Kabanata 15
Kabanata 15: Worried
Nakatingin lang ako kay Thalia habang isinasawsaw niya sa suka ang panglimang stick ng isaw na kinuha niya. Nakapalibot kami sa lalaking nagtitinda ng isaw. Halata na nakasanayan na ng mga taga rito ang pagbili sa kanya. Bahagya akong gumilid para iwasan ang usok mula sa ihawan.
"Sigurado ka bang ayaw mo talaga?" tanong niyang muli sa akin habang ngumunguya. "Hmmm?" Inalok pa niya sa akin ang stick na wala ng laman.
Tipid akong ngumiti bago umiling. Pinanuod ko siyang muling kumuha ng isa pang stick, ibinabad sa suka ng ilang segundo bago inisahang isubo. Napaubo siya dahil sa pagkabila kaya itinuro niya sa lalaking nagtitinda ang samalamig na ibinebenta rin niya.
"Pakibilisan, Kuya Tim. Nabulunan ako..." sabi niya sa nagtitinda.
"Ngayon lang kita nakita, hijo," biglang sabi sa akin ng nagtitinda. Inabot niya kay Thalia ang plastic cup na may samalamig. "Bago ka lang dito?" Tanong niya pa habang nagbibilang ng sukli bago inabot sa lalaking katabi ko.
"May binisita lang po..." sagot ko.
Iniwasan ko ring igala ang tingin ko sa ibang narito dahil sa hiya. Nakatingin sila sa akin at naririnig ko pa ang iba na pinag-uusapan ako. Lumunok ako bago binalingan na lang ng tingin ang umuusok na ihawan.
"Magkano po lahat, Kuya?" tanong ni Thalia bago itinapon sa basurahan ang plastic cup.
"Naanim kang isaw... Bale disiotso tapos limang piso para sa samalamig. Bente tres lahat."
Tumingin sa akin si Thalia. "Twenty-three pesos daw," saad niya sa akin.
Kinuha ko sa bulsa ko ang aking wallet at naglabas ng singkwenta pesos. Humaba ang leeg ni Thalia para sumilip sa wallet ko pero mabilis ding umalis ng tingin. May ibinulong siya na hindi ko narinig. Ibinigay ko ang bayad kay Kuya.
Kukunin ko na sana ang sukli na inaabot ni Kuya nang maunahan ako ni Thalia. Ngumiti ito sa akin bago ipinasok sa kanyang bulsa ang pera. Tumaas pa ang kilay niya.
Napabuntong-hininga na lang ako. "Pwede na ba kitang makausap ngayon?" Nakangiting tanong ko sa kanya. "Hindi na siguro drained ang energy mo."
Napapikit ako nang dumighay siya sa harapan ko. Humalakhak siya. "Ang arte mo!" sinapak niya pa ang balikat ko. "Tara na nga. Balikan na natin 'yong sasakyan mo baka napagtripan na nila 'yon at nawawala na ang isang gulong."
"Nagugulat ang bisita mo, Thalia. Dahan-dahan ka lang..." natatawang sabi ng nagtitinda sa kanya.
Hinila na ako ni Thalia papunta sa sasakyan ko. Sumandal siya sa harapan habang ako ay nanatiling nakatayo sa harapan niya. Bumagsak ang tingin ko sa kamay niya nang pasadahan niya ng kamay ang sasakyan ko.
"Alam mo bang pangarap ko ring magkasasakyan?" tanong niya sa akin.
Bumali ang leeg ko. Medyo curly ang buhok ni Thalia at may taas na katamtaman lang. Kayumanggi ang kulay ng balat. Dahil sa suka ay halos mamuti na ang kaninang pulang-pula niyang labi.
"Sabi mo kayo ang may-ari ng apat na palapag na apartment na 'yon? Bakit hindi ka pa makabili ng sasakyan?" Paunang tanong ko. "Sigurado naman akong malaki ang kinikita ninyo."
Tumawa siya bago tumayo nang maayos. "Maliban sa hindi sa 'kin napupunta ang mga pera dahil malamang na may magulang ako na siyang nagpapatakbo ro'n... Hindi pa nagbabayad ang iba." Umikot ang dalawang bilog sa kanyang mga mata. "Jusko! Kapag siningil ay sila pa ang galit."
"Kailan pa lumipat sa inyo si Aara?" tanong ko.
"Magtatatlong linggo na rin... Wala pa ngang downpayment ang bruhang 'yon! Buti na lang ay kaibigan ko siya at napakiusapan ko si Mama."
Magtatatlong linggo na rin pala sa lugar na ito si Aara. Hindi ko tuloy maisip kung paano niya nagawa ito. Kilala ko ang babaeng 'yon, masyadong pihikan sa lahat kaya nagulat din ako na sa ganitong lugar ko pa siya makikita.
"Magkano ba ang dapat niyang bayaran?"
Bahagyang natigilan si Thalia. Para siyang may naalala. "H-Huwag pala... Kilala ko ang bruhang 'yon. Baka masabunutan niya ako kapag nalaman niyang ikaw pa ang nagbayad."
"Wala akong sinabi na ako ang magbabayad..."
Ngumiwi ang kanyang labi. Umayos ito ng tayo at humalukipkip sa harapan ko.
"Hindi ko alam kung good boy ka ba o ano... Bakit hindi mo gayahin ang mga nasa telenovela. Mayaman ang lalaki kaya iaahon niya sa hirap ang kanyang mahal na babae. Mamumuhay sa palasyo..."
Kumunot ang noo ko. "A-Ano bang sinabi sa 'yo ni Aara? May nabanggit ba siya sa 'yo kung bakit dito niya napiling manirahan?"
Bahagyang tumango si Thalia. "Oo. Syempre..." tipid niyang sagot. Bahagyang tumaas ang dalawang kilay ko habang naghihintay sa karugtong. "Sabi niya ay umatras daw siya sa kasal niyo kasi hindi ka na niya mahal."
Tumagilid ang ulo ko. Naguguluhan ako sa rason na 'yon.
"Kaya nung sinabi niya sa magulang niya na hindi ka na niya mahal at gusto na niyang umatras sa kasala ay inalis daw lahat ng pera niya kapalit ng pagpayag. Credit cards and chuchu.... I wonder why? Naguguluhan din ako."
"Sinabi niya talaga 'yan?"
"Ayaw mong maniwala?" tinaasan niya ako ng kilay. "E 'di, 'wag. Pinipilit ba kitang maniwala?"
Umiling ako. "Hindi naman sa gano'n..."
"Ako ba? Wala kang itatanong tungkol sa akin?"
"Wala. Ngayon lang naman kita nakilala actually. I didn't know you were Aara's high school friend. Kasama ko siya lagi no'n kaya..." Bahagyang kumunot ang noo ko nang mamukhaan ko siya. "Don't tell me..."
Ngumisi si Thalia bago tumalikod sa akin at biglang humarap. Humampas ang kanyang buhok sa gilid na bahagi ng kanyang mukha habang kagat-kagat ang labi.
Natawa ako sa ginawa niya. "Kikay!" Namilog ang mata ko nang maalala ang pangalan na 'yon.
Humalakhak siya. "Seryoso ka? Hindi mo alam totoo kong pangalan? Kikay talaga? Palayaw ko lang 'yan."
Umiling ako habang natatawa pa rin. "Hindi kita nakilala..." mangha ko pa ring wika.
"Gumanda ba lalo?"
"Kumusta?" tanong ko.
Ngumuso siya. "Kanina pa kita kasama at kausap pero ngayon ka lang mangangamusta. Pero ayos naman... Heto... Naghahanap pa rin ng ka-forever." Natawa ako sa sinabi niya.
Panandalian kaming natahimik. Tumingala ako sa madilim na kalangitan. Wala pa ring butuin at maging ang buwan ay nagkukubli. Umihip ang malamig na hangin kaya mas humigpit ang kapit ko sa jacket.
"Nagsisinungaling siya..." Napatingin ako kay Thalia dahil sa sinabi niya. Seryoso ang kanyang ngiti. "Mahal ka pa niya... Alam mo ba kung bakit?"
Tumagilid ang ulo ko bago umiling.
"Kasi hindi ka niya sinipa sa tuhod at sinikmuraan gaya ng ginawa niya sa lahat ng lalaking nagtangkang lumapit sa kanya rito..."
Sa halip na matuwa ay nakaramdam ako ng galit. Sumeryoso ang mukha ko. Nawala rin bigla ang ngiti sa labi ni Thalia. "Tinangka siyang lapitan ng mga lalaki rito?" Tanong ko.
Gusto kong malinawan sa parteng 'yon. Kahit na alam kong hindi hayaan ni Aara na may gawing masama ang ibang lalaki sa kanya ay babae pa rin siya. Kaya siyang saktan ng mga 'yon. Iniisip ko pa lang na dumapo na ang kamay nila sa kanya ay kumukuyom na ang kamao ko.
"W-Wala na rin naman ngayon." Bahagya pa siyang tumawa pero alam kong hindi na 'yon totoo. "Pinagsabihan ko na rin ang mga tambay dito na kapag hinawakan nila si Aara ay ipapabaranggay ko sila. Kapitan kaya rito si Papa! Takot lang nila..." Pagmamayabang pa niya.
Madiin akong pumikit. "Siguraduhin lang nila na hindi na mauulit 'yon," bulong ko bago seryosong tumingin kay Thalia. "Hindi lang kulungan ang bagsak nila."
Biglang tumunog ang phone ni Thalia kaya kinuha niya ito mula sa kanyang bulsa. Bahagya siyang napapikit bago tumingin sa akin.
"Hinahanap na ako ni Mama... May itatanong ka pa ba?"
Lumunok ako bago bahagyang lumapit sa kanya. "Pwede bang sabihin mo sa akin lahat ng ginagawa niya? I mean... Everything. Gusto kong malaman."
Inilahad niya sa akin ang phone niya kaya itinipa ko roon ang phone number ko bago ito ibinalik muli sa kanya.
"Hindi ito libre..." Ngumiti siya.
I nodded my head.
"I'm counting on you..."
Nagulat ako nang halikan niya ako sa pingi. "Ang bango mo..." sabi niya bago tumakbo palayo.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa mawala na siya sa abot ng tingin ko. Sumandal ako sa sasakyan at bahagyang minasahe ang kamay ko. Tumingin ako sa paligid. Medyo tahimik sa parteng ito ng lugar pero sa kabilang dako ay medyo magulo.
Nag-vibrate ang phone ko kaya inilabas ko ito sa bulsa ng pants ko.
"Bango mo. Bayad kana pala. Hanggang sa susunod na kiss! Mwaps!" Napailing na lang ako bago isinave ang phone number niya.
Pumasok na rin ako sa sasakyan at mabilis na binuhay ang makina nito. Nakaramdam ako ng gutom kaya napatingin ako sa oras. Mag-a-alas onse na rin pala. Muli akong dumaan sa harap ng Celeste Apartment. Sa pinaka-entrance ay may guard na nakatayo. Wala siya kanina kaya malamang na ang duty lang niya ay sa ganitong oras. Mas nakahinga ako nang maluwag dahil do'n.
Pagkauwi ko sa bahay ay tahimik na rin. Pagkagarahe ko sa sasakyan ay isinara ko ang gate. Binuksan ko ang pinto. Tahimik na sala ang bumungad sa akin. Nakabukas pa ang mga ilaw na malimit gawin ni Aling Soreng kapag matutulog na siya pero wala pa ako. Nagtatampo nga sa kanyan minsan si Mommy dahil kapag siya ay nakapatay ang mga ilaw. Ang laging sagot lang ni Aling Soreng ay kasama naman niya raw si Dad kaya hindi siya matatakot.
Maingat ang mga yapak ko pero dinig na dinig pa rin dahil sa katahimikan. Napapikit ako sa gulat nang makita si Irene sa kusina. Nakayuko siya sa lamesa at halatang nakatulog na.
Lumapit ako sa kanya at tinapik nang marahan ang kanyang balikat.
"Hindi ko alam na nagbago na pala ang kwarto mo..." nakangiti kong biro sa kanya.
Ngumuso siya habang pumupungay ang mata. Tumingala siya sa wall clock.
"Kakauwi mo lang? Kumain ka na?" sunud-sunod na tanong niya.
Umiling ako bilang sagot. Tumango naman siya. "Iinitin ko lang ang sabaw..." sabi niya.
Umupo ako habang naghihintay. Napapikit ako nang mag-vibrate na naman ang phone ko sa loob ng bulsa. Wala pang isang oras nang ibigay ko kay Thalia ang phone number ko pero nasa sampong beses na niya akong tinext.
"Bagong sahod ngayon si Aara. Nagbigay na siya ng downpayment. Saka bukas daw ay magpapasama siya sa pag-grocery."
Sumandal ako sa upuan bago nag-type ng sagot. "Salamat. Huwag kang mag-alala, babayaran pa rin kita."
Napatingin ako kay Irene nang ibaba na niya sa mesa ang isang bowl ng mainit na sabaw. "Saan ka nga pala galing?" bigla niyang tanong.
Ipinatong ko muna sa ibabaw ng lamesa ang phone ko bago kumuha ng plato ang nagsandok ng kanin. Umupo naman sa tabi ko si Irene na pinapanuod ang bawat kilos ko.
"May inasikaso lang..." sagot ko.
Tahimik na kumain lang ako. Sinabi ko na rin kay Irene na ayos lang kung pumasok na siya sa kwarto at matulog pero tumanggi siya. Sabay kaming napatingin sa phone ko nang umilaw ito at dahil nasa bandang harapan 'yon ni Irene ay alam kong nabasa niya.
"Sorry..." ngumiwi siya.
Kinuha ko ang phone ko at ibinalik sa aking bulsa bago nagpatuloy sa pagkain. Napansin ko naman kay Irene na tila may gusto siyang itanong dahil sa maya't-maya niyang pagtikhim.
"Friend of mine..." sabi ko matapos uminom ng tubig.
Tumango naman siya.
Tumayo na ako at kinuha ang mga pinagkainan ko. Hinugasan ko ang mga 'yon bago pinunasan at inilagay sa lalagyan. Napatingin ako kay Irene nang tumunog ang phone niya.
Napatingin siya sa akin. "Business..." nakangiwing sabi niya.
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Napag-usapan na natin ito, hindi ba? May oras para riyan at huwag mong hayaan na pati ang oras na para sa sarili mo ay maubos din. Come on, Irene..." Sumimangot ako.
Sabay kaming lumabas ng kusina. Napailing ako nang makitang tutok na tutok pa rin sa kanyang phone si Irene habang naglalakad. Hinila ko siya palapit sa akin nang hindi niya mapansin na tatama na siya sa pader.
"Thanks..." bulong niya.
Natigilan kami nang marinig ang pagkabasag ng kung ano. Lumikha 'yon ng nakakagulat na ingay. Nagkatinginan kami ni Irene.
"Sa kwarto mo ba 'yon?" tanong ko. Sabay kaming napatakbo papunta sa kwarto niya. Bahagyang tumaas ang kaba sa dibdib ko.
Pagkapasok namin ay ang nakabukas na bintana ang unang bumungad sa amin bago ang nabasag na plorera sa gilid ng bintana. Tumakbo ako papunta sa bintana. Natanaw pa ng tingin ko ang isang lalaki na nagmamadaling bumaba sa gate at mabilis na tumakbo palayo.
"M-May pumasok?"
"Fuck!" Napatingin ako kay Irene na namumutla. Mabilis na lumapit ako sa kanya. "Sshhh... Huwag kang matakot." Iginaya ko siya sa kama.
"J-Jude..."
"Calm down, please..." I begged while looking in her weary eyes.
Napatingin kami sa pinto nang biglang pumasok si Daddy na halatang gulat din. Sumunod si Mommy at Aling Soreng na mukhang nataranta rin.
"A-Ano'ng nangyari?" tanong ni Mommy bago dinaluhan si Irene na hindi na napigilang umiiyak. "It's okay, sweetheart..." bulong niya.
"Magnanakaw..." bulong ni Dad bago isinara ang bintana at bumalin ng tingin sa amin. "I will call the cops..." Nagmamadaling lumabas ng kwarto si Daddy.
Nanatili akong nakatayo sa harapan nila Mommy at Irene.
Dinig na dinig ko pa rin ang mahinang hikbi sa bibig ni Irene at ang pagtaas-baba ng kanyang balikat habang nakayakap kay Mommy. Parang niyuyupi ang dibdib ko. Ito ang unang pagkakataon na narinig kong humikbi siya.
I closed my eyes. Kinalma ko ang sarili ko at nagpakawala ng mabigat na hininga. Binuksan ko ang mga drawer ni Irene. Tinignan ko ang mga display. Iginala ko ang mata ko sa kabuuan ng kwarto niya.
"W-Was he after me?" nanginginig na tanong ni Irene. Inabot niya ang tubig na ibinigay ni Aling Soreng ngunit hindi man lang niya ito nagawang inumin.
"No..." Napatingin sila sa akin. "Just a thief. Don't worry... Hindi na ito mauullit," panigurado ko pa.
Biglang pumasok ulit si Daddy. "Naitawag ko na ito sa pulisya..."
"P-Paano kung bumalik siya?" muling tanong ni Irene.
Napailing na lang ako. Napatingin ako kay Dad nang tapikin niya ang braso ko at sinenyasan na sumunod. Nauna na siyang lumabas. Muli kong binalingan si Irene na kahit papaano ay tumahan na rin.
Naabutan ko si Daddy sa sala. Nakaupo sa sofa habang nakasalikop ang dalawang kamay. Halata ang malalim na iniisip niya base sa malayo niyang tingin. Umupo ako sa tabi niya.
"What do you think, Jude?"
Bumuntong-hininga ako. "Mukhang wala namang nawala sa mga gamit ni Irene." Seryosong bumalin ako ng tingin kay Daddy na nasa malayo pa rin ang tingin.
"Hindi siya magnanakaw..." biglang sabi ni Dad.
Napalunok ako. "Do you think, Dad, was he really after Irene?"
Tumingin sa akin si Daddy. "Hindi pa natin masasabi. Ang mabuti pa ay siguraduhin mo muna na nakakandado ang bintana sa kwarto ni Irene bago siya matulog. Ibilin mo rin 'yon sa kanya."
Tumango na lang ako. Mayamaya rin ay dumating na ang mga pulis. Tinanong nila kami habang ang iba ay nag-ikot sa paligid ng bahay. Nagpaalam na ako kay Dad na papasok na nung matapos na akong matanong.
Naabutan ko si Mommy na palabas na ng kwarto ni Irene.
"How's she, Mom?"
"Terified. Pero nakatulog na siya. Kinandado ko na rin ang bintana." Lumapit sa akin si Mommy at tinapik ang balikat ko. "Such a good brother. She's safe... Magpahinga ka na rin," nakangiti pang sabi niya.
Napatango na lang ako. Wala akong nagawa kung hindi ang pumasok na rin sa kwarto ko. 1 A.M na pala. Mabibigat na rin ang talukap ng mata ko at ramdam ko na ang masyadong pagod. May pasok pa pala ako sa trabaho bukas.
Kinuha ko sa bulsa ang phone ko. Ipinatong ko ito sa malapit na lamesa nang hindi na tinitignan ang notification. Niyakap ko ang unan ko at ibinaon doon ang mukha ko hanggang sa makatulog na ako.
Kinabukasan ay hindi na rin ako nakapasok sa trabaho dahil sa tinanghali na ako ng gising. Naabutan ko sa salas si Irene na nagsusulat sa papel. Paminsan-minsan ay sumusulyap siya sa kanyang phone.
"Good morning..." Napatingin siya sa akin.
"Good afternoon..." pagtatama niya sa akin nang hindi man lang tumitingin sa akin. Masyado siyang abala sa mga ginagawa niya.
Tumabi ako sa kanya at pinasadahan ng tingin ang mga ginagawa niya. Mga order slip. Gamit naman ang phone niya bilang calculator. Huminga ako nang malalim nang maalala ang nangyari kagabi.
"You okay?"
Napatingin siya sa akin. "T-Thank you pala..." nakangiti niyang sabi pero halata pa rin ang bahagyang takot sa kanyang mata.
Umiling ako. "That's my job. You know? To protect someone I love," I grinned.
Ngumiti siya bago muling binalik ang tingin sa mga papel. "Medyo marami ang orders ngayon." Tumingin siyang muli sa akin. "Wait... Wala kang pasok?" tanong niya.
"Napasarap tulog ko eh..." I winked at her.
Ngumuso siya. "Ako ba ang dahilan? Come on, Jude. Nabigla lang ako kagabi kaya nagkagano'n ako. Subukan niya lang bumalik... May pepper spray na ako na ibinigay ng Mommy mo." Ngumisi siya sa akin.
"Tough girl..." Sinamaan niya ako nang tingin nang guluhin ko ang buhok niya. "Sorry..." Natatawa kong sabi bago inayos muli ang nagulo niyang buhok.
Pumunta muna ako sa kusina para magtimpla ng kape. Naabutan ko si Aling Soreng. Kumunot ang noo ko nang hindi man lang niya ako nagawang tignan, parang hindi niya naramdaman ang presensya ko.
"Aling Soreng?
"Jude!" natawa ako nang hampasin niya ang balikat ko dahil sa gulat. "Aatakihin ako sa puso dahil sa 'yong bata ka," natatawa pa niyang sabi.
Kumuha ako ng tasa. "Ayos lang po ba kayo?" tanong ko.
Lumapit siya sa akin at kinuha ang tasang hawak ko. Siya na ang gumawa ng kape ko. Hindi siya sumagot at halatang malalim ang iniisip. Pagkaabot niya ng tasa sa akin ay ipinatong ko ito sa lababo.
"Aling Soreng?"
Napatingin siya sa akin. "M-May napansin din kasi akong lalaki na parang umaaligid sa labas tuwing gabi."
Napalunok ako. "Ganito po ang gawin ninyo, Aling Soreng. Kahit na wala pa ako o sina Mommy at Daddy sa gabi ay ikandado mo na lahat ng bintana at pinto."
Tumango siya.
"Saka ang dami mong armas dito sa kusina, Aling Soreng..." Natatawa kong sabi habang tinitignan ang mga kasangkapan. "Hampasin mo ng kawali sa mukha," biro ko pa.
Tumawa lang siya. Napapaagaan ko ang pakiramdam nila pero sa sarili ko ay hirap akong gawin. Paano kung isa nga sa amin ang pakay ng lalaking 'yon? Ipinilig ko ang ulo ko bago kinuha ang tasa ng kape at muling bumalik sa sala.
Umupo ako sa tabi ni Irene at ipinatong sa gilid ang tasa ng kape.
"Oo nga pala, Jude..." Tumingin sa akin si Irene. "Mamaya ko na kasi imi-meet ang taong gagawa ng mga deliveries. Pwede bang samahan mo ako?"
Mabilis naman na tumango ako. "Syempre naman..." Sumandal ako sa sofa at hinila siya sa aking braso. "Ang lakas mo kaya sa akin."
"Ang sweet..." natawa ako nang pisilin niya ang ilong ko.
"Hindi ito libre. Kumikita ka na. Baka kailangan mo akong ilibre?" Ngumisi ako.
Tumawa siya bago kumawala sa pagkakaakbay ko. "Sige ba... Pero sa ngayon ay maligo na muna tayo bago makipag-meeting."
Pumasok na ako sa kwarto ko para maligo. Matapos kong maligo at tumayo ako sa harapan ng salamin para ayusin ang sarili ko. Ilang minuto lang ay umalis na rin kami. Pumunta kami sa meeting place, isang coffee shop hindi kalayuan sa labas ng subdivision namin.
Nakikinig lang ako sa usapan nila habang sumisimsim sa kape. Disente naman ang napiling tao ni Irene at medyo may maalam na rin siya sa mga deliveries dahil minsan na siyang nagtrabaho sa ganito. Ngumiti si Irene bago nakipagkamay sa kanya.
Pinanuod ko hanggang sa makalabas ng coffee shop ang lalaki. Malaki ang ngiti sa labi ni Irene nang humarap siya sa akin.
"Medyo gwapo rin 'no?" tanong niya sa akin.
"Mukhang magkakaroon ka ng bagong insipirasyon ah," ngumisi ako.
Tumawa lang siya. Pumunta kami sa isang mall para sa pinangako ni Irene na libre. Sa mga nagdaan na pangyayari ay natutunan kong luwagan ang kapit kay Irene. Hindi naman ako nagsisi dahil mas sumaya siya. Hindi na rin kami nakakalabas tuwing gabi dahil madalas ay pagod kaming dalawa sa trabaho.
Malawak ang ngiti sa akin habang bitbit ang mga binili niya para sa akin. Damit, pabango at cap.
"Hindi ko naman siguro naubos ang kita mo?" Tanong ko kay Irene na kumakain ng ice cream.
Tumawa siya bago umiling. "Wait...Is that Aara?" Sinundan ko ang tingin niya.
Humigpit ang hawak ko sa mga paper bags nang matanaw si Aara, kasama si Thalia at isang lalaking hindi ko kilala. Tumingin ako kay Irene na nakatingin sa kanila.
Iginaya ko siya sa malapit na upuan. "Hintayin mo ako rito..." bilin ko. Tumango naman siya. Itinabi ko sa kanya ang mga paper bags bago pumunta sa direksyon na tihanak nila Aara.
Naabutan ko silang nakapila sa sinehan. "Would you mind if I join you?" Napatingin sila sa akin.
Nanlaki ang mata ni Thalia habang si Aara ay nakatingin lang sa akin. Ngumisi ako nang wala man lang reaksyon sa kanyang mata.
"Kaibigan mo?" tanong ng lalaki kay Aara.
Umiling si Aara bago umikot ang kanyang mata. "Ano na naman, Jude?"
"Kasama ba sa freedom na sinasabi mo ang panlalalaki?" Tinaasan ko siya ng kilay. "Oh baka rason mo lang ang kalayaan para magawa mo?"
Tamad na napatingin na lang sa akin si Aara. "Kuya!" tawag nyai sa guard, malapit sa bilihan ng ticket. Lumapit naman siya sa amin. "Nanggugulo po ang lalaking ito."
Natawa ako sa sinabi niya. Napatingin naman sa akin ang guard. "Excuse me, Sir? May problema po ba?" tanong niya sa akin.
Ngumisi ako kay Aara na nakangisi rin. "Enjoy..." bulong ko bago tumalikod at nag-umpisa nang umalis doon.
Masyadong mabigat ang yapak ko pabalik. Natigilan ako nang hindi ko maabutan si Irene sa pwesto niya nang iwan ko siya. Ang tanging naiwan lang do'n ay ang mga paper bags. Mabilis na umakyat ang kaba sa dibdib ko nang makita sa lapag ang ice cream na kinakain niya kanina, natunaw na ito.
Madiin akong napapikit at tumingin sa paligid. Nanginginig na kinuha ko sa bulsa ko ang phone ko at tinawagan siya pero walang sagot. Mabilis na naglakad-lakad ako habang palinga-linga sa paligid.
"Where the hell are you?" I whispered.
Masyado na akong kabado... Hindi mawala sa isipan ko ang nangyari kagabi. Napapangiwi na ako dahil sa mga taong nakakabunggo ko dahil sa pagmamadali. Halos magala ko na ang buong mall bago napagpasyahan na bumalik.
Hinga na hingal na ako habang naglalakad.
Halos manlambot ako nang makasalubong si Irene. Natigilan din siya sa paglalakad, bitbit ang mga paper bags. Basa rin ang blouse niya. Nagkasalubong ang mga tingin namin.
"J-Jude..."
"Where the hell have you been?!" Hindi ko napigilang mapagtaasan siya ng boses. May mga napatingin sa akin dahil sa lakas ng boses ko pero nanatili ang tingin ko kay Irene.
Lumunok siya. "N-Natapon kasi sa blouse ko ang ice cream kaya pumunta ako sa CR... Sorry..."
Isang hakbang ang ginawa ko bago siya niyakap nang mahigpit. "Tangina... Papatayin mo ba ako sa kaba?" Pumikit ako bago mas hinigpitan ang kapit sa kanya. "Sorry for cursing... I was just worried," bulong ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro