Part 19 - Kulay
Maya't maya ang pagsulyap ni Lenlen kay Bongbong. Mula kasi nang mag-usap sila kanina ay tumamlay na ang awra ng binatilyo.
Hindi maiwasan ni Lenlen na maapektuhan sa pagbabago ni Bongbong kaya during breaktime ay in-approach niya ito.
"Oh eto." Inabot ni Lenlen ang walkman sa binatilyo sabay nag-indian seat siya sa tabi nito.
Nakabihis nang muli ng denim overall si Lenlen. May kinukuhanan lang na isang eksena ang mga bida sa pelikula at pagkatapos noon ay pauuwiin na silang lahat.
Ipinasuot ni Lenlen ang earphones kay Bongbong. Kaagad lumiwanag ang mukha ng huli. Mayamaya ay umiindak na rin ang binata.
"Ang ganda ng kanta kahit hindi ko alam ang lyrics."
Lihim na napangiti si Lenlen. Hinayaan niya lang si Bongbong na enjoy-in ang kanta.
"Oh ayan, okay ka na." Nag-thumbs up si Lenlen sa binata.
"Salamat." Inalis na ni Bongbong ang earphones ng dalaga sa kaniyang mga tainga. Akma niyang isasauli ang walkman nang mapadako ang tingin niya roon. Isang hindi mapigil na ngiti ang umalpas sa mga labi niya.
"Ngiting-ngiti naman 'to. Parang ewan."
Ini-stretch ni Bongbong ang mga paa at inilagay ang dalawang kamay sa likod habang nakatukod sa lupa. "Wala lang. Natutuwa lang ako kasi ginagamit mo ’yong walkman."
"Ah eto." Itinaas ni Lenlen ang hawak. "Oo, ang cute kaya. At saka gustong-gusto ko 'to. Pink kasi. Ikaw ba? Ano ang gusto mong kulay?"
"Gustong kulay? Bakit, kulay ka ba?"
"Huh?"
Tatlong segundong katahimikan ang namagitan sa kanila. Sa ikli ng panahon na iyon ay para bang pumanaw lahat ng dugo sa mukha ni Bongbong.
"Di ko gets. Sorry, lutang eh," ani Lenlen.
"A-Ano, k-kwan—" Nag-aapuhap si Bongbong ng sasabihin. "Ano, ahm. Sabi ko pula ang gusto kong kulay."
Tumango-tango ang dalagita. "Ahh, pula pala."
Inobserbahan ni Bongbong ang dalagita. Nang makumpirma na hindi talaga nito nakuha ang dumulas sa kaniyang dila ay saka lang siya napahinga nang maluwag.
Kung bakit ba kasi niya nasabi iyon ay iyon din ang ipinagtataka niya.
•••
Pagod man nang makauwi ay hindi iyon alintana ni Lenlen. Sabik niyang diniretso ang kuwarto. Kinuha niya ang may kabigatang pink na piggy bank na kapag kakalugin ay maririnig ang pagtunog ng mga baryang naroon sa loob.
Nakangiting kinuha ng dalagita ang dalawandaang pisong kinita sa pag-extra sa pelikula. Wala siyang sinayang na oras dahil isinuksok na niya ang dalawang ubeng papel sa maliit na siwang ng alkansiya.
Kung tatantiyahin ay malapit nang magkalahati ng presyo ng ticket ang naiipon niya. Kailangan pa niyang sipagan. Wala pa mang date kung kailan ang ticket selling ay dapat handa na siya anumang oras.
•••
Binuksan niya ang pinakamaliit na box sa plastic na drawer. Kinuha niya mula roon ang isang poster na itinupi sa apat. Napangiti siya nang buklatin niya iyon.
"Malapit ko na kayong makita, Kian, Shane, Nicky, Brian, at Mark."
Muli niyang ibinalik ang poster sa lalagyan. Ang alkansiya naman ay isinuksok niya sa likod ng mga damit niya.
•••
"Sabi na, si Pilosopo Tasyo 'yun eh." Napalingon si Lenlen kay Manny. Kakamot-kamot ulo nitong tinitingnan ang isang pahina sa aklat na Noli Me Tangere na hawak.
Gano'n din ang iba nilang mga kaklase. Ang iba ay may hawak na reviewer at mga notebook. Bawat isa sa kanila ay inihahambing ang isinagot nila sa mga nakasaad sa kanilang ni-review.
Si Lenlen naman ay nakatayo lang sa labas ng classroom. Isa siya sa mga naunang nakatapos sa pagsagot. Hindi pa siya umaalis kasi hinihintay niya sina Cherry Pie at Agot. Kasabay niya ang mga ito sa pagkain ng tanghalian sa canteen.
Habang nagkakandahaba ang leeg niya sa pagtanaw sa mga kaibigan ay siya namang paglabas ni Bongbong. Sa saglit na iyon ay para bang nawala sa focus si Lenlen. Nalipat ang atensiyon nito sa kaklaseng nakasuot ng puting-puting uniporme na plantsado. Sa itim nitong sapatos na kapag natatamaan ng sinag ng araw ay kumikinang sa kinis. Hindi rin nakaligtas sa kaniya ang paraan nito sa paghawak sa sukbit na itim na bag, larawan na isa itong mag-aaral.
"Hi, Lenlen."
Nakalapit na pala ang binatilyo sa kaniya. Pinisil ng lalaki nang makalawang beses ang balikat ng dalaga bago umalis.
Naaamoy pa ni Lenlen ang samyo ng fabric conditioner na wari ay ginamit sa polo ni Bongbong. Sinundan lang niya ng tingin ang lalaki na hindi niya alam kung saan patungo.
Hindi maintindihan ni Lenlen ang sarili. Bakit ba napapansin na niya ang maliit na detalye kay Bongbong?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro