ninth hour of the Day
— ✽ —
F E B R U A R Y 14
HINDI PA rin mapakali si Kara kahit pa gusto naman niya 'yong pakiramdam. Malalim siyang bumuntonghininga nang maramdamang nilalaro-laro ni Karim ang mga hibla ng buhok niya.
Masyadong kalmado, lalo siyang inantok.
Inayos niya ang pagkakasandal sa sofa bed. Umayos din ito ng upo bago muling sumiksik sa kanya, inihilig ang ulo sa kanan niyang balikat.
Napatawa siya nang mahina. "'Di ba, pinapapunta ka ni Julian sa office?"
"Mamayang kaunti." Humikab ito. "Wala pa namang sirang PC do'n. Kaka-check ko lang no'ng isang araw."
"Uy," bulong niya. "Baka magalit sa 'yo 'yon, nagsabi ka nang pupunta ka, e."
"Mamaya na." Lalo itong sumiksik sa leeg niya. "Antok pa 'ko."
"Para kang bata," kumento niya. Bahagya siyang yumuko, sinubukan niyang silipin ang mga mata nito.
"But I like this," ungot nito. "Julian can wait."
Agad siyang pinamulahan ng mukha. "E, 'di magsabi ka na muna na mali-late ka. Baka mamaya, hinihintay ka no'n."
Ilang segundo itong hindi umimik. Inayos nito ang pagkakahilig sa balikat niya. "What now, Kara?" mababa lang ang boses nito. Mabagal din ang paghinga.
"Hindi ko pa alam," nag-aalangan niyang sagot. Hindi naman niya sigurado kung anong tinutukoy nito.
Napalunok siya nang maramdaman ang paglayo nito sa kanya. Umayos ito ng upo, sumandal katabi niya. "Should I give you space then?" seryoso nitong tanong.
Lumabi siya. "Hindi naman kita pinapaalis. Iniisip ko lang si Julian saka, baka nag-aalala na si Mama. Kagabi pa kasi ako hindi nagre-reply sa kanya."
Umawang ang mga labi nito, lumunok. "Okay." Tipid itong ngumiti. "How much space do you need?"
"Ha? Anong 'how much?'"
"Kara, I need you to set some boundaries. Para alam ko kung hanggang saan lang ako pagdating sa 'yo."
Nag-unat siya ng mga binti. "Hindi ko naman sinabing kailangan ko ng space."
"You didn't have to." Pinatong nito ang kanang kamay sa ibabaw ng ulo niya. "Masyado ka kasing mabait para magsabing hindi ka na kumportable."
Nangunot ang noo niya. "Hindi naman 'yon, e."
"But you do need space, right?" natatawa nitong tanong.
Bumuga siya ng hangin. "Oo pero hindi naman dahil sa 'yo. Marami lang talaga akong aasikasuhin."
Tumango-tango ito. "No hard feelings, I understand you have priorities."
"Salamat." Bumuntonghininga siya.
Malakas itong tumikhim. "How much space do you want then?"
"One week siguro?" Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Masyadong kasing naging mabilis ang pagsagot niya para maging hindi sigurado. "Ewan ko."
Mabilis nitong sinuklay ang buhok. "One week it is." Tumayo ito at saglit na hinila pababa ang laylayan ng suot na jacket. "Well, this has been fun."
Hinawakan niya ang kanang kamay nito, ginawa iyong suporta sa pagtayo. "Hatid na kita sa baba." Napakurap siya nang humigpit ang hawak nito sa kamay niya.
"Marunong naman akong gumamit ng elevator," pagbibiro nito.
Umiling siya. "Wait lang, magbibihis lang ako. 'Wag ka munang umalis." Pinakawalan niya ang kamay nito. "Ihahatid kita."
Bago pa makasagot si Karim ay kinuha niya ang puting pullover sa ibabaw ng makalat niyang kama. Binuksan din niya ang aparador katabi ng kama at naghanap ng isang puting jacket. Dumiretso siya sa CR para magbihis.
Pagkatapos niya sa CR ay nadatnan niya itong sinisipat ang kabuuan ng unit. "Bakit ka pa nagbihis?" tanong nito nang mapansing nakalabas na siya ng CR.
"Didiretso na kasi akong coffee shop," pagdadahilan niya. "Tara na sa baba?"
Tumango lang ito bago sinampay sa balikat ang kaninang ipinahiram na jacket.
Sobrang bagal ng hakbang nito palabas ng pinto. Parang bata nitong nilibot ng tingin ang unit niya, gusto yatang kabisaduhin ang bawat sulok.
Nang makalabas sila ng gusali ay humarap ito sa kanya. Nilahad nito ang kamay, inaabot sa kanya ang itim na jacket. "On second thought, sa 'yo muna 'to. Labhan mo muna bago mo ibalik."
Matipid siyang ngumiti. "Okay, sige." Kinuha niya ang jacket mula sa kamay nito.
"I guess, totoo na 'to." Maliit itong ngumiti bago pabirong ginulo ang buhok niya. "Goodbye, Cinderella."
Mahina siyang natawa. "Ingat ka," halos pabulong niyang bilin.
Ilang segundo siya nitong tinitigan – pabalik-balik ang tingin sa mga mata at labi niya. Parang gusto niyang matunaw sa kinatatayuan.
Hindi pa yata ito nakuntento sa buong gabing kuwentuhan, o baka nakulangan sa nangyari.
Sa huling beses ay muli itong ngumiti at tumango bilang pagpapaalam bago nagsimulang lumakad palayo sa kanya.#
— ✽ —
— ✽ —
— ✽ —
"HELLO, 'MA?" Mariin siyang napapikit.
Nag-unat siya ng mga binti sa ilalim ng mesa. Tiningnan niya muna ang paligid, sinipat kung ilan ang nasa loob ng coffee shop.
Amputa, baka maiyak ako dito. Nakakahiya.
Napalingon siya sa counter nang isang babae ang bumili ng cappuccino. Bumuga siya ng hangin, hindi pa pala siya umo-order.
"Bakit ngayon ka lang tumawag? Kagabi pa 'ko tumatawag at nagti-text," balisang bungad ng mama niya sa kabilang linya. "'Di ba, may pang-load ka naman? 'Wag mo 'kong bibigyan ng dahilan na wala kang load."
"Marami lang po akong hinabol kagabi tapos nakatulog po ako agad." Lumabi siya. "Sorry po."
Ilang segundo ng katahimikan ang lumipas sa kabilang linya. "Okay lang 'nak." Bahagya itong umubo. "Sa Linggo mo pa ba talaga mapapadala?"
Ginawa niyang unan ang mga braso. "Sa Linggo pa po talaga, e. Hindi ko pa po maasikaso."
"Okay ka pa ba d'yan? Nakakakain ka naman ba? Baka mamaya puro ka puyat d'yan porque walang nangungulit sa 'yong matulog nang maaga."
'Ma, feeling ko wala akong direksyon.
Lumunok siya. "Okay lang po—" Tumango siya na parang nakikita siya nito sa kabilang linya. "—pero madalas po akong puyat."
"Hala, e, bumili ka ng vitamins! Pati ba sarili mong vitamins, hindi mo maasikaso?"
'Ma, para kasing pinipilit ko na lang.
Humigpit ang hawak niya sa phone niyang nakadikit sa kanan niyang tainga. "Subukan ko pong bumili mamaya."
"Siguraduhin mo, 'ha? Umiinom ka naman ba ng gatas bago matulog?"
Napatawa siya nang mahina. "Hindi na po, 'Ma. Malaki na po ako." Sinubsob niya ang mukha sa mesa pagkatapos iyong sabihin.
"Baka kung saan-saan ka nagsusuot, a? Huli na 'yong kagabi na hindi ka sumasagot, Kara."
Matipid siyang napangiti. "Hala, hindi ko po mapapangako 'yan. Naka-silent lang po kasi phone ko kapag nagsusulat ako, mabilis po kasi akong ma-distract."
"Sigurado ka ba d'yan?" may himig ng pang-aakusa ang tanong nito.
'Ma, sorry, baka maulit pa kasi.
"Opo," bulong niya. "Magkano nga po pala kailangan niyong padala sa Linggo?"
"Sa kuryente saka tubig lang naman 'yon, 'nak—" Humina ang boses nito sa kabilang linya. "—pero kung ayos lang sa 'yong dagdagan para sa panggastos namin dito. . ."
'Ma, sorry, medyo pagod na 'ko.
Bumuga siya ng hangin. Lalo pa niyang tinago ang nanunubig na mga mata sa inunang braso. "Okay po, sige po. Doblehin ko na lang po 'yong sa tubig saka kuryente." Napalunok siya. "Kayo na po bahala ni Papa kung saan niyo gagastusin."
"'Wag mo na lang banggitin na dinoble mo ang padala, 'ha?"
"'Ma, paghatian niyo na lang. . . kahit ako na kumausap kay Papa." Ipinikit niya ang mga mata. "Baka mag-away pa kayo niyan 'pag nalaman niyang 'di mo sinabing doble pinadala ko."
"Sa inom lang naman 'yan gagastusin ng tatay mo," mabilis nitong sagot. "Sabihan mo nga, tawagan mo. Baka sakaling makinig sa 'yo."
Lumabi siya. "Hindi na naman po ba kayo nag-uusap ni Papa?"
Ilang segundo ng katahimikan ang lumipas. "Halos isang linggo na 'nak." Narinig niya ang pagbuntonghininga nito. "Laging umiinom kasama no'ng mga bagong-lipat, kesyo minsan lang naman daw."
'Ma, ayoko na sa gitna.
"Sige po, kausapin ko si Papa." Suminghap siya. "Ibigay niyo na lang po 'yong cellphone sa kanya sa sunod kong tawag."
"Hala, oo nga pala! Kinukulit ako, gusto daw niya ng cellphone na bago para daw siya na ang tatawag sa 'yo."
"Tingnan ko, ma, kung makakabili ako pero baka next month pa." Matipid siyang ngumiti. "Ibaba ko na 'to, ma? Nasa labas kasi ako, e."
"Sige, 'nak. Basta 'yong padala sa Linggo, 'ha? 'Wag mong kakalimutan."
"Opo, sige po. Ingat po kayo d'yan, ba-bye po," bulong niya bago pinatay ang tawag.
Nilapag niya ang phone sa ibabaw ng mesa. Nagdadalawang-isip niyang dinampot iyon. Alanganin siyang tumipa, nag-isip ng dapat sabihin.
Noong una pa lang, alam na niyang kulang ang isang linggo para pag-isipan ang direksyon na patutunguhan nilang dalawa.
Pakiramdam kasi niya, nagtaksil siya sa mga responsibilidad sa pamamagitan ng isang gabing iyon. Masyado siyang naging masaya kaya naging mali sa pakiramdam.
Alam niyang hindi masamang maging masaya pero pagdating sa kanya. . . masama nga yata.##
•.•.•
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro