Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 2

Tuwang-tuwa si Maris habang binibilang ang pera sa kanyang mga kamay. Malaki-laki ang kinita niya ngayong gabi. Maraming tao sa bar kung saan siya nagsasayaw at paminsan-minsan ay nagbebenta ng aliw.

"Uuwi ka na ba?" tanong sa kanya ni Flordeline, isa sa mga kasamahan niya.

"Oo, nakakasawa na kasing tingnan ang pagmumukha ng mga gurang na customers." Tumawa silang pareho sa kanyang sinabi.

"Mukhang palaging malaki ang kinikita natin, ah. Palagay ko malaki na rin ang ipon mo," agaw-pansin ni Flordeline.

Tiningnan niya lang ito saka inilagay sa loob ng kanyang bag ang buong sampung libo na kita niya. Usisera talaga ang babaeng ito kahit kailan. Feeling close sa kanya. Alam kasi niyang siya ang pinakamaganda sa kanilang lahat.

"Hindi rin. May pinapaaral akong kapatid," matabang niyang sagot.

Tumangu-tango si Flordeline sa kanya. Tingin nito'y napakabait ni Maris para magsakripisyo sa nakababatang kapatid.

Lingid sa kaalaman nito'y nababalot ng pagkukunwari ang buong pagkatao ni Maris.

"Sige ha, mauna na ako. Magpapaalam lang ako kay boss," sambit ni Maris.

"Sige."

Mabilis na lumabas ng bar si Maris pagkatapos niyang magbihis at magpaalam sa kanyang boss. Maga-alas dos na ng madaling araw. Wala pa siyang kain dahil hindi siya nakapaghapunan. Nakaramdam na rin siya ng gutom. Nag-abang siya ng taxi sa gilid ng kalsada.

"Manong, dumaan muna tayo sa bukas na fastfood," utos niya sa taxi driver.

"Sige, Ma'am."

Tumigil ang taxi sa harap ng isang kilalang fastfood na open 24 hours. Bumili siya ng combo meal para sa sarili. Hindi na siya nag-abalang bilhan ang kapatid na si Melo dahil tiyak na nakakain na ito. Palagi naman na itong tulog pagkauwi niya.

Dahil hindi naman mabigat ang daloy ng trapiko sa daan, ilang saglit lang ay nakarating ang taxi sa tapat ng eskinitang papasok sa kanilang bahay. Nagbayad siya't bumaba ng taxi. Halos ganito ang scenario ng kanyang buhay araw-araw.

Kadiliman ang sumalubong sa kanya pagpasok pa lamang niya ng bahay. Kinapa niya ang switch ng ilaw ngunit walang nangyari. Napahilot siya kanyang ulo.

"Pesteng buhay ito!" Sinipa niya ang pinto at tulad ng inaasahan ay halos magiba ito. Matalim pa naman ang takong ng kanyang sandals.

Binuksan niya ang bag at kinuha ang mamahaling cellphone na kabibili lang niya. Mabuti na lang at meron siya nito.

"Melo!" malakas na tawag niya sa kapatid. "Melo!" pag-uulit niya. Wala siyang pakialam kahit mabulabog ang kanilang kapitbahay. Sanay naman ang mga ito sa pagtatalak niya. "Bumangon ka nga d'yan!"

"Melo!"

"A-ate..." Pupungas-pungas na lumabas ng silid si Melo. Bahagya pa itong nagkukusot ng mga mata dahil sa antok.

"Bakit hindi mo ibinigay sa 'kin ang bill ng pesteng kuryente na 'yan?!"

"Po?"

"Anong po? Tingnan mo, wala tayong ilaw! Buwisit!"

Tumungo si Melo sa takot. Nakalimutan nga nitong ibigay. Noong nakaraang linggo pa ito dumating.

"Nandya'n po nakasabit sa dingding," mahinahong sagot ni Melo.

"Buwisit! Palamunin ka na nga, wala ka pang silbi! Umalis ka nga sa harapan ko!"

"S-sorry, ate!"

"Sorry! Puro ka sorry! Wala ka nang ginawa kundi magbigay ng perwisyo!"

Padabog na binuksan ni Maris ang dalang pagkain. Gamit ang ilaw mula sa cellphone ay kumain siya. Bumalik naman sa kuwarto si Melo na malungkot. Kasalanan pala nito kung bakit sila naputulan ng kuryente.

KINAUMAGAHAN, maagang gumising si Melo para magsaing na naman. Tulog na tulog pa rin ang ate niya kaya ingat na ingat siya sa kanyang galaw para hindi makalikha ng anumang ingay... kahit na maingay naman sa labas.

"Sa'n mo na naman nilustay ang pera mo?! Peste! Wala tayong pambili ng ulam!"

Nagbingi-bingihan si Melo nang marinig niya ang pagtatalak ni Aling Sesa sa kanyang asawa. Halos araw-araw yata ay nagbabangayan ang dalawa. Sanay na siya sa musika ng iskwater tuwing umaga.

"Mahal, alam mo namang may utang pa ako kay kumapare. Ibinayad ko muna."

"At bakit ka nagkaroon ng utang, ha?! Nambababae ka na namang animal ka!"

"Mahal naman, hindi ako nambababae."

"Tigilan mo ako sa kamamahal mo! Buwisit ka!"

Halos buong barangay yata ay naririnig ang pagtatalak ni Aling Sesa. Tila may nakakabit na megaphone sa kanyang bunganga. Mayamaya pa'y kumalabog ang kuwarto ng ate niya na siyang ikinagulat ni Melo.

"Hoy! Maaga pa! Natutulog pa ako, ang iingay n'yo!" sigaw ni Maris. Tumahimik naman ang kapitbahay.

Naligo na lamang si Melo at kumain ng almusal. Nagulat siya nang makitang nando'n pa rin ang ulam na itinira niya para sa kanyang ate. Mabuti naman dahil takot siyang humingi ng pambili sa ate niya at baka mabulyawan pa siya. Mainit pa naman ang ulo nito sa kanya.

"Alis na ako, 'Nay," sambit niya sa larawan ng kanyang ina. "Ate, papasok na po ako," paalam niya sa kapatid.

"Lumayas ka na nga! Isa ka pang maingay!" balik-sigaw ng ate niya.

Dumaan ang sakit sa dibdib ni Melo. Lagi na lang gano'n ang ate niya sa kanya. Tumakas ang isang butil ng luha mula sa kanyang mga mata ngunit mabilis niya itong pinalis saka tuluyang lumabas ng bahay.

"Good morning, Aling Sesa!" bati niya sa kapitbahay nang mapadaan siya.Todo-ngiti siya rito.

Pagkakita nito sa kanya ay lumiwanag ang mukha nito. "Buti pa itong si Melo nakakaganda ng umaga. Gud murning din, Melo. Ang gwapo natin, ah."

"Salamat po!"

Bakas ang ngiti sa mga mata ni Melo. Bawat nadadaanan niya'y binabati niya. Iyon kasi ang bilin palagi ng nanay niya noong buhay pa ito.

"Good morning po!"

"Gud murning, Milo!"

Pagkatapos ng mahigit isang kilometrong paglalakad ay narating na rin niya ang eskuwelahan. Tahimik siyang umupo sa kanyang desk sa loob ng classroom. Mayamaya'y dumating ang teacher na may kasamang isang napakagandang bata. Namangha si Melo.

"Good morning, pupils!"

"Good morning, Teacher Makris!"

"May bago pala kayong kaklase." Lumapit ang batang babae kay Teacher Makris. "Introduce yourself, dear."

"Hello!" Ngumiti ang bata sa kanilang lahat. Napangiti na rin si Melo. "My name is Mary Julienne Pearl Sto. Domingo, seven years old."

Bumati na rin ang mga kaklase niya rito, maliban kay Melo na tila natulala sa bagong kaklase.

"Okay, Julienne, dito ka umupo." Dinala ito ng teacher sa tabi ni Melo.

"Thank you, Teacher Makris."

"Okay."

Nagsimula ang klase at panaka-nakang tinitingnan ni Melo ang katabi. Ang ganda ng bata. Mahaba ang nakatirintas nitong buhok. Makinis ang pisngi at matangos ang ilong. Likas din itong maputi. Hindi siya nakapag-concentrate sa klase kaya nagulat na lamang siya nang tinawag siya ng teacher.

"Melo."

"Po?" Nakatingin ang buong klase sa kanya.

"Pakisulat sa pisara ang limang patinig."

Biglang kinabahan si Melo. Kung kahapon ay nakatakas siya, ngayon ay mukhang mapapasubo siya.

"Stand up, Melo." Ngumiti si Teacher Makris sa kanya na tila sinasabi nitong kaya niya iyon. Abot-langit ang kanyang kaba.

"Class? Ano nga ulit ang limang patinig?" tanong ni Teacher Makris sa buong klase. Sabay-sabay namang ibinigkas iyon ng buong klase.

"A, E, I, O, U."

Tumangu-tango ang teacher habang nakatingin kay Melo. "Come here in front, Melo."

Parang gusto nang tumakbo palabas si Melo. Pumikit siya at nakita niya ang nakangiting mukha ng kanyang nanay sa kanyang isipan. Pagkadilat ay marahan siyang punta sa harap. Inabot niya mula kay Teacher Makris ang chalk.

A, E, I, O, U. Ne-recite niya sa isipan ang limang patinig. Alam niya ang tunog ng mga iyon ngunit tila may nakaharang sa kanyang isipan. Nakalimutan niya ang mukha ni letter A, letter E, pati na rin ang iba pang letra.

"May problema ba, Melo?" mahinahong tanong ni teacher Makris nang mapansing nanginginig ang mga kamay nito.

"H-hindi ko po maalala, Teacher." Yumuko siya sa sobrang hiya lalo na nang magtawanan ang mga kaklase niya.

"Hahahahaha!" rinig pa niya ang sinabi ng isa niyang kaklase kahit mahina lang iyon. "Ang bobo naman ni Melo."

"Class, silence..." Tumahimik ang buong klase nang umawat si Teacher Makris. "It's okay, Melo." Bumaling ito sa klase. "Anyone can write on the board?"

Nagtaas ng kamay si Julienne. Walang kahirap-hirap nitong naisulat sa pisara ang mga letra. Nakayukong bumalik si Melo sa kanyang upuan. Bakit kasi palagi na lang niyang nakakalimutan ang mga letra? Sa tuwing kumakanta sila ng alpabeto ay memorado naman niya iyon. Sadyang nakakalimutan niya kung paano isulat ang mga iyon. Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam sulatin ang sarili niyang pangalan.

Nang bumalik si Julienne sa upuan ay hindi na nagawang tumingin ni Melo sa kanya. Nahihiya siya rito.

Mabuti pa siya magaling sa alpabeto.

Nagpatuloy ang klase at hindi na ulit tinawag ng teacher si Melo. Sa isip nito'y may problema nga ang bata, at iyon ang aalamin nito.

Dumating ang breaktime. Kanya-kanyang labas ng baon ang mga kaklase ni Melo, kabilang na si Julienne. Ang iba naman ay nagtungo sa canteen na nasa loob ng kanilang eskuwelahan. Kahit nasa public school sila ay kompleto naman sa facilities kahit paano. Mabuti pa ang mga kaklase niya maraming baon. E siya, nakalimutan niyang humingi sa ate niya dahil

sa takot na mabulyawan. Mukhang wala rin siyang magagawa kundi ang umuwi mamaya para makakain ng pananghalian.

Nanatili na lamang siya sa kanyang upuan at nagmasid sa paligid. Hindi na niya natiis kaya't kinausap niya ang katabi.

"Puwede ba kitang maging kaibigan?" lakas loob niyang tanong kay Julienne habang kumakain ito ng baon na sandwich. Napalunok siya. Ni minsan sa buhay niya ay hindi pa siya nakakain niyon.

"J-Julienne..." tawag niya rito. Natigilan ang huli at bumaling sa kanya.

"Yes?" seryoso nitong tanong.

"P-puwede ba kitang maging kaibigan?" muli niyang tanong.

Kinunutan siya nito ng noo at nilunok muna ang kinakain bago nagsalita. "Okay."

Nagliwanag ang mukha ni Melo. Akala niya ay susungitan siya nito. Mukha kasing masungit ang bata. Sa wakas ay may kakausapin na siya palagi. Hindi na siya mababagot sa loob ng classroom.

Ngunit agad ding napawi ang kanyang ngiti nang marinig ang sumunod na sinabi ni Julienne. "Sa isang kondisyon."

"Anong kondisyon?" interesado niyang tanong.

"Magiging magkaibigan lang tayo pag alam mo nang isulat ang buong name ko." Ipinakita nito sa kanya ang buong pangalan nito na nakasulat sa kuwaderno nito. "Ito ang buong pangalan ko, Mary Julienne Pearl Sto. Domingo."

"Gano'n ba?" Bumulusok paibaba ang excitement na naramdaman ni Melo. Akala niya ay magkakaroon na siya ng kaibigan sa wakas. Gustung-gusto pa naman niyang maging kalaro si Julienne.

"Oo, sabihin mo sa'kin pag alam mo na," sabi pa nito nang hindi nakatingin sa kanya. Naramdaman niyang hindi ito interesadong makipagkaibigan.

"S-sige."

"Kaya mo ba?"

"Ha?"

"Kaya mo bang isulat ang pangalan ko?"

"P-pag-aaralan ko," determinado niyang sagot. Lahat naman napag-aaralan, eh. Darating din ang araw na makakabisado niyang isulat ang alpabeto.

Pagkatapos noon ay hindi na siya muling kinausap ni Julienne. Wala rin sa mga kaklase niya ang kumakausap sa kanya dahil sabi nila ay bobo siya. Nasasaktan siya sa tuwing kinukutya siya ng kanyang mga kaklase ngunit wala siyang magagawa kundi tiisin iyon. Hind bale, 'pag alam na niyang isulat ang pangalan ni Juleinne ay magkakaroon na rin siya ng playmate. At kapag nangyari iyon, who you sila sa kanya.

Mary Julienne Pearl Sto. Domingo. Ang haba naman ng pangalan nito. Balak yatang kolektahin ng mga magulang nito ang lahat ng mga pangalan. Ah, hindi siya natatakot. Kahit kasing haba pa ng riles ang pangalan nito ay aaralin niya iyon, basta't magkakaroon lang siya ng kaibigan.

Ngunit makakaya niya bang isulat ang pangalan ni Julienne kung mismong pangalan niya ay hindi niya kayang sulatin?

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro