Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 27

Mommy






Dahil nakatulog ako nung hapon ay hindi kaagad ako nakatulog nang gabi. Nanatili lang akong nakahiga sa may sofa. Panay ang basa ko ng baby book at kung ano ano tungkol sa pagbubuntis. Mahimbing na ang tulog ni Mommy, ang ibang gamot kasi niya ay pampaantok.

Napabalikwas ako ng tumunog ang aking cellphone. Nang makita kong si Sandra ang tumawag ay kaagad kong sinagot. Maingay ang background, mukhang nasa bar nanaman ang isang ito. Sana lang ay may kasama niya, mas makakampante ako kung kasama niya si Cedrick, pero sa aking nalaman ay mas mabuting wag na lang muna.

Ayokong masaktan si Sandra. Strong ang personality niya, pero pag nasaktan naman ay grabe din. Para ko na siyang kapatid kaya naman ayokong ganyan siya.

"Alam na daw ni Frank? Sinabi sa akin ni Sergio" giit niya.

Napaayos ako ng upo. "Nalaman niya kanina. Hindi ko alam kung paano" sagot ko sa kanya kaya naman kaagad kong narinig ang pagmumura niya sa kabilang linya.

Kumunot pa ang noo ko ng marinig kong may iba pa siyang kausap sa kabila. May kasama.

"Hindi ko sinabi kay Frank, promise" giit ng lalaki sa kabila. Sandali akong napaisip hanggang sa makilala ko ang boses. Kay Sergio iyon. Aba't magkasama nanaman ang dalawang ito.

"Sinungaling! Paano malalaman ni Frank iyon kung ganuon? Chismoso, basted ka na" asik ni Sandra dito.

Naangiti ako ng marinig ko pa ang pagprotesta ni Sergio mula sa kabilang linya. Nagtatalo nanaman ang dalawang ito. Lalaban pa si Sergio eh alam naman niyang hindi magpapatalo si Sandra sa kanya.

"Hindi ko sinabi, malay ko kung saan niya nalaman" giit pa din ni Sergio.

Sa tono ng boses nilang dalawa ay halatang nakainom pa silang pareho.

"Ewan ko sayo! Pag may ginawang hindi maganda si Frank sa baby at kay Stella. Paguuntugin ko talaga kayong dalawa" banta ni Sandra dito.

"Pupuntahan kita diyan bukas" sabi ni Sandra ng bumalik ang atensyon niya sa akin.

"Sige, mag enjoy ka diyan" nakangising sabi ko pa. Narinig ko ang pagtikhim niya, alam kong nakairap nanaman ito.

"Isasama ko si Alfred? Laban pa niya. Hindi talaga magpapatalo ang isang ito.

"Sige. Miss ko na din si Alfred" sabi ko sa kanya. Medyo naging busy si Alfred ngayob lalo na at minsan ay nagbobody guard siya sa ate ni Sandra.

"Talagang dadalhin ko. Humanda yang si Frank sa akin" nangigigil na sabi niya sa akin bago siya nagpaalam.

Napanguso na lamang ako ng ibaba ko ang tawag. Miss ko na silang dalawa, nasanay din kasi ako na bigla na lang silang susulpot na tatlo dito.

Babalik na sana ulit ako sa paghiga ng maramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura. Bigla akong nagcrave sa street foods. Sabi ko na nga ba, kanina kasi habang pabalik sa hospital ay may nakita akong stall.

"Baby, bukas na lang. Gabi na" pagkausap ko dito.

Pinilit ko ang sarili kong humiga at pumikit. Itutulog ko na lang ito. Pero wala pang ilang minuto ay nanuyo naman ang lalamunan ko, gusto ko talagang kumain ulit. Napatingin ako sa suot kong wrist watch, magaalas onse na ng gabi.

Wala akong magawa kundi ang magayos, nasa tapat lang naman ng hospital iyon. At kahit gabi na ay madami pa ding tao sa labas. Madami pa ding bukas na kainan. Hindi nakakatakot.

Dahan dahan ang paglabas na nagawa ko, mahimbing na ang tulog ni Mommy. Naisip ko bigla si Frank. Umuwi naman na siguro siya diba?

Pagkalabas ko ng pinto ay halos malaglag ang panga ko ng makita kong nakaupo pa din siya sa may bench sa tapat ng kwarto ni Mommy. Nakaupo, nakasandal sa pader at nakapikit. Nakaupo siyang natutulog, ano pang ginagawa niya dito?

Napatingin ako sa hallway, walang katao tao bukod sa napansin ko ang pagsilip ni Luis sa kabilang dulo ng hallway, umiinom ito ng kape. Pinadilatan ko siya ng mata at sumenyas pa na wag maingay.

Tumingin ulit ako kay Frank, nakapikit pa din siya. Ayokong magising siya dahil paniguradong sasama nanaman siya pag nalaman niyang lalabas ako. Ayoko siyang kasama! Ayaw din ni Baby!

Marahan ang bawat paggalaw ko para hindi makalikha ng kahit anong tunog. Napaangat ako ng tingin ng umubo si Luis. Aba't! Dahil tahimik ang hallway ay nagecho iyon dahilan para sandaling kumunot ang noo ni Frank.

Sinamaan ko ng tingin si Luis, itong alagad ni Frank ba ito. Manang mana sa amo nila!  Buong akala ko ay makukuha ko siya sa tingin, pero ng muli kong binalak na humakbang ay talaga namang hindi na siya nagpapigil pa.

"Ehem!" sinadya niya iyon dahilan kung bakit dahan dahang gumising si Frank. Mariin akong napapikit. Bwiset.

"Stella, saan ka pupunta?" tanong ni Frak sa akin. Ramdam sa kanyang boses na kagagaling niya lang sa pagtulog.

Hindi ko siya nilingon pero naramdaman ko kaagad ang paglapit niya sa akin.

"Alas onse na ah, aba't gagala ka pa?" tanong niya sa akin.

Sasamaan ko sana siya ng tingin ng tingin ng lingonin ko siya pero naabutan kong nagkukusot ito ng mata, bahagya pang napahikab.

"Hindi ako gagala, umuwi ka na Frank" sabi ko sa kanya.

Napanguso siya bago pinasadahan ng suklay ang may kahabaang buhok gamit ang mga daliri.

"Hindi mo ako mapapauwi, Stella" laban niya sa akin.

Namanhid nanaman ang buong katawan ko ng maramdaman ko ang kamay niya sa aking likuran. "Saan ka pupunta? Sama ako" parang batang sabi niya kaya naman inirapan ko siya.

Hindi ko na lang sinagot, tahimik akong naglakad. Nagiwas kaagad ng tingin si Luis sa akin at sumimsim sa kanyang hawak na kape na akala mo ay wala siyang ginawa.

"Akala siguro makakatakas" nakangising sabi ni Frank dito. Manang mana talaga.

Nagdirediretso ako ng lakad palabas ng hospital. Sobrang tahimik, kung ano ano tuloy ang pumasok sa isip ko tungkol sa mga nakakatakot na kwento.

"May gusto kang kainin? Dapat sinabi mo sa akin para ako ang bumili" sabi pa niya pagkapasok namin sa elevator. Nagsumiksik ako sa may gilid, siya ang pumindot ng button.

Nakapamewang siya sa akin ng humarap siya. Bumaba ang tingin niya sa aking katawan kaya naman halos maginit ang magkabilang pisngi ko. Nanlaki ang aking mga mata ng hinubad niya ang suot na jacket.

Mas lalo akong dumikit sa pader ng elevator. "Anong ginagawa mo?"

Nagtaas siya ng kilay kasabay ng pagtaas ng isang sulok ng kanyang labi. "Masyado namang nerbyosa si Mommy" nakangising sabi niya sa akin kaya naman mas lalong naginit ang aking buong mukha.

Nang tuluyang mahubad ay kaagad siyang lumapit sa akin para isuot iyon. "Malamig sa labas..." sabi niya.

Nagiwas ako ng tingin habang hinahayaan siyang gawin iyon. Wala na akong magagawa pa, mapapagod lang ako kung makikipagtalo pa ako sa kanya.

Matapos maisuot sa akin ay sandali pang pumasada ang kamay niya sa aking bewang. Tipid siyang ngumiti sa akin.

"Daddy na ako" sambit niya, para bang hanggang ngayon ay hindi pa din siya makapaniwala. Ramdam ko ang saya duon.

Mas lalo akong nagiwas ng tingin. Puno ng halo halong emosyon ang kanyang mga mata, ayokong malunod duon. Baka mamaya ay bumigay ako.

"Kailan mo nalaman?" tanong pa niya. Nagangat ako ng tingin sa elevetor, iyon na ata ang pinakamatagal kong sakay sa elevator dahil sa kanya.

"Nung nasa Guam ako" sagot ko sa kanya. Alam naman na niya, hindi ko na kailangang magsinungaling pa.

Napasinghap siya. "At wala kang balak umuwi nuon, kung hindi ko pa binili ang mga property niyo..." akusa niya sa akin kaya naman bumagsak ang tingin ko sa sahig.

Hindi ako nakaimik ng marahan niya akong halikan sa pisngi. Mabuti na lang ay kasabay nuon, bumukas na ang elevator kaya naman nagkaroon ako ng rason na itulak siya palayo sa akin para makadaan ako.

Tahimik lang siya sa aking likuran at nakasunod. Sa tuwing nililingon ko siya ay nahuhuli kong nakatingin siya sa katawan ko. Napapanguso na lang siya pagnahuhuli ko siya. Duon ko lang naalala na gusto niyang nakikita ako na suot ang damit niya.

Lumapit ako sa nagtitinda ng mga street foods. May ilan ding kumakain,may ilang nurse din ako nakitang napapahinga sa may gilid ng tindahan, umiinom ng softdrinks at kumakain din.

Kumuha ako ng baso at stick. Naramdaman ko ang pagtabi ni Frank sa akin. Kumunot pa ang noo ko ng maramdaman ko ang dahan dahan niyang paghilig sa akin. Kaagad ko siyang siniko dahilan para hindi niya maituloy iyon.

Pinanlisik ko siya ng mata. Bahagya pa akong naawa ng makita kong nakahawak siya sa kanyang tagiliran na siniko ko.

"Ba...bakit ka ba kasi lumalapit?" inis na tanong ko.

Nagpatuloy siya sa paghimas ng kanyang tagiliran. "May ibubulong lang eh" sabi niya sa akin.

"Ano bang sasabihin mo na kailangan pa talagang ibulong?" laban ko.

Tumikhim siya. Nakita ko ang sandali niyang pagsulyap kay Manong na nagtitinda.

"Malinis ba yan? Baka sumakit ang tiyan mo" sabi niya sa akin kaya naman napasapo ako sa aking noo.

Itong Frank na to, nakakahiya kay Manong!

"Malinis po ito Boss" natatawang sabi ni Manong, mabuti na lang at mabait ito.

Tumango si Frank, nakita ko iyon kahit halos hindi ako makapagangat ng tingin kay Manong, ako ang nahihiya para kay Frank.

"Pasencya na Manong. Nagiingat lang, buntis kasi..." sabi niya dito.

Sa huli, nagkasundo pa silang dalawa. Nagkwentuhan pa, kagaya ko ay kumakain din siya. Panay pa ang tusok, mukhang mas gutom pa sa akin.

"Gusto mo pa?" tanong niya sa akin ng makitang kaunti na lang ang laman ng baso ko.

Marahan akong umiling sa kanya. "Ako gusto ko pa" nakangising sabi niya at muling tumusok.

Inirapan ko na lamang siya. Mukhang nagustuhan niya, pero kanina kung makatanong kung malinis ba ay wagas.

"Ang ganda ng asawa niyo boss" si Manong. Bigla tuloy akong nawalan ng gana.

Napangisi si Frank. "Syempre naman" pagyayabang niya kay Manong. Halos mamuwalan na siya. Parang hindi kumain kaninang dinner.

Sinamaan ko siya ng tingin. Aba't feel na feel naman niya. Hindi naman niya ako asawa!

"Panganay, Boss?" panguusisa pa ni Manong. Aba't chismoso.

Tumango si Frank. "Babalik kami dito sa susunod na taon para sa pangalawa" natatawang sabi niya kay Manong. Ang kapal talaga!

Matapos kumain ay bumalik kami sa may convinient store, bigla ko kasing gustong uminom ng malamig na chocolate drink. Nakasunod pa din si Frank sa akin.

"Hindi kasi ako nakakain ng Dinner kanina. Nakatulog ako ng gutom" pagkwekwento niya, nakahawak pa ito sa kanyang tiyan. Hindi ko naman siya tinatanong, ang daldal.

Kumuha ako ng chocolate drink. Kumuha din si Frank, kape ang sa kanya.

"Nakakatuwa pala ang food trip ng mga buntis" natatawang sabi niya sa akin ng kuhanin niya sa kamay ko ang inumin para bayaran sa may counter.

"Dahil hindi maarte ang Baby ko" sagot ko. Para na din ipamukha sa kanya na sa akin ng magmana ang anak namin at hindi sa kanya na maarte.

"Baby natin" pagtatama niya. Sandaling nawala ang atensyon niya sa akin ng magbayad na siya sa may counter.

Napahawak siya sa kanyang batok habang naglalakad kami pabalik. Siguro, hindi naman masama kung pagbigyan ko si Frank sa maiksing panahon na ito. Para naman wala siyang maisumbat sa akin, hinayaan ko siyang magkaroon ng pagkakataon na ganito.

"Aba't patulog tulog pa ang mga ito" sabi niya ng maabutan naming nakapikit si Luis sa pwesto niya kanina.

"Hayaan mo na yung tao, natutulog" suway ko sa kanya. Balak pa atang pagalitan.

Natahimik na lang si Frank at hindi na nagsalita. "Buti pa si Luis ah..." bulong bulong niya na hindi ko na lang pinansin.

Sumama siya sa akin hanggang sa tapat ng pintuan. Bahagya ko ng nabuksan iyon kaya naman naramdaman ko na ang lamig sa loob.

"Matutulog ka na?" tanong niya sa akin. Naabutan ko pa siyang sumisilip sa loob ng kwarto.

"Magbabasa pa. Hindi pa ako inaantok, nakatulog ako kanina" sagot ko sabay iwas ng tingin.

"Dito ka na lang magbasa, pabasa din ako" sabi niya sa akin kaya naman sinimangutan ko siya.

"Ako muna ang magbabantay habang tulog si Luis" sabi pa niya. Akala mo naman talaga ang bait bait. Gumagawa lang ito ng palusot.

Napabuntong hininga na lang ako at tumango bilang pagsuko. "Kukuhanin ko lang" paalam ko sa kanya at kaagad na pumasok sa kwarto.

Hay naku, Stella.

Pagkalabas ko ay nanatili pa din siya sa kinatatayuan niya kanina. Tipid siyang ngumiti sa akin ng bumaba ang tingin sa mga librong hawak ko.

"Paano ako makakabasa kung hindi tayo magkatabi?" pamomorblema niya ng umupo ako at kaagad na inilapag ang mga libro sa katabi kong upuan.

"Magbasa ka ng iba, ang dami daming libro" sabi ko sa kanya kaya naman nagigting ang kanyang panga at sumuko na lang.

Tahimik kami nung una, nakita ko naman na mukha talaga siyang interisado sa mga libro tungkol sa mga Baby at sa pagbubuntis. Nakita ko ulit yung picture na nagpapakita kung gaano na kalaki ang Baby namin.

"Ganito na siya kalaki" turo ko sa litrato.

Napanguso ako ng makita ko ang titig ni Frank sa litrato. Hindi lang iyon, halos mamula din ang kanyang mga mata.

Nang mahusto ay nagulat ako ng tumayo siya para lumuhod sa aking harapan. Dahil sa gulat ay hindi kaagad ako nakagalaw. Kinuha niya ang phone niya, itinabi ang litrato sa tiyan ko at nagpapicture duon.

"Anong ginagawa mo?" tanong ko.

"Nagpapapicture sa tiyan mo" natatawang sagot niya sa akin.

"Ang corny corny mo, Frank" akusa ko sa kanya.

Nagtaas siya ng kilay. "Kaya nga kita nagustuhan eh, pareho tayong corny" sabi pa niya. Aba't nangdamay pa!

Hindi na ako nakaimik pa dahil sa kanyang sinabi. Parang biglang nawala ang pagiging masungit niya. Ganito na ata talaga siya, nauna ko lang siyang nakilala na masungit.

Nang pumasok ako sa kwarto ni Mommy ay muli siyang naiwan magisa sa labas. Sakto ding gumising na si Luis kaya bahala na silang dalawa.

Bago magtanghali ay magkasabay na dumating sina Manang at sila Sandra. Nakabuntot nanaman sa kanya si Sergio.

"Bagong bodyguard mo ba si Sergio?" natatawang sabi ko kay Sandra pero mas lalo lang siyang bumusangot.

"Hindi pwedeng bagong boyfriend?" nakangising sabi ni Sergio. Kahit umirap ay nakita ko pa din kung paano namula ang mukha ng aking kaibigan. Tingnan mo ang isang ito, marupok din.

"Stella" tawag sa akin ni Alfred. Kaagad kong sinalubong ang yakap niya sa akin. Nagtagal iyon dahil medyo napahigpit ang yakap ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit gustong gusto ko ang amoy ni Alfred.

"Oh tama na yan. Bestfriend ko pa din si Frank" pagpaparinig ni Sergio.

"Oh talaga ba? Mukha ba kaming may pake?" inis na sabi ni Sandra sa kanya kaya naman napailing at napangisi na lamang si Sergio.

Hindi pa man kami nakakabawi ng matigilan kaming lahat dahil sa pagdating ni Frank. Ano ba to? Kabute?

"Anong kaguluhan ito?" matigas na tanong niya sa amin.

Sandaling may ibinulong si Luis sa kanya kaya naman halos malukot ang kanyang mukha dahil sa pagkakakunot.

Nang marinig na ang lahat ay sumama ang tingin niya sa katabi kong si Alfred. Basa pa ang may kahabaan niyang buhok. Ayan nanaman siya sa usual niya suot. Dark blue polo shirt na nakatupi hanggang siko, dark pants at brown belt and boots. Para talaga siyang yung lead man na napapanuod ko sa mexican teleserye na pinapanuod ko nung bata ako.

Nagiwas na lang ako ng tingin. Anak naman, masyado kang namamangha sa Daddy mo. Wag mong idamay si Mommy.

"Mga chismoso" pagpaparinig ni Sandra. Ngumisi ang katabi niyang si Sergio. Bahagya akong lumapit kay Alfred, baka mamaya ay paginitan nanaman niya ito.

"Bakit nagpapayakap ka kung kanikanino?" masungit na tanong niya sa akin pero ang matalim niyang tingin ay na kay Alfred.

"Pwede ba, Frank kaibigan ko si Alfred" suway ko sa kanya. Umagang umaga ay gagawa nanaman siya ng away.

Tumikhim siya at bayolenteng napalunok. "Nagpabili ako ng prutas, para sayo at sa anak natin" pagpaparinig niya at talaga namang dininan pa yuny salitang anak natin.

Sumama ang tingin ko sa kanya. Wala man lang siyang kunsidirasyon para kay Alfred. Wala talagang puso ang isang ito.

Hindi ko siya pinansin. Niyaya ko na sina Sandra at Alfred papasok sa kwarto ni Mommy para maipakilala ko sila.

"Bakit wala akong yakap?" pagpaparinig ni Frank. Hindi ko siya pinansin, bahala silang dalawa ni Sergio.

"Mabaho ka daw" pangaasar ni Sergio sa kaibigan.

Minura siya ni Frank. "Traydor" asik ni Frank sa kaibigan pero tinawanan siya ni Sergio.

"Salamat sa inyo, hindi niyo pinabayaan si Stella habang wala ako" marahang sabi ni Mommy sa kanila. Nakatayo ang mga ito sa kanyang gilid.

"Ako lang po Tita, ito pong mga to..." tinuro niya ang tatlong lalaki. "Wala pong mga pakinabang" sabi pa ni Sandra.

Tumawa si Sergio na para bang proud na proud sa girlfriend niya eh hindi pa naman sila. Sina Alfred at Frank lang ang nagprotesta na akala mo naman talaga tong si Frank!

Natawa si Mommy dahil sa pagiging madaldal ni Sandra. Walang imik ang tatlong lalaki sa kanya dahil hindi nila ito kaya.

"Masaya ako at may mga kaibigan si Stella na kagaya niyo" Si Mommy.

Tumikhim si Frank kaya naman lahat kami ay napatingin sa kanya. Anong problema nito?

"Uy, yung may mga ubo diyan, lumabas ha" pagtataboy ni Sandra sa kanya.

Sandali siyang pinagmasdan ni Mommy. "Ikaw ang Kuya ni Sera hindi ba?" tanong ni Mommy sa kanya.

"Opo, Ma" sagot ni Frank ba ikinalaglag ng aking panga.

Walang nakaimik dahil sa kanyang sinabi. Maging si Mommy ay sandaling napatameme.

Marahan itong tumango. "Kuya ka ni Sera, pwede mo akong tawaging Ma. Sana ay ituring mo ding kapatid itong anak kong si Stella, kagaya ni Sera" sabi ni Mommy kaya naman namanhid ako.

Napaubo si Sergio at si Sandra, umigting naman ang panga ni Frank at nagiwas ng tingin. Kami lang ni Alfred ang matino.

"Naku, inuubo na tayong lahat" pagpaparinig ni Sandra dahil sa awkward na katahimikan. Hindi pa alam ni Mommy ang tungkol sa amin ni Frank.

"Ok po, Mommy" sabi ni Frank at sumulyap pa kay Alfred na para bang nagyayabang.

Sinadyang umubo ni Sandra. "Ehem, ang kapal" pagpaparinig niya dito pero inirapan lang siya ni Frank.

Hinayaan akong sumama ni Mommy sa kanila para kumain ng lunch sa labas. Naiwan si Manang sa kanya kaya naman nakampante ako kahit papaano.

"Kamusta ka na? Balita ko may something sa inyo ni Ate Isabel" pangaasar ko kay Alfred ng sabay kaming maglakad.

"Saan mo nalaman iyan?" masungit na tanong niya sa akin kaya naman napanguso ako.

"Kinwento sa akin ni Sandra. Mukhang may gusto sayo ang Ate niya" nakangiting sabi ko pa sa kanya.

Tumikhim siya at nagiwas ng tingin. "Hindi siya ang tipo ko" sabi ni Alfred kaya naman bumagsak ang aking balikat.

Nameet ko na ang Ate ni Sandra, mabait ito at maganda. Gusto ko din namang sumaya si Alfred, he deserve to be loved.

Ako ang pinapili nila ng kakainan. Tuwang tuwa pa ako kay Sandra dahil kinakausap pa nito ang Baby sa tiyan ko na para bang sasagot iyon sa kanya.

"Tabi kami ni Stella" sabi niya kaagad ng ihatid kami ng waiter sa lamesa para sa amin.

Napamura si Frank ng tumabi ako kay Alfred dahilan kung bakit wala siyang nagawa kundi ang tabihan ang kaibigang si Sergio.

"Kailan ka luluwas ng Manila?" tanong ni Sandra sa akin habang naghihintay kami ng order.

Hindi ako nakasagot kaagad ng mapansin kong nakatingin silang lahat sa akin. Naghihintay din ng sagot.

"Uhm, hindi ko pa alam" sagot ko na lang at nagiwas ng tingin sa kanilang lahat para sumimsim ng tubig.

"I'll meet my highschool friends. Ipapakilala kita" sabi ni Sandra sa akin.

Tumikhim si Frank. "Mga lalaki ba iyan?" matigas na tanong niya dito.

Tinarayan siya ni Sandra. "Oh eh, ano naman sayo? Kayo ba ni Stella?" laban ni Sandra sa kanya.

Halos mamula nanaman si Frank sa inis. Hinawakan siya ni Sergio sa balikat pero tinabig niya lang ito.

"Kayo ba, Stella?" tanong ni Sandra sa akin. Bigla akong nagulat, itong si Sandra talaga.

"Hindi" tipid kong sagot.

Inisang tungga ni Frank ang baso ng juice sa kanyang harapan. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag ng hindi na siya nagsalita pa.

"Paborito mo ito, Diba?" tanong ni Alfred sa akin.

Kaagad ko siyang tinanguan at nginitian. Mabilis niyang inilagay ang nasabing ulam sa aking plato. Matapos iyon ay hindi na ako nangahas na magangat pa ng tingin.

"Birthday ni Tita Choleng sa susunod na araw. Sana makapunta ka" pagiimbita ni Alfred sa akin.

Kaagad akong tumango. "Pupunta ako" sabi ko sa kanya.

"Hindi pupunta si Stella" biglang singit ni Frank na ikinagulat namin.

"Dadalhin ko siya sa bahay, ipapakilala ko siya sa magulang ko" seryosong sabi nito. Nalaglag ang panga ko.

Ang Daddy niya? Hindi na!

"Hindi ikaw ang magdedesisyon niyan" laban ko sa kanya. Natahimik ang mga kasama namin sa lamesa.

Umigting ang kanyang panga. "Ipapakilala kita dahil Del prado ang dinadala mo, at sa ayaw o sa gusto mo. Gagawin din kitang Del prado" banta niya sa akin.












(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro