Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6

AN/ Sorry for inconsistency angels. May ilan lang akong idadagdag, ayaw ko lang magtuloy tuloy ang story na hindi ko nalalabas ang mga scene nilang ito. Ibabalik ko pa rin ang dating chapters may nakalimutan lang po akong isali. Don't worry, madalas na po ang update ko until next week. Thank you!


Chapter 6


Don Ferell

Dahil nanganak ang misis ng driver ng school bus ng mga apo ko, napagpasyahan kong ako na lamang ang sumundo sa kanila ngayong hapon. Mabuti na lamang at hindi ako masyadong abala sa negosyo nitong mga nakaraang araw, mas natututukan ko silang lima na siyang pinagpapasalamat ko.

Nakabukas na ang pintuan ng sasakyan habang hinihintay ko ang paglabas ng aking mga apo. Wala rin ang aming family driver ngayon dahil absent ito at naghahawak daw sa binyag. Bakit parang uso ngayon ang nanganganak at binyagan?

Hindi na ako nag abalang umalis sa driver's seat, alam kong kilala na ng matatalino, gwapo at henyo kong mga apo na mana sa lolo ang puting urvan na ito. Sana nga lamang ay magkakasama sila ngayon, walang 'sense of direction' si Nero kaya lagi itong nawawala o napapahiwalay sa kanyang mga pinsan.


May sarili akong problema sa bawat isa sa kanila, si Nero na walang alam sa direksyon at madalas ay hindi ko pa rin maintindihan ang kanyang pagsasalita.

Si Tristan na laging tulog, mahigpit ko rin pilit inaalis sa kanya ang pagtatangay niya sa kanyang hinalalaki habang natutulog pero wala akong magawa. Halos magkakalyo na ang daliri niya sa kakatangay. Sinubukan ko siyang bigyan na lamang ng baby bottle para ito ang tangayin niya sa pagtulog pero itinatapon niya lamang ito. Mas gusto ng aking apo ang kanyang daliri.

Habang si Troy naman ay sobrang sutil. Minsan ay nahuhuli ko siyang tinatanggal ang daliring tinatangay ni Tristan pero ipinapalit niya ang sarili niyang daliri, hanggang sa tawagin niya ang tatlo pa niyang mga pinsan at maghalinhinan sila sa pagsubo ng daliri sa natutulog na si Tristan na walang kamalay malay. Pero mabuti na lamang at matagal na nila itong itinigil dahil nakita lang naman nila kung paano nakagat ni Tristan ang daliri ni Troy. Isang araw yatang umiyak nang umiyak si Troy ng araw na 'yon dahil masakit daw ang daliri at mapuputol na.


"Lolo, ni kagat ako ni Tristan!" takbong parang madadapa si Troy na nagsusumbong sa akin na may kasamang mga luha habang pinapakita ang kanyang daliring pulang pula. Nakita ko ang nangyari, siya mismo ang nagsubo kay Tristan. Nakagat siya sa sarili niyang kapilyuhan.

Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy ako sa pagtitipa sa aking laptop. He's at fault, dapat ay matuto siya sa sarili niyang kapilyuhan. I won't tolerate this, kahit bata pa siya.


"Lolo! It's hurts, ni kagat ako ni Tristan..ni kagat ako.." lalo siyang lumapit sa akin at halos itapat na niya ang daliri niya sa mukha ko.

Napabuntong hininga na lamang ako at humarap ako sa apo ko na panay ang pagluha.


"It's your fault Troy, natutulog ang pinsan mo pero anong ginawa mo? Go clean yourself, kasalanan mo kung bakit ka nasaktan. Madami pang ginagawa si lolo.." hindi ko siya hinawakan o inalo man lang. Hindi dahil apo ko siya ay papaburan ko siya sa lahat ng bagay.


"You won't blow Troy's finger lolo? It hurts..It hurts lolo..'" mangiyak iyak na sabi niya. Nasanay silang hinihipan ko ang mga tuhod, braso o kahit saan man parte ng kanilang katawan kapag nasasaktan sila.


"I won't, dahil mali ang ginawa mo Troy.." nang sabihin ko ito ay humagulhol na lang siya ng iyak at nagpunta siya sa sulok ng library. Naupo siya doon at umiyak nang umiyak.

Pinilit ko ang sarili kong hindi siya pansinin pero wala pang kalahating oras ay nilapitan ko na ang kawawa kong apo. Wala akong kakayahang tiisin ang kahit sino sa kanila. Inalo at binuhat ko na rin si Troy, ilang beses kong hinalikan ang daliri niyang mapula pa rin.


"Huwag nang sutil Troy, magagalit ulit si lolo.." ilang beses kong pinunasan ang mukha niya.


"Ba..ba..bati na ba ta..yo lolo?" nagpaputol putol na siya sa pagsasalita dahil sa kakaiyak niya.


"Bati na, hindi na galit si lolo.." matagal pa siyang nag iiyak hanggang sa nakatulog siyang na nakayapos sa akin.


Kung tutuusin malalambing naman ang lima kong apo, iba nga lamang ang lambing ni Troy. He's a very sweet boy, kahit ang mga teacher niya ay napapansin din ito sa kanya.

Samantalang ang problema ko naman kay Owen ay ang pagiging maamos niyang bata. Wala siyang pakundangan kung magpunas ng mga chocolate at kung anumang mga kinain niya sa kanyang damit. Amusin lagi si Owen na hindi aakalaing apo ng isang Don Ferell, lagi siyang madungis at parang laging gumulong sa putikan, umuuwi rin siyang walang neck tie, wala ang isang medyas at kulang kulang na gamit sa kanyang bag, linggo linggo siyang nawawalan ng libro. Kailangan laging dalawang beses paliguan si Owen sa loob ng isang araw, sa madaling salita si Owen ang apo ko na pinakamagastos sa sabon at tubig.

Habang si Aldus naman ay masyadong gastador, sa kanilang magpipinsan ay siya lagi ang unang nauubusan ng baong pera. At hindi ko alam kung saan na niya ito dinadala. Mas marami rin siyang kaibigang babae kaysa sa lalaki sa kanilang school, alam ko namang walang alanganin sa apo ko. Iisa lamang ang ibig sabihin nito, masyadong maagang nagbibinata si Aldus.


Muli kong sinulyapan ang entrance ng school ng mga apo ko, eksaktong tumunog ang bell nito dahilan kung bakit naglabasan na ang mga nagtatakbuhang mga bata. Marami na rin magulang na kagaya ko ay naghihintay na rin sa kanilang mga estudyante.

Una kong nakita si Owen na madungis na naman, sumunod si Aldus at Nero na nagpapabilisan sa pagtakbo. Sumunod si Troy na palinga linga at hinahanap ang sasakyan at si Tristan na mukhang kagigising lamang. Agad akong bumusina dahilan para makuha ang atensyon nilang lima, halos mag unahan sila sa pagtakbo ng makita nila ang sasakyan namin.


Nang makasakay na silang lima ay lumabas muna ako para isarado na ang sasakyan.


Nang makaupo na muli ako sa driver's seat ay agad ko nang binuhay ang makina.


"What is lolo's rule?" napangisi na lang ako nang makitang sabay sabay nagsuot ng seatbelt ang aking mga apo.

Sinimulan ko nang patakbuhin ang sasakyan at hindi rin nagtagal ay may nagsalita na sa kanila.


"Lolo, we have our party on Monday!" masiglang sabi ni Aldus.


"Party?" nagtatakang tanong ko.

Marami pang ipinaliwanag sa akin si Aldus na hindi ko naintindihan, siguro ay titingnan ko na lamang sa kanilang assignment notebook. Wala akong mapapagpilian, nakaleave din ang tutor ng mga ito dahil malapit nang manganak.

Nakarating na kami sa mansyon, nagpahanda na rin ako ng pagkain para sa kanilang lima. At habang abala sila sa pagkain ay sinimulan ko nang buklatin ang white notebook nila.


"Oh, my program pala kayo sa Monday..."


"What's this?" hindi ko maintindihan ang sulat nila sa dulo dahil sobrang daming bura nito.


"Wear your prince costume.." napatango na lamang ako sa nabasa ko. Kung ganoon ay kailangan ko nang pasukatan ang mga apo kong ito.


"Bakit kailangan ng prince costume? May school play ba kayo?" sabay sabay silang tumangong lima sa akin.

Tumayo na ako at nagsimula na akong mag dial sa aking telepono, kailangan ko nang makahanap ng mananahi. Rush costume it is.


Nang makatawag na ako ay hindi din nagtagal ay dumating na ang mga magsusukat sa aking mga apo. Kasalukuyan kaming nasa sala habang isa isang sinusukatan ang lima kong apo.

Hawak ko si Owen habang sinusukatan siya dahil sa sobra niyang likot.


"Ang cute cute naman po ng dimples ng batang ito.." tuwang tuwang sabi ng babaeng nagsusukat kay Owen.


"Don't move Owen!" sita ko sa kanya.


"Hands up.." sabi ng babae. Masigla namang itinaas ni Owen ang kanyang kamay.

Pinakamatagal nasukatan si Owen at Troy habang si Nero, Tristan at Aldus naman ay masusunuring bata at hindi na kami pinahirapan pa ng nagsusukat sa kanila.


"Kailangan na 'yan sa Monday" maiksing sabi ko sa mga nagsukat sa mga apo ko.


"Linggo po ng hapon, nandito na po ang custome nila.." tumango na lamang ako.


--


Dumating na ang lunes, nakasuot na ang mga apo ko ng kanilang costume. Maging ako ay mayroon din akin. I am a supportive grandfather.

Ilang beses kaming nagpakuha ng litrato sa driver namin na pumasok na, pinalagyan ko rin ng bulaklak sa unahan ang aming sasakyan at bumili ako ng napakaraming kalapati.

Nakaharap kaming anim sa salamin at pareho kami ng mga suot.


"Siguradong kayo na naman ang pinaka gwapo sa school niyo.." sabay sabay silang tumango sa akin. Ganyan, dapat bata palang sila ay ipinamumulat ko na sa kanila na magagandang lalaki sila.

A good lolo should give them overflowing confidence.


"Gayanin nyo si lolo.." maangas akong nagpamaywang sa harap ng salamin kaya gumaya sila sa akin at namaywang din.

Kinuha ko ang shades na nakasabit sa damit ko at isinuot ko na ito. Dahil nakita nila ang ginawa ko, ganito rin ang ginawa nila. Baliktad pa ang pagkakalagay ni Tristan kaya inayos ko pa ito. Habang si Aldus ay natusok pa ang mata kaya at muntik nang umiyak kung hindi ko pa nilapitan.

Muli akong humarap sa salamin kaya gumaya na naman sila. Bahagya kong itinaas ang ulo habang hindi tinatanggal ang kamay ko sa aking bewang. Pilit nila akong ginagaya.


"Ganyan, ganyan dapat tayo mga apo. Tandaan nyong laging nangunguna ang lahi natin.."


"Aye aye captain!" sagot nilang lima sa akin na may pagsaludo pa sa harap ng salamin.


"Okay, let's go. Huwag nyong tatanggalin ang shades na 'yan.." nang makapasok na kami sa urvan ay isa isa kong pinamigay sa kanila ang mga kalapati.


"Hold this, gusto ni lolo kapag lalabas na tayo sa van bibitawan nyo na ang mga birds. Dapat maganda ang entrance natin.." tumango naman sila sa akin.



"Lolo, where should I let this bird fly? Sa left or right?" tanong sa akin ni Troy.


"Kahit saan na Troy, basta bitawan mo kapag lalabas na tayo.."


"Aye aye captain!"

Nang tumigil na kami sa labas ng school ay marami na rin tao, lumabas na ang driver namin para pagbuksan kami.


"Tandaan nyo ang sinabi ni lolo. Let the doves fly.."

Nang mabuksan ang urvan ay sabay sabay lumabas ang mga apo kong nakabihis ng prinsipe kasabay ng pagpapakawala nila ng mga kalapati. Lahat ng atensyon ng mga tao ay napunta sa amin.

Taas noo akong lumabas ng van kasama ang mga apo, ang kikisig namin, mahal ang telang ginamit dito, malamang. Iba talaga ang mga Ferell, lagi kaming angat sa anumang pagkakataon.


Habang proud na proud akong nakatindig kasama ang mga apo ko ay unti unting nangunot ang noo ko sa mga nakikita kong suot ng mga bata. Karamihan sa mga batang lalaki ay nakasuot ng bahag na may ilang balahibo ng manok sa buhok at ilang pintura sa kanilang mga mukha. Bakit wala akong makitang nakasuot ng pang prinsipe?

Napansin ko na nakangiwi na sa amin ang ilang mga magulang, mga bisita at mga faculty habang nakatitig sa aming maglololo. What's wrong? Bakit mukhang hindi sila namamangha sa amin?

Nakita kong nagmamadaling lumapit sa akin ang adviser ng mga apo ko.


"Don Ferell, bakit po ganyan ang suot ng mga apo niyo? Indian boys ang dapat suot. What happened?" bulong sa akin ng adviser. What?

Muli akong napatitig sa mga nakatulalang mga tao sa amin. We're outcast! Sumulyap ako sa aking ga apo. Bakit iba ang nakasulat sa notebook nilang lima?


"But I have read a prince costume in their white notebook.." bulong ko rin sa adviser.


"Pinakopya ko po sila Don Ferell, wala pong prince sa program.." masama kong tinitigan ang mga apo ko ay nginisian lamang ako. Kaya pala pansin ko na napakaraming bura sa kanilang notebook.

Kaya ang nangyari habang panay ang picture ng mga magulang sa kanilang mga anak na nagpeperform sa stage, nanatili na lamang akong nakaupo sa isang silya at nanunuod katabi ang aking mga apo.


Maghapon kaming tagapalakpak. Palakpak lang kami ng palakpak. Nagparush pa ako ng costume, bumili pa ako ng bagong sapatos, pinalagyan ko pa ng bulaklak ang sasakyan. Uupo lang pala kami maghapon para pumalakpak.


Buong maghapon yatang masama ang loob ko sa kakaupo at kakapalakpak habang kumakanta ng 'one little two, little three, little indian' ang mga kaklase ng mga apo ko.


Muli akong lumingon sa mga apo ko nakahilerang umiinom ng milk tea habang tawa nang tawa sa kanilang mga kaklase.


"Kanino nga kayong mga apo?" tamad na tanong ko. Nakakapanghina palang pumalakpak.


Sabay sabay lang naman nila akong itinuro. Napabuntong hininga na lang ako.


Babait naman siguro sila kapag naglakihan na sila.



--

VentreCanard

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro