Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

꧁ ҳҳ | ʋıєŋɬє

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁

𝟷 𝟾 𝟾 𝟾 , 𝙾 𝙺 𝚃 𝚄 𝙱 𝚁 𝙴 𝟸 𝟿
𝙲 𝙰 𝙻 𝙻 𝙴   𝙰 𝙽 𝙻 𝙾 𝙰 𝙶 𝚄 𝙴
𝙱 𝙸 𝙽 𝚄 𝙽 𝙳 𝙾 𝙺 , 𝙼 𝙰 𝚈 𝙽 𝙸 𝙻 𝙰

Hindi ang magaganda't may magagarang kasuotang binibini, ni hindi ang Gobernador Heneral at ang kanyang mga kagawad, ang nakapagpatigalgal kay Padre Damaso. Wari'y hindi makakakilos sa kinaroroonan dahil sa pagpasok sa bulwagan ng isang pandak, kayumanggi, bilugan ang mukha at matabang ginoo na may katandaan na. Tangan niya sa kamay ang isang binatang luksang luksa.

Ang pagsilay ng mga mata ko sa mukha ng binata ay nagdulot ng libu-bibong boltahe ng kuryenteng dumaloy sa aking mga ugat. Ang pag-iinit ng aking mga mata ay umigting. Gustong managhoy at dumaloy ng mga luhang kanina pa nagbabantang tumangis.

"Narito na siya," masigla at may pananabik na sambit ni Sinang. Nakatingin din siya sa bagong dating.

"Tiyak na magagalak si Maria," masayang tugon naman ni Neneng.

Maraming nakapansin sa pagdating ng bagong panauhin. Lalo na ang kumpol nina Padre Damaso. Sila'y nilapitan ng mga ito at nakipagkilala.

Napuno ng bulung-bulungan ang buong bulwagan na tila nagwawari kung sino ang kasama ng ginoo. Ang mga binibini ay nagsisitakip ng mukha gamit ang kanilang mga abaniko. Nahihiyang pasulyap-sulyap sa binatang ilustrado.

"Magandang gabi po sa inyo, mga ginoo! Magandang gabi po, padre," ang bati ng pandak na ginoo na noon di'y humalik sa kamay ng dalawang padre na kapwa nakalimot na siya'y basbasan.

Ang prayleng Dominiko naman na si Padre Sibyla ay nag-alis ng salamin upang tingnan ang binatang bagong dating. Samantalang si Padre Damaso naman ay namutla habang nanlalaki ang mata.

"Kapitan Tiyago!" masiglang bati ni Tinyente Guevarra sa pandak na ginoo.

Nanlaki naman ang mata ko sa narinig. Kung ang may edad na ginoong iyon ay si Kapitan Tiyago, iisa lang ang maaaring pagkakakilanlan ng binatang kasama niya.

Nalipat ang tingin ko sa binata at tila napako na sa kanya ang aking mga mata. Maayos at malinis ang kanyang pananamit. Nakaitim na amerikana at kulay puting polo ang pang-itaas niyang kasuotan. Tila kulay itim ding slacks ang pang-ibaba nito. Maayos ang pagkakagupit at pagkakasuklay ng kanyang buhok.

Matangos ang kanyang ilong na bumabagay sa makapal ngunit makitid at malarosas niyang labi. Siya'y maputi at matangkad.

Sa paraan ng kanyang kilos at pananalita ay napaka-elegante niyang tignan.

"Ikinararangal kong ipakilala sa inyo si Don Crisostomo Ibarra, anak ng aking yumaong kaibigan. Ang ginoong ito ay kararating pa lamang buhat sa Europa at aking sinalubong," pagpapakilala naman ni Kapitan Tiyago sa binatang kasama niya.

Pagkabanggit sa pangalang iyon ay napuno ng mga salitang paghanga ang naibulalas ng ilang panauhin.

"Juan Crisostomo Ibarra..." wala sa sariling sambit ko sa buo niyang pangalan.

Hindi ko makakalimutan ang tagpong aking natutunghayan sapagkat ito ang simula ng Noli Me Tangere.

Nakaramdam ako ng paggiliw at pangungulila mula ng masilayan ko si Ibarra. Ang kanina ko pang dumadagundong na puso ay lalong nag-ibayo na para bang sasabog na sa sobrang pagbilis ng tibok nito.

Sanhi ba ito ng simpatya buhat ng mangyayari sa kanyang hinaharap? Ang sawi nilang pagmamahalan ni Maria Clara? Ang pagkamunghi sa lipunan na magiging dahilan nang paghubad niya sa kanyang tunay na ngalan at pagbihis sa katauhan ni Simoun?

"Ayos ka lang ba, Binibining Mirasol?" nag-aalalang tanong ni Neneng sa akin.

Hindi ko ito nasagot sapagkat tila nabubuhol ang aking dila at hindi ako makabuo ng salita. Ang lahat ng ingay at bulung-bulungan sa paligid ay naglaho sa aking pandinig. Ito ay napalitan ng mabilis na ritmo ng pintig ng puso ko.

Si Ibarra naman ay nakikipagkumustahan sa mga panauhin.

Ang kanyang higit sa kainamang taas, kakisigan ng mukha at mga kilos ay nagbibigay hiyas sa isang malusog na kabataan. Ang katawa't pag-iisip ay kapwa pinaunlad sa pagkalinang. Sa kanyang matapat at masayang mukha ay nababakas ang ilang tanda ng dugong kastila.

"Hindi ka nagkamali!" ang makasandali'y naisagot ni Padre Damaso ngunit nabago ang kanyang tinig, "Ngunit hindi ko naging kaibigang matalik kailanman ang iyong ama."

Hindi ko narinig ang sinabi ni Ibarra ngunit nagdulot iyon ng matinding pagtanggi mula sa prayleng pransiskano. Ilang minuto pang nagdiskurso si Ibarra sa kumpulang iyon hanggang sa umalis si Tinyente Guevarra.

Akin sana siyang lalapitan upang kausapin tungkol sa nangyari kanina. Ngunit napako ang mga paa ko nang mapansing nag-iisa na lang si Ibarra.

Napag-isa si Ibarra sa gitna ng bulwagan. Wala roon ang may-bahay kaya't wala siyang makitang sinuman upang magpakilala sa kanya sa mga binibining panauhin. Gayong marami sa kanila ang nakatingin kay Ibarra at tila ninanais siyang mabati.

Makaraan ang ilang saglit na pag-aalinlangan, si Ibarra ay malugod na lumapit sa direksyon namin nang walang anumang pagkukunwari.

Narinig ko na naman ang impit na pagsinghap ng ilan. Kung iisipin ko nga ay mahihimatay na siguro sila sa sobrang kilig nang makita itong si Crisostomo Ibarra.

May sapat na distansya sa pagitan namin nang tumigil si Ibarra at maginoong yumuko upang bumati.

"Ipahintulot ninyong malabag ko ang mga tuntunin ng masusing pakikipagkapwa," aniya saka maayos na tumayo.

Mabilis niya kaming pinasadahan ng tingin. Saka ngumiti na nag-ani na naman ng iba't ibang reaksyon sa mga binibining malalapit sa amin.

"Pitong taon akong nag-ibang lupain. At sa pagbabalik kong ito sa aking bayan ay hindi ko mapigilan ngayon ang bumati. Lalo na sa inyong pinakamahahalagang mutya ng aking lupang sinilangan. Sa inyo, mga maririlag kong binibini," ang mabulaklak niyang pagkukuwento sa amin.

Sa lahat ng tauhan sa nobela ni Rizal, si Ibarra ang lubos naming pinag-aralan dahil sinisimbolo niya ang katauhan ni Dr. Jose Rizal. Ngunit ang lahat ng paglalarawan sa kanya sa mga libro't artikulo ay hindi mapaparisan ang totoong Juan Crisostomo Ibarra na nasa harapan namin ngayon.

Hindi sapat ang mga salitang maginoo, matalino, mapagmahal, malambing at mapagmalasakit upang ihambing kung gaano kahali-halina ang ilustradong ito.

Walang nakasagot sa pagpapakilala ng binata sapagkat ang lahat ay napatulala't napaamang sa matipuno nitong taglay. Pinigilan kong mailing dahil wala namang kahahantungan ang kanilang paghanga.

Si Ibarra ay iibig lamang kay Maria Clara. Dalisay ang pagsinta nito sa kanya kaya walang makakaagaw ng pansin niya rito sa handaan. Sa kadahilanang hindi dumalo si Maria Clara.

Kumirot bigla ang aking dibdib matapos kong isipin iyon. Sa tingin ko talaga ay magkakasakit ako sa mga susunod na araw. Ilang araw nang masama ang aking pakiramdam.

Napakunot ang noo ko at napahawak sa aking dibdib. Ramdam na ramdam ko ang kabog nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa.

Naiangat ko ang aking tingin. Sa saglit na nagtama ang aming mga mata, tumulo na ang mga luhang kanina pa nagbabadya sa aking mata.

Nanlaki ang mata ni Ibarra at ibig sanang aluhan ako. Ngunit agad akong nag-iwas ng tingin na para bang napaso ako sa kanyang tingin.

Bakit ako tumatangis? Hindi ako makahinga sa sikip ng aking dibdib. Ang sakit-sakit ng puso ko.

Hindi ko mawari ang dahilan ng aking nararamdaman ngayon. Ang unti-unting umuusbong na sakit na hindi ko matukoy ang pinagmulan ay lilalamon ang kasiyahan na aking nararamdaman kanina. Bakit ako nalulungkot sa tuwing nasisilayan ko ang ginoong ito?

Hindi ko alam kung anong problema sa akin.

Walang pakamali sa nangyayari sa akin, sina Sinang at Neneng ay mahinhing humaliklik habang nakatingin kay Ibarra. Tila iba ang pagkakaunawa nila sa inakto ni Ibarra nang makita niyang lumuha ako.

Huminga ako nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Ilang patak lamang ng luha ang itinangis ko ngunit lubha pa rin ang pangungulila sa aking puso.

Wala sa sarili akong napahawak sa aking kuwintas sa pag-aakalang labis lamang akong nananaghoy kay Yuan. Sa paglitaw ni Ibarra'y naipaalala nito ang relasyong mayroon kami ni Yuan. Tulad ng magiging pagsinta niya kay Maria Clara.

Wagas at panghabambuhay.

Nang sa palagay ko ay humupa na ang mabilis na ritmo ng pintig ng aking puso ay muli akong sumulyap kay Crisostomo Ibarra.

Walang tumugon sa amin kaya naman lumipat siya sa isang kumpulan ng kaginoohan.

"Mga ginoo," panimula ni Ibarra at muling yumuko, "Sa Alemanya po'y may ugaling kapag ang isang hindi kilala ay dumalo sa isang handaan gaya nito at walang sukat magpakilala sa kanya, siya na rin ang magpapakilala sa sarili at magsasabi ng kanyang ngalan,"

"Ito'y siya ring tinutularan ng mga ibang panauhin. Itulot ninyong gamitin ko ngayon ang gayong ugali, hindi sapagkat ibig kong magpasok dito sa atin ng ugaling dayuhan. Dahil may mga sarili tayong ugaling lalong magaganda, kung hindi sapagkat napipilitan akong gumawa ng gayon sa ganitong pagkakataon,"

"Nakapag-ukol na ako ng pagbati sa ating sariling langit at sa ating maririlag na binibini. Ngayo'y ibig ko namang makabati sa aking mga kababayan. Mga ginoo, ang pangalan ko po'y si Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin," malugod na pagpapakilala ng binatang maginoo.

Sa pagpapakilalang niyang iyon ay nagsimula nang makipagpalitan ng salita ang mga ginoo kay Ibarra.

"Binibini?" nag-aalalang tawag ni Neneng na nagpalingon sa akin.

"Huh?" wala sa sarili kong tanong.

Hindi sila sumagot bagkus ay mataman lang akong tinitigan. Agad naman akong natauhan at inayos ang sarili. Ayokong ipahiya ang aking sarili at ang reputasyong iniingatan ng familia Marqueza.

"Malaki na ang pinagbago ni Juan," pag-iiba ng usapan ni Sinang.

Nakatakip ang kalahati ng kanyang mukha gamit ang kanyang dalang abaniko. Ang mga mata niya ay nananatiling nakatuon kay Ibarra.

"Kilala niyo si Ibarra? Kung gayon ay bakit hindi ninyo siya binati?" pagtataka kong tanong sa kanila.

"Hindi kami ang dapat na unang sumalubong sa kanya. Masisiyahan ang ginoo kung si Maria ang unang binibining dudulog sa kanya," nakangiting tugon naman ni Neneng.

Marami pa sana akong itatanong sa kanila ngunit nag-anunsyo na si Kapitan Tiyago na handa na ang pagkain. Kaya't nagsipuntahan na ang mga panauhin sa mga mahahabang lamesa.

Inilibot ko ang aking tingin upang hanapin si Doña Soledad pero nauna niya akong matagpuan. Tinawag niya ako upang lumapit at sabay na magtungo sa lamesang kinabibilangan namin.

"Hindi ba tayo dadaluhan ni Albino sa hapag?" tanong ko sa doña habang saglit na nilingon ang lugar na hinihimpilan ni Albino.

Nginitian naman ako ng doña at iginiyang magpatuloy sa paglalakad. Sinabi niyang hindi raw sumasabay ang mga guardia civil sa pagkain ng mga maharlika ng Espanya.


Sa loobang bahagi ng bulwagan ay nakalatag ang apat na malalapad at mahahabang hapagkainan na gawa sa pinakinis na kahoy. Binarnisan ito at nilatagan ng ginantsilyong makakapal na sinulid. Napupuno ito ng mga sariwa at hinog na prutas, sari-saring putahe, mapuputing kanin at tila katas ng ubas na inumin.

Ang ika-apat na hapag ay para sa mga binibining walang kasamang nakatatandang peninsulares o insulares. Ang ika-tatlo ay para lamang sa mga mestizo't mestiza. Ang ikalawa ay mesa ng mga prayle at mga may katungkulan sa pamahalaan. Ang unang hapag ay para sa mga peninsulares.

Dumako kami ng doña sa lamesa ng mga mestiza habang nasa ika-apat na hapag sina Sinang at Neneng.

Mula sa kanilang pag-upo hanggang sa paghawak at pagkain ay kapuna-puna ang pagiging disiplinado ng mga panauhin. Hindi na naman ito bago sa akin dahil ganito rin ang paraan ng pagkilos naming magkapatid. Lalo na kapag kaharapan namin ang aming ama.

Habang nakain ay napatingin ako sa lamesa ng mga prayle at sandali akong natigilan. Napukol ko na naman ang aking tingin sa kanya dahil nakaharap siya sa aking gawi.

Bagamat napupuno ng bulung-bulungan ang bulwagan dahil sa sari-saring paksang napag-uusapan, nangingibabaw na naman ang tinig ni Padre Damaso.

Nagtatalo sila ni Padre Sibyla kung sino ang mauupo sa kabisera ng kanilang hapag.

"Binibining Mirasol, ituon mo ang iyong atensyon sa pagkain," pangaral sa akin ng doña nang mapansin niya ang pagtitig ko sa hapag ng mga prayle.

Agad ko iyong sinunod at kumain na lamang.

Masasarap ang pagkain. May ilang putahe na hindi ko namumukhaan ngunit nang aking tikman ay pamilyar ang lasa.

Ilang minuto lang ang lumipas ngunit naabala na naman ang aming pagkain dahil sa isang kalampag ng plato. Sa puntong ito ay hindi na lang ako ang napatingin sa lamesa ng mga prayle.

Nakabusangot na naman ang mukha ni Padre Damaso.

Kung ito nga ang unang kabanata sa nobela ay may hinala na ako sa nangyari. Palihim akong napailing at ipinagpatuloy ang pagkain.

Ito ang tagpo kung saan napunta sa prayleng pransiskano ang leeg ng manok. Hindi raw maganda ang ibig sabihin kapag sa iyo napunta ang parteng iyon.

Nagpatuloy ang maingay na diskurso sa hapag ng mga prayle ngunit pinili na lamang ng ibang panauhin na huwag silang pakialaman.

Matapos naming kumain ay tumayo si Doña Soledad at nagtungo sa lamesa ng mga prayle. Kinabahan ako sa kanyang ginawa dahil baka masamain ito ng mga prayle. Ngunit tumigil siya sa harap ni Kapitan Tiyago.

Wala akong nagawa kung hindi sumunod sa kanya dahil nakita ko ang pagsenyas ng mata ni Doña Soledad. Lumapit ako sa kanila ngunit naglaan ng sapat na distansya upang magkaroon pa rin ang doña at si Kapitan Tiyago ng pribadong pag-uusap.

Kasama sa hapag ng mga prayle ang ilang mestizo hanggang peninsulares na ginoo na walang kasamang mga binibini. Ang mga mata nila'y lihim na sumusulyap sa aking gawi. Tila nagwawari sa aking pagkakakilanlan at nais akong makapanayam.

May ilang ginoo ang nagtatama ng aming mata at nginingitian ako pero agad akong nag-iiwas ng tingin. Nakita ko rin ang pagtingin ni Ibarra sa aking direksyon ngunit hindi ako nangahas na tagpuin ang kanyang mga mata.

Ilang minuto pa ang itinagal ng kanilang pag-uusap bago ko napansin ang paglingon ni Kapitan Tiyago sa akin. Agad namang sumilay ang ngiti sa labi niya nang iangat ko ang aking paningin.

"Ikaw pala ang binibining laman ng bali-balita sa Santa Cruz. Tunay ngang nakakabighani ang iyong kagandahan," papuri ni Kapitan Tiyago na sinang-ayunan ng ibang ginoong nakarinig.

Mataman lang akong tinitigan si Padre Damaso na hindi ko mawari ang iniisip. Agad din namang bumalik sa pagkain si Padre Sibyla matapos akong sulyapan.

"Magandang gabi po, Don Santiago at sa inyo mga Reverencia, " pormal kong pagbati sa kanila habang yumuyuko't hinahawakan sa magkabilang gilid ang laylayan ng aking saya.

"Kami'y tutungo na pabalik ng San Diego. Doon na lang natin ipagpatuloy ang paksang ating pinag-uusapan," paalam ni Doña Soledad at yumuko sa mga prayle't ginoong nasa hapag nila.

Ganoon din ang ginawa ko bago tumalikod at lumayo sa kanila. Palihim akong sumulyap kay Ibarra habang natalikod. Lumukso ang aking puso nang magtama ang aming mga mata. Agad akong tumalikod at naglakad dahil sa kahihiyan.

Nahuli niya akong nakatingin sa kanya! Nakakahiya.

Napabuntong hininga na lang ako.

"Señora, binibini," pagsalubong sa amin ni Albino nang kami'y malapit na sa pintuan.

"Ikaw ba ay nakakain na?" bigla kong tanong kay Albino nang maalalang hindi ko siya nakitang kumain kanina.

Ngumiti siya sa akin at sinundan kami palabas.

"Tungkulin ko pong bantayan at siguraduhin ang inyong kaligtasan, binibini. Hindi ako maaaring lumiban para lang pawiin ang aking gutom," prenteng sagot ni Albino.

"Magpapaluto na lamang ako ng payak na hapunan pagdating natin sa San Diego upang makakain ka. Bilang sukli na rin sa iyong pagsama sa amin," pahayag naman ng doña na ikinatuwa naming dalawa ni Albino.

Paglabas namin sa tarangkahan ay sinalubong kami ng malamig na hangin. Maraming nakatigil na kalesa't karwahe sa harap ng tahanan ni Kapitan Tiyago. Ang mga poste ng ilaw ay hindi ganoon kaliwanag upang makita nang lubusan ang daan.

Ang nagniningning na liwanag ng buwan at mga tala ang siyang lubos na nakakatulong upang masilayan ang aming maaapakan.

Nakahinga ako nang maluwag nang lisanin namin ang bulwagang iyon. Hindi ako mapakali simula nang tumapak ako sa lupain ng mga de los Santos.

Inalala ko ang malamyos na tinig na aking naulunigan sa aming pagdating.

Mahal kong Maria... Nagbalik ka na.

Kanino ang makapagbabag-damdaming boses na iyon?

Na kung paano niya sambitin ang ngalan ko ay puno ng pagsinta.

Hindi kaya naririnig ko ang boses ni Yuan? Pero paano? Gustong gusto ko mang makita si Yuan ngayon ay imposible.

Tuluyan na kaya akong nahibang dahil sa mga kakatwang nangyayari sa akin dito?

"Hindi ko po nakikita ang ating kalesa sa paligid, señora. Ako'y lilisan lamang pansamantala upang rekisahin ang ating kutsero," pamamaalam ni Albino matapos niyang ipilig sa kaliwa't kanan ang kanyang ulo.

Rekisahin : Search

Habang hinihintay namin magbalik si Albino ay napatingala ako sa langit.

Madami akong nalaman sa gabing ito. Ang tahanan ni Kapitan Tiyago, ang paglitaw ni Padre Damaso at ang posibilidad na nasa loob ako ng nobela ni Rizal.

Marami pa ring butas para paniwalain ko ang aking sarili sa ikalawang teorya. Ngunit ito ang nakakalamang at malapit sa mga nangyayari ngayon.

Sa lahat ng nalaman at nakilala ko, iisa ang palaisipan pa rin sa akin. Iisa lang ang nagdulot at nagbigay ng maraming emosyon sa aking damdamin. Iisa lang din ang nakapagpabagabag sa akin ng ganito.

Ang pagsipot ng ilustradong binatang iyon sa handaang ito mula sa Europa. Ang pagdating ni...

"Isang matiwasay na gabi sa inyo, mga binibini," isang magiliw na pagbati ang nakapagpalingon sa akin.

Ang matipuno niyang tindig na sinamahan ng isang napakatamis na ngiti ay napakagandang tignan sa ilalim ng liwanag ng buwan.

"...Ibarra," wala sa sariling naisambit ko ang kanyang buong pangalan.

Mabuti na lamang na naisaboses ko lamang ang kanyang apelyido.

"Ginoong Ibarra, bakit ka naririto at wala sa handaan?" pagtataka ni Doña Soledad.

Nanatiling nasa akin ang mga mata ni Ibarra ng ilang segundo bago ito bumaling kay Doña Soledad.

"Ako po'y tutuloy sa bayan ng aking ama. Ibig ko na rin pong masilayang muli ang lupain ng San Diego," banayad at magalang na tugon ni Ibarra sa doña.

Natuod ako sa aking kinatatayuan habang hindi maalis-alis ang mga mata ko kay Ibarra. Ito ang unang beses na masilayan ko siya nang malapitan.

Ang marinig ang boses niya ng klaro at walang umaabalang ingay. Ang maramdaman ang mainit niyang presensya. Ito ang unang beses na nakaharap ko ang totoong Juan Crisostomo Ibarra bilang buhay na tao at hindi isang karakter lamang sa isang nobela.

"Kung gayon ay mabuti pang sumabay ka na sa amin dahil doon din ang aming tuloy," suhestiyon ng doña matapos ngumiti at bumaling sa akin, "Ano ang iyong pasya, Binibining Mirasol?"

Nabigla ako sa pagbanggit ng doña sa aking ngalan kaya nanlalaking matang napalingon ako sa kanya at agad na mapatikhim.

"T-Tama ang mungkahi ni Doña Soledad, Ginoong I-Ibarra," pautal-utal kong tugon at saka palihim na napapikit dahil sa kahihiyan.

Bakit kailangan ko pang mautal sa harap nila? Gusto ko nang lamunin ng lupa sa kahihiyan.

Hindi kasi ako sanay na tawagin si Ibarra na may kasamang ginoo.

"H-Hindi na po at baka naabala ko kayo," nautal ding pagtanggi ni Crisostomo Ibarra na nakapagpatingin sa akin sa kanya.

Hindi ko napigilang mapangiti at mapahagikhik sa reaksyon niya.

Tulad din ni Lucas ay namula ang kanyang tainga at nakasabit ang alanganing ngiti sa mukha ni Ibarra.

Maginoo nga talaga. Mailag din sa mga kababaihan.

Sa pagbungisngis ko ay napaangat din ang tingin niya't nagtagpo ang aming mga mata. Sandali kaming natigilan na wari ba'y nahihiwagaan sa isa't isa bago muling ngumiti at sabay na napatawa.

Nakakahawa ang kanyang ngiti na maging si Doña Soledad ay napakurba na rin ang labi.

"Nakakahalina ang iyong tawa, binibining..." huminto siya sa pagsasalita upang hintayin ang aking pagpapakilala.

"Ang ngalan ko ay Maria Sol," pagpapakilala ko rin kay Ibarra.

Dahil sa pagkawala sa sarili ay buong pangalan ko ang naibigay sa kanya. Ihahabol ko sana ang aking palayaw nang magsalita na ang ginoong ilustrado.

"Ako'y nagpakilala na kanina ngunit ibig kong personal na sabihin ang aking ngalan sa iyo, Binibining Maria," huminto si Ibarra upang yumuko, "Ang ngalan ko'y Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin."

Ngumiti ako bilang tugon kahit na matagal ko nang alam ang pangalan niya. Higit pa nga roon ang nalalaman ko ukol sa kanya dahil nagmula ako sa hinaharap.

Hindi na natuloy pa ang aming panayam dahil dumating si Albino sakay-sakay na sa kanyang kabayo. Kasunod niya ang aming kalesa.

"Narito na ang aming sundo, Ginoong Ibarra. Hangad namin ni Binibining Mirasol ang iyong gantimpala," pamamaalam ni Doña Soledad at iginiya na ako upang sumunod sa kanya.

Bago ako tumalima ay humarap muna ako kay Ibarra at muling yumuko.

"Isang karangalan ang makilala ka, Ginoong Ibarra," pamamaalam ko sa kanya bago umayos ng tayo.

Hindi alam ni Ibarra kung gaano niya naimpluwensyahan ang mga Filipino noon upang umaklas laban sa mga kastila. Kahit pa si Dr. Jose Rizal ang may akda sa kanya ay si Ibarra pa rin ang nagtulay ng ideyalismong ito sa mga tao.

"Tila napakataas ng iyong tingin sa akin, binibini. Ako'y di hamak na isang ilustrado lamang na wala pang naiaambag sa lipunan upang tawaging Reverencia," mababang loob na himpil sa akin ni Ibarra, "Ibig kong tawagin mo na lang ako sa aking ngalan, Binibining Maria."

Nanlaki ang mata ko at muling bumilis ang tibok ng aking puso. Nag-iinit na naman ang mga mata ko na parang gustong tumangis.

"Binibining Mirasol, tayo na," ang pagtawag sa akin ng doña.

(Until we meet again, Crisostomo.)
"Hasta que nos encontremos otra vez, Crisostomo," paalam ko at agad na sumunod kay Doña Soledad.

Hindi ko alam kung bakit Crisostomo ang aking nasabi at kung bakit si Yuan ang aking nasa isip nang mga saglit na sinambit ko iyon.

Nang makasakay ako ay agad nang umandar ang kalesa. Dumungaw ako mula sa bintana at tinanaw si Crisostomo. Nakangiti niya kaming hinatid ng tingin. Nang mapansin niyang nakatingin ako ay yumukod siya sa akin.

"Mukhang malapit ang loob mo sa binatang iyon," pahayag naman ng doña na nakapagpalingon sa akin.

"Hindi po, Doña Soledad. Sadyang interesenteng ginoo lamang si Crisostomo para sa akin," paliwanag ko upang hindi siya mag-isip ng iba.

Nagpasya akong tawagin na lamang si Ibarra sa kanyang ngalan. Gusto ko ang tunog ng kanyang pangalan sa tuwing ito'y aking binibigkas.

Ngumiti naman ang doña na parang may nais pang sabihin. Sa huli ay nagpasya siyang mag-iba ng paksa.

"Makakabalik tayo sa San Diego ng bukang liwayway na kaya naman kung iibigin mo'y maaari kang umidlip sandali," saad ni Doña Soledad.

Gustuhin ko man dahil malalim na ang gabi ay hindi ako dinadalaw ng antok. Gising na gising ang aking diwa dahil sa mga nangyari.

Tumingin na lamang ako sa labas at napatingala sa nagniningning na buwan. Nakangiti pa rin ang hugis nito na para bang nasisiyahan na naguguluhan ako sa mga nangyayari.

Itinaas ko ang aking kanang kamay upang takpan ang nakakasilaw na liwanag nito. Ngunit napadapo ang tingin ko sa aking suot na rosaryo at ang punseras na bigay sa akin ni Juan Vicente.

Ang dami nang nangyari magmula ng mawalay ako sa heneral. Hindi na namin siya mabibisita ngayon sapagkat gabing gabi na.

∙∙·▫▫ ≍ ⋟⋟۵ ⋟⋟۵⋞⋞ ▫≼≽▫ ⋟⋟۵⋞⋞ ۵⋞⋞ ≍ ▫▫·∙∙

Updates will be once a month with no exact date.

Na-miss kayo ni Mirasol! At nagpakilala na rin sa wakas ang male lead ng ating kuwento.

Papangalanan ko ang mga pagkain na inihain sa handaan dahil hindi ito kilala ni Mirasol.

Ang pagkakasunud-sunod ng mga pagkain ay mula kaliwa pakanan.

* Jamón Ibérico (Ham)
* Fideuà (Pasta with Shrimp)
* Churros (Bread)
* Pomegranate Wine (Drink)
* Seafood Paella (Fried Rice with Mussels)

Ilustrado Tawag sa mga Filipinong itinuturing na may mataas na pinag-aralan, nakababása at nakapagsa-salita ng wikang Español.

Ang kuwentong ito ay hindi pulido at maaaring makakita ng wrong spelling of words, wrong grammar in a sentence at typographical errors. Maaari akong itama sa bawat pagkakamaling makikita ninyo. Salamat sa pag-unawa.

Paalala na ang iba ay maaaring taliwas sa katotohanan. Sinasadya iyon ng manunulat dahil sa napakatinding rason.

彡Exrineance

𝘈𝘙𝘊 𝘐╹𝘜𝘯𝘭𝘰𝘤𝘬╻𝘐𝘧 𝘴𝘩𝘦 𝘵𝘶𝘳𝘯𝘴 𝘪𝘯𝘵𝘰 𝘢 𝘭𝘪𝘦

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro