makilala ang boses nito.
Si Laura.
Ang isa sa aming taga-silbi ngunit itinuturing ko nang isang kaibigan dahil sa lahat ng tao na narito, sa kaniya ko lang naramdaman ang pagmamalasakit. Simula noong mawala ang aking Inang Reyna, si Laura na lamang ang bukod tanging nagmamalasakit sa akin dito sa loob ng palasyo.
Binuksan ko ang pinto at hinayaan itong tumuloy sa loob.
Sinalubong ako nito ng nag-aalalang reaksiyon ng kaniyang mukha.
"Nabalitaan ko ang binabalak ng iyong Amang Hari. Alam ko ang sama ng loob na nararamdaman mo ngayon at paumanhin kung wala akong maitutulong sa bagay na ito, Prinsesa."
Napangiti ako dahil nandito ulit siya para damayan ako sa pamamagitan ng simpleng pagdalaw niya rito sa aking silid matapos malaman ang anunsyo ni Ama.
"Ang iyong presensiya ay sapat na, Laura," wika ko. Bumalik ako sa balkonahe upang tingnan ulit ang mga taga-bantay roon. Matapos malaman na gising pa nga ang mga ito, bumaling ako kay Laura na kasalukuyan pa ring nakatayo sa gilid ng pinto. "Ngunit kung inaakala mong wala kang maitutulong sa akin, nagkakamali ka. Laura, matutulungan mo ako sa problema ko na ito."
Kumunot ang kaniyang noo. "Ano ang iyong ibig sabihin, Prinsesa Taliyah?"
Hindi na ako nagdalawang-isip pang ilabas na ang tampipi na nakatago sa ilalim ng aking kama. Ipinatong ko ulit ito sa ibabaw ng kama ko.
Marahil ay nagtataka na siya ngayon sa kaniyang nakikita.
"P-Prinsesa, a-ano ang iyong binabalak?" Bakas sa kaniyang tono ang panginginig. "Huwag mo sabihing ikaw ay tatakas?"
"Tama ka," matipid kong ani.
Ito na lang ang huling paraan na naisip ko para makatakas sa nalalapit na kasal na pinaghahandaan nila Ama.
Ako ay ipinagkasundo na pakasalan ang Anak na Prinsipe ng Kaharian ng Hadentia.
Ipinagkasundo ako ng aking Amang Hari sa lalaking hindi ko pa kilala at kailan man ay hindi ko pa nakita.
"Ngunit delikado ang iyong binabalak, Mahal na Prinsesa. Paano kung malaman ito ng iyong Ama?"
"Mag-iingat naman tayo at hindi niya malalaman kung hindi mo ako ipagkakanulo."
Nahirapan akong kumbinsehin si Laura sa una pero sa huli, hindi rin lang ako nito natiis.
Pumayag siya sa nais ko. Pumayag siyang tulungan ako sa pagtakas sa palasyo.
Tinulungan niya akong pumuslit nang palihim sa hardin upang maghintay roon kung kailan niya tatawagin ang mga bantay upang agawin ang kanilang atensiyon at doon ako tuluyang makakatakas.
"Hintayin mo ang aking hudyat, Prinsesa," mahinang bulong nito nang nasa hardin na kami. Nakatago kami sa naglalakihang halaman na naroon. Madilim ang paligid kaya walang makakakita sa amin. "Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay. Nawa'y mahanap mo roon ang kalayaan na matagal mo nang hinihiling."
"Maraming salamat, Laura. Ikaw ay napakabuting kaibigan sa akin. Tatanawin ko habang-buhay ang pagtulong mo sa akin ngayon."
Hindi nagpahalata si Laura sa kaniyang ikinikilos. Pasimple nitong tinawag ang mga taga-bantay upang kumuha ng makakain sa loob ng kusina. Idinahilan nito na kailangan nila ng pampagising upang hindi antukin sa pagbabantay.
Mabilis namang tumalima ang dalawang kawal.
Madalas naman gawin iyon ng mga taga-silbi sa palasyo na bigyan ang mga taga-bantay ng makakain sa ganitong oras kaya hindi sila nakahalata.
Nang makitang nakapasok na sila sa loob, dali-dali akong pumuslit papalabas ng tarangkahan dahil wala ni isang kawal na naroroon.
Nang tuluyan na akong makalabas sa palasyo, tila nakawala rin ako sa isang malaking hawla kung saan ako ikinulong ng ilang taon.
Tumingala ako sa kalangitan.
Ang payapang kalangitan na punong-puno ng mga kumikislap na mga bituin ang siyang nagpapahiwatig na totoo na ang nangyayari ngayon. Nangyayari na ang matagal ko nang hinihiling sa mga tala. Iyon ay ang mabuhay nang malaya. Magawa ang lahat ng aking gusto na hindi natatakot sa sasabihin ng aking Ama.
Ngunit hindi ko mapigilang makaramdam ng matinding kaba sa isiping...
Ano ang naghihintay na buhay para sa akin ngayong nasa labas na ako ng palasyo?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro