Part 5 - Yema
"Miss Pres, magkano'ng yema mo?"
"Salapi isa."
"Yung polvoron?"
"Gano’n din."
Pinagkakaguluhan ng mga kaklase ni Lenlen ang dala niyang paninda. May yema, polvoron, beans, at ube. Binebenta niya iyon ng salapi isa o dalawa piso.
"O kayo, kuha kayo," alok ni Lenlen sa umpukan nina Imee.
"Ano ’to? I don’t eat these," saad ng dalagitang mayabong ang kulot na buhok. Kumuha siya ng isang beans na selyado sa isang plastic. "How did you seal this?"
"Pinaraan ni pres 'yung plastic sa kandila. Try mo minsan. Hindi naman nakamamatay," suhestiyon ni Aurora, isa sa classmates nila.
"Eww. No." Ibinalik ni Imee ang hawak sa sando bag na tangan ni Lenlen. Ipinagkibit-balikat na lang iyon ng huli. Ibang kaklase naman ang inalok.
"Arte talaga nitong babalinang ito," bubulong-bulong na sabi ni Sassa Girl. Isa ang beki sa very vocal at showy sa pagkainis niya sa kaklase.
Nilingon ni Imee si Sassa Girl. "Ano'ng sinabi mo?"
"Narinig mo naman siguro, bakit ko pa uulitin?"
Tatayo na sana si Imee para komprontahin si Sassa Girl pero pumagitna sa kanila si Tonio o mas sanay silang tawaging Trillanes, ang sergeant-at-arms nila.
"O, tama na 'yan. Mag-aaway pa e." Nilingon niya si Isko. "Tol, isang Dying Inside to Hold You nga riyan. Ice breaker lang."
Napahiyaw ang buong klase dahil sa sinabi ni Trillanes. Wala namang pagdadalawang-isip na gumitna si Isko at doon ay nagsasayaw ng Dying Inside to Hold You habang hinahagod nito pababa ang katawan.
Natatawang-naiiling lang si Lenlen na patuloy sa pagbebenta ng paninda niya.
"Pres, ilan pa ba 'yan?"
Napalingon ang dalagita sa nagsalita. Si Mar, ang lalaking mahilig magsuot ng kulay royal blue at dilaw na kombinasyon na damit.
"Thirty six pieces pa," saad ni Lenlen na nakatunghay sa loob ng sando bag.
"Bale eighteen pesos 'no? Ge, kuhanin ko na lahat. Salamat!" Inabot nito ang dalawang piraso ng 5-peso bill at isang piraso ng 10-peso bill. "Iyo na ang sukli!"
"Uy teka!"
Napabuntong-hininga si Lenlen. Kahit pa sabihin ni Mar na kaniya na ang sukli ay hindi siya makapapayag. Pinalaki siya ng mga magulang na tapat at hindi nanggugulang.
Kinuha niya ang beaded coin purse niyang pinaghalong pink at puti ang kulay. Dumukot siya roon ng dalawang piso at pinuntahan niya ang desk ni Mar.
Napatigil siya ilang hakbang bago makarating sa upuan ng kaklase. Nag-uumpukan kasi ang magkakabarkada.
"Pare, di ko na kinuha sukli ah? Iniwan ko na kay Lenlen."
"Good. Good. Good. O sige, hati-hati na kayo riyan," ani Bongbong. "Tirhan ninyo ako ng tig-isang yema at polvoron para makatik—"
Isang pekeng pag-ubo ang nagpaudlot sa sasabihin ni Bongbong.
"Lenlen."
"So ikaw pala ang pumakyaw ng paninda ko." Lumapit ang dalagita sa binatilyo. Inilapag niya sa desk ang baryang hawak. "Puwede naman kasing dumiretso sa akin, bakit ipapadaan pa sa iba?" Inirapan ni Lenlen ang binatilyo sabay talikod.
Nakakailang hakbang palang ang dalagita nang magsalita si Bongbong.
"You're welcome."
"Hmp!"
Kantyaw ang inabot ni Bongbong mula kina Jejomar, Mar, at Rodrigo. Natatawa na lang siya habang sinusundan ng tingin ang dalagita.
•••
Nakangiting binilang ni Lenlen ang kinita niya sa buong maghapon. Singkuwenta pesos.
Apat na raang piso ang bagong walkman. Mas mura sana ang secondhand pero nangangamba siya na baka masira agad kaya brandnew na ang pagsusumikapan niyang bilhin.
Akma niyang isusuksok ang kumpol ng pera sa pink na piggy bank na gawa sa semento nang marinig niya ang pag-uusap ng mga magulang.
"Labs, pasensiya na. Hindi naubos ’yung lugaw e. May libreng pakain pala si mayor sa mga kabarangay natin kaya kakaunti lang ang bumili. Kung alam ko lang ay sana hindi muna ako nagluto," may panghihinayang na sabi ni Antonio.
Sumagot si Aling Salvacion. "Hayaan mo na, iyan na lang muna ang kainin natin sa hapunan. Halika na."
"Kaso sobrang dami pa nito. Saan natin dadalhin ang iba?"
Sumabad si Lenlen. "May naisip akong paraan, 'Nay, 'Tay." Inabot niya ang kumpol ng perang hawak niya. "Ibili n'yo po iyan ng disenteng hapunan."
"Aba teka, saan galing it—"
Hindi na nakasagot si Lenlen ’pagkat ipinapadyak na niya ang bike palayo sa bahay.
"Saan ka pupunta, Nak?" sigaw ni Antonio sa panganay.
Gumanti ng sigaw si Lenlen. "Magbebenta po ng lugaw, Tay!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro