Hulog Ng Langit
"Kailan ka ba uuwi rito sa atin, anak? Miss na miss ka na namin ng mga kapatid mo.", tanong ni mama habang nakakunot ang noo sa akin.
Nasa Canada sila ng mga kapatid ko pero pinili kong bumalik sa Pilipinas pagkagraduate ko sa medisina.
Mas gugustuhin kong pagsilbihan ang ating bansa kaysa sa ibang lugar.
"Hindi ko pa po alam, 'ma. Sige po, magpapahinga muna ako. May duty pa po ako bukas.", pagtatapos ko sa usapan namin ng may narinig akong kalabog sa may bandang likod ng bahay ko.
"Ano ka'mo, anak?", tanong ulit ni mama na ikinailing at ikinatawa ko.
"Goodnight, Mama! Tatawag na lang po ako ulit kapag libre na ako. Babye, Andrea, Amber and Alcon! Babye na si Kuya!" Kumaway pa ako sa kanila at bago pa man natapos ang tawag ay namatay na ito.
Battery empty. Hindi nga pala ako nakapagcharge. Agad kong hinanap ang charger at sinaksak ito agad sa outlet sa tabi ng kama ko.
***
Mabuti na lamang at nakaligo na ako. Antok na antok na ako magmula sa anim na oras na operasyong ginawa namin at tanging gusto ko lang ay bumawi ng tulog.
Mabilis kong niyakap ang unan at ipinikit ang mga mata. Mabilis akong nakatulog at maganda ang gising kinabukasan.
Patungo na ako sa maliit kong kusina nang makita ang babaeng nasa sulok ng sala ko. Magkatapat lang ang kusina at sala ko kaya kitang-kita mula sa kinatatayuan ko ang babaeng nagpanganga sa akin.
Hindi ordinaryo ang kanyang ganda. Nagliliwanag ang kanyang mukha nang magtama ang aming mga mata. Tila ba ako ay nalula nang nagsalita siya at walang kasinglambing ng boses niya.
"Maaari ba akong magpatuloy muna rito sa inyo? Nawalan ako ng kapangyarihan at kailan—" pagdadahilan niya pa kaya na siyang ikinatigil ko at nagpabunghalit sa akin ng tawa. Napahinto siya sa pagsasalita at pilit na pinigilan ang sarili ko upang maipagpatuloy niya ang pagsasalita niya. "P-pasensya na. Aalis na lamang ako." Akmang tatalikod siya nang mapansin ko ang galos sa kanyang binti at ang pananamit niy na kulang na lang ay makitaan na siya sa iksi nito. Ang kanyang mala-porselanang braso ay nangingintab at may kakaunting sugat marahil mula sa pagkabagsak niya sa hardin kagabi.
"Teka, Miss! Binibini!", tawag ko sa kanya at agad na hinawakan ang mga braso nito. Liningon niya ako at napalunok ako ng laway nang muli't muli ay nagtama ang mga mata namin. May kung ano sa kanya na nag-uudyok sa akin para alagaan siya."Pumarito ka muna. D-dito ka muna tumira. Isa akong doktor. Gagamutin ko ang mga sugat mo at magpagaling ka muna ng ilang araw rito bago ka tumungo sa iyong pupuntahan."
Dahan-dahan siyang tumango at tila nagustuhan ang sinabi ko at ginawaran ako ng matamis na ngiti. Bago pa man ako malunod sa emosyong nararamdaman ko ay tumalikod ako at kumuha ng Betadine at bulak sa first aid kit ko. Natagpuan ko siyang nagtataka sa hawak ko at unti-unting lumayo.
"Ako si Arvin. Anong pangalan mo, binibini?" Nakangiti kong tanong sa kanya habang nililibang siya at dahan-dahang dinampi ang bulak na may gamot.
"T-tala. Ako si Tala." Sagot niya at napangiwi ng maramdaman ang hapdi ng gamot sa sugat niya.
"Saan ka galing? Paano ka napadpad sa hardin ko?" Hindi ko maiwasang tanungin nang matapos ko siyang gamutin.
"Galing ako sa kalangitan ngunit nawalan ako ng kapangyarihan noong protektahan ko ang kapatid kong si Mayari mula kay Apolaki." Diretsahang sagot niya na kinagulat ko.
Seryoso ang kanyang sagot at makikita sa mga mata niya ang pag-aalala para sa kapatid. Napunta ang kanyang tingin sa akin at hinawakan ang pareho kong kamay.
"Nakikiusap ako. Maari bang makituloy muna ako rito sa tahanan mo pansamantala habang hinihintay na makabalik ang aking kapangyarihan? Ako! Ako na ang maglilinis, mag-aayos—" desperada nitong pagpiprisinta sa akin na ikinailing ko.
"Tala. Hindi mo kailangang gawin ang mga bagay na iyon. Nauunawaan ko. Malaya kang tumuloy dito. Hindi mo kailangang pagsilbihan ako. Madalas rin naman akong wala dito sa bahay dahil sa aking trabaho. Ituring mong tahanan ang tahanan ko." Nangingiti kong sambit sa kanya na kinakinang ng mga mata niya.
"Salamat! Salamat, Arvin! Pagpalain ka nawa ng Maykapal!", usal nito sa akin. Hindi nakatakas sa aking paningin ang makinis niyang balat at agad akong tumayo upang magsimulang magluto ng almusal namin.
"Magluluto lang ako ng almusal natin at mamimili tayo ng mga damit mo." Sambit ko sa kanya na siyang ikinatango niya.
Matapos naming mag-almusal ay pinahiram ko siya ng mga damit ni Amber upang gamitin niya pansamantala. May kalakihan lang ang mga ito sa kanya pero sapat lang upang maging komportable siya.
Habang ipinagmamaneho ko siya papuntang mall ay bakas sa mukha niya ang tuwa at kuryosidad sa mga bagay sa paligid. Parang batang nananabik na makakita ng mga makukulay na bagay si Tala nang makarating kami sa SM.
"Good morning, Sir! Maganda ho ito para kay misis! Bagay na bagay ito sa kanya!" Masayang pag-uudyok ng saleslady sa akin na pinanlakihan ko ng mata.
"M-misis?" Tanong ni Tala na may pagtataka sa amin. Napahagikhik na lamang ang saleslady sa amin at inabot ang kulay lilac na dress na mukhang tamang-tama lamang kay Tala.
"Subukan mo ito, Tala." Kuha ko sa damit at abot sa kanya. Dinala siya ng saleslady sa fitting room at wala pang sampung minuto ay nasa harapan ko na ang babaeng hindi ko aakalaing matututunan kong mahalin at alagaan.
Ang kanyang balingkinitang katawan ay mas nadepina ng hulma ng damit na meron ito. Lalong tumingkad ang kanyang kaputian dahil sa kulay ng damit.
"Ayos lang ba ito, Arvin?", inosenteng tanong nito sa akin.
"O—oo. Maganda. Kukunin namin ang damit." Sagot ko ng mabilis sabay baling ng tingin sa saleslady. Inassist siya uli ng babae upang magpalit na ng damit. Sa loob ng trenta minutos ay may hawak na akong anim na paperbags. Bumili na rin ako ng isang pares ng pantalon at slacks para sa trabaho.
Yinaya ko na rin siyang kumain at kita ang galak sa kanya ng makatikim ng chocolate cake.
"Parang bata." Napahalakhak na lang ako ng punasan ang tsokolate na nasa gilid ng labi niya. Natigilan kami pareho nang magtama ang mga mata namin.
"Aww! Babe! Ang sweet nila!" Hiyaw ng babae sa kabilang table at kinakunot ng noo ng nobyo niya. "Bakit ba kasi ang manhid mo! Hmp!" Pagtatampo nito at tumayo para iwanan ang lalaki. Masama ang tingin na natanggap ko mula sa nobyo bago niya habulin ang kasintahan niya.
"Sweet! Nabasa ko iyon sa isa sa mga pahina ng libro sa silid-tanggapan mo!" Pagputol ni Tala at nagpatuloy sa pagkain ng dessert. Kumalma na ang puso ko at naging normal na muli ang araw naming dalawa.
Lumipas ang mga araw at mas nakilala ko pa siya ng lubusan. Ang mga simpleng kasiyahan niya sa mga bagong nadidiskubre, ang pagkayamot kapag may hindi maintindihan, ang inosenteng paglalambing, ang pagiging simple niyang babae ang mas nagpamahal sa kanya sa akin.
Hanggang dumating ang araw na hindi ko inaasahan.
"A-arvin! Naibalik na ang kapangyarihan ko!" Masayang salubong niya sa akin pagkauwi ko galing sa walong oras na operasyon sa ospital.
Tamad at pagod akong umupo sa sofa at tiningnan siya.
"Hindi ka ba masaya para sa akin? Makakauwi na ako sa amin!" Malungkot na komento nito sa akin at tinabihan ako sa upuan.
Sa puntong iyon, nawalan ako ng sasabihin sa kanya. Kung dati ay normal na may sagot ako sa bawat tanong niya, ngayon ay tila naubusan ako ng sasabihin.
"I—inaantok ako. Magpapahinga lang ako." Sagot ko sa garalgal na boses at iniwan siya sa sala.
"Kumain ka muna!" Akmang pagpipigil niya sa akin na binalewala ko lang.
Nang marating ko ang aking kwarto ay mabilis akong humiga at pinikit ang mga mata. Naninikip ang dibdib ko sa katotohanang mawawala na siya sa akin.
Mahal ko na siya. Natutunan ko na siyang mahalin.
Ngunit, sino ba ako kumpara sa kapatid niya? Isa siyang Diyosa at ako ay hamak na tao lamang?
***
Lumipas ang umaga ng hindi kami nagkakausap. Pinili kong maging tahimik sa hapag at inignora ang mga himig ng pagtatampo niya sa akin.
Kinagabihan, hindi na ako nakaiwas pa sa kanya.
"Arvin. Maaari ba kitang makausap sa hardin?" Umaasang tanong niya sa akin. Tahimik na sumunod ako sa kanya at umupo sa mahabang upuang kahoy na pinagawa ko para sa aming dalawa.
Nakatingala siya at habang tumatagal ay kumikinang na siya. Walang pagdududang siya nga ang Diyosa ng mga Tala.
"Hindi lingid sa akin ang nararamdaman mo, Arvin. Nagpapasalamat ako sa pagpapatuloy mo sa akin dito sa tahanan mo ng dalawang linggo. Salamat sa paggagamot mo sa akin noong unang araw ko rito. Maraming salamat sa pagmulat mo sa akin sa mundo niyo. Sa mga simpleng bagay na nagbigay ng bagong kaalaman sa akin." Ginawi niya ang tingin sa akin at binigkas ang mga salitang ayaw kong marinig, "ngunit kailangan na ako ng kapatid ko. Kailangan ko ng umuwi."
"Kailangan din kita." Walang pagdadalawang-isip na sambit ko sa kanya. "Hindi mo ba nahahalata? Mahal na kita, Tala! Hindi mo ba nararamdaman iyon?"
Nanlaki ang mga mata nito sa akin sa hindi inaasahang mga salitang binitiwan ko.
"Mahal din kita, Arvin. Ngunit ang kapatid ko.." malungkot na komento nito sa akin.
"Malaki na si Mayari. Kailangan niya ring tumayo sa sarili niyang mga paa. Isipin mo rin ang sarili mong kaligayahan, Tala." Pagpapaliwanag at pakiusap ko sa kanya. "Hindi mo ba naisip na maaaring ito rin ang kagustuhan ng langit? Hindi ka basta-basta mapapadpad sa lugar ko ng walang dahilan! Ikaw ay para sa akin at ako ay para sa iyo!"
"Susubukan kong kausapin ang nakatataas. Baka sakaling payagan ako nito." Saad niya at ang puso ko ay nagalak sa katotohanang kinonsidera niya ang nararamdaman niya. Walang alinlangang niyakap ko siya at napuno ng saya ang paligid namin.
***
Matapos ang isang taon...
"Ikaw, Arvin, tinatanggap mo ba si Tala bilang kabiyak mo panghabangbuhay?" Tanong ng pari sa akin.
"Opo, tinatanggap ko." Masayang sambit ko habang nakangiti sa babaeng hinulog ng langit sa akin.
"From this day forward, I now pronounce you husband and wife! You may kiss your bride." Sa puntong iyon, ang Diyosang pinakamamahal ko ay matatawag kong asawa ko na.
Wakas
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro