Tintang Walang Kulay
Nakahanda na ang plot, pagsusulat na lamang ang kulang. Tila isang walang kulay na tinta, sa isipan lang ipinipinta.
Paulit-ulit kong pinagnilayan ang kaisipang hindi ako takot. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba sa mga isinusulat kong akda. Subalit sa itinagal ng pagmumuni-muni ay napagtanto kong naririto pa rin ang panglulumukos ng katotohanang mayroon pa rin akong pag-aalinlangan. Inakala kong sa paglipas ng panahon, sa dinami-rami ng mga aral na napulot ko sa mabatong daan, na wala ng makatatarak pa sa baluting nilikha ko para salagin ang kahit na anumang patalim. Ngunit sa paulit-ulit na pinatunayan ng mundong ito na isa lamang akong hamak na tao, naalala kong patuloy nga pala akong nagkakamali at makagagawa ng kamalian.
Naririto pa rin siya, nakayakap at sa tingin ko'y hindi na kakawala pa, ang takot na siyang naging kasama ko simula pagkabata.
Minsan naitatanong ko sa sarili. Naitataboy nga ba nang lubusan ang takot? Pakiramdam ko kasi, nariyan lamang sila hanggang sa kamatayan. Hindi maglalaho. Patuloy na susunod at makikipag-unahan.
Face your fears? Confront your demons?
Naniniwala ako riyan... na kaya ko, na kaya natin, kaso naniniwala rin akong hindi sila naririyan nang pansamantala lamang. Nakakapit na sila habambuhay. At sa tingin ko, isa sila sa mga pang-araw-araw nating nilalabanan, ngunit kailanman ay hindi sila nanghihina. Tayo ang lumalakas.
Dahil sa kanila, may panibagong aral ang inihahatid ng bawat pagkakataon. At sa bawat pagkakataong tayo ay nadadapa, sinusubukan nating muli na bumangon, na may pagkaing dala for stress eating.
Sinusubukan nating harapin muli ang bukas dahil dito lamang nagmumula ang panibagong pagkakataon at pag-asa na mapabubuti pa natin ang ating mga sarili. Nariyan lamang ang takot, nagkukubli sa dilim, nag-aabang ng tamang oras, kaya naririyan ang liwanag, ang araw, sinasalubong at hindi dapat tinatalikuran.
Ang takot ay mananatili sa isipan, parang tinta na walang kulay, parang isang plot na hindi maisulat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro