five days After
F E B R U A R Y 19
SINIPIT NI Kara sa kanang tainga ang mga hibla ng buhok. Malakas kasi ang hangin sa labas kaya nagulo ang buhok niya nang itulak niya ang pinto papasok.
Muntik pa siyang matumba nang may tumulak ng pinto. Pinakiusapan kasi siya ni Remi na pumunta sa opisina.
Saglit niyang ipina-check ang dalang purse sa guard. Pagkatapos niyon ay gumilid siya dahil halos sunod-sunod ang pagpasok ng mga empleyado. Muli niyang sinara ang purse bago isinabit ang strap niyon sa kanan niyang balikat.
Nagsalamin muna siya sa babasaging pinto. Inayos niya ang pagkaka-tuck in ng suot niyang asul na polo sa high-waisted niyang slacks. Iyong puting Fila na lang din ang sinuot niya dahil sabi ni Remi, puwede naman ang semi-casual sa opisina.
Dumiretso siya sa elevator. Pinindot niya muna ang 8th floor bago siya umayos ng tayo. Sa pinakadulo siya pumuwesto. Tuloy-tuloy ang pasok ng mga empleyado roon.
Natigilan siya nang makilala ang lalaking kapapasok lang ng elevator. Mabilis siyang yumuko. Tulad niya ay sa pinakalikod nito isiniksik ang sarili – ilang pulgada lang layo sa kanya.
Halos magkadikit ang kaliwang manggas ng suot niyang polo at ang kanang kamay ni Karim.
Nahigit niya ang paghinga nang dumaplis ang kamay nito sa kanya. "Amputa naman," bulong niya.
"Kara?"
Nag-angat siya ng tingin. Naiilang siyang ngumiti, naging ngiwi tuloy iyon. "Hi."
Isang itim na hoodie na naman ang suot nito. "Sorry, hindi ko alam na start na pala ng contract mo dito." Bahagya itong umurong at lalo pang tumabi sa kanya.
Sabay silang napatingin sa pinto nang sa wakas ay magsara na iyon. Gusto na niya kasing lumabas. Hindi siya makahinga nang maayos dahil siksikan; dahil din kay Karim.
"Medyo start na, actually," diretso niyang sagot. Ni hindi siya makatingin sa mga mata nito. Muntik na kasi siyang ma-late dahil hinintay niya ang delivery.
'Tapos, wala naman pala.
Napapikit siya sa naisip.
Tumikhim ang katabi niya. "Well then, goodluck and congratulations with the new job." Parang pilit ang pagkakasabi nito, sa pinto lang ng elevator ang tingin.
Sinulyapan niya ito. Blangko lang ang mukha nito katulad no'ng una nilang pagkikita. Nangunot ang noo niya. "May nagawa ba ako?" wala sa sarili niyang sabi.
Mahina siyang napamura nang lumingon ito sa kanya, nakakunot na rin ang noo.
Napakamot ito sa ilong. "Did you ask me something?"
Mabilis siyang napakurap. Pilit siyang ngumiti at umiling. "Hindi, ano. . ." Nag-iwas siya ng tingin. "Ang sabi ko, kamusta na?"
Lumabi ito, bahagyang kinagat ang pang-ibabang labi. Pinigilan ang sarili sa balak na sabihin. "Ayos lang. Saang floor ka nga pala?"
Sumulyap siya sa bandang itaas ng elevator. Nasa 3rd floor pa lang sila. "Sa 8th floor ako, e. Sinabihan kasi ako ni Remi na doon dumiretso."
Nang bumukas ang pinto ay maraming bumaba mula sa elevator. Mahina siyang napadaing sa sakit nang maipit siya ng nasa unahan niya.
Napalingon siya kay Karim nang walang imik itong sumingit sa harapan niya. Itinaas at itinukod pa nito ang kamay sa gilid ng elevator, literal siyang binakuran. Napatingala siya dahil sa katangkaran nito. "May savior complex ka nga yata talaga."
Mahina itong natawa, bahagyang umalog ang mga balikat. "Are you sure you want to talk in this position? Baka mangalay 'yang leeg mo."
"Sabi ko nga, ikaw na matangkad," naiiling niyang sabi.
Muling bumukas ang pinto, nasa 4th floor na sila. Lumuwag nang kaunti sa loob pero nanatili sa ganoong posisyon si Karim.
"I'm sorry I didn't send you breakfast this morning." Mababa lang ang boses nito, ayaw atang iparinig iyon sa iba pang empleyado.
Malakas siyang suminghap sa narinig. "Okay lang, hindi mo naman responsibilidad 'yon."
Muli itong tumikhim. "Sorry pa rin."
Nilihis niya ang tingin. "Okay nga lang."
"I just feel like you're starting to get uncomfortable." Narinig niya ang pagbuntonghininga nito.
Nalukot ang noo niya. "Ha?"
"Kasi humiling ka ng space tapos, 'di ba, pumayag ako? It felt like I didn't really give you what you want." Ibinaba nito ang kamay na nasa gilid niya. "I'm sorry for making you uncomfortable."
Nakaramdam siya ng inis. Gusto niyang tumutol pero may kung anong pumigil sa kanya. "Okay lang," maikli niyang sagot.
Sumulyap siya itaas ng elevator. 5th floor na.
"I'm sorry for that kiss, too." Namula ang magkabilang tainga nito. "'Yong ano, 'yong kahapon."
But I liked that kiss.
Mariin siyang pumikit, dinoble niya ang pagpigil sa sarili. "Bakit ka nagso-sorry?"
Muli itong bumuntonghininga. "Because I think I made you uncomfortable."
"Karim. . ."
Nang bumaba ang karamihan sa palapag na iyon, bumalik si Karim sa puwesto nito kanina – sa tabi niya. "It's not your fault."
"Ha?"
"Para kasing magso-sorry ka na naman." Mabilis nitong sinuklay ang buhok gamit ang kanang kamay. "It's not your fault you didn't tell me you were uncomfortable."
Napalunok siya, parang may kung anong nakabara roon. "Hindi naman kasi 'yon."
Naningkit ang mga mata nito sa kanya, agad ding nawala. "It's my fault for not noticing immediately." Magaan ang ngiti nito. "Don't worry too much. Hindi na kita guguluhin."
Sa pangalawang pagkakataon ay sabay silang sumulyap sa pabukas na elevator. Nasa 6th floor na sila. Dalawang palapag na lang at makakahinga na siya nang walang sagabal.
Hindi naman siya sagabal.
Pilit niyang tinago ang kabang naramdaman. Ang dami niyang gustong sabihin. Gusto niyang tutulan ang mga sinasabi ni Karim. Gusto niyang ipaliwanag na sadyang magulo lang talaga siya, wala itong kasalanan.
Napapikit siya sa inis. Nag-iwas siya ng tingin. "Bakit parang namamaalam ka na?" Dinaan na lang niya sa biro, baka sakaling mabawasan ang pagkaseryoso ng hangin.
Lumabi ito at saka, ngumiti. "Lapit na ng floor mo, e." Tumingin ito sa numerong nasa itaas ng pinto, nasa 7th floor na pala sila.
"A. . ." Napalunok na naman siya. "Oo nga." Humarap siya sa pinto.
Nahigit niya ang paghinga nang maramdaman ang bigat ng pagtitig nito sa kanya. Sinubukan niyang 'wag pansinin pero ayon, hindi niya napigilan ang sarili. Sinalubong niya ang mga mata nito. Hindi niya sinasadyang mapatingin sa mga labi nitong dalawang beses nang dumampi sa kanya.
Mukhang malambot. Hindi, sigurado siyang malambot. Nagtaas-baba ang bukol sa lalamunan nito, nakagat niya ang pang-ibabang labi. Nang dumako ang tingin niya sa mga mata nito, nabasa niya ang pagkalito roon.
Bigla siyang nagising. Namilog ang mga mata niya nang mapagtanto kung anong muntik na niyang gawin.
Nang lumingon siya sa direksyon ni Karim ay pulang-pula ang mga pisngi nito. Pilit nitong itago iyon sa pamamagitan ng pagkamot ng ilong.
"Kara naman," mahina nitong reklamo.
"Ha? Ano?" wala sa sarili niyang sabi. Nang makitang bukas na ang pinto at nasa 8th floor na sila ay bumaling siya rito. "Sige, ano, alis na 'ko."
Dire-diretso siyang humakbang palabas ng elevator, hindi na niya pinansin ang nagtatakang mga tingin ng kasabay na mga empleyado. Huminga siya nang malalim. Mabilis niyang inayos ang purse niya. Pinalis din niya ang kaunting pawis na namuo sa noo niya.
Muntik siyang mapamura nang malakas nang may biglang humawak sa palapulsuhan niya. "Kara," seryosong sabi ni Karim. Maingat siya nitong iginiya papunta sa gilid ng elevator. "Were you planning to kiss me?"
Malalim ang pinakawalan nitong buntonghininga nang hindi siya agad na nakasagot.
Mariin niyang kinagat ang pang-ibabang labi. "How do I explain this?"
"Explain what?" nakalolokong tanong ng isang lalaki.
Halos sabay nilang nilingon ang boses na iyon.
Si Julian. Itim na blazer ang nakapatong sa suot nitong puting turtleneck. Itim din ang pares ng slacks na pang-ibaba. Malawak ang ngiti nito sa kanilang dalawa, hindi yata napansin ang tensyon sa hangin.
Tipid itong nginitian ni Karim. "Goodmorning, sir. I was just asking Kara about her job as one of our technical writers. Ang alam kasi namin sa IT, next month pa ilu-launch 'yong official website."
Saglit silang pinasadahan ng tingin ni Julian, binabasa ang sitwasyon. "You all know that I'm not against public displays of affection, right? Ayos lang, basta hindi maaapektuhan ang productivity niyo."
Lumabi siya. Kailangan niyang ibahin ang direksyon ng usapan. "Weren't you going somewhere?" Nilingon niya ang elevator.
Napapikit ito, parang may biglang naalala. "Right. Bababa sana ako sa 6th floor para kausapin 'yong head ng IT department." Inakbayan nito si Karim. "I wasn't expecting him to be here."
Nangunot ang noo niya. Kung sa 6th floor ang IT department, bakit siya sinabayan ni Karim hanggang sa 8th floor?
Pinigilan niya ang pamumula ng mukha. Nang sulyapan niya si Karim ay hiyang-hiya itong nakapikit habang pilit na inaalis ang pagkakaakbay ni Julian.
Tumikhim siya. "Si Remi nga pala?"
"She's inside my office. Hindi mo pa raw kasi alam kung saan 'yong kanya kaya, hinihintay ka." Nanatili itong nakaakbay kay Karim.
Makahulugan siyang tumingin kay Karim. "Okay, thank you. Mauuna na 'ko, baka mainip pa 'yon."
"Okay. By the way, you should join us for lunch later. Luna would probably be there, too." Magaan itong ngumiti bilang pagpapaalam.
Kitang-kita niyang gusto pa sana siyang kausapin at tanungin ni Karim pero hinila na ito ni Julian papunta sa elevator.
Bumuga siya ng hangin. Saglit siyang nakaligtas. Mahigpit niyang hinawakan ang strap ng bag bago lumakad papunta sa opisina ni Julian.#
— ✽ —
— ✽ —
"E, BAKIT hindi mo pa sinulit 'yong hiya?" inis na sumubo ng dalawang French fries si Remi, "Nando'n ka na rin lang, sana tinuloy mo na!"
"Pero seryosong tanong, sa tingin mo ba, papayagan akong magbakasyon muna ni Julian?" Sumimsim siya ng cappuccino.
Lumabi ito. "Ewan ko, next month pa naman start ng contract mo pero. . . may gawain ka na kasi, e."
"Puwede ko naman i-send na lang online. Puro word documents pa lang naman 'yon."
Kumuha ulit ito ng isang pirasong French fry. "E, bakit ka ba magbabakasyon?" Pumangalumbaba pa ito, inaabangan ang sagot niya.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Ewan ko, para sa peace of mind?" nag-aalangan niyang sabi.
Pinaningkitan siya nito ng mata. "'Wag ka namang kiss and run, Kaf. Lalabas kang pa-fall niyan, sige ka."
Inis siyang nagbuga ng hangin. "Hindi lang naman kasi 'yon, saka matagal ko na ring iniisip na umuwi muna sa amin kahit dalawang araw lang."
"Sus, mga dahilan mo talaga." Pumalatak ito. "Ngayon mo lang naman binanggit sa 'kin 'yang plano mo. Ano? Lagi ka na lang bang magtatago kapag may ginawa kang kahihiyan?"
"Remi." Inismiran niya ito. "Mag-warning ka naman kung mang-aatake ka. Kumakain tayo, e."
Itinaas pa nito ang mga kamay. "I'm sorry pero 'yan kasi nakikita kong hobby mo. Hobby mo kasing tumakbo, e. Bigla ka kayang nagiging athlete 'pag usapang feelings na."
Napasimangot siya. "Pero gusto ko ngang umuwi muna."
"Si Fritz ang kausapin mo, 'wag ako," matabang nitong sabi. "Baka hindi ka rin payagan no'n kung peace of mind ang ibibigay mong dahilan."
Malalim siyang bumuntonghininga bago uminom ng kape. "Si Chinna nga pala, nasaan?"
"Kasama boyfriend, taga-IT rin." Sumimsim ito ng mocha frappe.
"Si Julian?"
Inis itong nagbuga ng hangin. "May Zoom meeting kaya nagpaiwan sa office."
Napatingin siya sa entrance ng pantry. "E, si Luna?"
"Stuck sa office. Pinanindigan ni Gaga ang pagiging corporate slave." Sumubo ito ng isang French fry. "Sinabihan ko nang lumipat dito para mas kontrolado niya oras niya pero matigas ulo, e. Tatapusin na lang daw niya muna 'yong dalawang taon, pandagdag daw sa experience."
Prente niyang isinandal ang likod sa malambot na sofa. "Pabayaan mo na, baka ayaw lang no'n makita lagi si Nox."
Umayos ng upo si Remi. "Do you think so?"
Nagkibitbalikat siya. "Hindi ko sigurado. Baka totoong gusto lang niyang tapusin 'yong dalawang taon."
Sinulyapan niya si Remi. Pagbalik ng tingin niya sa entrance ay sinalubong siya ng malawak na ngiti ni Karim. Isang bote ng Kopiko 78 ang hawak nito sa kanang kamay.
Matipid niya itong nginitian. Pilit niyang binaon sa isip niya 'yong muntik na ginawa kanina.
Akmang lalapit na ito sa kanya nang mapansing kasama niya si Remi. Napakamot ito sa ulo. Lumiit ang kanina nitong ngiti bago kumaway sa kanya. Pinanood niya ang paglakad nito papunta sa isang grupo ng mga lalaki – mga taga-IT department ata.
"Kaf."
"Ha?" Sinalubong siya ng mapanuring tingin ni Remi.
Inis na nagbuga ng hangin si Remi. "Hindi ka naman pala nakikinig, e." Padabog nitong dinampot ang natitirang fries. "Tinatanong kita kung magpapaalam ka kay Fritz bukas."
"Siguro." Sumimsim siya ng cappuccino. "Kapag hindi pumayag, e 'di hindi ako uuwi."
"Pa'no kapag tinanong ka kung bakit ngayon mo lang naisipang umuwi, kung kailan marami kang gawain?"
Wala sa sarili siyang napatingin sa direksyon ni Karim. Tahimik lang itong nagsi-cellphone at paminsan-minsang tumatawa sa mga kasama. Ibinalik niya ang atensyon sa hawak na tasa ng cappuccino.
Napabuntonghininga siya. "Ewan ko, gagawan ko na lang ng paraan."
"Alam mo, malapit na 'kong mangialam sa inyo." Sinundan ni Remi ng tingin ang kanina pa niyang nililingon. "Binibigyan na kayo ng timing, ayaw mo pa rin sunggaban 'yong opportunity."
"Remi," seryosong sabi niya sa kaibigan.
Tipid itong ngumiti. "I know, okay? Alam kong gusto niyong masunod 'yong sarili niyong pace. Malapit lang, pero hindi ako mangingialam."
"Sigurado 'yan, 'ha?" Pasimple siyang sumulyap kay Karim.
"Oo nga. Inaalala ko lang naman 'yong timing, baka mapagod 'yan. Sige ka, ikaw rin."
"Kapag napagod siya, e, 'di tama lang na hindi ko kinuha 'yong opportunity." Uminom siya mula sa tasa.
Napangiti si Remi. "I already heard that from someone, Kaf. Ang tapang pakinggan pero alam mo ba kung anong totoo?"
"Ano?"
"Takot lang siyang maiwan." Pumangalumbaba ito, nanatili ang maliit na ngiti sa labi. "And I think you're scared, too."
Peke siyang tumawa. "I'm not, Remi. Hindi lang ako sigurado kaya ko pinapatagal. Ayon lang."
Lalong lumawak ang ngiti nito. "Sayang kasi ang pagkakataon kung papalagpasin mo, Kaf. . . sa 'yong sa 'yo na 'yan, o, tatanggapin mo na lang."
Diretso niyang tinungga ang mapait na kape. Tahimik niyang hiniling na mabura niyon sa isip niya ang paalala ng nakangiting si Remi.##
— ✽ —
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro