Kabanata 4
Kabanata 4.
Flare
“Flare! Flare! Flare!” Nahulog ako sa sangang kinahihigaan ko kaya kaagad akong napadaing. Marahas kong inangat ang tingin ko’t pinanlisikan siya ng mata. Sa tinis ng boses niya, kahit palaka susuko sa kaniya.
“Flare Fyche Henessy!” Asar akong tumayo habang hawak-hawak ang balakang ko. Alam niyang ayaw na ayaw kong tinatawag ako sa buong pangalan ko.
“Bakit ba?” Kinusot ko ang mga mata ko habang inaayos ang magulo kong buhok. Umaga na pala, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako matapos kong manood ng mga bituwin kagabi.
“Flare, baliw ka ba? Bakit dito ka na naman natulog sa kagubatan? Paano na lang kung madukot ka na naman ng mga bandidong pagala-gala rito?” Pinagpag ko ang damit ko’t humikab habang inuunat ang mga braso ko. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya’t nagtungo sa pinakamalapit na lawa upang maghilamos.
“Naalala mo ‘yong gabing pumunta ka rito para lang manghuli ng isda sa lawa? Nakasagupa ka ng mga bandido! Ilang pasa sa mukha ang naabot mo sa mga ‘yon tapos hindi ka pa nadala! Bumalik ka pa kamakailan lang at nagkaroon ka naman ng daplis ng palaso sa braso mo!” Lumuhod ako sa lupa’t sinawsaw ang magkabilang kamay ko sa malinaw na tubig ng lawa. Nagsimula akong maghimalos habang nakikinig sa mga pinagsasabi niya.
“Paano kung hindi lang daplis ang nakuha mo? Paano kung namatay ka?” Winisik ko ang kamay ko’t tumayo na upang harapin siya. Aga-aga ang ingay niya. Nagpasalamat nga ako’t wala akong ina upang pangaralan ako, narito naman siya.
“Flare naman! Nakikinig ka ba? Alam mo—“ Napatigil siya sa pagsasalita nang hablutin ko ang malinis na panyong nakatago sa bulsa niya. Pinunas ko ito sa mukha ko habang nakatingin sa kaniya na naniningkit ang mga mata.
“Pasa at daplis lang ang inabot ko sa kanila. Bali-baling buto, at ilang saksak naman sa katawan ang nakuha nila sa akin. Ayos na ‘yon, tabla na kami. Walang away, walang gulo.” Napansin kong natigilan siya. Inabot ko sa kaniya ang panyo niya ngunit hindi niya ito kinuha kaya binitawan ko na lang ito.
“Aba! Hoy, Flare!” Rinig ko ang padabog nitong paghabol sa akin kaya napailing-iling na lang ako. Sa paglalakad ko’y inabot ko ang isang purumpong ng prutas na ubas. Sinumulan ko itong lantakan habang pinapakinggan ang pag-ingos niya sa tabi ko.
“Gusto mo?” alok ko sa kaniya. Tumango naman siya kaya napangiti ako.
“Kumuha ka ng iyo.” Bigla siyang sumimangot kaya pinigilan ko ang sarili kong ‘wag matawa. May kamay naman siya. Saka kung may gustong isang bagay, dapat paghirapan kunin. Hindi dapat inaasa sa iba. Magiging pabigat ka lang.
“Ang damot-damot mo talaga! Hindi pa ako kumakain para lang hanapin ka rito dahil akala ko napahamak ka na naman! Tapos hindi mo pa ako pagbibigyan! Kaibi-“ Sinubo ko sa bunganga niya ang limang ubas kaya natahimik siya. Nabulunan pa siya sa ginawa ko kaya hirap na hirap niya itong nginuya.
Nagkibit-balikat na lang ako’t nagsimula nang maglakad papalayo sa kaniya. Nakakalimang hakbang pa lang ako nang maramdaman kong magsasalita na naman siya. Nilingon ko siya’t nakita ko ang dahan-dahang pagbuka ng bibig niya. Kumuha ako ng tatlong ubas at hinagis ito papalapit sa kaniya.
“FLARE! ANO BA-“ Napangisi ako nang pumasok sa bibig niya ang mga ubas. Napatigil na naman siya sa pagsasalita’t uubo-ubong tumakbo papalapit sa akin upang habulin at hampasin ako. Sa pagtakbo ko, at sa paghabol niya sa akin, naramdaman kong hindi lamang kami ang narito sa parte ng gubat na ito.
“Huli ka! Huma-“ Mabilis kong hinagip ang bibig niya’t tinakpan ito gamit ang palad ko. Hinila ko siya sa pinakamalapit na puno upang magtago.
“Flare, bakit ba—“ Tinaas ko ang daliri ko’t tinapat ito sa labi ko, senyales upang sana’y itikom niya ang bibig niya’t tumahimik. Tumango-tango naman siya na parang naiintindihan kung ano ang gusto kong gawin niya.
“Bitawan niyo ako! Isusumbong ko kayo kay ama kung hindi niyo ako pakakawalan!” Sumilay ang isang ngisi sa labi ko nang makita kong may bit-bit na lalaking paslit ang mga grupo ng mga bandido. Hawak-hawak nila ito sa magkabilang braso habang hinahatak.
Sa pagkakatanda ko, ito ang grupo ng mga bandido na nangongotong sa bayan. Kinukuhanan nila ng salapi ang mga nanininda roon bilang kabayaran upang hindi nila ito guluhin sa panininda. Pinamumunuan ito ni Goro. Ang lalaking hindi mo maaaninag sa dilim dahil sa kaiitiman ng kulay ng balat niya.
Sa balat pa lang niya na sunog na, masasabi mo kaagad na mula siya sa Fire Tribe. Halata na nga masyado e, malilito ka pa ba? Maliban na lang siguro kung bulag ka, o tanga lang talaga.
“Pakawalan niyo ako, mga lapastangang kutong lupa!” Pabalya nilang tinulak ang paslit kaya napahiga ito sa lupa.
“Tumahimik ka! Nakikita mo ba ‘tong hawak ko?” Itinaas ni Goro ang hawak niyang isang mahabang patalim.
“Malamang nakikita ko! Ano tingin mo sa akin, bulag ha?” Napahagikgik ang katabi ko kaya pinandilatan ko siya ng mata. Marahil ay natatawa ito dahil sa pamimilosopo ng paslit kay Goro.
“Aba’t—“
“Kung sasaktan niyo ako, malalagot kayo sa Water Tribe!” matapang na pagputol nito sa ano mang sasabihin ni Goro.
“Nasa kontinente ka namin, uhuging paslit. Isa kang tupa na pumasok sa balwarte ng mg buwaya,” Napataas ang kilay ko. Siya, buwaya? Mas malala pa siya sa buwaya.
“Saka hindi ka naman makakapagsumbong, lalo na kung papatayin ka namin dito ngayon. Hindi ba mga kasama?” dag-dag pa nito. Napansin kong nakakaramdam ng takot ang paslit, ngunit hindi niya ito pinapahalata’t nagtatapang-tapangan ito.
“T-teka… Bakit parang pamilyar sa akin ang mukha ng batang ‘yan?” Naibaling ko ang tingin ko sa katabi ko. Pamilyar sa kaniya?
“Aya!” Impit niyang tinakpan ang bibig niya’t nanlalaki matang tumingin sa akin at sa paslit na kasalukuyang tinututukan ni Goro ng patalim. Para bang may bagay siyang nalaman na talagang ikinagulat niya nang husto.
“S-siya si Ice Yves Alcastrair! Pangalawang prinsipe ng Water Tribe! P-paanong napunta siya rito?” Naguguluhan niyang tanong sa sarili. Tumingin ako sa gawi ng paslit. Isa siyang prinsipe? Kaya pala sinabi niyang malalagot sila sa Water Tribe.
“Hindi ba natin siya tutulungan, Flare?” Umiling ako. Kaagad na nangunot ang noo niya’t tumitig sa akin na para bang sinusubukan niyang alamin kung seryoso ba ako sa sinabi ko o hindi.
“Kung mamamatay siya, hindi na natin problema ‘yon. Kasalanan iyon ng mga palpak na tagabantay ng batang ‘yon.” Sinandal ko na lang ang ulo ko sa puno’t pinikit na lang ang mga mata ko. Tumahimik na rin siya kaya buong akala ko sumang-ayon siya sa gusto ko.
“Hoy! Bitawan niyo siya! Huwag niyong inaapi ang batang walang laban sa inyo!” Mabilis kong naimulat ang mata ko nang marinig ang matinis na boses na ‘yon. Agad kong sinilip kung ano ang nangyayari.
Anak ng balasubas…
“Kung sinuswerte ka nga naman, may isang dilag na nagawi rito.” wika ng isa sa mga kasamahan ni Goro habang tinitingnan ito nang malagkit.
“Maganda, makinis, at maputi, puwedeng-puwede na.” Naigulong ko na lang ang mga mata ko. Naalala kong nasipa ko sa pagitan ng hita ang isang ‘to, ang alam ko nga’y namaga ito’t ilang lingo siyang hindi nakalakad. Sana pala tinuluyan ko na, ano?
“Huwag niyo siyang idamay rito! Ikaw! Pakialamera ka! Umalis ka! Hindi ko kailangan ng tulong ng isang babae!” Aba’t ang kapal rin pala talaga ng pagmumukha ng batang ‘to. Siya na nga ang tinulungan, siya pa ang may ganang magalit.
“Ulol, tumahimik ka.” Iritang sikmat nito matapos marinig ang tugon ng batang tutulungan niya sana.
“Hoy! Wala kang karapatan upang tawagin ako ng kung ano-ano! Ulol!” magkasalubong kilay nitong sigaw.
“Hoy ka rin! May pangalan ako! Icca ang pangalan ko! Ulol!” asar na sigaw pabalik ni Icca sa kaniya. Ayan, nalaman niyo na pangalan niya. Icca Nichole Caari, ang babaeng akala mo ina ko kung makapanermon. Ang babaeng sinasabing kaibigan niya raw ako.
“Ang pangit ng pangalan mo! Ulol! ” Napabuga na lang ako ng malalim na hininga. Dahil sa kadaldalan nilang dalawa, hindi nila napansin napansin na may kinabit pala sa kanilang likod na isang pirasong papel na may inkantasyon. Ito ay isang inkantasyon upang hindi nila magamit ang kapangyarihan nila.
Daldalero’t daldalera kasi. Pareho silang ulol.
“Tama na ang sat-sat! Simulan na ang panandaliang sarap!” Mabilis na kinumpas ni Icca ang kamay niya upang magpalabas ng apoy, ngunit nagtaka na lang siya nang walang lumabas mula roon. Sinubukan niya pa ito sa pangalawang beses ngunit wala pa rin.
“Ano ang ginawa mo sa akin!?” Tawa lang ang naging sagot nila. Dahan-dahan ng lumalapit ang mga ito na para bang sabik na sabik sa kung ano man ang gagawin nila. Tumingin siya sa gawi ko na para bang nanghihingi ng tulong. Naigulong ko na lang ang mata ko. Kung wala lang kaming pinagsamahan ay hindi ko siya tutulungan.
Kung tutulong ka, siguraduhin mong may maitutulong ka, dahil baka imbis makatulong ka, magpatulong ka na lang din sa iba’t mamimirwisyo pa.
“Bitawan niyo ako!” Tulad ng nangyari sa paslit kanina’y may nakahawak na rin sa magkabilang braso niya’t sapilitan siyang kinakaladkad ng mga ito.
“Oh Goro, tagal na nating hindi nagkita ah,” Napatigil sila sa pagkakaladkad sa kanila’t sabay na lumingon sa akin. Kinain ko ang huling natitirang ubas sa kamay ko bago lumabas mula sa puno na kinasasandalan ko.
“Kamusta na ang baling buto mo sa paa at braso? Naayos na ba?” Nakita ko ang paglunok niya kaya napangisi ako.
“Gusto mo ba na dagdagan ko pa ang mga ‘yon?” Hinagis niya sa akin ang patalim niya kaya kaagad akong tumalon. Tinaas ko ang kaliwang paa ko’t sinipa ang hawakan nito pabalik sa kaniya. Tumarak ito sa punong nasa likod niya, at kung sineryoso ko ang pagsipa roon ay malamang pumagulong-gulong na ang ulo niya sa sahig ngayon.
“Sugurin siya! Hindi pa ako nakakaganti sa mga ginawa mo! Hayop ka!” Nanggagalaiti niyang sigaw.
“Kung hayop ako, ano ka pa kaya?” Maangas kong iginilid ang ulo ko upang mas lalo siyang asarin. Sinenyasan ko naman ang mga kasamahan niya upang sugurin ako, ngunit tila ba nagtutulakan pa ang mga ito kung sino sa kanila ang unang susugod sa akin.
Kinumpas ni Goro ang kamay niya’t nakita kong may lumabas doong isang papel. Ito ay isang papel na may inkantasyon, at sa oras na dumikit ito saan mang parte ng katawan ko, hindi ko na magagamit ang kapangyarihan ko. Napangisi ako’t hinayaan itong dumikit sa braso ko.
“Ngayon sugurin niyo ako’t pagtangkaan ang buhay ko, pero siguraduhin niyong hindi na ako makakabangon. Dahil sa oras na makabangon ako, sisiguraduhin kong magiging agahan ng mga tigre at leon ang mga katawan niyo.” Tila ba nasindak naman sila sa salitang binitawan ko kaya mas lalong lumawak ang ngisi sa labi ko.
“Hindi na niya magagamit pa ang kapangyarihan niya kaya ito na ang pagkakataon niyo upang gumanti!” Sa naging sigaw ni Goro ay hindi na nagdalawang-isip ang mga itong sugurin ako.
Mga hangal, hindi kapangyarihan ko ang ginamit ko upang baliin ang buto niyo.
Tumakbo ako papalapit sa isang puno, bumwelo ako’t tumalon. Tinukod ko ang kaliwang paa ko sa puno bago lumingon pabalik upang sipain ang unang lalaking sumugod sa akin. Sapul siya sa panga kaya kaagad siyang tumalsik at nawalan ng malay. Paglapag ko sa lupa ay mabilis akong yumuko upang iwasan ang magkasabay na sipa na papalapit sa mukha ko.
Kinuyom ko ang magkabilang kamao ko’t sinuntok ito sa sikmura ng dalawang lalaking pinagmulan ng sipang iyon. Bumulwak sa kanilang bibig ang dugo, at napaluhod na lamang sila habang namimilipit sa sakit. Hinakbang ko papalapit ang mga paa ko’t hinampas sa lee gang pinakamalapit na lalaking nakita ko.
Sa ngayon ay tatlo na lang ang natitira, si Goro at ang dalawang alipores niya. Akmang tatakbo na ako upang sugurin sila nang kumaripas ng takbo ang dalawang kasama niya. Nakita ko ang bakas ng pagkataranta sa mukha niya nang makitang siya na lang ang natitira. Napataas na lang ang kilay ko nang hablutin niya ang lalaking paslit at tutukan ito ng patalim sa leeg.
“Kapag lumapit ka pa, masasaktan ang batang ‘to.” Napahalakhak ako. Halatang nagtaka si Goro sa inasta ko, samantalang nakailang lunok na ang paslit dahil sa takot.
“At sinong may sabi sa’yo na may pakialam ako sa batang ‘yan?” Bumalata ang pagkagulat sa mga mata nila. Kahit si Icca ay nagulat dahil sa sinabi ko.
“A-ano?” Nagkibit-balikat na lang ako. Lumapit ako sa gawi ni Icca at hinila ang braso niya. Inilayo ko siya kay Goro at sa batang paslit na ngayon ay nakatulala pa rin habang nakatingin sa akin.
“Oh? Gilitan mo na ng leeg. Ano pa hinihintay mo? Gusto mo ako pa ang gumawa?” Pumiglas si Icca sa hawak ko. Alam kong gustong-gusto niyang iligtas ang bata’t hindi siya sang-ayon sa mga pinagsasabi ko.
“Flare ano ba—“
Sumipol ako, at sa isang iglap tumalsik papalayo si Goro. Dinamba lang naman siya ng isang galang tigre. Umungol ng napakalakas ang tigre kaya mabilis kong hinablot sa braso ang bata’t tinakbo ito papalayo kasama si Icca.
“T-tigre ba ‘yon!? Flare! May tigre! Nahihibang ka na ba? Bakit ka tumawag ng tigre!?” Hindi ko na lang siya sinagot, bagkus ay sinabihan ko na lang silang bilisan ang pagtakbo bago pa kami habulin at lapain ng tigre.
“A-aray!” Nakalayo-layo na kami nang marinig ko ang pagdaing ng paslit. Napatigil kami ni Icca sa pagtakbo’t yumuko upang tingnan ang dahilan ng pagdaing niya.
Nagkatinginan kaming dalawa nang makitang may mantsa ng dugo ang kulay asul na kasuotan nito. Hawak-hawak niya ang kaliwang bahagi ng tiyan niya habang patuloy ito sa pagdurugo. Paniguradong nagmula ang sugat na iyon sa saksak na natamo niya kay Goro.
Ang lintek na hinayupak na ‘yon. Lapain sana siya ng tigre.
“Masakit ba?” Nag-aalalang tanong ni Icca.
“M-maluwang ba ang turnilyo ng utak mo ha? Ikaw kaya saksakin ko, tingin mo masarap?” Muntik na ako matawa dahil sa pambabara sa kaniya ng paslit. Mukhang magkakasundo kami ng batang ‘to.
Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat kaya napatingala siya sa akin. Iginayak ko siya papalapit sa isang puno’t pinaupo siya sa lupa bago isandal ang likod niya rito. Lumuhod ako sa harap niya’t pinagmasdan ang mukha niya. Nakaawang ng konti ang bibig niya’t halatang pinipigilan niyang mapadaing sa sakit matapos kong idiin ang palad ko sa sugat niya.
Magkaiba man kami ng angkan, hindi naman ako isang mababaw na nilalang upang pabayaan ang nangangailangan. Sadyang kailangan ko lang gawin ‘yon kanina upang hindi gamitin ni Goro ang paslit bilang patibong upang mapasunod ako sa gusto niya.
“Lapastangan!” Inangat ko ang ulo ko. Inilihis ko ang tingin ko sa kiliran ko’t sumalubong sa akin ang matulis na espada.
Pagtingin ko kay Icca ay natuod siya sa kinatatayuan niya habang pinapalibutan ng mga kawal. May mahigit pitong espada ang nakatutok sa kaniya kaya naman parang tinakasan siya ng dugo sa kinalalagyan niya.
Saglit akong napaisip. Sa armor na kasuotan, estilo at tindig ng mga kawal, nakakasigurado akong ang mga kawal na ito’y mula sa Water Tribe. Ibinalik ko ang tingin ko sa paslit at sa sugat niya, kapagkuwan ay naibaling ko rin ang tingin ko sa mga palad kong nababalutan na din ng dugo mula sa paslit.
Wala sa sarili akong natawa nang mahinuha ko kung ano ang nangyayari. Napasinghal na lang ako sa kawalan. Ipinilig ko ang ulo ko habang nakatingin sa paslit na nawalan na pala ng malay.
“Magbabayad ka sa ginawa mong kapangahasan sa mahal na prinsipe! Aasahan mong makakaabot ito sa hari at reyna ng kontinenteng ito!” banta ng isa sa mga kawal.
Tama, dinukot nga ni Goro ang paslit sa kalupaan ng Water Continent, at nagkataon lang na pauwi na sila sa Fire Continent kaya nagawi rin ito dito.
“Kung may mangyaring masama sa prinsipe, buhay ninyong dalawa ang magiging kapalit.” May humablot sa magkabilang braso ko. Sapilitan akong itinayo ng mga ito habang nakatutok pa rin sa akin ang nagtutulisang sandata nila.
Dinidiin nila ang mga braso ko sa likod ko’t parang may kung anong ginawa roon. Sa isang kisap mata’y may gumapos sa magkabila kong pulsuhan. Ramdam na ramdam ko ang lamig nito kaya lumingon ako upang tingnan kung ano ito. Isang handcuffs na gawa sa yelo.
“Kung magtatangka kang tumakas, tuluyang magiging yelo ang buong katawan mo.” pananakot pa nito. Tumingin ako kay Icca na halatang wala rin sa sarili. Pasalama’t sila dahil panandaliang hindi gumagana ang kapangyarihan ko ngayon, dahil kung nagkataon, sila ang unang taong masusunog ko nang buong-buo.
“Dalhin ang mga ‘yan sa Snowlake City upang iharap sa mahal na hari at reyna!” May kumuha naman sa paslit at kinarga ito nang may labis na pag-iingat, samantalang kaming dalawa ni Icca ay kinaladkad naman na parang mga hayop.
This is what you get from helping someone. How nice.
Kaya ayaw kong tumutulong sa ibang tao, ikaw rin lang ang mapapasama at ikaw pa ang magmumukhang masama. Dahil wala rin naman akong magagawa, nagpatangay na lang ako sa kanila.
Sa unang pagkakataon, mukhang may isang pangyayari sa buhay kong pagsisisihan ko.
Biglang bumigat ang talukap ng mata ko. Simula ng dumampi sa balat ko ang malamig na kadenang gawa sa yelo, pakiramdam ko'y nanghihina ang katawan ko't nanlalambot ang mga tuhod ko. Hanggang sa hindi ko namalayang pumikit na lang ang mga mata ko't binalot ng kadiliman ang mundo ko.
"Tama na! Pakiusap! Walang katuturan ang mga paratang niyo!" Nagising ang diwa ko nang marinig ko ang matinis na boses ni Icca. Ipinilig ko ang ulo ko nang makaramdam ako ng pangangalay.
Pagmulat ko ng mata ko'y saka ko lang napansin na napapagitnaan ako ng dalawang malaking haligi. Nakatali pala ang magkabilang paa at kamay ko rito at kanina pa ako nakatayo. Inangat ko ang tingin ko't nakita ko si Icca na puno ng galos sa braso at mukha.
"Sinungaling! Hindi kami maaaring magkamali sa nakita namin! Kayo ang nanakit sa mahal na prinsipe!" asik ng isang kawal.
"Bakit ba ayaw niyo maniwala ha!? Kahit itanong niyo pa sa mahal na prinsipe ang totoong nangyari! Alam niyang nagsasabi kami ng totoo!" Imbis makinig ang kawal ay walang pakialam itong lumabas sa silid kulungan at iniwan kamimg dalawa ni Icca.
"Ano ang ginawa nila sa'yo?" kaagad kong tanong. Nginitian niya lang ako.
"Huwag kang mag-alala malayo naman ito sa bituka." pangungumbinsi niya pa. Wala naman siyang kahit ano mang pasa o galos na natanggap kanina mula kay Goro. Kaya paniguradong mula sa mga kawal ang mga pasa niya.
"Hindi ako nag-aalala sa'yo. Isa pa, hindi naman tayo malalagay sa sitwasyong 'to kung hindi dahil sa'yo." paninisi ko. Napayuko naman siya't biglang natahimik.
"WHAAA! SORRY NA! HINDI KO NAMAN SINASADYA EH! NAAAWA LANG AKO!"
Ginulong ko na lang ang mata ko. Umiiyak siya, at todo sa pag-agos ang luha niya, pero hindi ko kayang seryosohin ang paghingi niya ng tawad dahil sa matinis at maingay niyang boses. Para pa siyang bata kung umasta. Nakakaasar, hindi ko magawang magalit.
"Kung hindi ka nagpumilit tulungan ang letseng batang 'yon, hindi sana tayo makukulong dito." bugnot kong wika.
"Flare naman, baka marinig ka nila! Hindi mo basta-basta pwedeng tawaging letse ang isang prinsipe!" Napataas naman ang kilay ko. Wala akong pakialam. Sasabihin ko kung ano ang gusto ko, gagawin ko ang nais ko.
"Mga letse silang lahat! Mga animal!" asar kong sigaw habang pinagpapadyak ang paa ko sa inis.
Inikot ko ang paningin ko't napansin ko na ang kulungan ay gawa sa metal na bagay. Ang loob naman ay puno ng mga lantang dayami at iba't-ibang gamit ng patalim at sandata upang gawing parusa sa mga taong nakukulong rito.
Napahikab na lang ako. Sa palagay ko'y hapon na, at hindi pa ako nakakakain kaya nagugutom na ako. Ang ayaw ko pa naman sa lahat ay ang nagugutom ako't hindi nakakakain.
"Hoy! May pagkain ba kayo riyan?" sigaw ko sa isang kawal na nagbabantay sa amin sa labas. Nilingon niya naman ako habang nakakunot ang noo.
"Isa ka talagang talupindas na nilalang. Dinukot niyo na nga ang mahal na prinsipe't, sinaksak, may kapal pa kayo ng mukha upang humingi ng makakain? Aba't wa-"
"Makapagsabi kang makapal ang mukha, parang anong nipis ang sa'yo ah?" pabalang kong sabi. Narinig ko ang pagsinghal niya.
"Sumasagot ka pa talaga!"
"Natural may bibig ako! Kung may karapatan ka magsalita, bakit ako wala?" Sinamaan niya ako ng tingin kaya tinapatan ko rin ang mga tingin niya.
Kung wala lang talaga ang tattoong 'to sa magkabilang palad ko, kanina ko pa siya sinunog. Talagang sinigurado nilang wala kaming takas dito dahil nilagyan nila kami ng Power Seal. Hindi namin magagamit ang kapangyarihan namin dahil dito.
"Palabasin ang mga bihag upang parusahan," rining kong wika ng isang baritonong boses. Sa seryoso ng tono ng pananalita niya'y sa tingin ko isa siya sa taong may malaking tae rito.
"Masusunod, Heneral Phairro." Hindi nagtagal ay may pumasok na apat na kawal sa loob ng kulungan na kinalalagyan namin ni Icca. Kinalagan nila kami't marahas na kinaladkad palabas ng kulungan.
"Dahan-dahan naman, ano ba!" reklamo ko.
Paglabas namin mula roon ay dumampi kaagad sa balat ko ang malamig na paligid. It's snowing, that's why this is called the Snowlake City of Water Continent. Pag-angat ko ng tingin ko'y nakita ko ang nagtataasang bakod, at sa tingin ko'y tarangkahan ito.
Pagharap ko naman ay bumungad sa akin ang isang mataas at nakakalulang bagay. Napangiwi na lang ako nang malaman kong nasa loob pala ako ng palasyo. Ito ang unang pagkakataon na makapasok ako sa palasyo, ngunit hindi bilang panauhin kun'di bilang isang bihag.
"Bawat araw na hindi pa nagigising ang mahal na prinsipeng Yves, makakatanggap kayo ng pitong hampas ng latigo na may bahid ng langis mula sa Blue Moon Lake." Natigilan ako sa narinig ko. Dahan-dahang lumingon sa amin ang lalaking nagngangalang Phairro kanina.
Langis mula sa Blue Moon Lake?
"Nakarating na sa mahal na hari at reyna ng Fire Continent ang ginawa niyong kapangahasan, at pumayag naman sila sa paraan ng pagpaparusang gusto namin." Sinubukan kong makaalis mula sa pagkakahawak nila sa akin pero malakas sila.
I am a Fire Kind, and Blue Moon Lake's water is the death of us! Iyon ang banal na tubig mula rito kaya bilang nilalang na taglay ang kapangyarihan ng apoy, mas masakit pa ito kesa sa saksak ng punyal. Ito ang parusang ipinapataw sa aming kontinente kapag may ginawang isang malaking kasalanan ang tao't hindi kapatawad-tawad.
Pero wala kaming ginawang kasalanan!
"Wala kaming kasalanan! Maniwala kayo! Wala!" Hinigit nila sila Icca papunta sa isang lugar kung saan may dalawang haligi na namang nakakubli mula roon. Tinila nila ang mga paa nito't kamay sa magkabilang haligi habang nakatayo.
Kinuha naman ni Phairro ang latigo niyang kanina pa pala nakalubog sa tubig na sa tingin ko'y mula sa Blue Moon Lake. Kinuha niya ito sa hugis bilog na bagay na gawa sa marmol na materyales. Pumiglas ako nang makitang lumalapit na siya kay Icca.
Hindi ko alam kung ano nga ba ang turing ko sa babaeng 'to. Makulit siya at pilit niyang sinasabing kaibigan niya ako, pero palagi ko naman siyang tinataboy. Pero sa pagkakataong 'to, parang ayaw kong makita na masaktan siya. Nakakatawang isipin na kaibigan na rin pala ang tingin ko sa kaniya kahit anong tanggi pa ang gawin ko.
"Phairro!" Lumingon siya sa akin. Naningkit ang mga mata ko. Kumpara sa isang heneral, masyado siyang bata. Sa katunayan nga'y parang kaedad ko lang siya. Bukod sa matikas at matipuno niyang katawan, masasabi kong may angkin ding karikitan ang lalaking 'to.
"Pakawalan mo siya, ako ang itali mo riyan at saktan. Pitong latigo lang naman sa isang araw 'di ba? Gawin mo ng labing apat, ako na ang kakargo ng kaniya." taas noo kong wika. Napansin kong napataas ang kilay niya, at kapagkuwan ay bigla siyang ngumisi na tila ba napapantastikuhan sa naging sagot ko.
"Flare! Nahihibang ka na ba? Ikakamatay mo ang mga 'yon! Huwag kayong makinig sa kaniya! Ako na ang tatanggap ng sa akin!" Hindi ko iniwas ang tingin ko kay Phairro upang ipahiwatig sa kaniya na seryoso ako sa sinasabi ko't hindi ako nagbibiro.
Icca is a Class C Mage, Type C Level power of Sixth Sense. Baka isang tama lang ng latigo sa likod niya hindi na niya kayanin ang sakit. Kung sa loob ng isang linggo at hindi pa nagigising ang letseng prinsipe na 'yon, apatnapu't siyam na hagupit ng latigo ang malalasap namin. Sa mga panahong 'yon ay malamang nasa bingit ng kami ng kamatayan.
"Kalagan niyo siya, ipalit niyo ang matapang na babaeng 'yan." Ako ang pinalit nila sa pwesto ni Icca kanina. Tumayo ako ng tuwid habang nakapikit ang mga mata ko. Hinihintay ko na lang ang pagtama ng latigo sa likod ko.
"FLARE!"
Napadaing ako nang tumama nga ito sa likod ko matapos ng ilang segundo. Sa paglapat nito sa balat ko'y para akong napaso't binuhusan ng napakainit na tubig. Mahapdi ito't sobrang sakit. Napaigtad na naman ako nang masundan na naman ito ng panibagong hagupit ng latigo.
And another one. Followed by another one. And another one again.
Hinugot ko ang hininga ko. Ramdam na ramdam kong tumutulo na sa likod ko ang dugo na nagmumula sa mga sugat na natanggap ko sa latigo. Inangat ko ang ulo ko't nilingon si Phairro na may hawak ng latigo. Taliwas man sa kalagayan ko, nagawa ko pa rin siyang ngisihan. Tumawa pa ako upang ipaalam sa kaniya na ayos pa ako.
"PAKAWALAN NIYO NA SIYA PAKIUSAP! HUWAG NIYO NA SAKTAN ANG KAIBIGAN KO! ITIGIL NIYO NA 'TO!"
"Tumahimik ka!" Rinig na rinig ko ang pagtigagal ni Icca at pati na rin ang paghagulgol niya sa iyak.
Sa kabila ng hapdi at sakit nararamdaman ko, nagawa ko pa rin tumayo ng matuwid. Sa ika-sampung hagupit ng latigong natanggap ko'y muntik na ako mapaluhod sa lakas nito. Sa ika-labing tatlo'y napaubo pa ako't muntik na magsuka ng dugo.
Napatingin ako sa mga braso ko't nakita kong may tumutulo ng dugo mula roon. Napangiwi ako, mukhang mangangamoy dugo ako nito. Wala pa namang paliguan sa silid kulungan. Umabante ang katawan ko nang matanggap ang panghuling latigo. Pagkatapos ng sandaling 'yon ay wala ng sumunod pa.
Sa kabila ng malamig na paligid na taglay ng kontinenteng ito, kusang tumulo ang pawis sa katawan ko. Malalalim hininga ang pinakawalan ko upang maibsan ang sakit nararamdaman ko sa buong katawan ko. Sa likod niya lang ako nilatigo, pero pakiramdam ko'y apektado lahat ng bahagi ng katawan ko.
"Ibang klase, sa labing apat na latigong natanggap mo, ni hindi ka man lang sumigaw sa sakit o 'di kaya'y nagsuka man lang ng dugo o nawalan ng malay." Lumapit sa akin si Phairro.
Dumura ako sa sahig at muntik na 'yon tumama sa paanan niya. Nakangisi kong inangat ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko ipapahamak ang sarili ko kung hindi ko naman kaya.
"Are you a Class A Mage, with a Type A Level power of Sixth Sense?" Hindi ako umimik. Hahayaan ko siyang isipin ang kung anong gusto niya.
"However, I was told that you are a Class C Mage, and Type C level. Are they lying?" Isa ngang heneral ang isang 'to. Masyado siyang magaling mag-obserba't magpalagay ng mga pansin niya.
"Bakit interesado kang malaman? Kailan pa nagka-interes ang isang heneral sa isang bihag?" tanong ko.
"If you are a Class C Mage, and Type C Level, it will only take two to three whips to get you down. However, you took all fourteen of them. No whines, no screams, no tears and still wide awake. How can that be?"
Because I am Flare, you son of a witch. The more you provoke me, the stronger I get. The longer you hold me, the more I burn your insides.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro