Ephemeral Soul
Tatlong araw.
Sa loob lamang ng tatlong araw na nagkasama tayo, marami akong natutunan tungkol sa reyalidad ng buhay.
Una kitang nakita sa isang parke na mistulang inabandona na ng mga mamamayan sa lugar dahil sa kalumaan at hindi kaaya-aya nitong hitsura.
Naabutan kitang nakaupo sa isang bench na mag-isa habang nakayuko ang ulo at hawak-hawak ng iyong mga kamay ang hinubad mong makapal na salamin sa mata.
Lumapit ako sa'yo at umupo sa iyong tabi. Hindi ka man lang tumingin sa akin at tila hindi mo napapansin ang presensya ko gayong nasa tabi lamang kita.
Isa lang naman ang rason ko kung bakit kita nilapitan. Gusto kong bigyan kita ng isang panyo upang mapunasan mo ang mga luhang umaagos mula sa iyong mala-tsokolateng mga mata.
Ang totoo kasi niyan, ay likas talaga akong maawain sa mga tao. Nakakaramdam kasi ako ng kirot sa dibdib sa tuwing nakakakita ako ng mga umiiyak.
Nang ilahad ko sa'yo ang panyo, napaangat ang iyong tingin dahilan upang magkatagpo ang ating mga mata.
Ako'y natigilan at napaawang ng bahagya ang aking labi nang makita ko ang isang pamilyar na tao sa iyong mga mata.
Ang aking sarili.
Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang kaba na nararamdaman ko at tila bumabalik na naman sa aking isipan ang aking nakaraan na pilit ko nang tinatakasan.
"Mukhang mas kailangan mo iyan kaysa sa akin." Napatingin ako sa mga kamay mong itinutulak pabalik ang kamay kong naglalahad ng isang puting panyo.
Hindi ko namalayan na bigla nang lumabo ang aking paningin dahil sa mga luhang nagsisimula na namang bumuo sa aking mga mata.
Pilit akong ngumiti sa iyo kahit pa nanginginig na ang bibig ko dahil sa nagbabadyang pagtulo ng aking mga luha.
Ang buong akala ko ay matutulungan kitang mabawasan ang lungkot na iyong nadarama ngunit nakalimutan kong hindi ko nga pala magawang tulungan ang sarili ko na maibsan ang kalungkutan sa loob kaya paano nga ba kita matutulungan hindi ba?
"Kyrell, "pagpapakilala mo sa akin at kasabay ng iyong pagngiti ay ang kamay mong nakalahad upang akin itong tanggapin.
"Raven." Tinanggap ko ang iyong kamay tapos ngumiti pabalik. Isang ngiting alam naman nating walang kahulugan at walang buhay.
Malamig. Malamig ang iyong kamay pero napakalambot nito katulad lamang ng kamay ng isang bata.
Tayo ay nag-usap pagkatapos ng ating pagpapakilala. Sari-saring mga topiko ang ating tinalakay tungkol sa ating mga sarili at alam mo ba kung anong pinakanagustuhan ko na nalaman ko tungkol sa iyo?
Ang iyong kaarawan.
Nalaman ko na magkapareho pala tayo ng kaarawan at tatlong araw na lang simula ngayon ay idaraos na natin ang ating kaarawan ngayong taon.
Siyempre, hindi ako nagpatalo sa pagkuwento tungkol sa mga karanasan ko sa buhay. Ikinuwento ko sa iyo kung anong klaseng buhay mayroon ako...dati.
Natawa ako sa iyong ikinuwento nang sabihin mong natatakot ka pala sa mga matataas na lugar at hindi ka marunong lumangoy ng tubig.
Ang sabi ko pa sa iyo na kapag nahulog ka sa tubig at hindi ka makalangoy, tutulungan kitang makaahon pero alam mo kung anong itinugon mo sa seryosong pahayag ko sa iyo? Tumawa ka lamang sabay iling at paggulo ng aking makli at kulay itim na buhok.
Nang humupa na ang kasiyahan at kakwelahan natin habang tayo ay nagkukwento tungkol sa ating mga sarili, sabay tayong napabuntong hininga at napasambit ng parehong salita na ikinagulat natin pareho.
"Gusto kong tapusin na ang lahat." Kasabay ng ating pagsambit sa mga katagang iyon ay ang pagtulo ng malalaking patak ng ulan sa ating bunbunan.
Unti-unti nang lumakas ang pagpatak ng ulan at hindi ko alam kung luha ba ang tumutulo mula sa aking pisngi o tagatak ng ulan na bumubuhos sa aking mukha.
Tago.
Mahilig akong magtago ng aking tunay na nararamdaman at ni isang tao ay walang nakahalata o nakaramdam na nasasaktan na ako.
Nagpasalamat ako sa ulan dahil sa pagtulo nito sa aking pisngi ay nagsilbing daan ko upang maitago ang mga luhang tumutulo na mula sa aking mga mata.
Sa kabilang kalsada, doon sa may tapat ng parke, nakikita ko ang mga nagsisitakbuhang mga tao at humahanap ng pwedeng masilungan.
Natawa ako nang bahagya dahil sa halip na tayo ay sumilong na rin kagaya nila, ay nagawa pa nating manatili at magpakabasa rito sa rumaragasang malakas na ulan.
Alam kong pareho lang tayo ng iniisip noon kung bakit hindi natin magawang umalis sa ating pwesto at humanap ng masisilungan.
Pareho na tayong napagod. Napagod kahahanap ng pwedeng masilungan kaya heto tayo, nanatili magpabasa na naman sa maulan na klaseng buhay.
Bakit pa nga ba tayo maghahanap ng masisilungan? Labis na walang-wala na akong nararamdaman sa loob nang matanto kong sobra na akong napapagod sa ganitong buhay.
Tumingin ako sa iyo at nakita kitang nakayuko, suot-suot ng iyong mga mata ang basang makapal na salamin at nakita kong ika'y nakapikit.
Ilang sandali pa ay naramdaman na natin na tumila na pala ang ulan. Basang-basa na tayong dalawa pero wala tayong pakialam.
Tumayo ka na lang bigla at humarap sa akin. Nakangiti ka...Nakangiti ka pero wala akong makitang ni isang emosyon sa iyong mga mata pero pinipilit mong iguhit sa iyong mga labi ang ngiting hindi ko man lang makitaan ng saya o buhay ng kahit kaunti.
"Gusto mo bang sumama sa akin?" Napakalalim ng iyong boses at puno pa ito ng sinceridad na nakapagbigay sa akin ng senyales na ika'y aking pagkatiwalaan.
Ako'y masyadong nahirapan magtiwala.
Alam mo bang natatakot akong magtiwala muli sa iba sapagka't kalahatan sakanila ay nagsabi na ng katagang 'Nandito kami palagi para sa iyo.' Halos lahat sila ay nagsabi no'n at kalahatan ay umalis at ako'y iniwan.
Pero sa hindi malamang dahilan ay wala sa sarili kong tinanggap ang iyong alok at sumama sa iyo kahit pa saan mo ako dalhin. Tutal, inisip ko na walang-wala na naman ako kaya pinili ko na lang na sumama kahit hindi pa kita lubos na kilala.
Habang ika'y nagmamaneho ng iyong sasakyan, hindi ko maiwasan na maamoy ang napakabango mong sasakyan. Rosas? Lavender? Ang alam ko lang ay amoy bulaklak ito at sobrang sarap simhutin ng aking ilong.
Tahimik lamang tayong dalawa sa gitna ng biyahe at ni isa sa atin ay walang bumasag ng katahimikan. Tanging tunog lang ng iyong makina at pati na rin ang mga nagdaraang sasakyan sa labas ang tangi kong maririnig.
Nagulat ako nang ihinto mo ang sasakyan sa isang abandonadong riles dito sa ating bayan.
Bumaba tayo mula sa sasakyan at pinagmasdan ang magandang tanawin ng lugar.
Ang mga riles ay matagal nang hindi ginagamit kaya ito'y kinakalawang na sa sobrang kalumaan.
Sa unang pagkakataon ng aking buhay ay lumigaya ako habang binabalanse ang aking sarili na tumatawid sa may riles. Hindi ko pa naranasan ang maglaro at tumawid rito sa may riles kaya sobra akong natutuwa.
Naririnig kitang tumatawa at alam kong pinapanood mo lamang ako riyan sa may gilid ng sasakyan.
Nang lumingon ako sa'yo, hindi ko namalayan na ako'y nawalan ng balanse at biglang natapilok sa may riles at kaagad nadapa sa lupa at bumagsak ang aking katawan.
Ramdam ko ang sakit ng aking kanang paa na pakiramdam ko ay napilay ito.
Kaagad kitang nakita na tumakbo papalapit sa akin sabay tingin sa aking paa.
Tinanggal mo ang rubber shoes kong suot at biglaang itinuwid ang paa ko. Kaagad akong napasigaw sa sakit habang hinihigit ng aking kamay ang iyong balikat.
Nagulat na lamang ako nang bigla mo akong buhatin dala-dala ang isang pares ng aking sapatos at dinala sa loob ng sasakyan.
Tumingin ka sa akin at humingi ka ng tawad na dinala mo ako roon. Pero, ang totoo niyan ay hindi mo kasalanan na dinala mo ako roon kasi nakaramdam ako ng isang panibagong kasiyahan na matagal ko nang hindi nakamtan.
Kinabukasan, ay natagpuan ko ang aking sarili sa iyong sasakyan. Nakita kita sa labas ng sasakyan at nakasandal sa unahan nito habang umiinom ng isang lata ng beer.
Lumabas ako at naglakad papalapit sa iyo habang paika-ika pa rin ang lakad dahil sa pagkatipalok ko kahapon.
"Heto." Inalok mo sa akin ang iniinom mong beer kaya kaagad ko itong tinanggap at ininom.
"Ano nga ba ang kwento mo, Raven?" Tanong mo sabay tingin sa harap. Hindi ka man lang tumingin sa akin habang itinatanong iyon.
Huminga ako ng malalim bago ko isinagot ang iyong katanungan.
"Kahapon ako lumayas sa amin. Gusto ko na lang maglaho na parang bula sa lahat. " Panimula ko sabay lagok ulit ng beer.
"Kaya pala kahapon bakas na bakas sa iyong mga mata ang iyong kalungkutan." Ngumiti ka sa akin ng mapait bago ibinalik ang atensiyon sa harapan.
Ikinuwento ko sa iyo ang nangyari. Masaya ako na ikuwento sa iyo ang tungkol sa aking pamilya. Sa aking pinakamamahal na mga magulang na sina mama at papa.
Ikinuwento ko sa'yo kung paano nagbago ang masaya kong buhay dahil sa isang gabing naganap dalawang buwan na ang nakalilipas.
Pumunta ako sa bahay ng aming team captain sa isport na volleyball upang kami'y magkasiyahan sa aming tagumpay sa laro. Nakamit namin ang kampeonato at dahil dito, ang aming team captain na si Lili ay nag-imbita na ipagdiwang namin ang tagumpay ng grupo sa kanilang tahanan.
Isang gabi lamang iyon.
Isang gabi na puno ng maiingay na tugtugan, sayawan, at kwentuhan ang naganap habang ipinagdiriwang ang tagumpay ng grupo.
Kalasingan.
Kalasingan ang inabot naming lahat nang kami'y magsimula nang mag-inuman kasama ang aming mga kaibigan at kagrupo.
Alam ko.
Alam kong nalasing din ako ngunit nang sumapit ang umaga ay ni isang memorya noong gabing iyon pagkatapos ng aming inuman ay wala na akong matandaan na kahit ano.
Isang video.
Isang video ang kumalat sa lahat at ipinadala ang video na ito sa aking cellphone.
Si Lili ang nagpadala nito sa akin at sinabihan akong nagkalat na nga ang video na ito sa buong eskwelahan.
Kalaswaan.
Iyan lamang ang masasabi ko sa video na iyon.
Nakita ko ang sarili ko na hinahalikan ako ng iba't ibang lalaki na kabilang lahat sa grupo ng basketball varsity at pinagsamantalahan.
Batid ko ay umabot sa lima ang kanilang bilang at akin pang maririnig ang kanilang mga tawanan at hagikhik habang ginagawa iyon.
Nang sabihin ko iyon sa iyo, ika'y nagulat at nahalata ko sa iyong mukha na ika'y naaawa na sa akin.
Ngumisi ako sa iyo.
"Hindi pa roon nagtatapos ang aking kalbaryo." Wika ko tapos ay ipinagpatuloy ang aking kwento.
Sinabi ko sa iyo na pagpunta ko pa lamang ng eskwelahan isang araw matapos ang gabing iyon, lahat ng mata ay nakatingin sa akin.
Pandidiri, kasuklam, pang-iinsulto. Ilan lamang iyan sa mga natanggap ko sa mga estudyante roon sa aming eskwelahan. Sari-saring masasakit na salita ang natanggap ng aking tenga at sari-saring karahasan ang natanggap ko mula sa impyernong iyon.
At alam mo ba kung anong masakit? 'Yong ikaw ang nabiktima pero ikaw ang sinisisi ng lahat at inaakalang ginusto rin ang nangyari.
Naiinis ako sa sarili ko no' n dahil hindi ko man lang magawang maalala ng nangyari. Hindi ko man lang masagot ang tanong na 'Ginusto ko ba talaga iyon?' dahil wala akong matandaan sa gabing iyon.
Hindi ko man lang maipagtanggol ang aking sarili sa kanilang lahat.
Pag-uwi ko ng bahay, masayang sumalubong sa akin ang aking mga magulang. Nais ko silang hagkan, yakapin at humingi ng tulong pero hindi ko makaya. Labis akong nanlumo nang malamang hindi nila napansin na ako'y malungkot at mabigat ang pinagdadaanan.
Mayroon akong masayang pamilya at mabubuting mga magulang kaya ayaw ko 'yon masira kapag sinabi ko ang bagay na iyon sakanila.
Alam mo ba nang pumasok si mama sa aking silid at hinaplos ang aking mukha gamit ang kamay niyang ubod ng lambot at puno ng pagmamahal, ay bigla akong naiyak.
Naiiyak ako dahil hindi magawang maipalabas ng takot kong mga bibig ang totoo kung bakit ako nagkagano'n.
Nahalata niya na may mali sa akin ilang araw na ang nakaraan. Hindi ko inakala na mahahalata ni mama na ako'y may pinagdadaanan. Gusto kong sabihin sakaniya ang totoo, pero hindi ko magawa.
Nang tanungin niya ako, sinigawan ko siya.
Hindi ko alam kung bakit punong-puno ako ng galit noon at nagawa kong ipagtabuyan ang aking sariling ina at itulak ito palayo sa madilim kong mundo.
Nakapagsabi ako ng masasakit na mga salita sakaniya na alam kong nagdulot ng sugat sa kaniyang puso bago ko nilisan ang aming tahanan.
Ilang araw ang nakalipas, nakatanggap ako ng isang tawag mula sa aming telepono sa bahay.
Si papa.
Tumawag si papa at naririnig ko ang paghikbi niya sa kabilang linya.
Doon na ako nakaramdam ng kakaibang kaba. Ipinalangin ko talaga noon na sana ay walang nangyari noong panahong nawala ako sakanila.
Pero huli na ang panalangin ko iyon.
Wala na si mama.
Naabutan ko siya sa ospital na walang buhay at puno ng sugat ang kaniyang katawan. Naaksidente siya sa pagmamaneho ng aming sasakyan habang hinahanap kung saan ako pumunta.
Napakasakit isipin na ang huling pagkikita namin ng aking ina ay noong sinigawan ko at pinagsalitaan siya ng mga masasakit na salita.
Napakasama ko nang magawa ko pa siyang ipagtabuyan at sugatan ang puso niyang buong buhay lamang akong inalagaan at minahal.
Kung pwede ko lang sana maibalik ang nakaraan ay babaguhin ko ang nangyaring iyon at sinabi sana ang totoo sakaniya.
Pero huli na. Masyado nang huli ang lahat upang mabago ko iyon. Wala na siya. Wala na ang mama ko.
Noong libing niya, lahat ng taong dumalo roon ay tila binibigyan ako ng mga tingin na mapanuya. Alam nilang ako ang may kasalanan sa sinapit ng aking ina.
Sari-saring bulung-bulongan ang aking natanggap mula sa lahat at ang tanging tugon ko lamang rito ay ang itago ang lahat sa aking dibdib.
Kahit pa ganoon ang kasalanan ko kay mama at papa, pakiramdam ko ay bumagsak at nanlumo na nang tuluyan ang aking puso nang yakapin ako ni papa.
Sinabihan niya akong tanging isa't isa na lamang ang maaari naming sandalan simula no'ng sandaling nawala na si mama at sinabihan akong 'wag kong sisisihin ang aking sarili sa mga nangyari.
Masayang pamilya.
Mabubuting mga magulang.
Mapagmahal at maaruga sa kanilang anak.
Naranasan ko iyon pero pilit ko itong ipinagtabuyan at takpan ang aking sarili at piniling mapag-isa sa akalang iyon ang makakabuti.
Sinabi ko rin sa iyo na isa akong malaking hangal at makasalanan.
Ako ang dahilan kung bakit ako napagsamantalahan ng mga lalaki iyon at ako ang dahilan ng pagkamatay ng aking ina.
Sa tuwing dumaraan ako sa harap ng mga tao, tanging ang mga kasalanan kong iyon ang kanilang nakikita.
At totoo naman. Makasalanan nga ako at nararapat ngang tratuhin akong ganoon.
'Di nagtagal ay nasanay na ako sa mga mapanuyang titig at nakakasugat na salitang binibitawan nila sa akin.
Naramdaman ko na kasi na wala nang laman ang aking dibdib. Ni isang sakit ay wala na akong nararamdaman.
Manhid.
Tama, namanhid na nga ata ako ng mga sandaling iyon.
Huminto na nang tuluyan ang patuloy na umiikot kong mundo. Pinabayaan ko silang ibato sa akin lahat ng paninira at pangungutya.
Napapagod na talaga ako.
Napapagod na akong mabuhay pa sa mundong ako lamang ang sumisira.
Hindi rin naman pala nagkakalayo ang ating kuwento sapagkat nang ikuwento mo ang iyong buhay, nakaramdam ako na pamilyar pala tayong dalawa.
Hindi tayo nagkakalayo sa isa't isa.
Kaya naiintindihan ko kung bakit tayo ay napagod na at nais nang tapusin ang buhay na ang tanging ibinibigay lamang natin ay perwisyo at sala.
Matapos ang ating pagkukuwentuhan ay hinawakan mo ako sa aking braso at dinala sa isang lugar na puno ng mga sari-saring bulaklak.
Napahiga ako sa lupang may nakatanim na mga bulaklak at tiningnan ang kalangitan. Napapikit ang kaliwa kong mata nang tumama rito ang masilaw na sikat ng araw.
Kung ganiyan lang siguro kasilaw at kaliwanag ang buhay ko ay hindi sana ako magpapayakap sa dilim na aking tinatamasa ngayon.
Kaagad akong nagulat nang humiga ka rin sa tabi ko at tumingin na rin sa kalangitan.
"Kailan?" Tanong ko sa iyo at tumagilid ako upang makaharap sa iyo.
Tumagilid ka na rin at hinarap ako. Hinawi mo ang iilang buhok na tumatakip sa aking mga mata at inilagay ito sa likuran ng aking tenga.
"Sa kaarawan nating dalawa." Ngumiti ka sa akin. Isang ngiting alam kong totoo at nais nang makawala sa mapait na mundong ito.
Nang pagmasdan ko ang iyong mukha, hindi ko maiwasan ang mamangha sa mala-tsokolate mong mga mata.
Napakaganda.
Dahan-dahan kong tinanggal ang salamin na suot mo.
"Ang ganda ng mga mata mo," sabi ko sa iyo.
Tumitig ka sa akin ng diretso sa akin bago ngumiti. Hindi ka sumagot bagkus ay tinitigan lamang ako sa aking mga mata hanggang sa naramdaman na natin na ang masilaw na sikat ng araw ay tinatabunan na ngayon ng makakapal na itim na mga ulap.
Natawa ako sa pangyayaring iyon.
Naalala ko kasi ang buhay ko dati.
Maaliwalas at maliwanag. Hanggang sa dumating ang maitim na ulap na nagbigay kadiliman sa buhay kong masaya at kontento.
Nasisilip ko pa ang liwanag sa madilim na buhay kong iyon pero hindi ko iyon tinanggap at pinili na sakupin ng kadiliman ang aking sarili.
At heto tayo, hinihintay ang ating kaarawan kung saan kasabay ng pag-dagdag ng ating edad ng isang taon ay ang pagtapos na natin sa ating buhay.
Bumangon ako at tayo ay tumungo sa iyong sasakyan. Pumasok tayo sa loob at nang paandarin mo na ang makina nito ay nakita ko na naman at narinig ang malalaking patak ng ulan na ngayon ay bumubuhos sa iyong sasakyan.
"Alam mong may buhay ka pang babalikan hindi ba?" Nagawi ang tingin ko sa'yo pero hindi ka nakatitig sa akin.
Sa halip ay tinititigan mo ang ulan na pumapatak sa harap ng iyong sasakyan.
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaunting kirot nang itinanlng mo iyon sa akin.
Hindi kita maintindihan.
Pinili ko na lamang na tumahimik at pagmasdan kasama ka ang ulan na noo'y nakakabingi na ang tunog sa ating mga tenga.
Ilang sandali pa ay nagmaneho ka na at dumako tayo sa isang dalampasigan matapos ang isang oras na biyahe.
Pagkababa ko palang noon sa iyong sasakyan, hinagupit na ako kaagad ng malakas na ihip ng hangin na humawi ng malakas sa aking maikling buhok.
Tumungo ako sa may tubig sa dalampasigan at tumampisaw doon.
Malamig ang tubig at nakakakalma sa pakiramdam ang buhangin na bumabalot sa aking mga paa.
Nang nilingon kita, nakita ko na ikaw na nama'y nakasandal sa iyong sasakyan habang pinapanood akong nagtatampisaw sa tubig.
Tumakbo ako papalapit sa iyo at hinawakan ang iyong kanang kamay at hinila papalapit sa tubig.
Alam kong hindi ka marunong lumangoy kaya doon lamang tayo sa mababaw na parte ng dagat tumungo.
Alam mo bang dahil sa karanasang iyon, nalimutan ko na naman ang aking mga problema at hindi iniisip aking nakaraan?
Ikaw pa lang ang nag-iisang
taong napagsabihan ko ng aking kwento at ikaw pa lang ang isang taong hindi humusga sa aking pagkatao.
Matapos ang sandaling kasiyahan na iyon, tayo ay umahon na sa tubig at pinunasan ang ating mga sarili upang magpatuyo.
Nagulat na lamang ako nang may bigla kang itinuro sa akin.
Doon sa itaas.
Doon sa itaas na bahagi ng islang ito, nakatayo ang isang bangin. Sa ilalim ng iyon ay ang rumaragasang malakas na mga alon.
Nang ituro mo pa lamang iyon, alam ko na kung ano ang iniisip mo.
Alam kong gusto mong doon na natin tapusin ang lahat.
Hinawakan mo ako sa aking kamay at iniharap sa iyo.
Labis akong nagulat nang iyong ibagsak ang ulo mo sa aking leeg at maya-maya ay naramdaman kong lumuluha ka at ang mga luhang iyon ay naramdaman kong pumapatak sa aking katawan.
Dahil dito, ako'y napaluha.
Hindi ko alam pero nagawa kong itanong sa sarili ko ang katanungang, Gusto ko nga ba talagang mamatay?
Nang ika'y bumitiw sa akin, kaagad kang umupo sa may buhangin malapit lamang sa tubig at hinila ako pababa upang umupo sa tabi mo.
"Anong lugar ang hindi mo pa napuntahan at gusto mo sanang puntahan?" Napatingin na naman ako sa iyo at ika'y natawa.
"Alam ko. Napakaluma na ng tanong na iyan. Ako kasi, hindi pa ako nakakapunta sa Palawan."Dagdag mo pa sabay baon ng iyong ulo sa dalawa mong tuhod.
" Wala akong tiyak na lugar na gustong puntahan, pero sabihin na natin na pareho na lang tayo ng gusto. "Tayo ay parehong natawa sa aking sinabi.
Nakakapagtaka ano?
Nagawa pa nating tumawa na alam nating tatapusin na natin ang lahat ng ito pagkatapos ng araw na iyon.
Pero alam mo, nakaramdam talaga ako ng saya ng mga panahong nakasama kita.
Saya na ipinagkait ko noon sa aking sarili.
Sa ating huling gabi ng ating buhay, tayo ay humiga sa ilalim ng madilim na kalangitan.
Walang buwan o mga bituin na makikita sa itaas. Tanging itim na kalangitan lang makikita nating dalawa.
Sa bawat pagpitik ng mga nagbabagang kahoy sa apoy na ating ginawa ay ang iyong palagiang pagbuntonghininga.
Mabigat.
Mabigat dati ang ating dinadala pero alam mo? Matatapos na iyon pagkatapos ng gabing iyon.
"Hindi mo naman kailangang gawin ito. Naniniwala akong may buhay ka pang pwedeng babalikan, Raven."Hindi ako tumingin sa iyo nang sambitin mo iyon sa akin.
Bakit?
Bakit mo sinasabi sa akin na may tyansa pa akong balikan ang aking buhay na pilit ko nang tinatalikuran dahil sa aking kapalpakan?
Gusto kong itanong iyon sa iyo at magalit dahil pinipigilan mo ako ngunit ayaw kong tumulo na naman ang mga luhang pinipigilan ko na bumagsak na nang tuluyan.
Bakit ang bigat pa rin?
Ang akala ko noo'y wala nang emosyon at sakit na natitira sa aking dibdib pero nang sabihin mo iyon sa akin sa ikalawang pagkakataon, bigla akong nagulumihan.
Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at pinilit na sakupin ako ng antok upang mawala na ng pag-aalinlangan at gulong-gulo na isipan kong iyon.
Kinabukasan, nagising ako na may nakataklob sa aking katawan na isang malambot na kumot.
Amoy na amoy ko rin ang usok sa apoy na ginawa natin kagabi sa aking tabi na ngayo'y hindi na lumalagablab at tuluyan nang naupos.
Hinanap kita sa paligid at nakita kita roon sa may bangin sa itaas na bahagi ng isla.
Malayo ka pero kitang-kita ko kung ano ang hitsura ng iyong mukha. Walang emosyon at namanhid na dahil sa sakit na ipinaranas ng buhay.
Pinagmasdan lamang kita roon hanggang sa nakita kitang humarap sa akin. Alam ko ang tingin na iyon.
Nakita ko na ang ganoong tingin dati.
Kumabog ng malakas ang aking dibdib nang may maalala akong tao sa tingin na iyong ipinapahiwatig sa akin.
Si mama.
Ang kaniyang pagmamalasakit, pag-aaruga, pagmamahal at awa ay nakita ko sa iyong mga mata.
Pero bakit?
Bakit ganoon na lamang ang tingin mo sa akin?
Bakit ka nagmamalasakit sa akin?
Bakit pakiramdam ko ay may gusto kang ipahiwatig sa mga titig mong iyon?
Kaagad akong tumakbo palayo roon at tinungo ang isang lugar kung saan tahimik at pwede akong mapag-isa.
Nang maramdaman ko nang ako'y nag-iisa, humikbi na ako nang tuluyan.
Napakasakit sa dibdib. Tila pinipiga ang aking puso at sobra akong nasasaktan dahil dito.
Bakit nakikita ko sa iyong mga mata na ako'y iyong pinipigilan?
Bakit?
Sinubukan kong ikalma at itago na lamang sa aking dibdib ang sakit upang hindi mo ito mahalata at para hindi mo ako mapigilan sa ating gagawin mamaya.
Nang mapatahan ko na ang aking sarili, ako'y tumayo at tumungo kung saan tayo natulog kagabi.
Naabutan kita roon na nakaupo kaya nag-atubli pa akong tabihan kita pero inanyayahan mo akong tumabi sa iyo at tahimik na magmasid sa karagatan kasama ka.
Tahimik lamang pero maririnig natin ang mga alon.
Naririnig mo din iyon hindi ba?
Ang malalakas na alon na umaalpas sa dalampasigan at binabasa ang ating mga paa ng kaunti.
Napakasarap pakinggan hindi ba?
"Naniniwala pa rin ako sa'yo, Raven." Alam ko ang ibig mong sabihin ng sambitin mo ang mga katagang iyon.
Nagalit ako sa iyo dahil alam kong pinipigilan mo lamang ako sa aking mga plano.
"Ang akala ko ba'y sabay natin itong gagawin?" Tumaas ang tono ng aking boses nang itanong ko iyon sa iyo.
Pero alam mo kung anong ginawa mo?
Isinandal mo lamang ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat sabay pikit ng iyong mga mata.
"Sa aking huling sandali, nagpapasalamat ako na nakilala kita dahil sa'yo ko lamang naramdaman ang saya na ipinagkait ko sa aking sarili sa matagal na panahon." Wika mo habang ika'y nakapikit.
Hinintay nating dalawa nang sabay ang takip-silim bago natin tinungo ang lugar kung saan tayo magiging malaya.
Malaya nga ba?
Gusto kong sampalin ang aking mukha nang maitanong ko iyon sa aking sarili pero hindi ko na nagawa nang hawakan mo ang aking kamay at sabay tayong umabante. May nakita akong karatula na bawal pa lang pumunta rito sapagkat delikado at mabagsik ang tubig at sobrang lalim na ikalulunod nang kung sino man ang sumubok na tumalon dito.
Nagkatinginan tayong dalawa at ika'y ngumiti nang walang kahit emosyon sa iyong mga mata habang ako nama'y lumuha.
Bakit?
Bakit magkaiba tayo ng nararamdaman no'n?
Unti-unti na namang bumibigat ang aking dinadala sa aking dibdib.
"Maligayang kaarawan sa atin, Raven." Pagkatapos mo itong sabihin ay rumesponde rin ako ng isang bati para sa iyong kaarawan.
Niyakap kita nang mahigpit at tuluyan ko nang hindi naitago ang aking mga luhang noon pa'y gusto nang bumagsak.
Hinagod mo ang aking likod sabay hiwalay sa akin at hinalikan ang tuktok ng aking ulo.
"Heto ba talaga ang gusto mo, Kyrell?" Umiling ka sa akin bilang hindi pagsang-ayon sa aking sinabi.
"Alam ng puso mo kung ano talaga ang gusto ko, Raven." Itinuro mo ang aking dibdib sabay ngiti nang bahagya sa akin.
Ako'y pumikit at humarap sa may unahan.
Kakaiba ang nararamdaman ko no'ng sinabi mo iyon sa akin Kyrell.
Kakaiba, na pakiramdam ko ay bigla na naman akong nanghina at naguluhan na nang tuluyan sa aking magiging desisyon.
Ilang sandali pa ay humarap ka na rin sa harap sabay titig sa ilalim.
"Bilang tayo ng tatlo." Wika mo sabay ngiti sa akin.
"Isa..."Panimula mo sa bilang kaya ako'y tumingin sa iyo at tumulo na naman ang aking luha at nanginig ang aking mga kamay.
Pagkarinig ko pa lang ng iyong boses, bumalik sa akin ang mga alaala ko sa nakaraan.
Masakit?
Hindi. Nagulat akong hindi masakit na nakaraan ang aking naalala. Kundi masayang mga alaala ng aking buhay.
"D-Dalawa..." Puno ng hesitasyon ang pagsabi ko ng salitang iyon at tila nangangatog na ang aking mga tuhod.
Naalala ko kung paano ko nagagawang ngumiti dati at maging positibo sa lahat ng bagay. Naalala ko ang ngiti ng isang babaeng ubod ng tamis at totoo.
Naalala ko ang dati kong sarili na puno-puno ng pagmamahal at buhay.
Napapikit na lamang ako no'n at tanging isang nakaririnding tunog sa aking tenga ang tangi kong naririnig habang hinihintay ang iyong pagsambit sa huling numero.
"Tatlo..." Tuluyan na akong napahikbi at hinigpitan ang hawak sa iyong kamay.
Ayaw kitang bitawan, Kyrell.
Sa pagkakataong iyon, alam ko na ang gagawin ko at naging sigurado na nga ako sa wakas sa aking magiging desisyon.
Sa aking pagnilay-nilay sa magiging desisyon ko, alam kong labis talaga akong hangal upang gawin iyon pero alam kong iyon ang tama at tanging tama na gagawin ko sa buong buhay ko.
Pinipili ko pa na mabuhay at magpatuloy. Hindi ko pa kayang bitiwan ang aking buhay kahit puno ng sakit, hapdi at pait lamang ang ibinibigay sa akin.
Nanginginig ng sobra ang aking mga kamay at bibig habang ako'y nakapikit at hinihigpitan ang hawak sa iyong kamay upang hindi ka bumitaw.
"Sa dinami-rami nang dumating na pagsubok sa iyo Raven, alam kong ito ang pinaka-tama na iyong gagawin. At alam mong sobra akong masaya sa iyong naging desisyon. Masaya ako na nakilala kita sa huling sandali ng aking buhay. Paalam, Raven."
Bigla kang kumalas sa aking pagkakahawak at nang imulat ko ang aking mga mata, nakita kitang nakangiti habang nakaharap at nakatingin sa akin.
Sa oras na iyon, nalaman ko ang naging desisyon nating dalawa. Pinili mo nang bumitaw habang ako ay pinili ko pang kumapit.
Tatlong taon.
Tatlong taon na nga ang nakalipas pero hindi kita makakalimutan. Ayaw kitang malimutan, Kyrell.
Madaming nagbago sa loob ng tatlong taong ito at alam mo, tama ka.
Tama ka tungkol sa sinabi mo dati.
May buhay pa nga akong pwedeng balikan.
Nagawa ko ang magsabi ng totoo kay papa at nagulat ako nang naintindihan niya ako at kaagad akong niyakap at nadama ko ang pagkalinga na ipinagkait kong iparanas nilang lahat sa akin.
Akalain mo iyon, may isang tao pa pala bukod sa iyo ang nakakaintindi sa aking mga pinagdadaanan at handang tumulong para ako'y umahon muli.
Dati-rati ay kapag ako'y namomroblema at nawawalan na ng pag-asa, isinasara ko ang aking sarili sa lahat—kahit pa sa mga taong handa akong tulungang makaahon.
Paulit-ulit kong sinasabihan ang sarili ko na walang may pakialam at walang may ganang makialam sa problemang kinakaharap ko, pero alam mo? Mali ako.
Hindi ko inaasahan na akoy tutulungan niya sa pagharap ko sa aking mga problema. At sinabi niya pa sa akin na matutuwa si mama na malaman na nagawa ko nang lumaban.
Lumaban sa buhay.
Hindi ko man iyon nagawa dati pero nagawa ko na ngayon at malaking prte ka Kyrell sa pagkamit ko nang inaasam kong kaginhawaan ngayon.
Alam mo bang napuntahan ko na rin ang lugar na iyong pinapangarap na makita?
Maganda ito Kyrell. Puno ng magagandang tanawin at masarap ang simoy ng hangin. Dinala ko rito ang mga bago kong kaibigan at si papa upang kami'y magsaya.
Pinahiran ko ang mga luha ko habang tinitingnan ang iyong puntod.
"Salamat, Kyrell." Mahina kong bulong at hiniling ko na aabot ang mensahe kong ito sa iyo kung nasaan ka man ngayon.
Anga akala ko noo'y wala na akong pag-asang makabangon pa pero isang aral ang natutunan ko sa'yo Kyrell. Ang huwag bumitaw at piliin na ipagpatuloy ang buhay.
Hindi mo man iyon nagawa para sa iyong sarili pero alam kong masaya ka na nagawa ko ito para sa aking sarili.
Hindi man ako makapagsimula muli pero nagawa kong bumangon at magpatuloy.
Tatlong araw.
Tatlong araw tayong nagkasama pero naipatanto mo sa akin na dapat akong bumangon at harapin nang may buong tapang ang mapait na buhay na aking ginagalawan.
Maikli.
Madaling maubos.
Hindi permanente.
May hangganan.
Ganiyan ang deskripsiyon ng ating kwento.
Pero alam kong sa kabila nang maikli nating pagsasama ay isang aral sa buhay na kailanma'y hindi ko itatapon.
Sa ating buhay na patuloy na nalalagas at nauubos, kailangang nating patatagin ang ating mga sarili pati na at piliin na magpatuloy.
At nagawa ko.
Asahan mong patuloy akong kakapit at hindi bibitaw sa mga dumating, dumarating, at darating na mga hamon ng buhay.
Asahan mong ako'y babangon ng paulit-ulit hindi lang para sa'yo o sa mga taong nagmamahal sa akin kundi para sa isang taong matagal kong pinagkaitan ng lahat.
Asahan mong magpapatuloy ako... para sa sarili ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro