Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

tiger eyes

ELORDE'S POV

"Cause you are Romeo and I am Juliet... It's a loves story, baby just say yes..." Sinabayan ko ang kanta na naririnig ko sa kalapit na kwarto ko.

Romeo and Juliet? Gustong-gusto ko ang love story nila. Iba kasi sa nakasanayan na pagmamahalan kung saan hindi sila nagkatuluyan. Masakit ang naging katapusan ng kanilang pagmamahalan kaya siguro labis akong nahumaling magbasa dito.

Mahirap man ako pero hindi ako hunghang sa mundo at kung paano ito umikot. Minsan nga ay nakabasa ako ng isang libro, dito sa librong ito, pinapakita ang isang prince charming at prinsesa, hindi ko alam pero sa murang edad ko na 'yon ay lubusan ang pagkadisgusto ko sa nabasa.

Ang mga istorya na piksiyonal ang nagbibigay ng mga malilinlang na salita sa mga isipan ng mga kabataan. Ito ang mga nagpapa-ikot ng mga isipan nila, at mag-isip na ganoon kadali ang buhay.

"Sa totoong buhay, walang prince charming at walang fairytale." Ang bulong ko sa sarili.

Kung pangit ka, mahirap kang magustuhan at mas lalong walang papatol sa'yo. Kung mahirap ka, ang tingin ng iba sa'yo ay mas mababa ka. Iyan ang katotohanan sa mundong ito. Pero kahit sa ganitong mindset ay naniniwala naman ako sa 'happily ever after.' Hindi dahil sa nakita mo na ang taong nararapat sa'yo, pero dahil nakuha at nabigay mo na ang lahat ng tuntunin mo sa lahat ng taong tumulong sa'yo.

Para sa akin iyan ang totoong magandang wakas sa isang kwento. Wala na akong pakialam sa mga kalalakihan. Sa buong buhay ko ay wala pa akong nakikilala na tunay na lalaki. Mga palengkero, babaero, at matataas ang tingin sa sarili. Iyan ang mga kalalakihan na nakilala ko dito.

Maaga akong nagising ngayon dahil ngayong araw din ay maghahanap ako ng pwedeng trabaho at kung meron man ay gusto ko sana 'yong hindi lang palipat-lipat o permanante at pabor sa akin, sa schedule ko sa school at trabaho ko sa club.

Naalala ko tuloy ang mga pangyayari sa nagdaang linggo. Wala namang nangyari sa akin. Siguro nga ay hindi talaga ako nakita ng lalaki. Tinikom ko na lang ang bibig pero nakitanong pa rin ako. At nalaman ko kay Manong Ustino, ang security guard sa apartament na matagal na raw patay ang namamalagi sa apartment na 'yon. Nakakapagtaka lang at wala talagang nakaka-alam maliban sa akin sa krimen.

Sa mga oras na 'yon, naisip kong hindi na maki-alam. Sapat na ang takot na ginawad ng pangyayari sa puso ko, hindi ko na ito dadagdagan pa. Masiyadong malalaki ang mga taong 'yon. Kung ganoon lang sa kanila kadali ang linisin ang kalat nila, walang duda na isang bala lang ako at patay na. Walang po-protekta sa akin; sa isang bakla at bayaran.

Naligo muna ako, tapos bumaba para bumili ng ulam. May nanininda sa harap ng apartment building kaya mas napapadali ang aking gawain dahil hindi ko na kailangan pang magluto ng ulam.

"Ate Maning anong ulam natin ngayon?" Ang tanong ko sa babaeng naka-upo sa cashier at nagbibilang ng pera.

"May kare-kare tayo, meron ding nilagang baboy at baka, may adobo rin at mga gulay na gisado." Tumango-tango ako sa kaniya.

Maliit na babae si Ate Maning. Komportable rin ako sa kaniya dahil isa siya sa mabait ang turing sa akin sa lugar na'to. Minsan din ay tumutulong ako sa paghuhugas at pagluluto dito kapalit ng pang-isang araw na bayad niya sa akin. Kalimitan din ay nililibre ako ni Ate Maning pero hindi ko ito tinatanggap dahil alam kong walang libre sa panahon ngayon.

"May pahuhugasan ka ba, Ate Maning?" Ang tanong ko sa kaniya matapos niyang i-abot sa akin ang napiling ulam.

Hindi pa naman masiyadong mataas ang tirik ng araw kaya alam kong may oras pa akong magpadala ng pera kay Lolo at Lola sa linggohan na padala ko.

Sabi ni Ate Maning ay wala raw muna siyang pahuhugasan. Naitanong ko rin kung may palalabhan ba siya o ang mga anak niya pero sabi niya ay tatanungin muna raw niya ang mga ito. Nagpaalam ako sa kaniya at bumalik sa room apartment na walang ibang tinitingnan at daanan lang mismo.

Habang kumakain ay hindi ko mapigilan ang mangulila sa mga bagay na wala ako, gaya lang ng ama at ina. Para sa akin ay importante sila pero alam kong wala na silang parehong pakialam sa akin.

Inalis ko na lang sa isipan ito at madaliang tinapos ang pagkain, hinugasan ko rin ang mga plato at nilagay sa mga lalagyan. Kinuha ko ang cellphone sa bag kagabi. Hindi ito mamahalin, hindi rin ito de-tatskrin pero wala akong problema dito hanggat gumagana ay kailangan ko ito.

May mga bagay-bagay na hindi naman kailangang mamahalin, basta lamang at may gamit ito sa akin ay sapat na. At isa pa napakaraming mga bagay na mas importanteng paglaanan ng pera ko. Hindi naman mawawala ang mga materyal na bagay, palagi lang 'yang nariyan at makaka-antay.

"Hello, Lo." Ang bungad ko sa linya.

"Apo, komusta naman ka diha?"
(Apo, komusta ka naman d'yan?)

Napangiti ako sa lambing ng tanong ng Lolo. Wala man akong matatawag na ilaw at haligi ng tahanan, meron naman akong mundo sa buhay ko.

Silang dalawa ang nagpapalakas ng loob ko sa bawat ginagawa ko dahil may pangarap ako para sa kanila. Pangarap ko ang maibalik ang buhay nila na kinuha ko simula noong dumating ako at kanilang inalagaan. Alam ko ang hirap at edukado ako sa aspetong pagiging magulang dahil na rin sa kanila. Sila Lolo at Lola ang dalawa sa buhay ko na palaging gumagabay at pinapatnubayan ako lalo na sa importanteng kalagayan ko.

"Okay ra gihapon Lo, eskwela gihapon para sa last na tuig sa college. Kamo diha Lo? Si Lola asa, Lo?"
(Okay pa rin Lo, nag-aaral pa rin sa huling taon sa college. Kayo Lo? Si Lola 'asaan, Lo?)

Gaya ng sabi ko, sila na lang dalawa ang pamilyang natitira ako matapos iwanan ako ng mga magulang ko. Sa totoo lang ay wala akong alam sa kung papaano nila ako iniwan at wala rin naman akong plano na magtanong. Iniwan nila ako, tapos. Hindi ko na sila kukulitin sa pagtatanong ng mga bagay na hindi naman importante. Hindi sila importante.

"Naa didto sa utanonan kay gusto daw niya mag-utan mi ron. Ayaw na kabalaka namo, okay kaayo mi dre, salamat sa imoha. Ikaw ang mag-amping diha kay wala raba kaayo ka kaila, hantod gani ron wala pami kabalo sa imohang trabaho og aha na gikan ang kwarta na imohang ginapadala pero dili nana ako ipugos pa, basta pag-amping lang dha, apo."
(Nandodoon sa may hardin kasi gustong mag gulay ngayon. Huwag ka ng mag-aalala aa amin, okay kami dito, salamat dahil sa'yo. Ikaw ang mag-ingat d'yan kasi wala ka pa namang kakilala masiyado, kahit nga ngayon ay hindi pa rin namin alam kung ano ang trabaho mo at kung papaano nanggaling ang pera, pero hindi ko na 'yan ipagpipilitan pa bagis ay mag-ingat ka d'yan, apo.)

Limitado ako kung ngumiti na tao, sabi nga ng iba ay bilang lang ang mga panahon na ngingiti ako. Pero pagdating sa dalawang matatanda; si Lolo Ambo at Lola Sanny, abot langit ang ngiti ko. Sila ang tunay na katuwaan ko, ang mga salita at payo nila; ang pagiging magulang nila sa akin.

Hindi ko na pinatagal pa ang usapan dahil na rin sa baka mapagod pa ang Lolo Ambo. Hindi na naabutan ni Lola Sanny ang tawag pero pinangumusta ko na siya kay Lolo at pinasabing nami-miss ko na ang lutong probinsiya.

Sa hulihan ay sinabi kung magpapadala ako ng limang libo ngayon sa linggong ito para sa mga gamot nila. Aayaw pa sana ang Lolo pero nakumbinsi ko naman siya lalo pa't mahal rin ang mga gamot ngayon. Nakasanayan ko na rin na lingo-lingo ako kung magpadala sa kanila, pinakamababa na ang dalawang libo doon.

Araw ngayon ng linggo. Wala masiyadong ganap ang araw ko kapag linggo kasi dapat natutulog ako ngayon. Pero ngayon ay iba, unang plano ko ay pupunta muna ng Padala Branch na malapit lang dito at palagi ko ng pinapadalhan. Susunod na rin siguro ang pango-grocery at huli ang maghanap ng posibleng trabaho.

Gumayak ako mga alas diyes na rin ng umaga, at gaya ng plano ay inuna ko na ang pagpunta sa padalahan ng pera. Madali lang yun kaya habang bitbit ang receipt sa padalahan at listahan ng bibilhing grocery ay sumakay ako ng traysikel papunta sa pinakamalapit na palengke. Mas makakabawas at affordable ang mga bibilhin kung sa palengke ka lang bibili keysa sa mga bilihin sa mall.

"Magkano ang kilo nito?" Tanong ko habang tinuturo ang gulay na halo-halo na at ready to cook.

"50 ang kilo niyan." Ang iritableng sabi ng ali.

"Wala bang tawad ate?" Ang tanong ko habang sinisipat ang sariwang gulay.

"Ay naku bata, huling tawad na 'yan." Ang iritado niyang sabi.

"Sige na ate, ang ganda po ng araw eh ang init na ng ulo mo. Sayang po ang ganda ng lipstick niyo oh. Bagay na bagay pa naman sa inyo." Mabuti na lang at nadala ko siya kaya nakatawad ako ng bente sa orihinal na presyo.

Bumili ako ng isang kilo. Hindi rin 'yan madaling maubos at aabot pa yan ng isang linggo bago maubos ang lahat. Bumili rin ako ng mga easy cook at ready to eat na mga ulam; noodles, can goods, at iba pang madali at hindi mahaba ang oras kapag niluluto. Huli kung dinaanan ay ang bilihan ng itlog.

May alam akong bahay na nagbebenta ng mga itlog at mas affordable ang bentahan nila. Ang alam ko ay may online business din daw siya sa mga itlog na paninda.

"Tao po, nandiyan po ba si Cherry? Bibili po ako ng isang tray ng itlog." Sabay pindot ng doorbell. 'Di kalaunan ay lumabas ang batang pamangkin ni Cherry at binuksan ako ng gate. Pinapasok ako ng bata pero hindi na ako pumasok mismo sa bahay bagkus ay hinintay lang ang bibilhin ko sa may pintuan.

"Oi ikaw pala yan, Elorde. Heto na ang bibilhin mo. Pareho pa rin ang presyo sa dati." Sabi niya sabay abot ng tray ng itlog. Tinanggap ko ito at siniguradong hindi matatapon o malalaglag dahil pang dalawang linggo na ito. Binayaran ko si Cherry at umalis kaagad doon.

Malapit-lapit na rin naman ako sa apartment, ilang bloki na lang at mararating ko na ito kaya nagdesisyon akong lakarin na lang. Nasasayangan ako sa perang pamasahe. Kailangan ko munang magtipid dahil lalabas pa ako mamaya para sa job hunting.

Ingat-ingat kong bitbit ang mga pinamili na may kabigatan din para sa katulad kung may pagkaliitan ng tangkad at katamtamang pangagatawan. Palipat-lipat ako ng kalye para sa mga shortcuts. May mga lasinggo na maaga pa lang ay nag-iinom na, ang iba ay kilala ko, ang iba naman ay hindi. 'Di ko na pinansin sila dahil sa nabibigatan na ako habang tumatagal. Idagdag mo pa ang init at usok ng mga sasakyan.

Mula sa nilalakaran ay nakikita ko na ang building ng apartment na tintuluyan ko kaya mas pinagmadali ko pa ang lakad. Maingat kong sinipat ang bawat dulo ng mga kalye kung may paparating ba at mabuti namang wala kaya bitbit sa nangangalay kung mga braso ay tinahak ko ang daan papuntang kabilang kalye.

Pero napakalaking kamalian pala ang ginawa ko dahil doon ko lang din napansin ang isang itim na sasakyan na biglaan lamang lumusot sa kabilang kalye! Narinig ko pa ang busina at biglaang paghinto nito, ako naman ay nabitawan ang pinamili sa gulat!

Iyon lang ang natatandaan ko ng bigla akong nawalan ng lakas at masakit ang katawang gumulong sa semintadong kalye.

Napa-isip tuloy ako kung ito na ba ang katapusan ko. Ang pangit naman at malas. Nasasayangan ako sa mga pinamili ko pero mas nasasayangan ako sa buhay na pwede ko pa sanang maibigay sa Lolo at Lola. Sayang lang dahil mukhang hindi ko na maibibigay ang maginhawang buhay sa kanila.

"Pakshet, Acel. Asintado ko." Ang dinig kong daing ng boses lalaki.

"Damn you, Morgan." Ang pamilyar na baritonong boses na 'yon.

Kasabay ng naramdaman kung agos ng isang butil ng luha ay kasabay rin ang paglaki ng dilim at tuluyan na akong kinain nito.

Magpapahinga na muna ako.

-

Parang nasa halimuyak ako ng isang bulaklak. Ang pinakamagandang halimuyak ng isang bulaklak. Ganoon ang pakiramdam ko habang tinitingnan ko ang sarili.

Sinipat ko ang sarili, parang hindi ako. Kasi dito, ang linis kong tingnan, lahat naka-puti ako na bumabagay din sa mga ginto't pilak at mga puting pader. Parang nasa paraiso ako, pero alam kong hindi. Para lang.

Nakaharap ako ngayon sa harap ng salamin. Nakikita ko ang sarili na... masaya pero may pait pa rin sa mga mata. Hindi ako sigurado, kailanaman ay hindi na ako sigurado sa buhay ko dahil sa tanang buhay ko nagpapadala na lang ako sa agos ng buhay.

Nakikita ko ang sarili na hindi nagkukulang at parang walang kulang sa materyal na bagay kasi sa suot na damit, ginto, at mga mamahaling bato ay nakikita kung marangya ang buhay kong ito.

Ano ba ito panaginip? Hindi. Anong klaseng panaginip? 'Yan ang dapat na katanungan. Isang panaginip na kung saan iba ang mundo ko? Kasi ibang-iba ito sa tunay kong mundo. Biglang nawala ang salamin at naiharap na naman ako sa harapan ng dalawang tao, pero bakit hindi ko nakikita ang mukha nila?

"Sino kayo? Anong ginagawa ko dito?" Ang nagtatakang tanong ko.

Hindi ko alam kung natutuwa ba sila o ano? Kasi hindi ko makita ang pagmumukha ng dalawa.

"Welcome home, anak." 'Yon lang ang madamdaming sinabi ng lalaki at niyakap ako ng dalawa ng napakahigpit. Ang pakiramdam ko habang yakap-yakao nila.

Iba ang pakiramdam. Nalilito ako. Dahil sa alam kung hindi ito totoo pero bakit parang ang tunay. Walang ibang tao ang hindi magdadalawang isip na yakapin ako kung hindi ang Lolo at Lola lang. Pero bakit itong dalawa ay mahigpit, mainit, at tanggap ako kung yakapin. 

Isang luha ang pumatak sa aking mga mata. Ang luhang lito pero may bahid na kompleto ang buhay. Dahil sa yakap nila, pakiramdam ko may nabuong bahagi ng buhay ko. Ang sarap sa pakiramdam.

Muling nag-iba ang panahon, oras, at mga palamuti sa buong lugar. Ngayon ay hinaharap ko na naman ang altar?

"Bakit ako nasa altar?" Napatingin ako sa tabi ko at may lalaking nakatayo katabi ko. Gaya ng una ay wala rin itong pagmumukha. Sa kaniya ako mas nalito. Basi pa lang sa porma at kasuotan niya ay siya ang kinakasal. Sinipat ko ang kasuotan at gaya niya ay walang pagdududang ako rin ang ikakasal.

"You're so beautiful." Nawindang ako sa boses niya. Ang boses niya ay napakasarap pakinggan at parang... parang nakikilala ko. Ang boses ng lalaki ay malambing, punong-puno ng pagmamahal at paglalambing na para bang ako ang nag-iisang tao na mahalaga sa kaniya.

Ito ang nagpasisigurado sa akin na nasa panaginip lang ako. Dahil dito napaka-imposible na mangyari ang mga naririnig ko. Una pa lang, mahirap ako sa totoong buhay; pangalawa, ay walang paki-alam ang mga magulang sa akin at wala na silang parte sa buhay ko; pangatlo, ay walang lalaki ang magmamahal sa akin ng ganito at walang sinumang lalaki ang magpapakasal sa isang bakla na may abnormalities sa pangagatawan at pagkatao. Napangiti ako sa sarili. Tunay ngang napaka-pait ng buhay ko.

Napasinghap ako ng gaya kanina ay nakaharap ako sa bagong panahon, pero ngayon ay masalimoot, hindi na puti ang nakikita ko bagkus ay puro mga maiitim na usok. At ang susunod kong nakita ang nagpa-iyak sa akin. Hindi ko alam pero nakita ko ang sarili ko, umiiyak habang akay-akay ang dalawang tao na pinakamahalaga sa buhay ko.

Ang Lolo at Lola. Nag-iiyak ako habang akay silang... walang buhay.

Awang-awa ako sa sarili ko. Awang-awa ako sa buhay ko. Wala akong magawa habang tinitingnan ang tatlong taong nasa harapan ko. Gusto ko silang lapitan, gusto kung isumbong sa sarili kong nag-iiyak na imposibleng mawala ang Lolo at Lola dahil sila na lang ang mga taong mahal ako. Ang mga taong tanggap ako.

"H-Hindi! Hindi!" Napasinghap ako at kasabay no'n ang pagmulat ko ng mga mata.

Isang panaginip! Isang masamang panaginip! Bagkus masalimoot ang panaginip ay nagawa ko pang magpasalamat na panaginip ito. Dali-dali kong sinipat ang bawat sulok ng kwartong kinapalolooban ko. Dito ko napagtanto na nasa hospital ako.

"Nightmares are still dreams. They just don't exist in fairytales."

Tiningnan ko ang taong nagsalita sa tabi ko. Ang boses niya. Bakit ang pamilyar? At ano ang ibig sabihin niya sa mga sinabi niya? Paano niya sabi 'yon? Kanina pa ba siya nandiyan? Ang daming katanungan ang bumubuo sa isipan ko pero isang kongklusyon ang naisip ko.

"Damn you, Morgan." Ang boses na 'yun ay kaparehong-kapareho sa huling boses ng lalaki na umakay sa akin bago ako tuluyang nilamon ng dilim. Siya ang may ari sa boses na 'yon, hindi ako pwedeng magkamali.

Nakita ko siyang prenteng nakatayo sa gilid ng pintuan, ang dalawang kamay ay nasa bawat bulsa ng suot na pambaba, ang presko niyang tingnan. Matipunong katawan na halata naman at walang dudang napakagwapo nito. Hindi naman 'ata ako nabulag para hindi mapansin ang angking kagwapuhan nito.

"Sino ka? Bakit ako nandidito?" Pinilit ko ang tumayo. Bakit nga ba ako nandidito? Eh ang natatandaan ko ay nasa palengke lang ako tas pauwi ng...

Nabangga ako ng sasakyan! Ang malas ko naman! Sa pagkakatanda ko ay may dala-dala akong mga pinalengke. Marami rin 'yon at napunta lang sa wala lahat!

Nasasayangan man ay wala na akong magagawa. Ganiyan talaga ang buhay, kung may problema man at natumba, palaging tatayo dahil wala ka namang magagawa kung magmumukmok pa. Hindi ka mapapakain kung palamya-lamya ka sa panahon ngayon.

Sinipat ko ang kamay at mabuti namang walang nakalagay na swero dito. Mukhang nauntog lang talaga ako at nahimatay dahil sa sakit at pagod ng katawan. Idagdag mo pa ang init ng siyudad.

Wala naman akong narinig mula sa taong 'yun bagkus ay nakatingin pa rin siya sa akin na animo'y may galit at problema ang mundo sa kaniya. Mukha niya ay gwapo, sa porma at tindig niya ay pang-mayaman, at kung hindi ako nagkakamali ay siya ang nakabangga sa akin. Wala naman akong problema na nabangga niya ako, may kasalanan na rin man ako kaya wala akong makitang dahilan para palakihin pa ito.

Nahihiya akong tumingin sa mga mata niya. At kakaiba ang kulay nito. Dilaw na parang sa isang tigre. Parang kapareho sa lalaking may p-pinatay sa a-apartment... Hindi. Napaka-imposible naman. Kung iisa lang sila ay bakit mag-aatubili pa siyang dalhin ako sa ospital.

Masama ang lalaking pumapatay at mabuti ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Tama, at masama ang mambintang. Pero may karapatan ba ako na timbangin ang kabutihan ng isang tao dahil sa nakita ko ito ng isang beses? Siguro ay wala.

Sa mundong puno ng panghuhusga ay piliin mo ang maging iba. Piliin mo ang maging malaya sa mga impluwensiya. Nararamdaman ko naman na kahit sa talim ng tingin ng taong 'di ko kakilala ay may kabutihan pa ring taglay dahil sa sinugod niya ako sa hospital.

"Uhm..." Ang tikhim ko. Parang nawalan 'ata ako ng laway dahil sa intensidad ng mala-tigre niyang tingin.

Bakit ba siya ganiyan makatingin? Wala naman akong utang sa kaniya ah!

Gwapo na sana, masungit naman. Kung sisipatin ay papasa na siya bilang "daddy" hindi dahil parang matanda na siya. Kung nakikita mo lang siya, sa naka-ahit na balbas sa mukha, dilaw at kumikinang na mata, mapupulang labi; napakagwapo. Ang katawan naman niya ay matangkad at halos punitin na ang suot niyang damit dahil sa nagmamalaki nitong biceps, triceps at bukol sa pantalon niya. Panigurado akong hindi ito Pinoy, may lahi ito dahil sa mga pisikal na anyong iba sa puro pinoy.

Gumalaw siya at ipinasok ang dalawang kamay sa kaniyang bulsa sa pantalon kung kaya't napatingin ako sa kaniyang mukha.

Nahuli niya ang mga tingin ko kaya dahil sa hiya ay namumula ang mukha na ibinaling ko ang atensiyon sa ibang bagay. Pero 'di nakatakas sa mga mata ko ang maliit na ngiti sa labi niya. 'Yung tipo ng ngiti na makakalaglag panty. Oo, parang 'yung sa mga sinasabi ng mga kababaehan na nakakalaglag panty sa ka-gwapuhan.

"Stop biting your lips, baby boy." Parang nahulog ang puso ko dahil sa boses niya. Ang lalim at sarap pakinggan sa mata. Pang-daddy diyos ko!

Binitawan ko ang namamasang labi na 'di ko man lang namalayan na kagat-kagat ko na pala. Diyos ko, binabaliw ang sistema ko ng lalaking ito. At ano daw? Baby boy? Bakit ang sarap pakinggan kapag siya ang nagsabi?

Namumula ang mukhang umalis ako sa pagkakahiga ng kama ng hospital at inayos ang hinigaan ko. Nang makatayo na ako ay dito lang ako bumalik sa katinuan. Parang isang sampal ito sa akin para ibalik ako sa reyalidad at i-alis ako sa makasalanang pantasya ng isipan ko.

Tumayo ako ng tuluyan at ginalaw-galaw ang mga kamay, paa, binti, at balakang. May dalawang araw pa naman ako para sa susunod kong iskedyul para sa Moonlight Club kaya paniguradong maghihilom pa itong mumunting kirot sa katawan ko.

Mahalaga sa akin ang pagsasayaw na 'yun kahit hindi man kagustuhan, dahil sa pakikipagsapalaran ko ay may pera ako para mabuhay.

"Mukhang okay naman ang katawan ko, may namumuong pasa sa mukha pero magiging okay rin 'to." Ang bulong ko habang ngayon ay nakaharap na sa may 'di kalakihang salamin.

Ang lalaking kanina pa nakatayo ay nandodoon pa rin siya at tinitingnan ang bawat kilos ko. Nanatili siyang tahimik at wala naman akong plano na gambalain pa iyon. May mga taong gusto ang katahimikan kaya dapat irespeto natin 'yon.

Puhunan ko ang mukha at katawan ko para mas magamit pa ang talento ko. Kaya importante ito sa akin. Sinipat ko ang mukha ko, kung pa-gandahan at pa-gwapohan ay hindi naman ako pahuhuli.

"Ay hala, ang mga pinamili ko pala?!" Kahit bulong man ay hindi nawala ang pagkabahala ko ng matandaang pang ilang linggo na rin ang mga 'yuon

Nilibot ko ang paningin at mabuti naman na sa 'di kalayuan, sa may lamesa para sa mga pagkainan ng pasyente ng hospital ay nandodoon ang mga plastic bags. Sayang nga lang at mukhang wala na ang mga itlog. May kamahalan pa naman 'yun. Dali-dali akong nilapitan ito at napakagat labi na lang dahil sa panghihinayang. Dahil natumba ako kanina sa aksidente, malayong hindi mababasag ang ibang pinamili ko.

Inalis ko ang panghihinayang sa mukha at kinuha sa dalawang kamay ang mga pinamili bago maglakad papunta sa kinatatayuan ng lalaking gwapo. Wala naman akong ibang maitatawag sa kaniya kaya 'yan nalang muna. Total ay hindi naman niya maririnig ito at wala akong oras para iparinig sa kaniya ito.

"Ahm. Hi, ako nga pala si Elorde Sol Concepcion. Alam kong naabala kita, at naabala mo rin naman ako. At alam nating dalawa na may mali tayo kaya nabangga ako at nakabangga ka. Wala talaga akong pera dahil naubos sa mga pinamili ko, pwede bang ikaw na lang ang magbayad sa bayarin dito sa ospital? Pasensiya na talaga. Mauuna na ako at salamat na rin, sir." Binigyan ko siya ng isang madaliang tango at binuksan ang pintuan ng silid.

Bago pa man ako makalabas ay tinanguan ko ulit siya. Kita ko ang mangha sa ekspresyon ng magagandang mata niya. Sino ba naman ang hindi? Eh kung ako ang magbabayad eh talaga namang magugulat ako diba? Pero wala talaga ako ngayon. Siguro naman ay sapat na ang pasalamatan at naging totoo ako sa kaniya.

Habang naglalakad sa pasilyo ng ospital ay 'di mawari sa isipan ko ang kagwapuhang taglay ng lalaki kanina. Parang isa siyang modelo sa tindig at laki ng katawan niya. Pero kung titingnan mo rin siya ng mabuti ay may natural na angas ang mukha niya. Sadyang malalaki at brusko lang ang katawan niya para sa edad niya. Gaya ng sabi ko, pang daddy na ang lalaking 'yon. Kung sino man ang asawa niya, siguro napakagandang babae nito.

Kasabay rin ng mga ini-isip ko ang nakita kong reaksiyon sa mukha niya kanina. Kung kani-kanina nang magising ako ay mahahalataan ang galit at pikon sa mga mata niya. Nagbago naman ito ng nagmamadali ko siyang tinakasan. Para bang pinapahiwatig sa mga mata niya ang pagkamangha.

May nabangga pa akong isang nurse na lalaki at kaagad naman akong humingi ng tawad.

"Okay ka lang ba?" Ang tanong nito sa akin.

Napayuko ako pero nasipat ko na ang mukha niya. Kulot ang buhok na nakatabon sa kaniyang noo. Mukha siyang mabait na nurse.

"O-Okay lang, pasensiya na po, 'di ko sinasadya..." Ang sabi ko at kaagad na naglakad palayo.

Nagmamadali akong naglakad papunta sa entrance ng ospital, malaki naman ang pasasalamat ko at malapit lang ang apartment ko mula dito at kaya ko lang lakarin ang distansiya. Naisip ko na walang-wala na ako at may kailangan pa akong bilhin para sa school bukas kaya mas mabuting magtipid. Idagdag mo pa ang mga kirot sa katawan ko.

Inisip ko na lang ang Lola Sanny at Lolo Ambo na nasa probinsiya. Sapat na silang motibisyon para bumalik ang lakas ng loob ko.

"Pero nasasayangan talaga ako sa mga itlog eh. Ulam na naging bato pa." Ang pakikipag-usap ko sa mga dala-dala kong binili.

"Sa ngayon ay tiis-tiis na muna ulit." Uli kong dagdag at mas pinagbuti na ang paglalakad.

Nakuha ko na ang aral sa dapat at tamang paglalakad sa mga kalye mula ng mabangga ako kanina ng sasakyan ng lalaking 'yon. At sino ba naman ang gugustuhing mabangga ulit? At matatawag kang 'baby boy' pagkagising na pagkagising. Nakagat ko ang labi dahil sa ngiti na nagpupumilit sa labi ko.

Ang lalaking 'yon ay presko at gwapo, mayaman at mukhang suplado. Dahil dinala niya ako sa ospital at siya pa ang pinagbayad ko ay ibibigay ko na sa kaniya ang pagiging mabait. Maliit na bagay nga lang ang purihin siya sa kabutihan niya keysa sa pagbayad niya ng bayarin sa ospital, sigurado akong malaki-laki rin ito. Mukhang pang mayaman ang dating ng St. Augustus Hospital eh.

Sa bawat hakbang ko ay ini-isip ko ang mukhang bagot na bagot niyang mukha kanina. Nababagot na rin panigurado 'yon dahil sa pagakakatanda ko ay tanghali na rin ako dapat umuwi at nabunggo niya, eh anong oras na ngayon?

Ay hala. Oo nga pala. Tumigil ako sa pagalalakad at nilagay muna ang mga binili sa tabi ng paanan ko at dali-daling kinapa ang cellphone. Nang mapansing wala ito sa bulsa ko ay dinala ko ang mga lalagyan ng binilhin sa tapat ng poste ng ilaw at tiningnan kung nandidito sa loob pero wala talaga.

"Paano na 'to? Eh 'yun nga lang pipityuging cellphone na 'yon ay mahihirapan akong bilhin, paano na lang kung bago? Tangina! Ang malas mo, Elorde!" Naupo ako at naiiyak na niyakap ang mga binilhin.

Tanginang buhay naman 'to oh! Bakit ba ang malas ko ngayon? Nabunggo pa ng sasakyan at kamuntikan ng mamatay, nabasag at nawala pa ang mga itlog na dapat pang-ulam, wala pa akong nakitang trabaho, at heto nawawala pa ang cellphone!

Naiiyak ako sa mga kamalasan ko. Alam kong posibleng tiningnan na ako ng mga taong dumadaan pero wala akong paki-alam sa kanila. May buhay at naghihirap ang tao kaya huwag nila akong pakialaman. Intindihin na lang sana nila ang kani-kanilang buhay!

Dahil nga ay nasa gilid lang ako ng daan ay naririnig ko ang mga ugong ng dumadaang sasakyan at bago pa ulit ako mabangga dito sa giliran ay inayos ko na lang ang mga dala. Pinunasan ko ang ilang butil ng luha at suminghap para makahinga. Sakto naman na may pumaradang sasakyan sa gilid ko.

Pinahid ko ang luha na kumalas sa mata ko. Tiningnan ko ito at nagulat ng makita ang kung sino ang lumabas. Ito ang lalaking nakabangga sa'kin kanina sa hospital!

Si Daddy...

Suminghot ako dahil sa namamasang ilong at kagat-labing napatingin sa seryosong mukha niya. Malalalim ang mga tingin ng kaniyang mata, nakapirmi sa isang guhit ang kaniyang labi, at nakatayo siya na parang handang umatake na parang isang tigre.

Binitawan ko ang namamasang labi at suminghap ng hangin. Kompara sa kaniya ay para akong basang sisiw. Sisingilin ba niya ako sa bayad? Ay! Napakamalas naman! Tsk!

"Baby boy, let's get you home."

.

.

.

.

.

Note: Maliban sa napagalitan ako ng muntikan akong mabangga ng sasakyan ay walang Daddy na nagdala sa akin sa hospital! Chariz, anyways, a little update po para sa inyo. Gusto ko po kayong pasalamatan sa lagpas 38K reads para kay Acades at Elorde.

(*0)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro