Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

ten days After

F E B R U A R Y  24

        NAPAKURAP SI Kara nang malakas na mag-vibrate ang phone niya sa loob ng bulsa. Maliit siyang napangiti nang makitang si Karim ang tumatawag.

        "Nako, Martin, may hindi sinasabi 'tong anak mo," pagpaparinig ng mama niya. "Ngumingiti nang walang dahilan, e."

        Prente nang nakaupo ang mama niya sa upuang rattan matapos niyang maikonekta ang laptop sa TV nila sa sala. Tulad ng binanggit niya kay Karim, natuloy ang pagmu-movie marathon nila. Pero dahil magkakaiba sila ng hilig, pinabayaan niyang mamili ang mga magulang ng panonooring pelikula.

        Mahilig kasi sa romcom at fantasy ang mama niya habang action movies naman ang kursunada ng papa niya.

        Lumabi siya, pinigilan ang paglawak ng ngiti. "Hala, sa trabaho 'to, Ma." Nang paningkitan siya nito ng mata ay agad siyang tumayo. Habang tumatagal kasi ay lalong umiinit ang mga pisngi niya. Ibinulsa niya muna ang phone.

        Binilisan niya ang paghakbang papunta sa kuwarto. Kinuha niya ang earphones sa ibabaw ng mesa. Sinaksak niya iyon sa phone bago pindutin ang 'accept.'

        Sinuot niya sa kanang tainga ang earphone at saka siya bumalik sa sala. Nilapit niya ang mic sa mga labi. "Hello?" Sumalampak siya ng upo sa sahig.

        Napatingala siya sa TV nang pumailanlang ang isang pamilyar na kanta: "Us" ni Regina Spektor. Mukhang nakapili na ang mga magulang niya ng panonoorin habang nandoon siya sa loob ng kuwarto.

        Tumikhim si Karim sa kabilang linya. "I miss you," pabulong nitong sabi.

        Mariin niyang kinagat ang pang-ibabang labi. "Ha?"

        Maya-maya pa ay bumalik ang papa niya galing sa kusina. Napasulyap siya rito. Hawak nito sa kaliwang kamay ang isang malaking pitsel ng melon juice.

        Nilapag nito iyon sa gitna ng kahoy na mesa. "Malaki na 'yang anak mo. Ano naman kung may boypren na siya?"

        "I wouldn't be able to call you later." Bumuntonghininga ito. "OT kasi ako. Julian talked to me this morning, last na raw 'tong pagra-rush namin ng mga dapat papirmahan."

        Napangiti siya nang makita ang montage ng isang batang babae at lalaki, salitang pinasilip ang kinalakihan ng dalawa sa screen. "We're currently watching (500) Days of Summer." Lumabi siya. " Nakapag-lunch ka na ba?"

        "I might eat later," maikli nitong sagot.

        "Kumain ka, 'ha?" Pinanatili niya ang mga mata sa TV. "Sumabay ka na lang kaya kina Remi? Baka makalimutan mong kumain, e."

        Huminga ito nang malalim. "Remi's in a meeting right now. She told me she might go home early, may author pa raw siyang kikitain, e."

        "Ha? Akala ko, pinahinto muna ni Julian 'yong panliligaw sa authors. . . para makahabol 'yong website?"

        Saglit itong nawala, mukhang may kinausap sa kabilang linya. "Sorry," tumikhim ito, "kakausapin lang naman daw niya. I forgot to ask if she was planning to offer a contract."

        "So. . . bakit ka tumawag?" Malapit na iyon sa bulong, halos katabi lang kasi niya ang papa niyang nakakunot ang noo, nakatutok ang mga mata sa TV screen.

        "I told you already." Nahimigan niya ang tuwa sa boses nito. "I missed you."

        Nangingiti siyang umiling. "Gutom lang 'yan. Gusto mo bang padalhan kita d'yan?"

        "No need, I can manage. Hindi mo naman kailangan bayaran 'yong mga breakfast mo last week." Pumalatak ito. "Bigay 'yon, hindi utang."

        "'Nak, nanonood ka pa ba?"

        Inalis niya sa pagkakapusod ang buhok, pinantakip niya iyon sa kanan niyang tainga. Nilingon niya ang mama niya. "Wait lang po, may kausap po ako."

        Nangunot ang noo ng papa niya. "Sa trabaho ba 'yan? P'wede naman tayong manood mamaya, unahin mo muna 'yan."

        Marahan siyang umiling. "Hindi, okay lang po. Dito lang naman po ako."

        Alanganin man, matipid na ngumiti ang papa niya. "O, sige. Ikaw ang bahala."

        "Sorry, nakihati pa 'ko sa oras niyo," halos pabulong na sabi ni Karim sa kabilang linya.

        Muli niyang binaling ang atensyon sa TV. "Okay lang." Nag-unat siya ng mga binti. "Ayaw mo ba talagang padalhan kita ng pagkain? Kung mag-oorder na 'ko ngayon, wala pang 20 minutes, nand'yan na 'yon."

        "I'm fine, Kara, saka hindi naman pagkain ang tinawag ko sa 'yo."

        Napayuko siya. "Bakit? Kailangan na ba ako d'yan? Parang sobrang busy niyong lahat, e."

        "Hindi naman kasi 'yon." Malakas itong suminghap at malalim na bumuntonghininga. "I was hoping you'd say you miss me, too."

         Nagkataong pag-angat niya ng tingin ay 'yong kissing scene nina Tom at Summer sa copy room ang bumungad sa kanya. Napapikit siya nang mariin.

        Parang montage ding bumalik sa kanya ang lahat – 'yong sinag ng araw sa blinds, collage niya sa puting pader, ang magkatabing wineglasses sa counter, at ang pagpungay ng mga mata ni Karim bago niya naramdaman ang pagdampi ng mga labi nito sa kanya.

        Niyakap niya ang mga tuhod, nagbakasakali siyang maibsan niyon ang pamumula ng mga pisngi.

        "Kara?" Napatingin siya sa mama niya. "Nakatutok ka d'yan sa kissing scene, may naaalala ka, 'no?" Mapang-asar itong ngumiti sa kanya bago magsalin ng juice sa babasaging baso.

        Nanlaki ang mga mata niya, para siyang nakakita ng multo sa bigla niyang pagputla. "Hindi, 'Ma. May binalita lang po 'tong kausap ko."

        Nanatiling walang imik si Karim sa kabilang linya.

        "Sino ba 'yang kausap mo? Baka naman 'yan 'yong kaklase mong grabe kung makatingin," patawa-tawang kuwento ng mama niya. "Nagbanyo pa nga ako no'n para makapag-usap kayo."

        Sinulyapan niya ang screen ng phone. Hindi pa ibinababa ni Karim ang tawag, naririnig pa rin nito ang sinasabi ng mga magulang niya.

        "Kaibigan ko lang po 'yon," pangangatwiran niya.

        "Kaibigan lang pero halos tunawin ka na sa titig?" Kinuha ng papa niya ang pitsel para magsalin ng juice sa baso. "Guwapo nga daw sabi ng mama mo, kaso may hikaw sa tainga."

        Bumuntonghininga siya. "Self-expression niya 'yon, 'wag na lang po nating kuwestyunin."

        Hindi na nagkumento pa ang mga magulang niya. Itinuon na lang ng mga ito ang atensyon sa pelikula. Muli niyang tiningnan ang phone, tuloy pa rin ang tawag.

        Napakurap siya nang makarinig siya ng kaluskos sa kabilang linya. "So, will you tell me you miss me now?"

        Kinagat niya ang pang-ibabang labi, pinigilan niya ang paglawak ng ngiti. "Ikain mo 'yan. Sabihan ko na lang si Remi na daanan kayo d'yan. I'm sure your whole department hasn't eaten yet."

        "Come on, Cinderella," rinig niya ang tuwa sa boses nito. "Just admit that you miss me, too."

        Lumabi siya. "Ngayon mo na lang ako ulit tinawag niyan, a?"

        "Because Charlotte was right. It was cheesy." Saglit itong natahimik. "Nililigaw mo na naman ako."

        Mahina siyang natawa. "Sige na, magtrabaho ka na d'yan. Continue whatever it is you're doing."

        "The whole IT department wants to thank you, by the way."

        "Bakit daw?"

        Muli itong natigilan, saglit na nagdalawang-isip. "According to them, you make me less evil."

        Hindi niya napigilan ang pagtawa, bahagyang nagtaas-baba ang mga balikat niya. "Hindi ba masyadong malala 'yong term na 'evil'?"

        "That's exactly what I told them," pagsang-ayon nito. "They want to thank you personally, daan ka daw dito sa department pagbalik mo."

        Maliit siyang napangiti. "Weird request pero sige, okay lang. Anyway, ibababa ko na 'to. Magkikita din naman tayo in a few hours."

        "Okay then, see you." Malalim ang pinakawalan nitong buntonghininga. "And please don't forget my jacket." Sumeryoso ang tono nito.

        "'Wag kang mag-alala, nalabhan ko na. Ilalagay ko na lang mamaya sa bag." Nag-unat siya ng mga binti.

        "I have to go." Saglit na tumahimik sa kabilang linya. "See you soon. Ingat ka sa biyahe."

        Pagbaba ng tawag, sinubukan niyang sundan ang kuwento ng kanina pang pinapanood na pelikula. Napunta na kasi kay Karim ang buong atensyon niya kahit pa pabalik na rin naman siya ng Maynila.

        Ibinulsa niya ang phone at saka niya nilingon ang mama at papa niya. Naging dalawa na ang tahanan niya nang hindi man lang niya namamalayan.

        At ang isa ay nasa Maynila.#

— ✽ —

— ✽ —

        PINIGILAN NIYANG umiyak habang palabas siya ng bahay, bitbit ang malaking bag. Suot niya ang ipinahiram na jacket ni Karim sa ibabaw ng isang puting shirt. High-waisted na pantalon lang ang pambaba niya, rubber shoes naman ang sapatos.

        Nagprisinta ang mama niyang ihatid siya sa terminal ng bus pero tumanggi siya. Ilang araw na kasi itong absent sa trabaho para lang asikasuhin siya. Minsan na nga lang itong lumiban, napunta pa sa kanya ang oras na dapat para sa pagpapahinga.

        Gusto rin sana siyang ihatid ng papa niya pero hindi rin siya pumayag. Minabuti niyang maiwan ito para mapakalma ang mama niyang iyak nang iyak.

        Bago siya lumabas ng bahay ay mahigpit siyang niyakap ng mama niya. Ngiti lang ang iginawad sa kanya ng papa niya bago nito pinatong ang kamay sa tuktok ng ulo niya. naninibago pa rin sa pagpapakita ng emosyon.

        Malalim siyang bumuntonghininga. Umayos siya ng pagkakasandal sa malambot na upuan ng bus.

        "Ma'am, ticket niyo po."

        Agad niyang inabot ang ticket sa nakalahad na kamay ng kunduktor.

        Nang maramdaman ang mabagal na pag-andar ng bus, binuksan niya ang bag para kunin ang earphones. Sinaksak niya iyon sa phone, mabilis siyang namili ng playlist.

        Nakararamdam kasi siya ng kaunting hilo sa biyahe kapag wala siyang pinakikinggang kanta. Napakurap siya nang mag-vibrate ang phone niya.

        Gusto niyang maiyak sa tuwa. Nakapanlalambot na ang maikling mensahe ng papa niya dahil bihira lang naman itong maglambing sa. Tumipa siya ng tipid na 'thank you po' bago ibaling ang atensyon sa katabing bintana. Sinandal niya roon ang ulo niya.

        Maluwang siyang napangiti sa kawalan.

        Naisip niyang magpasundo kay Karim sa Maynila pero ayaw niyang makaabala – baka tuluyan na itong mapagod sa kanya.

        Pinikit niya ang mga mata – mariin, gusto niya kasing matulog muna. Mahaba pa naman ang biyahe, ayaw niyang makapag-isip pa ng kung ano-ano.

        Makalipas ang limang oras, nagising siyang ipinaparada na ang bus na sinasakyan niya. Napahawak siya kaharap na upuan nang umuga ang buong bus. Muntik pa nga niyang mabitiwan ang phone.

        Pagtingin niya sa screen niyon, wala pang alas onse ng gabi. Kung susubukan niya ay pupuwede niyang hintayin at abutan si Karim sa lobby ng opisina.

        Sa halip na kumain muna ng hapunan, dumiretso na siya roon.

        Nag-unat siya ng mga binti. Mangilan-ngilan na lang naman ang tao roon sa lobby. Sumandal siya sa malambot na upuan – yari iyon sa white leather, medyo mataas ang sandalan.

        "Natawagan mo na ba si Kaf?"

        Nangunot ang noo niya. Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses. "Remi?" Tumayo siya. Nilapag at iniwan niya muna ang bag sa ibabaw ng upuan.

        Pawis na pawis ang noo ni Remi, mahigpit ang hawak sa strap ng bitbit na shoulder bag. Kasunod nitong lumabas ng elevator si Julian, kalmado ang mukha sa kabila ng pagiging seryoso.

        "Kaf!" Natigilan si Remi nang hawakan ni Julian ang palapulsuhan nito.

        Tumikhim si Julian. Hinawakan nito ang kamay ni Remi bago humakbang papunta sa kanya. "There's been an accident," walang paligoy-ligoy nitong sabi. "We need to go to the hospital."

        Parang bigla siyang nabingi. Nanlamig din ang mga kamay niya. "Ha?" Napalunok siya. "Sinong naaksidente?"

        Nakagat ni Remi ang pang-ibabang labi. Sumulyap pa ito kay Julian, parang nagpapaalam kung itutuloy ba ang balak na sabihin. "I'm sorry, Kaf," humihikbing bulong nito. "Pinayagan ko siyang umalis kasi susunduin ka raw niya sa bus terminal. Hindi ko naman alam na. . ." Tuluyang bumagsak ang mga luha nito.

       Nanginig siya, nanlambot din ang mga tuhod niya. "Sinong naaksidente?" pag-uulit niya. Namuo ang pawis sa noo niya, unti-unting nanubig ang mga mata niya.

        "Si KJ." Malakas na suminghap si Remi pagkatapos sabihin iyon.

        Bumaling siya kay Julian. "This is just one of her gimmicks, right?" Pinalis niya ang pawis sa noo. "Please drop the act now. Hindi ko na kailangan ng ganito para ma-realize kong mali 'yong desisyon kong paulit-ulit siyang takbuhan."

        "Kara," maawtoridad na sabi ni Julian. "This is not. . ." Natigilan ito, naghanap ng tamang salita. "This is not a gimmick. We're not joking."

        "Kaibigan din namin siya, Kara. I wouldn't do something as bullshit as that," nabasag ang boses ni Remi. "I wouldn't stoop that low just to give you a life lesson."

        Nagpamulsa siya, tinago niya ang panginginig ng mga kamay sa bulsa ng puting jacket ni Karim. Maraming beses siyang kumurap nang magsimulang lumabo ang paningin niya. Mabilis niyang pinunasan ang magkabila niyang pisngi sa kabila ng sunod-sunod na pagpatak ng mga luha niya.

        Nag-aalangan man ay nilapitan siya ni Julian. Bahagya siya nitong inakbayan at niyakap, pinisil pa nang kaunti ang kaliwa niyang balikat. Malambot ang ekspresyon ng mukha nito, sumaglit doon ang emosyon. "Stop fighting already. He's in Saint Luke's, hindi natin dapat siya pinaghihintay do'n nang mag-isa."

        Pinakawalan siya nito bago bumaling at magaang ngumiti kay Remi.

        Halos buhatin niya ang mga braso, mabuhat lang 'yong bag na bigla yatang dumoble ang bigat. Muntik pa siyang mabuwal nang isabit niya ang strap niyon sa balikat niya.

        Nagsimulang lumakad si Julian, nakayapos sa baywang ni Remi bilang suporta. Pasulyap-sulyap ito sa kanya, may bakas na rin ng pag-aalala sa mukha.

        Sa bawat hakbang ay huminga siya nang malalim. Lalong humigpit ang paghawak niya sa strap ng bag. Doon niya ibinuhos ang inis, pag-aalala, at pagkadismaya.

        Sa malakas na pagsara ng pinto ng kotse ni Julian, tahimik siyang humiling na panaginip lang ang narinig niya galing kay Remi; na ang totoo ay nasa taas si Karim, naghihintay na ibalik niya ang jacket nitong nakayakap sa kanya.##

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro