Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

XII: Camouflage


CHAPTER XII:

Camouflage

Third Person's POV


"Axel..."


Nagbalik sa kasalukuyan ang atensyon ni Axel matapos tapikin ni Cielo ang kanyang balikat. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa harap ng isang hagdan habang nasa kanyang unahan ang kunot-noong si Cielo.


"Pasensya na." Sabi na lamang ni Axel dahilan para mapagpatuloy si Cielo sa pag-akyat ng hagdan at sumunod kay Harper at Mang Franco na siyang nag-iisang may bitbit na malaking baril.


Nang makarating sa pan-limang palapag ng gusaling pinasok ay agad na bumungad sa kanila ang isang malinis at maayos na silid na nagsisilbing opisina para sa isang kompanya. May malaking bintana ang silid na natatakpan ng isang makapal na kurtina kaya naman napagdesisyunan nilang dito na pansamantalang magpahinga at magtago.


Nakapatay ang mga ilaw at tanging ang maliit na liwanag lamang mula sa isang flashlight ang nagsisilbi nilang gabay. Nakaupo lamang silang lahat sa sahig at pilit na hinihinaan ang kanilang mga boses. Sa kabila ng apat na sulok ng kwartong nakapalibot sa kanila, maingat parin sila sa bawat galaw sa takot na baka may makapansin sa kanilang kinaroroonan.


"Okay lang naman siguro si Dana doon diba?" Hindi maiwasan ni Cielo na magtanong gamit ang mahinang boses habang inilalabas ang mga pagkain at maiinom mula sa kanyang backpack.


"I'm sure she's doing okay, si Dana pa." Paniniguro ni Harper sabay ngiti ng tipid.


"Anong ginagawa mo?" Tanong ni Axel nang mapansin niyang tila ba may hinahanap si Mang Franco sa bawat aparador at mesa ng opisina.


"Mapa." Tipid na sambit nito kaya naman agad na napahawak si Axel sa kanyang bulsa at hinugot mula rito ang kanyang cellphone.


"Meron ako dito kaso litrato lang." Sabi ni Axel kaya naman dali-daling lumapit sa kanya ang guwardya upang tingnan ito.


"Why do you have a map of Drayton on your phone?" Kunot-noong sambit ni Cielo.


"Ganito kami ng banda ko sa tuwing may gig kami, ayaw naming maligaw o kung ano man." Paliwanag ni Axel .


"Wala parin bang signal o kahit na anong connectivity?" Hindi maiwasan ni Cielo na mapangiwi.


"Umakyat na kami sa puno, sinubukan na namin ang lahat, wala talaga." Nanlulumong sambit ni Harper at inilabas rin ang sariling cellphone mula sa bulsa. Di gaya ng kay Axel, ang cellphone niya ay wasak na at hindi na gumagana pa.


"What are you looking for?" Tanong na lamang ni Cielo nang mapansing taimtim na pinagmamasdan ni Mang Franco ang mapa na tila ba may hinahanap at kinakabisado.


"Ang daan patungo sa estasyon ng pulis..." Mahinang sambit ni Mang Franco na ngayo'y gumagawa na ng guhit sa kanyang palad, "Siguradong may mga bala at armas pa doon, maari ring doon nagpunta si Mayor."


"Forget about your job, hindi mo na sila kailangang protektahan. May pamilya ka, sila ang isipin mo. Dapat kang mabuhay para sa kanila." Giit ni Harper dahilan para mahinto si Mang Franco sa ginagawa at mapasandal na lamang ito sa mesa.


"Matagal na silang wala... Natupok ng apoy ang bahay namin sa probinsya at wala ako para protektahan sila." Mahinang sambit ni Mang Franco dahilan para matahimik si Harper at mapatingin na lamang sa kawalan.


"Kaya mo sila hinahanap... Kasi wala nang mawawala sa'yo? Wala ka nang pamilyang po-protektahan kaya po-protektahan mo nalang ang iba?" Hindi na maitago pa ni Cielo ang lungkot sa kanyang mga mata.


Imbes na sumagot ay kinuha na lamang ng guwardya ang kanyang baril at gamit ang maliit na basahan ay pinunasan niya ito.


"Nasa sa inyo na kung sasama kayo o hindi." Aniya sabay sulyap sa kanyang relo.


"What happened to Dana's parents?" Pag-iiba ni Cielo ng usapan saka napasulyap kay Harper na tila ba nakalalim ng iniisip habang nakakuyom ang kamao.


"Ha?" Bahagyang nagulat si Harper.


"Ang parents ni Dana, wala narin ba sila?" Pag-uulit ni Cielo ng kanyang tanong kaya umiling si Harper bilang sagot.


"Sabi niya natagpuan niya ang bangkay ng papa niya sa ref nila tapos bigla itong gumulaw ulit at tinangka na siyang patayin, pati narin ng mama niya. They almost killed her if it wasn't for Shem. Shem saved her and that's when we found each other." Paliwanag ng nanlulumong si Harper.


"Ang sa'yo? Asan ang pamilya mo?" Tanong ni Axel dahilan para unti-unting mapangiti si Harper.


"They're fine. Matagal na silang umalis ng Drayton, more like pinaalis. I'm the only one in the family here." Sabi ni Harper ngunit sa kabila ng ngiti niya ay bakas parin ang lungkot sa pagmumukha niya.


Upang malihis ang usapan ay kinuha na lamang ni Harper ang isang bote ng alak at ipinasok sa loob nito ang isang panyo na mula sa kanyang bulsa.


"Anong gagawin mo diyan?" Agad na tanong ng guwardya.


"Di mo pala alam ano 'to?" Pabirong sambit ni Harper, "Molotov Cocktail. Maliit pero mabagsik. Isang tapon, sabog ang iilang nakapaligid sayo. Tinuro sakin 'to ni Dana kanina. Kaso iisang bote nalang ang meron ako." Dagdag pa nito.


"Pero mas mabagsik 'to." Natatawang sambit ni Mang Franco at bigla na lamang may hinugot mula sa bulsa niya—isang Granada.


"Shit!" Sa sobrang gulat ay agad na napatayo sina Harper, Axel at Cielo dahilan para lalong matawa ang guwardya.


"S-saan galing yan? Manong please ingat ka diyan, baka mamaya malaglag mo 'yan, patay tayong lahat." Natatakot na sambit ni Harper.


"Ito nalang ang natitira mula sa nakuha namin sa isang outpost. Kahapon ko pa 'to iniingatan, naghihintay lang ako sa tamang pagkakataon para gamitin 'to." Nakangiting sambit ni Mang Franco.


Napabuntong-hininga si Cielo at napatitig sa bintana. Sa di malamang dahilan, natagpuan niya ang kanyang sariling naglalakad patungo sa direksyon ng bintana.


"'Wag masyadong malapit." Paalala sa kanya ni Mang Franco ngunit patuloy lamang siya sa paglapit hanggang sa mapahawak siya sa makapal na kurtina.


"Cielo?" Tawag sa kanya ni Axel ngunit hindi sila pinapakinggan ni Cielo. Nakatuon lamang ang buong atensyon nito sa bintana at sa tanawing nasa likod lamang ng makapal na kurtina.


"Shhh..." Napahinga ng malalim si Cielo. Gamit ang mga kamay na nangangatog ay dahan-dahan niyang hinawi ang napakaliit na bahagi ng kurtina, sapat para makasilip siya sa labas.


Nanlaki ang mga mata ni Cielo sa gulat nang mamataan si Church na tumatakbo sa isang kalsada habang karga-karga si Pip. Madali lamang silang mamataan lalo pa't panay ang pag-iyak at pagpupumiglas ng batang si Pip.


"Dana..." Napasinghap si Cielo lalo na nang makita ang dating kaibigan na tumatakbo hindi kalayuan sa kinaroroonan ni Church kasama si Wacky.


"Ano?" Agad na lumapit ang guwardya sa bintana at nakisilip rin dito. Laking gulat niya nang mapagtantong ang batang si Pip ang karga-karga ni Church. Maging sina Harper at Axel ay dali-dali ring sumilip sa bintana.


"Sa ingay ng bata, mahahanap sila ng mga skunks." Mahinang sambit ni Harper.


"Nalintikan na, may mga skunks sa direksyong tinatakbuhan nila." Gulat namang sambit ni Axel nang mamataan ang iilang mga kalalakihang may dalang sulo na animo'y makakasalubong na ng apat.


"Hijo samahan mo ako, kukunin natin sila. Kayong mga babae, dito lang kayo." Maotoridad na sambit ni Mang Franco at dali-daling kinuha ang baril at pati narin ang boteng may lamang alak at piraso ng tela.


"Teka asan si Cielo?" Kunot-noong sambit ni Axel nang mapansing wala na si Cielo sa kinaroroonan nila.


****


"Dana!" Dala ng labis na takot at pag-aalala, hindi mapigilan ni Cielo na mapasigaw habang kumakaripas ng takbo paalis ng gusaling pinagtataguan. Nang tuluyang makalabas, dali-dali siyang nagtatakbo sa direksyon ng kalsada kung saan naroroon ang mga ito.


Nang maihulog ni Dana ang piso sa machine ay hindi niya mapigilang mapapalakpak lalo na nang bumungad sa kanilang dalawa ni Cielo ang mukha ng mga karakter sa laro ng Mortal Kombat.


"Ako parin si Reptile ha?" Sabi ni Dana at agad na hinawakan at hinigit patagilid ang controller nito.


"Mukha kang si Sindel." Pang-aasar ni Cielo kaya agad siyang siniko ni Dana.


"Humanda ka sub-zero, kakainin ka ni Reptile ko mamaya." Pagmamayabang ni Dana ngunit sa isang iglap ay biglang nawala ang ngiti sa mukha niya. Nagtaka si Cielo sa biglang pagbabago ng reaksyon ni Dana kaya naman agad siyang napalingon sa kanyang likuran. Laking gulat niya nang makita ang kanyang lolo na nagpupuyos sa galit, wala na silang nagawa pa nang bigla na lamang nitong hinigit ng marahas ang tenga ni Cielo.


"Lolo! Lolo 'wag po!" Iyak agad ni Cielo sa labis na sakit habang kinakaladkad siya ng kanyang lolo papunta sa luma at makalawang nitong sasakyan.


Gustuhin man ni Dana na tulungan ang kaibigan, wala siyang magawa dahil sa labis na takot. Naiwan siyang nakatayo at hindi makakilos.


Nang makarating sa kanilang malaking bahay ay agad na itinulak ng matanda ang walang kalaban-labang si Cielo dahilan para matumba ito sa sahig at mapagapang papunta sa dulo ng sofa upang magtago at magmakaawa.


"Lolo sorry po, sorry po." Panay ang paghagulgol ng batang si Cielo ngunit imbes na maawa ay kinuha lamang ng matandang lalake ang kanyang baston na gawa sa matigas na uri ng kahoy.


"Hindi ba't sinabi ko sa'yong manatili ka lang sa kwarto mo?!" Nanggagalaiting sambit ng matandang lalake sabay turo ng baston sa direksyon ng takot na takot na si Cielo.


"S-sorry po, sorry po." Wala nang ibang nagawa pa si Cielo kundi humagulgol habang tinatanggap ang bawat paghataw sa kanya ng baston. Natatamaan ang likod niya kaya naman sinusubukan niyang itaas ang kanyang mga kamay na nagsisimula naring mamula.


Natigil lamang ang matanda sa paghampas sa kanya nang may marinig siyang kumakalampag sa pinto.


"Hindi pa tayo tapos." Walang emosyong sambit ng matanda at agad na nagtungo sa pinto. Nang buksan niya ito ay agad na bumungad sa kanya ang mukha ng hepe ng mga pulis na si Chief Razon, nagngingitngit ito sa galit habang nasa likuran nito ang takot na takot na si Dana na animo'y nagtatago.


"Ano aarestuhin mo na naman ako dahil sa pag-didisiplina ko sa apo kong sutil?!" Bulyaw agad ng matanda sa pulis pagka't hindi ito ang unang pagkakataon na sumugod rito ang pulis.


"Kung hindi ka kakasuhan ng mga kadugo mo, ako mismo ang gagawa ng paraan para mabulok ka sa bilangguan oras na saktan mo ulit ang bata." Matalim na pagbabanta ng pulis at walang ano-ano'y agad na pumasok sa loob ng bahay at kinarga palabas ang umiiyak na si Cielo.


Kapwa namumugto ang mga mata nina Cielo at Dana habang nasa loob ng isang cake shop. Umiiyak man, magkahawak naman ang kamay ng dalawa na animo'y pilit na pinalalakas ang kalooban ng isa't-isa.


"Tahan na kayo, baka malaglag ang mga sipon niyo sa cake, ayaw niyo naman ng icing na gawa sa sipon diba?" Biro na lamang ni Chief Razon at isa-isang nilapag sa harapan nila ang mga piraso ng cake.


"S-salamat po..." Umiiyak na sambit ni Cielo kaya ngumiti na lamang ang pulis.


"Kay Diana ka dapat magpasalamat, siya nalang ang laging nagsusumbong sakin sa tuwing sinasaktan ka ng lolo mo. Maswerte ka't may kaibigan ka na laging pumoprotekta sa'yo." Sabi pa ng pulis dahilan para mapahawak ng mahigpit si Cielo sa kamay ni Dana.


Napasinghap si Cielo at hindi na niya napigilan pa ang kanyang luha nang biglang bumalik sa isipan niya ang nakaraan. Dahil rito ay mas binilisan niya ang pagtakbo kahit pa sumasakit na ang mga paa niya't nagsisimula na siyang mahirapan sa paghinga.


Takbo ng takbo si Cielo hanggang sa maligaw siya, panay ang pagliko-liko niya sa bawat kalye hanggang sa may maaninag siyang liwanag at habang papalapit siya rito ng papalapit ay labis siyang nagimbal sa nasaksihan—Sina Dana, Wacky, Church at ang karga-karga nitong si Pip ay ngayo'y napapalibutan na ng mga bayolenteng nilalang.


"Dana..." Napatakip sa kanyang bibig ang umiiyak na si Cielo. Kitang-kita niya ng lito at takot sa luhaang mukha ni Dana, wala itong kalaban-laban at wala nang matatakbuhan pa gaya nina Church, Wacky at Pip.


Nilibot ni Cielo ang kanyang paningin at nang makita niya ang isang kotse ay dali-dali at walang paligoy-ligoy niya itong inakyat. Nang tuluyan siyang makatayo sa ibabaw nito ay huminga siya ng malalim at buong lakas na nagsisigaw.


"Hoy mga lintik na pangit! Dito! Tingin kayo dito! Andito ako oh?! Putangina niyong lahat!" Habang sumisigaw ay agad na nagtama ang mga tingin ni Cielo at gulat na gulat na si Dana. Gulat man, agad na napailing ang luhaang si Dana pero isang ngiti lamang ang naging ganti ni Cielo, isang totoong ngiti na matagal na niyang hindi ginagawa, isang ngiti na matagal nang hindi na nasisilayan ni Dana.


"Dito! Andito din ako! Gusto niyo ng mapapatay?! Andito ako! Habulin niyo ako!"


Laking gulat ni Cielo nang umalingawngaw naman ang isa pang sigaw na tila ba nanggagaling sa likurang direksyon nina Dana. Niliitan ni Cielo ang kanyang mga mata upang maaninag kung sino ito at laking gulat niya nang mapagtantong si Axel pala ang sumisigaw at nasa magkaiba silang direksyon ng kalsada. Hindi nag-iisa si Axel pagka't kasama niya si Mang Franco na bitbit ang kanyang malaking baril at isang bote na nagliliyab ang tuktok.


"Skunks I'm here too! Bring it on!"


Narinig ni Cielo ang boses ni Harper kaya agad siyang napalingon sa kanyang likuran at nakita niya itong tumatakbo patungo sa direksyon niya.


Dahil sa ginawa ay agad na nahati ang atensyon ng mga nilalang, karamihan sa kanila ay nakatuon ang atensyon sa direksyon nina Cielo at Harper, pagkakataon na agad sinamantala ni Wacky.


Dali-daling hinigit ni Wacky ang braso nina Church at Dana saka binangga ang mga nilalang na nakatuon ang atensyon kay Cielo at saka nagtatakbo patungo sa direksyon nina Axel at ng guwardya na siyang pinakamalapit sa kanila. Tumatakbo man, hindi parin maalis ni Dana ang tingin kay Cielo.


"Oh shit..." Napamura na lamang si Cielo nang makitang nagsisimula nang magtakbuhan patungo sa direksyon niya ang kalahati sa mga nilalang na kanina'y nakapalibot kina Dana. Ang lahat ng mga ito ay napakabilis kung tumakbo, mga tao parin sila kung kumilos, uhaw nga lang sa pagdanak ng dugo.


"Cielo! Cielo Takbo na!" Nang marinig ang napakalakas na sigaw ni Dana ay dali-daling napatakbo si Cielo patungo sa bumper ng sasakyan saka tumalon pababa. Nang makatayo ay agad na bumungad sa kanya si Harper na tumatakbo parin patungo sa direksyon niya.


"Harper Takbo!" Sigaw ni Cielo at iwinasiwas ang kanyang kamay pa-abante bilang senyas saka kumaripas ng takbo dahilan para mapatili si Harper sa takot at dali-daling mapaikot at mapatakbo pabalik sa pinanggalingan.


****


"Si Cielo!" Bulalas ni Axel nang makitang hinahabol na si Cielo ng mga ito. Tinangka niyang tumakbo patungo sa direksyon nito ngunit agad siyang hinarang ni Mang Franco gamit ang kanyang braso.


"Nababaliw ka na ba?! Paparating na sila! Yung manhole! Bilis!" Giit ni Mang Franco kaya kahit labag man sa kanyang kalooban, agad siyang napaatras at binalikan ang manhole na na nadaanan nila ilang minuto lang ang nakakaraan.


"Bilisan niyo na! Takbo! Sundan niyo si Axel!" Sigaw ni Mang Franco at agad na sinalubong ang takot na takot na sina Dana, Wacky, Church at Pip habang pinagbabaril ang mga humahabol sa kanila.


"Si Cielo! Si Cielo! Tulungan natin siya! Parang-awa niyo na tulungan natin siya!" Pagmamakaawa ng humahagulgol na si Dana habang tumatakbo.


"Dana tara na!" Giit ni Wacky habang hinihila si Dana.


"Ang bata! Protektahan niyo ang bata!" Giit ni Mang Franco kaya walang paligoy na tumango-tango si Church habang karga-karga at pilit na niyayakap ng mahigpit ang takot na takot at umiiyak paring si Pip.


Nang tuluyang makadaan sa kanya ang apat ay agad niyang tinapon sa mga nilalang ang hawak na bote dahilan para sumiklab ito't makagawa ng maliit na pagsabog, sapat para masawata ang ilan sa mga humahabol sa kanila, sapat para sumabog at magpira-piraso ang katawan nito't tumilapon sa kung saan-saan.


"Dito!" Sigaw ni Axel nang makita sina Dana at dali-daling pumasok sa manhole na nakabukas. Dali-dali namang bumaba rito si Church habang kasama sina Pip.


"Dana bilis!" Giit ni Wacky na pilit hinihila si Dana upang mauna sa kanya.


"Si Cielo! Tulungan natin si Cielo!" Pagmamakaawa ni Dana kaya paulit-ulit na tumango si Wacky.


"P-pangako, tutulungan natin siya pero bumaba muna tayo!" Giit ni Wacky kaya kahit nagdadalawang-isip ay walang ibang magawa si Dana kundi bumaba, dali-dali namang sumunod sa kanya si Wacky.


"Manong bilis! Bumaba ka na dito!" Giit ni Wacky bago tuluyang makababa ang buong katawan sa manhole.


"Mauna na kayo! Protektahan niyo ang bata! Mangako kayo!" Giit ni Mang Franco habang nililibot ang kanyang paningin na tila ba binibilang ang mga nilalang na papalapit parin sa direksyon niya.


"Pangako!" Giit ni Wacky kaya agad na napangiti ang guwardya.


"Umalis na kayo! 'Wag kayong titigil kahit na ano man ang marinig niyo! Tumakbo lang kayo ng tumakbo kung ayaw niyong mamatay!" Maotoridad na sambit ni Mang Franco sa naguguluhang si Wacky. Bago pa man makapagtanong, laking gulat ni Wacky nang bigla na lamang tinakpan at sinara ni Mang Franco ang manhole. Wala nang nagawa pa si Wacky kundi sundin na lamang ang inutos nito.


Huminga ng malalim si Mang Franco at agad na tumayo mismong tapat ng manhole. Dahan-dahan niyang nililibot ang paningin at kitang-kita niya ang unti-unting pagdami ng mga nilalang na naglalakad papalapit sa kanya. Ang ilan sa mga ito ay nagliliyab pa dahil sa bote na itinapon niya.


"Kayo lang? Magtawag pa kayo ng ibang kasama." Nakangising sambit ni Mang Franco na tila ba hinihintay ang sandaling mapapalibutan siya ng mga ito, hinihintay ang tamang pagkakataon.


"Isa... Dalawa..." Unti-unting inilabas ni Mang Franco granada mula sa bulsa.


****


Suminghap si Cielo at mas nilakihan pa ang bawat paggalaw ng paa. Hindi na siya halos makahinga kakatakbo ngunit mas binibilisan niya pa lalo't alam niyang mahigit pa sa sampu ang humahabol sa kanila.


"Cielo!" Sigaw ni Harper na mas nauunang tumakbo kay Harper.


"Cielo doon tayo sa Cathedral! Ligtas tayo doon!" Paulit-ulit na sambit ni Harper pero hindi na magawang sumagot pa ni Cielo dahil sa sobrang hingal.


"Cielo dito!" Sigaw ni Harper at agad na lumiko sa isang masikip na eskinita na napagi-gitnaan ng dalawang matataas na bahay at gusali.


Agad na sumunod si Cielo kay Harper. Gaya nito ay lumiko rin siya sa eskenita ngunit laking gulat niya nang bigla siyang may maaninag sa itaas ng kanyang paningin na tila ba bagay na gumagalaw. Nahinto siya nang biglang may malaglag sa kanyang harapan.


"Shit!" Napamura na lamang si Cielo nang mapagtantong isa palang binatilyong duguan ang ngayo'y nakatayo na sa harapan niya. Tumalon ito mula sa pader na tila ba isang hayop na nakahanda nang sunggaban ang kanyang makakain. Wakwak na ang kanyang sikmura at nakabitin pa mula rito ang kanyang bituka.


Hindi na nag-atubili pa si Cielo, dali-dali siyang umikot at nagtatakbo pabalik sa pinanggalinan. Natigil lamang siya nang bigla na lamang umalingawngaw ang isang napakalakas na pagsabog na bahagyang yumanig sa kinatatayuan niya.


"Dana?" Hindi na niya mapigilan pa ang sariling maluha muli.


****


Dahil labis nang hinihingal at nahihirapan nang huminga, unti-unting bumabagal ang pagtakbo ni Harper hanggang sa napapahawak na siya't napapasandal sa pader ng eskinitang dinadaanan.


"Cielo sandali lang..." Tuluyan siyang tumigil sa pagtakbo nang mapansin niyang tila ba napakatahimik sa likuran niya. Dahan-dahan siyang napalingon at laking gulat niya nang makitang wala na si Cielo sa kanyang likuran at mag-isa nalang pala siyang tumatakbo at lumiliko sa bawat masikip na eskinitang nadadanan.


"Bwisit! Hindi pwede 'to!" Nanggagalaiting sambit ni Harper at marahas na napakamot sa kanyang ulo.


Dala ng pagod at panlulumo ay unti-unti na lamang na napaupo si Harper sa sahig at napasandal sa pader. Paulit-ulit siyang sumisinghap at pinapahiran ang pawisang mukha gamit ang manggas ng kanyang suot na jacket. Hindi niya mapigilang maluha habang pilit na hinahabol ang hininga.


"Hindi pwede 'to..." Mangiyak-ngiyak na sambit ni Harper at napapikit na lamang habang nakatingala sa kalangitan. Paulit-ulit siyang huminga ng malalim habang nakasandal parin sa pader.


Makaraan ang ilang sandali ay bigla siyang may naramdamang kakaiba sa pisngi niya. May nararamdaman siyang pumapatak rito, isang pino at malapot na likido. Habang tumatagal ay padami ng padami ang pumapatak sa mukha niya kaya naman unti-unti niyang idinilat ang mga mata niya at dahan-dahan siyang napatingala.


Laking gulat niya nang makita ang isang lalakeng nakaupo sa tuktok ng pader, sa mismong itaas ng sinasandalan niya. Nakaupo ito at tila ba sinisilip siya. Mistula itong isang taong grasang duguan. May malaki itong sugat sa bibig at halos matuklap na ang kanyang balat sa mukha, dahilan para umagos ang kanyang dugo't-laman patungo sa direksyon ng walang kalaban-labang si Harper na hindi parin makagalaw dahil sa labis na gulat at takot.


Unti-unting napangisi ang lalake at kasabay nito ang paghugot niya sa kutsilyong nakasaksak pa sa tuhod niya. Itinaas niya ang kutsilyo at humalakhak na animo'y nanunuya, hinayaan pa niyang pumatak ang kanyang dugo sa mukha ni Harper.


Sa isang iglap ay agad na umalingawngaw ang napakalakas na tili ni Harper.


*****


Litong-lito at halos pasuray-suray si Cielo. Pagod na pagod na siya kakatakbo at hindi na niya alam kung nasaan siya o kung saan siya pupunta. Hindi niya magawang makapag-isip o makagalaw ng maayos dahil sa dami ng mga eksenang naglalaro sa isipan niya. Naghahalo na ang mga eksenang galing sa kanyang nakaraan at galing sa isang panahong hindi niya maintindihan.


Biglang naulinigan ni Cielo ang isang tili dahilan lalo siyang mapaiyak.


"Harper..." Mahina niyang sambit habang pilit na tinatakpan ang bibig niya.


Paulit-ulit siyang huminga ng malalim habang pinapasadahan ng tingin ang paligid. Wala siyang ibang nakikita kundi kadiliman, wala rin siyang ibang naririnig kundi nakakakilabot na katahimikan. Mas pinili na lamang niyang maglakad sa kawalan hanggang sa unti-unti niyang mapansin ang isang maliit na police outpost.


Dali-dali siyang nagtakbo patungo rito at nakita niyang nakakandado nito, palatandaang walang tao sa loob. Napayuko siya at sinuyod ang kinatatayuan hanggang sa mahanap ang isang malaki at magaspang na bato. Walang pag-aatubili niya itong pinaghahampas hanggang sa tuluyan niyang masira ang padlock nito at tuluyan siyang makapasok.


Gamit ang maliit na liwanag sa relo ay sinuyod niya ang buong lugar ngunit nanlumo siya nang makitang napakagulo na ng buong outpost na animo'y may sumuyod at sumira sa lahat ng mga gamit. Nakaramdam si Cielo ng hapdi sa kanyang palad at nang maitutok niya rito ang liwanag ay nakita niyang nagdurugo na pala ang kamay niya dahil batong marahas at pwersahan niyang ginamit.


"Bwisit..." Napamura man dahil sa hapdi, hindi parin maiwasan ni Cielo na mapangiti.


Dali-dali niyang hinubad ang suot na jacket kaya natira na lamang sa kanya ang kulay itim niyang t-shirt, pantaloon at kulay asul na scarf. Lumabas siya mula sa outpost at agad na inipit ang kanyang jacket sa pinto. Tila ba sabik na sabik siyang nagtungo sa dingding ng outpost at walang paligoy-ligoy na ipinahid ang duguang palad rito para maiguhit ang numerong 778.


"She's okay and she'll see this... She's okay and she'll see this." Paulit-ulit na sambit ni Cielo habang pilit na pinipigilan ang luha sa pamamagitan ng pagngiti. Mahapdi man, hindi niya ito iniinda para lamang maiguhit ang mga numero sa pader gamit ang dugo.


Nang tuluyang mabuo ang mga numero ay tuluyan na niyang hindi matagalan ang hapdi kaya napahawak na lamang siya ng mahigpit sa kanyang scarf.


Biglang nakarinig si Cielo ng mumunting ingay kaya naman dali-dali siyang napalingon ngunit laking gulat niya nang sa isang iglap ay bigla na lamang tumama sa ulo niya ang isang matigas na bagay dahilan para bumagsak siya at mapadapa sa sahig, hilong-hilo at namimilipit sa sakit.


Paulit-ulit niyang kinukurap-kurap ang mga mata sa pag-asang magiging maayos ang nagsisirko-sirko niyang paningin. Labis ang nararamdaman niyang hapdi sa kanyang ulo kaya napapakagat na lamang siya sa kanyang labi.


Biglang naramdaman ni Cielo na may lumapit at lumuhod sa harapan niya. Dahil sa hilo at dilim, hindi niya masyadong maaninag ang mukha nito. Lalo siyang nagulat nang biglang may humawak sa suot niyang scarf at hinigit ang bawat dulo nito, dahilan para labis itong humigpit.


"Hindi ako maka—" Panay ang pag-ubo ni Cielo, hindi na siya makahinga dahil sa ginagawang pagsakal sa kanya. Nadagdagan pa ang paghihirap niya nang biglang dumagan sa likod niya ang taong sumasakal sa kanya. Pilit na sumisigaw si Cielo lalo na nang mas dumidiin pa ang mukha niya sa kalsada.


Nanlilisik ang mga mata ni Cielo at nagsisimula na itong lumuha at mamula, paulit-ulit siyang sumisinghap at pilit na lumalanghap ng kakarampot na hininga. Pilit niyang winawasiwas ang kanyang kamay, hinahampas at umaasang masasaktan niya ang sumasakal sa kanya.


Sa isang iglap ay bigla na lamang narinig ni Cielo ang isang palakas na kalabog hanggang sa maramdaman ni Cielo ang biglang pag gaan ng pakiramdam niya. Wala nang dumadagan sa kanya't hindi na humihigpit ang scarf na nakapulupot sa leeg niya.


"Okay ka lang? Cielo? Cielo ikaw pa 'yan diba?"


Nahihilo man, biglang narinig ni Cielo ang isang pamilyar na boses. Hindi parin siya nakakahinga ng maayos kaya paulit-ulit siyang napapaubo habang pilit na kinukurap-kurap ang mga mata niyang animo'y bibigay na sa sobrang pagod.


Naramdaman ni Cielo na may humigit sa balikat niya hanggang sa mapa-tihaya siya. Malabo man, may nakikita siyang taong pilit na nagtatanggal ng scarf niya nang sa gayon ay makahinga siya ng maayos.


Gamit ang munting lakas na naipon, dahan-dahan niyang itinaas ang kamay kung saan nakalagay ang relo niyang umaandar parin ang maliit na ilaw. Itinutok niya ang liwanag sa direksyon ng taong tumutulong sa kanya upang makaupo at laking gulat niya nang maaninag ang mukha ni Shem—Kulay itim na ang mga mata nito at may mangitim-ngitim pa na marka sa leeg niya na tila ba ugat.


"Shit! Lumayo ka!" Sinubukan ni Cielo na sumigaw ngunit wala halos lumalabas na boses mula sa bibig niya. Agad na napabalikwas si Cielo dahilan para mabitawan siya ni Shem at muli siyang bumagsak sa sahig habang pilit na gumagapang palayo. Agad niyang pinulot ang scarf niya na nasa sahig.


"Sandali ako 'to! Ako parin 'to! Uling lang 'to pramis!" Natatarantang sambit ni Shem kaya agad na nahinto si Cielo sa pag-gapang at napasinghap na lamang ng paulit-ulit.


"Ano? Uling narin yang eyeballs mo?!" Sarkastikong bulayaw ni Cielo na pilit naghahanap ng magagamit bilang pamalo kay Shem.


"Contact lens! Con-tact-lens! Tingnan mo pa!" Pagdidiin ni Shem dahilan para mahinto si Cielo sa paggalaw. Muli, itinaas niya ang kanyang relo at itinutok ang liwanag kay Shem.


Napabuntong-hininga na lamang si Shem at dahil napipilitan, wala siyang magawa kundi tanggalin na lamang mismo ang suot na contact lens.


"Ano? Naniniwala ka na?" Iritado nitong sambit habang nakangiwi.


"Yes and thanks." Sarkastiko ngunit walang emosyong sambit ni Cielo kaya agad itong ibinalik ni Shem sa kanyang mata.


Matapos kumurap ng paulit-ulit ay napabuntong-hininga na lamang si Shem at agad na napatayo. Iniabot niya ang kanyang kamay upang matulungan si Cielo na makatayo.


"Pucha, anong nangyari diyan sa leeg mo?" Hindi maiwasan ni Shem na mapangiwi nang maaninag ang kakila-kilabot na pilat sa leeg ni Cielo.


Imbes na sumagot ay napahawak na lamang si Cielo sa kanyang leeg na sumasakit. Dahil sa natamong pananakal, sumasakit na ang leeg niya sa tuwing sinusubukan niyang magsalita.


"Noo mo, dumudugo." Sabi ni Shem kaya naman agad na ipinulupot ni Cielo ang scarf sa kanyang duguang palad at idinampi ito sa kanyang noo. Nilibot ni Cielo ang kanyang paningin at nakita niya sa hindi kalayuan ang babaeng sumakal sa kanya, nakadapa ito sa sahig at hindi gumagalaw na tila ba walang malay.


Napabuntong-hininga na lamang si Shem at agad na kinuha ang kutsilyo na nakatago sa paanan niya. Kapwa sila lumapit ni Cielo sa babaeng walang malay.


"Gusto mo ikaw nalang ang pumugot sa ulo niya?" Tanong ni Shem sabay abot ng kutsilyo pero agad siyang sinamaan ng tingin ni Cielo.


"Sabi ko nga ako nalang." Mahinang sambit ni Shem sa sarili.


Gamit ang paa ay binaliktad ni Shem ang babae nang sa gayon ay mapatihaya ito.


"Teacher Emma?" Hindi maiwasan ni Shem na manlumo nang mapagtantong ito ang guro na nakasama sa ilalim ng kalsada. Nanlulumo man, napabuntong-hininga na lamang si Shem at napatingala sa kalangitan sabay usal ng dasal.


"Shem..." Mahinang sambit ni Cielo.


"Shh, Ipagdasal muna natin ang kaluluwa niya. Mag dasal ka muna diyan." Mahinang sambit ni Shem.


"Shem..." Sambit ulit ni Cielo.


"Ano?" Iritadong sambit ni Shem habang nakatitig parin sa kalangitan.


"H-hindi siya skunk..." Nauutal na sambit ni Cielo dahilan para agad muling mapatingin si Shem sa hitsura ng guro.


Kapwa hindi makapaniwala sina Shem at Cielo habang pinagmamasdan ang leeg ng guro na walang kahit na anong bahid ng ugat o dugo man lang. Marumi man ang suot nitong damit, ang tanging sugat lamang nito ay ang nasa kanyang noo na si Shem ang may gawa matapos ang paghampas niya rito ng kahoy upang matulungan si Cielo.


"B-baka bumalik sa dati kasi napatay ko, ganun sila eh." Naguguluhang sambit ni Shem.


"Shem hindi mo naputol ang ulo o nawasak man lang ang katawan." Katwiran din ng naguguluhang si Cielo.


"Kung ganun, bakit ka naman niya sasak—" Biglang natigil sa pagsasalita si Shem dahilan para agad makunot ang noo ni Cielo. Dali-daling inilapat ni Shem ang daliri sa kanyang labi bilang senyas kay Cielo na 'wag magsasalita.


Kapwa nila pinakiramdaman ang paligid hanggang sa kapwa manlaki ang mga mata nila matapos makarinig ng mga kaluskos.


Nagsimula si Shem na maglakad, kalmado lamang ito at deretso ang tingin bagay na agad namang ginaya ni Cielo.


Habang kapwa sila naglalakad sa gitna ng madilim na daan ay naririnig nila ang mga yabag na animo'y sumusunod sa kanila. Hindi man nagpapalitan ng salita, nag-uusap naman ang dalawa sa pamamagitan ng mga senyas at tingin.


Itinuro ni Cielo ang isang kalye kaya naman kapwa sila lumiko rito ni Shem ngunit laking gulat nilang dalawa nang bigla na lamang sumulpot mula sa kawalan sina Wacky, Church at Axel.


"Patayin na yan!"


Sa sobrang bilis ng pangyayari ay kapwa walang nagawa sina Cielo at Shem nang bigla na lamang sinugod ng tatlo ang walang kalaban-labang si Shem. Dahilan para bumagsak silang tatlo sa sahig.


"Cielo come on!" Laking gulat ni Cielo nang bigla na lamang sumulpot si Dana mula sa likuran niya kasama si Pip. Natatarantang hinigit ni Dana si Cielo kaya naman dali-daling umiling-iling si Cielo at pinilit na manatili sa kinatatayuan.


"D-di siya skunk! Hindi siya skunk!" Paulit-ulit na sambit ni Cielo gamit ang kanyang boses na namamaos. Gustuhin man niyang yakapin si Dana dahil sa tuwa, hindi niya magawa dahil sa ginagawa ng tatlo kay Shem.


"Hindi ako skunk! Uling lang to! Uling lang 'to!" Sigaw naman ni Shem habang pilit na tinatakpan ang ulo niya bilang proteksyon mula sa bawat suntok at tadyak ng tatlo.


Dahil sa pagpupumiglas ni Cielo ay nabitawan siya ni Dana. Dali-daling nagtatakbo si Cielo at nakisali sa rambulan ng tatlo upang matulungan si Shem.


"Hindi siya skunk! Tao yan! Tao yan!" Paulit-ulit na sambit ni Cielo habang hinaharang ang tatlo kaya naman wala silang magawa kundi tumigil.


"Sinabi nang uling lang 'to!" Pagmamaktol ni Shem habang inaalalayan siyang tumayo ni Cielo.


"Astig, effective talaga, mukha ka talagang skunk." Manghang sambit ni Churchill habang pinagmamasdan ang ugat sa leeg ni Shem.


"P-pre, pasensya na." Sabi naman agad ni Wacky sabay tapik sa balikat ni Shem.


"Oh my God, I can't believe I'd say this but I'm glad to see you again." Bulalas ng mangiyak-ngiyak na si Dana at agad na niyakap si Shem ng mahigpit.


"Asan si Raze?" Tanong ni Shem saka niyakap si Dana pabalik.


"W-we don't know..." Mahinang sambit ni Dana at agad na bumitaw kay Shem. Napalingon si Dana kay Cielo at napansin niya ang biglang pag-rehistro ng lungkot sa mukha nito matapos mabanggit si Raze.


"Sa susunod 'wag kang gagawa ng wala sa plano." Laking gulat ni Cielo nang bigla na lamang siyang nilapitan ni Axel at niyakap ng mahigpit. Naguguluhan man, tinapik na lamang ni Cielo ang likod nito.


Nilibot ni Dana ang kanyang paningin na tila ba may hinahanap. Hindi niya maiwasang maguluhan nang mapagtantong kulang sila. Napansin naman agad ni Cielo ang ikinilos ni Dana kaya napabitaw siya mula kay Axel.


"Cielo... Cielo where's Harper?" Hindi na napigilan pa ni Dana ang pagpatak ng luha niya.


END OF CHAPTER 12.

THANKS FOR READING!

VOTE AND COMMENT <3



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro