Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 31

History






Nanigas ako sa aking kinatatayuan dahil sa gulat. Hindi ako makapaniwala na sinampal ni Mommy si Frank sa aking harapan.

"Mommy" iyak na tawag ko ng hindi pa siya nahusto sa isang beses at sinampal din  niya ito sa kabilang pisngi.

"Itinuring kitang parang anak. Tapos malalaman ko, ganuon ang ginawa mo kay Stella?" hindi makapaniwalang sabi ni Mommy sa kanya.

Nanatiling tahimik si Frank kahit kita ko ang lungkot at sakit sa kanyang mukha.

"Pinagsisisihan ko na po ang ginawa ko sa kanya...pero please po. Wag niyo pong ilayo sa akin ang magina ko" marahang pakisap ni Frank sa kanya.

Kaagad akong napahawak sa kanyang braso. Ramdam ko ang panginginig ng kanyang boses.

"You don't deserve my daughter. Frank Del prado" madiing sabi ni Mommy dito.

"Mommy, napatawad ko na po si Frank. Tapos na po iyon..." pakiusap ko sa kanya.

Kununot ang kanyang noo ng tumingin sa akin. "Pumasok ka na sa kwarto mo, Stella. Hindi ka na makikipagkita sa lalaking ito" galit na utos niya sa akin.

"Mommy..." tawag ko sa kanya. Nanlalabo na ang aking paningin. Wag namang ganito, hindi na nga kami tanggap ni Mr. Del prado. Wag namang pati siya.

Napahikbi si Mommy at marahang umiling. "Wag ka ng gumaya sa akin, Stella. Wag na...kung sinaktan ka, sasaktan ka lang ulit" pangaral niya sa akin.

Alam ko kung saan hinuhugot ni Mommy ito. Ganito din siya kasi kay Daddy. Masyado niyang mahal kaya naman kahit hindi naging mabuti ay mabilis siyang nagpapatawad.

Masyado niyang mahala kaya naman naging sunod sunuran lang din siya kay Daddy nuon.

"Ma, hindi ko na po sasaktan si Stella" giit ni Frank.

Nanlisik ang kanyang mga mata ng balingan ito. "Wag mo akong tawaging ganyan" sita niya kay Frank.

Halos malaglag ang panga nito dahil sa gulat. Bigla akong nakaramdam ng awa kaya naman sinubukan kong itago siya sa likuran ko kahit wala din namang silbi dahil sa laki ng katawan at tangkad nito.

"Mommy, Mahal ko po si Frank" pagpapaintindi ko sa kanya.

Mariing naglapat ang mga labi ni Mommy dahil sa galit. "Tutuloy tayo sa Davao" giit niya.

Marahan akong umiling. Pwede bang wag na lang? Pwede bang, dito na lang kami.

"Anong...anong ibig mong sabihin, Stella?" naguguluhang tanong ni Mommy sa akin, tukoy sa aking pagiling.

Naramdaman ko ang hawak ni Frank sa aking braso. "Ayoko pong iwan si Frank" sabi ko at halos mabingi din ako ng makatanggap ako ng sampal galing sa kanya.

Kaagad akong inilayo ni Frank at halos yakapin para lang maprotektahan laban kay Mommy kung sakaling sasaktan ako ulit.

"Handa akong talikuran ang Daddy mo nuon, kasi gusto mong magpunta tayo sa Davao" pumiyok na sabi niya. Napuno ng luha ang kanyang mga mata.

Biglang bumigat ang aking dibdib. Hindi man ako direktang sinabihan ni Mommy tungkol dito, alam ko. Pakiramdam ko ay may kasalanan talaga ako sa pagkawala ni Daddy. Sa naging aksidente nila.

Kung hindi ako nagpumilit nuon na umuwi na lang kami ng Davao ay hindi sana sila magaaway na dalawa. Hindi sana nangyari iyon. Kasalanan ko.

"Sinaktan ka ng lalaking ito kaya gusto mong lumayo. Hindi ba?" tanong niya sa akin.

Hindi ako nakasagot. Iyon naman ang totoo, nasaktan ako dahil kay Frank kaya naman ginusto kong lumayo sa lahat.

"Stella naman..." tawag ni Mommy sa akin.

Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan naming tatlo. Nagpabalik balik ang  tingin niya sa aming dalawa ni Frank. Hanggang sa napabuntong hininga si Mommy, napailing at kaagad kaming tinalikuran na dalawa.

Nang tuluyan siyang mawala sa aking paningin ay duon na bumuhos ang aking mga luha.

"I'm sorry, Mommy" nanghihinang sambit.

Kaagad kong naramdaman ang pagyakap ni Frank sa akin. Dahil sa panghihina ay yumakap ako pabalik sa kanya. Paulit ulit siyang bumulong sa akin para patahanin ako.

Humigpit ang yakap ko kay Frank. Mahal ko siya, mahal ko din ang Mommy ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Pareho ko silang gustong piliin.

"Shh...Baby" malambing na tawag niya sa akin. Marahan niyang hinalikan ang pisngi ko na sinampal ni Mommy.

Panay ang paglabas ng aking mga hikbi. Ang malaki niyang palad ay kaagad na binalot ang aking pisngi habang marahang pinupunasan ang mga luha.

"Hindi talaga tayo pwede, Frank" sumbong ko sa kanya.

Umigting ang kanyang panga kasabay ng bahagyang pagkunot ng kanyang noo. "Shh...wag mong sabihin iyan. Gagawa ako ng paraan" pagaalo niya sa akin. Hinalikan niya ang aking noo at muli akong niyakap ng mahigpit.

"Kasalanan ko kung bakit namatay si Daddy..." paulit ulit na sabi ko. Mas lalo lamang humihigpit ang yakap niya sa akin, ramdam ko ang marahan niyang pagiling.

Hinayaan niya akong umiyak sa kanyang mga bisig. Hanggang sa matigilan ako sa sumunod niyang sinabi sa akin.

"Magtanan na tayo..." yaya niya.

Mabilis akong kumawala sa kanyang yakap. Hindi iyon ang solusyon.

"Frank, hindi iyon ang solusyon. Mas lalo lang magagalit ang parents natin. Magisa na lang ang Daddy mo, magisa na lang din ang Mommy ko" giit ko sa kanya.

Mariin siyang napapikit at napahilamos sa kanyang mukha. Isang malalim na pagbuntong hininga ang nagawa niya bago siya muling dumilat.

"I'm sorry, nabigla lang ako" paumanhin niya.

"Mas lalo lang gugulo pag iyon ang ginawa natin" pangaral ko ulit.

Marahan siyang napatango. Sinubukan niyang lumapit sa akin ngunit kaagad siyang naout of balance at napaupo pabalik sa sofa.

Kumunot ang aking noo. Nang lapitan ko siya at salatin ang kanyang leeg ay duon ko lang nalamang inaapoy na siya ng lagnat.

Pagod siyang napasandal at napapikit. Maging ang pagbuga ng kanyang hininga ay mainit din. "Inaapoy ka ng lagnat" sabi ko sa kanya pero wala na siya sa sarili at nanatili na lamang na nakasandal at nakapikit.

Nagpatawag kaagad ako ng pwedeng tumulong sa amin para mailipat siya sa kwarto. Alam kong mas lalong magagalit si Mommy dito pero bahala na. Kailangan ako ni Frank ngayon.

"Ma'm Stella. Mas lalong magagalit ang Mommy niyo nito" suway ni Manang sa akin habang nakasunod kami kay Manong na umakay kay Frank papasok sa aking kwarto.

"Bahala na po. Ako na po ang magpapaliwanag" sabi ko sa kanya kaya naman natahimik na lamang ito.

Nang tuluyang maihiga si Frank sa aking kama ay nakisuyo kaagad ako kay Manang ng palanggana at bimpo para mapunasan siya.

"Gusto niyo pong tulungan ko muna kayo sa paghubad Ma'm?" tanong ni Manang sa akin ng makita niyang dahan dahan kong tinatanggal sa pagkakabuttones ang polo shirt na suot ni Frank.

Nag ngiting aso si Manang ng tingalain ko siya. Nakaupo na kasi ako sa gilid ng kama para asikasuhin ito.

"Ako na po dito, Manang. Palanggana at bimpo na lang po" paguulit ko.

Nakita ko pa kung paano maiwan ang mata ni Manang sa hubad na katawan ni Frank. Masyadong batak at mabato. Mukhang sa gym na ata natutulog ang isang ito ah.

Kahit mabigat ay nakaya ko naman siyang hubaran ng pangitaas. Bayolente akong napalunok ng kagaya ni Manang ay halos maiwan din sa katawan niya ang mata ko. Napaubo ako at kaagad na inilipat ang tingin sa kanyang mukha. Kahit tulog ay halatang may kapilyuhan pa din ang kanyang itsura.

Marahan kong sinuklay ang may kahabaan niyang buhok. Ang iba duon ay nagulo at dumikit sa kanyang noo dahil sa pagkabasa.

Dahil sa aking ginawa ay bahagyang kumunot ang kanyang noo. Inaapoy na talaga siya ng lagnat.

"Stella..." paos na tawag niya sa akin na para bang napapanaginipan niya ako.

Marahan kong hinaplos ang kanyang pisngi. "Frank, nandito ako"

Parang may kung anong kumirot sa aking dibdib ng makita ko ang pagtulo ng luha mula sa gilid ng kanyang mga mata. Ilang beses niya akong tinawag sa kanyang panaginip habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata.

"Shh...Frank, wag mo akong takutin ng ganito" marahang bulong ko sa kanya habang patuloy na hinahaplos ang kanyang pisngi.

Tsaka lang ako nagpatulong kay Manang ng sa pantalon na. Sa tangkad ni Frank at sa haba ng paa ay hindi ko kakayanin ang pantalon niya.

Halos manginig pa ang kamay ko ng tumunog ang kanyang sinturon habang binubuksan ko. Napasulyap ako kay Manang, nagcoconcentrate din siya kaya naman nagiwas ako ng tingin.

Mabuti na lamang at nakaitim na boxer shorts ito. Medyo nahirapan kaming ibaba ang kanyang pantalon.

"Ay! Talong...ang laki" si Manang.

"Manang" sita ko sa kanya. Biglang uminit ang magkabilang pisngi ko.

Napanguso si Manang at napatawa. "At mahaba" patuloy na pangaasar pa niya kaya naman napailing na lamang ako.

Hindi ko kayang makipagbiruan ngayon. Pagkatapos kong asikasuhin si Frank ay pupuntahan ko pa si Mommy para kausapin. Ayokong tumagal na ganito kami. Kaming dalawa na lang, hindi ko kakayanin na lumipas ang isang araw na hindi kami magkaayos.

"Ang cute, pero ang sexy pa din" si Manang pa din ng subukan naming ipasuot kay Frank ang nakatagong pink na pajama sa aking closet.

Nakuha ko iyon sa isang exchange gift nung christmas reunion namin. Galing US kaya naman malaki ang size. Masyadong malaki sa akin.

Nang tuluyan naming maisuot ay lumagpas lang iyon ng kaunti sa tuhod ni Frank. Malaki kasing lalaki.

"May damit pa po ba si Daddy?" tanong ko kay Manang.

Kaagad siyang napahawak sa kanyang dibdib. "Baka multuhin tayo ng Daddy niyo" takot na sabi niya sa akin kaya naman napabuntong hininga ako. Si Manang talaga.

"Yung hindi pa po gamit Manang" sabi ko pa kaya naman napatango na lamang siya at kaagad na lumabas sa aking kwarto.

Pagod akong umupo sa gilid ng aking kama. Bigla iyong lumiit dahil sa laki ni Frank. Muli kong sinalat ang kanyang leeg, mainit pa din. Ilang oras na kaya si Frank sa ulanan kanina bago ako tinawag ni Manang?

"May sakit si Daddy..." kwento ko sa Baby namin.

Nanatili ang titig ko sa natutulog na si Frank. Sana ay kung lalaki, kamukha niya. Bawat parte ng kanyang mukha ay tinititigan ko. Masyadong gwapo, sakit talaga sa ulo.

Nang masigurado kong ayos na si Frank ay sandali ko muna siyang iniwanan para puntahan si Mommy. Tatlong katok ang nagawa ko bago ko binuksan ang pintuan at dumungaw sa loob.

Nakita ko siyang nakatayo sa may bintana, nakatingin sa malayo habang yakap ang wedding picture nila ni Daddy. May kung anong bumara sa aking lalamunan.

Kahit pa alam niya ang aking pagdating ay hindi niya ako nilingon. Nanatili ang kanyang tingin sa may bintana.

"Hindi mo pa din pinaalis?" tanong niya sa akin. Kahit ramdam ko ang galit duon ay nagawa pa din niya akong tanungin ng mahinahon.

"Inaapoy po ng lagnat, malakas pa din ang ulan. Baka kung mapaano siya sa daan" marahang paliwanag ko.

Ilang hakbang na lang ang layo ko sa kanya.

"Nung pinalayas ka niya, inisip din ba niya ang pwedeng mangyari sayo?" tanong niya sa akin kaya naman bumagsak ang aking tingin sa sahig.

Nung araw na iyon, ilang oras lang ang lumipas ay bumuhos din ang malakas na ulan. Kung hindi ako kinupkop ni Alfred ay siguradong nasa daan ako nuon at basa ng ulan.

Napangisi si Mommy kaya naman nagangat ako ng tingin. "Ginawa din sa akin iyan ng Daddy niya" sabi ni Mommy na ikinalaglag ng aking panga.

Napakurap kurap ako. Hindi ko kaagad naintindihan ang kanyang sinabi.

"Nakipaghiwalay sa akin. Hindi kasi pabor sa amin ang mga magulang niya. Pinangakong ipaglalaban ako, pero hindi niya ginawa" umiiyak na kwento ni Mommy sa akin.

Napatakip ako sa aking bibig. Para akong biglang naubusan ng dugo sa katawan. "Umalis siya papuntang America para duon magaral. Ang sabi niya sa akin, pagbalik niya...pwede na kami"

Parang akong pinutulan ng dila. Walang salitang gustong lumabas sa aking bibig. "Sa paghihintay ko, nakilala ko ang Daddy mo. Pinaglaban niya ako, bagay na hindi nagawa ni Federico nuon...unuwi siya ditong kasal na" kwento pa niya.

Gusto kong lapitan si Mommy at yakapin. "Nakalimutan ko na siya. Naintindihan ko na hindi kami para sa isa't isa. Pero ang malamang ginawa din iyon ng anak niya sayo...sobrang sakit nuon, Stella" pumiyok pang sabi ni Mommy.

Inipon ko ang lahat ng lakas ko para malapitan siya at mayakap.

"Nang sabihin niya sayong...hindi ka niya tanggap sa pamilya nila. Nagbalik sa akin ang lahat ng alaala, ganuon din ang mga magulang niya sa akin nuon" umiiyak na kwento pa niya.

Mas lalong humigpit ang yakap ko kay Mommy. "Masyadong mapaglaro ang tadhana...buong akala ko ay nakalimutan ko na. Na ayos na" sabi pa ni Mommy sa akin.

Hindi ko siya magawang aluin kaya naman mas lalo ko lang hinigpitan ang yakap sa kanya.

"Gusto ko siyang gayahin. Na kung kausapin niya ako, kung tingnan niya ako...parang hindi niya ako kilala"

Nang kumalma ay tsaka lang naikwento ni Mommy sa akin ang lahat. Halos nakanganga lang ako habang nagkwekwento siya. Hindi ako makapaniwala, kung sasabihin ni Mommy sa akin na nagbibiro lang siya at gumagawa lang ng kwento ay baka mas maniwala pa ako.

"Minahal ko si Sera na anak niya, si Frank din...tapos ganyan siya sayo?" may hinanakit na sabi niya.

"Ituloy na natin ito, Stella. Umuwi na tayo ng Davao" pakiusap ni Mommy sa akin.

Nasaktan ako dahil sa kanyang itsura. Para bang siya pa ang nagmamakaawa sa akin ngayon na umalis lang. Hindi ko siya matiis, hindi ko kayang tiisin si Mommy.

Marahan akong tumango. "Tuloy tayo, Mommy" pagsuko ko.

Pagod siyang ngumiti sa akin at niyakap ako. Dahil sa aking sinabi ay hinayaan niya akong patuluyin muna si Frank sa amin habang umuulan pa at mataas pa ang lagnat nito.

Pagbalik sa kwarto ay nanatili akong tulala. Hindi ko pa din maabsorb ang ikinwento ni Mommy sa akin.

Nagangat ako ng tingin ng bumukas ang pintuan at pumasok si Manang na may dalang tray. "Pagkagumising ay pakainin mo muna, para makainom ng gamot" sabi niya sa akin.

Pinanuod ko siya habang inilalapag iyon sa  may lamesa sa gilid ng aking kama.

"Manang..." tawag ko sa kanya. Ang alam ko ay hindi pa ikinakasal sina Mommy at Daddy ay naninilbihan na siya sa pamilya nila Daddy. Dalaga pa lang ay nandito na siya.

"Hindi ang Daddy mo ang first love ng Mommy mo" kwento niya sa akin.

Kagaya ng sinabi ni Mommy ay alam din ni Manang ang nangyari, ang kaso ay hindi niya kilala si Mr. Del prado.

Nang magising si Frank ay kaagad ko siyang inasikaso. Napanguso ako ng muli kong makita ang kabuuan niya. Ang sagwa tingnan sa kanya ng pink silk na pajama. Napahawak kaagad siya sa kanyang ulo ng umayos siya ng upo at sumandal sa headboard ng aking kama.

"Akala ko ay gigising ako sa gilid ng daan" sabi niya sa akin.

Hindi ko siya pinansin, sibuan ko pa ang loko. Kanina pa nakayakap sa aking unan na pink din ang punda.

"Masyado kang mabigat para maitapon palabas" balik na sabi ko kaya naman tumaas ang isang sulok ng kanyang labi.

Matapos kong masubuan ay muling humigpit ang yakap niya sa aking unan. Naginit ang aking magkabilang pisngi ng amoyin pa niya iyon.

"Amoy Stella. Iuuwi ko ito" sabi niya sa akin kaya naman sinamaan ko siya ng tingin.

Nagawa pa niyang mambola matapos ang engkwentro kanina at ngayon na may sakit siya.

"Frank, may nalaman ako..." sabi ko sa kanya.

Pakiramdam ko ay kailangan niyang malaman iyon. Kailangan niya ding maintindihan ang Daddy niya. Dahil nung nalaman ko iyon ay naintindihan ko si Mommy kahit papaano.

Seryoso lang siyang nakikinig sa akin. Nang matapos ang aking kwento ay muli siyang napahilamos sa kanyang mukha.

"So gusto nilang matulad tayo sa kanila? Hindi ako papayag!" giit ni Frank.

Hinawakan ko ang kamay niya, gusto ko siyang kumalma. Ang mahalaga ngayon, alam na namin ang rason. Mas makakaintindi na kami.

"Hindi din ako papayag" sabi ko. Umigting ang kanyang panga, bahagya akong hinigit para mahalikan ako sa noo.

"Kinilig ako duon" seryosong sabi niya kaya naman kumunot ang noo ko.

Nanatili siyang seryoso hanggang sa hindi niya na napigilan ang marahang pagngiti.

"Huh?"

"Na hindi ka papayag na hindi tayo. Mas lalo akong naging desidido Stella" sabi niya pa sa akin.

Nanatili ang tingin ko sa kanya. "Pahalik nga" sabi niya kaya naman kaagad ko siyang hinampas sa braso.

"Frank seryoso ako, magseryoso ka naman" suway ko sa kanya pero nagtaas lang siya ng kilay sa akin.

"Seryoso ako sayo" laban niya kaya naman napabuntong hininga na lamang ako. Hay naku Frank.

Ilang araw bago ang flight namin patungo sa Davao ay nagpaalam ako kay Mommy na luluwas ng Manila para bisitahin si Sera  kahit ang totoo ay magkikita kami ni Frank kasama sina Sergio at Sandra.

"Ikaw na muna ang bumisita sa kapatid mo, may lakad din ako" sabi niya sa akin at humalik pa bago ako ihatid pasakay sa aming sasakyan.

Sa condo ni Sandra ako dumiretso para sabay kaming pumunta sa restaurant na pagkikitaan namin nina Frank at Sergio.

"Dapat ay palaging sexy ang damit mo, para palaging mainit ulo ni Frank. Pustahan tayo, puputi kaagad buhok nuon" natatawang sabi ni Sandra sa akin.

Hinihintay ko na lamang siyang magayos. Kakareceive ko lang din ng message mula kay Frank na tapos na ang meeting nila at papunta na sila ngayon sa meeting place namin.

"Ang laki pala talaga ng companya nila Frank" sabi ni Sandra sa akin habang naglalagay siya ng make up. Ang kwento niya ay palagi siyang dinadala ni Sergio duon, ano kayang ginagawa nilang dalawa?

Napatango ako. "Apollo security company" basa ko sa header ng isang documento mula duon.

Sa companya kasi nila Frank kumukuha ang pamilya nila ng body guards para sa Daddy niya na senator.

"Apollo means...Sun, diba?" tanong niya sa akin. Napatango lang ako. Tatanungin ko pa sana kung bakit niya natanong ng kaagad na tumunog ang cellphone ko dahil sa tawag ni Frank.

Nagmadali na kaming umalis ni Sandra ng sabihin nitong nanduon na sila ni Sergio. "Masyadong excited, halatang sabik sa atin" sabi nito bago siya napahalakhak. Ang babaeng ito talaga!

Mabilis akong sinalubong ni Frank ng halik sa labi. Sandali lamang iyon dahil biglang tumikhim si Sandra. Kaagad na nagprotesta si Frank dahil duon.

"Kamusta ang meeting mo?" tanong ko sa kanya matapos naming makaorder.

Hinapit niya ako sa bewang para mas lalong makalapit sa kanya. Ilang beses niya akong hinalikan sa ulo.

"Ayos naman" sagot niya sa akin.

Napaiktad ako ng hampasin ni Sandra ang lamesa. "Hmp. Sergio, naiinggit ako" pagpaparinig nito kaya naman napatawa si Sergio.

Natigilan kami dahil sa pagmumura ni Frank. Nagulat din ako sa nakita. Si Mommy at Mr. Del prado ay sabay na pumasok sa restaurant kung nasaan kami.

Bahagya pa kaming napatalikod para lang hindi mapansin. Sakto kasing sa likod ng lamesa namin sila pinaupo ng waiter. Masyado silang seryoso na dalawa para mapansin pa kami at tumingin sa paligid.

Nanatili kaming tahimik, lalo na ng magumpisa silang magusap. "Hindi na lalapitan ng anak ko ang anak mo" seryosong sabi ni Mr. Del prado dito. Umigting ang panga ni Frank dahil sa narinig.

"Dapat lang. Hindi dapat maranasan ng anak ko ang naranasan ko sayo, Federico" si Mommy. Punong puno ng hinanakit ang kanyang boses.

"Wag kang magsalita ng ganyan na para bang ako ang unang nakahanap ng iba. Ikaw ang naunang makahanap ng iba" galit na sabi ni Mr. Del prado dito.

"Anong sabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ni Mommy.

Rinig namin ang pagtikhim ni Mr. Del prado. Sandaling naghari ang katahimikan sa kabilang lamesa.

"Kung ano man ang meron tayo nuon, kalimutan na natin. Ayoko ng maugnay pa ulit sa pamilya niyo" seryosong sabi ni Mommy.

Buong akala ko ay hindi ko na maririnig pa ulit ang boses ni Mr. Del prado.

"Kinalimutan na kita. Simula ng sinubukan kong balikan ka, pero nakita lang kitang kasama ang Serrano na iyon" sabi nito na ikinalaglag ng aking panga.

Maya maya ay narinig ko na ang paghikbi ni Mommy. "Hindi ako nanghihinyang na hindi tayo ang nagkatuluyan. Mahal ko ang anak ko..." si Mommy.

"Mahal ko din ang mga anak ko. Hindi ko man minahal ng buo ang Mommy nila. Mahal ko sina Frank at Frances" si Mr. Del prado.

Kaagad kong binalingan si Frank. Nakayuko lamang ito, nakaigting ang panga at nakakuyom ang kamao.

"That's why, I hate him" sambit ni Frank. Ramdam kong nasasaktan siya para sa Mommy niya. At ang sakit lang isiping dahil iyon sa Mommy ko.












(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro