Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

"CLASS, ingat kayo sa pag-uwi. Bye!"

"Thank you and goodbye, Teacher! See you again tomorrow," sabay-sabay na sagot ng mga estudyante sa kanilang guro.

"See you. You may go now. Melo, maiwan ka muna."

Natigilan si Melo nang tawagin siya ng kanyang teacher. Pinanood muna niya ang paglabas ng kanyang mga kaklase sa classroom. Nang makalabas na ang lahat ng mga estudyante ay tahimik siyang lumapit sa teacher.

"Bakit po?"

"Upo ka muna."

Pinaghila siya ng upuan ng kanyang teacher. Kinabahan si Melo. Magkaharap na sila ng kanyang teacher. Wala naman siyang naaalalang may ginawa siyang kasalanan maliban sa pagtunganga sa pisara habang abala ang mga kaklase niya sa pagsusulat sa kani-kanilang mga papel.

"May dinaramdam ka ba?" tanong ng guro sa kanya.

"Po?"

"Bakit ang tamlay mo kanina sa klase? May dinaramdam ka ba?"

Umiling siya saka yumuko. Wala naman talaga siyang dinaramdam. Sadyang hindi lang siya makasabay sa kanyang mga kaklase. Pakiramdam niya ay walang may gustong makipagkaibigan sa kanya.

"Sigurado ka ba?"

"Opo, Teacher."

Tumangu-tango si Teacher Makris sa kanya. Tila inaanalisa nito ang kanyang kabuuan, pagkuwa'y kumuha ito ng papel at lapis.

"Ganito na lang. Puwede mo bang isulat ang pangalan mo rito?" nakangiting wika ng teacher sa kanya.

Kinabahan si Melo. Bakit palagi na lang siyang pinapagawa ng bagay na kinatatakutan niya? "Puwede na po ba akong umuwi, Teacher? Gutom na po ako, eh..." pag-iiba niya ng usapan.

Ngumiti si Teacher Makris at umiling. Nahihimigan nito ang pag-iwas ni Melo.

"Sige, hindi na muna kita kukulitin ngayon pero dapat bukas marunong ka nang magsulat ng pangalan mo, ha?"

"O-opo, Teacher."

"Good. Sige na."

"Bye po."

"Bye, ingat ka."

Halos takbuhin ni Melo ang pinto palabas ng classroom. Tila abot langit ang kanyang kaba kanina. Kung bakit ba naman kasi pagsusulatin na naman siya ng kanyang teacher? Wala na silang ginawa kundi ang magsulat buong maghapon, hindi ba sila napapagod? Kasi siya, kahit unang araw pa lang ng pasukan ay pagod na pagod na siya... sa kasusulat.

Tinanaw niya ang mga kaklase niyang sinusundo ng kani-kanilang mga guardians. Sumibol ang ideya sa kanyang isipan. Sana may sundo rin siya. Ngunit agad na nawala ang imahe ng kanyang ina sa kanyang isipan nang may makabunggo siya.

"Ano ba?! Tumingin ka naman sa dinadaanan mo!" masungit na wika .

"Sorry..."

"Sorry!" panggagaya nito sa kanya at inismiran siya saka naglakad palayo.

May sumalubong na ginang sa bata at tila nagsusumbong ito kaya naman mabilis na tinahak ni Melo ang gate ng eskuwelahan at dire-diretsong umuwi. Winalang bahala niya ang maingay na paligid. Sanay na sanay na siya sa kanyang dinadaanang marumi at maraming kumakalat na basura.

"'Nay! Nandito na po ako!" masiglang bungad niya sa pinto pa lang ng kanilang napakaliit na bahay.

Tulad kaninang umagang pag-alis niya ay gano'n pa rin ang reaksyon ng kanyang ina. Nakangiti pa rin ito sa kanya na mukhang masayang-masaya sa tuwing nakikita siya.

"Kung tatanungin n'yo po ako ng unang araw ko sa iskul, maayos naman po, 'Nay! Marami akong kaklase. Wala pa akong kaibigan sa kanila pero 'wag kayong mag-alala. Bukas na bukas din ay makikipagkaibigan na ako sa kanila. I love you, Nanay!"

Mariin niyang hinalikan ang frame na may lamang litrato ng kanyang nanay at saka niyakap. No'ng buhay pa ito ay paborito siyang yakapin ng kanyang ina. Nakakagigil daw kasi siya at mahal na mahal siya nito.

"Mabuti't nandito ka na. Magpalit ka na ng damit at magsaing."

Naligalig siya nang sumulpot sa kanyang likuran ang ate niyang pusturang-pustura. Nakasuot ito ng maikling shorts at halos lumuwa na ang dibdib sa suot nitong pulang sleeveless na blouse.

Sa'n na naman kaya pupunta si Ate? anang katanungan sa kanyang isipan.

"Oh? Ano'ng tinitingin-tingin mo? Ang sabi ko magpalit ka na ng damit at magsaing! Dapat pagkauwi ko, nakaluto ka na kundi malilintikan ka sa 'kin!"

Mabilis na tumango si Melo. Nahihimigan niyang parang mainit na naman ang ulo ng ate niya sa kanya. Palagi naman.

"O-opo, ate."

Ibinaba niya ang bitbit niyang backpack at hinubad ang kanyang lumang uniform na galing pa sa kanilang kapit-bahay na si Aling Sesa. Nang malaman kasi ng huli na mag-aaral siya ay ibinigay nito sa kanya ang mga pinaglumaang uniform ng anak nito. Luma ngunit maayos pa naman at puwedeng-puwede pang isuot.

Marahan niyang inilagay sa ibabaw ng kanyang higaan ang maruming uniform. Lalabhan pa niya ito mamaya pagkatapos niyang magsaing. Kahit walong taon pa lang siya ay marunong na siya ng halos lahat ng gawaing bahay. Sanay na sanay na siya. Simula nang mamatay ang kanyang nanay dahil sa sakit at nang makulong naman ang kanyang tatay ay siya na ang gumagawa sa bahay. Ang dinig niyang usapan sa labas ay nahuli raw ng mga pulis na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang tatay kaya nakulong. Ngunit ang ipinagtataka ni Melo... May gamot palang ipinagbabawal?

Pagkasuot niya ng damit pambahay ay agad siyang nagtungo sa kanilang kusina. O kusina bang matawag ang kanilang sala kung saan nakalagay ang kanilang mga plato't iba pang gamit pang-kusina. Binuksan niya ang bilog na balde na pinaglalagyan nila ng bigas ngunit nagulat siya nang makitang wala na itong laman.

"Ate, wala na po tayong bigas—"

Natigilan siya nang mapansing mag-isa na lamang siya sa bahay. Nakaalis na pala ang ate niya. Binitiwan niya ang hawak na kaldero at ipinatong muna ito sa sahig.

Pumasok siya sa kanyang maliit na silid at binuksan ang plastic na garapon na nakatago sa kanyang damitan. Kumuha siya ng pitong tig-sampung piso na barya at dalawang limang piso.

"Sayang naman, mababawasan ang pambili ko ng pasalubong kay tatay," sambit niya sa sarili.

Palagi kasi siyang bumibisita sa kulungan kasama si Aling Sesa. Tuwing dumadalaw siya sa kulungan ay bumibili siya ng pasalubong para sa kanyang tatay.

"Hindi bale, sasama na lang ulit ako kay Aling Sesa na mamamasura sa Sabado."

Pagkalabas niya ng bahay ay dumiretso siya sa maliit na na malapit sa kanila. Kahit nasa isang iskinita sila nakatira ay halos kumpleto naman doon. May mga tindahan roon na mabibilhan ng mga pangunahing kailangan. Tulad ngayon, kailangan niyang bumili ng bigas para may makain sila mamaya ng ate niya.

"Dalawang kilo hong bigas, Aling Pamela."

"Aba, nandito na pala si Melo. Balita ko nag-aaral ka na. Kumusta ang unang araw natin sa eskuwelahan?" usisa ng ale sa kanya.

Sa totoo lang, paborito siya nitong customer..

"Ayos na ayos po, Aling Pam. Marami akong kaklase 'tas ang ganda-ganda ni Teacher Makris namin!" masayang balita niya.

"Sus! Marunong ka na ngayong tumingin sa kagandahan, ha. Kay bata-bata mo pa. Heto na ang bigas mo. Buti binigyan ka ng ate mo ng pambili?" patanong na sabi nito sa kanya.

Alanganing tumango si Melo. "O-opo," pagsisinungaling niya. Pag sinabi niya kasi ang totoo ay tiyak na pagagalitan na naman siya ni Aling Pam.

"Sabihin mo sa ate mo na sa susunod, 'wag kang pinabibili ng bigas dito. Siya kamo ang bumili," paalala pa ng ale.

Tango lang ulit ang itinugon ni Melo. Sanay na siyang pinapaalalahanan palagi ni Aling Pamela.

"Heto na po ang bayad ko." Inabot niya ang dalang mga barya sa ale. Kumunot naman ang noo ng huli. Binilang pa nito sa kanyang mga palad ang barya.

"Kulang naman ng apat na piso ire. Eighty lang ito eh."

"Gano'n po ba? Babalikan ko na lang po," ani Melo. Rinig pa niya ang pagbuntong hininga ng ale.

"O siya, sige na nga. Huwag mo nang dagdagan, anak. Naku, pasalamat ka't napakaguwapo mong bata."

Lumamlam ang mga mata ni Melo. Palaging sinasabi sa kanya ng ale na guwapo siya at naniniwala siya roon. Gano'n din ang palaging sinasabi sa kanya ng kanyang ina nang buhay pa ito.

"Salamat po, Aling Pamela. Pagpapalain ka po ni Papa Jesus!"

Tumawa ang ale sa kanyang sinabi.

Sa totoo lang ay ilang beses nang bumibili si Melo kay Aling Pamela na kulang ang pambayad. Dahil sa awa ay hinahayaan na lamang siya ito. Isa pa, malapit sa puso ng ginang si Melo. Napakabait niyang bata. Kung hindi lang siya mukhang gusgusin ay aakalain mong anak siya ng mayaman. Moreno si Melo ngunit matangos ang kanyang ilong. Mahahaba ang kurba ng kanyang pilik-mata na bumagay sa hugis ng bilugan niyang mukha.

"Walang anuman, anak. O sige na. Ay sandali lang..."

"Po?"

Tumalikod ang ale at ilang sandali pa ay muling dumungaw sa maliit na bintana ng tindahan. May iniabot ito sa kanya.

"Ayan, sa 'yo na 'yan. Baka hindi pa nakabili ng ulam ang ate mo."

"Wow!" Manghang tiningnan ni Melo ang laman ng lalagyan, adobong manok. Bigla siyang natakam.

"Talaga pong sa akin na ito?" 'di makapaniwalang tanong niya. Bigla siyang nakaramdam ng excitement na kumain ng hapunan.

"Oo, sa 'yo na 'yan. Sige na, umuwi ka na't magdidilim na."

"Maraming salamat po ulit, Aling Pam!"

"Oo na, basta ikaw. Malakas ka sa 'kin eh. Basta ba mag-aaral ka nang mabuti. Ayos ba?"

"Ayos po!"

Masayang tumalikod si Melo at umuwi sa kanilang bahay. Tiyak na matutuwa ang ate niya dahil may pang-ulam na sila mamaya. Buti na lang, napakabait ni Aling Pam at binigyan siya. Samantala, nakangiti naman si Aling Pam habang tinatanaw siyang naglalakad pauwi. Minsan, naisip nitong sana'y anak na lamang nito si Melo. Hinding-hindi siya nito pababayaan tulad ng ginagawa ng ate niya sa kanya. Ang batang kagaya niya ay isang gantimpala mula sa Diyos.

Pagkarating sa bahay ay agad na nagsaing si Melo. Bago niya hugasan ang bigas ay naglagay muna siya ng uling sa kalan. Kung titingnan ay sanay na sanay na siya sa kanyang ginagawa. Hindi siya katulad ng ibang mga batang kaedad niya na matatagpuan sa kalye't naglalaro.

Matiyaga niyang binantayan ang kanyang sinaing para hindi masunog. Nang tuluyan nang maluto ay eksaktong madilim na. Wala pa rin ang kanyang ate.

"Anong oras kaya darating si ate?" Nangalumbaba siya sa lamesita. Nakaramdam na siya ng pagkalam ng sikmura. Tiningnan niya ang lumang orasang nakasabit sa dingding ng kanilang bahay. Gano'n pa rin naman ang oras doon magmula nang umalis siya papuntang eskuwelahan kaninang umaga. Nakaturo sa alas dose ang dalawang kamay ng orasan at hindi na gumagalaw.

Nagpasaya siyang labhan na lang muna ang kanyang uniform habang hinihintay ang kanyang ate.

"Nay, maglalaba po muna ako, ha? Baka pagod na si ate pagkauwi niya. Hindi na niya ito malalabhan."

Palagi niyang kinakausap ang kanyang nanay. Iyon lang kasi ang nagpapagaan ng kanyang loob. Hindi mapirmi sa bahay ang kanyang ate. Hindi rin niya alam kung saan ito nagsusuot tuwing dis-oras ng gabi.

Ilang oras pa ang lumipas ngunit wala pa rin ang ate niya. Kumakalam na talaga ang kanyang sikmura at gusto na niyang kumain. Natapos na siyang magsampay at lahat ngunit hindi pa rin dumadating ang kanyang ate. Ilang beses na ring siyang napahikab at halos nakatulog na siya sa lamesita.

Sa huli ay napagdesisyunan na lamang niyang kumaing mag-isa. Baka gagabihin na naman ang ate niya. Kumuha siya ng plato at binuksan niya ang takip ng mangkok kung saan nakalagay ang dalawang hiwa ng adobong manok galing kay Aling Pamela. Kinuha niya ang isang hiwa at inilagay sa kanyang plato. Kumuha na rin siya ng kanin sa kaldero. Ngunit bago siya nagsimulang kumain ay nagdasal muna siya tulad ng nakagawian.

"Dear Papa Jesus, maraming salamat po sa pagkain na bigay Ninyo. Sorry po kung hindi ko na mahintay si ate Maris. Gutom na po kasi ako. Sana po ay ingatan Ninyo si ate sa kanyang pag-uwi. I love you!"

Pagkadilat ng kanyang mga mata ay lumingon muna siya sa picture frame ng kanyang nanay. "Kain po tayo, 'Nay!"

Masarap ang ulam niya ngayong gabi, pero mas sasarap pa sana kung kasalo niya ang kanyang ate. Akmang susubo pa lamang siya ng kanin nang biglang namatay ang ilaw na siyang tanglaw niya sa sala.

"Ay!"

Nagulat siya't biglang napatayo. Muntik pa siyang matumba sa sobrang dilim. Kinapa niya ang maari niyang mabunggo para maiwasan at saka binaybay ang pinto ng kanilang bahay. Pansin niyang may ilaw naman sa kanilang kapitbahay pati ang mga street lights. Malungkot siyang tumingin sa kawalan nang ma-realize niya ang nangyayari.

"Naputulan na naman kami ng kuryente..."

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro