Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

three days After

— ✽ —

F E B R U A R Y  17

        NAGISING SI Kara sa malakas na pagtunog ng alarm tone niya. Dahil bandang alas-diyes ng umaga dumarating ang delivery galing kay Karim, binalak niyang unahan ang pagdating niyon.

        Nahihiya na rin kasi siya sa mga nagde-deliver sa unit. . . at medyo inaasahan na rin niyang aaraw-arawin ni Karim ang pagpapadala sa kanya ng kung ano-ano.

        Inalis niya ang ilang mga hiblang tumabing sa pisngi niya. Napahilamos siya sa mukha, mabigat pa kasi ang mga talukap niya. Kahit mabigat pa ang katawan ay bumangon na siya.

        Kinuha niya ang phone sa ibabaw ng coffee table. Nangunot ang noo niya nang makitang may text messages galing sa mama niya. Sinimulan niyang suklayin ang buhok gamit ang hairbrush na nasa ibabaw ng mesa.

        Binuksan niya ang text messages galing sa mama niya.

        Bigla siyang pinagpawisan nang malamig. Hindi niya alam kung ano bang dapat na i-reply sa mama niya. Hindi rin niya alam kung kaya ba niya itong harapin man lang. Panigurado kasing marami itong pupunahin sa kanya. Baka magpakampi na naman ito sa kanya at magsumbong tungkol sa papa niya.

        Makalipas ang ilang minuto ay napagdesisyunan niyang tawagan na lang ito. Dinikit niya ang phone sa kanang tainga nang agad itong sumagot sa kabilang linya.

        Sumalampak siya ng upo sa sahig. "Hello, 'Ma?"

        "'Nak?" Tumikhim ang mama niya sa kabilang linya. "Napatawag ka?"

        "Ngayon ko lang po kasi nabasa 'yong text niyo. Luluwas po kayo?"

        "Isasama daw ako ni Boss, e. Pumayag na 'ko kasi nand'yan ka naman pero naurong alis namin. Baka raw alas-dose pa kami makabiyahe."

        Napabuntonghininga siya. "Sige po, 'Ma. I-text niyo po ako 'pag nandito na kayo."

        "Bakit, 'nak? Ililibre mo 'ko?" parang bata nitong tanong, tuwang-tuwa.

        Napangiti siya. "Okay lang po basta 'wag do'n sa masyadong mahal. Next, next week pa po ako sasahod, e."

        "Aba, totoo na ba 'yan? Baka mamaya, biglang busy ka na naman para makipagkita sa 'kin," may halong tampo nitong sabi.

        "Opo, 'Ma." Natawa siya nang mahina. "Totoo na po."

        "Sinabi mo 'yan, 'nak, 'ha?" May kaunting ingay siyang narinig sa kabilang linya, ilang segundo rin ang tinagal. "Hala, 'nak, ibaba ko na 'to. Tawag na ako ni Sir."

        "Sige po, ba-bye po." Ibinaba na niya ang phone pagkatapos ng tawag.

        Ibinulsa niya iyon sa suot na asul na cotton shorts. Inayos niya ang suot na itim na pullover, nakatabingi kasi ang hugis V nitong neckline.

        Tumayo siya para buksan ang blinds ng bintana. Medyo madilim kasi sa loob ng unit. Akmang papasok na siya ng banyo para maghilamos nang may kumatok sa pinto. Napalingon siya roon. Pinigilan niya ang pagngiti.

        "Delivery po for Miss Kara Anastacio?" nag-aalangang tanong ng isang lalaki sa labas.

        Halos takbuhin niya ang pagitan ng CR at pinto. Pinakalma niya ang sarili. Pinalis niya ang kaunting butil ng pawis na namuo sa noo niya dahil sa kaba.

        Lumabi siya bago pihitin ang doorknob. "Yes po?"

        Pang-biker ulit ang suot nito pero ibang logo na ang nasa likod ng long sleeves at sumbrero. Sa kanang kamay ay isang malaking plastic bag ang hawak nito. Mahabang resibo naman ang nasa kabila.

        Itinaas nito ang resibo at matagal na tinitigan. "One bucket of fries, mashed potato, steak bowl, and cappuccino po, ma'am?"

        Alanganin siyang tumango. "How much po ba lahat?" tanong niya. Wala lang, gusto lang niyang linlangin ang sarili na hindi niya inaasahang nabayaran na ni Karim ang delivery.

        Matipid na ngumiti sa kanya ang lalaki bago binigay ang plastic bag. "Paid na po, ma'am."

        "Okay, thank you po, sir." Hinawakan niya ang strap ng plastic bag. "Ingat po."

        Tango at ngiti lang ang sinagot nito sa kanya bago bumaling sa direksyon ng elevator. Napabuntonghininga siya.

        Muli siyang pumasok ng unit. Sinara niya ang pinto bago pumunta sa kitchen counter. Doon niya nilapag ang plastic bag.

        Isa-isa niyang nilabas ang laman ng bag. Parang bata pa siyang napangiti nang makita ang malalaking French fries. Akmang kukuha na siya ng isang piraso mula sa bucket nang mag-vibrate ang phone niya.

        Inangat niya ang sarili para makaupo sa ibabaw ng kitchen counter. Nilabas niya ang phone mula sa bulsa. Dalawang notifications na naman sa Instagram mula kay Karim.

        Bumuntonghininga siya, nanatiling nakatitig sa notifications. "Tatlong araw na, walang palya." Wala sa sarili siyang napangiti.

        Sa totoo lang ay hindi siya komportableng binibilhan siya ng kung ano-ano, lalo na kung mahal at halos araw-araw ginagawa. Naisipan na rin niyang patigilin si Karim pero parang mali rin iyon sa pakiramdam.

        Pinagbigyan kasi siya nito sa desisyon niyang 'wag muna silang magkita o mag-usap. Gusto rin niyang pagbigyan at respetuhin ang desisyon nitong manatili at magparamdam sa kanya kahit mula sa malayo.

        Sumubo siya ng isang pirasong fry. Lumunok siya bago buksan ang notifications.

        Napasulyap siya sa bintanang natatabingan ng blinds. Lumapit siya roon, hindi alintana ang init ng mataas na araw.

        Bumuntonghininga siya. Sinandal niya ang ulo sa bintana. "Goodmorning din, Karim," bulong niya sa sarili bago pindutin ang "like" button.#

— ✽ —

— ✽ —

        "'MA, WALA ka na po bang gustong kainin?" nakangiti niyang tanong dito.

        Sa coffee shop nila napagdesisyunang kumain. Tumanggi kasi ang mama niya nang ayain niya itong pumunta sa isang restaurant. Mukhang sineryoso nito ang biro niyang 'wag pumili ng mamahaling kainan.

        Sinubo niya huling piraso ng blueberry cheesecake. Malalim siyang huminga at sumandal. Doon kasi sila pumuwesto sa mahabang upuan, malambot, at gawa yata sa brown na leather. Nag-unat siya ng binti sa ilalim ng mesa.

        "Hindi na." Sumimsim ito ng iced tea. "Kumain naman na 'ko kanina bago kami maghiwalay ng boss ko."

        Nang ngumiti ito pagkatapos lumunok ay lalong lumitaw ang mga linya nito sa noo at sa ilalim na bahagi ng mga mata.

        Pumangalumbaba siya. "Hanggang kailan ka ba dito sa Manila?"

        Pinaningkitan siya nito ng mata, sinuri siya. "Aba, bakit parang gusto mo na 'kong pauwiin? May date ka mamaya, ano?"

        Wala naman siyang date pero bigla siyang pinamulahan ng mukha. Huminga siya nang malalim at tipid na ngumiti. "Wala po, 'Ma. Alam niyo naman pong wala akong oras sa gan'yan."

        Nangunot ang noo nito sa sinabi niya. "Bakit naman wala? Hanggang ngayon, wala ka pang pinapakilala sa bahay."

        Tumikhim siya. "A. . . ano po kasi." Sa kagustuhang maiwasan ang tanong ay napatingin siya sa kabubukas lang na pinto. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung sino ang papasok doon.

        Amputa naman, bakit ngayon pa?

        Nakapamulsa si Karim sa suot na itim na jacket habang naghahanap ng bakanteng upuan. Napalunok siya. Wala pang isang minuto ay nagkasalubong ang mga mata nila. Sabay silang natigilan.

        Saka lang siya napakurap nang mapansin ang babaeng kaagad na pumila sa counter – si Charlotte. Isang bulaklaking bestida ang suot nito, hanggang tuhod ang haba. Naka-slacks at asul na polo naman si Karim, mukhang kagagaling lang sa opisina.

        Ilang segundo siyang nabato sa kinauupuan. Biglang nawala sa isip niyang kaharap niya ang mama niyang nakakunot na ang noo sa kanya. Nagtataka nitong sinundan kung saan nakatutok ang mga mata niya.

        Napalunok siya nang mapagtantong bakante ang katabi nilang mesa.

        "Saan ka ba nakatingin?" tanong ni Charlotte sa kapatid, matinis ang boses kaya rinig sa buong coffee shop. "Doon, o, may bakante." Tumuro ito sa mesa sa likuran ng mama niya.

        Kumurap-kurap si Karim. Wala na itong nagawa kundi magpatianod sa panghihila ng kasama. Nahigit niya ang paghinga nang dumaan ang magkapatid sa gilid nila ng mama niya.

        "'Nak, okay ka lang ba?" Bakas ang pag-aalala sa mukha nito. "Para kang nakakita ng multo."

        Dinoble niya ang pagpigil sa pag-init ng magkabilang pisngi. "Opo, 'Ma. Okay lang po, akala ko po kasi kakilala ko."

        Nanatiling nakakunot ang noo nito. "Sigurado ka, 'nak?"

        Amputa talaga.

        Sa bandang likuran ng mama niya pumuwesto si Charlotte habang si Karim ay nakaharap sa kanya. Tipid niya itong nginitian.

        Lumambot ang ekspresyon sa mukha nito at saka magaang ngumiti sa kanya.

        "Sino bang nginingitian mo?" rinig niyang tanong ni Charlotte kay Karim. Lumingon ito sa direksyon nila ng mama niya, bahagyang umawang ang mga labi nang makita siya. "Oh, my God! Ikaw 'yong nasa IG ni Karim, 'di ba?"

        Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Tuluyan siyang nawalan ng kontrol sa pamumula ng mukha. Lalo pa siyang nablangko nang lingunin ng mama niya sina Charlotte at Karim.

        Nahihiyang ngumiti si Charlotte. "Hala, sorry po. May kamukha po kasi si Ate." Sumulyap pa ito sa kanya.

        Malakas na tumikhim si Karim. Tumingin ito sa kanya, parang nanghihingi ng permisong magsalita.

        Bumuntonghininga siya. "'Ma, si Karim po." Lumunok siya. "Blockmate po namin ni Remi no'ng college."

        Nalilitong tumingin sa kanya ang lalaki na sinuklian niya ng pagkibitbalikat. Wala itong nagawa kundi tumayo at makisakay sa pagpapalusot niya. "Good evening po, ma'am." Bahagya itong yumuko. "Sorry po sa istorbo."

        "Ay sus, hindi naman kailangang tumayo at yumuko pa," natatawang kumento ng mama niya. "Para tuloy ang tanda-tanda ko na."

        Sa isang iglap ay nawala ang pagkailang sa hangin. Umayos ng tayo si Karim, umaliwalas din ang mukha. "Pagpasensyahan niyo na po 'yong ingay ng kapatid ko."

        Magrereklamo pa sana si Charlotte nang matalim itong tiningnan ng kapatid.

        Lumabi siya. "'Ma," pagtawag niya rito. "Kain na po tayo."

        "Hala, anak. . . hindi man lang ba natin sila aayaing kumain kasama natin?"

        Alanganin siyang tumingin kay Karim, nanghihingi ng tulong. Agad namang napansin ni Charlotte ang pagpapakiramdaman nilang dalawa. Matamis itong ngumiti sa kapatid bago bumaling sa mama niya. "Nako, Tita, ang tagal na po no'ng huli kong kain nang may kasalo!"

        Akmang pauupuin sana ito ni Karim pero agad nitong iniwas ang kanang braso. Nangingiti itong tumingin sa kanilang dalawa bago tumayo at tumabi sa mama niya.

        Kulang na lang ay mapasapo siya sa noo. Dahil pang-dalawahan ang magkatapat na upuan at nakaupo na si Charlotte sa tabi ng mama niya, sa kanya lumapit si Karim.

        Tahimik siyang napadasal. Dumaplis ang mga binti nito sa kanya nang umurong ito. "Sorry," bulong ni Karim sa kanya.

        "Okay lang," natataranta niyang sagot.

        Hindi niya alam kung may ikapupula pa ang mga pisngi niya pero ramdam niyang lalong uminit ang mga iyon. Pati yata mga tainga niya, nagkulay sili na. Huminga siya nang malalim. Baka sakaling humupa ang nararamdaman niyang kaba.

        Tinulak ng mama niya 'yong isang platito ng French fries papunta sa kanya. "Kain ka pa, 'nak."

        Malakas na tumikhim si Charlotte, sabay silang napatingin dito. "Itatanong ko lang sana kung saan kayo nagkakilala ni Karim. Parang hindi kasi kita nakita no'ng batch reunion niyo."

        May pumuslit na pagkapilya sa maliit at maamo nitong mukha. Parang kontrolado nito ang pagkislap ng mga mata, lalo pang nagmukhang inosente.

        Nagtataka niyang tiningnan si Karim. Umiwas lang ito ng tingin, hindi rin ata alam kung anong tumatakbo sa isipan ng kapatid. "Ha? Kailan ba 'yon? Nakalimutan ko yatang um-attend no'n," pagdadahilan niya.

        Natigilan ang mama niya sa pag-inom ng iced tea. "Paanong hindi ka um-attend? 'Di ba, ipinaalam mo pa sa 'kin 'yon?"

        Mabilis siyang napakurap. Hindi na talaga niya alam ang gagawin. Napalunok siya nang mapansing halos magdikit ang mga kilay ng mama niya.

        Biglang umuga ang mesa. Yumuko siya para silipin ang ilalim niyon. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakangiwi na si Charlotte. Si Karim naman ay nanatiling blangko ang mukha.

        Did he just kick his own sister under the table?

        "Hala, oo nga pala." Pasimpleng inirapan ni Charlotte ang katabi niya. "Maaga nga pala akong umuwi no'n. Si Remi lang napakilala sa 'kin ni Karim, e, saka si. . . Julian ba 'yon?"

        Pilit siyang ngumiti. "Oo, si Julian, 'yong boyfriend ni Remi. Actually, magdadalawang taon na silang engaged."

        "Excuse me, 'ha?" nahihiyang sabi ng mama niya bago tumayo. "Magbabanyo lang ako."

        "Hala, sige po, Tita." Agad na tumayo si Charlotte para makaraan ang mama niya.

        "'Nak, saglit lang ako," pagpapaalam nito sa kanya.

        Tipid lang niya itong nginitian bilang sagot. Saka lang siya nakahinga nang maluwag nang makitang nakapasok na ito sa CR ng coffee shop. Isinandal niya ang likod, aksidenteng nagkadikit ang mga balikat nila ni Karim.

        Nagkasalubong sila ng tingin. Sabay din nilang binawi iyon nang maramdaman ang mapanuring titig ni Charlotte.

        "Why don't you two just date each other?" tanong nito sa kanila, ni hindi nila napansing nakaupo na pala ito. "Ang daming spark, o."

        "Charlotte, 'wag ka ngang umastang parang bata," paninita ni Karim sa kapatid. Bakas ang pagkairitable sa boses nito.

        "Right, you're semi-dating na nga pala," matabang nitong sagot bago bumaling sa kanya. "You're the reason why he indirectly called me uninteresting in his bio on Instagram."

        Muntik siyang masamid sa sariling laway. Hindi niya napigilan ang pagtawa nang mahina. "Sorry," tumatawa pa rin niyang sabi.

        Natigilan ang magkapatid, nagtatakang napatingin sa kanya.

        "Aren't you mad at me for lying in front of your mom and acting like a brat?" naguguluhang tanong sa kanya ni Charlotte.

        Sumimsim siya ng cappuccino at saka siya ngumiti. "Bakit naman ako magagalit? 'Yan din naman una 'kong concern no'ng nabasa ko 'yong bio niya," paliwanag niya habang pinipigil ang tawa.

        Nangunot ang noo nito sa kanya bago bumaling kay Karim. "Oh, my God, I like her already."

        "Ha?" sabay nilang tanong ni Karim.

        Pumangalumbaba ito at magaang ngumiti sa kanya. "I was just testing you, Kara. It's nice to finally meet you." Nilahad nito ang kanang kamay.

        Alanganin niyang tinanggap iyon. "Anong test?"

        Inis na nagbuga ng hangin ang katabi niyang si Karim. "Never do that again, Charlotte. 'Di mo naman kilala 'yong mama ni Kara. That was a bad joke."

        "Wow, 'ha? Bakit? Ikaw ba, kilalang-kilala mo na 'yong mama niya?" may halong panunukso nitong sabi.

        "This is not the right time or place to act like that," seryosong sagot ng isa. "Let's just go. Minsan na nga lang silang magkita, manggugulo ka pa."

        Pinagtaasan lang ito ng kilay ni Charlotte, mukhang walang balak makinig sa katabi niya. Lalong tumalim ang titig ni Karim sa kapatid, parang sasabog na sa inis anumang oras.

        Napabuntonghininga siya.

        Magkapatid nga sila, parehong manipulative.

        Itinaas niya ang kanang kamay. Hinarang at winagayway niya iyon sa pagitan ng magkapatid.

        "Cease fire nga muna." Bumaling siya kay Karim. "Okay lang naman na sumabay kayo sa 'min ni Mama. Wala naman akong problema do'n." Maliit niya itong nginitian.

        Nagkibitbalikat lang si Charlotte nang sulyapan niya ito.

        Gumaan ang ekspresyon ng mukha ni Karim, nawala ang pagkalukot ng noo. "But what about the space we discussed before?"

        "E, 'di. . . cease fire na lang din muna," patay-malisya niyang sagot.

        Maluwang itong napangiti sa kanya. Agad nitong kinamot ang ilong, pagbaba ng kamay ay bumalik na ang pagkaseryoso ng mukha. "Okay, if you say so—" Malakas itong tumikhim. "—Cinderella." Sinadya nitong hinaan at palalimin ang boses.

        Napangiti siya nang marinig iyon. Lumabi siya at yumuko para maitago ang unti-unting paglawak ng ngiti sa labi.

        Malakas na suminghap si Charlotte. "So he really calls you Cinderella?" natatawa itong tumuro kay Karim habang nakatingin sa kanya. "My God, that is so cheesy."

        Pinigilan niya ang pagtawa nang mapansing matalim na nakatitig si Karim sa mapang-asar na kapatid. Saka lang siya umiwas ng tingin nang mapansin ang pamumula ng magkabilang tainga nito.

        "Aba, mukhang nagkakatuwaan kayo, a?" tanong ng mama niyang nakalabas na pala ng CR. "Mayro'n ba akong hindi naabutan?" Magaan sila nitong nginitian bago umupo katabi ni Charlotte.

        "Wala po, 'Ma." Napalunok siya nang umayos ng sandal si Karim, nagdikit na naman ang mga balikat nila pero sa pagkakataong iyon ay parang sinadya na.

        Bahagya itong umurong – lalo siyang siniksik – kaya napapikit siya nang muling dumaplis ang binti nito sa kanya.

        "Wala naman po, Tita," magalang na sagot ni Karim sa mama niya bago siya pasimpleng nginitian.##

— ✽ —

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro