Chapter 8
"Anong gagawin mo kapag sinabi ng tao sa iyo na gusto ka niya?"
"Gusto rin kita, Raya..." seryosong sagot sa akin ni Lulu.
Ibinalik ko ang tingin sa baon ko. Mayamaya pa ay narinig ko ang tawa ni Lulu.
"Ang seryoso mo naman! Sino ba yan, ha?"
Hindi ako makapagsalita dahil best friend niya iyong tinutukoy ko. Hindi ko pa alam kung ano ang ire-react ni Lulu.
"Kakilala ko lang." sagot ko naman.
"Hmm, depende kasi yan sa tao, Raya. Kung gusto ka niya bilang kaibigan, wala namang kaso dun. Pero kung gusto ka niya higit pa dun..." she trailed off, tapping a delicate finger on her chin. Tapos ay bigla siyang tumawa. "Hindi ko rin alam! Hindi mo naman obligasyon na sagutin siya, lalo na kung hindi mo rin siya gusto."
"Grabe ka, Lulu," sabat naman ni Cel. Sa kaniya ako napatingin. "Kailangan nilang malaman kung gusto rin sila o hindi para hindi umaasa yung tao, 'no! Kawawa naman."
"Oo, huwag mong paasahin yung tao, Raya," ani Avery.
Sinisi ko kaagad ang sarili kasi dapat pala hindi na ako nagtanong! Alam kong ito ang iisipin ko buong magdamag... kung anong sasabihin ko sa kaniya. Hindi naman niya nilinaw kung gusto niya ako bilang kaibigan o bilang... ako. Iyong tanong kasi niya kay Lenard, nag-assume ako na ang 'gusto' na iyon ay bilang kaibigan. Siyempre, gusto ko siya! Mabait siya, eh. Pero dun lang yun.
"Malapit na ang prom! Excited ako, grabe!"
Buti nalang nag-iba kaagad ang topic. Both Lulu and Celeste moaned in envy when Avery and Yari started detailing the upcoming prom. Para lang naman iyon sa mga juniors at seniors. May iilang sophomore ang makakadalo pero iyon ay kung may mang-iimbita sa kanilang mga juniors o seniors bilang date nila.
"Sana imbitahin ako ng mahal ko..." ani Celeste. "Kakabugin ko talaga yung gown ko! Magpapatahi ako kay Ninang!"
Tumawa naman si Lulu pero walang sinabi. Absent si Ivo ngayon dahil dinala daw sa ospital ang Lola niya. Si Lulu na mismo ang nag-assure sa amin na okay lang siya at monthly checkup lang iyon. Gusto lang talagang samahan ni Ivo iyong Lola niya kesa iyong kasambahay ang parating nag-aalaga sa kaniya.
Mabuti na rin iyon at kailangan ko ng konting space. Hindi ko alam kung paano ako aakto kapag nagkita ulit kami. Bahala na siguro!
Pagsapit ng inter-school competition, nagpunta kami sa karatig school dahil sila ang host ng event. Excused kami sa mga klase namin, pati na rin ang mga officers. Si Celeste ay um-absent talaga dahil gusto niyang mapanuod na maglaro si Kael. Sa umaga ginanap ang chess. Sumama si Ivo sa amin pero nilalayo niya rin ang sarili nang makitang magkasama kami ni Lenard.
"Iyong itinuro ko sa iyo, ha? Huwag mong kakalimutan!" he winked at me before he went inside the classroom.
Ako naman, humigit ng malalim na hininga at pumasok na din. Naroon naghihintay ang kalaban ko. Dalawang pares lang kaming maglalaro ng chess sa bawat classroom. Hindi ko kilala yung isang pares, mukhang taga-ibang school ata.
Iyong kalaban ko, tahimik lang na nakamasid sa chess board at saka lang nag-angat ng tingin pag-upo ko. She smiled at me politely and offered her hand.
"Jazmine."
"Sereia."
Nag-orientation muna bago kami nakapaglaro. House rules lang iyon. Mga do's and don'ts sa tuwing naglalaro. Binigyan din kami ng tig-isang papel at ballpen para ilista doon ang bawat galaw namin.
Nagpapasalamat ako kasi walang nanunuod sa laro namin at kami-kami lang dun. Kung meron man, hindi sila pinapapasok sa classroom para makapag-focus kami.
Jazmine claimed the white pieces and made the first move. It was a bold one, directly attacking my knight. Hindi ako nagsalita at umabante na rin, saka inilista iyong galaw ko. Her moves reminded me of my aggressive opponent before, the one who cared more about attacking than defending. Sila ang pinakamadaling taluhin pagdating sa chess.
"Congrats! Maglalaro ka sa regional competition!" tumalon-talon pa iyong president namin nang malamang nanalo ako sa tatlong magkakaibang laro.
Hindi ako umimik at ininom lang iyong tubig na ibinigay sa akin. Hindi naman big deal iyon dahil puro mga agresibo ang naging mga kalaban ko. I wanted to play with someone like Lenard who focuses more on defense than offense. Iyon ang sa tingin kong mas challenging at rewarding kapag nanalo ako.
"Raya, hinahanap ka ni Lulu..."
Tumango ako at sumunod kay Ivo. Ito ata ang unang pag-uusap namin pagkatapos niyang sabihing gusto niya ako. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin iyon nililinaw at dahil wala namang nag-iba sa pakikitungo niya sa akin, siguro ang ibig niyang sabihin sa gusto ay bilang kaibigan. Nahihiya akong magtanong dahil baka tawanan niya ako at sabihing assumera ako.
"Ang galing mo! Regional competition ka na!"
"Salamat..."
"Hindi na ako makakasama sa laro mo. Si Pres nalang at Vice ang kasama mo. Magre-require din sila na magpractice ka tuwing hapon..."
Bigla tuloy akong nag-alala dahil sinusundo ko pa tuwing hapon si Selena at kung gagabihin ako sa pag-uwi, baka hindi ko na magawa ang gawaing-bahay at maalagaan ang mga kapatid ko!
Ivo saw the shadow of worry on my face. Bumagal ang lakad niya.
"Gusto mo bang kausapin ko si Pres para sa iyo? Si Selena nga pala..."
"Huwag na. Ako na ang kakausap."
Nakakahiya naman kung siya pa ang magpapaalam para sa akin. Alam ko namang close na sila ni Pres pero hindi ko dapat siyang gamitin para sa ganitong mga bagay.
Nakita namin si Lulu doon sa gym, busy sa pag-aalaga ng mga basketball players. Taga-bigay siya ng tubig at towel sa kanila. Yung isang kasama niya naman ang watcher. Nahati kasi ang mga officers ng student council kaya yung iba ay sa volleyball players nagbabantay. Nabanggit din ni Ivo kanina na gustong niyang panuorin ang kambal na maglaro mamaya para support na rin kahit na magagaling naman sila at malaki ang chance na maipanalo nila ang interschool competition.
Sinundan ko ng tingin si Lulu nang lumapit siya kay Kael at binigyan ito ng tubig. Aalis na sana siya pero biglang hinila ni Kael ang palapulsuhan niya at may sinabi ito. Lulu frowned and tried to pull her hand away but he just stepped closer.
"May problema ba?" agad na tanong ni Ivo nang malapitan namin sila.
Nag-iwas ng tingin si Lulu. Nakahawak pa rin ang kamay ni Kael sa kaniya.
"Nothing..." binitawan ni Kael iyong kamay niya at uminom nalang ng tubig. "Thanks for this, Luanne."
Hindi nagsalita si Lulu nung umalis na si Kael. Nginitian niya lang kami ng tipid at itinuro iyong bleachers.
"Susunod ako. Tapusin ko lang 'to."
Lumingon naman ako dun sa bleachers at nakita si Celeste na may hawak pa na tarpaulin para kay Kael. Number 17 kasi ang jersey number niya kaya alam kong para sa kaniya iyon. Kanina pa ba siya nanunuod? Malamang kanina pa kasi hindi na maipinta ang mukha niya ngayon. Ibinigay niya sa kasama iyong tarpaulin at dali-daling bumaba ng bleachers.
"Hahanapin ko lang si Cel..." paalam ko kay Ivo.
Sinubukan ko siyang hanapin pero hindi ko siya makita. Natapos nalang ang laro sa basketball ay wala pa rin siya. Nanalo iyong team nila Kael, pero wala siya para mag-celebrate. Hinanap din siya ng kambal nung manalo sila dahil ang alam nila sumama siya pero hindi rin namin nakita.
Kinabukasan, matamlay siyang pumasok sa classroom.
"Cel! Nawala ka kahapon. Okay ka lang ba?" agad kong tanong sa kaniya pagkaupo niya pa lang.
Tumango si Celeste at walang ganang binuksan ang notebook. "Okay lang..."
Akala ko hindi siya sasama sa amin sa lunch pero pumunta siya. Sa cafeteria kami kumain dahil nakalimutang magbaon ni Lulu at bibili nalang daw siya ng pagkain.
"Are you sick? You looked tired..." nag-aalalang tanong ni Lulu kay Celeste.
Hindi naman siya umimik at pinagpatuloy ang pag-kain. Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ni Ivo. Mayamaya ay lumapit si Kael sa table namin.
"Lulu..." tawag niya.
Nagulat si Lulu sa bigla nitong paglapit. Nakangiti na ito ngayon at hawak ang lunch box niya.
"Here. Thanks for yesterday."
Sinipat ng tingin ni Celeste iyong lunch box ni Lulu. Tumango lang siya at umalis naman iyong lalaki.
"Nakalimutan mong magbaon o na kay Kael lang talaga ang baunan mo?"
Nagulat kaming lahat sa rahas ng tono ng pananalita ni Celeste. Her words could cut glass and its pain reflected on Lulu's eyes. Gulat siyang napatingin kay Cel.
"Sabihin mo nga, Lulu, may gusto ka ba kay Kael?" nanginginig ang boses ni Celeste nang tanungin niya iyon.
Matagal na hindi nakasagot si Lulu. Then, she sighed. "Wala..." itinago niya iyong baunan niya sa bag at ngumiti nang peke kay Celeste. "Wala akong gusto sa kaniya, Cel. Crush mo siya, diba?"
Hindi na napigilan ni Celeste ang pagtulo ng luha niya. Agad naman siyang niyakap ni Lulu at inalo. Si Avery naman, hindi alam ang gagawin. Nagkatinginan lang sina Yari at Karlo. Si Ivo, mukhang gusto nang umalis dahil naiilang. Ang lakas kasi ng iyak ni Celeste at pinagtitinginan kami ng mga estyudante dito sa cafeteria.
"Shush... shush.... He's yours, okay? I don't like him..."
"Oo nga, Cel, walang aagaw sa crush mo..." dugtong naman ni Ivo pero sinamaan lang siya ng tingin ni Avery dahil mas lalo lang humagulhol si Celeste.
I sighed. Ganito ba talaga kapag... nagkakagusto? Ang gulo naman. Parang ayaw ko nito. Kahit hindi sabihin ni Celeste, alam kong higit pa sa simpleng crush ang nararamdaman niya para kay Kael. Ang hirap naman.
"Tahan na, Cel, pwede mo akong gawing crush, okay lang talaga sa akin..." biro naman ni Karlo kaya hinampas ulit siya ng kapatid at sinabing hindi siya nakakatulong.
Napatingin ulit ako kay Ivo. Nagjo-joke na siya ngayon para patawanin si Celeste at tumahan na ito. Bago pa man siya lumingon sa akin ay nagkunwari akong sa iba nakatingin habang nagdadasal na sana... sana iyong 'gusto' niya, hanggang kaibigan lang. Ayoko nang ganito.
Habang papalapit ang prom ay mas lalong gumugulo ang mga kaklase ko. Excited na daw silang mag third year para maranasan nilang um-attend ng prom at maaya ng date. May isa pa kaming babaeng kaklase na talagang hinarana ng fourth year at inaya siya sa prom. Kilig na kilig naman ang lahat lalo na nung pumayag.
Si Celeste naman, bumalik sa dating sigla niya at nagiging makulit na ulit. Parang wala lang nangyari sa kanilang dalawa ni Lulu at magkaibigan na ulit sila. Wala naman talaga sigurong nangyari. Sa tingin ko, na-misunderstand lang iyon ni Celeste.
Sa third quarter exams namin, dahil hindi ako makasama sa kanila sa pags-study sa library ay nag-desisyon sina Lulu na sa bahay nalang namin mag-aral. Nasundo ko na si Selena kaya patungo na kami sa bahay ngayon. Pati si Avery, Karlo, at Yari ay sumama din sa amin.
"—Lydia naman! Mahalaga pa ba yang putang inang green card na yan kesa sa pamilya mo?!"
Nagulat ako nang marinig ang sigaw ni Papa pagbukas na pagbukas ko ng pinto. May katawag siya sa telepono ngayon at lumuluha pa. Nanlaki ang mga mata ko at kaagad na hinila paatras si Selena, saka lumabas ulit. Iyong mga kaibigan ko naman ay nasa bakuran namin, naghihintay na papasukin.
"P-Pasensiya na, huwag na muna tayong mag-aral dito." I stammered, blinking back my tears.
Nagkatinginan silang lahat pero wala namang nangahas na magtanong kung bakit lalo na nang marinig nilang sumigaw ulit si Papa sa loob. Tumango lang sila at sinabing sa bahay nalang nina Ivo dahil malapit. Nung ayain nila ako doon ay hindi na ako sumama.
"Sigurado ka?" nakatingin na ngayon sa akin nang seryoso si Ivo.
Tumango ako at hinigpitan ang hawak sa kapatid ko. Hindi ko naman siya pwedeng iwan dito. Mukhang may problema si Papa. Kailangan ako...
Tumango siya nang malungkot saka sumama sa kanila palabas ng kanto. Ako naman, naupo lang dun sa balcon at tahimik na naghihintay.
"Anong nangyari, Ate?" inosenteng tanong ni Selena sa akin.
I shrugged. "Wala yun, Selena."
"Hindi na ba uuwi si Mama?"
Gulat akong napatingin sa kaniya dahil... saan niya nakuha iyon?! Ni hindi ko nga maintindihan kung anong pinag-aawayan nila o kung si Mama ba talaga ang kaaway ni Papa sa telepono.
"Palaging umiiyak si Papa... siguro hindi na uuwi si Mama..." sinipa-sipa ni Selena iyong bato gamit ang maliit niyang paa habang ako naman ay nadudurog ang puso sa sakit.
Ang bata pa niya. Ang bata-bata pa para intindihin ang ganitong mga bagay. Bakit kailangan pa niyang marinig iyon? Anong ipapaliwanag ko sa kaniya eh bata rin naman ako? Hindi ko maintindihan...
Naging mas madalas pa ang pag-aaway nina Mama at Papa simula noon. Dumalang na din ang mga gabing nakikipag-video call siya sa amin. Kinakumusta niya lang kami sa chat at palaging sinasabi na malapit na malapit na siyang umuwi. Naniwala naman ako kasi walang sinasabi si Papa. Bumalik lang siya sa normal niyang sarili at todo trabaho para maitaguyod kaming magkakapatid.
Akala ko matatakasan ko ang mga problema ko sa eskwelahan, pero hindi pala. Kumain ulit kami sa cafeteria dahil si Ivo na naman iyong walang dalang baon at lumapit ulit sa amin si Kael.
Lulu sighed. Hindi pa man siya nagsasalita ay tumayo na kaagad siya at niligpit iyong tray niya.
"Tapos na akong kumain..." she declared in a cold voice.
"Luanne..." humabol naman si Kael sa kaniya at nawala silang dalawa sa cafeteria.
Umaktong walang paki si Celeste at nagpatuloy lang sa pag-kain. Hindi na namin sila nakita dalawa pero pagdating na pagdating namin sa classroom, narinig kaagad namin ang tsismisan ng mga babae roon.
"Narinig mo yun? Inaya daw ni Kael si Lulu sa prom..."
"Oh my god! Bagay sila! Ship ko agad!"
Natigilan si Celeste at kaagad na tumakbo doon sa classroom nina Lulu. Kinabahan ako kaya sinundan ko rin siya habang tinatawag pero hindi naman siya nakikinig sa akin.
Si Lulu, naroon na sa classroom niya at nagbabasa ng libro. Wala pa iyong teacher nila. Hindi ko maabutan si Celeste kaya hindi ko siya napigilan nang hampasin niya ang librong binabasa ni Lulu at kinuwelyuhan ito.
"Akala ko ba hindi mo gusto si Kael, ha?!" sigaw niya habang umiiiyak. "Ano yun?!"
Nagbulungan kaagad ang mga kaklase ni Lulu habang ako naman ay hindi alam ang gagawin. Si Lulu, hinayaan lang si Celeste at bumuntong-hininga.
"Hindi ko naman talaga siya gusto..." kalmado niyang wika.
"Sinungaling ka! Bakit ka niya inaya sa prom?!"
Lulu sighed, trying to be rational and calm. "Cel, please take your hands off me. Mag-usap tayo nang maayos."
"Akala ko ba kaibigan kita?! Bakit ganun, ha?! Traydor ka pala, eh—"
"Hindi ko alam kung bakit niya ako inaya, okay?!" Lulu screamed for the first time. Tumayo siya pero hindi pa rin tinatanggal ni Celeste iyong kamay niya sa collar ni Lulu. Lukot na lukot na iyong uniporme niya sa higpit ng hawak niya. "I don't know what has gotten into him in the first place! Inaya lang naman ako, hindi ko tinanggap! Bakit ako pa ang may kasalanan?!"
Nag-iyakan na silang dalawa. Ivo stepped in and gently pulled Celeste's hand away.
"Tama na yan, Cel..."
Marahas na winakli ni Celeste iyong kamay ni Ivo at tumakbo palabas ng classroom, umiiyak pa rin. Napatingin ako kay Lulu na tahimik lang na tumutulo ang mga luha. Nasa tabi niya si Ivo. Palingon-lingon ako sa kaniya at kay Celeste na hindi ko na makita.
Lulu wiped her tears and gave me a shaky smile. "Ayos lang, Raya. Puntahan mo si Cel... kailangan ka niya."
I gave her an apologetic nod and ran after Celeste. Hinanap ko siya nang hinanap, determinadong makita siya sa pagkakataong ito. Nakita ko nga siya, umiiyak sa likod ng bleachers ng gym namin.
Naglakad ako patungo sa kaniya at naupo sa tabi niya. Wala akong sinabi. Kinuha ko lang iyong panyo ko at ibinigay sa kaniya.
"Ang gago ko, Raya," pag-iyak niya. "Paano ko nagawa yun kay Lulu? Inaway ko siya!" mas lalo lang lumakas ang iyak niya nang hagurin ko ang likod niya. "Hindi ako makapaniwalang ginawa ko yun..."
"Shush..." I said as gently as I could. Alam ko namang maiintindihan iyon ni Lulu pero masakit pa rin ang ginawa niya. They would need space from each other because of this. Iniisip ko pa lang na hindi kami magkakasama sa lunch, parang nalulungkot na ako.
"Putang ina naman kasi, eh," sinabunutan niya ang buhok sa sobrang inis. "Alam ko namang wala akong pag-asa kay Kael pero habol ako nang habol sa kaniya. Putang inang buhay naman 'to..."
"Cel..." nadudurog yung puso ko sa sinasabi niya. Bakit ganito? Ang bata niya pa. Bakit kailangang maramdaman niya 'to?
We stayed at the back of the gym for the entire afternoon. Absent kami sa tatlong klase namin pero ayos lang. Tumahan na din si Celeste. Kinuha ko iyong bag niya sa classroom at hinatid siya pauwi.
Nang makarating kami sa bahay nila, ang nagbukas ng pintuan ay isang babaeng kamukha din ni Celeste. Hapit sa katawan ang suot niyang crop top at low-rise jeans. Bagay din sa kaniya ang red lipstick at naka-ayos ang buhok. Mukha siyang model.
"Para kang bruha," komento niya nang makita ang mukha ni Celeste. "Bakit ka umiiyak?"
Umiling lang siya at binalingan ako. "Salamat sa paghatid, Raya..."
Tumango lang ako at naglakad na paalis. Hindi ko pa kabisado iyong kanto nila kaya naligaw-ligaw ako palabas. Muntik na akong mapasigaw nang biglang may humawak sa braso ko. Paglingon ko, iyong babae pala kanina.
"Classmate ka ng anak ko?"
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Tiningnan ko ulit siya mula ulo hanggang paa. Akala ko, ate lang siya ni Celeste! Hindi pa ata siya tumutungtong sa edad na trenta o sadyang bata lang talaga tingnan ang mukha niya.
"O-Opo..." nauutal kong sagot.
"Anong nangyari? May nakaaway ba siya sa school?"
Kinabahan ako sa tanong niya. Anong isasagot ko? Ayaw ko namang manghimasok. Baka ayaw din ni Cel na sabihin sa Mama niya kaya anong gagawin ko?
Nakita niya ata ang paghihirap sa mukha ko dahil bumuntong-hininga siya at sa wakas ay binitawan ako. She crossed her arms over her breasts, staring at me with a worried expression on her face.
"Hindi niya ako kinakausap kaya wala akong alam kung ano na ang nangyayari sa kaniya. Kung may kaaway siya sa school, kung may mga kaibigan pa ba siya..."
I looked away, feeling my chest tightened. Hindi ko rin alam na ganito pala sa bahay nila.
"Wala ata talaga akong kwentang nanay," she laughed humorlessly. "Sa tingin mo, iyong kaaway niya ngayon, makakaya ba niya yung harapin nang siya lang o kailangan ko nang tumulong?"
I thought about Lulu, about how kind and how forgiving she is. Malabong magtanim siya ng galit kay Celeste.
Umiling naman ako.
"Good, good. Yung sakayan ng tricyle, nasa ikalawang kanto pa. Dumiretso ka lang tapos lumiko ka doon sa kaliwa. Mag-iingat ka, maraming tambay riyan."
Nagpasalamat ako at umalis na. Buti nalang at sinundo na ni Sonny si Selena kaya dumiretso na ako sa bahay. Nagulat pa ako nang makita si Ivo sa labas, kausap si Sonny.
"Ate! Nandito si Kuya Ivo..." tuwang-tuwang wika ni Sonny.
I frowned at him. Anong ginagawa niya rito?
"Nalimutan mo yung lunch bag mo sa school. Hinatid ko nalang dito..." tinuro ni Ivo iyong lunch bag na nakapatong na sa lamesa ng balcon namin. Sa kakamadali ko ata kanina, naiwan ko.
Tumango naman ako at kinuha iyon saka inilabas ang baunan para mahugasan kaagad.
"Salamat, Ivo..."
"Kumusta si Cel?"
I sighed. "Okay lang naman siya. Hinatid ko siya sa kanila. Nakita ko yung... Mama niya." Sinulyapan ko siya. "Si Lulu, kumusta?"
"Ayos lang. May quiz sila kaya hindi siya lumiban ng klase pero maagang umuwi."
I played with my hands nervously. Hindi ko alam kung paano ko itatanong sa kaniya o kung ito ba ang tamang oras para itanong iyon.
"Hindi na natin sila makakasabay sa lunch..." malungkot kong wika.
Ivo nodded. "Let's give them some time."
Iyon nga ang ginawa namin. Si Celeste, bumalik sa dating mga kaibigan niya. Si Lulu naman, ayaw nang magpakita sa amin at kumakain daw mag-isa sa classroom o di kaya'y sa cafeteria.
Nag-announce ang student council office na may bayarin kami at magpunta lang daw sa office para magbayad. Dahil si Lulu ang treasurer, ipinabigay lang sa akin ni Celeste iyong bayad niya at ako na daw humingi ng resibo. Hindi pa rin sila nagkikibuan.
Ako, si Ivo, Avery, Yari, at Karlo nalang ang palaging magkasama. Prom came and it was not as thrilling as Avery had expected. Gusto niyang magsaya kaso hindi naman niya magawa dahil magkakaaway ang mga kaibigan namin. Narinig din naming hindi um-attend si Kael pagkatapos siyang i-reject ni Lulu.
"Ayoko ng ganito..." parang maiiyak na ang boses ko habang nakaupo kami sa sementong upuan. Tanaw namin si Lulu na masayang nakikipag-usap sa mga student council officers at si Celeste naman, kasama ang dati niyang mga kaibigan. "Bakit hindi nalang sila magbati?"
Avery sighed. "Hindi ko alam na ganun pala kalala."
"Seryoso ba talaga siya sa lalaking yun?" tanong naman ni Karlo habang nilalaro ang bola sa mga kamay niya. "Akala ko trip-trip niya lang. Tinamaan na pala nang malala."
Hindi naman umimik si Ivo. Inalok niya lang ako ng kinakain niyang biscuit at wala ng sinabi.
Nang makabalik kami sa classroom, nginitian ako ng tipid ni Celeste. Pinapansin niya pa rin naman kami, pero hindi na tulad ng dati na sumasama siya kung saan kami magpunta.
"Inom mo lang yan, Cel!"
Parang gusto kong batuhin si Ivo dahil wala namang kwenta ang pinagsasabi niya. Tumawa lang si Celeste at inilagay ang earphones sa dalawang tainga niya. Nawiwili na talaga siya kakapanuod nung lalaking singer sinusubaybayan niya. Maski ako, napapansin na madalas na din ang guestings niya sa TV show at unti-unti na siyang sumisikat.
Sabado noon kaya late akong bumangon. Ipinagluto ko ng agahan ang mga kapatid at kinuha iyong walis para linisin ang bakuran. Naka-dolphin shorts lang ako at oversized shirt kasi nasa bahay lang naman. Ni hindi pa ako nakakaligo.
"Sereia!"
Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong walis nang makita si Ivo at Avery sa labas ng gate, kumakaway at malaki ang ngisi. Nagduda kaagad ako nang makitang bitbit ni Ivo ang surf board niya at si Avery naman ay may dalang bag.
"Dagat tayo! Tara!"
"Ngayon na?" nanlaki ang mga mata ko sa gulat habang pinagbubuksan ko sila ng gate.
"Oo, dalhin mo ang mga kapatid mo," ani Ivo. "May pagkain kaming dala."
"Teka... hindi pa ako nakakaligo..." nagpapanic ako at inisip kaagad kung nalabhan ko ba iyong swimming shorts ko.
"Kaya nga magdadagat, eh, para maligo!" tumawa si Ivo at pumasok saka tinawag si Sonny na para bang anak niya ito. "Sonny, bihis ka! Dagat tayo!"
Excited naman ang dalawa kong kapatid at dali-daling nagbihis. Ako naman, naligo muna saka nag-ayos ng mga gamit na dadalhin.
"Kapag nagplano tayo mag-dagat, paniguradong hindi matutuloy yun kaya mas mabuti na ang biglaan," sabi ni Avery habang sumasakay kami ng tricycle. Sinabi niya din sa akin na nauna na ang kambal doon at naghihihntay sa amin.
Dinaanan namin si Celeste dahil isasama daw nila. I doubt she'd come, but when she saw us without Lulu, a shadow of relief crossed her face. Um-oo naman siya at hintayin daw namin saglit habang nag-aayos siya ng gamit.
"Dito pala nakatira si Cel..." iginala ni Avery ang tingin niya sa paligid.
Mabilis na natapos si Celeste kaya sumakay ulit kami ng tricycle patungo dun sa resort. Table lang iyong nirentahan namin dahil hindi naman kami marami. Habang nag-aayos kami ng mga pagkain sa lamesa, kinausap ko si Ivo.
"Hindi niyo ba ininvite si Lulu? Baka magtampo yun..."
"Wala siya sa Elyu ngayon. Nasa manila kasama ang mga magulang niya."
Tumango nalang ako. Si Celeste, nagpapapicture na ulit kay Avery. Yung dalawa ko namang kapatid, masayang naglalaro roon sa tubig habang nagv-volleyball sina Yari at Karlo sa buhanginan.
Tinawag na namin sila para kumain at tanghali na din. Basa na sina Selena at Sonny kaya inabutan ko muna ng tuwalya para hindi tumutulo iyong tubig-dagat sa mga pagkain.
"Naks! Parang mag-asawa, ah?" pang-aasar ni Celeste sa aming dalawa.
Gusto ko siyang batukan pero naging masaya lang ako dahil nakikita ko ang dating siya. Sana naman ay bumalik na ulit kami sa dati.
Pagkatapos kumain ay ako na ang nagligpit at naghugas ng plato. Pagbalik ko dun sa cottage, nakita ko si Ivo at Avery na kinakausap si Celeste. Nakaupo lang sila sa buhangin at seryosong nag-uusap. Mukhang ito ata talaga ang rason kung bakit nila biglang gustong mag-dagat. Mayamaya pa ay nakita ko na namang umiyak si Celeste. Kaagad siyang niyakap ni Avery habang si Ivo naman ay tinapik-tapik ang mga balikat niya. Lumapit din ang kambal sa kanila at may sinabi.
Naroon lang ako sa table, nanunuod. Hindi naman ako magaling magpayo sa isang kaibigan at baka kung ano pa ang masabi ko. Naramdaman ata ni Ivo na nakatingin ako sa kanila dahil lumingon siya sa gawi ko.
"Halika..." he mouthed.
Nag-alangan akong lumapit sa kanila at naupo roon sa tabi ni Avery. Umiiyak pa rin si Cel.
"Sobrang guilty ko... wala na akong mukhang ihaharap kay Lulu. Ang babaw ko kasi, tangina, nakikipag-away dahil sa isang lalaki..."
"Hindi yun mababaw, Cel, matagal mo nang gusto si Kael..." alo naman ni Avery.
Hinayaan lang namin siyang umiyak at ilabas ang lahat ng hinanakit niya. Pati Mama niya, nabanggit niya rin. Hindi kami nagtanong ng kung ano pa at hinayaan siyang mag-vent out dahil alam naming makakatulong ito sa kaniya.
Nahimashimasan na din si Cel at naligo ng dagat pagkatapos. Si Ivo naman, hindi na nag-surf dahil hindi naman malakas ang alon ngayon. Sumakay lang siya doon sa surf board niya at naupo habang nakatingin sa malawak na dagat. Nasa malalim na parte siya kaya siya lang mag-isa at mukhang may iniisip.
Nagbanlaw kami at kumain ng meryenda pagkatapos. Hindi kami pwedeng gabihin dito dahil may gawain pa ako sa bahay kaya napag-desisyunan na din naming umuwi. Habang nagliligpit ng gamit, nilapitan ako ni Ivo.
"Pwede ba kitang makausap?"
Tumango ako at iniwan yung bag ko sa table. Nagpunta lang siya dun sa buhanginan para bigyan kami ng distansiya at hindi marinig kung anong pinag-uusapan namin.
Sa totoo lang, gusto kong linawin sa kaniya kung anong ibig niyang sabihin nung sinabi niyang gusto niya ako at mukhang ito na iyong pagkakataon ko. I started kicking the sand out of nervousness.
"May gusto ka bang itanong sa akin, Raya?"
Tumango ako at humigit ng malalim na hininga. Ivo stared at me.
"Iyong sinabi mo..." mahina kong wika. "Na gusto mo ako... bilang kaibigan yun, diba?"
Bakas ang gulat sa mukha niya dahil sa naging tanong ko. Nakaramdam kaagad ako ng takot. Naalala ko si Lulu at si Celeste, kung paanong hindi na sila nag-uusap ngayon dahil may gusto si Cel sa isang lalaki. Kung paanong umiiyak si Cel palagi. Ayokong mangyari sa akin iyon.
Ivo stared at me, trying to read my emotions. After what seemed like an eternity, he started nodding.
"Oo naman..." mahina ang boses niya. "Bilang kaibigan yun, ano pa nga ba?" Ivo laughed to lighten up the mood.
Nagpakawala ako ng malakas na buntong-hininga. I clutched my chest, my heart is beating so fast.
"Buti nalang, Ivo..." bulong ko pero alam kong rinig niya iyon. "Buti nalang..."
-
#HanmariamDWTWChap8
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro