Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

eight days After

— ✽ —

F E B R U A R Y  22

        NAPAYAKAP SI Kara sa sarili nang umihip ang malamig na hangin. Doon kasi niya naisipang tumambay sa gilid ng lumang tindahan nang magising siya. Triple pa naman ang lamig ng umaga sa kanila kumpara sa madaling-araw ng Maynila.

        Suot naman niya ang jacket ni Karim – nakapamulsa pa nga siya roon – pero nilalamig pa rin siya. Napagdesisyunan niyang mag-earphones at makinig na lang ng mga kanta sa phone. Nilabas pa niya ang kahoy na bangko mula sa kusina.

        Napangiti siya nang may mapansing kumpol ng mga taong naglalakad. Mas maaga pa sa umaga kung kumayod ang mga taga-roon.

        Nag-unat siya ng mga binti. Kung bakit ba naman kasi nakalimutan niyang magbaon ng mahahabang pantulog. . . mabilis siyang napakurap nang makarinig ng ingay sa loob ng bahay.

        Ibinulsa niya ang phone.

        Maingat siyang pumasok. Ayaw niyang gumawa ng ingay at magising ang mga magulang niya.

        Nangunot ang noo niya nang makita ang pamilyar na bulto ng mga tao sa gitna ng sala. Nadatnan niyang inaalalayan ng mama niya ang lasing niyang tatay. Hirap ang mama niyang pahakbangin ang huli papunta sa kuwarto.

        "Umayos ka nga, baka magising ang anak mo," pagsaway ng mama niya. Hindi pa rin siya nito napansin gayong nakatalikod ito sa kanya.

        Napabuntonghininga na lang siya. Lalapit na sana siya para tumulong nang umimik ang papa niya. "Pabayaan mo na kasi ako," bulong nito.

        "Anong pabayaan?" naguguluhang tanong ng mama niya. "Ngayon pa ba natin pag-uusapan 'to?"

        Muling sumalampak sa sahig ang lalaki pagkatapos magpumiglas. "E, kailan mo gusto? Palibhasa kasi, sayang-saya ka na do'n sa boss mo."

        Kitang-kita niya ang pagbaba ng mga balikat ng mama niya, bumitaw ito sa pagkakahawak sa papa niya. Malalim siyang huminga nang maramdaman ang panunubig ng mga mata niya.

        "Martin, ano ba?" Pilit nitong hinila pataas ang braso ng lalaki. "Tumayo ka na d'yan, pumasok ka na sa loob."

        "O, hindi mo itatanggi?" tumapang ang boses ng papa niya. "Tama ako, 'no?"

        Napalunok siya. Gusto na niyang umawat sa mga magulang pero alam niyang bata pa rin ang trato ng mga ito sa kanya.

        Buong lakas itong hinila ng mama niya patayo. "Tulungan mo naman ako. Makikita ka ni Kara, doon na tayo mag-usap sa loob."

        Nanatiling nakapikit ang mga mata ng papa niya, tuluyan na yatang nakatulog sa malamig na sahig. Sobrang nipis pa naman ng suot nitong sando. Hindi niya maiwasang mag-alala.

        Doon niya napagdesisyunang lumapit. Bakas ang pagkagulat sa mukha ng mama niya nang mapagtantong narinig niya ang paratang ng papa niya.

        Magpapaliwanag sana ito sa kanya kaya agad siyang umiling. "Mamaya na, Ma. Ipasok muna natin si Papa sa kuwarto, lalamigin siya dito."

        Walang nagawa ang mama niya kundi tumungo.

        Saka lang nila naipasok ang papa niya sa kuwarto matapos nila itong akayin papasok – tig-isa sila ng brasong inalalayan.

        Pagkatapos niyang patungan ng kumot ang papa niyang natutulog nang mahimbing, magaang hinawakan ng mama niya ang kanan niyang balikat.

        Naluluha ang mga mata nito, nagmamakaawang bigyan niya ng pagkakataong magpaliwanag. Sa pangalawang beses ay umiling siya.

        "Kara naman." Nagsusumamo ang boses nito.

        Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Doon niya itinuon ang atensyon, hindi sa nagbabadya niyang mga luha. "Mamaya na po, Ma, kapag pareho na tayong kalmado."

        Mabilis siyang tumalikod. Muli nitong hinawakan ang balikat niya, pinigilan siyang umalis. "Anak, pakinggan mo naman ako."

        Inalis niya ang kamay nito. Huminga siya nang malalim. "Papakinggan ko naman po kayo." Agad niyang pinunasan ang luhang tumulo sa kaliwa niyang pisngi. "Okay lang po, lagi ko naman po kayong naiintindihan."

        Napaawang ang mga labi nito, hindi alam kung anong sasabihin. Tuluyan siyang lumabas.

        Narinig niya ang mabibigat na yabag ng mama niya, nakasunod sa kanya. Binilisan niya ang lakad papunta sa kuwarto.

        Agad niyang sinara at ni-lock ang pinto tulad ng nakasanayan niya noon.

        Biglang nanlambot ang mga tuhod niya. Hindi na niya maramdaman ang lamig ng sahig. Lumabo rin ang paningin niya, sinubukan niyang alalahanin kung napansin ba ng mama niyang umiiyak siya bago pa siya makapasok ng kuwarto.

        "Kara, anak." Mahina nitong kinatok ang pinto mula sa labas.

        Pinigilan niya ang paghikbi. Nilabas niya ang phone mula sa bulsa. Malabo man ang mga mata gawa ng pag-iyak, hinanap niya ang phone number ni Karim.

        Bago pa siya magdalawang-isip, tinawagan niya ito.

        "Kara." Tatlong beses na kumatok ang mama niya. "Buksan mo naman 'to. Mag-usap tayo."

        Hindi siya umimik. Makaraan ang ilang segundo ay narinig niya ang mga yabag nitong papalayo sa pinto ng kuwarto.

        Wala pang tatlong minuto ay sinagot ni Karim ang tawag. "Kara?" Nakarinig siya ng kaluskos sa kabilang linya. "Napatawag ka?" May pagkapaos ang boses nito, kagigising lang siguro.

        Lumunok siya, pinunasan niya ang mga luha. "Sorry, nagising ba kita?" Agad niyang nilayo ang phone nang hindi niya napigilan ang paghikbi.

        "You're crying," diretsong sabi ni Karim. "Bakit ka umiiyak? Nasaan ka?"

        Pinunasan niya ang mga pisngi, umupo siya sa ibabaw ng kama. "Hindi." Tuloy-tuloy ang paghikbi niya. "Nanood kasi ako ng 'La La Land.' Wala 'to, nadala lang. Grabe kasi 'yong last scene, e."

        Malakas itong suminghap sa kabilang linya. "Do you want me to pick you up? I can drive there if you want me to. Sabihin mo lang. . ."

        Mariin siyang pumikit, nilabanan niya ang kagustuhang umoo at bumalik ng Maynila ora-mismo. "I'm fine. Ang ganda lang kasi no'ng film." Muli niyang nilayo ang phone.

        "You're not a very good liar." Malalim itong bumuntonghininga.

        "Sorry nga pala kung tumawag ako nang ganitong oras." Pinunasan niya ang mga pisngi kahit tuloy-tuloy pa rin ang bagsak ng mga luha niya. "Sorry nga pala ulit kung nakalimutan kong mag-text sa 'yo kahapon pagdating ko dito."

        "Why are you apologizing again?" Muli itong bumuntonghininga. "Not everything is under your control. . . and that's okay."

        Hindi niya napigilan ang paghagulhol nang marinig ang sinabi nito. "Alam ko, I'm sorry." Niyakap niya ang mga tuhod, patuloy pa rin sa pag-iyak.

        "Nasaan ka ba? Can you send me your location? I'll be there as soon as I can."

        Lumunok siya, pinakalma niya ang sariling paghinga. "Hindi na." Muli niyang pinunasan ang pisngi. "Okay nga lang ako."

        "If you don't want to talk about it, then let's talk about something else," suhestiyon nito. "We can talk about the film you watched. How was it?"

        Lalong lumakas ang mga hikbi niya nang sakyan nito ang pagsisinungaling niya. "Nakakaiyak."

        "Halata nga." May sumaglit na katahimikan. "Ang lala ng iyak mo, e. Does the ending hurt that bad?"

        Isinuot niya ang hood, tinakpan niyon ang mga mata niya. "Masakit sobra."

        "When you get back—" Suminghap ito. "—do you want to watch it together?"

        Napalabi siya. "Hindi mo magugustuhan."

        "Bakit mo naman naisip 'yan?" nagtatakang tanong nito sa kanya.

        "Masyadong masakit, Karim." Mariin siyang pumikit. Unti-unti nang bumagal ang paghinga niya. Wala na ring luhang bumabagsak.

        Ilang segundo itong hindi umimik sa kabilang linya. "Pero nagustuhan mo pa rin, 'di ba?" Huminga ito nang malalim. "Did you stop liking the film just because it hurt you in the end?"

        "No." Nag-unat siya ng mga binti.

        "Then maybe I'd like it, too, Kara." Napakahina lang ang boses nito pero sobrang lakas ng epekto sa kanya.

        Hindi siya nagkamaling tawagan ito. Nagawa nitong ilihis ang atensyon niya mula sa mga narinig. Nagawa siya nitong pakalmahin gamit lang ang mga salita.

        Siya itong writer sa kanilang dalawa pero basang-basa siya nito.

        "Thank you," bulong niya.

        "You're welcome. Tawagan mo lang ako kapag gusto mo pang pag-usapan 'yang ano—" Tumikhim ito. "—'yang mga pinapanood mo d'yan."

        Napangiti siya nang maliit. "Okay." Suminghot siya. "Hindi na 'ko manonood ng nakakaiyak para hindi ka mag-panic."

        "Kara, you can cry on me anytime. I don't care if you call me at 5 in the morning just to cry about films. Ang mahalaga, ako 'yong pinili mong tawagan."

        "Sorry, naistorbo pa kita," mahina niyang sabi. "Goodnight, Karim."

        Muli itong bumuntonghininga. "I want to stop you from crying, but that's really up to you. I guess all I can do right now is listen. I'm sorry if I can't be there for you."

        Parang piniga ang puso niya sa narinig. "That's enough for me." Mariin siyang napapikit, huminga siya nang malalim.

        Ilang segundo ang lumipas. "Goodnight, Kara. Please rest, you're probably tired."

        Bahagya pang nanginig ang mga daliri niya nang ibaba niya ang tawag. Medyo kumalma at bumagal na ang paghinga niya. Umayos siya ng higa, tumihaya siya.

        Gusto niyang maiyak sa sinabi ni Karim. Nabawasan ang nararamdaman niyang bigat. Ramdam niyang alam nitong nagsinungaling siya nang sinabi niyang pelikula ang iniyakan niya. Hindi nga lang niya inasahang sasakyan nito ang peke niyang dahilan.

        Mariin siyang pumikit.

        May hindi pagkakaintindihan sa pamilya niya pero iniisip niyang lumipad papuntang Maynila para lang yakapin nang mahigpit si Karim. Makasarili nga yata talaga siya.

        Unang beses kasi iyon na siya naman ang pinakinggan. At sa sobrang gaan niyon sa pakiramdam, para siyang matutunaw at tatangayin ng hangin anumang oras.#

— ✽ —

— ✽ —

        "'NAK, O." Nilapag ng mama niya ang isang baso ng kape sa ibabaw ng mesa, inaabot sa kanya.

        Kasalukuyan silang nasa kusina, nagpapalipas ng oras at init ng ulo. Mariin siyang pumipikit kada minuto, maiwasan lang 'yong tuluyang pagpatak ng mga luha niya.

        Hinawakan niya ang baso, pinainit ang mga palad sa magkabilang gilid niyon. "Thank you po."

        Umupo ang mama niya sa katapat niyang upuan. May dala rin itong baso ng kape. "'Yong tungkol sa narinig mo kanina. . ." Parang wala nang balak tapusin.

        Inayos niya ang pagkakasandal sa upuan. "Po?"

        "Anak, kasi ano. . ." Kinagat nito ang pang-ibabang labi. "'Wag ka sanang magagalit."

        Uminom siya ng kape, malaking lagok. "Hindi na, 'Ma." Nanatili siyang nakayuko. "Okay lang po."

        Malakas itong suminghap. "Anong okay lang?"

        Umiling siya. "Thank you po sa kape."

        Inurong nito ang upuan palapit sa kanya. "Kara, anak." Sumeryosong bigla ang tono nito.

        "Sige po, pag-usapan natin 'yong narinig ko kanina."

        Saglit itong natahimik. Huminga ito nang malalim, nag-ipon ng lakas ng loob. "Itanong mo kahit anong gusto mong itanong, sasabihin ko ang totoo."

        Ayaw niyang mambintang pero dahil nakita niya kung gaano kalango sa alak ang papa niya, unti-unti na siyang naniniwala sa paratang nito. "Totoo po ba, 'Ma?" Tumunghay siya. "Kaya ka ba sinama no'ng lumuwas siya pa-Manila? 'Yong totoo, 'Ma, ilang araw ka ba talaga no'n sa Manila?"

        Malungkot itong ngumiti sa kanya. "Totoo ang sinabi ng papa mo. . . pero ikaw ang pinunta ko no'ng lumuwas ako."

        Hindi pinansin ng utak niya ang pahabol nitong paliwanag. "Salamat po sa pagsasabi ng totoo." Pinalis niya ang mga luha sa pisngi.

        "Kara, alam mo namang hindi kami ayos ng papa mo, 'di ba?" Dumikit pa itong lalo sa kanya. "Alam mo naman 'yon, 'di ba, 'nak? Sa 'yo pa nga ako nagkukuwento, 'di ba?" Hinaplos nito ang buhok niya.

        Hinawakan niya ang kamay nito, pinatigil sa paghaplos ng buhok niya. "Pero hindi niyo naman po sinabing gusto niyong iwan si Papa."

        "Hindi ko naman kasi sinadyang magkagano'n." Kinagat nito ang pang-ibabang labi. "Pakinggan mo naman ako."

        Huminga siya nang malalim, baka sakaling mawala 'yong bigat sa dibdib niya. "Buong buhay ko, ako po 'yong nakikinig sa inyo. Hindi na po ako bata."

        Nanginig ang mga labi nito, hindi inasahang nanggaling ang mga salitang iyon sa kanya. "Kara."

        Ilang segundo niya itong tinitigan. Inobserbahan niya ang pangingimi ng mga labi nito, pagbigat ng paghinga, pati ang pagluha ng mga mata.

        Napalunok siya. Tuluyang tumigil ang pagpatak ng mga luha niya. "Gaano na po ba katagal?" Sinalubong niya ang mga mata nito.

        Maraming beses itong kumurap. "Tatlong buwan na."

        Napasapo siya sa noo. "Anong plano mo, 'Ma?"

        "Hindi ko naman kasi inakalang aabot sa ganito," humihikbi nitong sabi. "Hindi ko naman alam na malalaman ng papa mo."

        Malakas siyang suminghap. "E, alam na niya, 'Ma. Nangyari na kaya tinatanong kita kung anong plano mong gawin. Iiwan niyo po ba si Papa?"

        Nangunot ang noo nito, umiling. "Wala akong balak iwanan ang papa mo, anak."

        Gusto niyang matawa sa narinig. "Gusto niyo po bang mag-file ng annulment o legal separation? May kakilala pong lawyer sila Remi. Tutulungan ko po kayo sa paglakad ng documents."

        "Kara," may awtoridad nitong sabi. "Ano bang pinagsasabi mo? Hindi ko nga iiwanan ang Papa mo."

        Inis siyang nagbuga ng hangin. "Ano po bang gusto niyong mangyari? Ituloy pa rin namin ang buhay na parang walang nangyari?"

        "Pag-uusapan namin ng Papa mo." May pinalidad na sa tono nito.

        "Ma, usapang pamilya 'to kaya isali niyo 'ko. Hindi na ako bata para papasukin niyo sa kuwarto sa tuwing mag-aaway kayo."

        Lumambot ang ekspresyon nito na nagpagaan sa tensyon ng hangin. "Pag-uusapan muna namin. . . sa amin 'to, e. Bigyan mo muna kami ng ilang araw para magdesisyon saka namin sasabihin sa 'yo."

        Huminga siya nang malalim. "Ilang araw po ang kailangan niyo ni Papa?"

        "Sa totoo lang, hindi ko rin alam, anak." Maliit itong ngumiti sa kanya. "Kung bakit ba naman kasi umabot sa ganito."

        Gusto niyang sisihin ang mama niya pero mas nangibabaw ang kagustuhan niyang intindihin ito. "Sige po, kayo po ang bahala," ang tanging nasabi niya.

        Kung tutuusin ay wala naman kasing kasalanan ang mga magulang niya. Nagkataon lang na mga tao rin ito katulad nila ni Karim – nagkakamali at nakararamdam.##

— ✽ —

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro