Chapter 14: Rock Bottom
Si Tucker agad ang hinanap ko nang marating ang inuupahan kong bahay. Malakas ang kutob kong siya ang nangialam sa cellphone ni Yohan—ang kaibigan ko kasi ay tamad mag-text.
May iba ring pinagka-abalahan ang kaibigan ko sa mga oras na 'to. Sana lang talaga ay maayos na nila ang problema nila sa isa't isa.
"Tucker," tawag ko sa pangalan niya nang mabuksan ko ang pintuan ng silid.
Dumapo ang tingin ko kay Tucker na mahimbing na natutulog sa higaan. Maraming papel ang nagkalat sa paligid, pati na ang gunting at pira-pirasong laso.
Tahimik akong lumapit sa higaan at agad ngumiti nang makita ko kung ano ang pinagka-abalahan ni Tucker sa araw na 'to. Pinulot ko ang isang garapon na puno ng mga papel na nirolyo at napansin ko rin ang kulay pulang laso na ginawang pantali sa gitna.
Nagpasya akong ilagay ang garapon sa tabi ng laptop bago nagsimulang linisin ang kalat na ginawa ni Tucker. Sa gitna ng paglilinis, nakita ko ang cellphone ni Yohan na muntik ko nang itapon sa basurahan. Eksaktong isasauli ko ito nang may kumatok sa pintuan at bumungad sa akin ang may-ari ng cellphone.
"Cellphone mo," ipinakita ko sa kanya ang cellphone bago tuluyang inabot.
"Paano—"
Nginitian ko si Yohan bago isinara ang pinto. Malakas ang kutob kong iyon mismo ang ipinunta niya sa silid—o baka hindi.
Pabalik na sana ako sa higaan nang kumatok muli si Yohan. Walang gana kong pinagbuksan si Yohan, na halatang naguguluhan sa nangyari, pero halata rin sa mukha niya na masaya siya. Mukhang may nakainom yata ng kape, o baka naman iba ang nainom nito kaya nanggugulo.
"Lasing ka ba?" tanong niya sa kalagitnaan ng katahimikan.
"Mukha ba akong lasing?" tanong ko pabalik sa kanya.
"Medyo," walang pasabing pumasok si Yohan habang tinitingnan ang paligid. "May nasungkit ka yata sa bar kanina, ang pula ng labi mo."
"H-ha?"
Nabingi yata ako sa tanong ni Yohan. Wala sa sarili kong hinawakan ang labi ko at hinaplos ito bago kinagat. Bumuga ako ng hangin nang maalala ang nangyari sa loob ng kotse ni Lysa.
Bakit ako nagi-guilty?
"At saka gusto ko ng kausap."
"Oh, nasaan pala si Jaxen?"
Kahit ngayon lang, gusto kong malaman kung nagtagumpay ba si Jaxen sa aming plano. Kahit nalaman ko ang pinagdaanan ng dalawa, hindi ko mapigilan na kiligin sa kanilang love story—ganito rin ako tuwing kasama si Tucker.
Bakit naman kasi sa multo ako nahulog? Buwesit.
"Nasa silid ko," umiwas ng tingin si Yohan at ginulo ang kanyang buhok.
"Maayos na kayo? O baka naman—"
"Maayos na kami kaya huwag kang mag-alala. Avoiding him was the most stupid decision I've ever made," putol niya sa sasabihin ko. "Kaya nga ako nandito upang disturbuhin ka, may reklamo?"
"Oh, ano naman ang kinalaman ko sa—the most stupid decision I've ever made?" panggagaya ko sa boses ni Yohan sabay tawa nang makita ang mapula niyang mukha.
"I need your help on something..."
Minsan gusto kong sakalin si Kupido sa sobrang asintunado niyang pumana. Sa dinami-raming tao sa mundo, bakit sa multo? Kung sasabihin niyang nagrereklamo ako, tama, nagrerekalmo talaga ako sa puntong tatawagin ko na ang kanilang customer service.
At ito namang si tadhana, kung paglaruan ang aking kapalaran, para bang wala akong damdamin—matapos masaktan, sasaktan na naman ulit. Ang masaklap, namumuhay ako habang tinitingnan ang mga kaibigan kong masaya sa kanilang buhay pag-ibig.
Life is so damn unfair.
Gusto ko si Tucker, and nothing can change that fact.
"Anong iniisip mo?"
Ilang beses akong kumurap bago lumingon sa gawi ni Tucker. Nakaupo ako sa buhangin habang nakaharap sa malawak na karagatan. Pagkatapos naming mag-usap ni Yohan kagabi, tinawagan ako ni Nikolai dahil pupunta kami sa pribadong resort nila Slade.
Kumuha ako ng bato at itinapon ito sa payapang karagatan. Gusto kong sabihin kay Tucker na siya ang iniisip ko at itong nararamdaman ko para sa kanya, pero natatakot ako.
Anong gagawin ko kung hindi niya ako gusto? Hindi ko nga alam kung may kakayahan bang magmahal ang isang multo. Punyeta, hindi ko kayang tingnan si Tucker na hindi nasasaktan—o bilang kaibigan man lang.
Ang gulo ng utak ko ngayon.
Sa simula pa lang ay alam kong walang magandang maidudulot ang pakikipag-usap ko sa mga multo. Kung alam ko lang, edi sana pinigilan ko na ang sarili ko bago ko tuluyang mahulog sa bangin.
"May nagawa ba akong mali, Jermaine? Sabihin mo sa akin, hindi itong iniiwasan mo ako at—at iparamdam na hindi ako nag-e-exist. Kung gusto mo akong umalis, sabihin mo lang dahil aalis naman ako. Isang taon akong namumuhay mag-isa, kaya huwag kang mag-alala dahil sanay na ako."
"Hindi sa gano'n," umiwas ako ng tingin bago nakita ni Tucker ang pagtulo ng luha sa aking pisngi. Palihim ko itong pinahiran sabay kagat ng mapula-pula kong labi upang hindi humikbi.
"Kung hindi, ano ang dahilan mo? Ano ang dahilan mo kung bakit mo ako iniiwasan buong linggo?"
"Hindi kita iniiwasan—"
"Really?" pagputol niya sa sasabihin ko.
"Tucker naman..."
"Alam mo, kung ayaw mo na sa akin, puwede mo namang sabihin at aalis ako—kahit hindi mo sabihin, aalis pa rin ako. Ayaw ko sa lahat ay ang iparamdam sa akin na wala akong halaga, na para bang wala akong kuwenta."
Nakita ko sa mga mata ni Tucker na nasasaktan siya. Bawat salita na kanyang binitawan ay tumagos sa aking puso at ramdam ko ang hapdi nito. Gusto ko siyang yakapin at sabihin ang tunay kong nararamdaman, pero umiral na naman ang kaduwagan ko.
Sa tuwing sasabihin ko sa kanya lahat, nawawala ang boses ko.
Iba ang epekto ni Tucker sa aking buhay. Noong dumating siya, para bang may karamay ako sa bawat sandali at hindi ko lubos maisip na mawalay sa kanya. Ito rin ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip akong sabihin ang tunay kong nararamdaman, baka matakot siya at lumayo sa akin.
Bago ko masabi ang gusto kong sabihin, biglang naglaho si Tucker sa aking harapan na parang bula. Tumayo ako sa aking puwesto at walang tigil kong isinigaw ang kanyang pangalan, wala akong pakialam kung nagmumukha akong tanga.
Sa kasamaang palad, hindi lumitaw si Tucker. Kinapa ko ang aking dibdib at pinakiramdaman ang sarili habang pinakawalan ang nagbabadyang luha sa aking mga mata.
"Gusto kita!" sigaw ko sa kawalan. "Naguguluhan ako sa nararamdaman ko dahil gustong-gusto kita—ayaw kong mawala ka sa buhay ko. Alam kong mali itong nararamdaman ko, pero hindi ko ito kayang pigilan. Hindi ko lubos maisip na magkakagusto ako sa isang multo."
Anong saysay ng pagkimkim ko ng katotohanan kung mawawala rin naman siya sa huli?
Hindi ko na namalayan ang sarili ko na humiga sa buhangin. Wala akong pakialam kung nasisilawan ako sa sinag ng araw, o kung umaabot na sa aking mga paa ang tubig. Si Tucker lang ang nasa isipan ko sa mga oras na ito at kung nasaan siya ngayon.
"Tucker naman, magpakita ka na."
"Tucker?"
Agad akong umupo at lumingon sa pinanggalingan ng boses. Halata sa mukha ni Lysa ang pagkalito habang nakatingin sa aking direksyon.
Umiling ako sabay iwas ng tingin. "You heard it wrong."
"Pero sigurado akong Tucker ang— never mind," lumapit si Lysa sa akin. "Pwede ba tayong mag-usap? Kahit saglit lang, promise, saglit lang talaga."
"Kung ang nangyari sa kotse ang pag-uusapan natin," huminga ako ng malalim bago nag-ipon ng lakas. "I'm sorry, but what happened last night was a mistake. Alam kong mukhang gago kong pakinggan ngayon, pero iyon ang totoo."
"Jermaine—"
"I was drunk," pagsisinungaling ko. "It was just a kiss, Lysa, and it meant nothing to me. Alam mo naman na tapos na tayo, 'di ba?"
"Right," kagat ang labi, pumatak ang mga luha na pinipigilan niyang dumaloy. "Tama ka naman, tapos na tayong dalawa, Jermaine."
"I'm so sorry..."
"No, it's okay—I'm okay. Kasalanan ko naman na umasa ako noong hinalikan mo ako kagabi. Iyon mismo ang una kong naalala, and I thought you and I still had a chance to make things right this time."
"Lysa," tawag ko sa kanyang pangalan.
"It's okay, Jermaine."
Nginitian ako ni Lysa sabay punas ng kanyang mga luha. Puno ng kalungkutan ang kanyang boses, at halata rin ito sa kanyang mga mata.
Ilang minuto ang lumipas at tahimik lang kaming dalawa. Sabay naming pinakinggan ang huni ng mga ibon habang kinakalmang ang aming mga sarili. Parang musika sa tainga ang bawat paghampas ng alon sa malalaking bato, pati na ang sariwang hangin na gumugulo sa aking buhok.
Kahit ngayon lang, gusto kong maging payapa ang puso at isipan ko. Kung puwede lang sana na sabihin ko kay Tucker ang lahat—si Tucker.
"Tucker?"
Puno ng pagtataka ang mukha ni Lysa nang bigla akong tumayo. Damn it, hindi ko pa nahahanap si Tucker.
Aalis na sana ako nang hawakan ni Lysa ang aking kamay. Lumingon ako sa kanyang direksyon at nag-isip ng dahilan upang maka-alis, nang natigilan ako sa tanong ni Lysa—paano niya naman nakilala ang isang Tucker Monteverde?
"Paano mo nakilala si Tucker, Jermaine?"
"Sandali lang," kagat ang labi ko, huminga ako ng malalim. "Ikaw yata ang dapat kong tanungin niyan. Paano mo nakilala si Tucker? At pareho ba tayong tinutukoy na Tucker? Baka hindi, e."
"Tucker Monteverde," pabulong niyang sagot sabay iwas ng tingin.
"Bakit mo siya kilala, Lysa?"
"Si Tucker ang isa sa mga pinakamalapit at paborito kong kaibigan, Jermaine."
"What?" Hindi makapaniwalang tanong ko. Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko kay Lysa.
"Be honest with me," tumayo si Lysa at diretsong tiningnan ako sa mata. "Isang taon na simula nang mamatay si Tucker, at sa isang iglap, parang kinalimutan na siya ng lahat. Kahit kailan hindi kita nakita na kasama siya, at hindi ka rin niya nabanggit sa amin—kaya nakapagtataka kung bakit mo siya kilala."
"Sandali lang," ginulo ko ang buhok ko, hindi makapaniwala sa hitsura ng mukha ni Lysa. "Kaibigan mo si Tucker? Kaibigan mo siya? Sandali lang talaga dahil naguguluhan ako."
Anong ibig sabihin nito? Nasa malapit lang pala ang hinahanap namin ni Tucker. At kung namatay si Tucker noong umalis si Lysa, at natagpuan ko siya kung saan nangyari ang aksidente na siyang ikinamatay ng mga magulang ko—hindi maaari itong iniisip ko ngayon.
Sigurado akong nasa truck lamang si Tucker na siyang bumangga sa sasakyan ng mga magulang ko. At kung aksidente ang nangyari, ano ang dahilan ng pananatili ni Tucker sa mundo?
Damn it, mas lalong sumasakit ang ulo ko sa nalalaman ko kay Lysa.
"Jermaine..."
Lumingon ako kay Lysa na naguguluhan pa rin. "Isang prank ba 'to? Kasi naguguluhan ako kung ano ang totoo, Lysa. Hindi ko alam kung ano ang paniniwalaan ko sa mga oras na ito."
"Hindi lang ikaw, Jermaine. Naguguluhan din ako, kaya bakit ako magbibiro tungkol sa namatay kong kaibigan? Kung hindi ka naniniwala sa akin, tanungin mo ang pinsan ni Tucker. Alam kong masasagot niya ang mga katanungan mo ngayon."
"At sino naman ang pinsan ni Tucker?"
"Si Jane."
"Si Jane?" pag-uulit ko sa pangalan ni Lysa bago tumango nang paulit-ulit.
I wanted to scream and get lost due to too much frustration. Galit na galit ako sa sarili ko, sa puntong gusto kong maghukay at ilibing ng buhay ang sarili. Gosh, bakit hindi ko man lang natandaan ang apelyido ni Jane?
At hindi ko man lang napansin ang hawig nila ni Tucker sa umpisa pa lang—ang bobo mo naman, Jermaine.
Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro