Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

tenth hour of the Day

— ✽ —

F E B R U A R Y  14

        "I SAW your tweet and I came running." Matipid ang ngiti ni Remi kay Kara.

        Plain white shirt lang ang suot nito na naka-tuck in sa isang pares ng high-waisted jeans. Agad nitong nilapag sa ibabaw ng mesa ang dalang purse bago umupo sa katapat niyang upuan.

        Sumimsim siya sa maliit na baso ng cappuccino. "Nag-usap naman kami ni Karim, one week daw muna ng pag-iisip. Wala kang dapat na ipag-alala."

        Ilang minuto pa lang naman ang lumilipas pagkatapos niyang i-post ang tweet na tinutukoy nito.

        Napatawa ito nang mahina. "Alam ko, saka ang laki niyo na. 'Di mo naman kailangan magpaliwanag sa 'kin."

        Pumangalumbaba siya. "Hingi ka kasi nang hingi ng update kagabi. Akala ko madi-disappoint kang hindi naging kami."

        Pinagtaasan siya nito ng isang kilay. "Wow naman, kung makapagsalita ka, parang tapos na talaga." Pumalatak ito. "Parang 'di ka nagkalat sa Twitter at IG buong gabi, a?"

        Napangiti siya. "Hindi ko naman ide-deny. Ang gulo pa kasi talaga ngayon, ang dami kong inaasikaso. Halos wala na nga akong alone time."

        Mahinang natawa si Remi. "O, bakit sa 'kin ka nagpapaliwanag? Kay KJ ka magpaliwanag, 'di naman ako 'yong naghihintay ng desisyon mo."

        Nangunot ang noo niya. "Bakit? May nakuwento ba siya?"

        Marahan itong umiling. "I saw him earlier paghatid ko kay Fritz sa office. Literal na nagkita lang kami, I tried asking for deets pero ayon, his lips are sealed daw."

        "Let's seal my lips for you."

        Maraming beses siyang kumurap, sobrang linaw kasi ng imahe nitong nakangiti habang sinasabi iyon. "Wala namang nangyaring kakaiba. Kumain lang kami, tapos tumambay sa kung saan."

        "Nag-sex kayo?" diretsong tanong ni Remi, ngiting-ngiti pa.

        Muntik niyang mabuga ang iniinom na cappuccino. "Remi naman, language. Nasa labas tayo, baka mamaya may makarinig sa 'yong empleyado niyo ni Julian."

        Natatawa nitong pinitik ang noo niya. "Sisig EXpress kasi 'yong sinasabi ko, sis. Napaghahalataang may nangyari talaga, e."

        Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Wala naman talaga kasing nangyari, saka akala ko ba, hindi ka interesado?"

        "Hindi nga." Malawak ang ngiti nito. "Ikaw 'tong naglalaglag sa sarili mo, e."

        "E, wala ngang ilalaglag." Mabilis niyang sinuklay ang buhok. "Nag-usap lang kami at kumain nang kumain. 'Yon lang."

        "Okay." Tumayo at pumunta ito sa counter para bumili ng pagkain. Pagbalik nito sa puwesto nila ay may bitbit na itong dalawang blueberry scones.

        Napabuntonghininga siya, nakatitig sa scones. "Hindi ko pa alam."

        "Ha?" Natigilan ito sa pagtusok sa isang scone.

        "That's what you're here to ask, right? Gusto mong alamin kung anong plano ko."

        Nangingiting umiling si Remi. "Not really. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal tapos nabasa ko tweet mo, so I decided to hit two birds with one stone."

        "Sa tingin mo ba, galit siya?" nag-aalangan niyang tanong.

        Tinulak nito ang isang platito ng scone papunta sa kanya. "Sino? Si KJ?"

        Inabot nito sa kanya ang isang tinidor, tinanggap niya. "Sino pa ba, Rem?" Napailing siya.

        "Well. . ." Tinusok nito ang scone. "Given that you already kissed, I'd say he's disappointed. Pero hindi siya sa 'yo disappointed, 'ha?"

        Sumubo siya ng kapirasong scone. "Yeah, gets ko."

        Malawak itong ngumiti sa kanya, kumikinang-kinang pa ang mga mata. "So. . . you guys kissed, huh?"

        Pinamulahan siya ng mukha, inis siyang bumuga ng hangin. "Sabi ko nga, hindi totoong hindi ka interesado."

        Tumawa lang ito nang mapansing namumula ang mga pisngi niya. "So, ano ngang balak mo?"

        "Pagkatapos ng one week na space." Nag-unat siya ng mga binti sa ilalim ng mesa. "Hindi ko pa talaga alam."

        "Step by step kasi. Isipin mo kung gusto mo bang magpaligaw muna o gusto mong kayo na agad," kaswal nitong sabi bago sumubo ng kapirasong scone.

        Inubos niya ang cappuccino. "Bakit ligaw agad? Puwede namang understanding muna o kaya, casual dating."

        "Oh, come on, Kaf." Bumuntonghininga ito. "Inamin mo na sa tweets mo kagabi, ngayon pa ba tayo magpapanggap na hindi mo gusto 'yong tao?"

        "Gusto pero—" Umismid siya. "—ewan ko. It all seems so perfect and sketchy."

        Mahinang natawa si Remi. "You know what, Kaf?"

        "Ano?" Humiwa siya ng scone. "Ayan na ba 'yong infamous life advice mo?"

        Hindi nito pinansin ang sarkastikong kumento niya. "Sometimes, I think you refuse to be happy."

        Amputa, atake, 'ha?

        Nangingiti siyang umiling. "It's not that, iniisip ko lang kung tama ba 'yong oras ngayon para atupagin ko 'to."

        Pumangalumbaba ito at ngumiti sa kanya, magaan lang. "I understand where you're coming from, Kaf. Gets kong may responsibilidad ka bilang anak, but you're not their child forever."

        "Ano namang ibig mong sabihin d'yan, Master Remi?"

        "Ang sinasabi ko lang is buhay mo 'yan. Just because ikaw lang ang anak nila at ikaw lang ang inaasahan, e, do'n na iikot ang buhay mo." Muli itong sumubo ng kapirasong scone.

        Matipid siyang ngumiti. "You know how it is, kahit clerk do'n si Mama. . . pang-grocery lang nang one week 'yong pay niya."

        Matagal siyang tinitigan ni Remi. "Syempre alam ko naman 'yan, ang akin lang naman. . . Kaf, kung hindi ngayon 'yong sinasabi mong tamang oras, kailan? Sure ka bang may tamang timing?"

        "Ewan ko, baka lang kasi mag-decide ako tapos hindi ko rin mapanindigan. Mas unfair naman 'yon kay Karim, 'di ba?" Huminga siya nang malalim. "Gusto ko lang naman makasiguro."

        Hindi nito napigilan ang pagtawa nang malakas. "There's no such thing as certainty in love. Ikaw 'tong writer sa 'ting dalawa, dapat alam mo na 'yan."

        Malalim ang pinakawalan niyang buntonghininga. "Okay then maybe, gusto ko lang magkaro'n ng tapang para makapag-risk?" Maski siya ay nag-alangan sa sinabi.

        Natatawang umiling sa kanya si Remi, nahampas pa ang ibabaw ng mesa katatawa. Nang huminahon ay tumikhim ito. "By the way, magpapa-revise si Fritz ng website. Kailangan daw niya ng tech writer, puwede ka ba?"

        Inismiran niya ito. "Alam mo namang ayoko ng technical, e, ang dami masyadong terms."

        "Tutulong naman ako. Sayang naman kung maghahanap pa kami ng iba, e, nand'yan ka na."

        Bumuga siya ng hangin. "Kailan ba deadline niyan? Pass ako 'pag rush 'yan, 'ha?"

        "Ang alam ko." Nilunok nito ang nginunguyang piraso ng scone. "Next, next week ang deadline. 'Di ko alam kung ga'no karami, e. Daan ka na lang bukas."

        "Amputa naman, Remi, pa'no kung makasalubong ko do'n si Karim?" Mariin ang pagtusok niya sa scone, mahinang tumunog ang pagtama ng dulo ng tinidor sa platito.

        "O, e 'di nakasalubong mo!" Tumatawa nitong dinampot at kinain ang kapirasong scone na nahulog mula sa platito. "Siya pa ba ang mag-aadjust sa 'yo kung ikaw 'tong nando'n sa space niya?"

        Sumimangot siya. "Seryosong tanong kasi."

        Nakangiti itong pumangalumbaba. "E, 'di seryoso na. Kapag nagkasalubong kayo, sabihin mo nang kalimutan na niya 'yong hinihiling mong space."

        Inis niya itong sinipa sa ilalim ng mesa. Muntik pang matumba ang baso ng cappuccino. Tumawa lang si Remi.#

— ✽ —

that same day, around 8:30 PM
(in FaceTime)

KARIM: [napahikab] Hi, Cinderella. Buti, sinagot mo tawag ko.

KARA: [nangunot ang noo] Nasa office ka pa ba? It's almost nine.

KARIM: [maliit na ngumiti] Oo, e, dami kasing pina-check na PC kanina. Dumayo pa 'ko sa legal.

KARA: [lumunok] 'Wag mo sanang masamain pero. . . [ngumiti nang matipid, nag-aalangan] 'di ba, sinabi mong bibigyan mo 'ko ng one week ng space?

KARIM: [lumabi] Sorry, nakalimutan ko. [kinamot ang ilong]

KARA: [umiling] Okay lang, nagulat lang ako no'ng nag-notify. 'Di ka kasi nag-text na tatawag ka, buti gising pa 'ko.

KARIM: [binabang lalo ang hood] Paalis na din kasi ako, may ni-reboot kasi ako. Hinihintay ko lang matapos.

KARA: [tumango] A. . . okay. [napapikit, napagtantong conversation ender ang binitiwan]

KARIM: [tumikhim] About that one-week space we discussed before I left. . . [sumulyap sa gilid]

KARA: [ilang beses kumurap] Bakit?

KARIM: [muling lumabi] Nothing, I guess nakalimutan ko lang talagang hindi muna kita puwedeng kausapin for seven days. [ngumiti nang maliit]

KARA: [huminga nang malalim] Sorry.

KARIM: [natawa nang mahina] It's fine, you don't need to apologize for wanting more time to decide. Don't worry, I'll keep my promise.

KARA: [lumabi] What promise?

KARIM: [ngumiti] The promise I made to let you have the space you need. [lumunok] I just called to say goodnight, though.

KARA: [bumuntonghininga] Check mo na kaya 'yong PC na nire-reboot mo. Baka tapos na, e.

KARIM: [pilit na ngumiti] Got it, thanks. Goodnight, miss. [pabirong sumaludo]

KARA: [matipid ang ngiti] Okay, goodnight. Ingat ka pauwi.

(FaceTime call ended)

— ✽ —

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro