four days After
— ✽ —
F E B R U A R Y 18
"YES, NA-SEND ko na sa e-mail mo. Pinagsama-sama ko na lang sa iisang document para hindi ka na mahirapang mag-compile," paninigurado ni Kara kay Chinna sa kabilang linya. Inayos niya ang pagkakasandal ng ulo sa arm chair ng sofa bed.
"Yep, okay na. I just received them,. Tatlong beses itong pumalatak. "Sorry sa pangungulit, ang bagal kasi ng internet dito. 'Yong mga taga-IT department kasi, laging naglalaro ng PUBG."
Nag-unat siya ng mga binti. "Ha? E, 'di ba, nasa IT department 'yong boyfriend mo ngayon?"
Inis na nagbuga ng hangin si Chinna. "Kaya nga alam ko, e. Nagbaon pa nga 'yon ng Xbox last week tapos rinig na rinig namin silang nagsisigawan."
Mahina siyang natawa. "Anyway, ibababa ko na 'to. I-chat or i-text mo na lang ako 'pag may ipapaayos ka. May hinihintay akong tawag, e."
"Sus. Balita ko, taga-IT din 'yan, a?" pang-aasar sa kanya ni Chinna.
Hindi niya pinansin ang agarang pamumula ng mukha. "Sige na, ibababa ko na. See you soon."
Tawa lang ni Chinna ang narinig niya sa kabilang linya bago niya pinatay ang tawag. Bahagya siyang napailing. Mukha kasing pinagyabang na naman ni Remi ang sarili nitong "matchmaking" skills sa mga kaibigan.
S'yempre, dawit ang pangalan nila ni Karim.
Tiningnan niya ang oras sa lockscreen ng phone. Napahikab siya. Maaga kasi siyang gumising para mag-send ng e-mail at para salubungin ang delivery. Nakapaligo na rin siya.
Pinatong niya ang phone sa ibabaw ng noo.
Ipipikit na sana niya ang mga mata nang biglang mag-vibrate ang phone niya. Tumatawag ang mama niya. Agad niyang sinagot iyon.
"Hello, Ma?" Tumayo siya. Inayos niya ang suot na puting pullover. Hinila pa niya pababa ang mga manggas niyon dahil medyo nalukot ang malaking imprenta sa bandang dibdib niya.
"Nakarating na kami kanina pang ala-sais. Kasama ko na ngayon si Papa mo, nag-aalmusal pa lang. Pagdating ko kanina, parang nakaratay sa salas," pagsusumbong nito sa kanya.
Napabuntonghininga siya. "Ma naman, baka na-miss ka lang niyan kaya sa salas natulog." Lumakad siya papunta sa kitchen counter.
"Anong na-miss? Uminom na naman 'to magdamag kasama 'yong tito mo!" May kaunting ingay galing sa kabilang linya. "Ikaw ba, 'nak, kumain ka na ba?"
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi niya sinasadyang tumingin sa direksyon ng pinto. Napamura siya sa isip. "Hindi pa po, 'Ma. Halos kagigising ko lang po, e."
"Aba, anong oras na ba, Kara? Anong hinihintay mo, hatiran ka ng pagkain ni Pogi?"
Hindi na nga po yata dadating, e.
Pinaglaruan niya ang dalawang kuwintas na nakasuot at nakatago sa ilalim ng pullover.
Napalunok siya. "'Ma." Sinarado niya ang blinds ng bintana. "Sige na, bibili pa po ako ng makakain."
"Siguraduhin mo lang na kakain ka na, 'ha? Masamang magpagutom, tapos nagpupuyat ka pa. Alagaan mo naman ang sarili mo d'yan, anak. Kaya ka namin pinayagan d'yan kasi sinabi mong kaya mo na sarili mo. . . naaalala mo pa ba?"
Mahina siyang natawa. "Opo. Sige po, palabas na po ako. Dadamihan ko po ang kain."
"Sige, 'nak. Ibaba ko na at nang makakain ka na. Mag-iingat ka, 'ha?" bilin nito.
Tipid siyang ngumiti bago kinuha ang purse sa ibabaw ng coffee table. "Opo, kayo rin po d'yan."
Kinuha at isinuot niya ang isang pares ng itim na highwaisted na pantalon bago niya pinatay ang tawag. Sinabit niya ang strap ng purse sa kanang balikat. Ni hindi na niya tiningnan kung nasa loob niyon ang susi ng unit.
Hindi naman kasi niya ginalaw ang laman ng purse pagkatapos nilang kumain ng mama niya sa coffee shop. Nagmamadali niyang sinuot ang pares ng puti niyang Fila. Pinusod na rin niya ang buhok bago niya pinihit at ni-lock ang doorknob.
Nang makalabas ng gusali ay agad siyang nakakuha ng taxi. Dahil sa aircon at nakaaantok na tugtog sa loob niyon, umayos siya ng upo sa tuwing namumungay at bumibigat ang mga mata.
Wala pang isang oras ang lumilipas nang makarating siya sa coffee shop. Pagkatapos bayaran ang driver ay dumiretso na siya sa loob.
Nang makapasok, huminga siya nang malalim, ginawang pampagising ang matapang na aroma ng kape. "Thank God for coffee," bulong niya.
Dahil may kahabaan ang pila, pumunta siya sa pandalawahang puwesto sa bandang bintana. Mayro'n pang plastic na mga bulaklak sa mesang iyon. Buong Pebrero kasi nagdiriwang ng Valentine's Day ang coffee shop.
Isinandal niya ang balikat. Doon lang niya naramdaman ang magkahalong antok at gutom. Kung bakit ba naman kasi niya hinintay ang pagkaing hindi naman pala darating. . . bumuntonghininga siya.
Inasahan kasi niyang magiging consistent si Karim.
Mariin niyang pinikit ang mga mata.
"Ma'am, pinabibigay po ni sir. . ."
Iminulat niya ang mga mata. Napangiwi siya nang maramdaman ang kaunting kirot sa sentido ng ulo. Napahawak siya roon. "Sino po?"
Tiningnan niya ang hawak ng babaeng barista. Isang malaking plato ang hawak nito sa kanang kamay. Limang magkakapatong na blueberry waffles ang nasa ibabaw niyon, may kasama nang tinidor at maliit na kutsilyo.
Sa kabila naman ay isang platito ang binabalanse nito. Tasa ng kape iyon pero napansin niya ang natatakpang kapirasong tissue paper sa ilalim.
"Ayon po, ma'am." Tumuro ito sa bandang likuran niya. "Si Sir po na nakaitim na jacket."
Nang sundan niya ang tinuturo nito ay nahigit niya ang paghinga.
Kaswal lang na kumaway sa kanya si Karim. Itinaas nito ang sariling tissue paper at tinuro, sinenyasan siyang tingnan niya ang kanya.
Bumaling siya sa barista, pinigil niya ang pagngiti. "Thank you po, Miss." Kinuha niya mula sa mga kamay nito ang mga dalang babasagin.
Tipid lang na ngumiti sa kanya ang babae bago umalis at bumalik sa counter.
Muli niyang nilingon si Karim. Maluwang ang ngiti nito sa kanya. Pinalis niya ang namuong pawis sa noo.
Inangat niya ang tasa ng cappuccino para kunin ang tissue paper sa ilalim niyon. Maliit siyang napangiti nang makitang may nakasulat doon.
"Goodmorning, Kara.
Sorry, but I wanted to personally deliver your food today. I was starting to get jealous of the delivery guys... it was them whom you saw first thing in the morning for three days.
I'm sorry for being over the line. I hope I'm not too close this time.
– KJG"
Lumingon siya sa direksyon nito. Nahihiya itong ngumiti, bahagya pang yumuko para itago ang pamumula ng mga pisngi.
Natawa siya nang mahina. Sinilid niya ang phone sa loob ng purse bago niya muling sinabit ang strap niyon sa balikat. Maingat niyang binuhat ang plato at platito – gamit ang dalawa niyang kamay – bago siya lumakad papunta sa direksyon ni Karim.
Pinigil niya ang paghinga habang humahakbang sa takot na mabitawan at mabasag ang mga iyon. Saka lang siya nakahinga nang maluwag matapos niyang ilapag ang plato at platito sa ibabaw ng mesa ni Karim.
Tahimik lang itong nakatingin sa kanya, hinihintay kung ang sunod niyang gagawin o sasabihin. Dinampot niya ang sinulatan nitong tissue paper at tinupi. Nilagay niya iyon sa loob ng purse niya.
Malakas siyang tumikhim. "Thank you," nahihiya niyang sabi.
Nag-angat ito ng tingin, sinalubong ang mga mata niya. "Naka-cease fire pa rin ba tayo?" Malawak ang ngiti nito sa kanya.
Natatawa siyang tumango. "Gusto ko lang sanang mag-sorry kung naging uncomfortable ka kagabi dahil kay Mama."
May kuryosidad siya nitong tiningnan. "I was about to ask why you continue to apologize for things you can't control." Magaan itong ngumiti. "And then I remembered that it was uncomfortable." Binigyang-diin nito ang salitang "was," kinukumpirma.
Mahina siyang natawa. "Gano'n lang talaga 'yon sa lahat ng pinapakilala kong lalaki. Tinatanong niya kaagad kung single ba, tapos ipapa-date niya ako."
Bumalik ang pamumula ng pisngi nito. "Sorry nga pala." Tumikhim ito. "Muntik ka pang malagay sa alanganin dahil kay Charlotte."
Umiling siya. "Okay lang, grabe nga silang magdaldalan ni Mama, e. Ang kaso, tayo ang napiling pagdiskitahan." Naghiwa siya ng waffle.
"Kara, if you don't mind me asking. . ."
"Hmm?" Binilisan niya ang pagnguya ng kapirasong waffle.
"Why did you ask for space? Akala ko kasi no'ng una, ayaw ni Tita." Mabilis itong kumurap, parang gustong bawiin ang sinabi. "Sorry, I think that was out of line."
Lumunok siya. "Okay lang. . . may karapatan ka namang magtanong." Ibinaba niya ang tinidor at kutsilyo. "Hindi pa kasi ako sigurado kung ready na 'kong pumasok sa isang relasyon. Masyado kasi akong maraming responsibilidad."
Nangunot ang noo nito. "Of course, you prioritize your family's needs."
"It just wouldn't be a normal relationship." Bumuga siya ng hangin.
Nagpangalumbaba si Karim, lumambot ang ekspresyon. "If I wanted a normal relationship, I wouldn't have waited for hours just to buy you waffles and coffee."
Agad na namula ang mga pisngi niya. "'Wag mo nga akong bolahin." Napatawa siya nang mahina, pinakalma niya ang sarili. "If I commit to you, then you will be committed to my responsibilities, too. Ayoko lang na mapilitan kang problemahin 'yong mga problema ko."
Maluwang itong ngumiti, parang natuwa sa sinabi niya. "Look, Kara. . . I know that I'm a big flirt but I'm telling you the truth. Alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam dito. Gusto ko lang namang subukan 'to, normal man o hindi."
"Karim. . ." Napabuntonghininga na lang siya.
"I don't even know what your definition of normal is," naiiling nitong sabi habang nakangiti. "One chance is all I ask, Kara."
Sumimsim siya ng kape at lumunok. "P'wede ko na bang bawiin 'yong cease fire?"
Malawak itong napangiti sa kanya, mukhang inasahan nang gano'n ang gagawin niya. "Okay, then. I'll let you have all the space you need."
Umayos ng upo si Karim at sumandal, lumayo nang kaunti sa kanya. Muli siyang uminom ng kape. Umiwas siya ng tingin nang mapansing mataman itong nakatitig sa kanya.
Mukhang binabasa siya ng mga mata nito, hinuhulaan kung anong dapat gawin para masungkit ang gustong pagkakataon.#
— ✽ —
— ✽ —
PRENTE SIYANG nakaupo sa ibabaw ng hood ng kotse ni Karim. Sa ilalim ng puno nakaparada ang kotse nito kaya kumportable siyang nakaupo, nakakrus pa ang mga binti.
"Hindi ko naman alam na closet romantic ka pala," pang-aasar niya rito. Agad kasing nag-notify sa kanya 'yong post nito sa Instagram.
Nilingon siya nito, nanatiling nakasandal sa pinto ng sasakyan. "How would you know? Kung binibigyan mo kasi ako ng chance, e, 'di full-blown romantic na sana 'tong nakakasama mo ngayon," nangingiti nitong sagot.
"Full-blown romantic? Ni hindi mo nga masabi sa 'kin nang harapan 'tong mga nilalagay mo sa caption." Pinindot niya ang "like" button.
Ilang segundo itong natahimik. "Are you sure you don't want me to drive you home?" may halong pag-aalala iyon.,"Mas makakatipid ka, kaysa naman mag-Grab ka."
"'Wag na, sobrang late ka na kaya." Bumaba siya mula sa hood ng kotse. "Saka, nakapag-book na 'ko."
Parang bigla itong nanlumo nang marinig iyon. Bumaba ang mga balikat nito, bigla ring nanahimik.
Sabay silang napalingon sa paparating na pulang kotse. Binuksan niya ang Grab application sa phone para i-check kung iyon ba ang kotseng hinihintay niya.
Tumigil iyon sa hindi kalayuan.
Namukhaan niya ang driver ng pulang sasakyan. Nagbukas kasi ito ng bintana, mukhang may hinahanap. Sakto namang pumasok ang text message mula sa driver niya, tinatanong kung nasaan na siya.
Sinenyasan na lang niyang maghintay ang driver nang mapalingon ito sa direksyon nila. Binalik na niya ang phone sa loob ng purse.
Humarap siya kay Karim. "Thank you ulit sa breakfast. Apat na araw mo nang nililibre almusal ko." Maluwang niya itong nginitian. "How can I ever repay you?"
Nagtataka niya itong tiningnan nang magaan nitong hinawakan ang magkabila niyang mga balikat. Lalo pang lumamig 'yong hangin, nakaramdam siya ng kaba. Pinagpawisan na ang mga kamay niya.
Namilog ang mga mata niya nang mapagtantong papalapit ang mukha nito sa kanya.
Magaang dumampi ang mga labi nito sa kanya. Wala siyang nagawa kundi pumikit at magpaubaya, para kasing bulak ang mga labi nito sa pakiramdam. Nahigit niya ang paghinga nang lumipat ang kaliwa nitong kamay sa batok niya. Ramdam niya ang biglang pag-init ng paligid kasabay ng pagdiin ng halik na iyon.
Tatlong segundo lang ang itinagal niyon sa tantiya niya. Mas mabilis kaysa sa nauna pero gano'n pa rin ang epekto sa katawan niya; sa kanya.
Saka lang siya nakahinga nang maayos pagkatapos nitong bumitaw sa kanya. Napalunok siya.
Bahagya itong lumayo at lumebel sa namumula niyang mukha. Sinalubong nito ang mga mata niya at saka ngumiti nang maluwang. "I missed you, Kara." Lalong lumawak ang ngiti nito. "See? I told you, I can be a full-blown romantic."
Lumabi siya. "Okay, aaminin ko nang na-miss din kita." Huminga siya nang malalim. "Pero kailangan ko pa rin ng oras para makapag-isip."
Matipid siya nitong nginitian. "Don't worry too much, I didn't kiss you to change your mind. Gusto ko lang magparamdam, ayon lang."
Sinubukan niyang mag-iwas ng tingin para itago ang pamumula ng mukha pero hinawakan nito ang palapulsuhan niya, kuhang-kuha nito ang atensyon niya. "Naparamdam mo naman." Magaan siyang ngumiti. "Thank you ulit sa breakfast."
Muli lang itong ngumiti sa kanya bilang pagpapaalam bago siya lumakad papunta sa nakaparadang pulang kotse.##
— ✽ —
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro