Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6

Natapos ang taon na hindi umuuwi si Mama. Humingi ulit siya ng pasensiya sa amin at sinabing nagka-problema sa passport niya kaya hindi na muna siya uuwi.

"Gagawa ako ng paraan, anak," malambing ang boses niya habang nagvi-video call kami. "Uuwi nalang ako sa susunod na taon."

Hindi ako makapagsalita. Binalingan ko ang mga kapatid ko. Nagbibingi-bingihan sila dahil alam ko... sila rin tahimik na umaasa. Pero ngayon ay disappointed ulit dahil sa sinabi ni Mama na hindi siya makakauwi.

Naipadala niya iyong balikbayan box sa amin at nung makita ni Sonny ang sapatos na gustong-gusto niya noon, ayaw na niyang isuot ngayon. Out of style na daw at hindi na pang-high school. Nag-enroll siya bilang first year sa eskwelahang pinapasukan ko, at ako naman bilang second year.

"Ano ba 'to? Nakakainis naman! Bakit wala rito ang pangalan ko?" parang maiiyak na si Lulu nang tingnan namin ang listahan ng mga pangalan.

Magkakasama kami sa iisang section nina Celeste at Ivo pero iyong pangalan ni Lulu... wala. Kinalabit ko siya at itinuro iyong first section. Nasa unahan ang pangalan niya.

Nanlumo kaagad siya nang malamang hindi na kami magkaklase at parang maiiyak pa. Gusto niyang magreklamo para malipat siya pero hindi naman pwede. Kung tutuusin, privilege nga na naroon siya sa first section. Puro matatalino nalang ang mga kaklase niya.

"Tayo nalang, Raya," ani Ivo habang naglalakad kami patungo sa bago naming classroom. Binalingan niya ako. "Okay lang ba sa iyo?"

I shrugged. Eh wala naman talaga akong magagawa. Sadyang matalino si Lulu at deserve niya talaga sa first section. Siguro... siguro mas sisipagan ko pa ang pag-aaral ko para may chance na magkaklase kami sa third year, sa susunod na taon.

Dumaan muna kami doon sa school bookstore para bumili ng bagong lace ng ID namin. Kulay yellow na ngayon dahil mga sophomores na kami. Si Sonny naman, nanghingi sa akin ng pera pambili din niya ng lace niya. Kulay green ang sa kaniya.

"Ate, magta-try out ako sa basketball team mamaya. Huwag mo na akong hintayin, ah!" paalam niya sa akin saka tumakbo sa classroom niya.

Tumahimik lang ako at naglakad na patungo sa classroom namin ni Ivo. Pagpasok ko pa lang ay bumungad kaagad sa akin si Celeste.

"Raya! Classmate ulit tayo!" masaya niya akong niyakap at sinayaw-sayaw pa.

Ngumiti lang ako saka iginala ang tingin sa paligid. Gusto ko sanang maupo doon sa likuran kaso may mga lalaki nang nakaupo at nagtatawanan.

"Ivo! Dito ka, reserved sa iyo 'tong upuan!"

Napalingon ako nang tawagin si Ivo ng mga kaibigan niya sa ibang section noong first year pa lang kami. Ngayon ay classmates na talaga sila.

"Dito ka na maupo, Raya," tinapik ni Cel iyong arm chair ng upuan sa tabi niya. "Tabi tayo!"

Tumango ako at naupo sa tabi niya. Hindi ko ata alam kung saan ako uupo kung hindi ako inaya ni Celeste. Saktong paglapag ko ng bag ko ay ang paggalaw ng upuan sa tabi ko. Napalingon tuloy ako at nakitang umuupo roon si Ivo.

"Bakit ka buntot nang buntot, ha?!" pambibintang ni Celeste sa kaniya. "Crush mo ba ako?"

Tumawa lang si Ivo at isinabit ang bag niya sa likuran ng kaharap na upuan. Binalingan niya ako.

"Ayaw mo ba akong katabi?"

Hindi ko alam kung ako ang tinatanong niya pero si Celeste naman ang sumagot.

"Hindi! Ayaw namin! Pag-iinitan na naman kami ng mga fan girls mo!"

"Fan girls?" he laughed in disbelief. "Saan galing yun?"

Mukhang nagbibiro si Celeste pero totoo namang ang daming babaeng nahuhumaling dito kay Ivo. Simula nung mag-transfer siya sa eskwelahan namin hanggang sa tumungtong kami ng second year, hindi natitigil ang mga babaeng nagpapapansin sa kaniya. May iba din akong fourth year students na naririnig na crush din siya.

Isang period ko lang nakatabi si Ivo dahil dumating na ang homeroom teacher namin at inilipat kami ng upuan base sa apelyido. Doon siya sa unahan dahil nagsisimula sa 'E' ang apelyido niya, samantalang kami naman ni Celeste ay nasa iisang linya lang pero may pumagitnang lalaki. Alternate kasi na babae-lalaki ang seating arrangement namin para hindi daw maingay ang klase.

"Anong pangalan mo?" tanong kaagad ni Celeste doon sa katabi naming lalaki. Matangkad din siya at naka-eye glasses. Nagrereklamo iyong lalaki sa likuran dahil hindi raw niya makita kung anong nakasulat sa blackboard.

"Colin," maikli niyang sagot.

Nakatitig lang ako sa kaniya at hindi nagsasalita. Mukhang tahimik din ang isang 'to. Baka ma-bored si Celeste sa aming dalawa pero dumaldal lang siya nang dumaldal. Inaya pa niya itong mag-lunch kasama kami pero umayaw naman siya. Kaming tatlo lang ang magkakasama na pumunta doon sa classroom nina Lulu. Si Avery, Yari, at Karlo ay naroon na, nakikipagkuwentuhan.

"Hi guys! Kumusta bagong classroom niyo?" tanong  kaagad ni Avery pagkakita sa amin.

"Bad trip. Hindi ko na katabi si Raya," kaswal na sabi ni Ivo habang nilalagay ang bag niya sa upuan.

Tumaas ang kilay ni Lulu sa narinig. "Sawa na kasi si Raya sa iyo, kaya pumirme ka!"

Nanlaki ang mga mata ko kasi hindi naman iyon totoo pero hindi ko maibuka ang bibig para sabihing mali si Lulu dahil nagbangayan na naman silang dalawa.

"President ka ulit, Lulu?"

Tumango si Lulu. Sinundan ko naman ng tingin iyong black board kung saan nakatingin si Cel at nakita doon ang list ng officers nila. President nga siya ng klase nila.

"Tatakbo ka rin bilang treasurer ng student council?"

"Oo naman! Dami kong time, eh," natatawa niyang sagot habang nagbubukas ng baunan niya.

"Cel, alam mo ba, classmate kami ni Kael ngayon," balita naman ni Avery sa kaniya.

Napatayo kaagad si Cel at sumigaw nang malakas.

"Totoo ba?! Putang ina naman, mamamatay ako nito sa inggit, eh! Baka gino-good time mo lang ako, ah?!"

"Totoo. Classmates kaming apat." Dagdag naman ni Yari, nakangisi. Alam na nilang lahat na sobrang crush ni Celeste si Kael.

"Bakit mo crush yun? Mas magaling akong magbasketball dun, eh." Ani Karlo.

"Pareho kayong K pero ikaw yung kupal, Karlo!" Singhal sa kaniya ni Celeste. "Tigilan mo ang asawa ko, ha! Malilintikan ka sa akin! Feeling ko gino-good time niyo lang talaga ako."

"Classmate nga kami! Kahit i-check mo pa iyong list!" tawa naman nang tawa si Avery habang si Cel ay niyuyogyog ang mga balikat ni Lulu.

"Lulu, tulungan mo ko! Gusto kong mag-accelerate para classmate din kami ng mahal ko! Matalino ka, diba? Paano yun? Anong gagawin ko?!"

Tumawa lang din si Lulu at itinulak siya palayo. Avery regretted mentioning it because it was all Cel could talk about for the rest of the lunch. Sobrang hype niya at hindi niya ikinakahiya na crush niya si Kael pero sa tuwing nariyan naman, halos hindi umiimik. Ang cute niya.

Pagkatapos ng lunch namin ay bumalik na kami sa kaniya-kaniyang classroom. Si Ivo ay may dinaanan pang kaibigan kaya nauna kaming dalawa ni Celeste.

"San ka nagbakasyon, Raya?" tanong niya sa akin.

"Hindi naman ako nagbakasyon..." ani ko. Wala akong ginawa buong summer kundi mag-alaga sa mga kapatid ko. Masaya lang ako dahil mas mataas ang tulog ko at nakakapagpahinga ako. Kapag bored naman ay naglalaro ako mag-isa ng chess sa balcon ng bahay namin.

"Talaga? Kahit sa dagat, hindi ka nagpunta?"

I shook my head. I live in La Union but for some reason, I am not a big fan of the waters. Hindi naman sa takot ako. Marunong naman akong lumangoy. Kaso sa paulit-ulit na iyon nalang ang nakikita ko sa tanang buhay ko, nakakaramdam din ako ng pagsasawa. Paulit-ulit ang bugso ng alon. Pabago-bago. Sa tuwing titingin ako ng dagat, gayon pa rin naman ang hitsura.

"Mag-dagat tayo pagkatapos ng first quarter exams! Ayain ko sina Lulu, Avery, tsaka yung kambal!" excited niyang wika.

Hindi ko iyon pinagtuonan ng pansin dahil malayo pa naman. Ngayong first year na si Sonny, si Selena nalang ang sinusundo ko sa eskwelahan. Grade 5 na siya at paminsan-minsan, parang naiirita na din siya sa akin na sinunsundo ko siya dahil daw malaki na siya. Kaya na niyang umuwi nang mag-isa. Si Sonny naman, late nang umuwi dahil nagba-basketball pagkatapos ng klase. Kung hindi sila pinapayagan sa court ng eskwelahan, nagpupunta sila sa gym ng barangay namin dahil may sarili naman siyang bola.

Nag-simula na din ang club meetings namin. Pwede namang magpalit ng club sa start ng school year pero dahil kontento na ako sa chess club, doon pa rin ako nag-register. Nagsimula din ang pangangampanya ng candidates para sa student council. Una silang nagpakilala isa-isa sa flag ceremony saka binisita nila isa-isa ang lahat ng classroom para sabihing iboto sila.

"I am Fred Asis, a fourth-year student. Please vote me as your president!"

Tiningnan ko si Lulu na naghihintay ng turn niya. Magkakulay pa ang mga suot nilang shirt kasi nga isang party sila. Nung turn na niya, ngumiti siya nang malawak at nagpakilala.

"Good morning, guys! I am Luanne Rose Samaniego, a second-year student. Please vote me as your treasurer! I promise to manage the finances and funds in a clean and honest manner. Sa akin, safe ka!" nag-peace sign pa siya kaya nagtawanan ang buong klase. Ang iba naman ay naka-cheer sa kaniya. Sobrang lakas ng boses ni Celeste sa tabi ko habang chini-cheer si Lulu.

"Woo! Kaibigan ko yan!"

In the end, Lulu won as the treasurer. Hindi nanalo iyong president sa party nila at iyong babaeng third-year ang nakakuha ng position. Ipinakilala ang new set of officers sa student council namin sa flag ceremony ulit at nagpalakpakan ang lahat.

"Anong year mo na?" tanong sa akin ng kalaban ko sa chess.

"Second-year."

"Wow! Same tayo! Anong section?"

"Sa Mercury ako."

"Ay, ang layo! Sa pinakadulo ang classroom namin eh, yung Gold.."

Tumango lang ako at nag-focus sa laro pero dinadaldal niya pa rin ako. Despite his endless chatters, he managed to defeat me. Nag-request pa ako ng isang laro dahil gusto kong pag-aralan ang strategy niya pero natalo ulit ako.

He smirked at me. "Gusto mong paturo?"

Tumango kaagad ako. What was that? Was he trying to distract me with his chatters to win the game? Or is he just a pure genius who can play while minding a small conversation?

Nagpakilala siya sa akin bilang Lenard at nangakong tuturuan ako. Naglaro ulit kami pero ngayon ay may halo na iyong mga tips niya. Nakikinig naman ako nang mabuti dahil ngayon lang ako naka-encounter ng ganitong opponent at alam kong marami akong matututunan sa kaniya.

"Raya, uwi na tayo..."

Nag-angat ako ng tingin at nakita si Ivo na naglalakad patungo sa amin. Na-reelect siya bilang treasurer namin at ang president naman, bago na. Tumango ako at inayos ang mga gamit ko. Niligpit din namin ang chess board ni Lenard at inayos ang mga upuan.

"Tayo nalang pala ang natira!" komento niya nang makitang wala ng ibang tao doon sa classroom. "Gusto mong paturo ulit bukas?"

"Busy siya." sabat kaagad ni Ivo. Nakasimangot na ito ngayon kay Lenard at dahil mas matangkad siya, mas intimidating itong tingnan.

"Busy ako?" nagtataka kong tanong sa kaniya.

"Oo. Ka-grupo tayo sa Science. Bukas daw ng hapon gagawin iyong report." paalala naman sa akin ni Ivo.

Namula ang mga pisngi ko sa hiya. Oo nga pala! Bakit ko nakalimutan iyon? Hinati kami sa tatlong grupo kanina at magre-report isa-isa sa susunod na linggo kaya dapat na asikasuhin na namin ito.

"Busy pala ako, Lenard. Sa susunod nalang."

"Okay lang, may next club meeting pa naman. See you around, Seraia!"

Nagpaalam na siya at naunang lumabas. Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Ivo pero mukhang bad trip ito. Antagal din kasi naming natapos ni Lenard pero wala naman akong sinabing hintayin niya ako kaya... kasalanan ko ba yun?

"Raya, sa bahay niyo nalang natin gawin ang report!" excited na sabi sa akin ni Celeste. "Hindi pa ako nakakapunta sa inyo."

Kinabahan kaagad ako bigla. Bakit sa bahay? Nakapaglinis naman na ako pero iyong bahay namin... sobrang layo nun sa bahay ni Lulu at ni Ivo. Nahihiya akong magdala ng classmates dun.

"Uhm..."

"Sige na, Raya! Minsan lang 'to eh!" dugtong naman ng isa ko pang ka-grupo.

Umiwas ako ng tingin sa kanila at napatingin tuloy kay Ivo. Akala ko pati siya ay pipilitin rin ako pero tahimik lang siya at nakatingin sa mukha ko. Binalingan niya ang mga ka-grupo ko.

"Guys, baka hindi komportable si Raya—"

"Sige, sa amin nalang." Pagsuko ko.

Nagsaya naman agad ang mga ka-grupo ko pero si Ivo ay nakatingin lang sa akin. Sinabihan ko silang susunduin ko pa ang kapatid ko sa elementary bago kami magpunta ng bahay. Sumama naman silang lahat kaya si Selena, natakot tuloy nang makitang andaming tao.

Wala pa si Papa at mukhang mamayang madaling araw na naman iyon uuwi kaya walang tao sa bahay pagkarating namin. Binuksan ko iyong front door at pinaupo sila doon sa sofa. Maiingay na agad sila at nagkukuwentuhan. Hindi pa ako nakakapagbihis ay dumiretso na kaagad ako sa kusina at binuksan ang ref para makita kung anong pwede kong ipang-meryenda sa kanila.

"San ang C.R., Raya?"

Napatalon ako sa gulat nang biglang magsalita si Ivo sa likuran ko. He chuckled. Isinara ko kaagad ang ref at itinuro iyong C.R. sa likuran.

Umalis naman kaagad si Ivo habang ako naman ay nagbabalat ng saging. Gagawin ko lang iyong minatamis saka magtitimpla ako ng juice para sa kanila. Nang makabalik si Ivo, nanatili siya sa kusina, hindi mapakali.

"Bakit?" tanong ko agad sa kaniya.

He looked all over the place except my face. Nagduda tuloy ako.

"Ano yun, Ivo?"

"Uhm... nakalimutan mo ata. Yung bra mo, nakasampay pa sa C.R."

Nanlaki kaagad ang mga mata ko sa sinabi niya. Sakto namang ang isa naming ka-grupo na lalaki rin ay nagpunta sa kusina para hanapin iyong C.R.

"Naiihi ako! San yung C.R. niyo, Raya?"

"Mamaya na!" awat kaagad sa kaniya ni Ivo.

"Eh ihing-ihi na ako!"

"Pigilan mo!" sinulyapan niya ako kaya agad akong umalis ng kusina at tumakbo patungo sa C.R.

Hiyang-hiya ako nang makitang nakasampay nga doon ang bra ko. Kulay pink pa iyon at may mga maliliit na puso ang design! Gusto kong iuntog ang sarili sa pader. Nagmamadali ko iyong kinuha at itinago saka ko binalikan ang isa kong ka-grupo.

"N-Nandun ang C.R..." halos mautal pa ako.

"Hay, sa wakas!" nagsamaan pa ng tingin ang dalawa.

Umalis na din si Ivo sa kusina kaya napahinga ako nang maluwag. Nang matapos ako sa paghahanda ng meryenda nila, halos hindi ako makatingin kay Ivo. Ganun din siya sa akin. Hindi kami nag-iimikan dalawa at tahimik lang na nagtatrabaho.

"Nag-away ba kayo?" tanong kaagad ni Celeste sa amin nang mapansing ang tahimik naming dalawa.

Kaagad akong umiling. "Hindi."

Si Ivo naman ay nag-iwas ng tingin, namumula ang dulo ng mga tainga.

"Weh?" umusog si Celeste at nilapit ang mukha kay Ivo habang naniningkit ang mga mata. "Hindi ako naniniwala!"

"Hindi nga kami nag-away!" itinulak nang marahan ni Ivo ang mukha ni Celeste palayo at sinamaan ito ng tingin. "Desisyon ka, ah."

Tumawa lang si Cel at inasar-asar pa kami bago niya ipinagpatuloy ang ginagawa. Ginabi na sila dito at napag-desisyunan na naming tapusin iyon. Nagsaing naman ako para dito na sila maghapunan at nagluto na rin ng ulam.

"Wow, swerte ng mapapangasawa ni Raya! Ang sarap mong magluto, ah?" komento ni Migs.

Umirap si Celeste na kumakain sa tabi niya. "Required ba talaga na marunong magluto pag nag-aasawa? Sana naghanap ka nalang ng maid, Migs!"

"Bitter nito. Palibhasa hindi ka marunong magluto!" kantyaw niya naman pabalik.

Nagbangayan sila hanggang sa matapos kaming kumain. Niligpit ko iyong mga plato at bumalik naman sila sa sala. Kaunti nalang at matatapos na kami. Maghuhugas na sana ako ng plato nang marinig ko ang boses ni Ivo sa likod.

"Ako na maghuhugas, Raya." Presenta niya.

"Huh? Hindi na—"

"Kanina ka pa d'yan." Seryoso niyang wika. "Hindi ka pa nga nakakapagbihis ng uniform mo. Ako na maghuhugas." Pakikipagtalo niya naman.

Bumuntong-hininga ako at binitawan iyong hawak kong plato. Si Ivo naman, pinalitan ako sa pwesto ko at nagsimula nang maghugas ng pinggan.

"Salamat..." bulong ko saka ako nagpunta sa kwarto para magbihis.

Alas nuebe na kami ng gabi natapos. Masaya sila at nagyayabang kaagad na perfect na ang grupo namin dahil todo effort kami. Kaniya-kaniya na din silang ligpit ng mga gamit at naghahanda nang umalis.

"Wala pa rin ang Papa mo?" tanong sa akin ni Ivo.

Umiling ako. Nakauwi na si Sonny kanina at natutulog sa kwarto niya. Si Selena naman, nanunuod ng TV sa sala ngayong lumabas na ang mga kaklase ko.

"Madaling araw na siyang umuuwi,"

"Kayo lang tatlo dito?"

Tumango ako. Ivo turned to our classmates. They're all waiting for him so I gave him a gentle nudge.

"Sige na, para sabay na kayong maglakad sa kanto. May sakayan d'yan ng tricycle—"

"Mauna na kayo. Dito muna ako." He suddenly announced.

Hindi lang ako pero lahat ng mga ka-grupo ko nagulat sa sinabi niya. Iba kasi ang dating! Gusto kong hampasin si Ivo pero nagsalita ulit siya.

"Hihintayin ko lang ang Papa ni Sereia na dumating saka na ako uuwi. Sila lang ng mga kapatid niya dito..."

Nagkatinginan naman sila at tumango.

"Sorry, Raya, hinahanap na kasi ako sa amin, eh," paumanhin naman ng mga lalaki sa grupo.

Umiling kaagad ako. Hindi naman nila ako responsibilidad! Hindi rin ako responsibilidad ni Ivo kaya hindi ko alam kung bakit sasamahan niya kami rito! Isa pa, sanay naman akong naabutan ng madaling araw si Papa. Wala naman iyong problema dahil paulit-ulit niya itong ginagawa at para sa akin... normal lang iyon.

Nang makaalis na sila ay pumasok ako sa loob at pinatulog na si Selena dahil gabing-gabi na. Inaya ko naman si Ivo doon sa balcon para dun kami maupo. Kinakabahan ako dahil baka kung anong isipin ni Papa kapag nakita niya kaming dalawa lang ang magkasama sa loob.

Sumama naman si Ivo at naupo roon sa duyan habang ako naman ay sa sementong rail ng bahay. Hindi ko alam kung anong oras uuwi si Papa pero sana naman agahan niya ngayon dahil nakakahiya kay Ivo.

"Hindi mo naman kailangang gawin 'to..." hindi ko napigilan ang sarili kong sabihin sa kaniya.

Sinulyapan ako ni Ivo. He's lazily swinging himself. "Ang alin?"

Yumuko kaagad ako para hindi niya makita ang pamumula ng mukha ko.

"Ang bantayan ako... k-kami."

He just smirked. "Eh gusto kitang bantayan, Raya. Hayaan mo na. Tsaka, delikado kung kayo lang tatlo dito. May lock ba iyang gate niyo?"

Tumango naman ako. Aminado naman akong gate lang ang nila-lock ko at iyong front door, iniiwan kong bukas dahil kapag nakatulog ako, makakapasok lang din si Papa. Wala kasi kaming susi sa front door kaya iyon gate lang ang may tig-isa kaming susi.

"Palagi bang late umuwi ang Papa mo?"

Tumango ako. "Taxi driver siya." I felt the need to explain because I don't want him to judge my father, albeit I know it's not in his personality to do so.

"Okay lang bang tanungin ko kung nasaan ang Mama mo?"

Tumingala ako sa langit. Ang daming bituin ngayon at ang liwanag pa ng buwan. Ganun din kaya sa lugar kung saan nagtatrabaho si Mama?

"Nasa Amerika siya..."

"Nag-abroad? Kailan pa?"

"Nung grade 4 pa lang ako."

Mukhang nagulat si Ivo sa sinabi ko at tumigil siya kakaduyan.

"Grade 4 mo pa ginagawa ang lahat ng... 'to?" he gestured to everything.

Hindi kaagad ako nakasagot. Wala naman akong choice. Nung grade 5 ako, namatay ang Lola ko. Ni hindi nga nakauwi si Mama dahil sa kontrata niya. Bata pa si Selena kaya dapat alagaaan. Si Sonny naman, nakasunod lang sa akin. Kung hindi ako kikilos, walang mangyayari sa bahay na 'to.

"Anong ginagawa mo dito sa Elyu?" imbes na sumagot ay tinanong ko siya. Noong isang taon pa ako curious dito kaya gusto ko talagang malaman.

Naikuwento kasi sa akin ni Lulu kung ano ang buhay niya sa Manila. Sa Ateneo siya nag-aaral. Iyong Dad niya, may-ari ng isang malaking kompanya. Iyong Mommy niya naman, tumutulong lang sa kompanya nila. Mag-isang anak lang daw si Ivo. Ang kasama niya lang dito sa Elyu ay ang Lola niya at isang kasambahay.

"Sinundan ko ang passion ko." Ngumisi siya sa akin.

"Surfing?"

Tumango si Ivo. "Hindi ko naman yun magagawa sa Maynila. Nakakapagod bumiyahe dito araw-araw kaya dito nalang ako titira. May bahay naman kami dito at narito ang Lola ko..."

I couldn't imagine it. Ang ganda siguro ng buhay niya sa Maynila pero ipinagpalit niya sa tanawing pinagsasawaan ko. Baliktad kami. Ako, gusto kong makaalis sa lugar na ito habang siya naman ay pabalik-balik dito.

"Akala ko si Lulu ang sinundan mo..."

Tumawa si Ivo nang malakas. "Bakit ko naman susundan yun? Alam mo bang ang lakas humilik nun?" pagsusumbong niya, tumatawa pa.

Ngumuso ako. Ang sama namang maging best friend nitong si Ivo. Sana ay hindi niya 'to sinasabi sa mga crush ni Lulu! But come to think of it... he knows this thing about Lulu. They must really have a deep connection with each other.

Nagtataka ako kung bakit...

"I know what you're thinking. I'm not in love with her."

Uminit kaagad ang pisngi ko. Klaro ba iyon sa mukha ko o paulit-ulit niya lang iyong naririnig mula sa ibang tao kaya nag-assume nalang siya na iyon din ang iniisip ko?

"Mahal ko si Lulu, siyempre. Kaibigan ko yun, eh. Pero hanggang dun lang. Hindi naman higit sa pagiging kaibigan ang tingin ko sa kaniya."

Pwede pala yun? Akala ko kasi walang babae't lalaki na hanggang matalik na magkaibigan lang. Kaya ang madalas na mag- best friends, purong mga babae o purong mga lalaki lang.

Nagkuwentuhan lang kami ni Ivo hanggang sa inabot kami ng ala una dun sa labas. Nilalamok na kaming dalawa pero buo na talaga ang desisyon ko na huwag pumasok sa bahay. Nang dumating si Papa, kumunot kaagad ang noo niya nang makita si Ivo.

"Magandang gabi—umaga ho, Tito," tumayo kaagad si Ivo at nagpakilala. "Ako po si Ivo, classmate ni Raya."

"Madaling araw na, ah? Ba't nandito ka pa?"

"Ah, may project po kasi kaming ginawa kanina. Sinamahan ko nalang po sina Raya hanggang sa makauwi kayo."

Tumahimik si Papa saglit at tumango. Saka pa lang niya tinanggap ang kamay ni Ivo.

"Salamat. Boyfriend ka ba ng anak ko?"

"Papa!" parang gusto kong magpalamon sa lupa dahil sa sinabi niya.

"Hindi pa po..."

Nanlaki ang mga mata kong napalingon kay Ivo. Namali ba ako ng dinig?

"Anong sabi mo?" hinigpitan ni Papa ang hawak niya sa kamay ni Ivo kaya napa-aray ito.

"Hindi po, hindi po!" bawi niya kaagad. Tumawa siya. "Hindi po kami mag-syota ni Raya."

Binitawan na ni Papa iyong kamay ni Ivo at tiningnan ito mula ulo hanggang paa. Kinakabahan na talaga ako kaya naman hinila ko ang palapulsuhan ni Papa.

"San ka nakatira?"

"Sa Greenhills po."

"Sige, ihahatid kita sa kanto. Makikiusap tayo dun sa mga kumpare ko dahil wala nang bumabiyaheng tricycle ngayong oras."

Tumango naman si Ivo at kinuha iyong bag niya. Kumaway siya sa akin.

"Kita nalang tayo bukas..."

Tumango din ako at pinanuod silang umalis dalawa. Nag-uusap pa sila pero hindi ko na marinig kung anong pinag-uusapan nila. Napabuntong-hininga nalang ako at pumasok sa kwarto, pagod at gusto nang matulog.

"Anong oras nakauwi si Ivo galing sa inyo kagabi, Raya?" tanong ni Celeste sabay nguso doon sa gawi ni Ivo.

Tiningnan ko rin siya. Nakaramdam ako ng sobrang guilt nang makitang nadukdok na siya sa arm chair, natutulog. Lunch namin ngayon pero hindi man lang siya kumain at nagreklamong gusto lang daw niyang matulog.

"Pasado ala una na..."

Nanlaki ang mga mata ni Lulu. Turn niya kasi ngayong siya ang bumisita sa classroom namin para kumain ng lunch kaya nandito siya. Wala ang kambal ngayon dahil may volleyball practice sila sa tanghaling tapat.

"Talaga?! Inabot siya ng ala una sa inyo?!"

Gusto kong takpan ang bunganga ni Lulu dahil ang lakas ng boses niya. Iyong mga babae kong kaklase na kumakain din sa classroom, napalingon tuloy sa amin.

"Ala una na kasi dumating si Papa," kaagad kong paliwanag sa kaniya. "Pinapauwi ko nga siya pero ayaw niyang umuwi. Hihintayin niya nalang daw."

Ngumisi si Avery at tinuro ako gamit ang kutsara niya.

"Naks! Parang iba na yan, ah?"

Umiling kaagad ako at nag-deny. Yung iba din naman naming kaklase na mga lalaki, gusto akong samahan nung malaman nilang late na umuuwi si Papa. Hindi lang naman si Ivo. Nothing about it is special.

"Lulu, okay lang ba sayo na inaagaw na ni Raya ang pagiging best friend mo kay Ivo?" tanong naman ni Celeste.

"Okay lang! Sa inyo na yan, dinadaganan ka n'yan pag natutulog!" malakas namang tumawa si Lulu.

"H-Hindi naman niya ginusto na mag-stay dun sa bahay." Paliwanag ko agad. I don't want anyone to misunderstand what he did because it might stir up issues again! Baka awayin na naman ako ng mga babaeng may gusto sa kaniya.

"Lodi ko talaga si Ivo! Kung type ko lang siya, pinakasalan ko na 'to eh!" Tumawa si Celeste.

"Grabe, ang ingay niyo. Hindi pa kayo nahiya, sana nag-karaoke nalang kayo sa room," nagulat ako nang biglang bumangon si Ivo at kinusot-kusot ang mga mata. He yawned.

"Ivo, ala una ka na daw nakauwi mula kina Raya?" pang-aasar naman ni Celeste.

"Oo, bakit?" kaswal niyang tanong dito.

"Yiee, Ivo ha, baka hindi ako ang crush mo. Baka si Raya!"

Tiningnan naman ako ni Ivo. Gusto ko nalang maglaho sa mundo dahil sa mga titig niya. Pati sila ay nakatingin din sa akin.

"Oo, crush ko nga. May problema ba?"

-

#HanmariamDWTWChap6

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro