V : Something's wrong
CHAPTER V:
SOMETHING'S WRONG
DANA'S POV
"Dana, wait for me in the car. May pag-uusapan lang kami ng Dean." Sabi ni Mommy kaya dala ang mga gamit ko ay lumabas na ako ng clinic kung saan buong araw akong namalagi matapos mawalan ng malay.
Mag-aalas syete na ng gabi. Nagsisimula na namang lumakas ang ulan at napakalamig ng simoy ng hangin kaya karamihan sa mga estudyante ay nasa kani-kanilang mga classroom at kung saan-saang masisilungan. Namamayani ang ingay ng lagapak ng ulan at para sa akin ay mas mabuti ito. Hanggang ngayon hindi ko parin maintindihan ang mga nangyari kanina, hanggang ngayon ay natatakot parin akong marinig ulit ang boses niya.
Sobra akong nilalamig kaya naman habang naglalakad ako sa tahimik na hallway ay niyakap ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pag-ekis ng mga braso ko. Oo nga at nakasuot ako ng makapal na trench coat pero hindi parin ito sapat para maibsan ang matinding lamig na nararamdaman ko.
"Pssst!"
Natigil ako sa paglalakad nang may marinig akong sumutsot. Sa isang iglap biglang nagsitayuan ang balahibo ko't otomatiko akong napapikit.
It's Cielo... I should be scared... It's Cielo and I shouldn't be scared... She's pissed... She's just pissed... She's haunting me but she won't hurt me... She'll never hurt me...
"Dana, alam mo bang lumipat na dito si Wacky?!"
Agad akong napadilat nang marinig ko ang galit na boses ni Churchill kaya naman agad akong napalingon sa likuran ko at nakita si Church na mabilis na bumababa sa hagdan at mukhang inis na inis. Para akong nakahinga ng maluwag nang mapagtanto kong si Church pala ang sumusutsot sa akin.
"Lecheng kulugong 'yon, akala ko namamalikmata lang ako nang makita ko siya sa cafeteria kanina. Biruin mo yon?! Di man lang sinabi sa akin na lumipat na siya dito sa Drayton at dito pa siya nag-aaral!" Paghihimutok ni Churchill kaya ngumiti na lamang ako ng tipid.
"Teka ikaw rin?" Aniya sabay turo sa mukha ko kaya hindi ko napigilang maguluhan.
"Anong ako rin?" Tanong ko na lamang.
"Pasok ka na sa eyebag squad! May pinaggagawa ba kayong hindi ko alam? Ba't ikaw, si Wacky, Axel, Church at Shem may mga eyebags at mukhang puyat lagi?!" Reklamo niya na para bang may pagtatampo pa sa kanyang boses. If I'm not upset with the Cielo situation right now, I would sure as heck sucker punch this idiot for being such an idiot.
"Go back to your class Churchill." Sabi ko na lamang sabay tapik ng balikat niya't nagsimulang maglakad patungo sa parking lot.
****
THIRD PERSON'S POV
"Churchill nakita mo ba si Dana today?" Pambungad na tanong ng dalagang si Mira sa pagpasok pa lamang ni Churchill sa library.
"Kagabi ko siya huling nakita, nagmukha na siyang adik." Sabi naman ni Churchill habang inire-rehistro ang kanyang pangalan sa log book ng library. Isasara na niya sana ito pero nagtaka siya nang makita ang isang pamilyar na pangalan.
Waldo Kembirli Hartman
Otomatikong napangiwi si Churchill, "Kita mo 'tong bobong 'to. Ultimo pangalan niya, hindi niya ma-spell ng tama."
"Sino?" Naguguluhang tanong ni Mira saka tinanggal ang headphones niya't binasa ang nakalagay sa log-book.
"Namatay ka ng maaga, di kayo nagkakilala." Sabi pa ni Churchill kaya si Mira naman ang napangiwi at isinuot na lamang ulit ang kanyang headphones at bumalik sa dating kinauupuan.
"Pero teka? Hindi naman ginagamit ni Wacky ang kompleto niyang pangalan sa mga ganitong bagay ah?" Naguguluhang sambit ni Churchill at napakamot na lamang sa buhok niyang magulo at may kulay na pinaghalo-halong blonde at bronze.
Nilibot ni Churchill ang kanyang paningin at nagpalakad-lakad sa library hanggang sa makarating siya sa pinakadulong bahagi. Nakatayo man at nakatalikod mula sa kanya, agad na nakilala ni Churchill ang matalik na kaibigang halos itinuring niya na ring kapatid.
Hindi maiwasan ni Church na lalong mas maguluhan lalo pa't nakikita niyang nakasandal si Wacky sa isang maliit na mesa at animo'y taimtim na nagbabasa.
"Waldo nakakapagbasa ka pala?" Hindi na napigilan pa ni Churchill na bumulalas ng biro. Ngunit kahit nagbibiro man, hindi parin maialis ni Churchill sa sarili ang manibago sa kinikilos nito.
Dahan-dahang lumingon si Wacky sa direksyon ni Churchill. Unti-unting napawi ang ngiti sa mukha ni Churchill nang makita ang hilaw na ngisi sa pagmumukha ni Wacky at ang ubod ng lalim nitong mga mata na animo'y tanda ng ilang araw na nitong hindi pagtulog.
Napatingin si Churchill sa kanyang gawing kanan at upang maibsan ang ilang sa pagitan nila, dali-dali niyang kinuha ang makapal na diksyonaryo't inilapag ito mesang nasa harapan ni Wacky. Nagtataka man si Churchill nang makitang isa palang yearbook ang pinagtutuunan ni Wacky ng pansin, mas pinili ni Churchill na bumalik sa kaninang kinatatayuan, ilang hakbang ang layo mula kay Wacky.
"English Dictionary nang tumalino ka ng konti." Pagbibiro na lamang ulit ni Churchill dahilan para muling humarap si Wacky sa mesa. Walang ano-ano'y sinimulan ni Wacky ang pagbubuklat sa malaki at makapal na diksyunaryo sabay kagat ng ballpen na kanina'y nakalapag lamang sa mesa.
"Gago lang?" Bulong ni Churchill dahil sa kakaibang kinikilos nito.
"N-nga pala, sabi ni mama dumalaw ka raw sa bahay. Doon ka raw mag-dinner mamaya—" Natigil si Churchill sa pagsasalita nang mapansing may sinusulat na si Wacky sa diksyonaryo, animo'y balisa ito dahil sa sobrang bilis ng galaw ng mga kamay.
"Wacky ano bang nangyayari sa'yo?" Hindi na naitago pa ni Churchill ang pag-aalala ngunit laking gulat niya nang bigla na lamang tumigil si Wacky sa pagsusulat at buong lakas na binato ang ballpen sa dingding.
Sa isang iglap ay nagsimula sa pagkislap ang mga ilaw na para bang nag-aagaw ang liwanag at kadiliman sa paligid. Nanlaki ang mga mata ni Churchill at nagsimula siyang umatras lalo na nang makitang diretso lamang ang tingin ni Wacky sa kawalan at animo'y wala nang kaemo-emosyon.
Biglang umalingawngaw ang school bell at sa isang iglap ay pumirmi ulit ang mga ilaw ngunit sa kabila nito ay hindi parin maitago ni Church ang takot at kalituhan habang nakatitig sa direksyon ng kaibigan.
"Biology 101 na!" Masiglang sambit ni Wacky na lalo pang ikinakunot ng noo ni Churchill.
Muling lumingon si Wacky sa direksyon ni Churchill na may kakaibang ngisi sa kanyang mukha. Iniwan niya ang mesa at nagsimulang maglakad palayo. Dinaanan lamang niya si Churchill na nanatiling nakapako sa kinatatayuan dahil sa gulat at lito.
Makaraan ang ilang sandali matapos umalis si Wacky ay tila ba wala sa sariling naglakad si Churchill patungo sa mesa kung saan nakapatong parin ang mga ginamit ni Wacky.
Napatitig si Churchill sa pahina ng diksyunaryong nanatiling bukas. Pinagmasdan niya ito hanggang sa makita niya ang isang markang gawa ni Wacky gamit ang ballpen na kulay pula. Minarkahan ni Wacky ng kulay bilog ang salitang "Help"
Lubos ang ginawang pagdiin ni Wacky habang gumuguhit na halos mapunit na ang papel, bakas ang rahas sa kanyang pagguhit na animo'y matindi ang pagmamadali nito.
Naguguluhan man, kinuha ni Churchill ang elementary yearbook sa ilalim ng diksyunaryo. Naiwan ring nakabuklat ang yearbook kaya nalaman ni Churchill kung kaninong impormasyon ang kaninang binabasa ni Wacky—Kay Dana.
Pinagmasdan ni Churchill ang buong pahinang patungkol kay Dana at nakita niya ang litrato ng dalaga noong bata pa kasama si Cielo at ang iba pa. Makaraan ang ilang sandali ay muli niyang ibinalik ang paningin sa diksyunaryo, sa mismong salitang binilugan ni Wacky.
END OF CHAPTER 5!
THANKS FOR READING!
VOTE AND COMMENT <3
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro