Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

"Napakaswerte talaga ng tatay mo sa 'yong bata ka," komento ni Aling Sesa.

Kalalabas lang nila ng bakeshop. Mabuti na lang at nakabili sila ng maliit na chocolate cake sa halagang tatlong daan. Maaga pa lang kanina ay nagpasama na siyang bumili ng cake. Mahigit dalawang daan din ang laman ng kanyang alakansya kaya nadagdagan ang kita niya mula sa scrapped bottle na isang daan piso.

"Pupuntahan ko lang po si Aling Pamela. Magpapasama ako sa kanyang dalawin ang tatay."

"Eh, bakit kay Pamela ka pa magpapasama kung puwede rin naman sa ate mo? Mabuti nga iyon para pareho kayong makita ng tatay n'yo."

Kagat-labing umiling si Melo. Minsan na niyang inaya ang ate niya na dumalaw sa kanilang ngunit nagalit ito sa kanya.

"Ayaw kong pumunta sa isang walang kuwentang kriminal!"

Hindi niya makakalimutan ang sinabing iyon ng ate niya. Hindi siya naniniwalang gano'n ang tatay niya. Kaya magmula noon ay hindi na siya nagbanggit sa ate niya ng kung ano tungkol sa kanilang tatay.

Nahimigan ni Sesa ang pag-aalangan ni Melo. Tama nga ang hinala nitong walang pakialam si Maris sa kanilang ama.

"O siya, ako na lang ang sasama sa 'yo. Huwag na nating abalahin si Aling Pamela mo."

"Talaga po?" Nagliwanag ang mukha ng bata.

"Oo naman. Basta para sa 'yo, ayos lang."

"Salamat po, Aling Sesa! Pagpalain ka ni Papa Jesus!"

Malutong na humalakhak ang ale. Hindi nga ito nagkamaling iyon ang sasabihin niya dito.Sino ba namang makakatanggi sa batang tila anghel na napadpad sa mabaho nilang lugar?

SUMAKAY sila ng dyip bitbit ang isang kahon ng chocolate cake para sa kanyang tatay. Excited na siyang sorpresahin ang huli. Alam niyang matutuwa ito sa kanya 'pag nakita ang kanyang pasalubong.

"Ikaw na naman?" Ngumiti ang pulis sa kanya nang makita siya. Palagi kasi siyang dumadalaw sa kanyang tatay kaya kilala na siya ng halos lahat ng mga pulis na nakadestino roon.

"Hi po!" Kinawayan niya ang mga ito. "Si tatay po?"

"Sandali, dito ka muna. Ipapatawag ko lang ang tatay mo," wika ng isang pulis.

"Salamat po."

"Walang anuman, Melo."

Umupo muna siya habang naghihintay sa kanyang sadya. Naiwan naman sa labas si Aling Sesa para maghintay sa kanya. Alam nitong kailangan din ng mag-ama na masolo ang isa't isa. Masuwerte sila't kakaunti lang ang dumadalaw ngayon kaya maluwang at hindi siksikan sa visitor's area.

Pinagmasdan ni Melo ang dalang kahon ng cake. Ilang saglit biglang may nagtakip ng kanyang mga mata. Suminghot siya. Amoy pa lang ay nakikilala na niya ito.

"'Tay!"

"Ang galing ah."

"Siyempre, amoy pa alang alam ko nang ikaw 'yon, 'Tay!"

Ipinatong niya sa mesa ang dala saka dinamba ng yakap ang ama. "Miss na miss na kita, Tatay!"

Tumawa ang kanyang ama dahil sa galak. "Miss na nga rin kita. Buti napadalaw ka ulit. Ang ate mo pala?" pagkuwa'y tanong ng Tatay Carlo niya.

Nag-iwas siya ng tingin. Sa tuwing pumupunta siya roon ay palagi na lamang nitong hinahanap ang ate niya. Gustuhin man niyang isama ang ate niya ay sobrang malabo. Galit ito sa kanilang tatay dahil para sa ate niya, pinabayaan sila.

"Nasa iskul po si ate," sagot na lamang niya kahit ang totoo'y natutulog pa ito nang umalis siya kanina.

Napansin niyang medyo nalungkot ang tatay niya ngunit agad din iyong nawala. "Gano'n ba? Mabuti naman at pareho na kayong pumapasok. Teka, wala ka bang pasok?"

Umiling siya sa kanyang tatay. Hindi talaga maipagkailang mag-ama sila dahil hawig na hawig ang kanilang mga mukha. "Wala po, Tatay. Sa Lunes pa ulit ang pasok namin dahil walang teacher ngayon."

"Ahhh, teka ano pala 'yang dala mo?" Napansin ni Carlo ang pulang kahoy na may tali pang ribbon.

"Ay! Nga pala, Tatay."

Binuksan niya ang box saka kinuha sa kanyang bulsa ang dalang posporo. Sinindihan niya ang nakatirik na kandila sa gitna ng cake.

"Happy birthday, Tatay!" Ngumiti nang pagkalapad-lapad si Melo.

Hindi naman agad nakapagsalita ang kanyang ama sa sobrang pagkagulat. "A-anak..."

"Hipan n'yo na po ang kandila, 'Tay. Pero bago 'yon, mag-wish po muna kayo. Dali na po." Bakas ang sigla sa boses ni Melo. Iyon lang naman ang gusto niyang mangyari, ang maging masaya ang tatay niya.

Dulot ng pagkabigla ay napapikit si Carlo saka nag-usal ng isang hiling sa kanyang isip. Ang akala nito ay walang makakaalala ng araw na ito. Hindi nito inakalang sa murang edad ng anak nito ay gano'n siya kamaalalahanin.

"Salamat, anak."

"Walang anuman po, 'Tay. Masaya po ba kayo?" inosenteng tanong dito ni Melo.

"Oo naman, anak. Masayang-masaya ako. Sa'n mo pala nakuha ang pambili mo nito?" Tiningnan nitong muli ang chocolate cake. Paborito nitong pagkain iyon. Hanggang ngayon pala, alam pa rin ng anak nito ang gusto nito.

"Nagbenta po kami ng mga bote ni Aling Sesa. Nakarami po kami kaya nakabili po ako ng cake para sa inyo. Huwag po kayong mag-alala. Tinulungan naman po niya ako."

Tumangu-tango si Carlos. Napakasuwerte nito't nagkaroon ito ng anak na tulad ni Melo. Kung nabubuhay lang sana ang asawa nitong si Melody, hindi dadanasin ng mga anak nito ang hirap. Kung sana ay hindi na lang ito nakulong sa kasalanang hindi naman nito ginawa. Naging biktima lang ito ng pagkakataon. Hindi nito alam kung paano napunta sa mga gamit nito ang mga gamot na 'yon. Wala rin itong ideya kung sino ang naglagay.

"Halika, kainin natin itong dala mo, anak."

"Huwag na po, Tatay. Para po talaga 'yan sa inyo. Bigyan n'yo na lang po ang mga kasama mo sa loob."

"Sigurado ka ba?"

"Oo naman po. At saka, sa bahay na lang po ako kakain para may kasama si ate."

"O, e di sige. Salamat uli dito, anak. Mag-aaral ka nang mabuti, ha? At saka bantayan mo ang ate mo. Huwag mong pasasakitin ang ulo niya. At sana isang araw ay magkasama kayong dumalaw dito," ani Carlos.

Saglit na natigilan si Melo. "S-sige po, 'Tay. Sa susunod na dalaw ko, isasama ko po si Ate Maris."

Alam niyang malabong mapapunta niya ang kanyang ate sa kulungan pero susubukan pa rin niya. Naniniwala siyang magyayari rin iyon. Mukha kasing miss na miss na rin ng tatay Carlos niya ang kanyang ate.

"Aasahan ko 'yan, anak. Mag-iingat ka palagi, ha?"

"Opo, tatay."

Saktong pagkatapos ng pag-uusap ng dalawa ay nagbigay ng paalala ang pulis na tapos na ang oras na inilaan para sa dalaw.

"Bye po, Tatay. I love you po!" Muling nagyakapan ang mag-ama.

"I love you rin, anak."

Habang tinatanaw paalis ang anak ay hindi na napigilan ni Carlos ang luhang kanina pa nagbabadya sa mga mata nito. Naghahalo ang nararamdaman nito, ang pagkaulila sa mga anak at ang kalungkutang bumabalot sa buong pagkatao nito sa tuwing naaalala ang nangyari sa kanilang pamilya.

Samantala, umuwing kontento si Melo. Masaya siya nang makitang masaya ang kanyang tatay sa surpresa niya. Kung sana kasama niya lang ang ate niyang dumalaw. Kumpleto sana ang kanilang pamilya kahit wala ang Nanay Melody niya.

"Maglinis ka naman ng bahay! Kung saan-saan ka na naman nagsusuot!"

Iyon agad ang bumungad sa kanya pagkapasok niya pa lang sa sira-sirang pinto ng kanilang bahay.

"Opo, ate."

Agad niyang kinuha ang walis at sinimulang maglinis. Niligpit niya rin ang kung anu-anong gamit ng ate niya na nakakalat. Sa totoo lang, kahit bata lang siya ay hindi siya makalat. Ang ate lang naman niya ang makalat sa kanila. Ang dami-dami kasi nitong gamit na pampaganda.

DAHIL walang pasok kinabukasan ay nagpasyang mag-aral si Melo. Kinuha niya sa loob ng kanyang bag ang name tag ni Julienne saka sumalampak sa kanyang higaan. Tiningnan niya iyon nang maigi. Mary Julienne Pearl Sto. Domingo.

Sinimulan niyang gumuhit kahit na nagsimula na namang manginig ang kanyang kamay. Tumagatak ang kanyang pawis. Sa simula ay hindi niya makuha-kuha. Muli siyang sumubok. Hindi niya ito tinitigilan. Nagpapahinga lang siya sa tuwing nangangalay na siya.

Halos kalahating araw ay iyon ang kanyang ginawa. At tulad ng kasabihang kapag may tiyaga ay may nilaga, nagawa niyang isulat ang napakahabang pangalan ng kaklase niya. Isa na lang ang kulang, kailangan niyang maisulat iyon na walang kodigo!

Pagkatapos kumain ng pananghalian ay mabilis niyang tinapos ang paghuhugas ng mga plato. Alam naman niyang iuutos pa rin iyon sa kanya ng ate niya kaya agad niyang ginawa. Binalikan niya ang kanyang ginagawa sa kuwarto. Hindi siya titigil hangga't hindi niya naisusulat nang tama ang pangalan ni Julienne.

Hindi biro ang kanyang pinagdaanan. Nakailang pagsilip siya bago niya naisulat nang buo ang pangalang iyon. Totoo nga talagang nadadaan ang lahat sa matinding determinasyon. Manghang-mangha si Melo nang makita ang kanyang ginawa, kaya naman hindi na niya napigilang sumigaw sa tuwa.

"Yes! Alam ko na ang pangalan ng bago kong kaibigan!"

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro