two days After
— ✽ —
F E B R U A R Y 16
NAPABALIKWAS SI Kara ng bangon. . . ulit. May kumakatok na naman kasi sa pinto ng unit. Pababa niyang hinila ang ipinantulog na itim na shirt. Hanggang tuhod na niya niyon kaya wala siyang suot na shorts sa ilalim.
"And'yan po ba si Miss Kara Anastacio?" nag-aalangang tanong ng isang lalaki mula sa labas.
Nagmamadali niyang sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Hindi na niya ginamit ang suklay, lalong kasing bumilis ang pagkatok sa pinto.
"May delivery na naman ba?" bulong niya habang lumalakad papunta sa pinto.
Pinihit niya ang doorknob. Sumilip siya sa maliit na espasyo, malawak na ngumiti ang lalaking nakasumbrero. Pang-biker ang suot nitong makapal na long sleeves, may logo ng McDonald's fastfood.
"Goodmorning po. Ikaw po ba si Ma'am Kara?" Isang malaking brown paper bag ang hawak nito, may kaunting patak iyon ng tubig sa bandang tupi.
Tumango lang siya. "Bakit po, sir?" Tuluyan siyang lumabas ng unit at sinara ang pinto.
"Delivery po, ma'am." Inabot nito sa kanya ang kaninang yakap na brown bag.
"E, hindi naman po ako um-order. Sigurado po kayong sa 'kin 'to?" Pinigilan niya ang pagkulo ng tiyan nang maamoy ang pamilyar na aroma ng pancakes mula sa bag.
Napakamot ang lalaki sa batok. "Sa 'yo po kasi nakapangalan, e."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Sige po, kunin ko na lang po. Magkano po ba?"
Nalilito itong tumingin sa kanya. "Po? Paid naman na po, ma'am."
Tinanggap niya ang malaking brown bag. "Bayad na po?"
"Card po ang payment, lalaki po 'yong sumagot no'ng tinawagan po namin for confirmation." Nakaloloko itong ngumiti. "Nako, ma'am, patawarin niyo na po si Sir."
Pinamulahan siya ng mukha. Halatang-halata tuloy ang kulay dahil sa pagkaputla ng mga pisngi niya. "A, hindi naman po kami nag-away. Sorry ho, ang tagal kong nagbukas."
Nangingiti itong umiling. "Okay lang po." Humawak ito sa sumbrero at tumango sa kanya. "Sige, mauna na po ako, ma'am."
Magaan siyang ngumiti. "Sige po, ingat po kayo."
Pinalipas niya ang ilang segundo at pinanood ang paglakad ng lalaki papunta sa direksyon ng elevator. Napapikit siya nang malakas na kumulo ang tiyan niya.
Mahigpit niyang hinawakan ang tupi ng bag gamit ang kanang kamay. Saglit niyang niyakap ang bag para pihitin ang doorknob.
Nang muling makapasok sa unit, inalalayan niya ang ilalim ng bag gamit ang kaliwang kamay. Nilapag niya iyon sa ibabaw ng kitchen counter. Inangat niya ang sarili at umupo katabi niyon.
Napalunok siya.
Binuksan niya ang bag. Parang bigla siyang nanghina nang kumawala ang magkahalong aroma ng kape at pancakes. Muli siyang napalunok. Pinagpawisan din siya nang kaunti.
Nakapa niya ang isang hashbrown sa ibabaw ng box. Medyo mainit pa iyon kaya muntik siyang mapaso. Nilabas niya iyon kaagad mula sa bag.
Sinilip niya ang loob ng brown bag. "Bakit parang ang daming laman?"
Sunod niyang nilabas ang hot coffee sa bandang gilid ng bag. Pang-huli niyang kinuha ang isang malaking box – paniguradong pancakes ang laman niyon.
"Pancakes nga," bulong niya pagkatapos buksan ang box. Bukod sa butter at maple syrup ay may kasama iyong fried scrambled egg.
Nilabas na rin niya ang tissue pati ang disposable na tinidor at kutsilyo. Pagkatapos ay maayos niyang tinupi ang brown bag.
Kinusot niya ang mga mata bago lumakad pabalik sa kama. Kinuha niya ang phone matapos iyon alisin sa pagkaka-charge. Muli siyang umupo sa ibabaw ng kitchen counter.
Nalukot ang noo niya nang malakas na nag-vibrate ang phone. Nilabas niya iyon. Ilang beses siyang napakurap matapos mabasa ang notifications.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Ano na naman 'to?"
Saglit siyang bumaba ng kitchen counter. Kinuha niya ang hairbrush sa ibabaw ng coffee table. Sinimulan niyang suklayin ang magulo niyang buhok.
Nabitawan niya ang hairbrush. Dumulas iyon sa buhok niya at nahulog sa sahig. Lumikha iyon ng kaunting ingay. Baka nga nabasag pa.
Lumabi siya. Naramdaman niya ang unti-unting pamamawis ng mga kamay. Nilapag niya muna ang phone sa ibabaw ng coffee table. Ipinunas niya ang mga kamay sa laylayan ng suot na shirt.
Sinilip niya ang screen ng phone. Parami nang parami ang likes no'ng picture. Pati ang notifications niya ay sunod-sunod dahil naka-mention at tag siya sa post ni Karim. Huminga siya nang malalim bago iyon damputin.
"Pa'no niya nalamang nakuha ko na?" Napapikit siya. "A. . . may tracking nga pala."
Kinuha niya ang hairbrush na nahulog sa sahig. Tinapos niya ang pagsusuklay, nanatili siyang nakatitig sa post.
Nangingiti siyang umiling nang muling mabasa ang iniwan nitong tanong sa dulo ng caption. Muli siyang lumabi, sinubukan niyang pigilan ang paglawak ng ngiti. Syempre, hindi siya nagtagumpay.
Lumakad siya papunta sa kitchen counter. Binuksan niya ang box ng pancakes. Dahil muntik nang mamatay ang ilaw ng screen, pinindot niya iyon para hindi mag-lock. Ilang segundo niyang tinitigan ang tinidor at kutsilyo.
Pinahiran niya ng butter ang nakaibabaw na pancake. Napalunok siya, lalo kasing bumango ang aroma niyon. Sunod niyang binuhos ang syrup, nangintab ang ibabaw.
Hinawakan niya ang tinidor gamit ang kaliwang kamay habang sa kabila naman ang maliit na kutsilyo. Dahan-dahan siyang naghiwa ng kapirasong pancake.
Naangat na niya ang tinidor na may kapirasong pancake. Maraming beses siyang kumurap, medyo nagdalawang-isip siya sa balak gawin.
Huminga siya nang malalim. Ni-like niya ang picture.
"Kain tayo," bulong niya sa sarili bago sinubo ang tinidor.
Inis siyang nagbuga ng hangin pagkatapos malunok ang kapirasong pancake. Medyo natangahan siya sa sarili dahil wala naman siyang ibang kausap. Muli siyang naghiwa, ngumuya, at lumunok.
Ayaw man niyang aminin, alam niyang gustong-gusto niya ang panggugulong ginagawa ni Karim sa tahimik niyang umaga.#
— ✽ —
— ✽ —
"BAKIT BA kanina mo lang sinabi?" Huminga siya nang malalim. "Pababa na 'ko ng Grab." Inabot niya ang bayad sa driver. Bumulong siya rito ng "salamat" bago buksan ang pinto ng sasakyan.
Sa pagmamadali ay puting pang-itaas lang ang isinuot niya, nakalobo ang mga manggas niyon. Itim na pares ng highwaisted pants ang pang-ibaba. Puting stilettos naman ang sapatos niya.
Lumakad siya papunta sa entrance ng gusali. Inayos niya ang pagkakasabit ng purse sa kanan niyang balikat.
"E, sorry na nga, nakalimutan ko," pagpapaliwanag ni Remi sa kabilang linya. "I'm sorry I got distracted with all your flirting on IG and Twitter. Alam mo bang tatlong oras akong pabalik-balik ng IG para i-check kung may post na naman si KJ?"
Nangingiti siyang umiling. "You're too invested, Rem. Anyway, nandito na 'ko sa baba."
Pagkatapos mai-check ang purse niya ay dire-diretso siyang pumasok sa elevator. Ni hindi na siya hinanapan ng appointment. Kilala na rin kasi siya ng mga tao roon dahil madalas silang tumambay sa lobby ni Remi.
"Diretso ka na dito sa taas, 'ha? Ibababa ko na 'to. Ingat Kaf, 'wag tatanga-tanga sa paglalakad."
Napakurap siya nang marinig ang bilin ni Remi. Lumunok siya, bigla siyang kinabahan. Baka hindi totoong may ibibigay sa kanyang gawain. Baka may bago na namang pakana si Remi.
Baka nando'n si Karim. Amputa naman, Remi.
Humigpit ang hawak niya sa strap ng purse. Nanatili lang siyang nakatitig sa nakabukas nang elevator. Malakas siyang suminghap bago humakbang palabas. May nasagi pa siyang babae dahil sa pagmamadali.
Sa bawat hakbang ay lalong lumalalim ang paghinga niya.
Pagsilip niya sa opisina ni Julian ay si Remi lang ang nandoon. Prente itong umiinom ng kape habang nakatutok ang mga mata sa phone. Saka lang ito nag-angat ng tingin nang makita siyang nakatayo sa labas.
Isang ternong beige na jacket at pantsuit ang suot ni Remi. May puting polo sa ilalim ng jacket nito, puti rin ang suot na high heels.
Mukhang kagagaling lang nito sa meeting.
Nakangiti itong kumaway at sumenyas na pumasok siya. Nakagat niya ang pang-ibabang labi.
Lumunok siya bago itulak ang salaming pinto. Pumunta siya sa sofa at umupo katapat ni Remi. Nag-aalangan itong ngumiti sa kanya bago tinuro ang isa pang baso ng kape.
Iyong platito ang hinawakan nito at tinulak papunta sa kanya. Sumimsim siya mula sa baso.
Hmm, cappuccino.
"Sorry talaga, Kaf. Late na din kasi nasabi sa 'kin ni Fritz na may writing task ka na." Hindi nito napigilan ang pagsimangot.
Uminom siya ng kape. "Marami ba 'yong ipapasulat?"
"Medyo—" Tipid itong ngumiti nang bumaba ang mga balikat niya. "—pero kinuha na ni Chi 'yong iba. Pagtutulungan daw nila ni Lulu."
Tiningnan niya ang oras sa lockscreen ng phone. "Ha? E, hindi niyo naman empleyado si Luna, 'di ba?"
"Hindi nga." Nagkibitbalikat ito. "Si Chi lang nakausap ko, e. Ang sabi lang niya, magpapatulong daw siya kay Lulu. Ewan ko lang kung pumayag 'yon."
Nilibot niya ng tingin ang opisina. Hindi siya mapakali sa kinauupuan. "Si Julian nga pala? Siya ba magbibigay sa 'kin ng details or ikaw na?"
Maliit ang ngiti ni Remi. "Right, ako nga pala magbibigay sa 'yo." Kinuha nito ang black folder na katabi ng kape. "Nand'yan na lahat pati 'yong listahan ng sections na gagawan mo ng description." Inabot nito sa kanya iyon.
Kinuha niya ang folder at binuklat. Limang short bond paper lang ang nasa loob niyon. "Bakit may mga naka-highlight?"
Tumikhim ito, sumeryoso ang mukha. "Sa 'yo 'yang mga naka-highlight. The rest, kay Chinna in-assign." Sumimsim ito ng kape. "There are references provided in the last page in case you need some sort of guide."
Tahimik niyang binasa ang nakalistang sections ng website: About Us, Events, Best-sellers, Departments, at Notable Writers. "Last question, kanino ko ise-send 'yong mga tapos na?"
"Kay Chinna," mabilis nitong sagot. "Siya kasi ang magko-compile bago niya ipa-proofread kay Miss Din na head ng Book Department."
Tumango-tango lang siya. "Ayon lang ba?" Sinulyapan niya ang oras sa phone.
"Sundan mo lang 'yong provided na references d'yan and I think you'll be fine. Fritz personally made that guide." Bumuntonghininga ito at ngumusong parang bata. "Speaking of Fritz, I haven't seen him all afternoon."
Biglang naglaho ang pagiging seryoso ni Remi at muling bumalik sa pagiging isip-bata.
"Anyway, Rem, can I go now? I just have to run some errands." Napangiwi siya. "Magpapadala kasi ako ngayon kina Mama. No'ng nakaraan pa nila hinihintay, e."
"I'm so sorry I called you in today." Inis itong nagbuga ng hangin bago damputin ang sariling phone sa ibabaw ng mesa. "I-book na kaya kita ng Grab?"
Mabilis siyang umiling. "Hindi na, I can manage."
Tumayo siya. Inayos niya ang pagkakasabit ng strap ng purse sa balikat. Kinuha niya ang folder sa ibabaw ng mesa.
"Wait lang, Kaf." May kung anong pinindot si Remi sa phone.
Napabuntonghininga siya. "Kaya ko na, Rem."
Nag-aalala itong tumunghay sa kanya. "Sure ka? Baka kasi hindi ka umabot sa cut-off."
Ngumiti siya nang tipid. "It's fine, aabot 'yan." Itinaas niya ang hawak na folder. "Salamat ulit sa tulong."
"Okay, bye." Huminga ito nang malalim. "Ingat ka, 'ha? Text me when you get home."
Natawa siya nang mahina. "Okay, see you."
— ✽ —
"AMPUTA NAMAN," bulong niya sa sarili. Ilang minuto na kasi siyang nakatayo sa harapan ng gusali pero wala pa ring tumatanggap sa booking niya sa Grab.
Kung mayro'n mang tatanggap ay kinakansela rin ng driver kalaunan. Inis siyang nagbuga ng hangin bago ibalik ang tingin sa kaharap na tawiran.
"Kara?" Sapat lang ang lakas para marinig niya iyon, nagmula sa hindi kalayuan.
Mariin siyang napapikit. Huminga siya nang malalim bago lumingon sa pinanggalingan ng boses.
"Karim?" Napalabi siya. "Uhm, hi." Naiilang niyang itinaas ang kanang kamay at kumaway rito.
Patakbo itong lumapit sa kanya. Doon lang niya napansin ang pagkapormal ng suot nito. Mahaba ang manggas ng suot nitong asul na polo, itim na pares ng slacks ang pang-ibaba. "Pauwi ka na ba?"
Umiling siya. "Naghihintay kasi ako ng Grab."
Pinaningkitan siya nito ng mata, nahalata yata ang pagsisinungaling niya. "Nakapag-book ka na ba?"
Amputa, nahalata nga.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Lagi akong kina-cancel, rushed hour na, e." Binaling niya ang atensyon sa mga taong tumatawid.
Malakas na suminghap si Karim. "Well, it's your lucky day."
Nilingon niya ito. "Clearly, it's not."
"It's actually my breaktime." Pinakita nito ang mamahaling relo sa kaliwang palapulsuhan. "I could drive you if you want."
Tiningnan niya ang patuloy na paglo-loading ng Grab application sa phone niya. Napabuntonghininga siya. "May alam ka bang malapit na money remittance center?"
Nagpamulsa ito, napatingin siya sa itim nitong belt. "Have you checked Google Maps?"
"Right, sorry." Napamura siya sa isip nang mapagtantong napatagal ang titig niya sa itim nitong belt. "Wait lang, I'll check."
"Go ahead, I have plenty of time." Matipid ang ngiti nito.
Agad niyang pinindot ang Google Maps para mag-search. "Mayro'n pero tatlong street pa mula dito." Bumuntonghininga siya. "'Wag na lang kaya? Sabihin ko na lang na bukas na."
Malakas itong suminghap. Sumulyap ito sa kanya pagkatapos huminga ng malalim. "Tara na." Maingat nitong hinawakan ang kanan niyang pulsuhan.
Nangunot ang noo niya. "Pasaan tayo?" Nalilito man ay wala siyang nagawa kundi magpatianod dito.
Saglit itong tumigil sa paglakad. "Do you trust me?" Seryoso nitong tanong sa kanya, may kapansin-pansing kislap sa mga mata.
Alanganin siyang tumango. Hinigpitan niya ang hawak sa strap ng bag. Pati ang folder na binigay ni Remi ay iningatan at niyakap niya. Masyadong malakas ang ihip ng malamig na hangin. Sumabay pa iyon sa bilis ng paglalakad nila, ilang beses tuloy siyang napakurap.
Namalayan na lang niyang nakasakay na siya sa kotse ni Karim. Nakakabit na rin ang seat belt niya. Nang tingnan niya ang kasama ay nabuhay na nito ang makina ng sasakyan.
Nanlaki ang mga mata niya nang biglang bumilis ang pagmamaneho ni Karim. Kung hindi siguro nakakabit ang seat belt niya ay nauntog na siya sa katabing pinto. Halos magdikit ang mga kilay niya sa pinaghalong takot at pag-aalala.
"Kaya mo ba 'ko tinanong kung pinagkakatiwalaan kita?" Kumapit siya sa inuupuang leather seat.
Natatawa itong sumulyap sa kanya. "I told you." Napangiti ito. "It's your lucky day."#
— ✽ —
— ✽ —
MALAKAS NA tumikhim si Karim, waring nanlilimos ng atensyon niya. Nang lingunin niya ito ay nakapokus pa rin ang mga mata nito sa kalsada. Tinagalan niya ang pagtitig sa seryoso nitong mukha.
Wala pang isang minuto ay nahuli niya ang pagsulyap nito sa kanya. Eksperto na yata ito sa pagtatago ng hiya kaya nagawa nitong ngumiti nang tipid habang siya ay hindi napigilan ang pag-init ng magkabilang pisngi. Bumaling na lang siya sa bintana.
Dahil sa hindi makataong bilis ng pagmamaneho ni Karim ay nakaabot siya sa cut off. Naipadala na niya sa pamilya ang pera kaya pabalik na silang dalawa sa opisina. Doon niya binalak na mag-book ng Grab. Gusto pa sana siya nitong ihatid pauwi pero hindi na siya pumayag.
Pero hindi pa rin talaga ako nakakapagpasalamat.
Napalingon siya kay Karim nang tumigil ang kotse. Dumiretso siya ng upo. Kunot-noo siyang sumilip sa labas.
Humigpit ang hawak nito sa manibela. "Nandito na tayo." Pinatay nito ang makina at saka ibinulsa ang susi.
Hindi niya napigilan ang pagsimangot. Hindi naman niya inasahang gano'n kabilis na lilipas ang oras pabalik ng opisina. Inalis niya sa pagkaka-lock ang seat belt.
Bago pa siya makapagsalita ay bumaba na ito para pagbuksan siya ng pinto.
"Thank you," nahihiya niyang sabi paglabas ng sasakyan.
Napahawak ito sa batok. "You're always welcome, Kara." Muli itong tumikhim. "Ingat ka pauwi. I'd like to drive you home, but. . ." Huminga ito nang malalim, wala nang balak tapusin ang pangungusap.
"Sorry for the inconvenience." Lumabi siya. "But thank you for everything today." Ngumiti siya bilang pagpapaalam.
Gusto na kasi niyang umuwi ora-mismo. Baka bigla na lang niyang bawiin ang desisyon. Mabilis siyang tumalikod dahil sa naisip.
"Kara?" pagtawag nito sa kanya, medyo mababa ang boses.
Mariin siyang napapikit bago ito harapin. "Bakit?"
Kaswal itong sumandal sa pinto ng sasakyan at saka nagpamulsa. "How was your breakfast this morning?"
Magaan ang ngiti nito sa kanya – nanunukso. At oo, malapit na rin siyang magpatukso.
Hindi niya napigilan ang pagngiti. "Masyadong matamis."
Mahina itong natawa sa sagot niya. "Ingat ka pauwi."
"Ikaw din." Napatawa siya. "Ingat sa pagda-drive."
Lumakad ito at lumapit sa kanya. Lalo pang lumambot ang ekspresyon sa mukha nito, lumamlam ang mga mata. Nang magkaharap na sila ay itinaas nito ang kanang kamay, pinatong sa tuktok ng ulo niya. "Be safe for me, Cinderella."##
— ✽ —
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro