six days after
— ✽ —
— ✽ —
F E B R U A R Y 20
"GAANO BA ka-importante 'yan? You look nervous, Kara." Mahina pang natawa ang kaharap niyang si Julian. Ilang segundo nitong inayos ang nakatabinging itim na neck tie at saka, maluwang na ngumiti sa kanya
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Alam naman niyang posibleng hindi siya nito payagan sa balak na mag-leave. Kahit naman sa lohika niya ay hindi sapat na dahilan ang rason niya.
Puwede naman niyang sabihing hindi siya makapokus dahil kinakabahan siya sa bawat lalaking makakasalubong niya sa pantry. Ni hindi nga niya maabuso 'yong libreng kape sa opisina dahil sa kabang makita si Karim.
Umayos siya ng upo. Lalo siyang lumubog sa inuupuang brown suede sofa. "Itatanong ko lang sana kung puwede akong mag-leave buong weekend? Lunes naman 'yong balik ko, in case pumayag ka."
Nabura ang ngiti sa maamo nitong mukha. "I hope you're not asking for a sick leave, because you don't really look sick," naging masungit ang tono nito. "Bakit ka magli-leave?"
Napakurap siya, saglit siyang nagdalawang-isip kung sasabihin ba niya ang totoong dahilan. "Ilang taon na din kasi akong hindi nakakauwi sa 'min saka. . . para na rin sa peace of mind."
Ilang beses naman niyang inayos ang pagkaka-tuck in ng suot niyang floral polo sa fitted niyang puting slacks pero walang nabawas sa kaba niya.
Si Julian kasi ang kabaligtaran ni Remi. Kung anong ikinaingay ng huli ay siya namang ikinaseryoso nito. Nakadagdag pa sa nerbyos niya ang galing nito sa pagbabasa ng tao katulad ni Karim.
Malalim ang pinakawalan nitong buntonghininga. Medyo matagal itong tumitig sa kanya, sinisipat kung nagsasabi siya ng totoo. "Since you were freelancing for a year, are you filing a leave because you're pressured with all your deadlines or is it. . . something else?" Makahulugan itong tumingin sa kanya.
Namula ang mga pisngi niya nang maalalang naabutan nito silang dalawa ni Karim sa may elevator. "Hindi naman dahil sa deadlines, sir." Napalunok siya. "If you're worried about my tasks, I can still submit them on time. P'wede ko namang i-send kay Chinna 'yong assigned sa 'kin through e-mail."
Tatlong beses itong pumalatak. "Don't make excuses, Kara." Nakaloloko itong ngumiti sa kanya. "You're obviously trying to run away from someone."
"Ha?" wala sa sarili niyang sabi. "I mean—" Tumikhim siya. "—that's definitely not the case, sir." Ipinatong niya ang namamawis na mga palad sa ibabaw ng hita.
Nginitian lang siya nito, mukhang hindi naniniwala sa palusot niya. "Then why do you want to file a leave when your contract has not even started yet?"
Umiwas siya ng tingin. "I just. . ." Bumuntonghininga siya. "I just feel like I might find answers there."
Muli itong natawa nang mahina. "Kara, you do not find answers by running away from the question." Nagsalin ito ng tsaa sa puting babasaging tasa.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "I'm guessing Remi already told you about this."
Sumimsim ito mula sa tasa. "Of course, she did. Para namang hindi mo alam kung ga'no kadaldal 'yon."
Muli siyang nagpakawala ng buntonghininga. "Anong sinabi mo sa kanya?"
"Sinabi kong wala naman akong magagawa kung desidido ka talaga." Pinagkrus nito ang mga binti, "After all, mental health is just as important as physical health."
Mabilis siyang napakurap. Hindi niya inakalang hindi nito kinampihan ang fiancée na si Remi. "Are you saying you support my decision?"
Napatango ito nang marahan. "Saglit ka lang naman mawawala, Kara. And don't worry about your deadlines, I won't force you to accomplish your tasks if you don't really feel like writing."
Nangunot ang noo niya. "Hala, seryoso ba?"
Muntik pa nitong mabuga ang iniinom na tsaa dahil sa pagpigil ng tawa. "Oo nga. I support your decision but I'm expecting your return on Monday as you said earlier."
Mabilis siyang tumayo. Pinigilan niya ang kagustuhang yumuko bilang pagrespeto. "Thank you, sir, but I will still submit my tasks according to schedule."
Ibinaba nito ang hawak na tasa. "Ikaw ang bahala." Parang hindi na ito nagulat sa sinabi niyang iyon. "I just hope you don't overlook the answers you're looking for."#
— ✽ —
— ✽ —
HINDI MAPAKALI ang mga paa niya sa ilalim ng mesa. Doble ang pagpigil niya sa reaksyon. Ayaw kasi niyang pagtinginan siya sa pantry, marami pa namang empleyado ang nandoon ng ganoong oras.
"Opo, 'Ma. Baka nand'yan na po ako bukas before lunch," nakangiting sabi niya sa mama niya sa kabilang linya.
Ilang minuto na rin silang nag-uusap tungkol sa biglaan niyang pag-uwi pero paulit-ulit nitong pinakukumpirma sa kanya ang balita. "Basta 'nak, mag-text ka kapag nasa jeep ka na papunta sa atin, 'ha?"
"Sige po, ibababa ko na po. Medyo marami na po kasing tao," pagpapaalam niya.
Narinig niya ang pagbuntonghininga nito sa kabilang linya. "Okay, 'nak. Mag-iingat ka sa biyahe."
Sumimsim siya ng caramel frappe bago pinatay ang tawag.
"Aalis ka raw?" Mababa lang ang boses nito, may halong pagtatampo.
Muntik niyang mabuga ang iniinom nang marinig iyon. Nilingon niya ito. Puting hoodie naman ang suot, itim na pares ng pantalon ang pang-ibaba. "Saglit lang, babalik din ako ng Monday."
Nagpamulsa si Karim at lumapit sa kanya. "Kahit na." Hinila nito ang katapat niyang upuan at doon pumuwesto. "Aalis ka pa rin."
"Para ngang dadaan lang ako doon," nakangiti niyang sabi.
"I thought you hated it there." Lumabi ito. "I had no idea you miss it."
Uminom siya ng kape, saglit niyang kinagat at pinaglaruan ang straw. "Gano'n pa rin naman, magpapasa pa rin naman ako ng gawain sa e-mail."
"Were you planning on leaving without a proper goodbye?" Ngumiti ito nang magaan sa kanya.
Natigilan siya, hindi alam kung anong isasagot. "Ilang araw lang naman ako mawawala. Kailangan pa ba?"
"Oo naman," mabilis nitong sagot. "Especially after you almost kissed me yesterday." Medyo matabang ang pagkakasabi, may kalakip na inis.
Nakagat niya ang sariling dila. Alam niyang prangka si Karim pero hindi niya inasahang didiretsuhin siya nito. Nasa bandang entrance pa man din ng pantry ang mesa nila, maraming makapapansin ng pamumula ng magkabila niyang pisngi.
"Sorry," bulong niya.
Pinaningkitan siya nito ng mata. Mukhang hindi nito nagustuhan ang sinabi niyang iyon. "I'm sorry for making you uncomfortable again." Nabura ang ngiti nito sa labi pero agad din iyong ibinalik. "You just confuse me, Kara. Normal lang naman sigurong lapitan kita para humingi ng paliwanag, 'di ba?"
Sunod-sunod ang paglagok niya ng frappe. Halos itaas na nga niya ang baso, maiwasan lang ang mga mata ng kaharap. "Sorry nga." Ibinaba niya ang baso, umingay iyon nang kaunti.
Malakas itong suminghap. Bahagya pa itong tumingala para makahinga nang maayos. "Look, I don't really want you to apologize."
"Ha?"
Sinalubong nito ang nagtataka niyang mga mata. Ilang beses itong napalunok, nagtaas-baba ang umbok sa lalamunan. "I want you to stand by your actions—" Pilit itong ngumiti. "—kahit ga'no pa nakakahiya."
"Hindi naman ako tumatakas." Humigpit ang hawak niya sa baso. Alam niya sa sarili niyang nagsisinungaling siya.
Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. "I don't know if that's true but if that's what you're telling me." Ipinatong nito ang mga kamay sa ibabaw ng mesa, ilang pulgada ang layo mula sa kanya. "I guess I should just respect your decision."
Napasinghap siya nang dumaplis ang dulo ng mga daliri nito sa mga kamay niyang nakahawak sa baso ng kape. Parang bigla siyang dinaluyan doon ng kuryente. Nang sumulyap siya kay Karim ay seryoso itong nakatingin sa mga kamay niya.
Fuck. He thinks I'm repelling him.
Napamaang ang mga labi niya. Binalak niyang magpaliwanag pero nakabagsak na ang mga balikat nito. "Sorry kung hindi ko kaagad nasabi na aalis ako. Kakabalita ko lang din kay Mama, e," pag-iiba niya ng usapan.
Muli itong nagpamulsa, itinago ang mga kamay. "Have a safe trip, Kara." Maliit itong ngumiti sa kanya bago tumayo at lumabas ng pantry.
Hindi man lang siya nakapagpaliwanag. Ilang beses siya nito binigyan ng pagkakataong sumagot pero siya mismo ang umiwas.
Mukhang kailangan talaga niyang umuwi sa pinag-ugatan ng takot niyang sumugal at magpaubaya sa pagkakataon.#
— ✽ —
— ✽ —
HINDI PA rin niya mabura sa isipan ang maliit na ngiti ni Karim bago siya nito iniwang mag-isa sa pantry. Hindi talaga siya mapakali.
Bumangon siya para i-check ang dadalhing bag sa biyahe. Baka kasi may nakalimutan siya kaya hindi siya mapanatag.
Puwede ring ayaw naman niya talagang umuwi.
Napapikit siya nang mariin. Kinuha niya ang may kalakihang sling bag na itinago niya sa ilalim ng kama. Paghila niya roon ay may sumamang jacket.
"S'yempre ngayon ko 'to makikita kasi nag-away kami kanina," inis niyang bulong sa sarili.
Kinuha niya ang itim na jacket. Inayos niya ang pagkakatupi niyon. Alam naman niyang sinadya iyong iwanan ni Karim sa pangangalaga niya para magkaroon ng babalikan.
Pinatong niya ang jacket sa ibabaw ng nakasaradong bag.
Wala sa sarili siyang bumuntonghininga nang maalala ang pilit nitong ngiti sa kanya bago umalis. Kinuha niya ang phone na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Dumiretso siya sa contacts at saka niya pinindot ang "call" button.
Napasinghap siya nang makitang kaagad nitong sinagot ang tawag. Malakas itong tumikhim sa kabilang linya. "Hello?"
Sumalampak siya sa sahig, sa bandang gilid ng kama. "Sorry," pambungad niya kay Karim sa kabilang linya.
"Kara?" hindi makapaniwala nitong sabi. "S'yempre, ikaw 'yan. Ikaw lang naman kilala kong mahilig mag-sorry."
Mahina siyang natawa, panandalian niyang nakalimutan ang nangyari noong hapon. "Sorry for trying to kiss you yesterday."
Ilang segundo itong natahimik. "I'm not pissed because you tried to kiss me." Narinig niya ang malalim nitong pagbuntonghininga.
Sinandal niya ang ulo sa gilid ng kama. "Hmm?"
"Para kasing pinagsisihan mo." May kabigatan ang pagkakasabi nito.
Napakurap siya. "Ha?" Umayos siya ng upo.
"Wala." Mahina itong tumawa. "Have you packed your essentials? Remi told me you hate packing for trips."
Namungay ang mga mata niya. "Sakto lang. Kumain kami kanina ni Remi. Inaya ka raw niya pero sabi mo, busy ka?" Patanong ang dulo niyon, nanghihingi ng karagdagang paliwanag.
"A. . ." Muli itong tumikhim. "Actually, nasa office pa nga ako ngayon. Inaayos ko pa 'yong final list ng piyesang kailangan para sa repairs."
"Ha? Buti pinayagan ka ni Julian?"
"Nandito rin siya, e," natatawa nitong dagdag. "Pinauna na lang daw niyang umuwi si Remi kasi masama daw antukin 'yon."
Napangiti siya. "Pagbalik ko. . ." Hindi niya napigilan ang paghikab.
"Hmm?" Umugong ang mababa nitong boses sa kanan niyang tainga.
"Ibabalik ko na jacket mo," inaantok niyang dugtong.
Narinig niya pati ang paglunok nito sa kabilang linya. "Okay—" Saglit na tumahimik. "—but keep it close for now, Kara."
Wala sa sarili siyang napatango, dala na rin siguro ng antok na kumakain sa sistema niya. "Baka busy ka, ibababa ko na, 'ha?"
Muli itong bumuntonghininga. "Inaantok ka na yata. Just please send me a message once you're there, okay?"
Nangunot ang noo niya. "Bakit?"
Narinig niya itong pumalatak sa kabilang linya. "I just need to know if you arrived safely. Ayon lang."
Malawak siyang napangiti kahit nilalabanan ang antok. "Okay."
"And feel free to message me if you want to." Nahigit nito ang paghinga. "I'll reply as long as you send me a message. That way, I would know if I crossed a line again."
He's too. . . considerate.
Nag-unat siya ng mga binti. "Okay," maikli niyang sagot.
"Goodnight, Kara." Ilang patlang din ang katahimikang iyon sa utak niya. "Please have a safe trip."
Si Karim na ang nagbaba ng tawag. Mukhang marami nga itong ginagawa sa opisina. Saka lang niya naramdaman ang pagbigat ng talukap ng mga mata.
Gayunpaman, kinuha niya ang nakatuping jacket sa ibabaw ng bag.
Binuksan niya ang bag. Maingat niyang pinasok ang jacket doon bago iyon muling binalik sa ilalim ng kama. Sinaksak niya muna ang charger ng phone bago siya nagpaalipin sa antok.
Nang ipikit niya ang mga mata ay paulit-ulit niyang narinig sa utak ang boses ni Karim, kung gaano iyon kagaan sa pandinig. Naalala niya ang pag-aalala sa tono nito, kung gaano siya nito pinag-iingat at iniingatan.##
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro