Chapter 19
Tila bulkan na nag-aalboroto ang puso ko. Masakit tingnan ang dugo na dumaloy sa kamay ko matapos hawakan ang likod ni Arbie.
Akala ko iniwan niya ko. Akala ko hindi na niya kayang tuparin ang pangako niya. Pero bakit siya nandito? Bakit niya binuwis ang buhay niya para sa'kin? Bakit niya sinalo ang bala na sa akin dapat tatama?
Bakit mo ginawa iyon, Arbie? Bakit mo binuwis ang buhay mo para sa'kin? Bakit mo hinayaang masaktan at maghirap ka na naman dahil sa halimaw na tulad ko? Bakit?
Nag-init ang mata ko kasabay ng paglabo. Pumikit ako at dinamdam lahat ng mga masasakit na nangyari sa buhay ko.
Ano bang kasalanan ko at naging ganito ang buhay ko? Ano bang ginawa kong mali? Ano bang kasalanan ko at pati mahal ko ay naghihirap dahil sa'kin? Naging mabait naman ako eh, naging masunurin naman ako pero bakit ganito? Bakit kailangan kong masaktan?
Sumigaw ako kasabay nang pag-iyak. Wala akong pakialam kung sino man ang makarinig ng sigaw ko. Ang alam ko lang, ang sakit-sakit na, hindi ko na kaya.
Ilang tao pa ang mawawalan ng hininga sa harap ko? Ilang tao pa ba ang masasaktan dahil sa'kin? Ilang beses pa ba dapat akong makaramdam ng ganito? Tama na! Ayoko na! Sawang-sawa na 'ko! Sawa na kong masaktan! Sawa na ko, paulit-ulit na lang!
Dumilat ako pagkatapos kong isigaw lahat ng hinanakit ko sa buhay. Ngunit pagdilat ko ay sumalubong sa akin ang liwanag na palagi kong nakikita tuwing kailangan ko ng tulong. Tuwing nasasaktan at kinakabahan ako o tuwing masaya ako.
Pagkatapos ng aking sigaw ay pumalit sa akin ang pinsan ko. Sigaw naman niya ang bumalot sa kaharian.
Anong nangyari?
Hinawakan ko nang mahigpit si Arbie nang bigla akong nawalan ng balanse. Masiyado siyang mabigat.
Nang mawala ang liwanag ay tiningnan ko ang pinsan ko. Laking gulat ko nang makita ang rason ng pagsigaw niya. Kaya pala ang lakas niyang sumigaw kanina.
Nakatusok sa kaniyang dibdib ang paintbrush na binigay sa akin ni Diwata Jenny! Paano nangyari iyon? Imposible!
At ilang segundo lang ang lumipas ay naging abo siya at naiwan ang paintbrush sa sahig.
Hindi ko na alam kung anong dapat kong maramdaman. Dapat ba kong matuwa dahil sa wakas ay nawala na ang lalaking umagaw sa mundo ko o dapat akong maging malungkot dahil napatay ko siya.
Masama ba ko?
Tama ba itong ginawa ko?
Tama bang ako mismo ang kumitil sa buhay niya? Parang ginaya ko lang ang nais niyang gawin sa buhay ko eh. Ako mismo ang pumatay sa kaniya dahil sa kapangyarihan ko.
Kapangyarihan ba talaga ito o isa itong sumpa?
Pinilit kong maging matatag. Ito ang tadhana ko. Tadhana kong alagaan at bawiin ang kaharian na tinaguyod ng aking mga magulang. Kailangan kong maging matatag.
Muli kong sinulyapan si Arbie na patuloy pa rin ang pag-agos ng kaniyang dugo. Hinawakan ko ang aking buhok at inilapat iyon sa kaniyang sugat nang biglang lumitaw si Diwata Jenny sa harap ko.
Malungkot ang mga mata niya habang nakatitig sa mukha ko. "Sigurado ka na bang gagamutin mo siya?" tanong niya sa'kin habang namumuo ang luha sa mga mata.
Tumango ako. Walang pag-aalinlangan ko itong gagawin.
"Natatandaan mo naman siguro ang bilin ko, diba? Isang beses mo lang maaaring gamutin ang isang tao, Ariyah. Kapag muli mo siyang gagamutin ay tuluyang mawawala ang kapangyarihan mo."
"Alam ko, Diwata."
"Sigurado ka na ba talaga? Kaya mo bang mawalan ng kapangyarihan dahil sa kaniya? Kaya mo ba talaga, Ariyah?"
"Alam mo ba kung ano ang hindi ko kaya, Diwata Jenny? Hindi ko kayang tingnan lang siya na nag-aagaw buhay habang may magagawa pa naman ako. Hindi ko kayang tingnan lang siya ng ganiyan habang kaya ko pa naman siyang gamutin. Hindi ko kayang walang gawin samantalang kung hindi dahil sa'kin ay wala siya sa ganitong sitwasiyon. Ako ang may kasalanan sa lahat ng ito. Naiintindihan mo ba ako?"
Huminga ako nang malalim at tiningnan si Arbie.
"Para saan pa ang kapangyarihan ko kung mawawala si Arbie sa tabi ko? Siya ang buhay ko, Diwata. Sa kaniya ako naging masaya, siya ang bumuo sa pagkatao ko. Anong silbi ng kapangyarihan ko kung hindi ko gagamitin sa kaniya upang mabuhay siya? Nakamit ko na ang kapayapaan na minimithi ko, nakuha ko na lahat ng hinihiling ko. Kaya hindi ko na kailangan ang kapangyarihang ito."
Totoo naman, eh. Si Arbie ang hinahanap kong kapayapaan noon pa man. Siya ang nagpabuka sa nakapikit kong mga mata. Sa kaniya ko unang naramdaman ang totoong kasiyahan. Sa kaniya ako lubusang sumaya.
"At kung hindi dahil sa kaniya, hindi ko magagawang labanan ang lahat ng ito, Diwata. Palagay ko'y mahal ko na rin siya."
Nilingon ko ang Diwata at nagpatuloy. "Hayaan niyo po akong gamutin ang lalaking nagpasaya sa mundo ko. Hayaan niyo po akong gamitin ang kapangyarihan ko upang iligtas ang lalaking bumuo sa nawawalang parte ng buhay ko. Hayaan niyo po ako sa balak kong gawin para sa lalaking mahal ko. Nagmamakaawa po ako, Diwata."
Sabay-sabay ang pag-agos ng luha ko. Ang sakit-sakit sa dibdib ko. Parang hindi ko kayang tingnan na lang ang lalaking mahal ko na nag-aagaw buhay.
"Isa ka ngang Fortez. Gawin mo kung anong nais mo, Ariyah."
Ginawa niya lahat para sa akin. Nakaya niyang ibuwis ang buhay niya upang makuha ko ang hinahangad ko. Para saan pa ang kapangyarihan ko kung hindi ko siya gagamutin?
Kung nakaya niyang magbuwis, kaya ko ring mawala ang kapangyarihan ko upang mabuhay lang siya. Kaya kong maging isang normal alang-alang sa kaniya.
Pumikit ako at inilapat ang buhok ko sa kaniyang sugat. Hinintay kong maramdaman ang init bago humiling. Ramdam ko ang panghihina habang hinihiling kong gumaling siya.
Kaya ko 'to, ayokong mawala siya sa buhay ko.
Muling nagkaroon ng liwanag at may mga nalaglag. Kung gaano ako kalakas kanina ay siya namang panghihina ng katawan ko. Habang binabanggit ang kahilingan ko ay nawawala ang aking lakas.
Ilang minuto ang lumipas ay nagdilat ako. Nagkalat ang mga bulaklak sa lapag. Wala na si Diwata Jenny na katabi ko lang kanina.
Binalik ko kay Arbie ang aking atensiyon.
"Naging itim ang aking buhok?" gulat kong tanong sa aking sarili kasabay ng pagdilat ni Arbie.
"Ariyah, ikaw ba 'yan?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro