seven days After
— ✽ —
F E B R U A R Y 21
PARANG BAGONG-SALTA si Kara. Malalim siyang huminga. Pinagtinginan siya ng mga kapitbahay, hindi na yata siya kilala dahil matagal na 'yong huling uwi niya.
Malamlam ang araw na nakadagdag pa sa kaba niya. Masyado kasing maraming nangyari sa bahay nila. Halo-halo ang mga emosyong nakabaon doon. Nakalimutan niyang ihanda ang sarili sa pagkalkal ng mga iyon.
Pagod man ang katawan sa biyahe, inayos niya ang pagkakasabit ng dalang bag sa balikat.
Nang marating niya ang bahay nila sa dulo ng binaybay na kalsada, kumatok siya sa kahoy nilang pinto. "Tao po?" Inayos niya ang pagkakapusod ng buhok.
Humakbang siya nang kaunti. Napangiti siya nang makitang hindi pa rin naliligpit ang maliit nilang tindahan. Ilang taon na rin kasing sarado iyon pero nandoon pa rin 'yong kahoy-kahoy na pantabing nila noon sa init.
Sinilip muna siya ng mama niya sa bintana bago siya nito pinagbuksan ng pinto. "Hala, 'nak. . . 'di ba sinabi kong magpasundo ka?"
Lumabas at lumapit ito sa kanya. Dali-dali nitong kinuha mula sa kanya ang bag. Gumaan ang mga balikat niya, doon lang niya naramdaman ang pagod.
Tipid niya itong nginitian. "Malapit lang naman, Ma. Nilakad ko nga lang, e." Sinundan niya ito papasok ng bahay.
Tumingala siya nang maramdaman ang pamilyar na init. Wala pa rin kasi silang kisame. Bubong lang ang pansangga nila sa araw kaya doble ang init sa loob ng bahay tuwing magluluto ang mama niya sa kusina.
Nilapag ng mama niya ang bag sa ibabaw ng mesang yari sa rattan. "Kumain ka na ba?"
Dumiretso siya sa upuang kahoy. Nakaharap sa isang 36-inch TV ang mga upuan, binili nila iyon noong nakaraang taon nang makaluwag sila.
Hinubad niya ang suot na jacket – 'yong iniwan sa kanya ni Karim. "Cup noodles lang po sa bus," maikli niyang sagot.
Malalim ang pinakawalan nitong buntonghininga, inasahan na yatang iyon ang isasagot niya. "'Di bale, nagluto naman ako ng tinolang isda. Kumain ka nang marami, Kara. Pumapayat ka."
Lumabi siya. "Opo, 'Ma. Si Papa po?"
"Tulog pa, 'nak." Napangiwi ito. "Kauuwi lang galing sa bahay nila Tito Felix mo. Pagsabihan mo nga at baka makinig sa 'yo."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Ayan na, nagsisimula na siyang magdalawang-isip sa ginawang desisyon. "Saka na po."
Inipit nito ang buhok. "Okay lang, 'nak." Inayos nito ang suot na puting polo. "Sandali lang, gigisingin ko papa mo."
Bago pa siya makatanggi ay tinangay na nito ang bag niya at saka, pumasok sa kanang kuwarto. Dalawa kasi ang kuwarto sa bahay nila. Ang nasa kanan ay sa mga magulang niya, kanya ang nasa kaliwa.
Sa pagitan ng mga kuwarto ay may espasyong nakalaan para sa banyo.
Nag-unat siya ng mga binti. Halos limang oras din ang biyahe niya papuntang Batangas. Medyo masakit pa ang mga balikat at tuhod niya dahil sa posisyon sa bus.
Nang bumalik ang mama niya ay hindi na nito dala ang bag. Kasunod nitong pumunta sa sala ang papa niya. Nalihis pa ang isang strap ng sando nito habang papalapit sa kanya.
Tahimik itong pumuwesto sa katapat niyang upuan. Ipinatong pa nito ang mga paa sa ibabaw ng mesa. "O, kamusta ang biyahe mo?" Magaan itong ngumiti sa kanya, lalong naging kapansin-pansin ang katandaan sa sulok ng mga mata.
Nangunot ang noo niya nang mapansin ang pamumula ng mga mata nito. Mukhang totoo ang sinabi ng mama niya. "Okay lang po. Nakatulog naman po ako."
Nakapameywang lang ang mama niya habang nakatingin sa kanilang dalawa. Blangko ang mukha nito pero hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pag-irap nito sa papa niya.
"Nilagay ko 'yong bag mo do'n sa kuwarto mo. Kung gusto mo, magpalit ka na muna. Mainit 'yang pantalon mo." Kitang-kita niya ang pasimpleng matalim nitong tingin sa papa niya. "Paluto pa lang naman 'yong kanin."
Nakuha na niya agad ang gusto nitong iparating. Tulad ng nakagawian, pinapapasok na naman siya nito sa kuwarto para hindi niya marinig na nag-aaway ang mga magulang. Napabuntonghininga na lang siya.
Kinuha niya ang jacket sa ibabaw ng mesa. Hinila niya paibaba ang laylayan ng suot na pulang shirt. "Sige po, mag-aayos na rin po muna ako."
Hindi na nito kailangan pang ulitin ang utos. Nakasanayan na rin niya. Pumasok siya sa dati niyang kuwarto.
Natatabingan pa rin ng kurtina ang bintana sa kaliwa ng kama niya, mukha ngang kapapalit lang.
Umupo siya sa ibabaw ng kama bago sumilip sa ilalim niyon. Hinila niya ang box doon. Napakurap siya nang makitang nandoon pa rin ang mga sulat ng ex-boyfriend niyang si Jerome.
"Amputa. Hindi ko pala natapon 'to," matabang niyang sabi.
Narinig niya ang mahinang pagkatok ng mama niya. "'Nak, nakapagbihis ka na ba?"
Pinatong niya ang mga sulat sa ibabaw ng mesa. "Nag-aayos lang po ako, Ma."
Tuluyang pumasok ang mama niya sa kuwarto. "Magbihis ka na muna para makakain ka na."
Sumalampak siya ng upo sa sahig para kunin ang bag sa ilalim ng kama. "Ma, nabanggit ko na po bang may trabaho na 'ko sa kumpanya nila Remi?" Saglit niyang pinatong ang jacket sa kama.
Nangunot ang noo nito. "Nako. Freelance na naman ba 'yan, Kara?" Umupo ito sa ibabaw ng kama.
Mabilis siyang umiling. "Kontrata po, Ma."
"E, bakit ka nandito? Hindi ba labag sa kontrata mo na bigla kang nag-leave para magbakasyon?"
"Next month pa naman po 'yong simula pero may mga gawain na po ako." Kinuha niya ang laptop at charger na pinagitna niya sa mga baong damit. "Malakas naman po internet natin, 'di ba?" Nilabas niya ang laptop mula sa bag, pinatong iyon sa kama.
Matagal siyang tinitigan ng mama niya, nakakunot pa rin ang noo. "Anak, hindi ka naman siguro pumunta dito para magtrabaho?"
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Dalawang articles lang naman 'to, Ma," pagsisinungaling niya. "Kaya ko po tapusin nang paunti-unti."
"Akala mo ba, papayagan kitang magpuyat ngayong nandito ka na ulit sa puder namin ng Papa mo?"
Hindi niya maiwasang sumimangot. Pamilyar na ang mga linyang 'yon. "Ayaw nilang magtrabaho ako pero ako po nagpumilit. Ayoko lang naman pong lumabas na may special treatment sa 'kin sila Remi dahil kaibigan nila ako." Inalis niya ang pagkakatali ng sintas ng suot na puting rubber shoes.
Tipid itong ngumiti. "Oo na, sige. Ikaw ang bahala." Lumambot ang ekspresyon sa mukha nito. "Nagpasalamat ka naman ba kay Remi?"
Nakangiti siyang tumango. "S'yempre po."
Nagpakawala ito ng buntonghininga. "Ang dami nang naitulong sa atin ng batang 'yon."
"Ang s'werte ko nga po sa kanila—" Tinabi niya ang pares ng sapatos sa ilalim ng kama, katabi ng box. "—kaya kapag may problema sila, sinisiguro kong lagi akong may oras, makinig man lang."
Tumango-tango ito. "S'werte nga at may namanang kumpanya ang mga kaibigan mo."
Matagal niyang sinipat ang mama niya, sinubukan niyang basahin ang ekspresyon nito. "Iniisip niyo po bang naawa lang sila sa 'kin kaya nila ako binigyan ng trabaho?"
Napamaang ang mga labi nito. Mukhang nagulat sa diretsahan niyang pagtatanong. "Hindi naman sa gano'n, 'nak. S'yempre, alam kong naniniwala sila sa talento mo." Mabilis itong tumayo at pumunta sa pintuan ng kuwarto, iniwasan ang mga mata niya.
Pinatong niya ang jacket sa ibabaw ng nakasaradong bag bago iyon ibalik sa ilalim ng kama.
Hindi na lang niya pinansin ang ginawa nitong pag-iwas. "Sige, 'Ma. Magbibihis lang po ako. Sunod na lang po ako sa inyo."#
— ✽ —
— ✽ —
KAPAPATAY LANG niya ng laptop. Binunot niya ang charger mula sa saksakan ng extension cord. Nag-unat siya ng mga binti at saka niya inabot ang phone sa ibabaw ng mesang katabi ng kama.
Hinanap niya muna ang phone number ni Chinna bago iyon tinawagan. "Hello, Chinna?" Nilapat niya ang likod sa kama.
"Please, Kara, I'm begging you," pambungad nito sa kanya sa kabilang linya.
Napabalikwas siya ng bangon. Bigla siyang kinabahan. "Bakit? May nangyari ba?"
Suminghot ito, parang naiiyak. "Date night kasi namin dapat ngayon ni August, but he cancelled on me just now."
Minasahe niya ang sentido ng ulo. Bibihira lang silang mag-usap ni Chinna pero naikuwento na nito sa kanya ang tungkol kay August na katrabaho ni Karim. "Did he break up with you?"
"God, no!" gulat nitong sabi. "Subukan lang niya! Anyway. . ."
"E, akala ko kasi umiiyak ka." Natawa siya nang mahina.
"I know you're on leave but please call Karim already!" pagmamaktol nito.
Nalukot ang noo niya. "Pa'no naman ako nadamay d'yan sa problema mo?"
"Nagsumbong sa 'kin si August, bigla daw silang pinag-overtime ni Karim. Ang petiks daw kasi nila last week kaya natambakan sila ng repair."
"E, totoo namang petiks lang sila last week." Hindi niya napigilan ang tawa. "Hindi na 'ko magugulat kung lagi silang natatambakan ng gawain sa IT."
"Pero hindi naman kasi 'yon! Buong araw daw tumitingin si Karim sa phone, tapos pinapalitan daw 'yong battery ng wall clock sa department nila. . . akala daw, nasira," mahabang kuwento ni Chinna.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Mukhang buong araw nitong hinintay ang text niya. Nilabanan niya ang pamumula ng mga pisngi. "Na-send ko na nga pala 'yong files sa e-mail mo kani-kanina lang," paglilihis niya ng usapan.
"Thank you pero please lang, pakitawagan na talaga," ungot nito sa kabilang linya. "Puro tweets ng taga-IT department laman ng feed ko. Parang nagdidilim daw paningin ng head nila."
Maluwang siyang napangiti. "Goodnight, Chinna. I'm sorry about your cancelled date." Ibinaba na niya ang tawag bago pa ito makapagreklamo.
Muli siyang humiga sa kama. Pinatong niya ang phone sa ibabaw ng noo. Ipinikit niya ang mga mata.
Ilang minuto ang pinalipas niya bago tinawagan si Karim.
"Hello?"
"Kara!" Malakas itong tumikhim, umubo pa nga nang kaunti. "Kara?" Mas kalmado na ang boses kumpara sa naunang tono.
Tumagilid siya ng pagkakahiga, humarap siya sa bintana. Dinikit niya ang phone sa kaliwang tainga. "Sorry, ngayon lang ako nakatawag. Tinapos ko pa kasi 'yong iko-compile ni Chinna."
"It's fine." Nakarinig siya ng malakas na asaran sa kabilang linya. "How was your trip?" Narinig niya ang mahinang paninita ni Karim sa mga kasama.
"Bus lang naman kaya okay lang. Masakit nga lang balikat saka leeg ko pag-uwi." Nakagat niya ang dila pagkasabi niyon. Malamang ay iisipin nitong nagpapahiwatig siyang gusto na niyang magpahinga.
"A. . ." Lalong bumaba ang boses nito. "I guess you should sleep."
Lumabi siya, hindi alam kung anong sasabihin. "And you should go home."
"Pa'no mo nalaman na nandito pa 'ko sa office?" naguguluhan nitong tanong.
Mahina siyang natawa. "Narinig ko office mates mo kanina," pagpapalusot niya. "Don't overwork. Magpahinga ka naman."
"That's not really convincing especially coming from you," pang-aasar nito. "Pauwi na rin naman kami, may finalities lang na inasikaso. By the way, why did you call?"
Nilabanan niya ang nagpaparamdam na antok. "A date night was cancelled because you made some people work overtime."
"May nagsumbong ba sa 'yo dito sa department?" Pumalatak pa ito. "They really shouldn't meddle with my personal relationships."
Nawalang bigla ang antok niya. "Personal relationships?"
"I didn't mean anything by that." Napabuntonghininga ito nang mapagtantong iba ang dating niyon. "But when everyone knew that Julian caught us kissing by the elevator, they kept asking me questions about you."
"Pero hindi naman tayo nakitang nagpi-PDA ni Julian." Nakaramdam siya ng hiya nang muling maalala ang muntik na mangyari sa elevator.
"No but we almost did," bigla itong nagtunog mayabang. "Because you almost kissed me."
Pinamulahan siya ng mga pisngi nang marinig ang mahina nitong pagtawa sa kabilang linya. "Ayon lang naman kaya ako tumawag."
"That's enough reason for me." Malakas itong suminghap, ilang segundong katahimikan. "Goodnight, Kara. Please get some rest."
Hindi na niya naisipang umapela. Gusto na rin kasi niyang magpadala sa antok. "Goodnight, Karim. Please. . ."
"Hmm?" Nahimigan niya ang tuwa sa boses nito.
Maliit siyang napangiti. "Please take care of yourself for me."
"Linya ko 'yan, a?" natatawa nitong tanong.
Napatawa siya nang mahina. "Bawal bang sabihin sa 'yo pabalik?"
Narinig niya itong bumuntonghininga. "I have to go. Matutunaw na 'ko sa titig ng mga kasama ko dito."
"Okay." Huminga siya nang malalim. "Goodnight."
Pagbaba niya ng tawag ay pinatong niya ang phone sa ibabaw ng mesa. Napatitig siya sa katabi nitong mga sulat.
Tanda niyang nakaayos pa iyon ayon sa petsa ng pagkakabigay. Kinuha niya ang nasa pinakaibabaw. Nagmamadali niya iyong binuksan, halos mapunit pa nga 'yong sira nang sobre.
Pinasadahan niya iyon ng basa.
"I love you, Kara. I always have and always will."
Nagbuga siya ng hangin. Kilig na kilig siya noong natanggap niya ang sulat na iyon pero ngayong anim na taon na ang lumipas. . . tunog peke pala. Parang kinopya lang sa internet ang linyang iyon, hindi galing kay Jerome.
Napalingon siya sa phone niyang nag-vibrate. Sinilip niya muna kung ano ang notification — isang mensahe mula kay Chinna.
Dinampot niya iyon para basahin ang text message.
Wala sa sarili siyang napangiti sa nabasa. Ibinaba niya ang phone sa ibabaw ng mesa. Muli niyang binaling ang atensyon sa sulat. Binalik niya iyon sa punit na sobre.
Kinuha niya ang mga sulat sa ibabaw ng mesa. Umupo siya sa malamig na sahig. Hinila niya ang box sa ilalim ng kama. Binalik niya roon ang mga sulat. Nang makita ang itim na jacket sa ibabaw ng bag, malalim siyang napabuntonghininga.
Inayos niya muna ang pagkakatupi ng jacket bago iyon pinasok sa box, ipinangtakip sa mga sulat ni Jerome.##
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro