Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

Walang mapagsidlan ang galak na nararamdaman ni Melo. Atat na siyang pumasok sa eskuwelahan. Gustung-gusto na niyang ipakita kay Julienne na kaya na niyang isulat ang pangalan nito. Magiging magkaibigan na rin sila sa wakas!

Kung maaga siyang gumising araw-araw, puwes mas inagahan pa niya ang gising niya nang Lunes na 'yon. Naghihilik pa ang kanyang ate nang umalis siya. Binigyan rin siya ulit ni Aling Pamela ng ulam para sa kanyang baong kanin.

"Salamat po, Aling Pamela! Pagpalain ka po ni—"

"Pagpalain ako ni Papa Jesus," natatawang pagtatapos ni Aling Pamela sa kanyang sasabihin.

Napakamot na lamang sa kanyang ulo si Melo. Ang hilig talagang basagin ng ale ang trip niya.

"Aling Pam naman! Totoo po 'yong sinabi ko, ah."

"Oo na, sige na. Pumasok ka na nga. Mukhang ganado ka ngayong pumasok at sobrang aga mo. Baka naman natutulog pa ang teacher mo."

"Nando'n na po 'yon. Maaga kaya palagi si Teacher Makris," katwiran naman niya.

"Oo na. Sige na." Pagtataboy sa kanya ng ale.

"Bye po!"

"Ingat ka!" pahabol pa ng ale.

DIRETSO lang ang lakad ni Melo papuntang eskuwelahan. Binati pa niya ang guwardiyang nakabantay sa kanilang gate.

"Good morning po!"

"Good morning, iho. Ang aga natin, ah," puna nito sa kanya. Nginitian lang naman ito ni Melo.

Patakbo pa niyang tinungo ang kanilang classroom. Naabutan niya si Teacher Makris na mukhang kararating lang din.

"Good morning, Teacher!" bati niya rito. Bahagya pa itong nagulat sa kanyang presensya.

"Good morning, Melo! Ang aga mo naman," ani ng guro. Pansin rin nito ang maaliwalas na mukha niya.

"Opo, Teacher. Maaga po kasi akong nagising kanina."

"Ah, kaya pala mukha kang masaya ngayon. Mukhang may maganda kang ibabalita, ah." As if on cue, muling nagliwanag ang mukha ni Melo.

"Opo, Teacher. Meron nga po."

"Ano naman iyon? Marunong ka nang sumulat ng pangalan mo, gano'n ba 'yon?"

Saglit na natahimik ang bata. Yumuko siya at tila nalungkot. "Sorry po, Teacher Makris. Hindi ko pa po alam sulatin ang pangalan ko. Susubukan ko po ulit," aniya.

Bumuga ng hangin ang guro. "O sige. Magpa-iwan ka ulit mamayang hapon, ha? Aaralin natin ang pagsusulat ng pangalan mo."

"Opo, Teacher."

"Good morning, Teacher Makris!"

Pareho silang napalingon sa pinto nang magsalita si Julienne na mukhang kanina pa nakikinig sa kanilang usapan.

"Good morning din, Julienne!" bati ng Teacher. Nang rumehistro na sa utak ni Melo kung sino ang dumating ay bigla siyang naghistirikal sa tuwa.

"Good morning, Julienne! Alam ko na kung paano sulatin ang pangalan mo!" Mabilis niyang binuksan ang kanyang bag at ipinakita sa kaklase ang isinulat niya mula pa kagabi. In fact, ilang ulit pa niyang isinulat iyon.

Nagulat naman si Teacher Makris at tiningnan ang papel. Namilog ang mga mata nito. "Ikaw talaga ang sumulat nito?" hindi makapaniwalang tanong ng guro.

"Opo, Teacher Makris!" pagkumpirma ni Melo. Bumaling siya kay Julienne. "Puwede na ba tayong maging magkaibigan, Julienne?" puno ng pag-asang tanong ni Melo. Sobrang sarap sa pakiramdam na makamit ang mahalagang bagay na pinaghirapan at iyon ay ang pagkakaibigan nila ni Julienne.

Ngunit katulad ng marupok na bubong ay biglang bumigay ang lahat ng pag-asang namuo sa kaloob-looban ni Melo nang marinig ang naging tugon ni Julienne.

"Ayoko pa rin sa 'yo! Hindi ka marunong sumulat ng sarili mong pangalan. Bobo ka pala, eh!"

"Julienne!" saway ni Teacher Makris at pumagitna sa kanilang dalawa.

Tila gumuho ang mundo ni Melo. "P-pero ang sabi mo kapag marunong na akong sumulat ng pangalan mo, magkaibigan na tayo," aniya. Tila iiyak na siya anumang oras.

"Ayaw ko sabi sa 'yo, eh! Bingi ka ba? Ayoko sa 'yo! Ayoko! Ayoko! Ayoko!" masungit na wika ni Julienne.

Saglit na natulala si Melo. Pagkisap niya ng mga mata'y saganang tumulo ang kanyang mga luha. Wala anu-anong dinampot niya ang kanyang bag at tumakbo palabas ng classroom.

"Melo! Sandali!" tawag ni Teacher Makris ngunit na niya ito nilingon.

Mabilis ang pagtakbo niya at hindi na siya nagawang habulin pa ng guro.

SOBRANG sama ng loob ni Melo. Walang tigil sa pagtulo ang kanyang mga luha habang tumatakbo pauwi. Hindi niya pinansin ang mga naakakasalubong niyang nagtataka kung bakit siya umiiyak.

Padaskol niyang binuksan ang pinto ng kanilang bahay. Hindi niya napansin ang ate niyang nakatayo malapit doon, hawak ang cellphone nito.Nabunggo niya ito at kamuntikan pang matumba ang ate niya. Mabilis ang naging pangyayari. Sa isang iglap ay lumipad sa imburnal ang hawak ng ate niya.

"Ano ba?!"

Biglang bumalik sa katinuan si Melo nang makita ang nagkahiwa-hiwalay na parts cellphone ng ate niya. Ang malala pa ay saktong sa maruming imburnal na nasa harap ng kanilang bahay ito tumilapon.

"Walang hiya kang bata ka! Tingnan mo ang ginawa mo!" Nagpupuyos sa galit ang kanyang ate Maris. "Alam mo bang sobrang mahal niyan tapos sinira mo lang!!!"

Aligagang pinulot ni Melo ang tumilapong cellphone sa imburnal. Muntik pa siyang mangudngud sa putikan. Mabuti na lang at naitukod niya ang kanyang paa.

"Sa tingin mo ba may silbi pa 'yan?! Peste kang bata ka! Wala ka nang ginawa kundi bigyan ako ng sakit ng ulo! Kaya mo bang bayaran 'yan, ha?!"

"S-sorry po, ate..."

"Sorry? D'yan ka naman magaling, eh, sa pagso-sorry! Maibabalik ba ng sorry mo ang cellphone ko, ha? Tarantado ka! Wala kang kwentang palamunin ka! Umalis ka sa harapan ko bago pa magdilim ang paningin ko't ano pa ang magawa ko sa'yo. Alis!"

"Sorry po talaga, ate." Nanginig sa takot si Melo. Ngayon lang niya nakitang gano'n kagalit ang ate niya.

"Layas!!!"

Tumalima si Melo at mabilis na tumakbo palayo sa kanilang bahay. Lutang ang kanyang isip. Hindi niya napansin ang truck na paparating kaya't muntik na siyang masagasaan. Mabuti na lang at agad na nakapagpreno ang driver.

"Hoy, salot! Kung gusto mong magpakamatay,huwag kang mandamay ng iba!!!" sigaw sa kanya ng driver.

Tila kutsilyong itinaga iyon sa kanyang puso't isipan. Isa siya salot. Tama nga siguro ang ate niya. Wala siyang kuwenta dahil isa siyang salot. Kaya siguro ayaw rin sa kanya ni Julienne, pati na rin ng mga kaklase niya.

"Sorry, Ate. Sorry!" Pauli-ulit siyang humihingi ng sorry sa kawalan.

Isa lang ang nasa isip niya ngayon. Kailangan niyang mapalitan ang cellphone ng ate niya. Pero paano niya iyon mapapalitan? Tumigil siya sa pagtakbo at nag-isip.

"Kailangan ko ng pera..."

Tama. Kailangang makahanap siya ng perang pambili ng cellphone ng ate niya.

Mabilis niyang tinunton ang dumpsite. Pagkarating doon ay hindi siya nagsayang ng oras. Kahit suot-suot niya ang school uniform ay hindi siya nag-atubiling magkalkal sa gabundok na basura.

Hindi pa siya nakuntento. Tinungo niya ang pinakamataas na bahagi ng dumpsite. Tiyak na mas marami siyang makukuhang bote at kung anu-ano pang puwedeng ibenta mula roon. Ngunit natigilan siya ng marinig ang truck na paparating. May itatapon na namang basura sa dumpsite!

Sinilaban siya ng konting pag-asa. Akmang bababa na siya para sana hintayin ang truck nang biglang gumuho ang kanyang kinatatayuan. Dire-diretsong bumulusok paibaba ang kanyang katawan. Ni hindi niya man lang nagawang sumigaw sa bilis ng pangyayari.

T-tulong!

Sinubukan niyang humingi ng tulong ngunit hindi man lang niya magawang ibuka ang kanyang mga bibig. Dalangin niya'y sana may nakakarinig ng sigaw ng kanyang isipan.

Unti-unting bumigat ang sa itaas niya. Lingid sa kaalaman niya'y kasalukyan nang niluluwa ng truck ang panibagong basurang dala nito.

Nanay! Tatay! Ate!!! sigaw niya sa kanyang isipan.

Ilang saglit pa'y nauubos na ang kanyang hangin. Nahihirapan na siyang huminga. Wala siyang nagawa kundi ang lumuha sa ilalim ng karimlan.

"Papa Jesus..." mahinang usal niya.

Hindi na talaga siya makahinga. Mukhang malabong makakaalis pa siya sa lugar na iyon. Umiyak siya nang umiyak. Baka sakaling may magliligtas sa kanya. Sa ilalim ng kanyang kinasadlakan ay umasa siyang may makakarinig ng kanyang panaghoy. Luha, iyon lang ang kinapitan niya. Ngunit ang huling patak ng luha mula sa kanyang mga mata ay siya ring naging huling pag-asang nasayang magpakailanman...

HINDI na nagsayang ng oras si Teacher Makris. Agad siyang nagtungo sa bahay ni Melo. Batid niyang malaki ang epekto ng sinabi ni Julienne sa bata. Sinalakay siya ng matinding pagkahabag kanina nang makita niya ang sakit na dumaan sa mga mata ng pobreng bata.

"Tao po!"

"Sino bang—"

"Ako po si Teacher Makris, ang teacher ni Melo. Nand'yan ba siya?" dire-diretso niyang tanong sa ate ni Melo. Pansin niya ang madilim na mukha nito.

"Wala siya rito. Kaaalis lang niya."

"Ha? Eh umuwi siya rito kanina kasi may nangyari sa eskuwelahan."

"Wala nga siya rito, pinalayas ko," walang kaabog-abog na sagot ni Maris na siyang ikinagulat ng guro.

"Ano?!"

"Oh? Eh ano naman? Wala naman? Wala siyang kuwentang bata. Naninira pa ng gamit." Tila umusok ang ilong ni Maris nang maalala ang ginwa ng kapatid.

Hindi naman makapaniwala ang guro sa kanyang narinig, kaya naman hindi na niya napigilang magsalita. "You know what? Hindi na ako nagtataka kung bakit namamalimos ng katiting na atensyon si Melo sa mga kaklase niya. Kasi wala pala siyang sariling tahanan. Buong buhay niya ay nawawala siya." Napaluha ang guro. "Kung iisipin mas kailangan niya ng pamilya, eh. Kailangan na kailangan niya. May dysgraphia ang kapatid mo, Miss! Kaya kahit anong pilit niya sa sarili niya na maisulat ang ultimong pangalan niya ay hindi niya magawa! Nakita ko ang pagpupursige niyang matuto pero hinaharang siya ng kondisyon niya! Anong klase kang ate sa kanya, ha?" madamdaming saysay ng guro bago umalis nang walang lingun-lingon.

NAIWANG nakatulala si Maris. Nagkamali ba ako bilang ate?

Sinalakay siya ng konsensya. Maghapon siyang hindi mapalagay sa loob ng bahay. Bumalik sa isip niya ang imahe ng kanilang pamilya. Dati ay punong-puno sila ng pangarap at pag-asa, nagmamahalan at nagdadamayan sa oras ng kagipitan. Ngunit naglaho ang lahat nang mamatay ang pinakamamahal nilang nanay. Worst, her father left them, too. Kung sana hindi ito gumawa ng masama, hindi sila maiiwan ng kapatid niya. Kung sana naging responsable lang ang kanyang ama. Kung sana hindi lang silang ipinanganak na mahirap. Hindi na sana siya napilitang magbilad ng katawan. Hindi na sana nilamon ng galit ang kanyang puso. Hindi sana sila napunta sa ganitong sitwasyon.

Pumatak ang isang butil ng luha sa kanyang mga mata. Isang butil na naging masaganang agos nang makita niya ang katawan ng kanyang kapatid na karga-karga ng isang residente sa kanilang barangay. Nakasunod ang iba pang mga residente na nakikiisyuso. Si Aling Sesa ay walang impit ang iyak. Si Aling Pamela ay nanaghoy sa katawan ng bata.

Agad siyang tumakbo palapit sa lalaking may buhat sa kanyang kapatid. "A-anong nangyari sa kapatid ko?" Umiling lang ang lalaki. "M-melo..."

"May nakakita sa kanya na pumunta sa dumpsite kaninang umaga ngunit hindi na bumalik. Nakumpirma nga namin nang makita namin ang gamit niyang naiwan sa ibabaw ng tambak ng basura. Doon lang namin napansin na gumuho na pala ang bahaging iyon."

Hindi maintindihan ni Maris ang kanyang nararamdaman nang mga oras na iyon. Gumuhit ang pighati't pagkahabag niya sa sinapit ng kanyang kapatid. Sa pakiwari niya'y pinataob ang kanyang mundo.

"B-bakit...?" Humakbang siya papalapit sa katawan ng kapatid. May bakas pa ng luha ang mga pisngi nito. Halatang umiyak bago nawalan.... ng hininga.

"Melooooo!"

Ang panaka-nakang paghikbi niya ay naging isang malakas na hagulgol. Wala na. Iniwan na siya ng taong buong buhay niya ay walang ginawa kundi ang tuparin ang sinumpaan nila ng kanyang pamilya na walang iwanan.

DUMAAN ang mga araw na walang Melo sa loob ng bahay. Walang Melo sa loob ng classroom. At walang Melo na nagpapakulay ng eskinitang iyon. Ang buhay ay katulad ng isang bulaklak na nalalagas sa tuwing dumadaan ang unos. Ito nga'y isang hiram lang at darating ang araw na kailangan nang isauli. Napaaga nga lang si Melo.

"Palagi niya akong inaalala kahit na ilang beses ko siyang itinaboy. K-kahit pagod siya, hindi siya nagrereklamo sa tuwing inuutusan ko. At kahit hindi ako naging ate sa kanya, ipinaramdam niya sa 'kin na meron akong kapatid na maalalahain, masipag, at higit sa lahat, mapagmahal. Masyado akong nabulag ng kahirapan kaya hindi ko nakita iyon." Walang tigil sa pagtulo ang mga luha ni Maris. Hindi pa rin siya makapaniwalang sa isang iglap ay gigising na lamang siyang mag-isa. At habang buhay na lang siyang mag-iisa.

Nakakalungkot ngunit totoong malalaman mo lang ang halaga ng isang tao kapag wala na siya. It's as if absence defines the worth of something. Melo's vivid images flowed like an avalanche. Tila isang sampal iyon kay Maris. Gustuhin man niyang ibalik ang lahat ay wala na siyang magagawa.

"Ni hindi ko man lang nagawang makapag-sorry sa kanya. Naging masama akong ate sa kanya, k-kung kailan na kailangan na kailangan niya ako... Melo, sana mapatawad mo si ate. M-mahal ka n-ni a-ate..."

Paulit-ulit niyang niyayakap ang kabaong kung saan payapang nakahimlay ang katawan ng kapatid. "Sorry, Melo... Sorry na..."

"Tama na, Maris...."

"Tay, kasalanan ko ito lahat. Kasalanan ko!"

Niyakap ni Carlos ang panganay na anak. Kung sana'y puwede lang ipagpalit ang buhay ni Melo sa kalayaan nito, nakahanda itong magpakulong habambuhay. Ngunit kahit magsulat pa siyang isang librong sana, mananatili pa rin iyong sana.

May mga bagay na kahit anong gawin mo ay hindi mo pa rin maabot sa dahilang hindi para sa'yo. Sadyang may nakalaan nang mundo para sa isang katulad ni Melo.

Sa 'di kalayuan ay tahimik na umiiyak ang batang babae na may mahabang buhok at kapansin-pansin ang ganda... si Julienne.

Nasaan na nga ba si Melo? Marahil ay masaya na siya ngayon. He had served his purpose. He had made the world rejoice when he was born, and made it cry when he had to leave. He had shed the last drop of hope... he may rest in peace...

Wakas.

©GREATFAIRY  

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro