Chapter 1: House of Ghosts
Kumuha ako ng dalawang kandila at sinindihan ito. Maayos kong inilagay ang mga ito sa harap ng puntod ng aking mga magulang, katabi ang paborito nilang kulay dilaw na rosas. Hindi ko akalain na isang taon na ang lumipas mula nang iwanan nila ako, at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking isipan ang nangyari.
Isang aksidente na tuluyang bumago sa takbo ng aking buhay.
Isang taon ko rin silang hinanap, nagbabakasakaling makita ko ang paggala-gala nilang multo. Palagi kong pinupuntahan ang lugar kung saan nangyari ang aksidente at palagi ring umuuwi na dismayado.
Sabi nga ni Google, may mga dahilan kung bakit hindi ko sila makita.
Unang dahilan, baka tuluyan na silang kinuha ng liwanag.
Ikalawang dahilan, baka hindi lahat ng mga multo ay kaya kong makita.
Ikatlong dahilan, baka ayaw nilang magpakita sa akin.
Ika-apat na dahilan, wala na. Naubusan ng dahilan si Google, at may ibang listahan na ibinigay sa akin tungkol sa mga multong nakikita ko.
"Bakit hindi pa kinukuha ng liwanag ang ibang mga multo?" pagbasa ko sa kasunod na artikulo nang makauwi ako sa inuupahan kong bahay.
Kasalukuyan akong nakaupo sa hagdanan. Pinagmasdan ko ang tatlong multong nasa aking harapan pagkatapos kong patayin ang cellphone. Napansin kong wala silang ibang ginawa kundi ang titigan ako buong umaga, hanggang sa pakiramdam ko'y unti-unti na akong natutunaw.
Alam kong gwapo ako, pero marunong din akong mahiya.
Tumingala ako upang tingnan ang orasan. Nang tingnan ko ulit ang tatlong multo, laking pagtataka ko nang makita ko rin silang nakatingala sa malaking orasan. Mga dakilang chismoso—siguro namatay ang tatlong ito dahil sa pagiging chismoso.
Kung wala lang ang babaeng multo sa tinutuluyan kong silid, hindi sana ako tatambay rito kasama ang tatlo. Ayaw ko namang manuod ng pelikula kung palaging naglalakad ang isang babaeng multo sa sala. The worst part is, sa harap pa talaga ng telebisyon. Punyeta, sino ba namang hindi maiinis? At mas lalong ayaw ko ring kumain sa kusina. May isang lalaking multo roon na kay sarap ibalik sa kanyang libingan.
Sign na ba ito para humanap ako ng ibang mauupahan? Sobrang gigil na gigil na ako sa mga multo rito.
"Tara na, Jermaine." Paanyaya ni Yohan, kaibigan ko.
Sa aming dalawa, masasabi kong mas matino si Yohan kaysa sa akin. Pero mas matangkad ako sa kanya ng ilang sentimetro, at iyon lang yata ang maipagmamalaki ko. Bukod doon, magandang pagmasdan ang kanyang chinitong mga mata, at mas lalo itong gumaganda kapag ngumingiti siya, dahil nakikita mo ang kanyang gilagid. Sa aming dalawa, para na yata siyang walking gluta sa sobrang puti at kinis ng balat. Isa lang talaga ang ayaw ko sa kanya—iba ang nagagawa ng katamaran sa kanya.
Tiningnan ako ni Yohan bago tumakbo pababa ng hagdanan. Dinaanan ng loko ang tatlong multo na kasalukuyang nakangiti. May naisip na namang kalokohan ang mga chismoso kaya sobrang wagas kung ngumiti.
"Nasaan pala si Nikolai?" Tanong ko.
"Puntahan mo sa silid namin, baka natulog ulit ang loko. Alam mo namang mahirap gisingin ang lalaking iyon."
"Si Nikolai, mahirap gisingin? Hindi ba't ikaw ang mahirap gisingin sa inyong dalawa?"
"Late na tayo, eh."
Umiling ako bago pinagpagan ang suot kong itim na pantalon. Aalis na sana ako nang mapansin kong nawawala ang tatlong multo sa hagdanan. Nagkibit-balikat na lang ako bago tinungo ang silid nina Yohan at Nikolai. Tatlong beses akong kumatok bago binuksan ang pintuan, pero hindi si Nikolai ang bumungad sa akin.
Punyeta, nakalimutan kong may multo rin pala sa silid ng mga kaibigan ko.
Sobra ang pagpipigil kong hindi sumigaw. Isang babaeng multo ang nasa aking harapan, at ang buhok niya ay parang kay Sadako. Nakasuot siya ng puting bestida na may bahid ng dugo sa laylayan. Wala siyang suot na sapatos o tsinelas. Nakapagtataka kung bakit basang-basa ang multo sa aking harapan—
"Hoy, Jermaine!"
Agad akong nabalik sa aking katinuan nang marinig ang boses ni Nikolai. Naglaho sa aking harapan si Sadako at hindi ko namalayang pinipigilan ko na pala ang aking paghinga.
Muntik na akong mamatay, ah.
Tuluyan akong pumasok sa silid ni Nikolai. Inilibot ko ang aking paningin sa buong lugar—wala ang babaeng multo.
Masamang tingin ang ipinukol ko kay Nikolai nang makita siyang nasa kalagitnaan ng pagbibihis. Umiwas kaagad ako ng tingin bago tinungo ang banyo nang makarinig ako ng kakaibang boses. Buwesit, papatayin yata ako sa sindak ng mga multong ito, lalo na ang babaeng multo sa sarili kong kwarto.
"Sa sala na lang kita hihintayin. Bahala ka na riyan, Nikolai." Paalam ko.
"Pakisabi kay Yohan na patapos na ako. Huwag niyong kalimutang gawan ako ng egg sandwich, okay?"
"Noted." Sabi ko at saka tumango bago tuluyang umalis.
Si Nikolai ang kumukumpleto sa amin ni Yohan. Ako ang bunso sa aming tatlo, at si Yohan naman ang panganay. Sa aming dalawa ni Nikolai, mas matangkad siya sa akin. Ako lang yata ang hindi chinito sa aming tatlo, pero mas maputi naman ako ng ilang porsyento kay Nikolai. Kung matatawag kong walking gluta si Yohan, si Nikolai naman ay isang walking dictionary sa sobrang katalinuhan ng kaibigan ko.
Ako? Huwag niyo nang tanungin ang ambag ko sa grupo kung ayaw niyong makatabi sina Sadako, Shomba, at Kayako tuwing gabi.
Dali-dali kong tinungo ang kusina at bumungad sa akin ang multo na paggala-gala na naman habang hawak ang kanyang mga mata. Itinuon ko ang pansin kay Yohan na hinahanda ang isang slice ng bread at iba't ibang palaman sa lamesa.
Sa likuran ni Yohan ay ang tatlong multo. Halata sa mga mukha nila na may binabalak silang gawin. Kaya pala nawawala sa hagdanan ang mga loko, sinundan pala si Yohan sa kusina para alamin kung ano ang gagawin ng aking kaibigan. Naku, mukhang may iba kaming kasama papuntang paaralan ngayon.
"Huwag mong kalimutan ang egg sandwich ni Nikolai," paalala ko kay Yohan.
"Jam and bread," sabi niya at inabot ko ang garapon ng mango jam.
"Bread and jam," pagbaliktad ko sa kanyang sinabi bago kumuha ng spreader at gumawa rin ng sarili kong sandwich. Kinuha ko ang garapon ng strawberry jam kasabay ang paglingon ko sa multong tumabi sa akin.
Mabuti na lang at ibinalik niya ang kanyang mga mata. Takot ko lang na may masuntok akong multo pabalik sa kanyang libingan ngayong umaga. Buwesit, nawawalan ako ng gana sa mga multong ito. Nagpasya akong baliwalain ang katabi ko at nagpatuloy sa paggawa ng strawberry jam sandwich hanggang sa dumating si Nikolai.
May lindol man o wala, panghuli pa ring lalabas ng bahay ang lalaking 'to.
Nagmamadali kaming tatlo papunta sa Elton University, at mas lalong bumilis ang aming lakad nang marinig ang tunog ng bell, tanda na magsisimula na ang aming klase. Walang pasabing tumakbo ang dalawa at iniwan akong nakatunganga sa gitna ng campus. Sa aking harapan ay ang batang multo na palaging sumasama sa akin kahit saan ako magpunta—puwera na lang sa inuupahan kong bahay.
Mabuti na lang talaga. Huwag na siyang dumagdag sa mga multong nakasasalamuha ko sa bahay ni Aling Shana.
Binaliwala ko ang batang multo at hinabol ang mga kaibigan kong mang-iiwan. Nasa third floor pa naman ang una kong klase, at strikto pa ang professor ko sa Logistics Management. Sa kasamaang palad, marami ring gumagalang multo sa gusaling 'to. Kaya pinangalanan namin ito bilang "abandonadong gusali" ng Elton University.
Isa na rito ang babaeng estudyante na umiiyak sa loob ng ladies' comfort room. Kinikilabutan ako tuwing naririnig ko ang bawat paghikbi niya. Kaya naman, tuwing examination period lang binubuksan ang comfort room sa ikatlong palapag, dahil marami kaming naririnig na pag-iyak mula sa loob.
Minsan, napapatanong ang ibang mga multo kung bakit hindi ako natatakot sa kanila. Sa totoo lang, natatakot ako sa kanila. Pero pilit kong itinago ang aking nararamdaman. Sabi nga ng mga matatanda, kapag ipinakita mong natatakot ka, lalo ka nilang tatakutin.
At saka, mabait naman ang mga multong nasa bahay ni Aling Shana—sa pagkakaalam ko.
"You're all dismissed for today. See you next week for the preliminary examination."
Agad akong nagligpit ng mga gamit at tinext sina Yohan at Nikolai kung nasaan sila ngayon. Sadly, nasa magkaibang block kaming tatlo. Bakit? Ayaw nilang magkasama kami sa isang silid. Huwag niyong alamin, dahil may mga saltik sa utak ang mga kaibigan ko. Hindi ko nga alam kung saan-saan ko napulot ang mga gagong 'to; ang sarap ibalik kung saan ko sila natagpuan.
Dumiretso ako sa canteen nang matanggap ko ang reply ni Nikolai. Mahaba ang pila, kaya mabuti na lang may baon akong sandwich. Libre naman ito, e. Ang sabi ni Aling Shana, pwede naming kainin ang anumang pagkain sa kanyang bahay, maliban na lang kung may pangalang nakalagay.
Naunang umalis ang dalawa, habang naghahanap ako ng iced milo sa paligid. Sobrang init sa Pilipinas, gusto ko na ngang mag-migrate, wala nga lang akong pera.
"Ano na naman ang kailangan mo?" tanong ko sa batang multo na biglang lumitaw sa aking harapan. Magtatanong pa sana ako nang bigla siyang naglaho.
Hindi na ako natutuwa. Nagpasya akong puntahan ang mga kaibigan ko nang muling lumitaw ang batang multo sa aking harapan. Jusko! Laking pasasalamat ko na lang at wala akong sakit sa puso.
As far as I can remember, I was just a normal college student, until the accident happened a year ago.
ཐི❤︎ཋྀ
"Mauna na kayong dalawa. May dadaanan lang ako saglit," paalam ko sa dalawang natutuwang umuwi ng bahay.
"Hindi ka sasama sa amin mamayang gabi?" tanong ni Nikolai at saka inakbayan si Yohan na halatang tinatamad.
"Saan naman kayo pupunta?" tanong ko habang inaayos ang aking mga gamit sa bag.
"Nakalimutan mo ba, Jermaine? It's already Friday night and we should celebrate for surviving the long week in hell. Kailangan din ito ni Yohan para makalimutan ang makulit na batang palaging nakasunod sa kanya."
"Sinusundan ka pa rin ni Jaxen hanggang ngayon?" tanong ko kay Yohan na halatang naiinis.
"Huwag mo nang ipaalala," sagot ni Yohan na walang ganang naglakad palayo sa amin ni Nikolai.
"Sundan mo na 'yon, Niko."
"Mangako ka muna na sasama ka sa amin mamayang gabi, Jermaine."
Tumango ako at natawa na lang sa katigasan ng kanyang ulo. "Oo na, sasama na ako para matahimik ka. Alam kong ipapahanap mo lang sa akin mamayang gabi si Slade, e."
"The best ka talaga, Jermaine."
Napailing ako sa kakulitan ni Nikolai. Kung anu-ano talaga ang nagagawa ng pag-ibig. Hindi mangyayari sa akin ang mga bagay na 'yan, never ever in my whole life. One true love? Gago lang ang maniniwala riyan.
Kasalukuyan kong pinuntahan ang lugar kung saan nangyari ang aksidente isang taon na ang nakalilipas. May kakaiba akong naramdaman sa kapayapaan ng lugar. Walang katao-tao sa paligid at kaunti lang ang sasakyan na dumadaan.
Sobrang payapa ng lugar at mas lalong nagiging kakaiba nang makita ko ang isang lalaki sa tapat ng kalsada. Kumunot ang aking noo habang nakatitig sa kanya ng mabuti. Nasa malayo ang kanyang tingin at halata ang lungkot sa kanyang mukha. Sa gitna ng payapang lugar kung saan nangyari ang pinaka-ayaw kong maalala, may dalawang taong nakatayo sa magkabilang kalsada.
Love at first sight?
Hindi ako naniniwala riyan.
"Pero gwapo," bulong ko sa sarili.
Tiningnan ko sa huling pagkakataon ang lalaki na kasalukuyang nakatingin pabalik sa aking direksyon. Hindi ako nagdalawang-isip na lisanin ang lugar at dumiretso sa bahay ni Aling Shana. Naabutan kong naghahanda si Nikolai habang nakahiga naman sa sofa si Yohan, na mukhang walang balak umalis. Nagbihis ako agad upang sumabay sa dalawa papunta sa kung saan nila gustong magsaya.
Mukhang kailangan ko ring magsaya, hindi 'yong puro multo na lang ang nakakasalamuha ko araw-araw.
Ilang minuto lang ay narating namin ang sinasabing paboritong bar ni Nikolai. Bumaba ako sa sasakyan ni Yohan at naunang pumasok. Strictly eighteen and above lang ang pwedeng makapasok sa bar. Ito ang gusto ni Yohan dahil hindi makakapasok ang kanyang not-so-secret admirer, lalo na't pinagbabawalan ang batang 'yon sa mga ganitong lugar.
Bakit ko alam? I have my connections.
Nagsimula akong hanapin ang taong matagal nang hinahanap ni Nikolai. Sa sobrang dami ng tao ngayon, walang pag-asang makikita namin si Slade—hindi nga namin alam kung nandito siya ngayon.
"Bawal bata rito," bulong ko sa batang multo na hanggang ngayon ay sinusundan pa rin ako.
"Sino kinakausap mo riyan?" tanong ni Yohan na palihim na nakasunod sa akin.
"Sarili ko," sarkastiko kong sagot bago umalis.
Ipinagpatuloy ko ang paghahanap kay Slade hanggang sa makita ko siya sa gitna ng dance floor. Pero hindi nga lang si Slade ang nakita ko, kundi ang lalaking tinitigan ko kanina sa tapat ng kalsada. Hawak ang babasaging baso, agad akong nag-iwas ng tingin nang magtama sa ikalawang pagkakataon ang aming mga mata.
Damn it, that was pretty close.
Tweet your thoughts and use #ESouls on Instagram, Facebook, or X.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro