eighth hour of the Day
— ✽ —
F E B R U A R Y 14
"I SHOULD, uhm. . ." Sinabit niya sa kanang balikat ang strap ng purse niya bago ngumiti nang matipid, "uuwi ka na rin ba?"
Sa kanan nila ay ang condominium building niya. Nahuli niya itong nakatingin sa pasukan niyon, parang sinisipat at kinakabisado ang bawat detalye.
"Baka dumiretso na 'ko sa office." Malalim ang paghinga nito. "Pumunta daw ako sabi ni Julian, e."
Tumango-tango siya. "Okay, then. Ingat ka, 'ha?"
Akmang bubuksan na niya ang pinto ng kotse nang pigilan siya nito. Sa halip na magpaliwanag ay bigla nitong pinatay ang makina at saka, bumaba ng sasakyan.
Mula sa labas ay pinagbuksan siya nito ng pinto. Bumaba siya ng kotse. Sumandal ito sa pinto niyon, pinagkrus pa ang mga braso sa ibabaw ng dibdib, hinihintay siyang makapasok. "Ikaw din, ingat ka sa pag-akyat." Mahina pa itong tumawa.
Umihip ang malamig na hangin, inalis niya ang pagkakatali ng buhok. "I guess I should thank you for everything last night."
Nangingiti itong umiling. "It's nothing. And by the way—" Nanatili itong nakasandal, nagpamulsa. "Goodmorning, Cinderella."
Nangunot ang noo niya. "Nagpapaalam ka na ba?"
Ginaya nito ang ekspresyon ng mukha niya. "Depende," alanganin nitong sagot.
Nagpamulsa siya sa suot na hoodie. Malakas siyang suminghap, nag-aalangan din. Sinalubong niya ang mga mata nito. "Ayaw mo bang magkape muna?" Nilingon niya ang lobby.
Napamaang ang mga labi nito. Saglit itong nag-alinlangan bago bumuntonghininga. "That's actually a good idea, medyo antok na 'ko, e."
Mahina siyang natawa. "'Tapos balak mo pang dumiretso sa office? Baka matulog ka lang do'n."
Nakasunod lang ito sa kanya mula sa entrance paakyat ng elevator. Mapungay na ang mga mata nito, pagod na yata sa buong gabing pagda-drive. Sa tuwing magsasalita siya para punan ang katahimikan sa elevator ay ngiti at tawa lang ang sagot nito.
Wala na rin atang enerhiyang makipag-asaran. Mukhang kailangan nga talaga ng kape.
Tama, kape ang kailangan.
Hindi mapakali niya itong sinulyapan. Nakatutok ang mga mata nito sa pindutan sa gilid.
Nang makarating sila sa palapag ng unit niya, tahimik lang itong bumuntot sa kanya hanggang sa mabuksan niya ang pinto niyon.
Nilibot nito ng tingin ang paligid bago sinara ang pinto. Pagpasok nito ay ang babasagin niyang coffee table ang bumungad. Sa gilid niyon ay ang maliit niyang sofa bed na nakatapat sa magulo niyang kama.
Nagkalat sa ibabaw ng kama ang laptop, mga charger, at ang mga damit na sinukat niya bago umalis. Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Hindi man lang kasi siya nagligpit bago umalis.
Sa kabilang bahagi ng unit ay halo-halong album covers, magazine pictures, movie posters, at stills ang nakadikit sa puting pader niya. Katabi niyon ang bintana kung saan may kitchen counter na madalas niyang upuan.
Isang refrigerator ang nasa gilid ng bintana, ilang hakbang na lang papuntang CR.
"Ang kalat mo pala," natatawa nitong kumento sa nadatnan.
Bumuntonghininga siya. "Sorry, nagmamadali kasi akong umalis." Nilapag niya ang purse sa ibabaw ng counter. "Nakalimutan ko tuloy maglinis."
Nangingiti itong umiling. "It's fine, Kara."
Tinuro niya ang maroon na sofa bed. "Upo ka muna. Magbibihis lang ako para mabalik ko na sa 'yo 'tong hoodie mo." Hinatak niya ang laylayan ng suot at saka mabilis na dinampot ang brown na cardigan at square pants sa ibabaw ng kama.
Umupo ito sa sofa bed, tinitingnan pa rin ang kabuuan ng unit niya. Napabuntonghininga siya bago pumasok ng CR sa dulo ng counter.
"Saan mo nga pala nilalagay 'yong kape mo?" may kalakasan nitong tanong mula sa labas.
"Tingnan mo d'yan sa may ilalim ng counter," pabalik niyang sigaw mula sa loob ng CR. "Kung wala d'yan, tingnan mo sa ibabaw ng ref."
Nakarinig siya ng mga kaluskos mula sa labas. Binilisan niya ang pagbibihis. Sinampay niya sa balikat ang itim na hoodie ni Karim bago pinihit ang doorknob ng CR.
Paglabas niya ay nakatayo ito sa gilid ng counter, may kinang sa mga mata. "Never mind." Nakangiti nitong tinaas ang hawak na bote ng red wine. "I found something better than coffee."
Napailing siya. "Lalo ka lang aantukin d'yan."
"Nothing wakes me up like alcohol." Yumuko ito at inabot ang basong nasa ilalim ng counter.
Pinagdikit niya ang mga braso sa ibabaw ng dibdib. "Parang first time mo lang makakita ng red wine, a?"
Tumigil ito sa pagbuhos ng wine sa baso. "Sorry, may pinaglalaanan ka ba nito?" Bahagya nitong tinaas ang hawak na bote.
"Wala naman." Nilapitan niya ito, umupo siya sa ibabaw ng counter. "Iniinom ko lang 'yan kapag may writer's block ako."
"Kaya pala kaunti lang bawas." Maingat nitong binalik ang cork ng bote. "By the way, what are those?"
Sinundan niya ang tingin nito – 'yong mga nakadikit sa sinasandalan niyang pader ang tinutukoy. "For inspiration lang. Karamihan movie stills, mayro'n ding pictures na pina-develop ko."
Lumapit ito sa pader, sa kanya. "Ano 'to?" Tinuro nito ang isang printed picture na may beige background, isang abstract figure ang nakagitna.
Maingat siyang umayos ng upo para makaharap ito. "Album cover 'yan ng Fialta. Gusto ko kasi 'yong 'High Above Chicago' sa album na 'yan, soundtrack sa BoJack Horseman."
Nangunot ang noo nito. "BoJack Horseman?" Sumimsim ito ng wine bago nilapag ang baso sa ibabaw ng counter.
Natatawa siyang tumango. "Oo, masakit 'yon, e." Kinuha niya ang baso, uminom mula roon. "Ewan ko ba, masyado kasing relatable."
"Akin 'yan, a?" Naninita ang tono nito. "'Wag mong ubusin."
"May isa pa namang bote d'yan." Nagtira siya ng kaunti bago alisin ang cork at muling nagbuhos ng wine sa baso.
Napasulyap siya sa kurtinang nakatakip sa bintana. Matingkad na ang pagkakulay asul niyon, may araw na kasi sa labas. Alas-siyete ng umaga at umiinom sila ng alak. Bumuga siya ng hangin.
"Why do you like that song so much, it's on your inspiration wall?" Kinuha nito ang baso mula sa kamay niya, agad na kinalahati ang laman.
"May part do'n sa kanta. . . 'I keep rehearsing these lines.'"
Sumimsim ito ng wine. "May naaalala ka?" Nilapag ulit nito iyon sa ibabaw ng counter.
"Actually, wala." Napangiti siya. "Ewan ko rin, e, bigla lang akong humahagulhol."
Mataman ang pagtitig nito sa picture. "Sa 'The End of the Fxxxxing World' 'to, 'di ba?" Nakatingin ito sa printed picture ng dalawang taong magkahawak kamay.
Tumango siya. "Last scene sa season 2." Uminom siya ng wine mula sa baso. "Ang tapang kasi, e."
"Hmm?" Nakatitig lang ito sa pader, parang nasa loob ng isang museo. Ang pinagkaiba nga lang ay mga inspirasyon niya ang dinayo nito, malayong-malayo sa totoong sining.
Lumunok siya. "Ang tapang kasi no'ng ano, inamin nilang kailangan nila ng tulong. . . mag-therapy. Hindi naman madaling aminin 'yong gano'n."
Humakbang ito palapit sa kanya, nakatingin sa nakadikit na The Scream ni Edvard Munch. "This one's about the voices Munch heard, right?"
"I like how unsettling it is." Inubos niya ang wine sa baso. "Ang ganda ng pag-portray niya sa takot."
Kinuha nito ang baso mula sa kamay niya. Nilapag nito iyon sa counter. "It's only 7 in the morning, Kara. Pinigilan mo 'ko kanina tapos ikaw naman 'tong maraming iniinom."
Mapungay na ang mga mata niya, siya naman ata 'yong inaantok. "Sorry, bihira na lang kasi akong mag-wine."
Nalukot ang noo nito. "Sabi mo, umiinom ka 'pag nagkaka-writer's block ka?"
Mapait siyang ngumiti. "Hindi na 'ko nagkaka-writer's block." Napalunok siya. "Halos hindi na 'ko nagsusulat. Pa'no ako magkaka-writer's block? I'm barely a writer."
Ilang segundo itong tumitig, bumuntonghininga. "You have no idea how honored I feel right now." Natawa ito nang mahina. "Ni hindi ko alam na posible 'to."
Pinigilan niya ang paghikab. "Honored?" Kinuha niya ang baso at nilapag iyon sa counter.
"Hearing your thoughts—" Bumuntonghininga ito, mas malalim ang pinanggalingan. "—is a privilege for someone like me, Kara."
"What do you mean by someone like you?" Niyakap niya ang mga tuhod.
Tipid itong ngumiti. "Someone like me who barely talks about my feelings; who barely shares anything. . . who barely listens to other people's stories."
"Hindi naman mahalaga kung ine-express mo feelings mo." Kumurap-kurap siya. "Hindi naman kailangan sabihin para maging valid, 'di ba? Ang mahalaga, may feelings ka."
"Kara?"
Umayos siya ng upo, binitiwan ang mga tuhod. "Bakit?"
"You really have no idea, don't you?" Magaan nitong pinatong ang kanang kamay sa tuktok ng ulo niya.
Maraming beses siyang kumurap, nilalabanan ang antok. "Bakit?"
"Totoo nga yata." Maingat nitong inalis ang ilang hibla ng buhok na tumatakip sa mukha niya.
Nangunot ang noo niya. "Totoo ang alin?"
"You have no idea how beautiful you look when you talk about things that inspire you." Malambot ang ngiti nito sa kanya. "About things you like, things that make you sob for no reason, things that intrigue you."
Hinawakan niya ang kamay nitong nakapatong sa ulo niya. "Kailan ka pa naging romantic?" natatawa niyang tanong.
"I guess we could say that you bring it out of me," bulong nito. "Aksidente mo yata akong naturuan, Kara." Mababa lang ang boses nito, nag-iingat, malapit na sa tahimik.
Napalunok siya nang mapansing pabalik-balik ang tingin nito sa mga mata at mga labi niya. Bago pa siya makapag-isip ng isasagot ay unti-unting lumapit ang mukha nito sa kanya.
Pinayagan niya, pumikit siya. Huminga siya nang malalim. Hindi man sigurado ay sinalubong niya ito.
Isa.
Magaan ang mga labi nito, nanghihingi ng permiso. . . parang bulak na dumadampi sa kanya, halos hindi nga niya maramdaman. Bigla yata siyang namanhid. Mariin siyang pumikit. Pinakalma niya ang paghinga.
Dalawa.
Pinakiramdaman niya ang paghinga nito – hindi rin kalmado, kinakabahan. Dahan-dahan itong kumilos, idiniin ang mga labi sa kanya. Lalo niyang naramdaman ang paghinga nitong naghahabol – nag-aalangan.
Tatlo.
Sa sobrang diin, nalasahan niya ang alak na ininom nila kani-kanina lang. Lalo siyang naliyo, naadik sa magkahalong tamis at pait. Kumapit siya sa batok nito.
Apat.
Naramdaman niya ang paggapang ng mga kamay nito papunta sa baywang niya, hinapit siya palapit. Gusto niya sanang sumaglit ng hangin pero hindi. . . masyadong malambot. Saka na ang hangin.
Lima.
Mahina siyang napaungol. Nahigit niya ang paghinga nang maramdamang nasa buhok niya ang mga kamay nito – nakapagpapakalma, nakapanghihina. Napalunok siya. Masyado nang matagal, baka masanay siya; hanap-hanapin niya. Nila.
Amputa talaga.
Huminga siya nang malalim. Bahagya itong lumayo bago siya muling hinalikan – mas magaan at saglit lang kumpara sa nauna, huli na yata.
Mabilis nitong sinuklay ang buhok. "Sorry," bulong nito.
Panghuli na nga yata. "Para saan?"
Namumula ang magkabilang pisngi nito. Nahihiya itong ngumiti, mukhang hindi naman nagsisisi. "For that."
Tahimik siyang nanalanging hindi niya agad makalimutan ang pakiramdam ng mga labi nito sa kanya. Pati pala ang mga tainga nito, parang sili sa pagkapula.
Ilang beses itong tumikhim, kinukuha ang atensyon niya, pinagsasalita siya. Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "I guess that's enough wine for us."##
— ✽ —
— ✽ —
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro