Kabanata 6
[Kabanata 6]
"Ibarra!" sigaw ni Levi sa kaniya at saka ibinigay ang dala nitong pana't palaso sa kaibigan. Agad namang kinuha iyon ni Ibarra at mabilis na tinamaan ang alperes na may balak pang barilin si Caitlyn. Nanigas ang buong katawan ng dalaga sa kaniyang natutunghayan. Hindi pa niya nararanasang makakita sa aktwal ang ganoong eksena.
"Hoy, binibini.." rinig ni Caitlyn mula kay Ibarra kaya dahan-dahan siyang tumingin sa kaniyang gawi.
"Kailangan na nating umalis dito. Sumama ka sa akin." sabi pa ni Ibarra ngunit bago pa siya pinuntahan ng binata ay agad namang nawalan ng malay itong si Caitlyn at tuluyang bumagsak sa lupa.
"Hayaan mo na siya, Ibarra." malamig na tugon ni Levi habang may hawak itong espada. Nakita niyang papalapit ang binata sa gawi ni Caitlyn at saka tinatapik pa niya ang pisngi nito upang gumising.
"Kailangan ko siyang dalhin kay Nay Remedios." sabi ni Ibarra at agad binuhat si Caitlyn sa kaniyang bisig. Umiwas lamang ng tingin si Levi at agad sumenyas sa kanilang kasamahan na sila'y lilisan na sapagkat anumang oras ay darating ang mga guardia sibil upang sila'y dakpin.
"Heto na ang huling pagkakataon, Ibarra. At kapag naulit pa rin ito ay hindi na talaga kita tutulungan." malamig na sinabi ni Levi at saka napatingin kay Ibarra habang buhat-buhat pa rin si Caitlyn.
"Ilang beses ko na sinabi sa'yo na umalis ka na sa pagiging katipunero mo. Nang dahil sa gawain na iyan ay palagi ka na lang nasa peligro. Alam kong pareho ang ating layunin na ituwid ang baluktot ng ating pamahalaan ngunit mas kailangan ka namin, Ibarra. Kailangan mong unahin kung saan ka nagsimula. Kailangan mong unahin kung ano ang iyong layunin para sa bayan laban sa mga Consing." kalmado ngunit puno ng kabiguan ang nasa baritonong boses ni Levi. Agad siyang humarap kay Ibarra upang malaman ang saloobin nito sa kaniyang sinabi.
"Halos magdadalawang taon na akong naging espiya ng Katipunan ng taga-norte, Levi. Huwag kang mag-alala. Tinapos ko na rin ang aking tungkulin sa kanila." sabi ni Ibarra habang nakatingin sa kaibigan.
"Paano ka makakasigurado na tatanggapin ng mga tao ang Katipunan na 'yan laban sa mga espanyol? Hindi mo ba nakikita rito, Ibarra? Ang ating ciudad mismo ay nagagalak sa walang ulirang kasaganaang ibinibigay sa atin ng pamahalaang espanyol. Sa tingin mo ba'y sasama sila sa rebolusyon laban sa kanila katulad sa ninanais ng kilusan ng taga-norte? Nabalitaan ko ngang nagsisimula na ang rebolusyon sa kanilang lugar ngunit alam kong wala namang pakialam ang mga tao rito hangga't nabibigyan sila ng kasaganaan. Mas pipiliin pa rin nilang pumanig sa pamahalaang espanyol."
"Alam kong pabor ka rin sa kilusan ng mga taga-norte, Levi. Ngunit paano mo naman nasabi ang ganoong bagay tungkol sa mga tao rito?" kunot noo namang tanong ni Ibarra dahilan upang tingnan siya nang seryoso ni Levi.
"Wala akong pakialam sa kanilang kilusan, Ibarra. Sentido komun naman na ganyan ang kinalalabasan ng mga taong nalulunod sa kayamanan. Kapag may nagbigay, may utang na loob." seryosong tugon ni Levi at agad nilagay ang espada nito sa kaniyang baywang.
"May paraan ang ating lihim na kilusan upang ituligsa ang baluktot na pamamahalaan ng ating bayan. At uunahin nating pabagsakin ang mga opisyales na malapit kay Don Adriano. Kagaya ng dati ay kailangan nating bawiin ang pera ng taong-bayan mula sa kanilang ibinulsa." dagdag niya at agad nang umalis sa kaniyang kinatatayuan upang salubungin ang paparating niyang kabayo.
Hindi naman umimik si Ibarra sa naging pahayag ni Levi. Kahit kailan may punto ang kaniyang mga sinasabi. Paano nga namang kakalabanin ng mga tao ang taong nagbigay sa kanila ng kasaganaan at karangyaan? Talaga bang wala silang pangarap na makamtan ang kalayaan ng inang bayan mula sa banyaga? Agad namang bumalik sa katinuan si Ibarra nang pinuntahan siya ni Levi sakay ng kaniyang kabayo.
"Kailangan mo nang tuldukan ang iyong responsibilidad bilang isang espiya ng Katipunan, Ibarra. Hangga't maaari ay tapusin mo na ang iyong gawain at tibagin ang anumang koneksiyon mo mula sa kanila. May inuuna pa tayong layunin kaya kailangan mo nang pagtuunan ito ng pansin. Naintindihan mo naman ang ibig kong iparating, hindi ba?" kaswal na sinabi ni Levi at nakitang tumango na lamang ang kaibigan sa kaniyang sinabi.
*******
"Napadala ko na ang aking ulat sa kakilala kong katipunero na nagtungo ngayon papuntang Maynila. Ang sandaling 'yun ay ang huli kong gawain bilang kanilang espiya. Iyon din ang huli kong araw bilang isang katipunero, Levi." paliwanag ni Ibarra habang nakaharap sa kaibigan.
Isang 'di kilalang lugar ang kanilang naging tagpuan kung saan makikita ang mga estalagmitang kumikinang sa buong paligid. Isang malaking siga rin ang makikita sa gitna kung saan pinalilibutan ito ng mga kalalakihan. Pare-pareho ang kanilang mga kasuotan. Nakasuot sila ng kamiso na kulay asul at itim na pantalon. Nakasuot din sila ng botas, naka-salakot, at itim na manto. Malaki at medyo malawak ang kuweba na nagsisilbing tagpuan ng kanilang kilusan. Matatagpuan lamang ito sa kalagitnaan ng kagubatan kung saan natatakpan ito ng mayayabong na mga baging.
Nakatingin lang si Levi kay Ibarra, mga matang puno ng kainipan. Kilala siya bilang nakakatakot na kasapi sa kanilang pangkat. Ngunit sa kabila ng kaniyang ugali ay may itinatago rin itong pagmamalasakit at pag-alala sa kaniyang mga kasapi. Si Levi Salvador ay ang pinuno ng Ikalawang pangkat ng kilusan. Isang sikretong kilusan upang labanan at sugpuin ang tiwaling pamamalakad ng pamahalaan. Hindi lang mga espanyol ang kanilang mga kalaban kundi may mga Pilipino ring gahaman sa larangan ng kapangyarihan!
"Kung hindi mo masasamain ay puwede ba akong magtanong, Ibarra?" tanong ni Levi at agad napahalukipikip sa harapan niya. Sandali siyang tiningnan ni Ibarra at saka tinuon ang atensiyon nito sa nagliliyab na apoy ng siga na nasa kaniyang harapan.
"Tungkol ba 'yan sa aking mga gawain?"
"Oo." Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Levi sa kaniyang naging sagot. Tumikhim naman si Ibarra sa mga sandaling 'yun at agad ibinalik ang mga tingin nito sa kaibigan.
"Hindi biro ang pagiging espiya ko, alam mo 'yan Levi. Ngunit kapag ginagawa ko ang tungkuling 'yun ay parang naaabot ko na ring makamtan ang pinapangarap nating kalayaan." kuwento ni Ibarra.
"Kung ganun ay parte rin ba sa pagiging espiya mo ang maging kriminal?" taas kilay na tanong ni Levi dahilan upang mapangiti nang bahagya si Ibarra.
"Alam kong iniisip mo na isa akong baliw at hindi nag-iisip. Ngunit sinasadya ko talagang gawin iyon upang magmasid at magsaliksik sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan. Kung gaano ba karumi at kawalan ng katarungan ang pamamalakad sa ating bayan!"
"Aking nababahala na kapag ika'y mahuli ng mga guardia sibil ay baka madulas ang iyong dila na banggitin ang ating itinatagong kilusan." Paalala sa kaniya ni Levi ngunit ngumisi lamang si Ibarra.
"Hindi iyon mangyayari dahil hindi ko ugaling magpahuli, Levi. At saka hindi nila alam na bahagi rin ako ng inyong kilusan."
"Ngunit muntik ka nang mapatay ng garote nang dahil sa iyong pinanggagawa! Mabuti na lamang dahil pinaalam sa akin ni Berto ang iyong plano kung kaya'y mabilis kaming nakapaghanda upang ika'y iligtas!" pag-alala ni Levi at saka hinilot ang sentido nito. Tumikhim na lamang si Ibarra at agad nilapitan ang kaibigan.
"Aminado akong hindi nakapaghanda sa huli kong misyon 'nung nakaraang araw ngunit parang tinugon na rin ng langit ang aking hinahangad na magtagumpay." Bigla namang nagsalubong ang mga kilay ni Levi sa pinagsasabi ni Ibarra.
"Nang dahil kay Isay ay naging matagumpay ang aking plano." Ngisi ni Ibarra at saka napatingin kay Caitlyn na hanggang ngayon ay walang malay na nakaupo sa lupa. Nakasandal siya sa isang malaking estalagmita ngunit ang mga kamay nito ay nakabigkis pa rin.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Sumulpot si Isay sa kalagitnaan ng madla nung ako'y hinahabol ng mga guardia sibil. Hindi ko alam kung ano ang kasunod kong magiging hakbang 'nun ngunit nang magkita kami ay diyan ko naisipang magpahuli sa mga humahabol sa akin."
"Huhulaan ko. Nasa bilangguan ba ang naging huli mong misyon?" pagtitiyak na tanong ni Levi ngunit nasa boses pa rin ang kainipan nito.
"Oo. Nag-iwan ng isang mensahe ang aming kasamahan na ipapadala siya sa piitan. Kailangan ko siyang tulungang tumakas upang ipabatid ang aking nalalaman sa kaniya at saka aalis na rin siya papuntang Maynila kinabukasan upang makapag-ulat sa aming supremo."
"At paano mo naman siya pinatakas, Ibarra? Alam nating mahigpit na pinagbabantay ng mga guardia sibil ang bilangguan." Nang dahil sa sinabi ni Levi ay mukhang kailangan niyang ikuwento ang mga nangyari sa kaniya sa bilangguan.
Nang makitang nakatulog na si Caitlyn sa tapat ng kaniyang selda ay agad gumapang si Ibarra upang makalapit sa mga bakal ng pintuan. Agad siyang nagpalinga-linga upang tingnan ang mga bumabantay na mga guardia sibil ngunit nakita niyang nakatulog ang mga ito sa kani-kanilang puwesto. Tumikhim nang malalim ang binata at saka lumapit sa guardia na ngayo'y nakatulog malapit sa kaniyang selda. Nakaupo ito sa silya malapit sa pintuan ng selda nito. Gumuhit naman ng malaking ngiti sa kaniyang pisngi nang makita ang susi na nasa bulsa ng guardia. Dali-dali naman siyang lumapit 'dun at saka lumuhod upang abutin ang susi mula sa guardia. Hindi naman nahirapan si Ibarra dahil mabilis naman niyang nakuha ang susi at saka maingat na binuksan ang selda nito.
Mahina niyang binuksan ang pintuan at binigyan ng espasyo na kasya lamang sa kaniyang katawan. Dahan-dahan siyang humakbang palabas at muling tiningnan ang mga guardia sibil na natutulog pa rin sa kani-kanilang puwesto. Nagkibit balikat na lamang siya at saka maingat na humakbang patungo sa dulong bahagi ng bilangguan. Makipot ang daan na kaniyang tinatahak at tanging mga sulo lamang ang nagpapaliwanag sa loob ng bilangguan. Agad siyang napatingin sa mga taong nakabilanggo at kitang-kita talaga kung paano sila pinahihirapan nang walang awa. Napapikit na lamang si Ibarra sa kaniyang nakikita at saka binilisan ang paghakbang nito.
Nang makarating na siya sa kaniyang pinuntahan ay agad siyang yumuko at saka tinawag ang kakilala nito. Mukhang narinig din siya ng kaniyang kakilala kaya agad siyang bumangon at nagulat nang makita si Ibarra. Hindi pa naman siya nagagalaw ng mga guardia sibil dahil wala pa siyang mga pasa't sugat sa kaniyang katawan ngunit makikita sa mukha nito ang kawalan ng pag-asa.
"Ibarra..." sabi nito ngunit pinatahimik lamang siya ng binata.
"Kailangan na kitang palabasin dito. Hindi maaaring mapunta sa wala ang ating nasimulan." sabi ni Ibarra at agad nagpalinga-linga sa paligid kung may paparating na ibang mga guardia sibil.
"Nasaan ang nagbabantay sa'yo, kaibigan?" tanong ni Ibarra dahilan upang mapalunok ang kakilala nito. Ngunit bago pa siya makapagsalita ulit ay agad niyang nararamdaman ang pagtutok ng riple sa likuran nito.
"Ibarra...." takot na sinabi ng kaniyang kakilala ngunit hindi naman tinablan ng takot ang binata.
"Kung ganun ay magkakilala pala kayo?" tanong ng guardia na nasa likuan ni Ibarra. Agad namang itinaas ng binata ang kamay nito sa ere at saka tumayo nang dahan-dahan.
"At paaano ka namang nakatakas? Hindi mo ba alam kung saan nilalagay ang mga katulad mong nagtatangkang tumakas?.." at mas lalong diniin pa ang riple nito sa likuran ng binata. "Nasa hukay.."
Ngumisi naman si Ibarra sa sinabi ng guardia. "Paano ako nakatakas? Tanungin mo 'yan sa mga kasama mo kung ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin dahil sa totoo lang, nagsasayang lang sila ng buwis ng taong-bayan.." Hindi pa nagpaligoy-ligoy si Ibarra na lingunin ang guardiang 'yun at saka siniko ang sikmura nito. Mabilis niyang inagaw ang riple at saka binali ang kamay nito nang walang kahirap-hirap. Ngunit bago pa makasigaw ang guardia sa sobrang sakit ay maliksing sinuntok ni Ibarra ang sikmura't batok nito dahilan upang humandusay ito sa kaniyang kinatatayuan.
Agad namang lumingon si Ibarra sa kakilala nito at saka hinawi ang buhok niyang nakaharang ngayon sa mukha. "Ito ba ang nagbabantay sa'yo, kaibigan?" at mabilis namang tumango ang kakilala nito na hindi pa rin makapaniwala sa ginawa niya.
Dali-dali niyang hinanap ang susi sa walang malay na guardia na iyon hanggang sa dumapo ang kamay niya sa bulsa nito. Mabilis niyang kinuha ang susi at saka maingat na binuksan ang selda. Pagkatapos niyang binuksan ang selda ay agad niyang ginuyod ang walang malay na guardia papunta roon sa loob.
"Ibarra, mabuti na lang dahil nakuha mo ang aking mensahe bago ako dinala rito. Akala ko'y talagang mamatay na ako rito..." sabi niya habang nakatitig ngayon kay Ibarra na abala pa ring ginuguyod ang guardia at saka isinandal sa magaspang na pader.
"Mabuti na lang magaling akong magmasid kaya nahanap ko ang iyong mensahe na nakatago sa ilalam ng iyong aklat na palagi mong binabasa, kaibigan. Ano ba ang dahilan kung bakit ka nahuli?" usisa ng binata at agad nilapit ang kakilala.
"Hindi ko alam, Ibarra. Basta ang sabi ng dumakip sa akin ay inakusahan daw nila akong isang mensahero ng itinatagong kilusan laban sa pamahalaan. Sa tingin mo ba'y alam na nila ang tungkol sa Katipunan ng taga-norte?" nasa boses niya ngayon ang pangamba habang nakatitig kay Ibarra. Agad namang napaisip ang binata sa sinabi niya.
"May nabanggit ba sila tungkol sa Katipunan? Kung wala ay hindi pa nila alam ang tungkol diyan." sabi ni Ibarra dahilan upang magtaka naman ang kakilala nito.
"May iba pa bang kilusan na tumutuligsa sa pamahalaan, Ibarra?" Nang dahil sa tanong niya ay agad tumigil ang binata. Kahit na naging malapit si Ibarra sa kakilala nito ay hindi niya pa rin puwedeng sabihin ang tungkol sa sinisikretong kilusan nila ni Levi. Agad namang umiling si Ibarra at saka kinuha ang nakatuping papel mula sa bulsa nito upang ibigay sa kaniya.
"Kaibigan, heto ang aking ulat tungkol sa mga maling gawain ng mga opisyales sa ating lugar. Kailangan itong malaman ng ating supremo upang ipabatid sa kaniya ang ating kalagayan mula sa kamay ng mapang-abusong pamamalakad ng mga espanyol." At agad inabot ang nakatuping papel sa kakilala nito.
"At saka kaibigan, ito na ang huli kong misyon bilang kasapi ng Katipunan. Ayaw ko nang malagay ulit ang aking sarili sa alanganin. May pamilya pa akong binubuhay. Ayaw kong ilagay ang aking pamilya sa kapahamakan. Sana'y maintindihan mo ako, kaibigan. Ngunit huwag kang mag-alala. Dahil kapag may sangay na rin dito ang Katipunan ay hindi ako magdadalawang isip na sumali at ipaglaban ang ating kalayaan." pagkukunwari ni Ibarra dahil ang totoo niyan ay gusto na niyang pagtuunan ng pansin ang kaniyang layunin bilang isang miyembro ng Gorrión. Ngunit ang huli nitong sinabi ay totoo at walang bahid na anumang pagkukunwari.
"Naintindihan ko, Ibarra. Ngunit alam na ba ito ni supremo?"
"Hindi pa. Ngunit may liham na akong ibibigay sa kaniya. Maaari mo ba itong ibigay?" sabi ni Ibarra at saka inabot sa kaniya ang sobre mula sa bulsa nito. Agad namang tinanggap ng kaniyang kakilala ang sobre at saka hinarap muli si Ibarra.
"Heto ang plano, kaibigan. Kailangan ninyong magpalit ng damit ng guardia. Pagkatapos mong magpalit ay puwede ka nang lumabas at umalis. Hindi naman mapapansin ng iba ang iyong mukha dahil sa 'di gaanong kaliwanag na ibinubuga ng mga sulo rito sa pasilyo. Alam kong ang iba ay natutulog na rin sa kani-kanilang puwesto. Hangga't maaari ay kailangan mong mag-ingat at iwasan mong makipag-usap sa iba. Alam mo naman ang daan papalabas, hindi ba?" paliwanag ni Ibarra at mabilis namang nakuha 'yun ng kaniyang kakilala.
"Maraming salamat, Ibarra. Utang na loob ko 'to sa'yo." sabi niya at agad namang tumango si Ibarra nang dahil 'dun. Ngunit bago pa makapagbihis ang kaniyang kakilala ay agad naman siyang napatanong sa binata.
"Ibarra, sa tingin mo ba'y mapapahimok natin ang ating kababayan na mag-alsa laban sa mga espanyol? Nang dahil sa tanong niya ay agad naaalala ni Ibarra ang sinabi sa kaniya ni Levi. Mapapahimok ba kaya nila ang taong-bayan na umalsa laban sa pamahalaan o tuluyan na rin ba silang nalulunod sa mga pangakong pinahiran ng asukal ng mga banyagang opisyales?
"Siguro. Mapapahimok lang natin ang mga taong nakaranas ng pang-aabuso at pagmamalupit mula sa kanila. Ngunit ang mga taong biniyayaan ng kasaganaan, sa tingin mo ba'y hindi sila tututol sa ating hangarin?" Nang dahil sa sinabi ni Ibarra ay hindi makaimik ang kaniyang kakilala.
"Sana'y dumating ang araw na mamulat ang ating kababayan sa mga nangyayari sa ating lipunan. Kahit kailan ay hindi mapapantayan ng kasaganaan ang kalayaan. Sana'y may makaunawa sa ating hangarin."
Pagkatapos ikuwento 'yon ni Ibarra ay agad namang tumikhim nang malalim si Levi. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit ginawa 'yun ng kaniyang kaibigan.
"Pagkatapos kong tinulungan ang aking kakilala ay agad na akong bumalik sa aking selda at saka ibinalik ang susi mula sa nagbabantay na guardia na patuloy pa ring natutulog sa kaniyang puwesto." at biglang tumawa nang bahagya si Ibarra nang maalala 'yun.
"Hindi ko na alam kung ano na ang nangyari sa pinatumba kong guardia na kinulong ko sa selda ng aking kakilala. Wala na akong pakialam sa kaniya basta ang importante ay nakatakas na ang aking kakilala upang iabot ang aking ulat sa aming supremo at ipaalam din na ako'y aalis na sa kanilang kilusan tulad ng iyong sinasabi." dagdag pa nito at saka napatingin nang seryoso kay Levi.
"Mabuti naman at nakapagdesisyon ka na rin, Ibarra." kaswal na sagot ni Levi at saka humakbang papunta sa kinaroroonan ni Caitlyn habang may bitbit siyang espada. Hindi mawari ni Ibarra kung bakit ganun na lamang ang kinikilos ng kaibigan. Ngunit nang lumapit si Levi kay Caitlyn ay agad niyang tinitigan ang dalaga na para bang gusto niyang halungkatin ang pagkatao nito.
"Sino ang babaeng 'to, Ibarra?" kunot-noo niyang tanong.
"Siya si Narcissa Castellana. Ang natitirang babae sa kanilang angkan. Iyan ang pagkakasabi ni Nay Remedios..." seryosong saad ni Ibarra habang nakatingin sa kaibigan.
"Nay Remedios? Hindi ba't siya ang matandang manghuhula na nagpapatira sa inyo sa kaniyang tahanan? Ano ang kaniyang koneksiyon sa babaeng 'to?" Nang dahil sa tanong niya ay mukhang walang maisasagot si Ibarra. Ano nga ba ang koneksiyon ni Nay Remedios kay Isay? Ba't nga ba sinabi ni Nay Remedios ang tungkol sa katauhan ng dalaga sa kaniya?
"Hindi ka makasagot?" Bigla namang natauhan si Ibarra nang magsalita si Levi.
"Matagal nang patay si Isay..." rinig nila nang lumapit sa kanila si Eredeo. Nabigla naman ang dalawa sa biglaang presensiya ng binata.
Si Eredeo Ignacio ay matagal nang miyembro ng kilusan. Isa siyang tapat at makapagkakatiwalaan na kaibigan ni Levi. Magkaibigan din sila ni Ibarra ngunit mas pinipili niyang pakisamahan ang mga nakakatanda dahil diyan siya natututo bilang isang magaling na miyembro ng Gorrión.
"Kababata ko si Isay. Kaya imposible ang iyong sinasabi, Ibarra." matatag na sinabi ni Eredeo habang lumalapit kay Ibarra. Agad namang nagsalubong ang mga kilay ni Ibarra sa kaniyang sinasabi.
"Ang aming pamilya ay matagal nang nagsisilbi sa pamilyang Castellana sa bayan ng Sta. Rosita. At dahil 'dun ay diyan ko nakilala si Isay at naging kaibigan..." salaysay ni Eredeo.
"Ngunit isang gabi ng trahedya ang naganap at halos buong angkan ng Castellana ay pinatay ng 'di kilalang mga kalalakihan. Kami na lang tatlo ang natitira sa mansion dahil pinatay na rin ang aming mga magulang. Tatakas na sana kami ngunit hindi naming inaasahan na dinakip nila si Isay. Tinapon siya ng lalake sa ilog at saka pinagbabaril nang paulit-ulit. Tutulungan ko sana siya ngunit pinigilan ako ng kaniyang nakakatandang kapatid. Wala kaming nagawa kundi ang tumakas at umalis sa lugar na iyon. Ngunit nagkahiwalay lang kami ni Florencio dahil sa rumaragasang tao na nagtatakbuhan dahil sa matinding sunog na nangyayari sa buong bayan. Hindi ko na alam ang aking gagawin sa mga oras na 'yun. Hindi ko na rin alam kung buhay pa ba hanggang ngayon si Florencio..." dagdag niya habang dinaramdam ang pait ng kaniyang nakaraan kasama ang magkakapatid na Castellana.
"Isang malagim na trahedya na hindi kailanman makakalimutan ng sangkatauhan. Tssk! Hangga't maari ay kailangan na nating puksain ang mga masasama sa lipunan. Alam kong gusto mo ring maghiganti, Eredeo." inis ni Levi habang nakatingin ngayon kay Eredeo.
"Ngunit hindi mo pa nakumpirma na kung siya'y buhay o patay na.." singit bigla ni Ibarra dahilan upang tingnan siya ni Eredeo.
"Eredeo, paano kung buhay nga si Isay? Matagal mo na siyang hindi nakikita kaya posibleng may nagbago nga sa kaniyang katauhan!" sabi ni Ibarra dahilan upang siya'y lapitan ni Eredeo at kinuwelyuhan.
"Tumigil ka na, Ibarra. Hindi iyan magandang biro." at agad nakipagpalitan ng masamang tingin ang dalawa.
"Kayong dalawa'y tumigil na dahil may kasagutan na rin ang inyong katanungan..." kalmadong pahayag ni Levi dahilan upang matigil na rin ang dalawa.
Nakita na nilang gising si Caitlyn habang nakasandal pa rin ang likuran nito sa estalagmita. Dahan-dahang minulat ng dalaga ang kaniyang mga mata ngunit bumungad sa kaniya ang matulis na dulo ng espada sa kaniyang harapan. Agad siyang kinilabutan at mabilis na itinaas ang nakagapos niyang kamay sa ere.
"Te..teka! Wala akong kasalanan! Nasaan ako?! Ba't nakagapos ang aking mga kamay?!" gulat na sinabi ni Caitlyn habang nakatingin ngayon sa blankong hitsura ni Levi. Mukhang nakahinga na rin si Ibarra nang makitang gumising na rin si Caitlyn habang si Eredeo naman ay naguguluhan habang pinagmamasdan ang imahe ng dalaga.
"Babae. Alam kong ikaw lang ang makakasagot sa katanungang ito. Ano ang iyong totoong pagkatao?" tanong ni Levi na hindi pa rin inaalis ang espada nito sa harapan ng dalaga. Napalunok na lang si Caitlyn sa sobrang kaba at agad nakatingin ngayon kay Ibarra. Tumango na lamang ang binata na para bang sinasabi niyang siya'y magiging maayos lang.
"Ako si Cait------" hindi naman tinapos ni Caitlyn ang kaniyang pagkakilala dahil agad niyang natatandaan si Nay Remedios tungkol sa bago nitong pagkatao sa panahong ito. Siya na ngayon si Narcissa Castellana. At ang pangalan niyang 'yun ay kaniyang gagamitin habang ginagawa ang kaniyang misyon. Napatikhim na lamang siya at agad napatingin ulit kay Levi na naghihintay sa magiging tugon nito.
"Ako si Narcissa Castellana."
Walang anong reaksiyon ang nasa mukha ngayon ni Levi nang marinig iyon ngunit si Eredeo ay parang nabuhusan ng malamig na tubig dahil sa kaniyang rebelasyon. Hindi siya makaimik at patuloy pa ring nakatingin sa dalaga. Hindi niya inaasahan na makikita muli ang kaniyang kababata na sa kaniyang palagay ay matagal na itong patay.
"Hindi maari...." bulong niya habang may tumutulong luha sa kaniyang pisngi.
"Kung ganun...." Sa hindi inaasahan ay agad hinawakan ni Levi ang ulo ni Caitlyn at saka tinabingi sa gawi ni Eredeo na mukhang nagulat sa ginawa ng kaibigan.
"Eredeo, tingnan mong maigi ang mukha ng babaeng 'to. Mayroon bang anumang pagkakahawig ang hitsura nito sa iyong kababata?" seryoso siyang tiningnan ni Levi dahilan upang mapalunok si Eredeo sa kaniyang kinatatayuan.
Hindi naman inalis ni Eredeo ang kaniyang paningin kay Caitlyn na patuloy pa ring kinikilatis ang buo nitong pagkatao. Wala namang ideya ngayon si Caitlyn kung bakit nangyayari ang ganoong eksena. Napatingin na rin siya kay Eredeo at naaalala muli kung paano siya iniligtas ng binata mula sa merkado. Sa mga sandaling 'yun ay agad niyang napapansin ang patuloy na pagluha ng binata dahilan upang siya'y mabahala.
"Ano na, Eredeo?" tanong bigla ni Levi dahilan upang mabalik na sa katinuan si Eredeo. Agad niyang pinunasan ang mga luha nito at saka napatingin kay Levi.
"Matagal ko nang hindi naaalala ang kaniyang mukha ngunit parang pamilyar ang kaniyang mga mata..." sabi ni Eredeo at agad binalingan ng tingin si Caitlyn.
"Mga matang nagpapaalala sa akin na ang buhay ay mahalaga at hindi dapat nasasayang..." dagdag pa ni Eredeo dahilan upang mapatulala sa kaniya si Caitlyn.
************************************************************************************
Trivias to be Noted:
When the Philippine Revolution flared up near Manila in August 1896, the elite leaders in Iloilo reacted quickly. But instead of joining the revolt, they supported the colonial government. The officials of Iloilo City, Jaro City and several towns passed resolutions condemning the rebellion and pledging loyalty to Spain. The Ilonggo elite went a step farther. They organized a battalion of 500 soldiers to fight for the colonial government.
After four months of crash training, the Batallon de Voluntarios Ilonggos was shipped to Manila, landing there on Jan. 16, 1897. For almost a year, the Voluntarios Ilonggos fought with Spanish troops against the Katipunan army of Gen. Emilio Aguinaldo.
The Pact of Biak-na-Bato in December 1897 ended the first phase of the revolution. The Voluntarios Ilonggos returned to Iloilo and were received like a victorious Roman Legion. The Ilonggos did not join the revolution in 1896 because they were enjoying unprecedented prosperity. Iloilo was then the richest province and Iloilo City was second to Manila.
The Ilonggos were enjoying the good life but soon they realized that prosperity without freedom was not enough. In March 1898, a Revolutionary Committee was formed in Molo by Francisco Villanueva, Pablo Araneta and several other leading persons to plan for the revolution.
**Source: https://newsinfo.inquirer.net/697859/iloilos-2-roles-in-the-revolution
Magandang hapon, Felines!!
Maraming salamat sa pagtangkilik sa nobelang ito sana'y tuloy-tuloy po tayo hanggang sa dulo. Don't forget to vote pagkatapos niyo pong nabasa ang chapter na ito.
Sa muli, maraming salamat. See you in next chapter!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro