Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

three days before

— ✽ —

F E B R U A R Y  11

        HINDI MAKATULOG si Kara. Wala namang nakatutuwa sa message na iyon pero may kakaiba. Ramdam niya.

        Kaya gusto niya sanang maging maingat sa mga sasabihin para hindi mapurnada ang kung anumang paparating na "kakaiba."

        Tiningnan niya ang oras sa lockscreen ng phone: 12:18 AM.

        Nag-unat siya ng mga binti. Inabot niya ang dulo ng kumot niyang nakalaylay sa kama. Hinila niya iyon.

        Tumagilid siya ng higa, hawak pa rin ang phone. Nagsimula siyang tumipa.

        Bumuga siya ng hangin. Tinitigan niya ang oras sa tuktok ng screen. Tatlong minuto na ang lumipas at wala pa rin itong reply.

        "Baka tulog na."

        Nahigit niya ang paghinga nang makita ang tatlong malalaking tuldok, senyales na tumitipa ito.

        Napabalikwas siya ng bangon sa gulat. "Amputa." Nangunot ang noo niya. "Speed lang, gano'n?"

        Ni-lock muna niya ang phone. Itinaob niya ang screen niyon. Ayaw niyang magpadalos-dalos.

        Inis siyang pumalatak. Totoong nagulat siya pero mas nakaiinis dahil alam niyang may parte sa kanyang natutuwa.

        At minsan lang siya nakararamdam ng magkahalong emosyon.

        Napatingin siya sa likod niya nang mag-vibrate iyon – halos tuloy-tuloy. Dinampot niya iyon at in-unlock.

        Pinigilan niya ang ngiti. Pareho sila ng takbo ng isip; ng wavelength. Pinakalma niya muna ang sarili.

        Nawa'y hindi niya mahalatang natuwa ako.

        Hindi naman siya nagsinungaling dahil totoong tumalab. Hindi nga lang niya inamin. Hindi siya sigurado kung bakit siya pumayag.

        Oo nga pala.

        Pareho nilang gustong unahan si Remi. Gusto nilang maging kontrolado nila ang sitwasyon, hindi ni Remi.

        Oo, tama. 'Yon lang ang dahilan.

        Lumunok siya. Pinatong niya ang phone sa ibabaw ng mesa. Nagtalukbong siya ng kumot. Mariin siyang pumikit, pinilit niya ang antok.#

— ✽ —

        ALAS-TRES ANG napag-usapan nilang oras. Halos tatlumpung minuto na siyang nakatitig sa repleksyon niya sa salamin.

        "Amputa, bahala na nga," bulong niya.

        Kinuha niya ang makeup kit sa drawer niya. Naglagay siya ng kaunting foundation at blush on. Nude lipstick lang ang nilagay niya sa mga labi.

        Isang kulay itim na bestida ang suot niya. Hanggang tuhod ang haba niyon pero sleeveless kaya pinatungan niya iyon ng itim na coat.

        Hindi ba 'ko maiinitan dito?

        Nalukot ang noo niya sa naisip.

        Sinuot niya ang itim niyang Dr. Martens boots, kalahating pulgada ang kapal ng suwelas – pandagdag tangkad.

        Bumuntonghininga siya bago ibulsa ang phone niya. Isinukbit niya sa balikat ang kulay itim niyang purse. Paggising niya ay hinanda na niya iyon. Susi, phone, at lipstick lang naman ang laman.

        Saktong pagtulak niya ng pinto ay siyang pag-vibrate ng phone niya.

        Mabilis niyang pinindot ang "accept."

        "Kaf, totoo bang may date kayo ni KJ ngayon?" nag-aakusang tanong ni Remi sa kabilang linya.

        Maingat siyang humakbang pababa ng baitang ng hagdan. "Sino?"

        "Oh, my God, hindi mo pa pala kilala, 'no? And yet, you're going out with him?" Hindi makapaniwala ang tono nito. "Hindi ka naman ganito ka-impulsive. Did he force you or something?"

        Natawa siya nang mahina. "Not really. Naisip ko kasi na mas okay na magkakilala kami nang maayos kaysa magkabiglaan kami sa Friday."

        "Gusto mo bang pabawasan ko pagiging harsh niya? Pinagtawanan kita no'ng nagulat ka sa replies niya pero puwede ko siyang pakiusapan."

        Nang tuluyang makababa ng hagdan ay binuksan niya ang gate. "Kaya ko na, Remi. 'Wag kang masyadong mag-alala, parang gusto nga niyang bumawi, e."

        "Are you sure? Because he's really good at pissing people off. . . even though nagpapaka-honest lang siya."

        Inayos niya ang pagkakasabit ng strap ng purse niya sa balikat. "Yes, sure ako. By the way, pa'no mo nalamang lalabas kami ngayon?" Tuluyan niyang sinara ang gate.

        "I have my sources." Rinig niya ang pagbuntonghininga nito. "Ingat kayo, 'ha? Don't hesitate to text me kapag inaway ka."

        Maliit siyang napangiti. "Okay. Bye, papunta na 'yong Grab ko."

        Binaba niya ang tawag. Pag-angat niya ng tingin ay saktong pagdating ng isang asul na kotse. Muli niyang inayos ang strap ng purse bago niya nilapitan ang pumaparadang sasakyan.#

— ✽ —

— ✽ —

        ILANG MINUTO na siyang pabalik-balik sa pintuan ng coffee shop. Unang pagkakataon iyon na hindi kape ang dahilan ng kaba niya.

        Ni hindi siya nagkape noong almusal sa takot na tuluyan siyang mag-palpitate.

        Sinubukan niyang sumilip sa salamin ng pinto. Ang kaso, masyado pang maliwanag. Repleksyon tuloy ang nakikita niya.

        Nagpamulsa siya – parang lamig na lamig – at saka huminga nang malalim. Hinila niya ang sliding door. Nakadalawang hakbang na siya bago niya nilibot ang tingin.

        Sa bandang sulok, isang lalaking nakaitim na tee shirt ang abalang naglalaro ng phone. Pinatungan nito ang shirt ng itim na jacket – parang nilalamig.

        Nilapitan niya ang lalaki. Hindi niya pinansin ang pagtataka ng mga customer sa suot nilang coat at jacket.

        "Hi, excuse me. Ikaw ba si—"

        Mabilis na tumayo ang lalaki at naglakad ng kamay. "—Karim," pagputol nito sa balak niyang sabihin. "'KJ' ang tawag sa 'kin ni Remi, but I go by 'Karim.' You are?"

        Tinanggap niya ang kamay nito. "Kara Frielle. Pinaghahalo ni Remi 'yong initials ko pero pili ka na lang sa dalawa."

        Sinenyasan siya nitong umupo sa upuang kaharap nito. "So—" Muli itong umupo. "—Kara, anong gusto mong gawin?"

        Medyo mahaba ang buhok nitong may pagka-brown, hanggang kilay ang tantiya niya. Matangos ang ilong at singkit ang mga mata nito. May hikaw pa ito sa tainga.

        Hindi na niya binilang kung ilan ang hikaw at butas nito sa magkabilang tainga. Ayaw niyang mahalata.

        Nangunot ang noo niya. "Ayaw mo bang kumain muna dito bago tayo umalis?"

        Matipid itong ngumiti. "Kumain na 'ko kanina saka, wala ka bang gustong puntahan? Libre ko, feel free to take advantage."

        "Hmm." Pumangalumbaba siya, unti-unti nang kumakalma. "Libre mo na lang muna ako dito. Wala kasi akong maluluto sa bahay, e, okay lang ba?"

        Nangingiti itong tumango. "Sige, tapos habang kumakain ka, mag-isip na tayo ng p'wedeng puntahan."

        "Okay, it's a deal."

        Sinenyasan ni Karim ang isang staff. "Anong gusto mo?" mahinang tanong nito sa kanya nang lumapit ang staff.

        "Sir, blueberry pancakes saka po double espresso. 'Yon lang po, thank you." Nginitian pa niya ang staff bago ito umalis.

        "Nag-order ka ng double espresso kahit hapon na?" hindi makapaniwalang tanong ni Karim.

        "Oo." Natawa siya ng mahina. "Parang kailangan ko kasing kabahan."

        Tumango lang ito at bahagyang yumuko. Sinubukan pa nitong lunukin ang ngiti. "Akala ko, sasabihin mong kailangan mo ng ipaglalaban ka."

        Hindi niya napigilan ang tawa. "Akala mo lang 'yon."

        Lumabi ito. "Oo nga, akala ko lang." Umiwas ito ng tingin – nanatili ang ngiti sa labi – iba na ang tinutukoy.##

— ✽ —

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro