Chapter 4
Taong 2019
Napalabi akong nakatingin sa labas at pinagmamasdan ang bawat paghampas ng malakas na hangin sa mga matatayog at malalaking puno na nakapalibot sa kinaroroonan ko. Wala sa sarili akong napabuntong hininga at niyakap ang sarili kong mga braso, dalawang araw na mula noong muli akong dinalaw ni Papa. Ano kayang nangyari sa kaniya?
Tumayo ako at inayos ang mga kalat, pinulot ko ang mga ginamit ko sa pagpipinta. Baka sakaling maisipan ni Papa na dalawin ako ngayon, mabuti nang nakapaglinis na. Bumubuga pa naman ng apoy si Papa sa ilong kapag nagagalit. Napangiti ako sa naisip.
Pinulot ko ang aking pangguhit na si Papa mismo ang bumili nito sa bayan. Paint brush daw ang tawag dito sabi ni Papa. Ang pagpipinta ang tanging naging libangan ko, pinagbabawalan kasi ako ni Papa na lumabas.
"Meow."
Sumilay ang ngiti sa labi ko nang magpapansin na naman si Mingming. Lumapit ito sa akin at paulit-ulit na ikiniskis ang ulo sa binti ko. Hinaplos ko ang kulay puti nitong ulo na may kaunting kulay itim sa tuktok ng ulo nito.
"Gutom ka na?" tanong ko sa pusa na tumabi ng upo sa akin. Patuloy ito sa pag-ingay. "Gutom ka na talaga siguro pero ubos na ang binigay ni Papa. Hintayin na lang natin siya ha?" Patuloy ako sa paghaplos sa ulo ng pusa at marahang minasahe iyon na nagustuhan naman ng alaga ko.
Maganda ang kulay at balahibo nito, iyong kahit titingnan mo lang ang pusa ay madadala ka sa mga titig nito. No'ng una ko pa nga lang kita kay Mingming, agad akong naantig sa mga kulay asul nitong mata.
Tumayo ako at lumapit sa bintana. Malapit nang magpaalam ang sikat ng araw subalit hindi pa rin ako dinadalaw ni Papa. Napalabi ako at humiling na sana walang masamang nangyari sa kaniya. Muli akong napabuntong-hininga.
Dumungaw ako sa ibaba upang masilayan muli ang kulay berde na mga halaman at ang iba't ibang uri ng mga bulaklak na minsan nang naiguhit ko. Sila mismo ang naging bida sa bawat nagawa kong mga obra.
Ano kaya ang pakiramdam kapag nahawakan ko iyon? Ano kaya ang halimuyak na hatid ng mga bulaklak kapag inamoy ko? Ang daming tanong na tumatakbo sa utak ko, mga tanong na hindi ko kailanman mahahanap ang sagot.
Naiiyak pa rin ako tuwing naaalala ang minsang pagtanong ko kay Papa tungkol sa mga bulaklak. Nagtanong lang naman ako sa mga uri niyon pero hindi lang galit ang natamo ko galing sa kaniya kun'di nadamay pa ang mga ginuhit ko.
Sinira niya ang lahat ng mga ipininta ko, sinira niya ang kaligayahan ko.
Ano bang masama sa pagtatanong? Ano bang mayroon sa mga bulaklak at galit na galit si Papa? Kailangan ba talagang sirain ang mga ipininta ko kapag galit siya? Pinaghirapan ko ang lahat ng iyon.
Ang mga pinaghirapan ko ay basta na lang niya sinira.
Huminga ako ng malalim at ipinikit ang mga mata. Nasasaktan pa rin ako sa ginawa ni Papa ngunit wala na kong magagawa pa, hindi na maibabalik ang mga sinira niya.
Narinig ko ang pag-iingay ni Mingming at ang paglalaro niya sa mahaba kong buhok. Mula nang magkaisip ako ay hindi ko naalalang pinutulan itong buhok ko, kahit kunting putol ay hindi naputolan ito. At hindi ko rin maintindihan kung bakit ang bilis nitong humaba.
Nag-ingay muli ang alaga kong pusa, tumigil na ito sa paglalaro sa aking buhok ngunit wala na ito sa puwesto nito kanina. Nag-iingay ito sa tabi ng kahon na pinaglagyan ko ng mga gamit sa pagpipinta.
Humikab muna ako pagkatapos ay tumunog ang aking tiyan. Kailan ba pupunta si Papa? Ubos na ang pagkain na iniwan niya noong nakaraan. Pagkatapos kong pagpagan ang aking damit ay tumayo na ako upang lapitan si Mingming.
Patuloy ito sa pagngiyaw kahit malapit na ako sa kaniya. Para itong may hinahanap dahil may sinusundan itong amoy.
"Mingming? Gutom ka na rin ba? Hintay lang tayo kay Papa darating din iyon. Baka marami siyang dala kaya natagalan."
Hindi pa rin tumigil si Mingming kaya hinawakan ko siya, nang akmang bubuhatin ko na sana ay may nalaglag na isang paint brush. Kinuha ko iyon, ito marahil ang inaamoy ng pusa ko.
"Saan ito galing? Isa lang naman ang paint brush ko, ah?" tanong ko sa sarili at ngumiti. "Ito talaga si Papa, mahilig sa sorpresa. Regalo niya siguro ito sa kaarawan ko."
Tumayo ako at kinarga si Mingming. "Ang bait talaga ni Papa, Mingming. Hindi niya nakalimutan ang kaarawan ko, may regalo siya sa akin," pagkausap ko sa alaga ko. "Ngunit, bakit bulaklak ang disenyo nito? Akala ko ba, ayaw ni Papa sa bulaklak?" tanong ko.
"Ang ganda ng bulaklak, kulay puti na may hugis puso sa gitna," saad ko habang nakatingin sa paint brush. "Parang hindi ko pa ito naguhit, ah."
Umayos ako ng upo sa matigas kong higaan at inilapag sa kandungan ang alaga kong pusa na agad namang natulog. Sa paint brush pa rin ako nakatingin, nagdadalawang-isip na tuloy ako kung si Papa ba talaga ang nagbigay nito.
"Pero kung hindi si Papa, sino? Wala naman akong ibang kilala. Si Papa lang naman ang lagi kong nakakausap."
"Meow."
Napangiti ako nang biglang umingay ang pusa ko. "At s'yempre, si Mingming din pala, makakalimutan ba kita?"
"Ariyah? Let down your hair." Boses iyon ni Papa kaya nagpatayo ako bigla ngunit agad akong napasigaw dahil kumapit si Mingming sa suot kong damit.
Muntik nang nasira ang damit ko, ito pa naman ang pinakapaborito kong damit. Hinawakan ko si Mingming at inilapag sa sahig ngunit bago ko pa mailapag ang alaga ko ay tumawag muli si Papa kaya taranta akong inilapag ang pusa.
Nagmamadali akong lumapit sa bintana, nandito na si Papa, dinalaw niya muli ako.
Sa loob ng labing-walong taon ay itong tore ang naging tirahan ko. Kailanman ay hindi ko naranasan ang buhay sa labas ng tore, hindi ko alam kung anong pakiramdam kapag nasa labas ka naninirahan.
Namuhay ako na puno ng takot sa puso, takot akong makilala ng ibang tao.
Iyon kasi ang palaging sinasabi sa akin ni Papa, masasama raw ang mga tao sa labas kaya itinago niya ako sa tore na ito. Sa bansang Pilipinas daw, laganap ang krimen at takot si Papa na madamay ako.
Ilang segundo lang ang nagdaan, hila-hila ko na paitaas ang buhok ko upang makapasok si Papa. Sa sobrang haba nitong buhok ko ay ito ang ginagamit ni Papa na paraan upang makaakyat siya ng mabilis sa tore.
Sinasakyan ni Papa ang buhok ko mula sa baba ng tore kaya kailangan kong ibaba ang buhok ko at hihilahin ko ito pabalik sa itaas ng tore kapag nakasakay na si Papa. Ang buhok ko ang nagsilbing daan upang makaakyat si Papa.
Pakiramdam ko, maraming dala si Papa ngayon. Sigurado naman ako na hindi niya nakalimutan ang kaarawan ko. Paulit-ulit kong pinaalala sa kaniya ang tungkol sa kaarawan ko noong huling bisita niya.
Agad kong niyakap si Papa nang makapasok na siya sa tore, dalawang araw ko pa lang siyang hindi nakita pero parang ang tagal na.
Sumalubong naman si Mingming na palaging galit kapag binibisita ako ni Papa, minsan kinakalmot pa niya si Papa sa mukha kapag tulog ito. Nasusugatan tuloy si Papa.
"Itapon mo nga iyang pusa mo! Diba sabi ko, bawal ang pusa rito kapag nandito ako!" singhal ni Papa sa akin.
"Pero, Papa. Mabait naman si Mingming eh."
"Kinagat niya ako noong nakaraan, paano naging mabait iyan?" tanong ni Papa at inilapag ang dala nitong sisidlan sa mesa. "Ilayo mo ang pusa, Ariyah!"
Kinarga ko si Mingming at lumayo kami kay Papa. Palagi na lang ganito, palagi na lang galit si Papa sa alaga ko. Nang inilapag ko si Mingming sa higaan nito ay tumakbo ito nang mabilis kaya hindi ko siya nahabol. Kinagat nito si Papa sa binti kaya napahawak ako sa aking bibig.
Mabilis ang mga pangyayari. Wala akong nagawa.
"Mingming! Huwag mong kagatin si Papa Teodoro!" sigaw ko pero huli na ang lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro