five days before
— ✽ —
— ✽ —
F E B R U A R Y 9
KASINGTUNOG NA ng patak ng ulan ang tunog ng keyboard ni Kara. Masyadong mabilis ang pagpindot, sakto lang ang diin. Labinglimang salita pa ang kulang.
Saglit siyang tumigil, nag-isip ng kasunod na salita.
Pagkatapos ng ilang minuto, matinong headline na lang ang kulang. Tanga na nga siguro siya para tanggapin ang ganoong klase ng trabaho – nagmamadali, may deadline.
Kailan ba ako huling nagsulat para sa sarili ko?
Malalim ang pinakawalan niyang buntonghininga pagkatapos pindutin ang "publish." Online news site lang naman iyon.
Hobby lang noong una hanggang sa umaabot na siya sa benteng balita isang araw.
Sa pampalipas oras naman lahat nagsisimula.
Nag-unat siya ng mga binti, saglit niyang ipinikit ang mga mata. Ilang oras na siyang nagsusulat pero wala man lang siyang maramdamang antok.
Ayan sige, kape pa.
Nilibot niya ng tingin ang library. Tatlo lang silang nandoon. Parang nagtatalo pa 'yong mga intern sa counter sa bungad.
"Kakausapin ka nga lang no'n," sabi no'ng lalaki sa mababang boses. "Para namang first time niyong magkikita, e, inaway mo na 'yon."
"Hoy, pinagtanggol ko lang 'yong pangarap mo no'n. 'Di ko siya inaway." Medyo matinis naman ang boses ng babae.
Narinig niyang tumikhim ang lalaki. "Hmm? I love you," pabulong nitong sabi sa kasama.
Pasimple niyang nilingon ang dalawa. Sinubukan niyang silipin ang reaksyon ng babae.
Ilang segundong tumitig ang babae sa lalaki. "Aba, dapat lang." Matabang ang pagkakasabi nito niyon, ayaw atang magpakita ng kilig.
Napangiti siya. Dinampot niya ang phone sa ibabaw ng mesa. Ilang minuto siyang nag-scroll sa Twitter. Pagkatapos, sa Facebook naman.
Binuksan niya ang Instagram app para i-post sa story 'yong kinuha niyang litrato.
Napakurap siya nang mag-notify ang tatlong magkakasunod na message mula kay Remi. Pinindot niya iyon. Mabilis siyang tumipa ng sagot.
Nagdesisyon siyang patayin muna ang mobile data. Sobrang daldal kasi ni Remi – mapa-chat o personal. Paniguradong wala siyang matatapos na trabaho kung patuloy siyang magre-reply sa messages nito.
Binuksan niya ang Notes app. Tiningnan niya kung may dapat ba siyang i-update na mga detalye. Naningkit ang mga mata niya nang mapansin ang isang note.
"Word vomit" ang nakalagay na title.
Nang pindutin niya iyon, February 2017 pa ang naka-register na "last edited." Biglang bumigat ang pakiramdam niya. Halos linggo-linggo niyang dinadagdagan iyon noon.
Ngayon, hindi na niya alam kung paano. Limot na niya.
Pati 'yong mga inipon niyang story prompts, nabulok na sa Notes app. Baka pinaglamayan at nilangaw na sa sobrang tagal nang nakatambak.
Napakurap siya nang mag-ring ang hawak niyang phone. Agad niyang sinagot.
"Nasabi ko na ba sa 'yo kung saan 'yong party sa 14?" bungad sa kanya ni Remi sa kabilang linya. "Ang alam ko, hindi pa, e."
"Hindi pa nga yata. Saan ba?"
"Naalala mo 'yong function room sa debut ko?"
"Yup." Mahina siyang natawa. "Of course, I remember. May video pa nga ako ng paggapang mo habang hinahanap mo si Luna."
"Heh." Halos marinig niya ang pagnguso nitong parang bata. "Doon ulit 'yong venue. Daming nagkakatagpo do'n, e."
Umayos siya ng upo. "Sus, nagtatagpo daw."
Natawa ito. "Alam mo, Kaf, hindi nawawala ang void sa puso 'pag dini-disregard."
Lumabi siya, ngumiti pagkatapos. "Naks naman. Love guru ka na pala ngayon?"
"S'yempre, may jowa ako, e. Hanap kang jowa para may instant right kang magbigay ng unsolicited relationship advice." Pang-asar pang tumawa si Remi.
"Gaga." Sinarado niya ang laptop. "Wala naman akong gagawin sa 14, so okay."
"O, tingnan mo 'to. Nagpapapilit ka pa, pupunta ka din naman pala."
"Wala din naman akong choice saka sabi mo, may nakausap ka na. . ?"
Malisyosa itong tumawa sa kabilang linya. "Curious ka na ba? Cute 'yon, promise."
Sinilid niya ang laptop sa zipper compartment ng dalang tote bag. "P'wede ko ba siyang makilala beforehand?"
"Hmm, p'wede naman kaso. . . baka hindi ka na ma-excite?" Parang totoo ang pag-aalala sa tono nito.
"Okay lang, e 'di friends na lang kami, gano'n."
"Hala, e kaya nga ako magpapa-party para magkajowa na kayong single friends ko. Gets ko kasi 'yong lungkot. You know, naging single din naman ako bago nagka-jowa." Hindi niya alam kung nananadya ba si Remi.
Hindi niya pinansin ang pasimple nitong pang-aasar. "May Instagram ba siya?"
"Mayro'n." Saglit itong nawala. "I-search mo: @krm-dot-guzman."
"Okay, wait lang." Pinindot niya ang "hold" at saka bumalik sa Instagram app.
Naningkit ang mga mata niya pagkatapos makita ang account na ibinigay ni Remi.
Binalikan niya si Remi. Tumikhim ito sa kabilang linya. "Nakita mo na ba?"
"Tao ba 'to? Iisang picture lang, e, tapos pareho pa do'n sa icon niya."
"I knew I made the right choice," natutuwa nitong sabi. "At least, hindi mo siya maaaral."
"Ha? Anong maaaral? Masama bang ma-curious sa binubugaw mo?"
Mahinang tumawa si Remi. "Hindi mo naman kailangang maging defensive. Alam naman nating pareho na overthinker ka. Kung hindi siya 'yong match na ia-assign ko sa 'yo, aaralin mo lang kung anong dapat na approach gamit Twitter and IG posts niya."
Napapikit siya sa inis. "Hoy, foul."
"Foul kasi totoo." Peke itong umubo. "P'wede kong ibigay sa kanya phone number mo kung gusto mo siyang makausap, parang pre-date na rin gano'n."
"'Wag na." Umiling siya. "Buong araw lang akong kakabahan sa tuwing may lalabas na notification."
Ilang segundong hindi nagsalita si Remi. "Sige, bahala ka."
"Pero kung ano. . ." Napapikit siya. "Kung ibibigay mo, 'wag mo na lang sabihin sa 'kin."
"Ay, gusto ko 'yan! Gulatan na lang tayo." Parang bata ang boses nito, halatang natutuwa sa mga kaganapan.
"Mamaya na lang, 'ha?" Sinara niya ang tote bag bago sinukbit sa balikat ang strap niyon. "Pauwi pa lang ako, e."
"Okay, ingat ka." Si Remi na ang nagbaba ng tawag. Nilagay niya sa bulsa ng suot na pullover dress ang phone.
Tumayo siya. Inayos at binalik niya ang upuan sa dati nitong puwesto. Nang masigurong wala siyang naiwang gamit, saglit siyang lumingon sa dalawang intern bilang pagpapaalam.#
— ✽ —
— ✽ —
NAG-UNAT SIYA ng mga binti. Malalim ang pinakawalan niyang buntonghininga bago niya nilapat ang likod sa malambot na kama.
Binuksan niya ang phone. Saglit siyang nag-scroll sa contacts bago pindutin ang "call" button.
Nang sumagot ang tinawagan, malakas siyang tumikhim. "Hello, 'Ma?"
"'Nak, kailan ka ba makakapagpadala ulit?" Narinig niya pati ang paglunok nito sa kabilang linya. "Bakit ngayon ka lang nakatawag?"
"Medyo busy po kasi, ma. Tambak po ako ng gawain, e. Baka next, next week na po ako makatawag ulit pero magpapadala po ako sa Linggo."
Sinungaling. Gusto lang naman niyang tumakas mula sa responsibilidad na pinasa sa kanya kaya hindi siya tumatawag.
"Ay, hala, gano'n ba? Ayos lang kahit 'wag ka muna tumawag. Ayoko namang makaabala."
Hindi mo na naman ako naiintindihan.
"Hindi naman po sa gano'n, ma." Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa inis.
"Kara, alam ko naman kung gaano ka ka-busy. Ayos lang na hindi ka na namin nakausap basta 'yong panggastos. . . hindi ka naman namin pinayagan d'yan para magbakasyon, 'di ba?"
"Opo." Lumunok siya. "Sorry po. Sa Linggo po, dodoblehin ko na lang po 'yong padala ko. Sunod-sunod po kasi 'yong gawain, e."
"Hala, sige. Ibababa ko na 'to, 'ha? Mag-iingat ka d'yan, kumain at matulog ka lagi sa tamang oras."
Pinilit niyang matuwa sa pahabol nitong pag-aalala. "Kayo din po ni Papa, ingat po kayo d'yan."
Ibinaba na niya ang tawag. Malakas siyang suminghap.
May ginagawa pa ba ako para sa sarili ko?
Tumihaya siya ng higa. Nakalapat ang likod niya. Nakatutok sa puting kisame ng kuwarto ang blangko niyang mga mata.
Bumuntonghininga siya. Ilang minuto siyang tumitig sa puting pintura. Inobserbahan niya iyon – malinis, bakante, habangbuhay nang ganoon ang hitsura.
Lumunok siya.
Kailan nga ba ang huling siya ang nauna?
Muli niyang binuksan ang phone. Bumagal ang pagtipa niya parang nag-iingat, nag-aalangan pero gustong sumubok.##
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro