Chapter 3
Taong 2004
Tinitingnan ko lamang si Ama habang nakaupo siya malapit sa isang puntod, puntod daw iyon ng aking Ina. Paano kaya napasok sa puntod na iyan ang aking Ina? Bakit hindi ko siya nakita?
Nagtataka lang ako dahil wala akong maalala na nakita o nakasama ko si Ina, siguro matagal na siyang nasa puntod na iyan at hindi na lumabas.
Hinubad ko ang suot kong sapin sa paa at ginawang upuan iyon at tumabi ako ng upo sa aking Ama. Tinitigan ko ang nakasulat sa puntod at pinilit ko na binasa pero hindi ko pa rin kayang basahin.
Tinuro ko ang mga letra at nagtanong, "Ama, paano po basahin 'to?"
"Rosette Ann Fortez," sagot ng aking Ama at suminghot. Umiiyak si Ama? Bakit?
"Pangalan ni Ina?" tanong kong muli at tumango naman si Ama bilang pagsang-ayon.
"Isang taon ng patay ang Ina mo, Ariyah. Panahon na rin upang putulin na ang iyong buhok," saad nito at tumayo si Ama. Wala sa sarili akong napahawak sa hanggang baywang kong kulay gintong buhok.
Gulat akong napatingin sa kaniya habang binubuksan ni Ama ang dala nitong sisidlan na kulay pula at may kinuhang gunting upang pamputol sa aking buhok.
"Putol po? Buhok ko?" gulat kong tanong. Bakit puputulin ang buhok ko?
Nais kong tumayo pero pinigilan ako ni Ama. Agad nitong nahawakan ang aking pulsuhan at giniya akong umupo muli. Wala akong nagawa kunʼdi sundin ang utos nito.
Muli akong napatingin sa puntod nang ilapag ni Ama ang kumikinang na gunting doon. Kumikinang talaga iyon na para bang gawa sa ginto.
Pinagmasdan ko iyong maigi, parang gumagalaw ang kinang sa gunting at nagpapalit iyon ng kulay—ginto at puti. Nang balak ko sana iyong hawakan ay tinabig ni Ama ang aking kamay.
"Kahit anong mangyari, huwag na huwag mong hahawakan ang bagay na iyan, Ariyah," matigas na paalala ni Ama sa akin. Nang akin siyang tiningnan, seryoso itong nagmamasid sa gunting.
"Bakit, Ama?" tanong ko.
"Sagradong bagay, Ariyah. Bigay sa akin iyan ni Diwata Phia."
"Diwata Phia? Ang diwata sa kabilang bundok?" gulat kong tanong.
"Kilala mo?" tanong ni Ama at tumingin sa akin. Tumango ako bilang pagsang-ayon. "Paano?" dagdag nito.
"Naikuwento sa akin ni Ninong Teodoro. Sabi ni Ninong, si Diwata Phia ang may pinakamagandang boses sa lahat. Totoo po ba iyon, Ama?"
Napalabi ako nang tumayo si Ama at tiningnan ako gamit ang nakakapanindig-balahibo nitong titig. Ganito kung tumingin si Ama kapag may bagay at utos akong hindi sinusunod.
"Hindi pa panahon na makilala mo ang Diwata, Ariyah. Kaya inuutusan kitang kalimutan mo ang lahat sa kaniya!" pasigaw nitong saad na nagpasalubong sa aking mga kilay.
"Paanong hindi pa panahon, Ama? Hindi kita maintindihan."
"Hindi mo pa talaga maiintindihan kaya sundin mo na lang ang mga sinabi ko."
Napalabi ako sabay sabi, "Pero, Ama, nais ko pong makilala si Diwata Phia kasi ang sabi sa akin ni Ninong, si Diwata Phia raw ang nagtulong—"
Hindi ko natapos ang mga sasabihin ko dahil biglang nagmura si Ama at nag-aapoy sa galit ang kaniyang mga mata.
"Mapapatay ko ang Ninong mo!" sigaw muli nito na nagpakaba sa akin.
Papatayin niya si Ninong? Kailan pa naging mamamatay tao ang aking Ama? Tumayo ako at pinulot ang aking mga sapin sa paa at nagwika, "Huwag mong patayin ang Ninong ko."
Humikbi ako at nagmakaawa kay Ama. Bakit nito sinabi na papatayin niya ang nag-iisang Ninong ko? Dahil ba sa nagkuwento si Ninong tungkol kay Diwata Phia? Ano bang mayroon sa diwatang iyan?
Napatigil ako nang biglang lumiwanag ang paligid. Nagkaroon ng mabangong amoy na nagpatigil sa paghikbi ko. Napatingala ako sa langit nang may nahulog sa ulo ko na isang puting bulaklak. Pinalibot ko ang aking paningin ngunit wala akong makitang puno na maaring pinagmulan ng bulaklak.
Kinuha ko iyon at inamoy, isang bulaklak na kulay puti, may guhit iyon na hugis puso na nakapalibot sa bulaklak. Agad ko iyong nabitawan nang bigla iyong umilaw at nabura ang hugis puso nitong marka.
Si Ama ang aking tiningnan dahil nais kong magtanong ngunit kinuha na ni Ama gunting na pinalabas nito kanina. Nawala na ang ilaw sa gunting ngunit ang ipinagtataka ko dahil ang hugis puso na nasa bulaklak na hawak ko kanina ay lumipat sa gunting na hawak ngayon ni Ama.
"Panahon na Ariyah upang putulin ang buhok mo," saad nito sa akin habang nanginginig ang kamay nito.
Patuloy pa rin ang liwanag sa paligid at pinapalibutan din kami ng maliliit na puting bulaklak ngunit hindi ito nahuhulog sa lupa. Bakit ang daming kababalaghan na nangyayari?
"Ngunit, Ama—" kinakabahan kong sabi. "Bakit kailangang putulin ang buhok ko? Anong nangyayari? Bakit—"
"Iyon ang utos ni Diwata Phia, kapag tumuntong ang araw ng kaarawan mo na siya ring araw ng kamatayan ng iyong Ina ay dapat putulin ang iyong buhok—"
"Pero bakit po?" pagputol ko sa sinasabi ni Ama, hindi ako papayag na putulin niya ang aking buhok.
"Upang maputol din ang sum—"
Ngunit hindi natapos ni Ama ang sasabihin nang makarinig kami ng sunod-sunod na putok galing sa isang baril. Nakita ko na lamang ang sarili ko na sumisigaw nang makita kong dumaloy ang dugo galing sa tiyan ni Ama at sinundan pa ng isa pang nakakasindak na putok na tumama sa dibdib ng aking Ama.
"Hindi!" sigaw ko.
Nasundan ko ang mga pangyayari, mula sa mga putok, pagdaloy ng dugo, pagsigaw ni Ama sa pangalan ko hanggang sa pagbagsak nito.
Nanlabo ang aking paningin dulot sa mga luha na balak lumabas. Pinilit kong sumigaw ngunit walang lumabas na boses sa aking bibig. Mabigat ang aking mga hakbang habang tumatakbo sa aking isipan ang tanong, sino ang gumawa nito?
"Ama!" pagtawag ko sa kaniya at hinwakan ang kamay ng aking Ama.
Ang hawak na gunting ni Ama ay biglang naglaho nang hawakan ko iyon at naging itim na usok na lumipad patungo sa aking likuran. Sinundan ko ng tingin ang usok na para bang may nais ipahiwatig sa akin.
Nakita ko ang hugis ng baril na hawak ng isang tao, tumingin ako sa itas upang makita ang mukha niya. Nanlaki ang aking mga mata sabay sa aking pagbigkas sa pangalan niya.
Siya ang pumatay sa aking Ama? Siya ang pumatay sa hari ng España? Pero bakit? Bakit niya nagawa ito?
"Bakit mo nagawa ito, Ni—"
Bumalot ang lamig sa aking katawan at nawalan ako ng malay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro