Kabanata 26
Kabanata 26
Utang
Nakita ko ang mabilis na hininga ni mama. Habang humalukipkip naman si Tiya Lucy at pangisingisi lang. Nilingon ni mama si papa at Tiyo na parehong tulala kay Hector.
"Paki lagay na lang ang ibang basket diyan, Mang Elias." Sabay turo ni Hector sa table namin sa labas.
Nakita kong parehong tumulong ang kapatid ko at pinsan sa pinaggagawa ni Mang Elias. Gusto ko na lang pumukit at mawala sa lugar na ito. Kitang kita sa mukha nina mama ang pagkamuhi sa simpleng pag tapak ng isang Dela Merced sa bakuran namin.
"Chesca!" Sigaw ni mama sa akin.
"P-Po!" Nanginginig kong sagot.
Kumalabog ang puso ko. Natatakot ako sa maaring sabihin ni mama kay Hector. Natatakot akong pagbintangan niya si Hector. Natatakot ako sa maaring mangyayari.
"Hinatid ko po siya at dinalhan ko po kayo ng mga prutas galing sa rancho Tito." Sabay tingin niya sa kay Tiyo.
Hinaplos ni Tiyo ang manok at tumango siya habang inuupos ang sigarilyong hinihithit.
"Masakit po ang puson ni Chesca kanina kasi nagka dysmenorrhea siya kaya inalagaan ko. Hinatid ko na rin po siya ngayon para maibigay itong prutas na dala ko sa inyo."
Kinagat ko ang labi ko. Hindi ko alam kung paano pipigilan si Hector sa pagsasalita. Ayaw na ayaw niyang pinangungunahan siya. At isa pa, masyado nang awkward ang sitwasyon. Natatakot na akong magsalita. Nilingon ko si mama at tiya na magkahawak kamay na ngayon.
Palihim na hinahaplos ni tiya ang likod ni mama habang medyo kumakalma naman si mama.
"Sige po. Napasok na po ni Mang Elias ang mga prutas sa loob." Nilingon ni Hector ang kapatid ko at si Teddy.
Tumango at ngumisi si Teddy sa kanya. "Hector, eto nga pala si Craig. Kapatid ni Chesca." Ani Teddy. "Si Tita Michelle, mama ni Chesca."
Nakita kong laglag ang panga ni mama at unti-unting pumula ang kanyang pisngi habang nilalapitan siya ni Hector.
"Hector Dela Merced, po, tita."
Mas lalong nalaglag ang panga ni mama nang naglahad ng kamay si Hector at tinawag pa nitong tita si mama.
Napa facepalm na lang ako sa gilid. Please, Hector! Tama na! Mainit ang dugo ni mama sa iyo! Mamaya masampal ka riyan!
Imbes na tanggapin ni mama ang kanyang kamay ay sinalubong siya nito ng tanong.
"Bakit mo nililigawan ang anak ko?" Seryosong tanong ni mama.
Ngumisi si Hector, “Bakit ho ba nanliligaw ang isang lalaki?”
Mas lalong pumula ang pisngi ni mama. Sumulyap siya sa akin. Sumulyap din si Hector sa akin at ngumiti.
Parang gusto ko siyang hambalusin sa sinabi niya. Hindi niya ba nakikitang medyo galit si mama sa kanya? Hindi ba niya kayang sumagot na lang sa tanong? Kailangan ba niyang mamilosopo pa? Ganun ba pag hari ka? He’s just so full of himself!
“Bata pa ang anak ko, Dela Merced. Hindi ako makakapayag na may manligaw sa kanyang... tulad mo.” Pabagsak na sinabi ni mama.
Nakita ko ang paghigpit ng kamay ni tiya sa kanya. Sumipol si Craig sa likod. Nakita ko rin ang bahagyang paglapit ni Mang Elias sa kay Hector.
“Alam ko po. Kaya nga po hindi lang siya ang nililigawan ko ngayon. Ang buong pamilya niya po.” Bahagyang yumuko si Hector.
Dahilan kung bakit namilog ang mga mata ni Tiya, Tiyo, papa at Teddy.
“H-Hector.” Marahan kong sinabi.
“Hmm?” Nilingon niya ako at ngumisi siya.
OH GOD! Why do you have to be so good looking?
“Kung hindi kita pahintulutan?” Maarteng sinabi ni mama.
“’To namang si Michelle, payagan mo na yang anak mo. Para namang di ka maagang naglandi noon.” Humalakhak si tiya kaya nasapak siya ni mama.
Maging ako man ay sasapakin din si Tiya sa sinabi niya.
“Hindi po ako titigil hanggang sa pumayag kayo.”
Ano ba, Ma! Ni hindi pa nga ako pumapayag? Ano ba ito!? Humalukipkip si mama at pinagtaasan niya ng kilay si Hector.
“Lumalalim na ang gabi. Umuwi na kayo.” Pagtataboy ni mama.
“Michelle!” Napadaing si Tiya. “Dito na kayo maghapunan.” Patawa tawang sinabi ni tiya.
Ngumisi si Hector at bumaling sa akin, “Sa susunod na lang po. Masyado ko na ata kayong naabala ngayong gabi. Chesca...”
“Hmmm?”
Nakita ko ang pagtalon ni mama sa gilid na para bang na offend siya sa pagtawag ni Hector sa akin.
“Itetext kita mamaya.” Aniya at kinagat ang labi.
Napatingin ako sa tuhod kong agad nanlamig. Ganito ba talaga ang dulot ng isang Hector Dela Merced? Shit lang, ha!
“W-Wala akong load.” Sinulyapan ko si mama.
Tumango siya sakin at ngumisi. Alam kong gusto ni mama na ayawan ko si Hector kahit medyo taliwas naman ang iniisip ko ngayon. Well, magpapaload ako diyan sa labas mamaya para maitext si Hector ng mga mura dahil sa ginawa niyang ito dito sa bahay namin.
“Ako na ang bahala sa load mo.” Kumindat siya. “Aalis na po kami. Thank you at magandang gabi.” Aniya sa buong pamilya ko bago pumanhik.
Saka lang ako nakahinga ng maluwang nang umalis na ang Jeep Commander nila. Narinig ko rin ang singhapan ng buong pamilya ko pagkaalis ng sasakyan. Si mama ang pinakamaraming sinabi.
“Una sa lahat, kakagaling mo pa lang sa isang bigong pag ibig, Chesca! Hindi ka ba natuto? Mabuti nga at nabigo ka nun at nang sa ganun ay makapag concentrate ka sa iyong pag aaral. Isa pa at pinaka importante, DELA MERCED siya!”
“Ano naman ngayon?” Sabat ni Tiya nang nasa hapag na kami. “Hindi ba mas maganda iyon?”
“Lucy, hindi ko gusto iyang plano mo.” Sabi ni Tiyo.
Nagkatinginan kami nina Craig at Teddy habang nakaupo at tahimik sa hapag kainan.
“Ano ngayon? Desperate times call for desperate measures!” Tumawa si Tiya.
Hinampas ni Tiyo ang hapagkainan dahilan kung bakit napatingin kaming lahat sa kanya, “Hindi ganyan ang mga Alde.” Ani Tiyo.
Tumango si papa, “Lumaki kaming natuto sa mga pagkakamali ng mga magulang namin.” Sabay tingin sa inosenteng kumakain na si Lola Siling. “Si papa ay sugarol, si mama naman ay mautak sa mga lupa at pera. Pero hindi tayo ganyan ka gahaman ngayon. Kung lulubog tayo, edi lumubog tayo!”
“Francis,” Desperadong sinabi ni tiya. “Alam ko pero di ninyo naiintindihan. Pinatigil ko sa pag aaral si Teddy! Imbes na mag thi-third year na siya sa isang malaking unibersidad, itinigil ko dahil wala na tayong pangtustos. Hindi sanay ang anak kong mahirap kami. Oo, sanay siya sa gawaing bukid pero hindi siya sanay na nakatengga lang sa bahay. Hindi rin ako makakapayag na wala siyang tinapos na kurso sa isang malaking unibersidad.”
“Lucy, anong tawag mo sa mga anak ko? Tingin mo ba ay hindi masakit sa akin iyon? Itinaguyod ko si Craig at Chesca. Pinag aral ko silang dalawa sa magagandang unibersidad galing sa lupa natin at kaonting suweldo ko sa Comelec.”
“Pareho lang tayo dito. Nasa iisang barko lang tayo kaya kailangan nating magtulungan.” Ani Tiya.
Narinig ko ang pagsinghap ni Tiyo at papa. Hindi ako makapaniwala sa brainstorming na nangyayari sa kanila. Para bang sila ang nililigawan ni Hector. Para bang sila ang magpapasya kung magiging kami o hindi!
“So? i don’t have a say on this?” Biglaan kong sinabi habang sumisimsim sa baso ng tubig.
Napalingon silang lahat sa akin.
“Hindi ko po mahal si Hector...” Pauna kong sinabi na agad nagpapalakpak kay Tiya.
“Edi mabuti, hija, kung hindi mo siya mahal, hindi siya mahirap saktan! Pagkatapos mong makuha ang titulo o mapaikot siya para mapasatin ulit ang titulo ay agad mo na siyang iwan! Wa’g kang mag alala, pag nakatapos ka ng kolehiyo sa Maynila ay hindi mo na kailangang-”
“LUCY!” Sigaw ni Tiyo. “Kahibangan na iyan!”
“Papa! Tama si mama!” Sabi ni Teddy. “Kung hindi lang rin naman mahal ni Chesca, bakit hindi pa natin pagsamantalahan!?”
“Susmaryosep!” Reklamo ni mama.
Nakita kong uminom si Craig ng tubig at yumuko na lang habang pinipindot ang cellphone niya. Walang pakealam.
“PWEDE BANG PAGSALITAIN NIYO MUNA AKO?” Sabi ko. “Bakit puro inyo lahat? Kayo ba ang nililigawan niya?”
Kinilabutan ako sa tanong kong iyon pero ipinagpatuloy ko.
“Sa magtatatlong buwan ko dito sa Alegria, nakilala ko si Hector, mabait siya at misteryoso. Unang linggo ko pa lang ay nagpahiwatig na siya sa akin-”
Namilog ang bibig ni Tiya, “Hindi kaya tayo ang papaikutin niya? Hindi kaya inaakit ka niya nang sa ganun ay walang pawis niyang makukuha ang Alps? Baka pakasalan ka niyan para lang makuha ang Alps at iwan ka rin sa huli!?”
“Chesca, naaalala mo ba ang sinabi ko sayo noon? Kung ang babae ang makakapag asawa ng lalaking mayaman ay yayaman din ang babae. At kung ang babaeng mayaman ang makakapag asawa ng mahirap ay magiging mahirap din ang lalaki. Ang lalaki ang batayan ng estado sa buhay ng babae. Mahirap tanggapin pero iyon ang totoo. At kung si Hector ang-”
“MAMA!” Sigaw ko. “Anong pakasal? Ni hindi ko pa po siya nasasagot! Nanliligaw pa po siya at ni hindi ko pa po siya mahal! Bakit ninyo naiisip ang kasal?”
“Ang punto ko dito, Ches, ay baka ang lupa natin ang habol niya sayo.”
“Hindi ako ang tagapagmana ng Alps, diba?” Sabi ko habang mabilis ang paghinga.
Natahimik silang lahat. Maging si Craig ay bumaling sa akin.
“Si Craig at Teddy ang maghahati nun pag dating ng panahon! Kaya kung pakasalan ko man si Hector, wala siyang makukuha sa akin, alright? Wala!” Sabi ko sabay irap.
Walang nagsalita ni isa sa kanila.
“Kaya imposibleng iyon ang habol niya sa akin!” Paliwanag ko.
Humalukipkip si Tiya, “Kung ganun, malinis ang intensyon ni Hector sayo. Ibig sabihin lang niyan, Chesca, ay makukuha mo ang buong rancho!”
Nanghina at nanlumo ako sa sinabi ni tiya. Pumalakpak pa siya sa kabila ng singhap nina papa at Tiyo.
Unti-unti ring napalitan ang simangot ni mama ng ngisi, “At pwede mo rin siyang pakiusapan na ang Alps ay ibalik na lang sa atin. Pakiusapan mo ang tito niya na huwag ng singilin ang kalahating milyon na utang ni mama sa kanila!”
“Utang?” Singit ni lola Siling. “May utang ako sa mga Dela Merced. Five hundred thousand! Si Francisco kasi talunan sa sabong kaya ayun... Nangutang kami. Sinangla namin ang Alps! Ha-ha!” Nakita ko ang ngisi ni lola na walang ngipin. “Ang bait talaga ni William! Ni hindi dinaan sa legal ang pagsangla. Konting kasulatan lang at kinuha niya lang ang titulo.” Nagkamot ng ulo si lola. “Nakalimutan kong kunin yung titulo sa kanila, ah? Yun dapat yung gagawin ko kanina! Ang kunin ang titulo sa kabinet!”
Nagkatinginan kaming lahat. Napatingin din si lola Siling sa amin. Unti-unting nagbago ang kanyang ekspresyon. Mas lalo kong naaninag ang kaputian ng buhok niya at ang pagluha ng kanyang mga mata.
“BAKIT WALANG NAGSABI SAKIN NA PATAY NA SI FRANCISCO!? BAKIT? BUROL NIYO KAHAPON? BAKIT?” Humagulhol siyang bigla.
“Teddy, Craig, ihatid niyo na ang lola sa kwarto. Painumin niyo ng medicine niya.” Ani Tiya.
Tumayong pareho sina Craig at Teddy at agad iginiya si lola paalis ng hapag. Hinilot naman ni Tiya ang kanyang noo habang kumukunot ito.
“Ang mahal ng gamot ni mama.” Aniya.
Kinagat ko ang labi ko.
“Tiya, Mama, hindi ko po gagawin yan kay Hector.” Sabi ko bago pa nila ibalik ang usapan sa pag gamit kay Hector.
Nakita ko ang tabang sa kanilang mga ekspresyon. Tumango si papa sakin at ngumisi.
“Hindi mo siya mahal, diba?”
Pinisil ko ang kamay ko at pinikit ang mga mata nang sinabing...
“Hindi... Hindi talaga. Pero hindi ko rin iyon magagawa.”
Habang yumuyuko ako ay nakita kong may mensahe akong natanggap sa cellphone ko. Bukod sa load na 100 ay may text na agad si Hector.
Hector:
Ubusin mo ang load na yan sa akin. Hindi ka pwedeng mag text ng iba.
May kung ano sa tiyan kong kumiliti sa akin. At hindi iyon ang sabaw na ulam namin...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro